May Nakikita Ba Kayong Pangangailangan?
1 Si Jehova ay inilalarawan bilang Saklolo at Kanlungan. Batid natin na makalalapit tayo sa kaniya sa panahon ng pangangailangan at tutulungan niya tayo. (Awit 18:2; 46:1) Matutularan natin ang katangiang ito sa pamamagitan ng pag-aalok na tumulong sa iba kapag nakikita natin ang pangangailangan.
2 Ano ang gumaganyak sa isang tao na gumawa ng pantanging pagsisikap na tumulong sa iba? Kinikilala ng karamihang tao na ang paggawa nito ay maibigin, makataong bagay. Walang alinlangang ang Salita ng Diyos ay nagpapasigla nito. (Roma 15:1) Hinimok tayo ni Pablo na ituon “ang mata, hindi sa personal na interes ng inyong sariling mga bagay-bagay lamang, kundi sa personal na interes din niyaong iba.”—Fil. 2:4.
3 Ito’y isang bagay na sa paggawa nito ay makasusumpong tayo ng kagalakan. (Gawa 20:35) Binanggit ni Pablo si Timoteo bilang isa “na magmamalasakit nang tunay sa mga bagay na may kinalaman” sa kaniyang mga kapatid. (Fil. 2:20) Tayo man ay bata o matanda, may mga bagay na maaari nating gawin kapag nakita natin na may pangangailangan.
4 Nakadama na ba kayo na may nangangailangan na maaaring mabigyan ng higit na pansin? Marahil ang isang kapatid ay nasa ospital at iilan lamang kapatid ang nakadalaw; o may naging baldado, at walang makatulong sa mga gawaing bahay. Minalas ni Jesus ang mga naglilingkod kay Jehova bilang miyembro ng isang pamilya na nagmamalasakit nang tunay sa isa’t isa.—Mar. 3:33-35.
5 Papaano Ako Makatutulong? Ano ang magagawa upang makapagbigay ng tulong kapag may maliwanag na pangangailangan? Maaari bang manguna tayo sa pagtulong sa anumang paraan? Marahil ay mayroong mga nakatatanda na nangangailangan ng pampatibay-loob, subalit walang malapit sa kanila na makatutulong. Marahil ay may mga kabataan na nangangailangan ng tulong. Ang isang pamilyang bago pa lamang interesado na may ilang anak ay maaaring dumating sa Kingdom Hall sa panahong wala ang mamamahayag na nakikipag-aral sa kanila. Pahahalagahan nila kung mayroong aalalay sa mga anak.
6 Habang lumalaki ang ating pag-ibig sa organisasyon ni Jehova, lalaki rin ang ating pagpapahalaga sa iba sa kongregasyon. Pinasigla tayo ni Pablo na magpalawak pa sa bagay na ito. (2 Cor. 6:11-13) Idiniin ni Jesus na ang ating pagpapakita ng pag-ibig sa isa’t isa ang pangunahing paraan upang ipamalas na tayo’y kaniyang tunay na mga tagasunod.—Juan 13:35.
7 Kaya kapag may nakikita tayong pangangailangan, ang tunay na pag-ibig para sa ating mga kapatid at sa kongregasyon ang dapat na mag-udyok sa atin na kunin ang unang hakbang at tumulong sa anumang paraang makakaya natin. (Gal. 6:9, 10) Ang pagkabahalang ito para sa iba ay naglalapit sa ating magkakasama sa bigkis ng pag-ibig at pagkakaisa.—1 Cor. 10:24.