Makapaglilingkod Ka Ba kay Jehova Bilang Isang Payunir?
1 Sa isa sa “Mga Tagapagdala ng Liwanag” na Pandistritong Kombensiyon, nagtanong ang tagapagsalita: “Maaari ka bang magpayunir? Magpapayunir ka bang talaga?” Sinabi niyang ang mga katanungang ito ay angkop dahilan sa napakalapit na ng Armagedon, anupat ang gawaing pangangaral ay lalong apurahan higit kailanman.—1 Cor. 7:29a.
2 Walang alinlangang ang pagpapayunir ay isang mahirap na gawain. Ito’y nangangailangan ng disiplina sa sarili at mabuting organisasyon. Gayunman, ang ating paggawa sa ministeryo ay “hindi sa walang kabuluhan.” (1 Cor. 15:58) Ang ganito ba ay masasabi rin sa iba pang mga gawain na kumukuha ng ating panahon at lakas? Ang pag-ibig kay Jehova ay nagtutulak sa mga Kristiyano na maging masigasig sa paglilingkuran sa kaniya, at ito’y umakay sa marami tungo sa gawaing pagpapayunir.—1 Juan 5:3; Apoc. 4:11.
3 Maraming kabataang lingkod ni Jehova na katatapos pa lamang sa mataas na paaralan ang taimtim na nag-iisip hinggil sa pagpapayunir. Ito ay lubusang angkop. Ano pang ibang karera ang higit na mahalaga kaysa sa buong panahong ministeryo?—Mat. 6:33; 24:14.
4 Pinasisigla ba ninyo mga magulang ang inyong mga anak na kunin ang buong panahong paglilingkod? Maliwanag bang nauunawaan ng inyong mga anak na nais ninyong gamitin nila ang kanilang buong kaluluwa, puso, isipan, at lakas sa kapakipakinabang na gawaing ito? (Mar. 12:30) Maraming kabataang mamamahayag ang naghahanda ng kanilang sarili para sa pagiging regular payunir sa pamamagitan ng pakikibahagi bilang mga auxiliary payunir sa bawat pagkakataon samantalang sila’y nagsisipag-aral pa. Tunay na ang gayong debosyon kay Jehova ay nagpapagalak sa kaniyang puso!—Kaw. 27:11.
5 Sabihin pa, hindi lahat ay nasa kalagayan na nagpapahintulot para sa paglilingkuran bilang payunir. Gayunpaman, may asawa man o wala, bata man o matanda sa edad, isinaalang-alang na ba ninyo nang may pananalangin ang paglilingkod kay Jehova bilang isang payunir? (Col. 3:23) Maraming mag-asawa na nasa kabataan pa ang nagsisikap na palawakin ang kanilang ministeryo upang ang isa o kapuwa sila ay maging payunir.
6 Kung wala kayo sa kalagayang maging regular payunir sa kasalukuyan, maaari ba kayong maglingkod bilang isang auxiliary payunir? Marahil ay maraming mga mamamahayag sa inyong kongregasyon ang nagpaplanong gawin iyon sa Abril at Mayo. Maaari bang sumama kayo sa kanila? Bagaman ang lahat ng mga tapat na lingkod ni Jehova ay tumatanggap ng maraming pagpapala, ang karagdagang mga pagpapala ay naghihintay doon sa mga gumugugol ng higit na panahon sa paglilingkod sa Kaharian sa paghanap sa mga taong tulad-tupa.—Gawa 20:35.