Maging Halimbawa sa Pagsasalita at sa Paggawi
1 Ang apostol Pablo ay nagpayo kay Timoteo na maging halimbawa sa pagsasalita at sa paggawi. (1 Tim. 4:12) Kailangan din nating ipakita ang huwarang pagsasalita at paggawi, lalo na kapag nakikibahagi sa ministeryo, sapagkat sa paggawa nito ay maaaring matiyak kung naabot natin o hindi ang puso ng ating mga nasusumpungan.
2 Kailangan nating ipakita ang lahat ng aspekto ng kabutihang-asal, lakip na ang pagpipitagan, konsiderasyon, kabaitan, at taktika. Ang kabutihang-asal sa ministeryo ay maaaring ihambing sa mga panimpla sa ating pagkain. Kung wala ang mga ito, ang kanais-nais na pagkain ay maaaring walang lasa at hindi nakapagpapagana. Ang hindi pagpapakita ng kabutihang-asal ay maaaring magkaroon din ng gayong epekto.—Col. 4:6.
3 Maging Halimbawa sa Pagsasalita: Ang palakaibigang ngiti at masiglang pagbati ay mahalaga kapag naghaharap ng mabuting balita. Kapag tinimplahan natin ang ating pambungad ng kasiglahan at kataimtiman, ipinababatid natin sa maybahay na tayo ay tunay na interesado sa kaniya. Kapag siya’y nagsasalita, matamang makinig at igalang ang kaniyang opinyon. Kapag kayo ay nagsasalita, gawin iyon nang mataktika at magiliw.—Ihambing ang Gawa 6:8.
4 Sa pana-panahon nakasusumpong tayo ng indibiduwal na waring hindi palakaibigan at maaaring palaaway. Paano tayo tutugon? Hinimok tayo ni Pedro na magsalita nang “taglay ang mahinahong kalooban at matinding paggalang.” (1 Ped. 3:15; Roma 12:17, 18) Sinabi ni Jesus na kung tanggihan ng maybahay ang mensahe ng Kaharian, basta’t ‘ipagpag natin ang alabok mula sa ating mga paa.’ (Mat. 10:14) Ang ating huwarang-asal sa ilalim ng gayong mga kalagayan ay maaaring magpalambot sa dakong huli sa puso ng sumasalansang.
5 Maging Halimbawa sa Paggawi: Ang pangangaral ng mabuting balita sa mataong mga lansangan at sa mga pampublikong lugar ay humihiling na tayo’y maging makonsiderasyon, hindi nakabubulahaw o namimilit, at hindi tayo nakasasagabal sa daloy ng mga dumaraan. Kapag nasa tahanan ng mga taong interesado, dapat tayong gumawi bilang mga mababait na panauhin. Ang mga bata na sumasama sa atin ay dapat na magpakita ng paggalang sa maybahay at sa kaniyang ari-arian at dapat na makinig kapag tayo ay nagsasalita. Kapag ang mga bata ay magugulo, ito’y mag-iiwan ng masamang impresyon.—Kaw. 29:15.
6 Ang personal na anyo ay dapat na magpakita sa iba na tayo’y mga ministro ng Salita ng Diyos. Ang ating pananamit at pag-aayos ay hindi dapat maging burara at gusot ni marangya at labis-labis. Ang ating anyo ay dapat na laging “karapat-dapat sa mabuting balita.” (Ihambing ang Filipos 1:27.) Sa paggawa nito, hindi tayo makapagbibigay ng sanhi ukol sa ikatitisod o kapulaan sa ating ministeryo. (2 Cor. 6:3, 4) Ang ating huwarang pananalita at paggawi ay nakadaragdag sa uri ng mensahe ng Kaharian, at nagdudulot ng karangalan kay Jehova.—1 Ped. 2:12.