Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo
MAYO 6-12
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 2 CORINTO 4-6
“Hindi Tayo Sumusuko”
(2 Corinto 4:16) Kaya hindi tayo sumusuko; kahit ang katawan natin ay nanghihina, ang puso at isip natin ay nagkakaroon ng panibagong lakas araw-araw.
Pagod Ngunit Hindi Nanghihimagod
16 Siyempre pa, ang pangangalaga sa ating espirituwal na kalusugan ay napakahalaga. Kapag mayroon tayong malapít na kaugnayan sa Diyos na Jehova, maaari tayong mapagod sa pisikal, ngunit hindi tayo kailanman manghihimagod sa pagsamba sa kaniya. Si Jehova ang “nagbibigay ng lakas sa pagod; at ang isa na walang dinamikong lakas ay pinasasagana niya sa lubos na kalakasan.” (Isaias 40:28, 29) Si apostol Pablo, na personal na nakaranas ng katotohanan ng mga salitang ito, ay sumulat: “Hindi kami nanghihimagod, kundi kahit ang pagkatao namin sa labas ay nanghihina, tiyak namang ang pagkatao namin sa loob ay nababago sa araw-araw.”—2 Corinto 4:16.
17 Pansinin ang pananalitang “sa araw-araw.” Ipinahihiwatig nito na sinasamantala natin ang mga paglalaan ni Jehova sa araw-araw. Kinailangang harapin ng isang misyonera, na tapat na naglingkod sa loob ng 43 taon, ang mga yugto ng pisikal na pagkapagod at pagkasira ng loob. Pero hindi siya nanghimagod. Sinabi niya: “Ginawa kong kaugalian na bumangon nang maaga upang bago ko pasimulan ang anumang trabaho, makagugugol ako ng panahon sa pananalangin kay Jehova at pagbabasa ng kaniyang Salita. Ang pang-araw-araw na rutin na ito ang tumutulong sa akin na makapagbata hanggang sa ngayon.” Tunay ngang makaaasa tayo sa nakapagpapalakas na kapangyarihan ni Jehova kung regular, oo “sa araw-araw,” ay nananalangin tayo sa kaniya at nagbubulay-bulay hinggil sa kaniyang matatayog na katangian at sa kaniyang mga pangako.
(2 Corinto 4:17) Dahil kahit panandalian at magaan ang kapighatian, nagdudulot ito sa atin ng kaluwalhatian na walang katulad at walang hanggan;
Pagbabata
Mahalaga rin na huwag kailanman hayaan ng isa na mawala sa kaniyang isipan ang pag-asang Kristiyano, ang walang-hanggang buhay na malaya sa kasalanan. Kahit ang kamatayan sa mga kamay ng mga mang-uusig ay hindi makapagpapawalang-bisa sa pag-asang ito. (Ro 5:4, 5; 1Te 1:3; Apo 2:10) Ang pagdurusa sa kasalukuyan ay magtitinging napakadaling pagtiisan kapag inihambing sa katuparan ng dakilang pag-asang iyon. (Ro 8:18-25) Kung isasaalang-alang ang pag-asang mabuhay nang walang hanggan, ang anumang pagdurusa, bagaman matindi sa panahong ito, ay “panandalian at magaan.” (2Co 4:16-18) Kung aalalahanin ng isa na pansamantala lamang ang mga pagsubok at kung manghahawakan siyang mahigpit sa pag-asang Kristiyano, makatutulong ito upang hindi siya mawalan ng pag-asa at maging di-tapat sa Diyos na Jehova.
(2 Corinto 4:18) habang pinananatili nating nakapokus ang ating mga mata, hindi sa mga bagay na nakikita, kundi sa mga bagay na di-nakikita. Dahil ang mga bagay na nakikita ay pansamantala, pero ang mga bagay na di-nakikita ay walang hanggan.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(2 Corinto 4:7) Gayunman, ibinigay sa amin ang kayamanang ito kahit gaya lang kami ng mga sisidlang luwad, para maipakita na ang lakas na higit sa karaniwan ay mula sa Diyos at hindi sa aming sarili.
“Pangitiin si Jehova”
Ipinaliwanag ni David Splane ng Lupong Tagapamahala ang paksang iyan mula sa Kasulatan. (2 Corinto 4:7) Ano ba ang kayamanang iyon? Ito ba ay kaalaman o karunungan? “Hindi,” ang sagot ng tagapagsalita. “Ang kayamanang tinutukoy ni apostol Pablo ay ang ‘ministeryong ito’ ng ‘paghahayag ng katotohanan.’” (2 Corinto 4:1, 2, 5) Ipinaalaala ni Brother Splane sa mga estudyante na ang kanilang limang-buwang pag-aaral ay pagsasanay para sa isang espesyal na atas sa ministeryo—isang atas na dapat na lubusang pahalagahan.
Ipinaliwanag ng tagapagsalita na ang “sisidlang luwad” ay tumutukoy sa ating pisikal na katawan. Pinaghambing niya ang isang sisidlang yari sa luwad at ang isang yari sa ginto. Ang sisidlang ginto ay hindi madalas gamitin. Pero ang sisidlang luwad ay gamít na gamít. Kapag naglagay tayo ng kayamanan sa sisidlang ginto, baka mas mapansin natin ang sisidlan kaysa sa kayamanang naroroon. “Hindi ninyo gustong sa inyo mapunta ang atensiyon,” ang sabi ni Brother Splane. “Bilang mga misyonero, gusto ninyong akayin kay Jehova ang mga tao. Kayo ay mga sisidlang luwad.”
(2 Corinto 6:13) Kaya naman—kinakausap ko kayong parang mga anak ko—buksan din ninyong mabuti ang inyong puso.
Patuloy na Pasulungin ang Iyong Pag-ibig na Pangkapatid
7 Kumusta naman tayo? Paano natin ‘mapalalawak’ ang ating pag-ibig na pangkapatid? Likas lamang na mas madaling maging magkaibigan ang magkaedad o magkababayan. At ang palaging magkakasama ay ang magkakapareho ng paboritong libangan. Pero kung napapahiwalay na tayo sa ibang Kristiyano dahil dito, kailangan nating “magpalawak.” Makabubuting tanungin ang ating sarili: ‘Sa ministeryo o paglilibang, bihira ba akong makihalubilo sa mga kapatid na hindi ko kapalagayang-loob? Sa Kingdom Hall, hindi ba ako masyadong nakikipag-usap sa mga baguhan dahil iniisip kong sila ang dapat makipagkaibigan sa akin? Pareho ko bang binabati ang mga may-edad na at ang mga kabataan sa kongregasyon?’
Pagbabasa ng Bibliya
(2 Corinto 4:1-15) Kaya naman, alang-alang sa ministeryong ito na tinanggap namin dahil kinaawaan kami, hindi kami sumusuko. 2 Tinalikuran namin ang kahiya-hiyang mga bagay na ginagawa nang pailalim at hindi kami nanlilinlang at hindi namin pinipilipit ang salita ng Diyos, kundi ipinahahayag namin ang katotohanan; dahil dito, sa harap ng Diyos ay naging mabuting halimbawa kami sa lahat ng tao. 3 Ang totoo, kung natatalukbungan ang mabuting balita na ipinahahayag namin, natatalukbungan ito para sa mga malilipol, 4 ang mga di-sumasampalataya, na ang isip ay binulag ng diyos ng sistemang ito para hindi makatagos ang liwanag ng maluwalhating mabuting balita tungkol sa Kristo, na siyang larawan ng Diyos. 5 Dahil kapag nangangaral kami, hindi tungkol sa aming sarili ang sinasabi namin kundi tungkol sa pagiging Panginoon ni Jesu-Kristo, at ipinapakilala namin ang aming sarili bilang mga alipin ninyo alang-alang kay Jesus. 6 Dahil ang Diyos ang nagsabi: “Pasikatin ang liwanag mula sa kadiliman,” at sa pamamagitan ng mukha ni Kristo, pinasikat niya ang Kaniyang liwanag sa aming mga puso, ang liwanag na nagbibigay ng kamangha-manghang kaalaman tungkol sa Diyos. 7 Gayunman, ibinigay sa amin ang kayamanang ito kahit gaya lang kami ng mga sisidlang luwad, para maipakita na ang lakas na higit sa karaniwan ay mula sa Diyos at hindi sa aming sarili. 8 Kabi-kabila ang panggigipit sa amin, pero hindi kami nasusukol; hindi namin alam ang gagawin, pero may nalalabasan pa rin kami; 9 inuusig kami, pero hindi kami pinababayaan; ibinabagsak kami, pero nakakabangon kami. 10 Laging pinagtitiisan ng aming katawan ang napakasamang pagtrato na dinanas ni Jesus, nang sa gayon, ang buhay ni Jesus ay mahayag din sa aming katawan. 11 Dahil kami na nabubuhay ay laging nalalagay sa bingit ng kamatayan alang-alang kay Jesus, nang sa gayon, ang buhay ni Jesus ay mahayag din sa aming mortal na katawan. 12 Kaya kamatayan ang para sa amin, at buhay naman ang para sa inyo. 13 Nasusulat: “Nanampalataya ako, kaya nagsalita ako.” Ganiyan din ang ipinapakita naming pananampalataya kaya naman nagsasalita kami, 14 dahil alam naming bubuhayin din kaming muli ng Isa na bumuhay-muli kay Jesus para makasama si Jesus at ihaharap Niya kaming kasama ninyo. 15 Lahat ng ito ay para sa inyo, para lalong mag-umapaw ang walang-kapantay na kabaitan dahil mas dumarami pa ang nagpapasalamat, at sa ganitong paraan ay maluluwalhati ang Diyos.
MAYO 13-19
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 2 CORINTO 7-10
“Paglilingkod sa Ating mga Kapatid”
(2 Corinto 8:1-3) Ngayon, mga kapatid, gusto naming malaman ninyo kung ano ang nagawa ng walang-kapantay na kabaitan ng Diyos sa mga kongregasyon sa Macedonia. 2 Nagdurusa sila sa panahon ng matinding pagsubok. Pero kahit napakahirap nila, masayang-masaya pa rin sila at napakabukas-palad. 3 Ibinigay nila ang lahat ng maibibigay nila, ang totoo, higit pa nga sa kaya nilang ibigay. At mapapatotohanan ko ito.
“Iniibig ng Diyos ang Isang Masayahing Nagbibigay”
Una, sinabi ni Pablo sa mga taga-Corinto ang tungkol sa mga taga-Macedonia, na kapuri-puri ang naging pagtugon sa pagpapadala ng tulong. “Sa panahon ng isang malaking pagsubok sa ilalim ng dalamhati,” isinulat ni Pablo, “ang kanilang saganang kagalakan at ang kanilang matinding karalitaan ay nagpasagana sa kayamanan ng kanilang pagkabukas-palad.” Hindi na kinailangan pang himukin ang mga taga-Macedonia. Sa kabaligtaran, sinabi ni Pablo na “sa kanilang sariling kagustuhan ay patuloy na nagsusumamo sa amin na may matinding pamamanhik para sa pribilehiyo na may-kabaitang pagbibigay.” Ang masayang pagkabukas-palad ng mga taga-Macedonia ay lalo pang kapuri-puri kapag isinaalang-alang natin na sila mismo ay nasa “matinding karalitaan.”—2 Corinto 8:2-4.
Pagbibigay ng Tulong —Lumuluwalhati kay Jehova
MGA 46 C.E. noon, at matindi ang taggutom sa Judea. Dahil sa sobrang kaunti ng suplay ng mga butil, napakamahal ng presyo nito at walang pambili ang mga Judiong alagad ni Kristo na naninirahan doon. Nagugutom sila at nangangalumata. Pero mararanasan nila ang dampi ng kamay ni Jehova sa paraang hindi pa nararanasan ng ibang mga alagad ni Kristo noon. Tingnan natin kung ano ang nangyari.
(2 Corinto 8:4) Sila pa mismo ang paulit-ulit na nakikiusap sa amin na payagan silang magbigay at makapaglingkod din sa mga banal.
Pagbibigay ng Tulong —Lumuluwalhati kay Jehova
4 Sa kaniyang ikalawang liham sa mga taga-Corinto, ipinaliwanag ni Pablo na may dalawang bahagi ang ministeryong Kristiyano. Bagaman ang liham ni Pablo ay para sa mga pinahirang Kristiyano, kapit din ang sinabi niya sa “ibang mga tupa” ni Kristo. (Juan 10:16) Ang isang bahagi ng ating ministeryo ay ang “ministeryo ng pakikipagkasundo,” o ang gawaing pangangaral at pagtuturo. (2 Cor. 5:18-20; 1 Tim. 2:3-6) Ang isa naman ay ang binabanggit ni Pablo na “ministeryong itinalaga para sa mga banal,” o ang pagtulong natin sa ating mga kapananampalataya. (2 Cor. 8:4) Nang banggitin niya ang “ministeryo ng pakikipagkasundo” at “ministeryong itinalaga para sa mga banal,” ang ginamit niyang termino para sa “ministeryo” ay salin ng isang anyo ng salitang Griego na di·a·ko·niʹa. Bakit ito mahalaga?
5 Sa paggamit ng iisang salitang Griego para sa dalawang gawain, sinasabi ni Pablo na ang pagtulong ay isa ring anyo ng ministeryo na isinasagawa ng kongregasyong Kristiyano. Sa una niyang liham, sinabi niya: “May sari-saring ministeryo, at gayunma’y may iisang Panginoon; at may sari-saring gawain, . . . Ngunit ang lahat ng gawaing ito ay isinasagawa ng mismong espiritu ring iyon.” (1 Cor. 12:4-6, 11) Sa katunayan, iniugnay ni Pablo sa “sagradong paglilingkod” ang iba’t ibang anyo ng ministeryo na isinasagawa ng kongregasyon. (Roma 12:1, 6-8) Tiyak na iyan ang dahilan kung bakit naisip niyang maglaan ng panahon para “maglingkod sa mga banal”!—Roma 15:25, 26.
6 Tinulungan ni Pablo ang mga taga-Corinto na maintindihan kung bakit ang pagtulong ay bahagi ng kanilang ministeryo at pagsamba kay Jehova. Pansinin ang kaniyang pangangatuwiran: Ang mga Kristiyano ay naglalaan ng tulong dahil “mapagpasakop [sila] sa mabuting balita tungkol sa Kristo.” (2 Cor. 9:13) Dahil gusto nilang isabuhay ang mga turo ni Kristo, tinutulungan ng mga Kristiyano ang kanilang mga kapananampalataya. Sinabi ni Pablo na ang kabaitan nila sa kanilang mga kapatid ay kapahayagan ng “nakahihigit na di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos.” (2 Cor. 9:14; 1 Ped. 4:10) May kinalaman sa paglilingkod sa mga kapatid na nangangailangan, kasama na ang pagtulong kapag may sakuna, sinabi ng Disyembre 1, 1975, ng The Watchtower: “Hinding-hindi natin dapat pag-alinlanganan na napakahalaga sa Diyos na Jehova at sa kaniyang Anak na si Jesu-Kristo ang uring ito ng paglilingkod.” Oo, ang pagtulong ay isang mahalagang anyo ng sagradong paglilingkod.—Roma 12:1, 7; 2 Cor. 8:7; Heb. 13:16.
(2 Corinto 9:7) Magbigay ang bawat isa nang mula sa puso, hindi mabigat sa loob o napipilitan, dahil mahal ng Diyos ang masayang nagbibigay.
Kung Paano Tinutustusan ang Gawaing Pang-Kaharian
10 Una, boluntaryo tayong nag-aabuloy dahil mahal natin si Jehova at gusto nating gawin ang “kalugud-lugod sa kaniyang paningin.” (1 Juan 3:22) Talagang nalulugod si Jehova sa kaniyang mananamba na nagbibigay nang mula sa puso. Tingnan natin ang simulaing sinabi ni apostol Pablo sa mga Kristiyano hinggil sa pagbibigay. (Basahin ang 2 Corinto 9:7.) Ang isang tunay na Kristiyano ay hindi nag-aatubili o napipilitan na magbigay. Sa halip, nagbibigay siya dahil iyon ang “ipinasiya niya sa kaniyang puso.” Ibig sabihin, nagbibigay siya matapos niyang alamin ang mga pangangailangan at kung paano siya makatutulong. Mahal ni Jehova ang gayong tao “sapagkat iniibig ng Diyos ang masayang nagbibigay.” Ang sabi nga ng ibang salin: “Mahal ng Diyos ang mga taong gustong-gustong magbigay.”
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(2 Corinto 9:15) Salamat sa Diyos dahil sa kaniyang walang-bayad na regalo na hindi mailarawan ng mga salita.
Nauudyukan Ka Ba ng “Di-mailarawang Kaloob” ng Diyos?
2 Alam ni Pablo na ang hain ni Kristo ay garantiya na matutupad ang lahat ng kamangha-manghang pangako ng Diyos. (Basahin ang 2 Corinto 1:20.) Kaya kasama sa “di-mailarawang kaloob na walang bayad” ang lahat ng kabutihan at matapat na pag-ibig na ilalaan sa atin ni Jehova sa hinaharap sa pamamagitan ni Jesus. Oo, talagang kamangha-mangha ang kaloob na ito at hindi lubusang mailalarawan ng isip ng tao. Paano dapat makaapekto sa atin ang di-mapapantayang kaloob na ito? At udyok nito, ano-ano ang dapat nating gawin habang naghahanda tayo sa pagdiriwang ng Memoryal ng kamatayan ni Kristo sa Marso 23, 2016, araw ng Miyerkules?
(2 Corinto 10:17) “Kundi siya na nagmamalaki, ipagmalaki niya si Jehova.”
Mali Bang Maging Mapagmapuri?
Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang pandiwang kau·khaʹo·mai, na isinaling “magmapuri, magmataas, maghambog,” ay ginagamit kapuwa sa isang negatibo at positibong diwa. Halimbawa, sinabi ni Pablo na maaaring “magbunyi tayo, salig sa pag-asa ng kaluwalhatian ng Diyos.” Nagrerekomenda rin siya: “Siya na naghahambog, ipaghambog niya si Jehova.” (Roma 5:2; 2 Corinto 10:17) Nangangahulugan ito na ipagmapuri natin si Jehova na ating Diyos, isang damdamin na maaaring umakay sa atin na ipagbunyi ang kaniyang mabuting pangalan at reputasyon.
Pagbabasa ng Bibliya
(2 Corinto 7:1-12) Kaya nga, dahil sa mga pangakong ito sa atin, mga minamahal, linisin natin ang ating sarili mula sa bawat karumihan ng laman at espiritu para maabot natin ang lubos na kabanalan nang may takot sa Diyos. 2 Bigyan ninyo kami ng puwang sa puso ninyo. Wala kaming ginawan ng mali, pinasamâ, o dinaya. 3 Hindi ko ito sinasabi para hatulan kayo. Dahil sinabi ko na sa inyo na mamatay man tayo o mabuhay, mananatili kayo sa puso namin. 4 Nakakausap ko kayo nang tapatan. Talagang ipinagmamalaki ko kayo. Panatag ang loob ko; nag-uumapaw ako sa saya sa kabila ng lahat ng paghihirap namin. 5 Ang totoo, nang dumating kami sa Macedonia, hindi kami naginhawahan kundi patuloy kaming nahirapan sa bawat paraan—may mga pagsalakay ng mga kaaway mula sa labas at may takot sa puso namin. 6 Pero nang dumalaw si Tito, inaliw kami ng Diyos, na umaaliw sa mga nalulungkot. 7 Hindi lang ang pagdating niya ang nakaaliw sa amin. Naaliw rin kami dahil masaya siyang bumalik dahil sa inyo. Ibinalita niya ang kagustuhan ninyong makita ako, ang matinding kalungkutan ninyo, at ang tunay na pagmamalasakit ninyo sa akin; kaya lalo pa akong nagsaya. 8 Kahit napalungkot ko kayo dahil sa liham ko, hindi ko iyon pinagsisisihan. Kung pinagsisihan ko man iyon noong una, (dahil nakita kong napalungkot kayo ng liham na iyon, pero sandali lang naman), 9 natutuwa ako ngayon, hindi dahil nalungkot kayo kundi dahil inakay kayo ng inyong kalungkutan sa pagsisisi. Ang kalungkutan ninyo ay ayon sa kalooban ng Diyos, kaya hindi kayo napinsala dahil sa amin. 10 Dahil ang kalungkutan na ayon sa kalooban ng Diyos ay umaakay sa pagsisisi at kaligtasan, kaya hindi ito panghihinayangan; pero ang makasanlibutang kalungkutan ay nagbubunga ng kamatayan. 11 Tingnan ninyo kung ano ang naging epekto sa inyo ng inyong kalungkutan na ayon sa kalooban ng Diyos! Nilinis ninyo ang inyong pangalan, nagalit kayo, natakot, nanabik, at talagang nagsikap na itama ang mali! Ginawa ninyo nang tama ang lahat ng bagay para malutas ang problemang ito. 12 Sumulat ako sa inyo, hindi para sa nagkasala o para sa nagawan ng kasalanan, kundi para maipakita ninyo sa Diyos ang matinding kagustuhan ninyo na makinig sa amin.
MAYO 20-26
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 2 CORINTO 11-13
“Ang ‘Tinik sa Laman’ ni Pablo”
(2 Corinto 12:7) dahil lang sa kamangha-manghang mga bagay na isiniwalat sa akin. Kaya para hindi ako magmataas, binigyan ako ng isang tinik sa laman, isang anghel ni Satanas, na laging sasampal sa akin para hindi ako magmataas.
Malakas sa Kabila ng mga Kahinaan
Isang tapat na lingkod ni Jehova ang humiling sa Kaniya na alisin sana ang “isang tinik sa laman,” isang problemang hindi mawala-wala. Tatlong beses na namanhik sa Diyos si apostol Pablo na alisin ang problemang ito. Anuman ito, gaya ng isang nakaiiritang tinik, maaari itong maging dahilan para mawala ang kagalakan ni Pablo sa kaniyang paglilingkod kay Jehova. Sinabi niya na waring laging may sumasampal sa kaniya. Ganito ang sagot ni Jehova: “Ang aking di-sana-nararapat na kabaitan ay sapat na para sa iyo; sapagkat ang aking kapangyarihan ay pinasasakdal sa kahinaan.” Hindi inalis ni Jehova ang tinik sa laman na iyon. Kinailangang paglabanan ito ni Pablo, pero sinabi niya: “Kung kailan ako mahina, saka naman ako malakas.” (2 Cor. 12:7-10) Ano ang ibig niyang sabihin?
(2 Corinto 12:8, 9) Tatlong beses akong nakiusap sa Panginoon na alisin ito. 9 Pero sinabi niya: “Sapat na ang walang-kapantay na kabaitan ko sa iyo, dahil lubusang makikita ang kapangyarihan ko kapag mahina ang isa.” Kaya natutuwa akong ipagmalaki ang mga kahinaan ko, para ang kapangyarihan ng Kristo ay manatili sa akin, na gaya ng isang tolda sa ibabaw ko.
Nagbibigay si Jehova ng “Banal na Espiritu Doon sa mga Humihingi sa Kaniya”
17 Bilang tugon sa mga panalangin ni Pablo, sinabi ng Diyos sa kaniya: “Ang aking di-sana-nararapat na kabaitan ay sapat na para sa iyo; sapagkat ang aking kapangyarihan ay pinasasakdal sa kahinaan.” Sinabi naman ni Pablo: “Kaya buong lugod pa nga akong maghahambog may kinalaman sa aking mga kahinaan, upang ang kapangyarihan ng Kristo ay manatiling tulad ng isang tolda sa ibabaw ko.” (2 Corinto 12:9; Awit 147:5) Samakatuwid, naranasan ni Pablo na sa pamamagitan ni Kristo, ang kapangyarihan at proteksiyon ng Diyos ay tumatakip sa kaniya na tulad ng isang tolda. Sinasagot din ngayon ni Jehova ang mga panalangin natin sa katulad na paraan. Ipinaaabot niya ang kaniyang proteksiyon sa kaniyang mga lingkod tulad ng isang kanlungan.
18 Sabihin pa, hindi naman pinatitigil ng isang tolda ang pagpatak ng ulan o paghihip ng hangin, pero naglalaan ito ng proteksiyon laban sa gayong mga puwersa ng kalikasan. Sa katulad na paraan, hindi pinipigilan ng kanlungang inilalaan ng “kapangyarihan ng Kristo” ang pagdating ng mga pagsubok o mga paghihirap. Pero nagbibigay ito ng espirituwal na proteksiyon laban sa nakapipinsalang mga bagay ng sanlibutang ito at sa mga pagsalakay ng tagapamahala nito, si Satanas. (Apocalipsis 7:9, 15, 16) Kaya kahit nararanasan mo ang isang pagsubok na hindi ‘maalis sa iyo,’ makatitiyak ka na alam ni Jehova ang pakikipagpunyagi mo at tumutugon siya sa “tinig ng iyong pagdaing.” (Isaias 30:19; 2 Corinto 1:3, 4) Sumulat si Pablo: “Ang Diyos ay tapat, at hindi niya hahayaang tuksuhin kayo nang higit sa matitiis ninyo, kundi kalakip ng tukso ay gagawa rin siya ng daang malalabasan upang mabata ninyo iyon.”—1 Corinto 10:13; Filipos 4:6, 7.
(2 Corinto 12:10) Kaya nalulugod ako sa mga kahinaan, insulto, panahon ng pangangailangan, at pag-uusig at problema alang-alang kay Kristo. Dahil kung kailan ako mahina, saka naman ako malakas.
“Siya ay Nagbibigay ng Lakas sa Pagod”
8 Basahin ang Isaias 40:30. Marami man tayong kakayahan, limitado pa rin ang magagawa natin sa ating sariling lakas. Kailangan nating tanggapin iyan. Si apostol Pablo ay lalaking may kakayahan. Pero may mga limitasyon siya kaya hindi niya magawa ang lahat ng gusto niya. Nang sabihin niya sa Diyos ang nadarama niya, sinabi ni Jehova sa kaniya: “Ang aking kapangyarihan ay pinasasakdal sa kahinaan.” Naunawaan iyon ni Pablo, kaya sinabi niya: “Kung kailan ako mahina, saka naman ako malakas.” (2 Cor. 12:7-10) Ano ang ibig niyang sabihin?
9 Alam ni Pablo na limitado ang magagawa niya sa sariling lakas, kaya kailangan niya ang tulong ng Diyos. Mapalalakas siya ng banal na espiritu ng Diyos kapag nanghihina siya. Hindi lang iyon. Mabibigyang-kapangyarihan si Pablo ng banal na espiritu na magampanan ang mga atas na hindi niya magagawa sa sarili niyang lakas. Totoo rin iyan sa atin. Kapag binibigyan tayo ni Jehova ng banal na espiritu, tiyak na mapalalakas tayo!
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(2 Corinto 12:2-4) May kilala akong tao na kaisa ni Kristo. Labing-apat na taon na ang nakararaan, inagaw siya papunta sa ikatlong langit—kung sa pisikal na katawan man ito o hindi, hindi ko alam; Diyos ang nakaaalam. 3 Oo, may kilala akong gayong tao. Kung sa pisikal na katawan man o hindi, hindi ko alam; Diyos ang nakaaalam 4 —ang taong ito ay inagaw papunta sa paraiso, at may narinig siyang mga salita na hindi dapat bigkasin at hindi puwedeng sabihin ng tao.
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Ang “ikatlong langit” na binanggit sa 2 Corinto 12:2 ay malamang na ang Mesiyanikong Kaharian sa pamamahala ni Jesu-Kristo at ng 144,000, ang “mga bagong langit.”—2 Ped. 3:13.
Ito ang “ikatlong langit” dahil ang Kaharian ang pinakamataas na anyo ng pamamahala.
Sa pangitain, ang “paraiso” na pinagdalhan kay Pablo ay malamang na tumutukoy sa (1) pisikal na Paraiso sa lupa na iiral sa hinaharap, (2) espirituwal na paraiso sa hinaharap, na nakahihigit kaysa sa espirituwal na paraiso sa ngayon, at (3) “paraiso ng Diyos” sa langit na iiral kasabay ng bagong sanlibutan.
(2 Corinto 13:12, talababa) Batiin ninyo ang isa’t isa ng banal na halik.
Halik
Ang “Banal na Halik.” Sa gitna ng unang mga Kristiyano, may tinatawag noon na “banal na halik” (Ro 16:16; 1Co 16:20; 2Co 13:12; 1Te 5:26) o “halik ng pag-ibig” (1Pe 5:14), anupat posibleng ipinagkakaloob sa mga kasekso. Ang sinaunang Kristiyanong paraan na ito ng pagbati ay maaaring katumbas ng sinaunang kaugaliang Hebreo na pagbati sa pamamagitan ng halik. Bagaman ang Kasulatan ay hindi naglalaan ng mga detalye, maliwanag na masasalamin sa “banal na halik” o “halik ng pag-ibig” ang nakapagpapatibay na pag-ibig at pagkakaisang umiiral sa kongregasyong Kristiyano.—Ju 13:34, 35.
Pagbabasa ng Bibliya
(2 Corinto 11:1-15) Pagtiisan sana ninyo ako kahit parang wala ako sa katuwiran. Pero sa totoo lang, pinagtitiisan na ninyo ako! 2 Dahil ang malasakit ko sa inyo ay gaya ng malasakit ng Diyos, dahil ako mismo ang nangako na ipakakasal ko kayo sa isang lalaki, ang Kristo, at gusto kong iharap kayo sa kaniya bilang isang malinis na birhen. 3 Pero natatakot ako na sa paanuman, kung paanong nadaya ng ahas si Eva sa tusong paraan, ang mga pag-iisip ninyo ay malason din at maiwala ninyo ang inyong kataimtiman at kalinisan na nararapat sa Kristo. 4 Dahil ang totoo, kapag may dumarating at nangangaral tungkol sa isang Jesus na iba sa ipinangangaral namin o kapag may nagbibigay sa inyo ng isang espiritu na iba sa taglay na ninyo o kapag may nagdadala sa inyo ng mabuting balita na iba sa tinanggap na ninyo, tinatanggap ninyo siya. 5 Dahil wala akong makitang dahilan para masabing nakabababa ako sa ubod-galing na mga apostol ninyo. 6 Dahil kahit hindi ako mahusay sa pagsasalita, mayroon naman akong kaalaman; at malinaw namin itong ipinapakita sa inyo sa lahat ng bagay. 7 Nagkasala ba ako nang ibaba ko ang sarili ko para maitaas kayo at nang malugod kong ihayag sa inyo nang walang bayad ang mabuting balita ng Diyos? 8 Tinustusan ng ibang mga kongregasyon ang mga pangangailangan ko para makapaglingkod ako sa inyo, kaya parang napagnakawan ko sila. 9 Pero noong nariyan akong kasama ninyo at nangailangan ako, hindi ako naging pabigat sa sinuman, dahil saganang inilaan ng mga kapatid sa Macedonia ang mga pangangailangan ko. Oo, sa bawat paraan, sinikap kong hindi maging pabigat sa inyo at patuloy kong gagawin iyon. 10 Hangga’t ako ay isang tagasunod ni Kristo, patuloy ko itong ipagmamalaki sa buong Acaya. 11 Bakit? Dahil hindi ko kayo mahal? Alam ng Diyos na mahal ko kayo. 12 May ilan na nagyayabang, at sinasabi nilang kapantay namin sila. Kaya ipagpapatuloy ko lang ang ginagawa ko para mawalan sila ng dahilang magyabang. 13 Dahil ang gayong mga tao ay huwad na mga apostol, mapanlinlang na mga manggagawa, na nagkukunwaring mga apostol ni Kristo. 14 At hindi naman iyon nakapagtataka, dahil si Satanas mismo ay laging nagkukunwaring isang anghel ng liwanag. 15 Kaya hindi nakakagulat kung ang mga lingkod niya ay lagi ring nagkukunwari na mga lingkod ng katuwiran. Pero ang magiging wakas nila ay ayon sa mga ginagawa nila.
MAYO 27–HUNYO 2
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | GALACIA 1-3
“Sinaway Ko Siya Nang Harapan”
(Galacia 2:11-13) Pero nang dumating si Cefas sa Antioquia, sinaway ko siya nang harapan, dahil malinaw na mali ang ginawa niya. 12 Dahil bago dumating ang mga lalaking isinugo ni Santiago, kumakain siyang kasama ng mga tao ng ibang mga bansa; pero nang dumating sila, itinigil niya ito at iniwasan ang mga taong iyon, dahil natakot siya sa mga tagasuporta ng pagtutuli. 13 Ginaya ng ibang mga Judio ang pagkukunwari niya, kaya kahit si Bernabe ay naimpluwensiyahan nilang magkunwari.
Tinutularan Mo Ba ang Pananaw ni Jehova sa Katarungan?
16 Basahin ang Galacia 2:11-14. Nagpadala si Pedro sa silo ng pagkatakot sa tao. (Kaw. 29:25) Kahit alam niya kung ano ang damdamin ni Jehova tungkol sa mga Gentil, natakot si Pedro sa sasabihin ng tuling mga Judiong miyembro ng kongregasyon sa Jerusalem. Kinompronta ni apostol Pablo, na naroon din sa pagtitipong iyon sa Jerusalem noong 49 C.E., si Pedro sa Antioquia at inilantad ang pagpapaimbabaw nito. (Gawa 15:12; Gal. 2:13) Paano kaya tutugon sa kawalang-katarungang ito ang mga Kristiyanong Gentil na personal na naapektuhan ng ginawa ni Pedro? Magpapatisod kaya sila? Mawawalan kaya si Pedro ng mahahalagang pribilehiyo dahil sa pagkakamali niya?
(Galacia 2:14) Pero nang makita kong hindi sila lumalakad ayon sa katotohanan ng mabuting balita, sinabi ko kay Cefas sa harap nilang lahat: “Kung ikaw, na isang Judio, ay namumuhay na gaya ng mga tao ng ibang mga bansa at hindi gaya ng mga Judio, bakit mo inoobliga ang mga tao ng ibang mga bansa na mamuhay ayon sa kaugalian ng mga Judio?”
“Walang Katitisuran” Para sa mga Umiibig kay Jehova
12 Tapat si Pedro kay Jesus at kay Jehova. Pero may mga pagkakataong natisod siya dahil sa takot sa iisipin ng iba. Halimbawa, tahasan niyang ikinaila ang kaniyang Panginoon, hindi lang minsan, kundi tatlong ulit. (Luc. 22:54-62) Nang maglaon, nabigo siyang kumilos bilang Kristiyano nang tratuhin niya ang mga mananampalatayang Gentil na parang nakabababa sa mga tuling Judiong Kristiyano. Nakita ni apostol Pablo ang maling saloobin ni Pedro. Hindi dapat magkaroon ng pagtatangi sa loob ng kongregasyon. Kaya bago masira ang samahan ng mga kapatid dahil sa iginawi ni Pedro, kumilos si Pablo at pinayuhan ito nang mukhaan. (Gal. 2:11-14) Nagdamdam ba si Pedro dahil sa payong ito at huminto na sa takbuhan ukol sa buhay? Hindi. Pinag-isipan niya ang payo ni Pablo, ikinapit ito, at nagpatuloy sa takbuhan.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Galacia 2:20) Ipinako ako sa tulos kasama ni Kristo. Hindi na ako ang nabubuhay, kundi si Kristo na kaisa ko. Oo, ang buhay ko ngayon bilang tao ay ayon sa pananampalataya sa Anak ng Diyos, na nagmahal sa akin at nagbigay ng sarili niya para sa akin.
Maglingkod Nang Tapat sa Kabila ng “Maraming Kapighatian”
20 Paano naman pagdating sa tusong pagsalakay? Halimbawa, paano natin madaraig ang pagkasira ng loob? Ang isa sa pinakaepektibong magagawa natin ay ang pagbubulay-bulay sa pantubos. Iyan ang ginawa ni apostol Pablo. Paminsan-minsan ay nadarama niyang miserable siya. Pero alam niya na namatay si Kristo, hindi para sa sakdal na mga tao, kundi para sa mga makasalanan. At isa si Pablo sa mga makasalanang iyon. Sa katunayan, sinabi niya: “Ang buhay na ipinamumuhay ko ngayon . . . ay ipinamumuhay ko sa pananampalataya sa Anak ng Diyos, na umibig sa akin at nagbigay ng kaniyang sarili para sa akin.” (Gal. 2:20) Oo, tinanggap ni Pablo ang pantubos. Alam niyang para sa kaniya mismo ang pantubos.
21 Ang gayon ding pananaw—na ang pantubos ay regalo ni Jehova sa iyo—ay makakatulong nang malaki. Hindi naman ibig sabihin na bigla na lang mawawala ang pagkasira ng iyong loob. Ang ilan sa atin ay patuloy na makikipagpunyagi sa tusong pagsalakay na ito hanggang sa dumating ang bagong sanlibutan. Pero tandaan: Ang mga hindi sumusuko ang tatanggap ng gantimpala. Napakalapit nang dumating ng Kaharian ng Diyos. Sa ilalim ng pamamahala nito, magkakaroon ng kapayapaan sa lupa at magiging sakdal ang lahat ng tao. Maging determinadong pumasok sa Kaharian—kahit pa dumanas ng maraming kapighatian.
(Galacia 3:1) O mga taga-Galacia na hindi nag-iisip, sino ang nakapanlinlang sa inyo, kahit pa malinaw na inilarawan sa inyo kung paano ipinako si Jesu-Kristo sa tulos?
GALACIA, LIHAM SA MGA TAGA-
Ang bulalas ni Pablo na, “O mga hangal na taga-Galacia,” ay hindi katibayan na ang nasa isip lamang niya ay isang etnikong grupo ng mga tao na pantanging nagmula sa angkang Galiko sa hilagaang bahagi ng Galacia. (Gal 3:1) Sa halip, sinasaway ni Pablo ang ilan na kabilang sa mga kongregasyon doon dahil sa pagpapahintulot na maimpluwensiyahan sila ng mga tagapagtaguyod ng Judaismo sa gitna nila, mga Judio na nagsisikap magtatag ng sarili nilang katuwiran sa pamamagitan ng kaayusang Mosaiko kahalili ng ‘katuwiran dahil sa pananampalataya’ na inilalaan ng bagong tipan. (2:15–3:14; 4:9, 10) Kung lahi ang pag-uusapan, “ang mga kongregasyon ng Galacia” (1:2) na sinulatan ni Pablo ay binubuo ng mga Judio at mga di-Judio, anupat ang huling nabanggit ay binubuo naman kapuwa ng mga tinuling proselita at mga di-tuling Gentil, at walang alinlangang ang ilan ay nagmula sa angkang Celtic. (Gaw 13:14, 43; 16:1; Gal 5:2) Sa kabuuan, tinukoy sila bilang mga Kristiyanong taga-Galacia sapagkat ang lugar na kanilang tinitirahan ay tinatawag na Galacia. Mababanaag sa buong liham na ang sinusulatan ni Pablo ay yaong mga kilalang-kilala niya sa timugang bahagi ng Romanong probinsiyang ito, hindi yaong ganap na mga estranghero sa hilagaang bahagi, na lumilitaw na hindi niya kailanman dinalaw.
Pagbabasa ng Bibliya
(Galacia 2:11-21) Pero nang dumating si Cefas sa Antioquia, sinaway ko siya nang harapan, dahil malinaw na mali ang ginawa niya. 12 Dahil bago dumating ang mga lalaking isinugo ni Santiago, kumakain siyang kasama ng mga tao ng ibang mga bansa; pero nang dumating sila, itinigil niya ito at iniwasan ang mga taong iyon, dahil natakot siya sa mga tagasuporta ng pagtutuli. 13 Ginaya ng ibang mga Judio ang pagkukunwari niya, kaya kahit si Bernabe ay naimpluwensiyahan nilang magkunwari. 14 Pero nang makita kong hindi sila lumalakad ayon sa katotohanan ng mabuting balita, sinabi ko kay Cefas sa harap nilang lahat: “Kung ikaw, na isang Judio, ay namumuhay na gaya ng mga tao ng ibang mga bansa at hindi gaya ng mga Judio, bakit mo inoobliga ang mga tao ng ibang mga bansa na mamuhay ayon sa kaugalian ng mga Judio?” 15 Tayo na mga ipinanganak na Judio, at hindi mga makasalanan mula sa ibang mga bansa, 16 ay nakaaalam na ang isang tao ay ipinahahayag na matuwid, hindi dahil sa pagsunod sa kautusan, kundi sa pamamagitan lang ng pananampalataya kay Jesu-Kristo. Kaya nananampalataya tayo kay Kristo Jesus para maipahayag tayong matuwid dahil sa pananampalataya kay Kristo at hindi sa pagsunod sa kautusan, dahil walang sinumang maipahahayag na matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa kautusan. 17 Pero kung tayo rin ay itinuturing na makasalanan habang sinisikap natin na maipahayag tayong matuwid sa pamamagitan ni Kristo, ibig bang sabihin, si Kristo ay tagapagtaguyod ng kasalanan? Siyempre hindi! 18 Kung itatayo kong muli ang mismong mga bagay na ibinagsak ko, ipinapakita ko na ako ay isang manlalabag-batas. 19 Dahil sa pamamagitan ng Kautusan, namatay ako may kinalaman sa Kautusan, nang sa gayon ay mabuhay ako para sa Diyos. 20 Ipinako ako sa tulos kasama ni Kristo. Hindi na ako ang nabubuhay, kundi si Kristo na kaisa ko. Oo, ang buhay ko ngayon bilang tao ay ayon sa pananampalataya sa Anak ng Diyos, na nagmahal sa akin at nagbigay ng sarili niya para sa akin. 21 Hindi ko itinatakwil ang walang-kapantay na kabaitan ng Diyos, dahil kung magiging matuwid ang tao sa pamamagitan ng kautusan, walang kabuluhan ang pagkamatay ni Kristo.