Tinutulungan Tayo ng mga Anghel
1 “Narito! ako ay sumasainyo sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” Tunay ngang nakapagpapatibay ang mga salitang iyan para sa mga nagbibigay-pansin sa utos ni Jesus: “Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad”! (Mat. 28:18-20) Ang isang mahalagang paraan na si Jesus ay kasama ng tunay na mga Kristiyano ay sa pamamagitan ng kaniyang mga anghel. (Mat. 13:36-43) Tunay ngang nakapananabik na ihayag ang “walang-hanggang mabuting balita” kaisa ng tapat na mga espiritung nilalang na ito!—Apoc. 14:6, 7.
2 Sa Ating Ministeryo: Isinisiwalat ng Bibliya na ang mga anghel ay isinugo “upang maglingkod doon sa mga magmamana ng kaligtasan.” (Heb. 1:14) Noong unang siglo, tumulong ang mga anghel na akayin ang mga tagasunod ni Jesus patungo sa mga taong karapat-dapat. (Gawa 8:26) Sa ngayon, patuloy na nakikita ng mga lingkod ng Diyos ang ebidensiya ng pagpatnubay ng mga anghel. Sa maraming pagkakataon, nagsabi ang mga may-bahay na nananalangin sila ukol sa tulong nang dumating ang isang Saksi upang dumalaw sa kanila. Talagang nagagalak tayo, kasama ng mga anghel, kapag tumutugon ang gayong mga tao sa mensahe ng Kaharian!—Luc. 15:10.
3 Pagharap sa Pagsalansang: Si Daniel, ang tatlong kabataang Hebreo na kasamahan niya, si apostol Pedro, at ang marami pang iba na sumailalim sa mahihirap na pagsubok ay nakaranas ng proteksiyon ni Jehova sa pamamagitan ng mga anghel, na “makapangyarihan sa kalakasan.” (Awit 103:20; Dan. 3:28; 6:21, 22; Gawa 12:11) Bagaman kung minsan ay maaari nating madama na wala tayong kalaban-laban sa harap ng pagsalansang, mapatitibay tayo ng karanasan ng tagapaglingkod ni Eliseo nang malaman niyang “mas marami ang kasama natin kaysa sa mga kasama nila.” (2 Hari 6:15-17) Tayo man ay sapilitang ihiwalay sa ating Kristiyanong mga kapatid, hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa. Tinitiyak sa atin ng Salita ng Diyos: “Ang anghel ni Jehova ay nagkakampo sa buong palibot niyaong mga may takot sa kaniya.”—Awit 34:7.
4 Malapit nang humayo ang mga hukbo ng anghel upang alisin ang lahat ng pagsalansang sa paghahari ni Kristo. (Apoc. 19:11, 14, 15) Habang hinihintay natin ang araw na iyon, patuloy nawa nating purihin si Jehova nang may lakas ng loob, anupat lubusang nagtitiwala sa makapangyarihang suporta ng makalangit na mga hukbo sa ilalim ng pangunguna ni Kristo.—1 Ped. 3:22.