Tanong
◼ Sino ang maaaring gamitin sa pagbasa ng mga parapo sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat at sa Pag-aaral ng Bantayan?
Ang bautisadong mga kapatid na lalaki ang ginagamit kapag mayroon. Ang mga ito ay pinili mula sa may kakayahang matatanda, mga ministeryal na lingkod, at iba pang bautisadong mga kapatid na lalaki sa kongregasyon. Ang mga inatasan ay dapat na nakababasa nang matatas, taglay ang wastong kasiglahan, pagdiriin, at pagbabago ng tinig gaya ng binalangkas sa Giya sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, kabanata 6. (Ihambing ang Nehemias 8:8.) Sila’y dapat ding huwaran sa kanilang paggawi.
Yamang mas maliit ang pag-aaral sa aklat, hindi laging may kuwalipikado, bautisadong kapatid na lalaki upang bumasa. Sa ganitong mga kalagayan, maaaring ang konduktor mismo ang siyang bumasa ng mga parapo, o maaaring hilingin niya ang isang kuwalipikado, bautisadong kapatid na babae na bumasa. Kapag ang kapatid na babae ang bumabasa, hindi na kailangang siya’y maglambong sa ulo, yamang hindi siya gumagawa ng pagtuturo.
Sa Pag-aaral ng Bantayan, malamang na mayroong mga kuwalipikadong kapatid na lalaki na makapagbabasa. Ang konduktor sa Pag-aaral ng Bantayan ay dapat gumawa ng iskedyul para sa mga tagabasa nang patiuna at ilagay iyon sa patalastasan. Pananagutan ng buong lupon ng matatanda na pumili ng mga aatasang tagabasa sa Pag-aaral ng Bantayan. Kung ang isang kapatid na lalaki ay hindi mahusay bumasa, ang konduktor sa Pag-aaral ng Bantayan ay dapat kumuha ng pangunang hakbang upang magbigay ng mabait na payo at tulong. Ang listahan ng mga tagabasa ay maaaring rebisahin sa tuwi-tuwina hangga’t kinakailangan upang makatiyak na ang uri ng pagbabasa ay napananatili sa mataas na antas. Kung ang isang kapatid ay inalis sa listahan, dapat na ipabatid sa kaniya ang dahilan kung bakit at kung anong mga kalidad ang kailangan niyang pagbutihin upang maging kuwalipikadong muli.
Maging ang pagbabasa ay para sa isang maliit na grupo sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat o para sa buong kongregasyon sa Pag-aaral ng Bantayan, ang isang naatasan ay dapat na taimtim na gampanan ang kaniyang pribilehiyo.—1 Tim. 4:13.