Tanong
◼ Handa ba kayo sa panahon ng kagipitan?
Sa ngayon, “ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari” ay kadalasang lumilikha ng kagipitan sa pagpapagamot. (Ecles. 9:11) Upang tayo’y makapaghanda para sa gayong kalagayan, si Jehova ay naglaan ng tulong sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon, subalit inaasahan niyang gagawin natin ang ating bahagi. Nasa ibaba ang isang talaan na makatutulong sa inyo.
• Dalhin ang kasalukuyang Advance Medical Directive/Release card sa lahat ng panahon.
• Tiyaking dala ng inyong anak ang kasalukuyang Identity Card.
• Repasuhin ang insert ng Enero 1993 ng Ating Ministeryo sa Kaharian, na iniensayo kung paano mangangatuwiran sa mga doktor hinggil sa paggamot sa inyong anak.
• Repasuhin ang mga artikulo hinggil sa mga sangkap ng dugo at mga panghalili sa dugo. (Mungkahi: Ang Bantayan, Oktubre 1, 1994, pahina 31; Hunyo 1, 1990, pahina 30-1; Marso 1, 1989, pahina 30-1; Gumising!, Disyembre 8, 1994, pahina 23-7; Agosto 8, 1993, pahina 22-5; Nobyembre 22, 1991, pahina 10; at Ating Ministeryo sa Kaharian, mga insert ng Enero 1993 at Pebrero 1991. Ingatan ang mga ito sa isang folder na madaling kunin.)
• Pagpasiyahang mabuti kung pahihintulutan ninyo ang paggamit ng mga makina na nagpapaikot ng dugo sa labas ng katawan o kung kaya ninyong tanggapin ang mga produkto na nagtataglay ng mga sangkap ng dugo.
• Bago magtungo sa ospital, hangga’t maaari, hayaang malaman ito ng matatanda upang kayo’y maalalayan nila at matawagan ang Hospital Liaison Committee (HLC) kung kinakailangan.
Gawing Maliwanag ang Inyong Pagtanggi sa Dugo: Ang mga ulat ay nagpapakita na ang ilang kapatid ay naghintay hanggang sa huling minuto upang sabihin sa manggagamot na hindi nila nais ng dugo. Ito’y hindi makatuwiran para sa mga manggagamot at sa mga kasamahan niya at naglalagay sa inyo sa panganib na masalinan. Kung alam ng mga doktor ang inyong paninindigan at ang inyong kagustuhan ay nasusuhayan ng pirmadong mga dokumento na naglalaman ng inyong maliwanag na mga tagubilin, ito’y makatutulong sa kanila na magpatuloy kaagad nang walang pagkaantala at kadalasa’y nagbibigay sa kanila ng karagdagang mapagpipilian para sa medikal na panggagamot na walang dugo.
Yamang maaaring maganap sa anumang panahon ang kagipitan sa pagpapagamot, na kadalasa’y sa panahong hindi ninyo inaasahan, gumawa na ngayon ng hakbangin upang mapangalagaan ang inyong sarili at ang inyong mga anak mula sa pagsasalin ng dugo.—Kaw. 16:20; 22:3.