Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo
AGOSTO 5-11
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 2 TIMOTEO 1-4
“Hindi Duwag na Puso ang Ibinigay sa Atin ng Espiritu ng Diyos”
(2 Timoteo 1:7) Dahil hindi duwag na puso ang ibinigay sa atin ng espiritu ng Diyos kundi kapangyarihan, pag-ibig, at matinong pag-iisip.
Mga Kabataan—Ipakita ang Inyong Pagsulong
9 Upang matulungan si Timoteo, pinaalalahanan siya ni Pablo: “Hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng karuwagan, kundi ng kapangyarihan at ng pag-ibig at ng katinuan ng pag-iisip.” (2 Tim. 1:7) Ang “katinuan ng pag-iisip” ay ang kakayahang mag-isip at mangatuwiran nang tama. Kasama rito ang kakayahang harapin ang mga problema at ang pagiging makatotohanan. Naduduwag ang ilang kabataan na harapin ang kanilang mga problema anupat dinadaan na lamang ang mga ito sa pagtulog, panonood ng TV, pag-abuso sa droga, pag-inom ng alak, pagpunta sa mga parti, o paggawa ng imoralidad. Hinihimok ang mga Kristiyano na “itakwil ang pagka-di-makadiyos at makasanlibutang mga pagnanasa at mamuhay na taglay ang katinuan ng pag-iisip at katuwiran at makadiyos na debosyon sa gitna ng kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay.”—Tito 2:12.
(2 Timoteo 1:8) Kaya huwag mong ikahiya ang pagpapatotoo tungkol sa ating Panginoon, at huwag mo rin akong ikahiya, ako na isang bilanggo alang-alang sa kaniya. Sa halip, maging handa kang maghirap para sa mabuting balita habang umaasa sa kapangyarihan ng Diyos.
‘Magpakalakas-loob Ka at Magpakatibay!’
7 Ganito ang sinabi ni Pablo nang sumulat siya kay Timoteo: “Hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng karuwagan, kundi ng kapangyarihan . . . Kaya nga huwag mong ikahiya ang patotoo tungkol sa ating Panginoon.” (2 Timoteo 1:7, 8; Marcos 8:38) Pagkabasa sa mga salitang iyon, maaari nating tanungin ang ating sarili: ‘Ikinahihiya ko ba ang aking pananampalataya, o malakas ang aking loob? Ipinaaalam ko ba sa mga nakakasama ko sa trabaho (o sa paaralan) na ako ay isang Saksi ni Jehova, o sinisikap kong ilihim iyon? Nahihiya ba akong maiba sa ibang mga tao, o nalulugod ako na maging iba dahil sa aking kaugnayan kay Jehova?’ Kung ang sinuman ang may negatibong damdamin hinggil sa pangangaral ng mabuting balita o sa paninindigan sa isang di-popular na paniniwala, tandaan niya ang payo ni Jehova kay Josue: “Magpakalakas-loob ka at magpakatibay.” Huwag kalilimutan na ang mahalaga ay ang pangmalas ni Jehova at ni Jesu-Kristo, hindi ang opinyon ng ating mga katrabaho o ng ating mga kaeskuwela.—Galacia 1:10.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(2 Timoteo 2:3, 4) Bilang isang mahusay na sundalo ni Kristo Jesus, maging handa ka sa pagdurusa. 4 Hindi magnenegosyo ang sinumang sundalo kung gusto niyang makuha ang pabor ng nagpasok sa kaniya bilang sundalo.
Hanapin ang Tunay na Kayamanan
13 Si Timoteo ay isang taong may pananampalataya. Tinawag siya ni Pablo na “isang mabuting kawal ni Kristo Jesus,” at sinabi sa kaniya: “Walang taong naglilingkod bilang kawal ang sumasangkot sa mga pangkabuhayang pangangalakal, upang makamit niya ang pagsang-ayon ng isa na nagtala sa kaniya bilang kawal.” (2 Tim. 2:3, 4) Sa ngayon, sinisikap ng mga tagasunod ni Jesus, kabilang na ang isang hukbo ng mahigit isang milyong buong-panahong ministro, na sundin ang payo ni Pablo. Nilalabanan nila ang nakatutuksong mga advertisement ng sanlibutan at tinatandaan ang simulaing ito: “Ang nanghihiram ay lingkod [o, alipin] ng taong nagpapahiram.” (Kaw. 22:7) Gustong-gusto ni Satanas na magkandakuba tayo sa pagkayod at magpaalipin sa mundo ng komersiyo. Kung hindi tayo mag-iingat, puwede tayong mabaon sa utang nang maraming taon. Marami ang nangungutang nang malaki para sa bahay, edukasyon, kotse, at pati na sa magarbong kasal. Kung pasisimplehin natin ang ating buhay at babawasan ang utang at gastusin, nagpapakita tayo ng praktikal na karunungan. Nagiging malaya tayo para maging alipin ng Diyos at hindi ng sistema ng komersiyo.—1 Tim. 6:10.
(2 Timoteo 2:23) Iwasan mo rin ang walang-patutunguhan at walang-kabuluhang mga debate, dahil alam mong nauuwi lang sa away ang mga ito.
Tinatalikuran ng Bayan ni Jehova ang Kalikuan
10 Sa ngayon, bihira naman ang mga apostata sa loob ng kongregasyon. Pero kung mapaharap tayo sa mga turong salungat sa Bibliya, saanman ito nagmula, dapat na determinado tayong tanggihan ang mga iyon. Hindi katalinuhan ang makipagdebate sa mga apostata, sa personal man, sa Internet, o sa iba pang paraan. Kahit ang motibo natin ay tulungan ang isang indibiduwal, ang gayong pakikipag-usap ay salungat sa tinalakay nating tagubilin ng Bibliya. Bilang bayan ni Jehova, lubusan nating iniiwasan, oo itinatakwil, ang apostasya.
Pagbabasa ng Bibliya
(2 Timoteo 1:1-18) Akong si Pablo, isang apostol ni Kristo Jesus ayon sa kalooban ng Diyos para maihayag ang pangakong buhay na naging posible dahil kay Kristo Jesus, 2 ay sumusulat kay Timoteo, isang anak na minamahal: Sumaiyo nawa ang walang-kapantay na kabaitan, awa, at kapayapaan mula sa Diyos na Ama at mula kay Kristo Jesus na ating Panginoon. 3 Nagpapasalamat ako sa Diyos na pinaglilingkuran ko gaya ng paglilingkod ng aking mga ninuno at nang may malinis na konsensiya; lagi kitang inaalaala sa mga pagsusumamo ko araw at gabi. 4 Kapag naaalaala ko ang mga luha mo, nasasabik akong makita ka para sumaya ako. 5 Dahil hindi ko nalilimutan ang pananampalataya mong walang halong pagkukunwari, na unang nakita sa iyong lolang si Loida at inang si Eunice, at nagtitiwala ako na gayon pa rin ang pananampalataya mo. 6 Kaya naman pinaaalalahanan kita na paningasin mong tulad ng apoy ang regalo ng Diyos na tinanggap mo nang ipatong ko sa iyo ang mga kamay ko. 7 Dahil hindi duwag na puso ang ibinigay sa atin ng espiritu ng Diyos kundi kapangyarihan, pag-ibig, at matinong pag-iisip. 8 Kaya huwag mong ikahiya ang pagpapatotoo tungkol sa ating Panginoon, at huwag mo rin akong ikahiya, ako na isang bilanggo alang-alang sa kaniya. Sa halip, maging handa kang maghirap para sa mabuting balita habang umaasa sa kapangyarihan ng Diyos. 9 Iniligtas niya tayo at tinawag para maging banal, hindi dahil sa mga ginawa natin, kundi dahil sa kalooban niya at walang-kapantay na kabaitan. Napakatagal na panahon na ang nakalilipas mula nang ibigay niya ito sa atin dahil kay Kristo Jesus, 10 pero ngayon ay malinaw na itong nakikita dahil sa pagkakahayag sa ating Tagapagligtas, si Kristo Jesus, na nag-alis ng kamatayan at nagsiwalat kung paano magkakaroon ng buhay at katawang di-nasisira sa pamamagitan ng mabuting balita, 11 at para maipaalám ito sa iba, inatasan ako bilang mángangarál, apostol, at guro. 12 Kaya naman pinagdurusahan ko rin ang mga bagay na ito, pero hindi ako nahihiya. Dahil kilala ko kung sino ang pinaniniwalaan ko, at nagtitiwala akong kaya niyang bantayan hanggang sa araw na iyon ang ipinagkatiwala ko sa kaniya. 13 Manghawakan ka sa pamantayan ng kapaki-pakinabang na mga salita na narinig mo sa akin habang nagpapakita ka ng pananampalataya at pag-ibig na resulta ng pagiging kaisa ni Kristo Jesus. 14 Sa pamamagitan ng banal na espiritu na nasa atin, bantayan mo ang kayamanang ito na ipinagkatiwala sa iyo. 15 Alam mong iniwan ako ng lahat ng nasa lalawigan ng Asia, kasama na sina Figelo at Hermogenes. 16 Kaawaan nawa ng Panginoon ang sambahayan ni Onesiforo, dahil lagi niya akong napapatibay, at hindi niya ako ikinahiya kahit nakatanikala ako. 17 At ang totoo, noong nasa Roma siya, talagang hinanap niya ako at nakita niya ako. 18 Kaawaan nawa siya ng Panginoong Jehova sa araw na iyon. Alam na alam mo rin ang lahat ng ginawa niya para sa akin sa Efeso.
AGOSTO 12-18
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | TITO 1–FILEMON
“Mag-atas Ka ng Matatandang Lalaki”
(Tito 1:5-9) Iniwan kita sa Creta para maayos mo ang mga bagay na kailangang ituwid at makapag-atas ka ng matatandang lalaki sa bawat lunsod, ayon sa tagubilin ko sa iyo: 6 isang lalaki na malaya sa akusasyon, asawa ng isang babae, at may nananampalatayang mga anak na hindi mapaparatangan ng masamang pamumuhay o pagrerebelde. 7 Dahil bilang katiwala ng Diyos, ang isang tagapangasiwa ay dapat na malaya sa akusasyon, hindi arogante, hindi mainitin ang ulo, hindi lasenggo, hindi marahas, at hindi sakim sa pakinabang, 8 kundi mapagpatuloy, laging gumagawa ng mabuti, may matinong pag-iisip, matuwid, tapat, may pagpipigil sa sarili, 9 at mahigpit na nanghahawakan sa mapananaligang mensahe pagdating sa kaniyang paraan ng pagtuturo, para magawa niyang magpatibay sa pamamagitan ng kapaki-pakinabang na turo at sumaway sa mga kumokontra dito.
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Hindi dinetalye ng Kasulatan kung paano ginagawa ang bawat pag-aatas noong unang siglo, pero may ilang pahiwatig tungkol dito. Sinasabi sa ulat na nang pauwi na sina Pablo at Bernabe mula sa kanilang unang paglalakbay bilang mga misyonero, “nag-atas sila ng matatandang lalaki para sa kanila sa bawat kongregasyon at, nang makapaghandog ng panalangin na may mga pag-aayuno, ipinagkatiwala nila ang mga ito kay Jehova na kanilang sinampalatayanan.” (Gawa 14:23) Pagkaraan ng ilang taon, sumulat si Pablo kay Tito na kasamahan niya sa paglalakbay: “Iniwan kita sa Creta, upang maituwid mo ang mga bagay na may depekto at makapag-atas ka ng matatandang lalaki sa bawat lunsod, gaya ng ibinigay kong mga utos sa iyo.” (Tito 1:5) Lumilitaw na si Timoteo, na maraming beses na nakasama ni apostol Pablo sa paglalakbay, ay binigyan din ng gayong awtoridad. (1 Tim. 5:22) Kaya maliwanag na ang mga pag-aatas na ito ay ginawa ng mga naglalakbay na tagapangasiwa, hindi ng mga apostol at matatandang lalaki sa Jerusalem.
Kaayon ng parisang ito sa Bibliya, ini-adjust ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ang proseso ng paghirang ng mga elder at ministeryal na lingkod. Simula Setyembre 1, 2014, ganito na ang proseso ng paghirang: Maingat na susuriin ng bawat tagapangasiwa ng sirkito ang mga rekomendasyon sa kaniyang sirkito. Sa pagdalaw niya sa mga kongregasyon, sisikapin niyang makilala ang mga inirekomenda at makasama sila sa ministeryo hangga’t posible. Saka niya ipakikipag-usap sa lupon ng matatanda ang mga rekomendasyon. Pagkatapos, ang tagapangasiwa ng sirkito ang gagawa ng paghirang ng mga elder at ministeryal na lingkod. Ang ganitong kaayusan ay mas malapit sa parisan noong unang siglo.
Sino-sino ang nasasangkot sa proseso ng paghirang? Gaya ng dati, “ang tapat at maingat na alipin” ang pangunahing may pananagutan sa pagpapakain sa mga lingkod ng sambahayan. (Mat. 24:45-47) Kasama rito ang pagsasaliksik sa Kasulatan, sa tulong ng banal na espiritu, para makapagbigay ng mga tagubilin kung paano ikakapit ang mga simulain ng Bibliya may kaugnayan sa kaayusan ng pambuong-daigdig na kongregasyon. Ang tapat na alipin din ang humihirang ng lahat ng tagapangasiwa ng sirkito at miyembro ng Komite ng Sangay. Ang bawat tanggapang pansangay naman ay tumutulong sa pagpapatupad sa mga tagubilin ng tapat na alipin. Tungkulin ng bawat lupon ng matatanda na suriing mabuti ang espirituwal na kuwalipikasyon ng mga brother na inirerekomendang mahirang sa kongregasyon ng Diyos. Seryosong pananagutan naman ng bawat tagapangasiwa ng sirkito na maingat at may-pananalanging isaalang-alang ang mga rekomendasyon ng mga elder at saka hirangin ang kuwalipikadong mga brother.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Tito 1:12) Isang propeta, na kababayan pa nila, ang nagsabi: “Ang lahat ng Cretense ay sinungaling, mababangis na hayop, at matatakaw na tamad.”
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Tunay na hindi naman niya sinasang-ayunan ang anumang panglahatang pamimintas sa lahi o sa bansa ng mga taga-Creta. Matitiyak natin iyan, sapagkat batid ni Pablo na sa Creta ay mayroong mahuhusay na Kristiyano na aprobado ng Diyos at pinahiran ng Kaniyang banal na espiritu. (Gawa 2:5, 11, 33) Mayroong sapat na dami ng mga Kristiyanong tapat na bumubuo ng mga kongregasyon sa “mga lunsod.” Bagaman ang gayong mga Kristiyano ay hindi sakdal na mga tao, matitiyak natin na sila’y hindi naman mga sinungaling at mga matatakaw na tamad; disin sana ay hindi sila nagkamit ng patuloy na pagsang-ayon ni Jehova. (Filipos 3:18, 19; Apocalipsis 21:8) At gaya ng sa ngayo’y matatagpuan natin sa lahat ng bansa, marahil sa Creta ay mayroong naghihinanakit na tapat-pusong mga tao dahil sa mabababang pamantayan ng moral sa palibot nila at sila’y handang tumugon sa pabalitang Kristiyano.—Ezekiel 9:4; ihambing ang Gawa 13:48.
(Filemon 15, 16) Baka ito talaga ang dahilan kaya siya humiwalay sa iyo sandali, para makasama mo siyang muli magpakailanman, 16 hindi na bilang alipin kundi higit pa sa alipin, bilang minamahal na kapatid. Minahal ko siya nang husto, pero mas mamahalin mo siya, dahil alipin mo siya at kapananampalataya sa Panginoon.1
Mga Tampok na Bahagi sa mga Liham kay Tito, kay Filemon, at sa mga Hebreo
15, 16—Bakit hindi hiniling ni Pablo kay Filemon na palayain si Onesimo sa pagkakaalipin? Nais ni Pablo na lubusang ganapin ang kaniyang atas na ‘ipangaral ang kaharian ng Diyos at ituro ang mga bagay may kinalaman sa Panginoong Jesu-Kristo.’ Kaya pinili niyang huwag manghimasok sa mga usaping panlipunan, gaya ng usapin tungkol sa pagkaalipin.—Gawa 28:31.
Pagbabasa ng Bibliya
(Tito 3:1-15) Patuloy mo silang paalalahanan na magpasakop at maging masunurin sa mga pamahalaan at awtoridad, na maging handa sa paggawa ng mabuti, 2 na huwag magsalita ng masama tungkol sa kaninuman, at na huwag maging palaaway, kundi maging makatuwiran at mahinahon sa pakikitungo sa lahat ng tao. 3 Dahil tayo rin noon ay mga mangmang, masuwayin, naililigaw, alipin ng mga pagnanasa at kaluguran, gumagawa ng masama at mainggitin, kasuklam-suklam, at napopoot sa isa’t isa. 4 Pero ipinakita ng Diyos na ating Tagapagligtas ang kaniyang kabaitan at pag-ibig sa mga tao 5 (hindi dahil sa anumang matuwid na nagawa natin, kundi dahil sa kaniyang awa). Iniligtas niya tayo sa pamamagitan ng paglilinis sa atin, kung kaya nagkaroon tayo ng bagong buhay, at sa pamamagitan ng banal na espiritu na ginamit niya para gawin tayong bago. 6 Sagana niyang ibinuhos sa atin ang espiritung ito sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na ating Tagapagligtas, 7 para kapag naipahayag na tayong matuwid dahil sa walang-kapantay na kabaitan niya, maging mga tagapagmana rin tayo ng buhay na walang hanggan na inaasam natin. 8 Mapananaligan ang mga pananalitang ito, at gusto kong lagi mong idiin ang mga bagay na ito para ang isip ng mga sumasampalataya sa Diyos ay manatiling nakapokus sa paggawa ng mabuti. Ang mga ito ay mabuti at kapaki-pakinabang para sa mga tao. 9 Pero iwasan mo ang walang-saysay na mga argumento, mga talaangkanan, mga pag-aaway, at mga pagtatalo tungkol sa Kautusan, dahil ang mga iyon ay walang saysay at walang pakinabang. 10 Kung tungkol sa isang tao na nagtataguyod ng isang sekta, itakwil mo siya matapos paalalahanan nang dalawang beses, 11 dahil alam mong lumihis na sa daan ang gayong tao at nagkakasala na siya at nahatulan na dahil sa sarili niyang paggawi. 12 Kapag isinugo ko sa iyo si Artemas o si Tiquico, sikapin mong makapunta sa akin sa Nicopolis, dahil doon ko piniling magpalipas ng taglamig. 13 Pagsikapan mong maibigay kay Zenas, na bihasa sa Kautusan, at kay Apolos ang mga kailangan nila sa paglalakbay para hindi sila magkulang ng anuman. 14 Pero hayaan mong matutuhan din ng mga kapatid natin na laging gumawa ng mabuti para makatulong sila sa panahon ng pangangailangan, nang sa gayon ay lagi silang maging mabunga. 15 Kinukumusta ka ng lahat ng kasama ko. Iparating mo ang pagbati ko sa mga kapananampalataya nating nagmamahal sa amin. Sumainyo nawang lahat ang walang-kapantay na kabaitan.
AGOSTO 19-25
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | HEBREO 1-3
“Ibigin ang Katuwiran at Kapootan ang Kasamaan”
(Hebreo 1:8) Pero tungkol sa Anak, sinabi niya: “Ang Diyos ang trono mo magpakailanman, at ang setro ng iyong Kaharian ay setro ng katuwiran.
Ibunyi si Kristo, ang Maluwalhating Hari!
8 Iniluklok ni Jehova ang kaniyang Anak sa langit bilang Mesiyanikong Hari noong 1914. ‘Ang setro ng kaniyang kaharian ay setro ng katuwiran,’ kaya tiyak na matuwid at makatarungan ang pamamahala niya. May legal na karapatan siyang mamahala dahil ‘ang Diyos ang kaniyang trono,’ ibig sabihin, si Jehova ang pundasyon ng kaharian niya. Bukod diyan, ang trono ni Jesus ay mananatili “magpakailan-kailanman.” Hindi ba’t isang karangalang maglingkod kay Jehova sa ilalim ng Haring hinirang Niya?
(Hebreo 1:9) Inibig mo ang katuwiran at kinapootan ang kasamaan. Kaya naman ang Diyos, ang iyong Diyos, ay nagpahid sa iyo ng langis ng kagalakan nang higit kaysa sa mga kasamahan mo.”
Ibunyi si Kristo, ang Maluwalhating Hari!
7 Basahin ang Awit 45:6, 7. Dahil sa pag-ibig ni Jesus sa katuwiran at pagkapoot sa anumang magdudulot ng upasala sa kaniyang Ama, pinahiran siya ni Jehova bilang Hari ng Mesiyanikong Kaharian. Pinahiran siya ng “langis ng pagbubunyi” nang higit kaysa sa kaniyang “mga kasamahan,” ang mga hari ng Juda sa angkan ni David. Sa anu-anong paraan? Si Jesus ay pinahiran mismo ni Jehova. Pinahiran din siya ni Jehova para kapuwa maging Hari at Mataas na Saserdote. (Awit 2:2; Heb. 5:5, 6) Gayundin, si Jesus ay pinahiran ng banal na espiritu, hindi ng langis, at ang pagkahari niya ay makalangit, hindi makalupa.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Hebreo 1:3) Makikita sa kaniya ang kaluwalhatian ng Diyos at siya ang Kaniyang eksaktong larawan, at pinananatili niya ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng makapangyarihan niyang salita. At pagkatapos niya tayong dalisayin mula sa ating mga kasalanan, umupo siya sa kanan ng Dakilang Diyos sa kaitaasan.
Larawan
Ang antas ba ng pagpapaaninag ni Jesus ng wangis ng kaniyang Ama ay hindi nagbago?
Ang panganay na Anak ng Diyos, na nang maglaon ay naging ang taong si Jesus, ay larawan ng kaniyang Ama. (2Co 4:4) Yamang maliwanag na ang Anak na iyon ang kausap ng Diyos nang sabihin Niya, “Gawin natin ang tao ayon sa ating larawan,” ang Anak ay kawangis na ng kaniyang Ama, ang Maylalang, mula pa noong siya’y lalangin. (Gen 1:26; Ju 1:1-3; Col 1:15, 16) Noong narito siya sa lupa bilang isang taong sakdal, ipinaaninag niya ang mga katangian at personalidad ng kaniyang Ama sa sukdulang antas na posibleng maabot ng tao, anupat masasabi niya na “siya na nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.” (Ju 14:9; 5:17, 19, 30, 36; 8:28, 38, 42) Gayunman, tiyak na naging higit pa ang pagkakawangis na ito noong buhaying-muli si Jesus ng kaniyang Ama, ang Diyos na Jehova, tungo sa buhay bilang espiritu at nang ipagkaloob Niya sa kaniya ang “lahat ng awtoridad . . . sa langit at sa lupa.” (1Pe 3:18; Mat 28:18) Yamang dinakila noon ng Diyos si Jesus sa “isang nakatataas na posisyon,” naipaaninag ng Anak ng Diyos ang kaluwalhatian ng kaniyang Ama sa antas na mas nakahihigit kaysa noong bago niya lisanin ang langit upang pumarito sa lupa. (Fil 2:9; Heb 2:9) Mula noon, siya ‘ang eksaktong larawan ng mismong sarili ng Diyos.’—Heb 1:2-4.
(Hebreo 1:10-12) At: “Nang pasimula, O Panginoon, inilatag mo ang mga pundasyon ng lupa, at ang langit ay gawa ng mga kamay mo. 11 Maglalaho ang mga ito, pero ikaw ay mananatili; at gaya ng isang kasuotan, lahat ng ito ay maluluma, 12 at titiklupin mo ang mga ito gaya ng isang balabal, gaya ng isang damit, at ang mga ito ay mapapalitan. Pero ikaw ay hindi nagbabago, at hindi magwawakas ang mga taon mo.”
Langit
Ang mga salita ng Awit 102:25, 26 ay kumakapit sa Diyos na Jehova, ngunit sinipi ng apostol na si Pablo ang mga ito may kaugnayan kay Jesu-Kristo. Ito ay sapagkat ang bugtong na Anak ng Diyos ang personal na Ahente ng Diyos na ginamit sa paglalang ng pisikal na uniberso. Ipinakita ni Pablo ang kaibahan ng pagiging permanente ng pag-iral ng Anak kaysa roon sa pisikal na paglalang, na kapag nilayon ng Diyos ay maaari niyang ‘balutin gaya ng isang balabal’ at itago.—Heb 1:1, 2, 8, 10-12; ihambing ang 1Pe 2:3, tlb sa Rbi8.
Pagbabasa ng Bibliya
(Hebreo 1:1-14) Noon, nagsalita ang Diyos sa mga ninuno natin sa pamamagitan ng mga propeta sa maraming pagkakataon at sa maraming paraan. 2 Ngayon, sa katapusan ng mga araw na ito, nagsalita siya sa atin sa pamamagitan ng isang Anak, na ginawa niyang tagapagmana ng lahat ng bagay; at sa pamamagitan ng Anak ay ginawa niya ang mga sistema ng mga bagay. 3 Makikita sa kaniya ang kaluwalhatian ng Diyos at siya ang Kaniyang eksaktong larawan, at pinananatili niya ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng makapangyarihan niyang salita. At pagkatapos niya tayong dalisayin mula sa ating mga kasalanan, umupo siya sa kanan ng Dakilang Diyos sa kaitaasan. 4 At naging mas dakila siya sa mga anghel dahil nagmana siya ng pangalang nakahihigit sa pangalan nila. 5 Halimbawa, sino sa mga anghel ang sinabihan ng Diyos: “Ikaw ang anak ko; ngayon, ako ay naging iyong ama”? At: “Magiging ama niya ako, at magiging anak ko siya”? 6 Pero kapag muli niyang isinugo sa lupa ang Panganay niya, sasabihin niya: “Yumukod kayo sa kaniya, kayong lahat na mga anghel ng Diyos.” 7 Isa pa, tungkol sa mga anghel ay sinabi niya: “Ginagawa niyang mga makapangyarihang puwersa ang mga anghel niya, at isang liyab ng apoy ang mga lingkod niya.” 8 Pero tungkol sa Anak, sinabi niya: “Ang Diyos ang trono mo magpakailanman, at ang setro ng iyong Kaharian ay setro ng katuwiran. 9 Inibig mo ang katuwiran at kinapootan ang kasamaan. Kaya naman ang Diyos, ang iyong Diyos, ay nagpahid sa iyo ng langis ng kagalakan nang higit kaysa sa mga kasamahan mo.” 10 At: “Nang pasimula, O Panginoon, inilatag mo ang mga pundasyon ng lupa, at ang langit ay gawa ng mga kamay mo. 11 Maglalaho ang mga ito, pero ikaw ay mananatili; at gaya ng isang kasuotan, lahat ng ito ay maluluma, 12 at titiklupin mo ang mga ito gaya ng isang balabal, gaya ng isang damit, at ang mga ito ay mapapalitan. Pero ikaw ay hindi nagbabago, at hindi magwawakas ang mga taon mo.” 13 Pero sino sa mga anghel ang sinabihan niya: “Umupo ka sa kanan ko hanggang sa ang mga kaaway mo ay gawin kong tuntungan ng mga paa mo”? 14 Hindi ba lahat sila ay mga espiritung para sa banal na paglilingkod, na isinugo para maglingkod sa mga tatanggap ng kaligtasan?
AGOSTO 26–SETYEMBRE 1
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | HEBREO 4-6
“Gawin ang Iyong Buong Makakaya na Makapasok sa Kapahingahan ng Diyos”
(Hebreo 4:1) Kaya dahil mayroon pang pangako na makapasok sa kapahingahan niya, mag-ingat tayo dahil baka may sinuman sa inyo na maging di-karapat-dapat doon.
(Hebreo 4:4) Dahil sa Kasulatan ay sinabi niya tungkol sa ikapitong araw: “At ang Diyos ay nagpahinga noong ikapitong araw sa lahat ng ginagawa niya,”
Ano ang Kapahingahan ng Diyos?
3 May dalawang dahilan kung bakit masasabi natin na nagpapatuloy pa ang ikapitong araw noong unang siglo C.E. Una, pansinin ang sinabi ni Jesus sa mga pumuna sa ginawa niyang pagpapagaling sa araw ng Sabbath. Sinabi sa kanila ng Panginoon: “Ang aking Ama ay patuloy na gumagawa hanggang ngayon, at ako ay patuloy na gumagawa.” (Juan 5:16, 17) Bakit niya sinabi ito? Pinaratangan noon si Jesus ng pagtatrabaho sa araw ng Sabbath. Kaya nang sabihin niya, “Ang aking Ama ay patuloy na gumagawa,” pinabulaanan niya ang paratang na iyon. Para bang sinasabi ni Jesus sa mga pumupuna sa kaniya: ‘Pareho kami ng gawain ng aking Ama. Yamang ang aking Ama ay patuloy na gumagawa sa panahon ng kaniyang Sabbath na libu-libong taon ang haba, maaari din akong patuloy na gumawa, kahit sa araw ng Sabbath.’ Kaya naman ipinahiwatig ni Jesus na kung tungkol sa layunin ng Diyos sa lupa, hindi pa tapós noong panahon niya ang ikapitong araw, o dakilang araw ng Sabbath na kapahingahan ng Diyos.
4 Ang ikalawang dahilan ay makikita sa pananalita ni apostol Pablo. Nang sipiin niya ang Genesis 2:2 hinggil sa kapahingahan ng Diyos, isinulat niya: “Tayo na mga nanampalataya ay pumapasok sa kapahingahan.” (Heb. 4:3, 4, 6, 9) Kaya nagpapatuloy pa ang ikapitong araw noong panahon ni Pablo. Kailan magwawakas ang araw ng kapahingahang iyan?
5 Para masagot iyan, tandaan natin ang layunin ng ikapitong araw. Ipinaliliwanag ito ng Genesis 2:3: “Pinasimulang pagpalain ng Diyos ang ikapitong araw at ginawa itong sagrado.” Ang ikapitong araw ay ‘ginawang sagrado’—pinabanal, o itinalaga, ni Jehova—para maisakatuparan ang kaniyang layunin. Layunin niya na ang lupa ay panirahan ng masunuring mga tao na mag-aalaga rito at sa lahat ng nabubuhay rito. (Gen. 1:28) Ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo, ang “Panginoon ng sabbath,” ay “patuloy na gumagawa hanggang ngayon” para matupad ang layuning iyan. (Mat. 12:8) Magpapatuloy ang araw ng kapahingahan ng Diyos hanggang sa lubusang maisakatuparan ang layunin niya sa katapusan ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo.
(Hebreo 4:6) Kaya dahil mayroon pang papasok doon, at ang mga unang nakarinig ng mabuting balita ay hindi nakapasok dahil sa pagsuway,
Ano ang Kapahingahan ng Diyos?
6 Malinaw na sinabi ng Diyos kina Adan at Eva ang kaniyang layunin, pero hindi sila nakipagtulungan dito. Nakalulungkot, hindi lang sina Adan at Eva ang sumuway sa Diyos. Milyun-milyong iba pa ang tumulad sa kanila. Pati ang piniling bayan ng Diyos, ang bansang Israel, ay naging masuwayin. Kaya naman nagbabala si Pablo sa unang-siglong mga Kristiyano na baka ang ilan sa kanila ay matulad sa mga Israelita. Sumulat siya: “Gawin natin ang ating buong makakaya na pumasok sa kapahingahang iyon, dahil baka may sinumang mahulog sa gayunding uri ng pagsuway.” (Heb. 4:11) Pansinin na pinag-ugnay ni Pablo ang pagkamasuwayin at ang hindi pagpasok sa kapahingahan ng Diyos. Ano ang kahulugan nito? Kung maghihimagsik tayo sa layunin ng Diyos sa anumang paraan, posible kayang hindi tayo makapasok sa kapahingahan ng Diyos? Napakahalagang malaman ang sagot sa tanong na iyan, at tatalakayin pa natin iyan nang higit. Pero pag-usapan muna natin ang masamang halimbawa ng mga Israelita at kung bakit hindi sila nakapasok sa kapahingahan ng Diyos.
(Hebreo 4:9-11) Kaya mayroon pang pahinga na gaya ng Sabbath para sa bayan ng Diyos. 10 Dahil ang taong nakapasok na sa kapahingahan ng Diyos ay nagpahinga na rin sa mga ginagawa niya, gaya ng ginawa ng Diyos. 11 Kaya gawin natin ang ating buong makakaya para makapasok sa kapahingahang iyon, para walang sinuman ang maligaw sa gayon ding landasin ng pagsuway.
Ano ang Kapahingahan ng Diyos?
16 Hindi igigiit ng sinumang Kristiyano sa ngayon na kailangang sundin ang Kautusang Mosaiko para maligtas. Napakalinaw ng kinasihang mga salita ni Pablo sa mga taga-Efeso: “Sa pamamagitan nga ng di-sana-nararapat na kabaitang ito ay iniligtas na kayo sa pamamagitan ng pananampalataya; at hindi ito dahil sa inyo, ito ay kaloob ng Diyos. Hindi, hindi ito dahil sa mga gawa, upang walang taong magkaroon ng saligan sa paghahambog.” (Efe. 2:8, 9) Kaya paano makapapasok ang mga Kristiyano sa kapahingahan ng Diyos? Itinalaga ni Jehova ang ikapitong araw—ang araw ng kaniyang kapahingahan—para maisakatuparan niya ang kaniyang layunin para sa lupa. Makapapasok tayo sa kapahingahan ni Jehova sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa kaniyang layunin na isinisiwalat sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon.
17 Kung ipagwawalang-bahala naman natin ang salig-Bibliyang payo na ibinibigay ng tapat at maingat na alipin at gagawin ang sa palagay natin ay tama, sinasalungat natin ang layunin ng Diyos. Isasapanganib nito ang ating mapayapang kaugnayan kay Jehova. Sa susunod na artikulo, tatalakayin natin ang ilang karaniwang sitwasyon na doo’y maipapakita nating masunurin tayo. Ang mga desisyon natin sa mga sitwasyong ito ay magpapakita kung talaga ngang nakapasok tayo sa kapahingahan ng Diyos.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Hebreo 4:12) Dahil ang salita ng Diyos ay buháy at malakas at mas matalas kaysa sa anumang espada na magkabila ang talim, at sa talas nito ay kaya nitong paghiwalayin ang panlabas at panloob na pagkatao, at ang mga kasukasuan at mga utak sa buto, at kaya nitong unawain ang mga kaisipan at intensiyon ng puso.
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Ano ang “salita ng Diyos” na tinutukoy ng Hebreo 4:12 na “buháy at may lakas”?
▪ Ipinakikita ng konteksto na ang tinutukoy ni apostol Pablo ay ang mensahe, o kapahayagan ng layunin ng Diyos, gaya ng makikita natin sa Bibliya.
Ang Hebreo 4:12 ay madalas gamitin sa ating mga publikasyon para ipakita na may kapangyarihan ang Bibliya na baguhin ang buhay ng mga tao, at tama naman ang pagkakapit na iyon. Pero makatutulong kung uunawain natin ang Hebreo 4:12 batay sa malawak na konteksto nito. Hinihimok noon ni Pablo ang mga Kristiyanong Hebreo na makipagtulungan sa mga layunin ng Diyos. Marami sa mga layuning iyon ang isinulat sa banal na mga kasulatan. Ginamit na halimbawa ni Pablo ang mga Israelita na iniligtas mula sa Ehipto. May pag-asa silang makapasok sa ipinangakong lupain na “inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan,” kung saan magkakaroon sila ng tunay na kapahingahan.—Ex. 3:8; Deut. 12:9, 10.
Iyan ang ipinahayag na layunin ng Diyos noon. Pero pinatigas ng mga Israelita ang kanilang puso at hindi sila nanampalataya, kaya karamihan sa kanila ay hindi nakapasok sa kapahingahang iyon. (Bil. 14:30; Jos. 14:6-10) Gayunman, idinagdag ni Pablo na mayroon pang ‘pangako ng pagpasok sa kapahingahan ng Diyos.’ (Heb. 3:16-19; 4:1) Ang “pangako” na iyon ay maliwanag na bahagi ng ipinahayag na layunin ng Diyos. Gaya ng mga Kristiyanong Hebreo, mababasa natin ang layuning iyon at maaari tayong makipagtulungan doon. Para ipakitang batay sa Kasulatan ang pangakong ito, sinipi ni Pablo ang ilang bahagi ng Genesis 2:2 at Awit 95:11.
Dapat na makaimpluwensiya sa atin ang pagkaalam na ‘may naiwan pang pangako ng pagpasok sa kapahingahan ng Diyos.’ Nagtitiwala tayo na talagang posible ang sinabi ng Bibliya na pag-asang makapasok sa kapahingahan ng Diyos, at may ginawa na tayong mga hakbang para makapasok doon. Ginawa natin iyon hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusang Mosaiko o ng iba pang mga gawa para matamo ang pagsang-ayon ni Jehova. Sa halip, sa pamamagitan ng pananampalataya, nakipagtulungan tayo at patuloy na nakikipagtulungan sa isiniwalat na layunin ng Diyos. Bukod diyan, gaya ng nabanggit na, libo-libo sa buong daigdig ang nag-aral ng Bibliya at nakaalam ng mga kapahayagan ng layunin ng Diyos. Binago ng marami sa kanila ang kanilang paraan ng pamumuhay, nanampalataya, at naging bautisadong Kristiyano. Katibayan ito na “ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas.” Nakaimpluwensiya na nang malaki sa buhay natin ang ipinahayag na layunin ng Diyos, na nasa Bibliya, at patuloy itong magkakaroon ng lakas o impluwensiya sa ating buhay.
(Hebreo 6:17, 18) Sa katulad na paraan, nang ipasiya ng Diyos na ipakita nang mas malinaw sa mga tagapagmana ng pangako na hindi mababago ang layunin niya, ginarantiyahan niya iyon sa pamamagitan ng pagsumpa, 18 para sa pamamagitan ng dalawang bagay na hindi mababago, na sa mga ito ay imposibleng magsinungaling ang Diyos, tayo na tumakas papunta sa kanlungan ay magkaroon ng malakas na pampatibay na manghawakan sa pag-asang inilagay sa harap natin.
Pag-asa
Ang pag-asang ito na buhay na walang hanggan at kawalang-kasiraan para sa “mga kabahagi sa makalangit na pagtawag” (Heb 3:1) ay may matibay na saligan at talagang maaasahan. Sinusuhayan ito ng dalawang bagay na doon ay imposibleng magsinungaling ang Diyos, samakatuwid nga, ang kaniyang pangako at ang kaniyang sumpa, at ang pag-asa ay nasa kay Kristo, na ngayon ay isa nang imortal sa langit. Kaya naman, ang pag-asang ito ay tinutukoy bilang “angkla para sa kaluluwa, na kapuwa tiyak at matatag, at pumapasok ito sa loob ng kurtina [kung paanong ang mataas na saserdote ay pumapasok sa Kabanal-banalan sa Araw ng Pagbabayad-Sala], kung saan isang tagapagpauna ang pumasok alang-alang sa atin, si Jesus, na naging isang mataas na saserdote ayon sa paraang gaya ng kay Melquisedec magpakailanman.”—Heb 6:17-20.
Pagbabasa ng Bibliya
(Hebreo 5:1-14) Dahil ang bawat taong pinili para maging mataas na saserdote ay inatasang maglingkod sa Diyos para sa mga tao, nang sa gayon ay makapaghandog siya ng mga kaloob at hain para sa mga kasalanan. 2 Kaya niyang makitungo nang may malasakit sa mga kulang sa unawa at nagkakasala, dahil hindi niya nakakalimutang mahina rin siya, 3 kaya kailangan niyang maghandog para sa mga kasalanan niya gaya ng ginagawa niya para sa kasalanan ng mga tao. 4 Hindi makukuha ng isang tao ang karangalang ito sa sarili niyang kagustuhan; matatanggap lang niya ito kapag tinawag siya ng Diyos, gaya ni Aaron. 5 Gayundin, hindi niluwalhati ng Kristo ang sarili niya sa pag-aatas sa kaniyang sarili bilang mataas na saserdote, kundi niluwalhati siya ng nagsabi sa kaniya: “Ikaw ang anak ko; ngayon, ako ay naging iyong ama.” 6 Gaya rin ng sinasabi niya sa isa pang bahagi ng Kasulatan, “Ikaw ay isang saserdote magpakailanman gaya ng pagkasaserdote ni Melquisedec.” 7 Noong nabubuhay siya sa lupa, nagsusumamo at nakikiusap si Kristo nang may paghiyaw at mga luha sa Isa na may kakayahang magligtas sa kaniya sa kamatayan, at pinakinggan siya dahil sa kaniyang makadiyos na takot. 8 Kahit na anak siya ng Diyos, natuto siyang maging masunurin mula sa mga pinagdusahan niya. 9 At pagkatapos niyang maging perpekto, siya ang naging daan para sa walang-hanggang kaligtasan ng lahat ng sumusunod sa kaniya, 10 dahil inatasan siya ng Diyos bilang mataas na saserdote gaya ng pagkasaserdote ni Melquisedec. 11 Marami kaming masasabi tungkol sa kaniya, pero mahirap itong ipaliwanag, dahil naging mabagal kayo sa pag-unawa. 12 Dahil dapat sana ay mga guro na kayo ngayon, pero kailangan na namang ituro sa inyo ang panimulang mga bagay ng mga sagradong kapahayagan ng Diyos, at gatas ulit ang kailangan ninyo sa halip na matigas na pagkain. 13 Dahil ang bawat isa na umiinom pa rin ng gatas ay hindi nakaaalam ng salita ng katuwiran, dahil siya ay isang sanggol. 14 Pero ang matigas na pagkain ay para sa mga maygulang; sa paggamit sa kanilang kakayahang umunawa, sinanay nila itong makilala ang tama at mali.