Ihanda ang Inyong Sariling Presentasyon ng Magasin
1 Pinahahalagahan natin ang mga magasing Bantayan at Gumising! dahil sa kanilang napapanahon at nakapagtuturong mga artikulo, na sumasaklaw mula sa pandaigdig na mga usapin hanggang sa “malalalim na bagay ng Diyos.” (1 Cor. 2:10) Maaalaala nating lahat ang maraming bago at nakapagpapatibay na mga bagay na ating nabasa sa mga babasahing ito, na ginagamit ni Jehova sa pasulong na paghahayag ng katotohanan. (Kaw. 4:18) Tayo ay nananabik na ipamahagi ito nang malawakan hangga’t maaari.
2 Isaalang-alang na Mabuti ang Inyong Teritoryo: Anong klase ng mga tao ang naninirahan sa inyong lugar? Kung sila’y laging nagmamadali, kakailanganin ninyong maghanda ng isang maikli at tuwiran sa punto na presentasyon. Kung may teritoryo kayo na doo’y hindi masyadong abala ang mga tao, maaaring makapagsalita kayo nang mas mahaba pa. Kung ang karamihan sa maybahay ay nagtatrabaho sa araw, maaaring maging higit kayong matagumpay sa pagdalaw sa kanilang tahanan kung gabi. O maaaring masumpungan ninyo ang ilan sa araw sa pamamagitan ng pagpapatotoo sa lansangan o paggawa sa mga tindahan. Ang ilang mamamahayag ay nagtamo ng mabubuting resulta sa paglapit sa mga tao sa mga paradahan at mga parke.
3 Alamin Ninyong Mabuti ang mga Magasin: Basahin kaagad ang bawat isyu kapag natanggap ninyo ito. Piliin ang mga artikulo na sa palagay ninyo’y makaaakit sa mga tao sa inyong teritoryo. Anong mga paksa ang angkop sa kanila? Humanap ng espesipikong punto na maaari ninyong sipiin mula sa artikulo na pinaplano ninyong itampok. Mag-isip ng katanungang maaari ninyong ibangon upang pumukaw ng interes. Pumili ng isang kasulatan na babasahin sa maybahay kapag nagkaroon kayo ng pagkakataong gawin iyon. Isipin kung paano ninyo mailalatag ang pundasyon para sa isang pagdalaw-muli.
4 Ihanda ang Inyong Pambungad na Pananalita: Piliing maingat ang mga salitang iyong gagamitin upang pasimulan ang usapan. Ang ilan ay nagtagumpay sa paggamit ng panimulang komentong ito: “Nakabasa ako ng isang kaakit-akit na artikulo sa magasing ito, at nais kong ibahagi ito sa iba.” Marami ang nagsisimula sa isang katanungan na tumatawag ng pansin sa mga litaw na punto na binabalak nilang gamitin. Halimbawa:
5 Kapag nagtatampok ng isang artikulo hinggil sa paglaganap ng krimen, maaari ninyong itanong:
◼ “Ano ang kailangan upang maging posible para sa atin na matulog sa gabi na hindi natatakot manakawan o mapinsala?” Ipaliwanag na mayroon kayong impormasyon hinggil sa lunas sa suliraning ito. Malapit na ring alisin ng lunas na ito ang lahat ng uri ng kaguluhang panlipunan. Bumaling sa bahagi ng magasin na nag-aalok ng gayong pag-asa. Sa inyong pagdalaw-muli, maaari ninyong akayin ang pansin ng maybahay sa kabanata 1 ng aklat na Kaalaman.
6 Kapag nag-aalok ng artikulo hinggil sa pamilya, maaari ninyong sabihin ang ganito:
◼ “Nasusumpungan ng maraming magulang na isang tunay na hamon ang pagpapalaki sa mga anak sa mga araw na ito. Maraming aklat ang naisulat na hinggil sa paksang ito, subalit hindi rin nagkakasundo ang mga eksperto. Mayroon bang makapaglalaan ng maaasahang patnubay?” Ipakita ang isang espesipikong komento mula sa magasin na naghahayag ng matalinong payo na masusumpungan sa Bibliya. Kapag kayo’y gumawa ng pagdalaw-muli, talakayin ang mga maka-Kasulatang punto hinggil sa pagpapalaki sa mga anak na sinaklaw sa aklat na Kaalaman, mga pahina 145-8.
7 Sa pagtatampok ng isang artikulo hinggil sa panlipunang suliranin, maaari ninyong sabihin:
◼ “Maraming tao ang nakadarama ng panggigipit dahilan sa kaigtingan sa panahong kinabubuhayan natin. Sa palagay ba ninyo’y nilayon ng Diyos na tayo’y mabuhay nang ganito?” Ituro ang isang artikulo na nagpapakita kung paano haharapin ang mga suliranin sa ngayon o nagbibigay ng mga dahilan upang tumingin sa isang kinabukasang malaya mula sa kabalisahan. Sa susunod ninyong pagdalaw, talakayin ang ilustrasyon at kapsiyon sa mga pahina 4-5 ng aklat na Kaalaman, at pagkatapos ay magtungo agad sa isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya.
8 Iakma sa Maybahay: Makasusumpong kayo ng mga tao na may kakaibang interes at pinag-aralan. Maghanda ng isang saligang presentasyon na maaari ninyong iakma sa bawat maybahay. Maging handa na iakma ang inyong sasabihin sa isang lalaki, isang babae, isang matandang tao, o sa isang kabataan. Walang mahihigpit na alituntunin hinggil sa dapat ninyong sabihin. Gamitin kung ano ang maalwan para sa inyo at nagdudulot ng mabubuting resulta. Gayunpaman, maging masigla, magsalita mula sa puso, at maging isang mabuting tagapakinig. Yaong mga “wastong nakaayon” ay makadarama sa inyong kataimtiman at tutugon taglay ang pagsang-ayon.—Gawa 13:48.
9 Tulungan ang Isa’t Isa: Sa pamamagitan ng pagpapalitan ng kuru-kuro, ating natututuhan ang mga bagong paraan sa pagpapahayag ng ating sarili. Ang pag-iinsayo ng ating mga presentasyon nang magkakasama ay magbibigay sa atin ng pagtitiwala. (Kaw. 27:17) Kapag inyong ininsayo kung ano ang inyong sasabihin, kayo’y magiging lalong palagay kapag nasa pintuan. Mahalaga na gumugol ng panahon ang mga magulang upang tulungan ang kanilang mga anak na maghanda, makinig habang kanilang iniinsayo ang kanilang presentasyon, at magbigay ng mga mungkahi para sa ikasusulong. Ang mga baguhan ay maaaring makinabang sa pamamagitan ng paggawang kasama ng higit na makaranasang mga mamamahayag.
10 Ang paghahanda ng inyong sariling presentasyon ng magasin ay hindi kailangang maging mahirap. Ito’y paglalagay lamang sa isipan ng espesipikong bagay na sasabihin at pagkatapos ay ipahayag iyon sa isang kaakit-akit na paraan. Taglay ang patiunang pag-iisip, maaari kayong maghanda ng isang mainam na presentasyon na magtatamo ng mabuting pagtugon.
11 Ang pamamahagi ng magasin ay isa sa pangunahing paraan ng pagpapalaganap ng mensahe ng Kaharian sa buong daigdig. Kung makapagsasakamay kayo ng Ang Bantayan at Gumising! sa taimtim na mga tao, ang mga magasin ay maaaring magsalita sa kanilang ganang sarili. Laging tandaan ang kanilang kahalagahan at kung paanong ang kanilang mensahe ay magliligtas ng buhay. Ang ganitong uri ng ‘paggawa ng mabuti at pamamahagi ng mga bagay sa iba’ ay nakalulugod na mainam kay Jehova!—Heb. 13:16.