Pagsusuri ni Jehova—Bakit Kapaki-pakinabang?
1 Bawat isa’y naghahangad ng mabuting kalusugan. Gayunman, ang marami na nagtatamasa ng mabuting kalusugan ay nagpapatingin din paminsan-minsan. Bakit? Nais nilang matuklasan ang anumang nagsisimula pa lamang na karamdaman upang ang mga ito’y magamot agad. Ngunit mas mahalagang ingatan ang ating espirituwal na kalusugan. Ang pagsang-ayon ni Jehova ay depende kung makapananatiling “malusog . . . sa pananampalataya.”—Tito 1:13.
2 Ngayon ang angkop na panahon upang masuri ni Jehova. Bakit? Sapagkat si Jehova ay nasa kaniyang banal na templo, at sinusuri niya ang puso ng lahat ng tao. (Awit 11:4, 5; Kaw. 17:3) Gaya ni David, hinihiling natin kay Jehova na suriin niya tayong mabuti: “Suriin mo ako, O Jehova, at subukin mo ako; dalisayin mo ang aking mga bato at ang aking puso.”—Awit 26:2.
3 Dapat tayong magbantay laban sa mga panganib sa ating espirituwal na kalusugan na maaaring manggaling mismo sa atin dahil sa ating di-sakdal na laman. Nagpapayo ang Kawikaan 4:23: “Higit sa lahat na dapat bantayan, ingatan ang iyong puso, sapagkat iyan ang bukal ng buhay.”
4 Ang ating espirituwal na kalusugan ay maaari ring maisapanganib ng tiwali at imoral na sanlibutang nakapalibot sa atin. Kung pahihintulutan natin ang ating sarili na maging malapít sa balakyot na sistemang ito, magsisimula tayong mag-isip nang gaya nito at magkakaroon ng mga saloobing makasanlibutan. O baka tularan natin ang makasanlibutang istilo ng buhay at madaig tayo ng espiritu ng sanlibutan.—Efe. 2:2, 3.
5 Maaaring gamitin ni Satanas ang pag-uusig sa pagsisikap na wasakin tayo sa espirituwal. Madalas, buong-katusuhan niyang ginagamit ang mga makasanlibutang panghalina upang akitin tayo. Hinihimok tayo ni Pedro na ‘panatilihin ang ating katinuan at maging mapagbantay,’ yamang si Satanas ay “tulad ng isang leong umuungal, na naghahanap ng sinumang masisila.” Tayo’y hinihimok na ‘manindigan laban sa kaniya, matatag sa pananampalataya.’—1 Ped. 5:8, 9.
6 Kailangang pangalagaan ang ating espirituwal na kalusugan sa pamamagitan ng pagpapanatiling malakas ng ating pananampalataya at pagpapalakas pa rito bawat araw. Inirerekomenda ni apostol Pablo na patuluyan nating subukin ang ating pananampalataya. Kung papaanong may-katalinuhan nating sinusunod ang praktikal na mga payo na ibinibigay sa atin ng isang mahusay na doktor, pinakikinggan din natin si Jehova kapag ang Kaniyang espirituwal na pagsusuri ay nagsisiwalat ng isang karamdamang kailangang iwasto. Magpapaging posible ito para sa atin na ‘maibalik sa ayos.’—2 Cor. 13:5, 11.
7 Si Jehova ang siyang tunay na dakilang Tagasuri. Ang kaniyang pagsusuri ay palaging tama. Sa pamamagitan ng kaniyang Salita at ng ‘tapat na alipin,’ siya’y nagrereseta ng isang pampalusog na pagkaing espirituwal. (Mat. 24:45; 1 Tim. 4:6) Ang regular na pagkain nito sa tahanan at sa mga pulong sa kongregasyon ay magpapangyari sa atin na manatiling malusog sa espirituwal. Kapaki-pakinabang din ang regular na espirituwal na pag-eehersisyo sa ministeryo. Samakatuwid, nalulugod tayo sa regular na pagsusuri ni Jehova, anupat nagtitiwalang pananatilihin niya tayong nasa pinakamabuting kalagayan ng kalusugan sa espirituwal.