Subaybayan ang Bawat Interes Upang Makinabang ang Iba
1 Gaano mang kaliit na interes ang ipakita ng isa sa mensahe ng Kaharian, gagawin natin ang lahat upang makinabang ang taong iyon. Kaya tayo’y dumadalaw-muli taglay ang layuning malinang ang interes ng taong ito at makapagpasimula ng isang pantahanang pag-aaral ng Bibliya. Papaano ito magagawa?
2 Kung ang inyong nakaraang pag-uusap ay tungkol sa paglaganap ng mga suliranin sa pag-aasawa sa ngayon at nag-iwan ka ng aklat na “Mabuhay Magpakailanman,” maaari mong buksan ang pag-uusap sa ganito:
◼ “Noong nakaraan, napag-usapan natin ang tungkol sa pag-aasawa at sa praktikal na payo ng Bibliya na tutulong sa atin upang masumpungan ang higit na kaligayahan. Hindi ba totoo na kahit na sa pinakamabubuting pamilya, nagkakaroon din ng mga suliranin paminsan-minsan? [Hayaang sumagot.] Ang Bibliya ay nagbibigay sa atin ng napakahusay na payo na makatutulong sa paglutas ng mga suliranin sa mga ugnayang pampamilya. Ang isang pamilya ay maaaring pagpalain sa pamamagitan ng sama-samang pag-aaral ng Bibliya.” Buksan sa pahina 246, parapo 23. Basahin ang Juan 17:3, at mag-alok ng iyong tulong upang makapagpasimula ang pamilya sa pag-aaral ng Bibliya.
3 Kung ang iyong ipinakipag-usap ay tungkol sa mga anak at sa kanilang pangangailangan ng pagsasanay, maaari mong ipagpatuloy ang pag-uusap sa ganito:
◼ “Noon ay pinag-usapan natin ang tungkol sa espirituwal na pagsasanay na kailangan ng mga anak at kung papaano sila matutulungan ng mga magulang. Maraming magulang ang nababahala hinggil sa masamang paggawi ng napakaraming kabataan sa ngayon. Ano ang masasabi ninyo tungkol sa . . . ? [Bumanggit ng isang halimbawa ng masamang paggawi ng kabataan na madalas makita sa inyong komunidad. Hayaang sumagot.] Ipakikita ko sa inyo ang ilang praktikal na payo mula sa Bibliya.” Buksan sa parapo 22 sa pahina 246 sa aklat na Mabuhay Magpakailanman, basahin ang Efeso 6:4. Karamihan sa mga anak ay nagnanais ng disiplina at patnubay. Kapag inilalaan ito ng mga magulang, mas maliligaya at mas magagalang ang mga anak. Ipaliwanag kung papaano natin pinag-aaralan ang Bibliya kasama ng ating mga anak.
4 Kung ang paksa ng inyong pag-uusap ay tungkol sa Paraisong lupa, kung gayon ay maaari mong sabihin ito upang pasiglahing-muli ang kaniyang interes:
◼ “Nakita natin noon ang ilang ilustrasyon na nagpapamalas ng magiging kalagayan ng lupa kapag ginawa na ito ng Diyos na isang paraiso. Mawawalan ito ng kabuluhan kung hindi natin makakasama ang ating mga mahal sa buhay sa pagtatamasa nito. Sasang-ayon ka ba?” [Hayaang sumagot.] Buksan sa pahina 162 sa aklat na Mabuhay Magpakailanman. Basahin ang Apocalipsis 21:3, 4, at ipaliwanag kung papaano natin maaaring makasama ang ating mga mahal sa buhay sa tuwina. Kung mahusay ang sagot, basahin ang Juan 5:28, 29 upang ipakita na bubuhayin ang mga patay. Ituro ang pabalat ng aklat at sabihin: “Talagang totoo ito—maaari tayong mabuhay magpakailanman sa Paraiso sa lupa!” Magsaayos ng muling pagdalaw.
5 Ang layunin ng pagdalaw-muli ay upang tulungan ang mga interesado na makinabang mula sa mensahe ng Kaharian. Akayin ang kanilang pansin sa mga espesipikong punto sa literatura na may praktikal na kahalagahan, na idiniriin kung papaano ito makatutulong sa kanila na lalo pang maunawaan ang Bibliya. Ang mga pagdalaw-muli na nakatutupad sa mga layuning ito ay tutulong sa iba upang makinabang sa pinakamabuting posibleng paraan.