Gumagawa Ba Kayo Nang May Layunin?
1 Si Jehova ay isang Diyos ng layunin. (Isa. 55:10, 11) Tayo ay pinapayuhang tumulad sa kaniya. (Efe. 5:1) Ito ay dapat na ipakita sa paraan ng pagsasagawa natin ng ating ministeryo. Kaya angkop ang katanungang: “Gumagawa ba kayo nang may layunin?”
2 Ang inyong pangangaral sa bahay-bahay, di-pormal na pagpapatotoo, at pamamahagi ng literatura ay pawang bahagi ng isang makabuluhang ministeryo. Subalit tandaan na hindi lamang pangangaral ang sangkot sa ating atas kundi ang paggawa rin ng alagad. (Mat. 28:19, 20) Pagkatapos ihasik ang mga binhi ng katotohanan ng Kaharian, kailangan tayong magbalik upang diligin ang mga ito at pangalagaan nang regular habang tayo’y nagtitiwala kay Jehova na palalaguin ito. (1 Cor. 3:6) Kailangan tayong maging taimtim sa pagsasagawa ng mga pagdalaw-muli at pagsisimula ng mga pag-aaral sa Bibliya.
3 Palawakin ang Inyong Ministeryo: Laging mabuti ang ating nadarama kapag nagugunita natin ang ating naisagawa sa paglilingkod at nasasabi natin sa ating sarili: “Naisakatuparan ko kung ano ang binalak kong gawin.” Gaya ng nakaulat sa 2 Timoteo 4:5, nanghimok si Pablo: “Lubusan mong ganapin ang iyong ministeryo.” Saklaw nito ang pagpapalawak sa inyong mga pagsisikap na subaybayan ang lahat ng nasumpungang interes. Sa inyong lingguhang iskedyul sa paglilingkod, magplano ng isang tiyak na panahon upang gumawa ng mga pagdalaw-muli. Sikaping maabot ang tunguhing magpasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya sa mga nakahilig sa katuwiran. Ito ang dapat na maging layunin ninyo kapag nakikibahagi sa ministeryo.
4 Tanungin ang mga mamamahayag kung ano ang kanilang nadama nang makita nilang nabautismuhan ang kanilang mga estudyante sa Bibliya sa isang asamblea. Sila’y nagalak, marahil ay gaya ng nadama ng mga nabautismuhan mismo. Naisakatuparan nila ang isang dakilang layunin! Ganito ang naging pahayag ng isang manggagawa ng alagad: “Ang paggawa ng mga alagad ay nangangahulugan ng paggawa ng higit na tagapuri kay Jehova. Ito’y nangangahulugan ng buhay para sa mga tumatanggap ng katotohanan. Talagang gusto kong magturo ng katotohanan sa iba—ito’y pambihira! Ang marami sa mga natutong umibig kay Jehova ay naging matatalik kong kaibigan.”
5 Gunigunihin ang makatulong sa isang tao na maging isang naaalay na lingkod ni Jehova! Kay laking dahilan ng kagalakan! Ang gayong bunga ay resulta ng paggawa nang may layunin sa ministeryo.—Col. 4:17.