Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo
HUNYO 3-9
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | GALACIA 4-6
“‘Isang Makasagisag na Drama’ at ang Kahulugan Nito Para sa Atin”
(Galacia 4:24, 25) Ang mga bagay na ito ay isang makasagisag na drama, dahil ang mga babaeng ito ay sumasagisag sa dalawang tipan. Ang isa ay mula sa Bundok Sinai, na nagsilang ng mga anak para sa pagkaalipin, at siya si Hagar. 25 Si Hagar ay sumasagisag sa Sinai, isang bundok sa Arabia, at kumakatawan siya sa Jerusalem ngayon, dahil siya ay aliping kasama ng mga anak niya.
Hagar
Ayon sa apostol na si Pablo, si Hagar ay isang tauhan sa isang makasagisag na drama. Doon ay kinakatawanan niya ang bansa ng Israel sa laman, na nakabuklod kay Jehova sa pamamagitan ng tipang Kautusan na pinasinayaan sa Bundok Sinai, isang tipan na nagluluwal ng “mga anak ukol sa pagkaalipin.” Dahil sa pagiging makasalanan ng bayan, hindi natupad ng bansa ang mga kundisyon ng tipan. Sa ilalim nito, ang mga Israelita ay hindi naging isang malayang bayan kundi nahatulan bilang mga makasalanan na nararapat sa kamatayan; samakatuwid, sila ay mga alipin. (Ju 8:34; Ro 8:1-3) Ang Jerusalem noong mga araw ni Pablo ay katumbas ni Hagar, sapagkat ang kabiserang Jerusalem, na kumakatawan sa organisasyon ng likas na Israel, ay nasa pagkaalipin kasama ng kaniyang mga anak. Sa kabilang dako, ang mga Kristiyanong inianak sa espiritu ay mga anak ng “Jerusalem sa itaas,” ang makasagisag na babae ng Diyos. Ang Jerusalem na ito, tulad ni Sara na malayang babae, ay hindi kailanman naging alipin. Ngunit kung paanong si Isaac ay pinag-usig ni Ismael, ang mga anak ng “Jerusalem sa itaas,” na pinalaya ng Anak, ay dumanas din ng pag-uusig sa mga kamay ng mga anak ng Jerusalem na nasa pagkaalipin. Gayunman, si Hagar at ang kaniyang anak ay pinalayas, na sumasagisag sa pagtatakwil ni Jehova sa likas na Israel bilang isang bansa.—Gal 4:21-31; tingnan din ang Ju 8:31-40.
(Galacia 4:26, 27) Pero ang Jerusalem sa itaas ay malaya, at siya ang ating ina. 27 Dahil nasusulat: “Magsaya ka, ikaw na babaeng baog na hindi nanganak; humiyaw ka sa kagalakan, ikaw na babaeng hindi nakaranas ng kirot ng panganganak; dahil ang mga anak ng babaeng pinabayaan ay mas marami kaysa sa mga anak ng babaeng may asawa.”
Magkaroon ng Di-natitinag na Pananampalataya sa Kaharian
11 Ang tipang Abrahamiko ay literal na natupad sa mga inapo ni Abraham nang manahin nila ang Lupang Pangako, pero ipinakikita ng Bibliya na ang tipang ito ay mayroon ding espirituwal na katuparan. (Gal. 4:22-25) Sa mas malaking katuparan nito, gaya ng ipinaliwanag ni apostol Pablo, ang pangunahing bahagi ng binhi ni Abraham ay si Kristo at ang pangalawahing bahagi naman ay ang 144,000 Kristiyano na pinahiran ng espiritu. (Gal. 3:16, 29; Apoc. 5:9, 10; 14:1, 4) Ang babaeng magsisilang ng binhi ay ang “Jerusalem sa itaas”—ang makalangit na bahagi ng organisasyon ng Diyos, na binubuo ng tapat na mga espiritung nilalang. (Gal. 4:26, 31) Gaya ng ipinangako sa tipang Abrahamiko, ang binhi ng babae ay magdudulot ng pagpapala sa sangkatauhan.
(Galacia 4:28-31) Kayo, mga kapatid, ay naging anak din dahil sa pangako, gaya ni Isaac. 29 Pero kung paanong ang anak na ipinagbuntis sa pamamagitan ng espiritu ay pinag-usig noon ng anak na ipinagbuntis sa natural na paraan, gayon din naman ngayon. 30 Gayunman, ano ba ang sinasabi ng kasulatan? “Palayasin mo ang alilang babae at ang anak niya, dahil ang anak ng alilang babae ay hindi kailanman magiging tagapagmanang kasama ng anak ng malayang babae.” 31 Kaya, mga kapatid, tayo ay mga anak ng malayang babae, hindi ng isang alilang babae.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Galacia 4:6) At dahil kayo ay mga anak, ipinadala ng Diyos sa ating mga puso ang espiritu na nasa Anak niya, at sumisigaw ito: “Abba, Ama!”
Alam Mo Ba?
Bakit tinawag ni Jesus si Jehova na “Abba, Ama” sa kaniyang panalangin?
Ang salitang Aramaiko na ʼab·baʼʹ ay maaaring mangahulugang “ang ama” o “O Ama.” Ang pananalitang iyan ay tatlong beses na lumitaw sa Kasulatan bilang bahagi ng panalangin at tumutukoy kay Jehova, ang ating Ama sa langit. Ano ang ibig sabihin ng salitang iyan?
Ganito ang sinabi ng The International Standard Bible Encyclopedia: “Noong panahon ni Jesus, ang salitang ʼabbāʼ ay karaniwan nang ginagamit ng mga anak para ipakita ang malapít nilang kaugnayan at paggalang sa kanilang ama.” Ito ay malambing na paraan ng pagtawag sa ama at isa sa unang mga salitang natututuhan ng bata. Ginamit ni Jesus ang salitang ito noong minsang manalangin siya nang marubdob sa kaniyang Ama. Nang manalangin si Jesus kay Jehova sa hardin ng Getsemani, ilang oras bago siya mamatay, tinawag niya si Jehova sa mga salitang “Abba, Ama.”—Marcos 14:36.
“Ang ʼabbāʼ ay isang paraan ng pagtawag sa Diyos at hindi ito makikita sa panitikang Judio noong panahon ng Griego-Romano, tiyak na dahil magiging kawalang-galang na tawagin ang Diyos gamit ang karaniwang terminong ito,” ang sabi pa ng binanggit na reperensiya. Pero sinabi rin nito na ang paggamit ni Jesus sa terminong ito sa kaniyang panalangin ay nagpapatunay ng napakalapít na kaugnayan niya sa Diyos. Ang dalawa pang pagbanggit sa salitang “Abba” sa Kasulatan—sa mga liham ni apostol Pablo—ay nagpapakitang ginamit din ng unang-siglong mga Kristiyano ang salitang ito sa kanilang mga panalangin.—Roma 8:15; Galacia 4:6.
(Galacia 6:17) Mula ngayon, wala na sanang manggulo sa akin, dahil nasa katawan ko ang mga pilat na tanda ng isang alipin ni Jesus.
Alam Mo Ba?
Ano ang tinutukoy ni apostol Pablo nang sabihin niyang ang kaniyang katawan ay may “mga herong tanda ng isang alipin ni Jesus”?—Galacia 6:17.
▪ Malamang na iba-iba ang pagkakaintindi rito ng mga tagapakinig ni Pablo noong unang siglo. Halimbawa, ginagamit noon ang nagbabagang pangherong bakal upang lagyan ng tanda ang mga bihag sa digmaan, magnanakaw sa templo, at takas na alipin. Kahiya-hiya ang pagkakaroon ng ganitong tanda.
Pero hindi naman laging gayon. Ginagamit din noon ng maraming tao ang herong tanda para ipakita na miyembro sila ng isang espesipikong tribo o relihiyon. Halimbawa, sinasabi ng Theological Dictionary of the New Testament na “ang mga Siryano na nag-alay ng sarili sa mga diyos na sina Hadad at Atargatis ay may herong tanda sa kanilang pulsuhan o leeg . . . Isang dahon naman ng ivy ang nakatatak sa mga deboto ni Dionysus.”
Ipinalalagay ng maraming komentarista ngayon na ang tinutukoy ni Pablo ay ang mga pilat na natamo niya mula sa pisikal na pang-aabuso sa kaniya noong panahon ng kaniyang pagmimisyonero. (2 Corinto 11:23-27) Pero malamang na hindi tinutukoy ni Pablo ang anumang literal na tanda. Ibig lamang niyang sabihin na ang kaniyang pamumuhay ang siyang nagpapakilala sa kaniya bilang isang Kristiyano.
Pagbabasa ng Bibliya
(Galacia 4:1-20) Ngayon ay sinasabi ko na hangga’t bata pa ang tagapagmana, wala siyang kaibahan sa isang alipin, kahit siya ang panginoon ng lahat ng bagay; 2 dahil nasa ilalim siya ng mga tagapagbantay at mga katiwala hanggang sa araw na patiunang itinakda ng ama niya. 3 Gayon din tayo; noong mga bata pa tayo, alipin tayo ng mga bagay sa sanlibutan. 4 Pero nang matapos ang itinakdang panahon, isinugo ng Diyos ang Anak niya, na isinilang ng isang babae at nasa ilalim ng kautusan, 5 para mabili niya at mapalaya ang mga nasa ilalim ng kautusan, nang sa gayon ay maampon tayo bilang mga anak. 6 At dahil kayo ay mga anak, ipinadala ng Diyos sa ating mga puso ang espiritu na nasa Anak niya, at sumisigaw ito: “Abba, Ama!” 7 Kaya hindi ka na alipin kundi isang anak; at kung isa kang anak, ginawa ka rin ng Diyos na isang tagapagmana. 8 Pero noong hindi pa ninyo kilala ang Diyos, alipin kayo ng di-totoong mga diyos. 9 At ngayong nakilala na ninyo ang Diyos, o mas tamang sabihin, ngayong nakilala na kayo ng Diyos, bakit kayo bumabalik sa mahihina at walang-kabuluhang mga bagay at gusto ninyong magpaaliping muli sa mga ito? 10 Tinitiyak ninyong maipagdiwang ang mga araw, buwan, panahon, at taon. 11 Natatakot ako na baka nasayang lang ang mga pagsisikap kong tulungan kayo. 12 Mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo na tularan ninyo ako, dahil kagaya rin ninyo ako noon. Wala kayong ginawang mali sa akin. 13 Alam ninyo na naipahayag ko sa inyo sa unang pagkakataon ang mabuting balita dahil sa sakit ko. 14 At kahit naging pagsubok sa inyo ang sakit ko, hindi ninyo ako hinamak o kinasuklaman, kundi tinanggap ninyo akong gaya ng isang anghel ng Diyos, gaya ni Kristo Jesus. 15 Nasaan na ang kaligayahan ninyong iyon? Alam na alam ko na kung puwede lang, dudukitin ninyo noon ang mga mata ninyo para ibigay sa akin. 16 Pero ngayon ba ay kaaway na ninyo ako dahil sinasabi ko sa inyo ang totoo? 17 Ginagawa nila ang lahat para makuha ang loob ninyo, pero masama ang motibo nila; gusto nila kayong ihiwalay sa akin para sa kanila kayo sumunod. 18 Wala namang masama kung gusto ng iba na makuha ang loob ninyo kung maganda ang motibo nila, at gayundin, hindi lang kapag kasama ninyo ako. 19 Mahal kong mga anak, nakararanas na naman ako ng kirot ng panganganak dahil sa inyo, at mararamdaman ko ito hanggang sa matularan ninyo ang personalidad ni Kristo. 20 Kung puwede lang sanang makasama ko kayo ngayon at maging mas mahinahon ako sa pagsasalita, dahil hindi ko alam ang gagawin sa inyo.
HUNYO 10-16
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | EFESO 1-3
“Ang Administrasyon ni Jehova at ang mga Gawain Nito”
(Efeso 1:8, 9) Sagana niyang ipinagkaloob sa atin ang kaniyang walang-kapantay na kabaitan, kasama ang lahat ng karunungan at unawa. 9 Ginawa niya ito nang ipaalám niya sa atin ang sagradong lihim ng kalooban niya. Ayon sa kaniyang kagustuhan, ipinasiya niya
Sagradong Lihim
Ang Mesiyanikong Kaharian. Sa mga isinulat ni Pablo, nagbigay siya ng maraming detalye tungkol sa pagsisiwalat ng sagradong lihim ng Kristo. Sa Efeso 1:9-11, binanggit niya na ipinaalam ng Diyos “ang sagradong lihim” ng Kaniyang kalooban, at pagkatapos ay sinabi niya: “Ito ay ayon sa kaniyang ikinalulugod na nilayon niya sa kaniyang sarili ukol sa isang pangangasiwa sa hustong hangganan ng mga takdang panahon, samakatuwid nga, upang muling tipunin ang lahat ng mga bagay kay Kristo, ang mga bagay na nasa langit at ang mga bagay na nasa lupa. Oo, sa kaniya, na kaisa niya ay itinakda rin tayo bilang mga tagapagmana, yamang patiuna tayong itinalaga ayon sa layunin niya na nagpapakilos ng lahat ng mga bagay ayon sa ipinapasiya ng kaniyang kalooban.” Ang “sagradong lihim” na ito ay may kaugnayan sa isang pamahalaan, ang Mesiyanikong Kaharian ng Diyos. “Ang mga bagay na nasa langit,” na binanggit ni Pablo, ay tumutukoy sa magiging mga tagapagmana ng makalangit na Kahariang iyon kasama ni Kristo. “Ang mga bagay na nasa lupa” naman ay ang makalupang mga sakop niyaon. Ipinakita ni Jesus na ang sagradong lihim ay nauugnay sa Kaharian nang sabihin niya sa kaniyang mga alagad: “Sa inyo ay ibinigay ang sagradong lihim ng kaharian ng Diyos.”—Mar 4:11.
(Efeso 1:10) na maitatag ang isang administrasyon kapag natapos na ang panahong itinakda niya, para matipon ang lahat ng bagay sa Kristo, ang mga bagay sa langit at sa lupa. Oo, sa kaniya,
Tinitipon ng “Iisang Jehova” ang Kaniyang Pamilya
3 Sinabi ni Moises sa mga Israelita: “Si Jehova na ating Diyos ay iisang Jehova.” (Deut. 6:4) Ang lahat ng ginagawa ni Jehova ay kasuwato ng kaniyang layunin. Kaya naman “sa hustong hangganan ng mga takdang panahon,” pinasimulan ng Diyos ang “isang pangangasiwa”—samakatuwid nga, isang kaayusan para pagkaisahin ang lahat ng kaniyang matatalinong nilalang. (Basahin ang Efeso 1:8-10.) May dalawang yugto ang pangangasiwang ito. Sa unang yugto, inihahanda ng Diyos ang kongregasyon ng mga pinahiran para sa buhay sa langit kasama ni Jesu-Kristo bilang kanilang Ulo. Nagsimula ang yugtong ito noong Pentecostes 33 C.E. nang simulan ni Jehova ang pagtitipon sa mga mamamahalang kasama ni Kristo sa langit. (Gawa 2:1-4) Yamang ang mga pinahiran ay ipinahayag na matuwid para sa buhay salig sa haing pantubos ni Kristo, kinikilala nila na inampon sila bilang “mga anak ng Diyos.”—Roma 3:23, 24; 5:1; 8:15-17.
4 Sa ikalawang yugto, inihahanda ng Diyos ang mga mabubuhay sa Paraiso sa lupa sa ilalim ng Mesiyanikong Kaharian ni Kristo. Ang unang bubuo sa grupong ito ay ang “malaking pulutong.” (Apoc. 7:9, 13-17; 21:1-5) Sa panahon ng Sanlibong Taóng Paghahari, makakasama nila ang bilyun-bilyong bubuhaying-muli. (Apoc. 20:12, 13) Higit nitong maitatanghal ang ating pagkakaisa! Matapos ang isang libong taon, “ang mga bagay na nasa lupa” ay sasailalim sa panghuling pagsubok. Ang mga mananatiling tapat ay aampunin bilang makalupang “mga anak ng Diyos.”—Roma 8:21; Apoc. 20:7, 8.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Efeso 3:13) Kaya pakiusap, huwag kayong masiraan ng loob dahil sa mga paghihirap ko alang-alang sa inyo, dahil para ito sa karangalan ninyo.
Huwag Magpahadlang sa Pagtangan sa Kaluwalhatian
15 Ang pagbabata natin habang ginagawa ang kalooban ni Jehova ay makatutulong sa iba na tumangan sa kaluwalhatian. Sumulat si Pablo sa kongregasyon sa Efeso: “Hinihiling ko sa inyo na huwag manghimagod dahil sa mga kapighatian kong ito alang-alang sa inyo, sapagkat ang mga ito ay nangangahulugan ng kaluwalhatian para sa inyo.” (Efe. 3:13) Sa anong diwa “nangangahulugan ng kaluwalhatian” para sa mga taga-Efeso ang mga kapighatian ni Pablo? Dahil handang maglingkod si Pablo sa kaniyang mga kapatid sa kabila ng mga pagsubok, naipakita niya sa kanila na ang paglilingkod sa Diyos ang dapat na maging pinakamahalagang bagay para sa isang Kristiyano. Kung sumuko si Pablo dahil sa mga kapighatian, hindi kaya isipin nila na hindi naman mahalaga ang kanilang kaugnayan kay Jehova, ang kanilang ministeryo, at ang kanilang pag-asa? Sa pamamagitan ng pagbabata, naipakita ni Pablo na sulit ang mga sakripisyo alang-alang sa pagiging alagad ni Kristo.
(Efeso 3:19) at malaman ninyo ang pag-ibig ng Kristo, na nakahihigit sa kaalaman, at sa gayon ay lubusan kayong mapuno ng mga katangiang ibinibigay ng Diyos.
“Upang Makilala ang Pag-ibig ng Kristo”
21 Ang terminong Griego na isinaling “upang makilala” ay nangangahulugang makilala sa “praktikal na paraan, sa pamamagitan ng karanasan.” Kung tayo ay nagpapakita ng pag-ibig na gaya ng kay Jesus—anupat walang pag-iimbot na naghahandog ng sarili alang-alang sa iba, mahabaging tumutugon sa kanilang mga pangangailangan, buong-pusong nagpapatawad sa kanila—kung gayon ay tunay na mauunawaan natin ang kaniyang damdamin. Sa ganitong paraan, sa pamamagitan ng karanasan ay nagagawa nating “makilala ang pag-ibig ng Kristo na nakahihigit sa kaalaman.” At huwag nating kalilimutan kailanman na habang higit tayong nagiging gaya ni Kristo, lalo tayong nápapalapít sa isa na ganap na tinularan ni Jesus, ang ating maibiging Diyos, si Jehova.
Pagbabasa ng Bibliya
(Efeso 1:1-14) Ako si Pablo, isang apostol ni Kristo Jesus dahil sa kalooban ng Diyos. Sumusulat ako sa mga banal sa Efeso at mga tapat na kaisa ni Kristo Jesus: 2 Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesu-Kristo. 3 Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo, dahil binigyan niya tayo ng bawat uri ng espirituwal na pagpapala mula sa langit, dahil kaisa tayo ni Kristo. 4 Pinili Niya tayo na maging kaisa niya bago pa maitatag ang sanlibutan para makapagpakita tayo ng pag-ibig at maging banal at walang dungis sa harap Niya. 5 Pinili niya tayo para ampunin bilang mga anak niya sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Iyan ay ayon sa kagustuhan niya at kalooban, 6 nang sa gayon, mapapurihan siya dahil sa kaniyang maluwalhating walang-kapantay na kabaitan na ipinagkaloob niya sa atin sa pamamagitan ng kaniyang minamahal. 7 Ayon sa kasaganaan ng walang-kapantay na kabaitan ng Diyos, nailaan ang pantubos sa pamamagitan ng dugo ng kaniyang anak at nabuksan ang daan para mapalaya tayo, oo, napatawad ang ating mga kasalanan. 8 Sagana niyang ipinagkaloob sa atin ang kaniyang walang-kapantay na kabaitan, kasama ang lahat ng karunungan at unawa. 9 Ginawa niya ito nang ipaalám niya sa atin ang sagradong lihim ng kalooban niya. Ayon sa kaniyang kagustuhan, ipinasiya niya 10 na maitatag ang isang administrasyon kapag natapos na ang panahong itinakda niya, para matipon ang lahat ng bagay sa Kristo, ang mga bagay sa langit at sa lupa. Oo, sa kaniya, 11 na kaisa namin at kasama naming tagapagmana, gaya ng iniatas sa amin, dahil pinili kami ayon sa layunin ng isa na nagsasagawa ng lahat ng ipinasiya Niyang gawin ayon sa Kaniyang kalooban, 12 nang sa gayon, kami na mga naunang umasa sa Kristo ay maglingkod para sa Kaniyang kapurihan at kaluwalhatian. 13 Pero umasa rin kayo sa kaniya nang marinig ninyo ang salita ng katotohanan, ang mabuting balita tungkol sa inyong kaligtasan. Nang manampalataya kayo, sa pamamagitan niya ay tinatakan kayo ng ipinangakong banal na espiritu, 14 na garantiya ng tatanggapin nating mana, para mapalaya ang pag-aari ng Diyos sa pamamagitan ng pantubos, at sa gayon ay mapapurihan siya at maluwalhati.
HUNYO 17-23
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | EFESO 4-6
“Isuot Ninyo ang Kumpletong Kasuotang Pandigma Mula sa Diyos”
(Efeso 6:11-13) Isuot ninyo ang kumpletong kasuotang pandigma mula sa Diyos para maging matatag kayo sa kabila ng tusong mga pakana ng Diyablo; 12 dahil nakikipaglaban tayo, hindi sa dugo at laman, kundi sa mga pamahalaan, mga awtoridad, mga tagapamahala ng madilim na sanlibutang ito, at sa hukbo ng napakasasamang espiritu sa makalangit na dako. 13 Kaya kunin ninyo ang kumpletong kasuotang pandigma mula sa Diyos. Sa gayon, malalabanan ninyo ang pagsalakay sa inyo sa masamang araw at makatatayo kayong matatag dahil naihanda ninyo ang lahat.
Mga Kabataan—Tumayo Kayong Matatag Laban sa Diyablo
ITINULAD ni apostol Pablo ang ating buhay bilang Kristiyano sa mga sundalong nakikipaglaban. Pero ang ating pakikipagdigma ay hindi literal kundi espirituwal. Gayunpaman, ang ating mga kaaway ay totoo. Si Satanas at ang mga demonyo ay bihasa at makaranasan sa pakikipaglaban. Sa unang tingin, parang malabo ang tsansa nating manalo, lalo na ang mga kabataan. Paano magtatagumpay ang mga kabataang Kristiyano laban sa makapangyarihan at masasamang espiritu? Ang totoo, puwedeng manalo ang mga kabataan, at nananalo na nga sila! Bakit? Dahil ‘patuloy silang nagtatamo ng lakas sa Panginoon.’ At hindi lang iyan. Tulad ng mga bihasang sundalo, ‘isinuot nila ang kumpletong kagayakang pandigma mula sa Diyos.’—Basahin ang Efeso 6:10-12.
(Efeso 6:14, 15) Kaya tumayo kayong matatag, na suot ang sinturon ng katotohanan at ang baluti ng katuwiran 15 at suot sa inyong mga paa ang sandalyas ng mabuting balita ng kapayapaan, na handa ninyong ihayag.
Mga Kabataan—Tumayo Kayong Matatag Laban sa Diyablo
4 Sa katulad na paraan, ang katotohanang natututuhan natin sa Salita ng Diyos ay poprotekta sa atin mula sa maling mga turo. (Juan 8:31, 32; 1 Juan 4:1) At habang sumisidhi ang pag-ibig natin sa katotohanan, mas nagiging komportable tayo sa pagsusuot ng ating “baluti,” ang pamumuhay ayon sa matuwid na mga pamantayan ng Diyos. (Awit 111:7, 8; 1 Juan 5:3) Isa pa, kapag malinaw nating nauunawaan ang mga katotohanan mula sa Salita ng Diyos, makapaninindigan tayo sa ating paniniwala at maipagtatanggol natin ito laban sa mga mananalansang.—1 Ped. 3:15.
7 Tamang-tama ang simbolong ito kung paano pinoprotektahan ng matuwid na mga pamantayan ni Jehova ang ating makasagisag na puso! (Kaw. 4:23) Kung paanong hindi ipagpapalit ng isang sundalo ang kaniyang bakal na baluti sa isa na gawa sa mas mababang uri ng metal, hinding-hindi rin natin ipagpapalit ang pamantayan ni Jehova sa ating sariling pananaw. Hindi sakdal ang pananaw natin kaya hindi ito makapagbibigay ng proteksiyon na kailangan natin. (Kaw. 3:5, 6) Kaya sinisiguro natin na ang ‘mga piraso ng bakal’ na ibinigay sa atin ni Jehova ay pumoprotekta pa rin sa ating puso.
10 Kung ang panyapak na isinusuot ng mga sundalong Romano ay nakatutulong sa kanila sa digmaan, ang makasagisag na panyapak naman na isinusuot ng mga Kristiyano ay tumutulong sa kanila na ihayag ang mensahe ng kapayapaan. (Isa. 52:7; Roma 10:15) Pero kailangan pa rin ang lakas ng loob para mangaral kapag may pagkakataon. “Dati, takót akong magpatotoo sa mga kaklase ko,” ang sabi ng 20-anyos na si Bo. “Siguro dahil mahiyain ako. Kapag naiisip ko iyon, nagtataka ako kung bakit ako gano’n. Ngayon, masaya akong makapagpatotoo sa mga kaedaran ko.”
(Efeso 6:16, 17) Kunin din ninyo ang malaking kalasag ng pananampalataya, na magagamit ninyo bilang panangga sa lahat ng nagliliyab na palaso ng isa na masama. 17 Gayundin, tanggapin ninyo ang helmet ng kaligtasan at ang espada ng espiritu, ang salita ng Diyos.
Mga Kabataan—Tumayo Kayong Matatag Laban sa Diyablo
13 Ang ilan sa “nag-aapoy na mga suligi” na maaaring ipanà ni Satanas sa iyo ay ang mga kasinungalingan tungkol kay Jehova—na hindi Siya nagmamalasakit sa iyo at na hindi ka karapat-dapat mahalin. Pinaglalabanan ng 19-anyos na si Ida ang pakiramdam na wala siyang halaga. Sinabi niya: “Madalas na nararamdaman kong hindi malapít sa akin si Jehova at ayaw niya akong maging kaibigan.” Paano niya ito hinarap? “Napakalaking tulong sa aking pananampalataya ang mga pulong,” ang sabi ni Ida. “Dati, nakaupo lang ako at hindi nagkokomento, kasi iniisip kong wala namang gustong makinig sa sasabihin ko. Pero ngayon, naghahanda na ako para sa pulong at sinisikap kong magkomento ng dalawa o tatlong beses. Mahirap gawin, pero mas masarap sa pakiramdam kapag ginagawa ko iyon. At talagang nakapagpapatibay ang mga kapatid. Kaya pagkatapos ng pulong, lagi akong umuuwi na alam kong mahal ako ni Jehova.”
16 Tulad ng helmet na pumoprotekta sa utak ng isang sundalo, pinoprotektahan ng ating “pag-asa ng kaligtasan” ang ating isip, o ang ating kakayahang mag-isip. (1 Tes. 5:8; Kaw. 3:21) Dahil sa pag-asang iyan, nananatili tayong nakapokus sa mga pangako ng Diyos at natutulungan tayong maging positibo kahit may problema. (Awit 27:1, 14; Gawa 24:15) Pero kung gusto nating maging epektibo ang ating “helmet,” dapat natin itong isuot, sa halip na bitbitin.
20 Itinulad ni Pablo ang Salita ng Diyos sa isang tabak na ibinigay sa atin ni Jehova. Pero kailangan nating matutuhan kung paano ito gagamitin nang mahusay kapag ipinagtatanggol ang ating paniniwala—o kapag itinutuwid ang ating pag-iisip. (2 Cor. 10:4, 5; 2 Tim. 2:15) Paano ka magiging bihasa sa paggamit nito? Sinabi ng 21-anyos na si Sebastian: “Kapag nagbabasa ako ng Bibliya, nagsusulat ako ng isang talata sa bawat kabanatang binabasa ko. Iniipon ko ang lahat ng paborito kong talata. Dahil dito, mas nagiging kaayon ng kaisipan ni Jehova ang isip ko.” Sinabi naman ni Daniel, na nabanggit kanina: “Habang nagbabasa ako ng Bibliya, pumipili ako ng mga talata na sa tingin ko ay makakatulong sa mga taong natatagpuan ko sa ministeryo. Maganda ang nagiging pagtugon ng mga tao kapag nakita nilang nananalig ka sa Bibliya at ginagawa mo ang makakaya mo para tulungan sila.”
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Efeso 4:30) Huwag din ninyong pighatiin ang banal na espiritu ng Diyos, na ipinantatak sa inyo para sa araw ng pagpapalaya sa pamamagitan ng pantubos.
Kabanalan
Ang banal na espiritu. Ang aktibong puwersa ni Jehova, ang kaniyang espiritu, ay nasa ilalim ng kaniyang kontrol at laging tumutupad sa kaniyang layunin. Ito’y malinis, dalisay, sagrado, at nakabukod para gamitin ng Diyos. Kaya naman tinatawag itong “banal na espiritu” at “espiritu ng kabanalan.” (Aw 51:11; Luc 11:13; Ro 1:4; Efe 1:13) Ang banal na espiritung kumikilos sa isang tao ay isang puwersa ukol sa kabanalan o kalinisan. Ang anumang marumi o maling paggawi ay paglaban o ‘pagpighati’ sa espiritung iyon. (Efe 4:30) Bagaman hindi ito persona, nahahayag sa banal na espiritu ang banal na personalidad ng Diyos at sa gayo’y maaari itong ‘mapighati.’ Ang pamimihasa sa anumang masamang gawain ay ‘papatay sa apoy ng espiritu.’ (1Te 5:19) Kung magpapatuloy ang isa sa gayong pamimihasa, sa diwa ay ‘pinagdaramdam’ niya ang banal na espiritu ng Diyos, at dahil dito, ang Diyos ay magiging kaaway ng rebeldeng iyon. (Isa 63:10) Ang taong pumipighati sa banal na espiritu ay maaari pa ngang umabot sa punto ng pamumusong laban dito, isang kasalanan na ayon kay Jesu-Kristo ay hindi patatawarin sa kasalukuyang sistema ng mga bagay ni doon sa darating.—Mat 12:31, 32; Mar 3:28-30; tingnan ang ESPIRITU.
(Efeso 5:5) Dahil alam ninyo at naiintindihan ninyo na ang taong imoral, marumi, o sakim, na katumbas ng sumasamba sa idolo, ay walang mamanahin sa Kaharian ng Kristo at ng Diyos.
Kasakiman
Nahahayag sa mga Pagkilos. Ang kasakiman ay nagiging hayag sa isang pagkilos na siyang nagsisiwalat sa mali at labis-labis na pagnanasa ng isang indibiduwal. Sinasabi ng manunulat ng Bibliya na si Santiago na kapag ang maling pagnanasa ay naglihi na, nagsisilang ito ng kasalanan. (San 1:14, 15) Samakatuwid, ang taong sakim ay mahahalata sa kaniyang mga pagkilos. Sinasabi ng apostol na si Pablo na ang isang taong sakim ay isang mananamba sa idolo. (Efe 5:5) Dahil sa kaniyang sakim na pagnanasa, ginagawang diyos ng taong iyon ang bagay na ninanasa niya, anupat inuuna pa ito kaysa sa paglilingkod at pagsamba sa Maylalang.—Ro 1:24, 25.
Pagbabasa ng Bibliya
(Efeso 4:17-32) Kaya sa ngalan ng Panginoon, sinasabi ko sa inyo na huwag na kayong mamuhay gaya ng mga bansa, na namumuhay ayon sa kanilang walang-saysay na kaisipan. 18 Nasa dilim ang isip nila at malayo sila sa buhay na nagmumula sa Diyos dahil wala silang alam at manhid ang puso nila. 19 Dahil hindi na sila nakokonsensiya, hindi na sila mapigilan sa paggawi nang may kapangahasan at ginagawa nila ang bawat uri ng karumihan nang may kasakiman. 20 Pero hindi ganiyan ang natutuhan ninyo tungkol kay Kristo. 21 Tiyak namang narinig ninyo si Jesus at naturuan kayo ayon sa katotohanang itinuro niya. 22 Tinuruan kayong alisin ang inyong lumang personalidad na naaayon sa dati ninyong paraan ng pamumuhay at pinasasamâ ng mapandayang mga pagnanasa. 23 At dapat na patuloy ninyong baguhin ang takbo ng inyong isip 24 at isuot ang bagong personalidad na nilikha ayon sa kalooban ng Diyos at batay sa kung ano ang matuwid at tapat. 25 Kaya ngayong itinigil na ninyo ang panlilinlang, magsalita ang bawat isa sa inyo ng katotohanan sa kaniyang kapuwa dahil tayo ay bahagi ng iisang katawan. 26 Kapag napoot kayo, huwag kayong magkasala; huwag hayaang lumubog ang araw na galit pa rin kayo; 27 huwag ninyong bigyan ng pagkakataon ang Diyablo. 28 Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw pa; sa halip, magtrabaho siya nang husto at nang marangal para may maibahagi siya sa nangangailangan. 29 Huwag hayaang lumabas sa bibig ninyo ang bulok na pananalita. Magsalita lang ng mabubuting bagay na nakapagpapatibay, ayon sa pangangailangan, para makinabang ang mga nakikinig. 30 Huwag din ninyong pighatiin ang banal na espiritu ng Diyos, na ipinantatak sa inyo para sa araw ng pagpapalaya sa pamamagitan ng pantubos. 31 Alisin ninyo sa inyong sarili ang lahat ng matinding hinanakit, galit, poot, pagbulyaw, at mapang-abusong pananalita, at anumang puwedeng makapinsala. 32 Maging mabait kayo sa isa’t isa at tunay na mapagmalasakit, at lubusan ninyong patawarin ang isa’t isa, kung paanong ang Diyos sa pamamagitan ni Kristo ay lubusan ding nagpatawad sa inyo.
HUNYO 24-30
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | FILIPOS 1-4
“Huwag Kayong Mag-alala sa Anumang Bagay”
(Filipos 4:6) Huwag kayong mag-alala sa anumang bagay; sa halip, ipaalám ninyo sa Diyos ang lahat ng pakiusap ninyo sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat;
‘Ang Kapayapaan ng Diyos ay Nakahihigit sa Lahat ng Kaisipan’
10 Ano ang makatutulong sa atin na huwag mabalisa sa anumang bagay at maranasan ang “kapayapaan ng Diyos”? Ipinakikita ng mga sinabi ni Pablo sa mga taga-Filipos na ang panlaban sa pag-aalala ay panalangin. Kaya kapag nababalisa, idaan sa panalangin ang álalahanín. (Basahin ang 1 Pedro 5:6, 7.) Manalangin kay Jehova nang may buong pagtitiwala na nagmamalasakit siya sa iyo. Manalangin sa kaniya na “may kasamang pasasalamat” sa bawat pagpapalang tinatanggap mo. Titibay ang ating pagtitiwala sa kaniya kung tatandaan natin na siya ay “makagagawa ng ibayo pang higit sa lahat ng mga bagay na ating mahihingi o maiisip.”—Efe. 3:20.
(Filipos 4:7) at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ang magbabantay sa inyong puso at isip sa pamamagitan ni Kristo Jesus.
‘Ang Kapayapaan ng Diyos ay Nakahihigit sa Lahat ng Kaisipan’
7 Nang mabasa ng mga kapatid sa Filipos ang liham ni Pablo, tiyak na naalaala nila ang nangyari sa kaniya at kung paano siya tinulungan ni Jehova sa paraang hindi nila inaasahan. Anong aral ang itinuturo ni Pablo sa kanila? Ito: Huwag mag-alala. Manalangin, at tatanggapin nila ang kapayapaan ng Diyos. Pero pansinin na “ang kapayapaan ng Diyos [ay] nakahihigit sa lahat ng kaisipan.” Ano ang ibig sabihin nito? Ginamit ng ilang tagapagsalin ang pananalitang “nakahihigit sa lahat ng ating mga pangarap” o “nakahihigit sa lahat ng plano ng tao.” Kaya sa diwa, sinasabi ni Pablo na “ang kapayapaan ng Diyos” ay mas kahanga-hanga kaysa sa maiisip natin. Kaya kahit wala tayong makitang solusyon sa ating problema, may solusyon si Jehova, at magagawa niya ang hindi natin inaasahan.—Basahin ang 2 Pedro 2:9.
‘Ang Kapayapaan ng Diyos ay Nakahihigit sa Lahat ng Kaisipan’
16 Ano ang mangyayari kapag taglay natin ang “kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan”? Ito ang “magbabantay sa [ating] mga puso at sa [ating] mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Fil. 4:7) Sa orihinal na wika, ang salitang “magbabantay” ay ginagamit sa militar. Tumutukoy ito sa garison ng mga kawal na nakapuwesto para magbantay sa isang nakukutaang lunsod, gaya ng Filipos. Kapag gabi, mahimbing ang tulog ng mga taga-Filipos dahil alam nilang may mga kawal na nagbabantay sa mga pintuang-daan ng lunsod. Sa katulad na paraan, kung taglay natin ang “kapayapaan ng Diyos,” mananatiling panatag ang ating puso at isip. Alam nating nagmamalasakit sa atin si Jehova at gusto niya tayong magtagumpay. (1 Ped. 5:10) Dahil dito, nababantayan tayo para hindi tayo madaig ng kabalisahan at pagkasira ng loob.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Filipos 2:17) Kagaya man ako ng ibinubuhos na handog na inumin sa ibabaw ng inyong hain at banal na paglilingkod, na ibinibigay ninyo dahil sa inyong pananampalataya, masaya pa rin ako at nakikipagsaya sa inyong lahat.
Handog, Mga
Mga handog na inumin. Ang mga handog na inumin ay inihahandog kasama ng karamihan sa iba pang handog, lalo na noong naninirahan na ang mga Israelita sa Lupang Pangako. (Bil 15:2, 5, 8-10) Ang ginagamit sa mga ito ay alak (“nakalalangong inumin”) na ibinubuhos sa altar. (Bil 28:7, 14; ihambing ang Exo 30:9; Bil 15:10.) Sumulat ang apostol na si Pablo sa mga Kristiyano sa Filipos: “Kung ibinubuhos man akong tulad ng isang handog na inumin sa ibabaw ng hain at pangmadlang paglilingkod kung saan kayo inakay ng pananampalataya, ako ay natutuwa.” Dito ay ginamit niya ang isang handog na inumin bilang paglalarawan, anupat kaniyang ipinahayag ang pagnanais niyang magpagal para sa mga kapuwa Kristiyano. (Fil 2:17) Noong malapit na siyang mamatay, sumulat siya kay Timoteo: “Ako ay ibinubuhos na tulad ng isang handog na inumin, at ang takdang panahon ng pagpapalaya sa akin ay napipinto na.”—2Ti 4:6.
(Filipos 3:11) para makita ko kung posibleng maranasan nang mas maaga ang pagkabuhay-muli mula sa mga patay.
Ang “Unang Pagkabuhay-Muli” —Nagaganap Na!
5 Pagkatapos nito, ang mga pinahirang miyembro ng “Israel ng Diyos” ay sasama sa Panginoong Jesu-Kristo sa makalangit na kaluwalhatian, kung saan “lagi na [silang] makakasama ng Panginoon.” (Galacia 6:16; 1 Tesalonica 4:17) Ang pangyayaring iyan ay tinatawag na “mas maagang pagkabuhay-muli” o “unang pagkabuhay-muli.” (Filipos 3:10, 11; Apocalipsis 20:6) Kapag natapos na ang pagkabuhay-muling ito, panahon na para buhaying muli sa lupa ang milyun-milyon na may pag-asang mabuhay magpakailanman sa Paraiso. Kaya sa langit man o sa lupa ang ating pag-asa, may masidhi tayong interes sa “unang pagkabuhay-muli.” Anong uri ng pagkabuhay-muli ito? Kailan ba ito magaganap?
Pagbabasa ng Bibliya
(Filipos 4:10-23) Bilang kaisa ng Panginoon, masayang-masaya ako dahil naipapakita ninyo ulit na may malasakit kayo sa akin. Alam kong nagmamalasakit kayo sa akin, pero wala kayong pagkakataong maipakita ito. 11 Hindi ko ito sinasabi dahil nangangailangan ako, dahil natutuhan ko nang maging kontento anuman ang kalagayan ko. 12 Alam ko kung paano mabuhay nang kapos at nang sagana. Natutuhan ko ang sekreto kung paano maging kontento anuman ang kalagayan, busog man o gutom, sagana man o kapos. 13 May lakas akong harapin ang anumang bagay dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin. 14 Gayunman, salamat at dinamayan ninyo ako sa mga paghihirap ko. 15 Ang totoo, alam ninyong mga taga-Filipos na noong maipaabot sa inyo ang mabuting balita at nang umalis ako sa Macedonia, walang ibang kongregasyon ang nagbigay ng tulong sa akin o tumanggap ng tulong mula sa akin maliban sa inyo; 16 dahil noong nasa Tesalonica ako, dalawang beses pa kayong nagpadala para sa mga pangangailangan ko. 17 Hindi regalo ang gusto ko, kundi ang madagdag sa inyong kayamanan ang mga pagpapalang bunga ng inyong mabubuting gawa. 18 Pero nasa akin na ang lahat ng kailangan ko, at higit pa nga. Wala nang kulang sa akin, ngayong ibinigay na sa akin ni Epafrodito ang ipinadala ninyo, isang mabangong amoy, isang kaayaayang hain, na talagang kalugod-lugod sa Diyos. 19 At sagana namang ilalaan sa inyo ng aking Diyos ang lahat ng pangangailangan ninyo ayon sa kaniyang maluwalhating kayamanan sa pamamagitan ni Kristo Jesus. 20 Luwalhatiin nawa ang ating Diyos at Ama magpakailanman. Amen. 21 Iparating ninyo ang pagbati ko sa lahat ng banal na kaisa ni Kristo Jesus. Kinukumusta rin kayo ng mga kapatid na kasama ko. 22 Binabati rin kayo ng lahat ng banal, lalo na ng mga mula sa sambahayan ni Cesar. 23 Sumainyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan ng ating Panginoong Jesu-Kristo habang nagpapakita kayo ng magagandang katangian.