Ikaw Ba ay Isang Buong-Panahong Saksi?
1 Sasagutin mo ba ng oo ang katanungang ito? Bagaman hindi lahat ng mga naaalay na lingkod ni Jehova ay maaaring itala sa buong-panahong ministeryo, hindi ba makatuwirang asahan na mamalasin nating lahat ang ating sarili bilang kaniyang buong-panahong mga Saksi? Dapat lamang.
2 Walang tinatawag na bahaging-panahong Kristiyano. Sinabi ni Jesus hinggil sa kaniyang ama: “Lagi kong ginagawa ang mga bagay na kalugud-lugod sa kaniya.” (Juan 8:29) Si Pablo, na nakadama rin ng gayon, ay humimok sa atin na “gawin ninyo ang lahat ng bagay para sa kaluwalhatian ng Diyos.” (1 Cor. 10:31) Kung gayon sa ano mang paraan ay dapat nating kilalanin ang ating sarili bilang buong-panahong mga Saksi ni Jehova. Ang paglalagay natin sa isipan na tayo’y buong-panahong mga Saksi ay may mabuting epekto sa atin sa lahat ng ating itinataguyod na gawain.
3 Isaalang-alang ang mga Patotoo: Ang ating anyo, pananalita, at paggawi ay maaaring magpakita sa ibang mga tao na tayo’y talagang mga Saksi ni Jehova. Tayo’y palaisip sa pagkakaroon ng mahinhing anyo, mabuting pananalita, at wastong paggawi kapag tayo’y naglilingkod sa larangan o dumadalo sa mga Kristiyanong pagpupulong. Gayunman, kahiman tayo’y pumapasok sa paaralan, gumagawa sa isang sekular na trabaho, o naglilibang, ang lahat hinggil sa atin ay dapat na magbigay ng patotoo na tayo ay namumuhay ayon sa matutuwid na pamantayan ni Jehova.
4 Sinabi ni Jesus: “Ang isang lunsod ay hindi maitatago kapag nakatayo sa ibabaw ng bundok. . . . Pasikatin ang inyong liwanag sa harap ng mga tao, upang kanilang makita ang inyong maiinam na gawa at magbigay ng kaluwalhatian sa inyong Ama na nasa mga langit.” (Mat. 5:14-16) Dapat na ito’y totoo sa lahat ng ating ginagawa sa lahat ng panahon. Kung nasusumpungan natin na tayo’y nag-aatubili sa pagbibigay ng patotoo dahilan sa lugar na kinaroroonan o sa ginagawa natin, kailangan nating tanungin ang ating sarili, ‘Ako ba’y naglilingkod kay Jehova nang bahaging-panahon o buong-panahon?’ Huwag nawa nating palipasin kailanman ang pagkakataon na magsalita sa iba hinggil sa mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.
5 Tandaan, ating pinararangalan at pinaluluguran si Jehova kapag ating nasasagot ang katanungang, “Ikaw ba ay isang buong-panahong Saksi?” ng umaalingawngaw na “Oo!”