Malawakang Ipamahagi ang Kingdom News Blg. 35
1 Ang Oktubre at Nobyembre ay magiging magawaing mga buwan para sa ating lahat. Sa unang 11 araw ng Oktubre, ating iaalok ang indibiduwal na mga kopya ng Ang Bantayan at Gumising! Pagkatapos, mula sa Linggo, Oktubre 12, hanggang sa Linggo, Nobyembre 16, tayo’y magsasama-sama sa pambuong daigdig na pamamahagi ng Kingdom News Blg. 35. Pribilehiyo natin na ihatid ang isang mahalagang mensahe sa lahat ng tao sa ating lugar. Ito ang kasagutan sa tanong na, “Mag-iibigan Pa Kaya sa Isa’t Isa ang Lahat ng Tao?” Sa pantanging kampanyang ito, ating ipamamahagi ang Kingdom News Blg. 35 sa karaniwang mga araw. Kung mga dulong sanlinggo, bukod pa sa paghaharap ng Kingdom News, ating itatampok ang kasalukuyang mga labas ng magasin.
2 Sino ang Makikibahagi? Gaya ng dati, ang matatanda ang mangunguna sa gawain. Bawat isa ay nasisiyahan sa pamamahagi ng Kingdom News, at walang alinlangang napakaraming mamamahayag ang magpapatala bilang mga auxiliary pioneer sa isa o dalawang buwan ng kampanya. Ang iba pang mga mamamahayag ay magnanais na gumugol ng higit sa karaniwang panahon sa ministeryo.
3 Mayroon ba kayong estudyante sa Bibliya na matagal nang nag-aaral ng aklat na Kaalaman at malapit nang maging kuwalipikado sa paglilingkod sa larangan? Marahil ay maaari na siyang maging di-bautisadong mamamahayag sa lalong madaling panahon upang makabahagi sa kampanya sa Kingdom News. Isang simpleng presentasyon lamang ang kailangan sa paghaharap ng tract. Halimbawa, maaaring sabihin ng isa: “Napakahalaga ng mensaheng ito anupat ito’y ipinamamahagi sa buong daigdig sa buwang ito sa 169 na wika. Nais kong magkaroon kayo ng inyong personal na kopya.” Kahit na ang mumunting bata ay maaaring magkaroon ng mainam na bahagi sa kapana-panabik na gawaing ito.
4 Dapat pasiglahin ng mga konduktor sa pag-aaral ng aklat ang bawat miyembro ng kanilang grupo na magkaroon ng ganap na bahagi sa pamamahagi ng Kingdom News Blg. 35. Marahil ay may mga mamamahayag din na naging di-aktibo ngunit maaaring maging aktibong muli sa paglilingkod kung sila’y tatanggap ng kinakailangang pampatibay-loob. Bago ang kampanya, dapat dalawin ng matatanda ang bawat isa sa mga ito upang makita kung ano ang magagawa upang tulungan silang sumama sa makaranasang mga mamamahayag sa bahaging ito ng ministeryo.
5 Kailan Tayo Maaaring Magtipon sa Paglilingkod? Ang lahat ng aktibidad na ito ay nangangailangan ng kaayusan para sa panggrupong pagpapatotoo na kapuwa kombinyente at praktikal. Hangga’t maaari, ang mga pagtitipon ukol sa paglilingkod ay dapat na isaayos para sa bawat araw, sa mga dulong sanlinggo, at sa mga gabi. Dapat na idaos ang mga ito sa mga oras na lubusang magagamit ng mga mamamahayag at mga payunir ang panahon sa pagpapatotoo. Ang mga kaayusan sa pagtitipon bago gumabi ay maaari ring gawin sa kapakinabangan ng mga estudyante sa paaralan, ng mga manggagawang lumalabas sa trabaho, at ng iba pa. Dapat na tiyakin ng tagapangasiwa sa paglilingkod na maraming teritoryo ang maaaring gawin sa bahay-bahay at sa mga lugar ng negosyo upang ang bawat isa ay lubusang makabahagi sa gawaing ito. Kapag marami ang mamamahayag sa isang lugar, dapat silang maging maingat hinggil sa kung ilan ang gagawa sa isang seksiyon ng teritoryo.
6 Kumusta Naman ang mga Wala-sa-Tahanan? Nais nating personal na makausap ang mas maraming maybahay hangga’t maaari upang ipaliwanag kung bakit dapat nilang basahin ang Kingdom News Blg. 35. Kaya kung walang tao sa tahanan nang kayo’y dumalaw, isulat ang direksiyon at dumalaw-muli sa ibang oras ng araw na iyon. Kung sa huling linggo ng kampanya ay hindi pa rin kayo nagtatagumpay sa inyong pagsisikap na masumpungan ang mga maybahay na ito, maaari kayong mag-iwan sa pintuan ng isang kopya ng Kingdom News sa lugar na hindi makikita ng mga dumaraan. Sa mga residensiyal na lugar, maging alisto sa pag-aalok ng Kingdom News sa mga indibiduwal na naglalakad sa kalye. Kapag gumagawa sa mga nasa labas ng siyudad kung saan malawak ang teritoryo kaysa makukubrehan sa panahon ng kampanya, ang isang kopya ng Kingdom News ay maaaring iwan sa mga wala-sa-tahanan sa unang pagdalaw.
7 Ano ang Ating Tunguhin? Dapat na pagsikapan ng mga kongregasyon na gamitin ang kanilang buong suplay ng Kingdom News upang kubrehan ang lahat ng kanilang teritoryo bago matapos ang kampanya sa Nobyembre 16. Kung ang atas na teritoryo ng inyong kongregasyon ay lubhang malaki at kung ligtas na gumawang mag-isa sa halip na may kasama, maaari ninyong masumpungang praktikal na gawin iyon. Ito’y magpapangyari na maabot ninyo ang mas maraming taong karapat-dapat hangga’t posible taglay ang mabuting balita. (Mat. 10:11) Mas makabubuting magdala ng ilang tract sa inyong kamay at isang Bibliya sa inyong bulsa o pitaka, sa halip na gumamit ng bag. Tiyaking mag-ingat ng isang mabuting rekord kung saan nakasumpong ng interes.
8 Kayo ba’y Handa Nang Magsimula? Dapat na patiunang alamin ng matatanda kung ilang ekstrang magasin ang kakailanganin ng kongregasyon at dapat pididuhin iyon. Hindi kailangang pumidido ng Kingdom News Blg. 35, yamang ito’y basta ipinadadala sa bawat kongregasyon. Kung saan may sapat na teritoryo, ang mga special, regular at auxiliary pioneer ay magkakaroon ng tig-250 kopya upang ipamahagi, samantalang ang mga mamamahayag ng kongregasyon ay bibigyan ng tig-50 kopya bawat isa. Tayo’y maraming gawain na kailangang isagawa. Kayo ba’y nananabik na makibahagi sa kasiya-siyang gawaing ito? Walang alinlangan. Malawakang ipamahagi natin ang mahalagang mensaheng ito na salig sa Bibliya na nasa Kingdom News Blg. 35 hangga’t maaari!