Si Kristo Bilang Isang Modelo Para sa mga Kabataan
1 Pagkatapos ng isang pagtalakay sa Bibliya ang isang kabataang taga-sanlibutan ay nagsabi: “Ako’y humanga sa dinamikong personalidad ni Jesu-Kristo. Narito ang isang pinuno na maaari kong paniwalaan.” Ang gayon ay hindi maaaring sabihin patungkol sa alinmang kilalang tao sa bansa o mga bayani sa palakasan at libangan. Ang makasanlibutang mga pamantayan at di-Kristiyanong istilo-ng-pamumuhay na kanilang niyayakap ay nagpapakitang sila’y hindi karapat-dapat na modelo para sa atin.—Awit 146:3, 4.
2 Makaseseguro ang mga kabataan na kapag sila’y sumampalataya kay Jesu-Kristo, sila’y mga tupa ng Diyos at na kinikilala at inaalagaan ni Jesus. (Juan 10:14, 15, 27) Ang mga kabataang sumusunod kay Kristo bilang kanilang Modelo ay pinagpapala.
3 Ginawa ng isang kapatid na naglilingkod sa Brooklyn Bethel ang pribilehiyong ito ng paglilingkuran bilang isang tunguhin mula noong siya’y walong taong gulang pa lamang. Hinimok siyang malasin ang paglilingkurang Bethel bilang isang praktikal na paraan ng pagsunod sa halimbawa ni Kristo kapag siya’y malaki na. Pinananatili ng kaniyang mga magulang, at ng mga naglalakbay na tagapangasiwa, ang tunguhing ito sa kaniyang harapan. Upang siya’y maihanda, kanilang pinasigla siyang maging masipag gaya ng isang Bethelite, sa pagtatrabaho sa bahay, sa pagtulong sa pag-iingat ng Kingdom Hall, at sa pagpapasulong ng kakayahan sa ministeryo. Pagkatapos tamasahin ngayon ang paglilingkod sa Bethel sa maraming taon na, siya’y nagpapasalamat na nakagawa siya ng pagsisikap na tularan ang halimbawa ni Kristo habang siya’y lumalaki.
4 Hindi itinaguyod ni Jesus ang isang makasanlibutang karera; kaniyang pinili ang ministeryo. Isang kabataang kapatid na babae ang gustong magpayunir pagkatapos ng kaniyang pag-aaral subalit nag-atubili dahilan sa kawalan ng angkop na bahaging-panahong trabaho. Lagi siyang nag-iisip: ‘Maghahanap muna ako ng trabaho, saka ko isusumite ang aking aplikasyon sa pagpapayunir.’ Ipinakita ng isang matanda na habang tumatagal ang kaniyang paghihintay, lalo namang gumaganda ang pangmalas sa buong-panahong trabaho, yamang walang makahahadlang sa kaniya sa pagtanggap niyaon. Sinabi niya: “Ako’y nananalangin kay Jehova ukol sa kaniyang espiritu na patnubayan ako.” Karaka-raka siyang nagpatala bilang isang auxiliary pioneer at pagkatapos ay naging isang regular pioneer. Di-natagalan pagkatapos nito, siya’y nakasumpong ng isang mainam na trabaho na angkop sa kaniyang eskedyul sa pagpapayunir.
5 May katapangang ipinahayag ni Jesus ang mensahe ng Kaharian sa lahat. (Mat. 4:23) Ang mga kabataang Kristiyano ay natututong mangaral din nang may katapangan, na hindi kayang sindakin ng iba. Isang 14-anyos na Saksi ang nag-ulat: “Nababatid ng lahat sa paaralan ang aking posisyon bilang isang Kristiyano. . . . Lubusan nilang nababatid ito anupat kapag may natagpuan akong kaklase habang ako’y nasa ministeryo, hindi ako napapahiya. Ang aking mga kamag-aral ay kadalasang nakikinig, at maraming ulit na tumatanggap ng mga literatura.”
6 Ang pagsasaalang-alang sa halimbawa ni Kristo ay makatutulong sa mga kabataan na gumawa ng matatalinong desisyon hinggil sa kanilang kinabukasan. Ang kaniyang halimbawa ay nagpapasigla sa kanila na ‘alalahanin ang kanilang Dakilang Maylikha’ sa pamamagitan ng pagpapakita ng sigasig sa paglilingkod kay Jehova. (Ecles. 12:1) Gaya ni Kristo Jesus, nililinang nila “ang pag-ibig sa Ama,” na nagdudulot ng mga pagpapala na nakahihigit sa anumang iniaalok ng sanlibutan. Sa halip na “lumilipas”, maaari silang tumingin sa hinaharap ukol sa ‘pananatili magpakailanman.’—1 Juan 2:15-17.