Ang Memoryal—Isang Okasyon na May Malaking Kahalagahan!
1 Sa Linggo, Marso 23, pagkatapos lumubog ng araw, ating ipagdiriwang ang Memoryal ng kamatayan ni Kristo. (Luc. 22:19) Tunay na ito’y isang okasyon na may malaking kahalagahan! Sa pananatiling tapat kay Jehova hanggang kamatayan, pinatunayan ni Jesus na posible para sa tao na mapanatili ang sakdal na maka-Diyos na debosyon kahit na sa ilalim ng matinding panggigipit, anupat itinataguyod ang pagiging makatuwiran ng soberanya ni Jehova. (Heb. 5:8) Karagdagan pa, ang kamatayan ni Kristo ay naglaan ng sakdal na haing tao na kailangan upang tubusin ang sangkatauhan, na ginagawang posible para doon sa mga sumasampalataya na mabuhay magpakailanman! (Juan 3:16) Sa pamamagitan ng pagiging presente sa Memoryal, ating maipakikita ang ating taos-pusong pagpapahalaga sa pag-ibig ni Jehova at sa hain ni Jesus para sa atin.
2 Ang lahat ay pinasisiglang sumubaybay sa programa ng pagbasa sa Bibliya na naka-iskedyul para sa Marso 18-23, gaya ng makikita sa 1997 Calendar of Jehovah’s Witnesses. Gayundin, ang pag-uusap ng pamilya sa mga kabanata 112-16 ng aklat na Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman ay tutulong upang maituon ang ating pansin sa pinakamahalagang sanlinggo sa kasaysayan ng tao.
3 Mapasusulong ba ninyo ang panahong iyong ginugugol sa ministeryo sa larangan sa panahon ng Memoryal? Angkop para sa kongregasyon na isaayos na mapalawak ang gawain sa paglilingkod sa larangan sa mga araw bago at pagkatapos ng Memoryal. Maraming mamamahayag ang lubos na magsasamantala sa limang dulong sanlinggo ng Marso upang maglingkod bilang mga auxiliary pioneer. Bakit hindi maging isa sa kanila? Tayong lahat ay maaaring magkaroon ng lubos na bahagi sa pagdiriin sa kahalagahan ng pagdalo sa Memoryal. Yamang ito ay pumapatak sa Linggo, magiging mas madali para sa marami na makadalo. Tiyaking anyayahan ang lahat ng mga pag-aaral sa Bibliya at iba pang mga interesado na sumama sa atin. Ibahagi sa kanila kung ano ang nasa pahina 127, parapo 18 ng aklat na Kaalaman hinggil doon sa isang araw ng taon na pantanging ipinagdiriwang.
4 Ang matatanda ay dapat na magplano nang patiuna upang makatiyak na ang Kingdom Hall ay masinop at malinis. Ang mga kaayusan ay dapat na gawin upang mayroong maghanda ng mga emblema. Ang pagsisilbi ng mga emblema ay dapat na lubusang organisado. Ang nakatutulong na mga mungkahi kung paano natin maipakikita ang paggalang sa Hapunan ng Panginoon ay ibinigay sa Ang Bantayan ng Pebrero 15, 1985, pahina 19.
5 Harapin ang pinakadakilang okasyong ito sa 1997 taglay ang malalim na pagpapahalaga para sa lahat ng naisagawa ng kamatayan ni Jesus para sa atin. Maging presente sa gabi ng Marso 23, kapag ang mga tunay na Kristiyano sa lahat ng dako ay may katapatang nagdiriwang ng Memoryal.