Maging Bihasa sa Paggamit ng Bibliya
1. Bakit talagang kapaki-pakinabang ang Bibliya?
1 Dahil sa bihasang paggamit ng kinasihang Salita ng Diyos, malinaw nating naipangangaral at naituturo ang katotohanan at naihahayag din natin ang maling mga turo at tradisyon ng mga tao.—2 Tim. 2:15; 1 Ped. 3:15.
2. Ano ang makatutulong sa atin para maging mas bihasa sa paghahanap ng teksto?
2 Maging Mas Pamilyar: Gaya sa anumang kagamitan, magiging bihasa ka sa paggamit ng Bibliya kung magiging mas pamilyar ka rito. Malalaman mo ang tema ng Bibliya kung babasahin mo ito nang buo. Tutulong din ito para madali mong matandaan at mahanap ang mga teksto. Habang lalo kang nagiging mas pamilyar sa Kasulatan, mas makapagsasalita ka nang may sigasig at kombiksiyon kapag nagpapatotoo sa iba nang di-pormal o sa bahay-bahay.—1 Tes. 1:5.
3, 4. (a) Ano ang ilang paraan para maging mas pamilyar tayo sa Bibliya? (b) Ano ang ibang paraan na ginawa ninyo para maging mas pamilyar kayo sa Kasulatan?
3 Ugaliing buksan ang iyong Bibliya at subaybayan ang mga tekstong binabasa sa mga pulong sa kongregasyon. Sa panahon ng personal na pag-aaral at paghahanda sa mga pulong sa kongregasyon, tingnan ang binanggit na mga teksto at bulay-bulayin ang aplikasyon nito. Napansin ng marami na kapag nagbabasa sila ng teksto mula mismo sa Bibliya sa halip na sa monitor ng computer o printout, mas madali nila itong nahahanap kapag kailangan sa ministeryo.—Juan 14:26.
4 Isinaayos ng ilang pamilya na maglaan ng panahon para magsaulo ng mga teksto sa Bibliya. Maaari itong gawin sa pamamagitan ng mga flash card kung saan nakalagay ang teksto sa isang panig at ang nilalaman naman nito sa kabila. Naghahalinhinan sila para hulaan ang teksto o sabihin ang nilalaman nito. Malaking tulong din ang pag-eensayo ng mga presentasyon at kung paano sasagutin ang isang pagtutol o tanong gamit ang Bibliya.
5. Bakit natin gustong maging mas bihasa sa paggamit ng Bibliya?
5 Walang katulad ang Bibliya. Ito lamang ang aklat na naglalaman ng “makapagpaparunong sa [mga tao] ukol sa kaligtasan.” (2 Tim. 3:15) Yamang karamihan ng mga tao sa ating teritoryo ay hindi pamilyar sa mahahalagang kayamanan na nasa Bibliya, lalo ngang dapat tayong maging mas bihasa sa paggamit nito upang maipakita natin sa kanila kung ano ang nilalaman nito.—Kaw. 2:1-5.