Ialok ang mga Magasin na Nagpapatotoo sa Katotohanan
1. Ano ang papel na ginagampanan ng Ang Bantayan at Gumising!?
1 Ang Bantayan—Naghahayag ng Kaharian ni Jehova at ang kasama nitong magasin, ang Gumising!, ay mahalaga pa ring bahagi ng gawaing pangangaral tungkol sa Kaharian at paggawa ng alagad. (Mat. 24:14; 28:19, 20) Nalulugod tayo sa regular na pag-aalok ng dalawang napapanahong magasing ito habang nakikibahagi tayo sa iba’t ibang aspekto ng paglilingkod ukol sa Kaharian.
2. Anu-anong pagbabago ang ginawa sa Ang Bantayan at Gumising!, at bakit?
2 Sa nakalipas na mga taon, nakita natin ang mga pagbabago sa laki at nilalaman ng mga magasin gayundin sa paraan ng pamamahagi natin nito. Ginawa ang mga pagbabagong ito upang maging mas kaakit-akit at mabisa ang mga magasin, para ang mensahe ng Kaharian ay makaabot sa ‘lahat ng uri ng mga tao upang maligtas sila at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.’—1 Tim. 2:4.
3. Paano natin gagamitin ang mga magasin sa ministeryo?
3 Mula noong Enero 2006, nasanay na tayo sa paggamit ng iba’t ibang presentasyon para sa isang buwanang isyu ng Gumising! Gagamit din tayo ngayon ng iba’t ibang presentasyon sa pag-aalok ng isa sa dalawa ng buwanang isyu ng Ang Bantayan—Naghahayag ng Kaharian ni Jehova sa ating pangmadlang ministeryo. Lilitaw ang sampol na mga presentasyon para sa bawat magasin sa huling pahina ng Ating Ministeryo sa Kaharian. Karaniwan nang itinatampok ng mga ito ang isa sa panimulang mga artikulo sa magasin, pero kung minsan, itinatampok din nito ang iba pang artikulo na kawili-wili sa maraming tao. Pinakamabisang magagamit ang mga mungkahing presentasyong ito kung pamilyar tayo sa artikulong itinatampok sa presentasyon at ihaharap natin ito sa ating sariling pananalita upang iangkop ang presentasyon sa ating teritoryo.
4. Bakit maaaring maging kapaki-pakinabang ang paggamit ng ibang presentasyon bukod pa sa iminungkahi sa Ating Ministeryo sa Kaharian?
4 Bagaman may dalawang mungkahi sa Ating Ministeryo sa Kaharian para sa bawat magasin, maaari kang gumamit ng ibang presentasyon. Maaari itong gawin kung iniisip mong ang ibang artikulo ay mas kaakit-akit sa inyong teritoryo. O baka inaakala mong magiging mas mabisa ang iyong presentasyon kung gagamit ka ng isang artikulong mas kawili-wili para sa iyo.
5. Bago maghanda ng isang presentasyon para sa itatampok na magasin, ano ang dapat mong gawin?
5 Kung Paano Ihahanda ang Iyong mga Presentasyon: Una sa lahat, dapat na maging pamilyar ka sa artikulong pipiliin mong itampok. Maaaring hindi ka laging maging pamilyar sa lahat ng artikulo sa magasin bago mo gamitin ito sa ministeryo sa larangan. Gayunman, maging masigla at taimtim sa mga artikulong pinipili mong itampok. Magagawa mo lamang iyan kung pamilyar ka sa impormasyong ihaharap mo.
6. Paano tayo maghahanda ng ating sariling mga presentasyon?
6 Sumunod, ibagay at gawing iba-iba ang inihahanda mong mga pambungad. Maaaring gumamit ng pumupukaw-interes na tanong na may kaugnayan sa artikulo upang pasimulan ang pag-uusap. Laging manalig sa kapangyarihan ng Salita ng Diyos na umantig sa puso ng mga tao. (Heb. 4:12) Pumili ng isang angkop na teksto na nauugnay sa paksang gagamitin mo, lalong mabuti ang isang teksto na binanggit o sinipi sa artikulo na itinatampok mo. Pag-isipan kung paano iuugnay sa artikulo ang teksto.
7. Paano pa natin mapagbubuti ang ating mga presentasyon?
7 Sa Bawat Pagkakataon: Upang maging tunay na mabisa ang presentasyon, dapat itong gamitin. Makibahagi sa pagpapatotoo gamit ang mga magasin kung Sabado kasama ng kongregasyon. Ialok ang mga magasin sa mga taong dati nang tumanggap ng ibang literatura. Laging ialok ang mga magasin sa iyong mga estudyante sa Bibliya at sa iba pang tao na naroroon nang dumalaw kang muli. Maaari ka ring magpasakamay ng mga magasin sa mga taong nakakausap mo kapag ikaw ay namimili, nagbibiyahe, o samantalang naghihintay sa tanggapan ng doktor. Pagbutihin ang iyong mga presentasyon habang ginagamit mo ito sa buong buwan.
8. Sa anu-anong paraan natatangi Ang Bantayan at Gumising!?
8 Natatangi ang mga magasing Bantayan at Gumising! Dinadakila ng mga ito si Jehova bilang Soberano ng sansinukob. (Gawa 4:24) Inaaliw nito ang mga tao sa pamamagitan ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos at pinatitibay ang kanilang pananampalataya kay Jesu-Kristo. (Mat. 24:14; Gawa 10:43) Karagdagan pa, sinusubaybayan nito ang mga pangyayari sa daigdig habang tinutupad ng mga ito ang hula ng Bibliya. (Mat. 25:13) Tulungan ang mga indibiduwal sa inyong teritoryo na makinabang mula sa mga babasahing ito sa pamamagitan ng paghahandang ialok ang mga ito sa bawat angkop na pagkakataon!
9. Paano tayo makapaglalatag ng pundasyon para sa isang pagdalaw-muli?
9 Kapag nakapagpasakamay ka ng magasin, o may nakausap ka tungkol sa Bibliya, maghanda ng isang tanong o pumupukaw-kaisipang pananalita na maaaring umakay sa isang pagdalaw-muli at iba pang pag-uusap hinggil sa Bibliya. Kung masigasig tayo sa paghahasik ng mga binhi ng katotohanan, makatitiyak tayo na bubuksan ni Jehova ang puso ng mga taong taimtim na nagnanais na makilala siya at maglingkod sa Kaniya.—1 Cor. 3:6.