Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • mwbr19 Oktubre p. 1-10
  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo
  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo (2019)
  • Subtitulo
  • OKTUBRE 7-13
  • OKTUBRE 14-20
  • OKTUBRE 21-27
  • OKTUBRE 28–NOBYEMBRE 3
Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo (2019)
mwbr19 Oktubre p. 1-10

Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo

OKTUBRE 7-13

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | SANTIAGO 3–5

“Ipakita ang Makadiyos na Karunungan”

(Santiago 3:17) Pero ang karunungan mula sa itaas ay, una sa lahat, malinis, pagkatapos ay mapagpayapa, makatuwiran, handang sumunod, punô ng awa at mabubuting bunga, hindi nagtatangi, hindi mapagkunwari.

cl 221-222 ¶9-10

Inuugitan ba ng “Karunungan Mula sa Itaas” ang Iyong Buhay?

9 “Una sa lahat ay malinis.” Ang pagiging malinis ay nangangahulugang dalisay at walang dungis hindi lamang sa labas kundi maging sa loob. Sa Bibliya, ang karunungan ay iniuugnay sa puso, subalit ang makalangit na karunungan ay hindi makapapasok sa pusong pinarumi ng balakyot na mga pag-iisip, pagnanasa, at motibo. (Kawikaan 2:10; Mateo 15:19, 20) Gayunman, kung ang ating puso ay malinis—sabihin pa, hangga’t makakaya ng di-sakdal na mga tao—‘tatalikuran natin ang masama at gagawin natin ang mabuti.’ (Awit 37:27; Kawikaan 3:7) Hindi ba’t angkop lamang na ang kalinisan ang unang katangian ng karunungan na itinala? Tutal, kung tayo’y hindi malinis sa moral at sa espirituwal, paano natin tunay na maipamamalas ang iba pang mga katangian ng karunungan mula sa itaas?

10 “Pagkatapos ay mapayapa.” Ang makalangit na karunungan ay nag-uudyok sa atin na itaguyod ang kapayapaan, na isang bunga ng espiritu ng Diyos. (Galacia 5:22) Nagsisikap tayo na huwag masira ang “bigkis ng kapayapaan” na nagbubuklod sa bayan ni Jehova. (Efeso 4:3) Ginagawa rin natin ang ating makakaya upang mapanumbalik ang kapayapaan kapag ito’y nasira. Bakit ito mahalaga? Ang Bibliya ay nagsasabi: “Patuloy kayong . . . mamuhay nang mapayapa; at ang Diyos ng pag-ibig at ng kapayapaan ay sasainyo.” (2 Corinto 13:11) Kaya habang tayo’y patuloy na namumuhay nang mapayapa, ang Diyos ng kapayapaan ay sasaatin. Ang ating pakikitungo sa mga kapuwa mananamba ay may tuwirang epekto sa ating kaugnayan kay Jehova. Paano natin mapatutunayan na tayo’y mga tagapamayapa? Isaalang-alang ang isang halimbawa.

(Santiago 3:17) Pero ang karunungan mula sa itaas ay, una sa lahat, malinis, pagkatapos ay mapagpayapa, makatuwiran, handang sumunod, punô ng awa at mabubuting bunga, hindi nagtatangi, hindi mapagkunwari.

cl 223-224 ¶12

Inuugitan ba ng “Karunungan Mula sa Itaas” ang Iyong Buhay?

12 “Makatuwiran.” Ano ba ang kahulugan ng pagiging makatuwiran? Ayon sa mga iskolar, ang orihinal na salitang Griego na isinaling “makatuwiran” sa Santiago 3:17 ay mahirap isalin. Ang mga tagapagsalin ay gumamit ng mga salitang gaya ng “banayad,” “matiisin,” at “makonsiderasyon.” Ipinahihiwatig ng isang talababa sa New World Translation na ang literal na kahulugan nito ay “mapagparaya.” Paano natin maipakikita na ang aspektong ito ng karunungan mula sa itaas ang umuugit sa atin?

cl 224-225 ¶14-15

Inuugitan ba ng “Karunungan Mula sa Itaas” ang Iyong Buhay?

14 “Handang sumunod.” Ang salitang Griego na isinaling “handang sumunod” ay hindi masusumpungan sa ibang bahagi ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ayon sa isang iskolar, ang salitang ito “ay madalas gamitin sa disiplinang pangmilitar.” Naghahatid ito ng ideya na “madaling mapasang-ayon” at “mapagpasakop.” Ang isa na inuugitan ng karunungan mula sa itaas ay madaling magpasakop sa sinasabi ng Kasulatan. Hindi siya kilala bilang isa na kapag nakapagpasiya na ay ayaw nang magpaimpluwensiya sa anumang bagay na salungat sa kaniya. Sa halip, siya’y agad na nagbabago kapag naiharap sa kaniya ang maliwanag na katibayan mula sa Kasulatan na hindi tama ang kaniyang paninindigan o mali ang kaniyang mga konklusyon. Ganiyan ba ang pagkakilala sa iyo ng iba?

“Punô ng Awa at Mabubuting Bunga”

15 “Punô ng awa at mabubuting bunga.” Ang awa ay isang mahalagang bahagi ng karunungan mula sa itaas, yamang ang gayong karunungan ay sinasabing “punô ng awa.” Pansinin na ang “awa” at “mabubuting bunga” ay magkasamang binanggit. Angkop lamang ito, sapagkat sa Bibliya, ang awa ay mas madalas na tumutukoy sa aktibong pagmamalasakit sa iba, ang pagkahabag na nagluluwal ng saganang bunga ng mababait na gawa. Ang awa ay binigyang-kahulugan ng isang reperensiyang akda bilang “pagkalungkot dahil sa kaawa-awang kalagayan ng iba at pagsisikap na magawan ito ng paraan.” Samakatuwid, ang makadiyos na karunungan ay hindi walang-malasakit, walang-puso, o hanggang isip lamang. Sa halip, ito’y may malasakit, taos-puso, at madamayin. Paano natin maipakikitang tayo’y punô ng awa?

(Santiago 3:17) Pero ang karunungan mula sa itaas ay, una sa lahat, malinis, pagkatapos ay mapagpayapa, makatuwiran, handang sumunod, punô ng awa at mabubuting bunga, hindi nagtatangi, hindi mapagkunwari.

cl 226-227 ¶18-19

Inuugitan ba ng “Karunungan Mula sa Itaas” ang Iyong Buhay?

18 “Hindi gumagawa ng pagtatangi-tangi.” Ang makadiyos na karunungan ay nag-aalis ng pagtatangi ng lahi at nasyonalistikong pagmamapuri. Kung tayo’y ginagabayan ng gayong karunungan, sinisikap nating alisin sa ating puso ang anumang tendensiya na magpakita ng paboritismo. (Santiago 2:9) Hindi natin pinapaboran ang iba dahil sa kanilang edukasyon, kalagayan sa pinansiyal, o pananagutan sa kongregasyon; ni hinahamak ang sinuman sa ating mga kapuwa mananamba, gaano man sila kahirap sa tingin. Kung isinaayos ni Jehova na ang mga taong ito’y tumanggap ng kaniyang pag-ibig, lalo nang dapat nating ituring na sila’y karapat-dapat sa ating pag-ibig.

19 “Hindi mapagpaimbabaw.” Ang salitang Griego para sa “mapagpaimbabaw” ay maaaring tumukoy sa “isang artistang gumaganap ng isang papel.” Noong sinaunang panahon, ang mga artistang Griego at Romano ay nagsusuot ng malalaking maskara kapag gumaganap. Kaya naman, ang salitang Griego para sa “mapagpaimbabaw” ay ikinapit sa isa na nagkukunwari, o sa isa na nagbabalatkayo. Ang aspektong ito ng makadiyos na karunungan ay dapat na makaimpluwensiya hindi lamang sa paraan ng ating pakikitungo sa mga kapuwa mananamba kundi pati na rin sa kung ano ang ating damdamin sa kanila.

Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas

(Santiago 4:5) O iniisip ba ninyo na walang dahilan kung bakit sinabi sa kasulatan: “May tendensiya tayong patuloy na mainggit at magnasa ng iba’t ibang bagay”?

w08 11/15 20 ¶6

Mga Tampok na Bahagi sa mga Liham ni Santiago at ni Pedro

4:5—Anong teksto ang sinipi ni Santiago rito? Hindi sumipi si Santiago rito ng espesipikong talata. Gayunman, ang ideya sa mga kinasihang salitang ito ng Diyos ay posibleng nakasalig sa mga tekstong gaya ng Genesis 6:5; 8:21; Kawikaan 21:10; at Galacia 5:17.

(Santiago 4:11, 12) Mga kapatid, tigilan na ninyo ang pagsasalita laban sa isa’t isa. Ang sinumang nagsasalita laban sa isang kapatid o humahatol sa kapatid niya ay nagsasalita laban sa kautusan at humahatol sa kautusan. Ngayon, kung hinahatulan mo ang kautusan, hindi ka tagatupad ng kautusan kundi isang hukom. 12 Iisa lang ang Tagapagbigay-Batas at Hukom, ang makapagliligtas at makapupuksa. Pero ikaw, sino ka para hatulan ang kapuwa mo?

w97 11/15 20-21 ¶8

Tayo’y Nagiging Matiisin at Mapanalanginin Dahil sa Pananampalataya

8 Kasalanan ang magsalita laban sa isang kapananampalataya. (Santiago 4:11, 12) Subalit ang ilan ay mapamuna sa mga kapuwa Kristiyano, marahil bunga ng kanilang mapagmatuwid-sa-sariling saloobin o dahil sa ibig nilang itaas ang kanilang sarili sa pamamagitan ng paghamak sa iba. (Awit 50:20; Kawikaan 3:29) Ang Griegong salita na isinaling ‘magsalita nang laban’ ay nangangahulugan ng pakikipag-alitan at nagpapahiwatig ng labis o maling pagpaparatang. Katumbas ito ng masamang paghatol sa isang kapatid. Paano ito naging ‘pagsasalita nang laban at paghatol sa batas ng Diyos’? Buweno, ang mga eskriba at mga Fariseo ay ‘may-kasanayang nagsasaisang-tabi ng kautusan ng Diyos’ at humahatol ayon sa kanilang sariling pamantayan. (Marcos 7:1-13) Gayundin naman, kung hinahatulan natin ang isang kapatid na hindi hinahatulan ni Jehova, hindi ba ating ‘hinahatulan ang kautusan ng Diyos’ at makasalanang ipinahihiwatig na ito ay hindi tama? At sa pamamagitan ng di-matuwid na pagpuna sa ating kapatid, hindi natin tinutupad ang batas ng pag-ibig.—Roma 13:8-10.

Pagbabasa ng Bibliya

(Santiago 3:1-18) Mga kapatid ko, hindi dapat marami sa inyo ang maging guro dahil tatanggap tayo ng mas mabigat na hatol. 2 Dahil lahat tayo ay nagkakamali nang maraming ulit. Kung ang sinuman ay hindi nagkakamali sa pagsasalita, siya ay taong perpekto, na kaya ring rendahan ang buong katawan niya. 3 Kapag nilalagyan natin ng renda ang bibig ng kabayo para sundin tayo nito, nakokontrol din natin ang buong katawan nito. 4 Tingnan din ninyo ang mga barko: Kahit napakalaki ng mga ito at itinutulak ng malalakas na hangin, kinokontrol ito ng isang napakaliit na timon papunta sa kung saan ito gustong dalhin ng timonero. 5 Ganoon din ang dila. Maliit na bahagi lang ito ng katawan, pero nakapagyayabang ito nang labis. Maliit na apoy lang ang kailangan para pagliyabin ang isang napakalaking kagubatan! 6 Ang dila ay apoy rin. Sa mga bahagi ng ating katawan, ang dila ang punô ng kasamaan, dahil pinarurumi nito ang buong katawan at pinagliliyab ang buong landasin ng buhay, at sinisilaban ito ng Gehenna. 7 Dahil ang bawat uri ng mailap na hayop at ibon at reptilya at nilalang sa dagat ay mapaaamo at napaaamo na ng tao. 8 Pero walang tao ang makapagpaamo sa dila. Hindi ito makontrol at mapaminsala ito, punô ng nakamamatay na lason. 9 Sa pamamagitan nito, pinupuri natin si Jehova, ang Ama, pero sa pamamagitan din nito, isinusumpa natin ang mga tao na ginawa “ayon sa wangis ng Diyos.” 10 Mula sa iisang bibig ay lumalabas ang pagpapala at sumpa. Mga kapatid ko, hindi tamang nangyayari ang ganitong bagay. 11 Sa isang bukal, hindi parehong lumalabas ang sariwang tubig at ang mapait na tubig, hindi ba? 12 Mga kapatid ko, ang puno ng igos ay hindi mamumunga ng mga olibo, o ang punong ubas, ng mga igos, hindi ba? Ang tubig-alat ay hindi rin makapagbibigay ng tubig-tabang. 13 Sino ang marunong at may unawa sa inyo? Ipakita niya sa pamamagitan ng kaniyang magandang paggawi na ang mga ginagawa niya ay may kahinahunan, na bunga ng karunungan. 14 Pero kung sa puso ninyo ay mayroon kayong matinding inggit at hilig na makipagtalo, huwag kayong magyabang at magsinungaling laban sa katotohanan. 15 Hindi ito ang karunungan na nagmumula sa itaas; ito ay makalupa, makahayop, makademonyo. 16 Dahil saanman may inggit at hilig na makipagtalo, mayroon ding kaguluhan at masasamang bagay. 17 Pero ang karunungan mula sa itaas ay, una sa lahat, malinis, pagkatapos ay mapagpayapa, makatuwiran, handang sumunod, punô ng awa at mabubuting bunga, hindi nagtatangi, hindi mapagkunwari. 18 Bukod diyan, ang bunga ng katuwiran ay inihahasik sa mapayapang kalagayan para sa mga nakikipagpayapaan.

OKTUBRE 14-20

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 1 PEDRO 1–2

“Dapat Kayong Maging Banal”

(1 Pedro 1:14, 15) Bilang masunuring mga anak, huwag na kayong magpahubog sa mga pagnanasa na mayroon kayo noong wala pa kayong alam, 15 kundi gaya ng Banal na Diyos na tumawag sa inyo, magpakabanal din kayo sa lahat ng paggawi ninyo,

w17.02 9 ¶5

Ang Pantubos—Isang “Sakdal na Regalo” Mula sa Ating Ama

5 Paano natin maipakikitang mahal natin ang pangalan ni Jehova? Sa pamamagitan ng ating paggawi. Gusto ni Jehova na magpakabanal tayo. (Basahin ang 1 Pedro 1:15, 16.) Ibig sabihin, si Jehova lang ang sasambahin natin at susundin nang buong puso. Kahit pag-usigin tayo, sisikapin nating mamuhay ayon sa kaniyang matuwid na mga simulain at utos. Sa pamamagitan ng ating matuwid na mga gawa, pinasisikat natin ang ating liwanag, at nakapagbibigay tayo ng kaluwalhatian sa pangalan ni Jehova. (Mat. 5:14-16) Bilang mga taong banal, pinatutunayan ng ating pamumuhay na mabuti ang mga utos ni Jehova at hindi totoo ang mga akusasyon ni Satanas. Kapag nakagawa tayo ng pagkakamali, nagsisisi tayo nang tunay at tinatalikuran ang mga gawaing lumalapastangan kay Jehova.—Awit 79:9.

(1 Pedro 1:16) dahil nasusulat: “Dapat kayong maging banal, dahil ako ay banal.”

lvs 77 ¶6

Kung Paano Pipili ng Libangan

6 Sinasabi sa atin ni Jehova: “Dapat kayong maging banal, dahil ako ay banal.” (1 Pedro 1:14-16; 2 Pedro 3:11) Tatanggapin lang ni Jehova ang pagsamba natin kung ito ay banal, o malinis. (Deuteronomio 15:21) Hindi magiging malinis ang pagsamba natin kung may ginagawa tayo na kinapopootan ni Jehova, gaya ng mga bagay na imoral, marahas, o may kaugnayan sa demonismo. (Roma 6:12-14; 8:13) Pero hindi rin natin mapapasaya si Jehova kung natutuwa naman tayo sa ganoong mga bagay. Dahil dito, puwedeng maging marumi at di-katanggap-tanggap ang pagsamba natin kay Jehova at puwede nitong sirain ang kaugnayan natin sa kaniya.

Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas

(1 Pedro 1:10-12) May kinalaman sa kaligtasang ito, ang mga propetang humula tungkol sa walang-kapantay na kabaitang para sa inyo ay matiyagang nagsaliksik at nag-aral na mabuti. 11 Patuloy nilang sinuri kung kailan at sa anong panahon matutupad ang sinabi ng espiritung nasa kanila may kinalaman kay Kristo nang ito ay patiunang magpatotoo tungkol sa mga pagdurusang mararanasan ni Kristo at tungkol sa kaluwalhatiang kasunod nito. 12 Isiniwalat sa kanila na sila ay naglilingkod, hindi sa sarili nila, kundi sa inyo, may kinalaman sa sinabi na sa inyo ng mga naghayag ng mabuting balita taglay ang banal na espiritu na ipinadala mula sa langit. Ang mismong mga bagay na ito ay gustong-gustong malaman ng mga anghel.

w08 11/15 21 ¶9

Mga Tampok na Bahagi sa mga Liham ni Santiago at ni Pedro

1:10-12. Nais ng mga anghel na magmasid at maunawaan ang malalalim na espirituwal na katotohanan na isinulat ng mga propeta ng Diyos noon may kinalaman sa kongregasyon ng pinahirang Kristiyano. Gayunman, naging malinaw lamang ang mga bagay na ito nang magsimulang makitungo si Jehova sa kongregasyon. (Efe. 3:10) Dapat nating gayahin ang halimbawa ng mga anghel at masikap na saliksikin ang “malalalim na bagay ng Diyos.”—1 Cor. 2:10.

(1 Pedro 2:25) Dahil tulad kayo ng mga tupang naliligaw, pero ngayon ay nagbalik na kayo sa pastol at tagapangasiwa ng inyong mga buhay.

it-2 1240-1241 ¶4

Tagapangasiwa

Ang Kataas-taasang Tagapangasiwa. Maliwanag na sinipi ng 1 Pedro 2:25 ang Isaias 53:6 may kinalaman sa mga ‘tulad ng mga tupa na naligaw,’ at pagkatapos ay sinabi ni Pedro: “Ngunit ngayon ay nagbalik na kayo sa pastol at tagapangasiwa ng inyong mga kaluluwa.” Tiyak na ang Diyos na Jehova ang tinutukoy nito, yamang yaong mga sinulatan ni Pedro ay hindi naligaw mula kay Kristo Jesus kundi sa halip, sa pamamagitan niya ay naakay ang mga ito pabalik sa Diyos na Jehova, na Dakilang Pastol ng kaniyang bayan. (Aw 23:1; 80:1; Jer 23:3; Eze 34:12) Isa ring tagapangasiwa si Jehova, ang isa na nagsisiyasat. (Aw 17:3) Ang pagsisiyasat (sa Gr., e·pi·sko·peʹ) ay maaaring may kaugnayan sa kapahayagan ng kaniyang paghatol, gaya noong unang siglo C.E. sa kaso ng Jerusalem, na hindi nakaunawa sa panahon ng “pagsisiyasat [sa Gr., e·pi·sko·pesʹ]” sa kaniya. (Luc 19:44) O maaari itong magdulot ng kaayaayang epekto at mga pakinabang, gaya sa kaso niyaong mga lumuluwalhati sa Diyos sa araw ng “kaniyang pagsisiyasat [sa Gr., e·pi·sko·pesʹ].”—1Pe 2:12.

Pagbabasa ng Bibliya

(1 Pedro 1:1-16) “Mula kay Pedro, isang apostol ni Jesu-Kristo, para sa mga nakapangalat at pansamantalang nakatira sa Ponto, Galacia, Capadocia, Asia, at Bitinia, sa mga pinili 2 ayon sa patiunang kaalaman ng Diyos na Ama, na may pagpapabanal ng espiritu, para sila ay maging masunurin at mawisikan ng dugo ni Jesu-Kristo: Tumanggap nawa kayo ng higit pang kapayapaan at walang-kapantay na kabaitan. 3 Pagpalain nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo. Dahil sa kaniyang dakilang awa, pinangyari niyang muli tayong maisilang tungo sa isang buháy na pag-asa sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo, 4 tungo sa isang mana na hindi nasisira at walang dungis at hindi kumukupas. Ito ay nakalaan sa langit para sa inyo, 5 kayo na iniingatan ng kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya para sa kaligtasang isisiwalat sa huling yugto ng panahon. 6 Dahil dito ay nagsasaya kayo nang husto, kahit na sa maikling panahon ay kailangan ninyong dumanas ng iba’t ibang pagsubok, 7 para ang inyong nasubok na pananampalataya, na mas malaki ang halaga kaysa sa ginto na nasisira kahit nasubok na ito sa apoy, ay magdulot ng kapurihan at kaluwalhatian at karangalan kapag isiniwalat na si Jesu-Kristo. 8 Kahit hindi ninyo siya nakita kailanman, mahal ninyo siya. Kahit hindi ninyo siya nakikita ngayon, nananampalataya kayo sa kaniya at labis na nagsasaya at mayroon kayong malaking kagalakan na hindi mailarawan, 9 habang inaabot ninyo ang tunguhin ng inyong pananampalataya, ang kaligtasan ninyo. 10 May kinalaman sa kaligtasang ito, ang mga propetang humula tungkol sa walang-kapantay na kabaitang para sa inyo ay matiyagang nagsaliksik at nag-aral na mabuti. 11 Patuloy nilang sinuri kung kailan at sa anong panahon matutupad ang sinabi ng espiritung nasa kanila may kinalaman kay Kristo nang ito ay patiunang magpatotoo tungkol sa mga pagdurusang mararanasan ni Kristo at tungkol sa kaluwalhatiang kasunod nito. 12 Isiniwalat sa kanila na sila ay naglilingkod, hindi sa sarili nila, kundi sa inyo, may kinalaman sa sinabi na sa inyo ng mga naghayag ng mabuting balita taglay ang banal na espiritu na ipinadala mula sa langit. Ang mismong mga bagay na ito ay gustong-gustong malaman ng mga anghel. 13 Kaya ihanda ninyong mabuti ang isip ninyo para sa gawain; lubusang panatilihin ang inyong katinuan; umasa kayo sa walang-kapantay na kabaitan na ipapakita sa inyo kapag isiniwalat na si Jesu-Kristo. 14 Bilang masunuring mga anak, huwag na kayong magpahubog sa mga pagnanasa na mayroon kayo noong wala pa kayong alam, 15 kundi gaya ng Banal na Diyos na tumawag sa inyo, magpakabanal din kayo sa lahat ng paggawi ninyo, 16 dahil nasusulat: “Dapat kayong maging banal, dahil ako ay banal.”

OKTUBRE 21-27

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 1 PEDRO 3–5

“Ang Wakas ng Lahat ng Bagay ay Malapit Na”

(1 Pedro 4:7) Pero ang wakas ng lahat ng bagay ay malapit na. Kaya magkaroon kayo ng matinong pag-iisip at maging laging handang manalangin.

w13 11/15 3 ¶1

“Maging Mapagpuyat May Kinalaman sa mga Panalangin”

“ANG pinakanakaaantok na oras sa magdamag ay bago magbukang-liwayway,” ang sabi ng isang dating panggabi ang trabaho. Malamang na sasang-ayon sa kaniya ang mga kailangang manatiling gising sa magdamag. Ganiyan din ang sitwasyon ng mga Kristiyano sa ngayon dahil ang sanlibutan ni Satanas ay nasa pinakamadilim na yugto na nito. (Roma 13:12) Napakamapanganib ngang makatulog tayo sa panahong ito! Kailangan nating “maging matino sa pag-iisip” at sumunod sa payo ng Bibliya na “maging mapagpuyat may kinalaman sa mga panalangin.”—1 Ped. 4:7.

(1 Pedro 4:8) Higit sa lahat, magkaroon kayo ng masidhing pag-ibig sa isa’t isa, dahil ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.

w99 4/15 22 ¶3

Kung Paano Makikilala at Mapananagumpayan ang Anumang Espirituwal na Kahinaan

Kahuli-hulihan, ingatang nakatimo sa isipan ang maibiging payo ni apostol Pedro: “Ang wakas ng lahat ng mga bagay ay malapit na. Kaya nga, maging matino sa pag-iisip, at maging mapagpuyat may kinalaman sa mga panalangin. Higit sa lahat, magkaroon kayo ng masidhing pag-ibig sa isa’t isa, sapagkat ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.” (1 Pedro 4:7, 8) Napakadaling hayaang ang di-kasakdalan ng tao—ng ibang tao at natin—ay makapasok sa ating puso at isip at maging mga hadlang, mga katitisuran. Alam na alam ni Satanas ang kahinaang ito ng tao. Ihiwalay at daigin ay isa sa kaniyang mga tusong taktika. Kaya kailangang maging mabilis sa pagtatakip sa gayong mga kasalanan sa pamamagitan ng masidhing pag-ibig sa isa’t isa at huwag “magbigay ng dako sa Diyablo.”—Efeso 4:25-27.

(1 Pedro 4:9) Maging mapagpatuloy kayo sa isa’t isa nang walang bulong-bulungan.

w18.03 14-15 ¶2-3

Pagkamapagpatuloy—Bakit Kailangang-kailangan?

2 Pinasigla ni Pedro ang mga kapatid: “Maging mapagpatuloy sa isa’t isa.” (1 Ped. 4:9) Sa wikang Griego, ang salitang “pagkamapagpatuloy” ay literal na nangangahulugang “pagkagiliw, o kabaitan, sa ibang mga tao.” Pero pansinin na pinasigla ni Pedro ang mga kapatid na maging mapagpatuloy “sa isa’t isa”—sa mga kakilala nila at kasama sa kongregasyon. Paano makatutulong sa kanila ang pagiging mapagpatuloy?

3 Mas mapapalapít sila sa isa’t isa. Marahil naranasan mo na rin iyan. Naimbitahan ka na ba sa bahay ng isang kaibigan? Tiyak na nagkaroon ka ng masasayang alaala dahil doon. At nang imbitahan mo ang ilang kakongregasyon mo, hindi ba lumalim ang pagkakaibigan ninyo? Kung mapagpatuloy tayo, mas makikilala natin ang ating mga kapatid. Kailangan ng mga Kristiyano noong panahon ni Pedro na maging mas malapít sa isa’t isa habang sumasamâ ang mga kalagayan. Ganiyan din ang dapat nating gawin sa “mga huling araw” na ito.—2 Tim. 3:1.

Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas

(1 Pedro 3:19, 20) At sa kalagayang ito ay pumunta siya at nangaral sa mga espiritung nasa bilangguan, 20 na naging masuwayin noong matiyagang naghihintay ang Diyos noong panahon ni Noe, habang itinatayo ang arka, kung saan iilang tao, walong tao, ang nakaligtas sa tubig.

w13 6/15 23

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Sinasabi ng Bibliya na si Jesus ay “nangaral sa mga espiritung nasa bilangguan.” (1 Ped. 3:19) Ano ang ibig sabihin nito?

▪ Sinasabi ni apostol Pedro na ang mga espiritung ito ay “naging masuwayin noon nang ang pagtitiis ng Diyos ay naghihintay noong mga araw ni Noe.” (1 Ped. 3:20) Maliwanag na ang tinutukoy ni Pedro ay ang mga espiritung nilalang na sumama sa pagrerebelde ni Satanas. Sinasabi ni Judas na ang mga anghel na “hindi nag-ingat ng kanilang orihinal na kalagayan kundi nag-iwan ng kanilang sariling wastong tahanang dako” ay “itinaan [ng Diyos] sa mga gapos na walang hanggan sa ilalim ng pusikit na kadiliman ukol sa paghuhukom sa dakilang araw.”—Jud. 6.

Paano naging masuwayin ang mga espiritung nilalang noong panahon ni Noe? Bago ang Delubyo, nagkatawang-tao ang masasamang espiritung ito—isang bagay na hindi nilayon ng Diyos para sa kanila. (Gen. 6:2, 4) Isa pa, ang mga anghel na ito ay nakipagtalik sa mga babae, isang bagay na napakasama dahil hindi sila nilikha ng Diyos para gawin iyon. (Gen. 5:2) Ang masasama at masuwaying mga anghel na ito ay pupuksain ng Diyos sa kaniyang takdang panahon. Pero sa ngayon, gaya ng sinabi ni Judas, sila ay nasa “pusikit na kadiliman”—isang espirituwal na bilangguan, wika nga.

Kailan at paano nangaral si Jesus sa “mga espiritung nasa bilangguan?” Isinulat ni Pedro na ginawa ito ni Jesus matapos siyang ‘buhayin sa espiritu.’ (1 Ped. 3:18, 19) Pansinin din ang paggamit ni Pedro ng salitang “nangaral.” Ipinakikita nito na tapos nang mangaral si Jesus nang isulat ni Pedro ang kaniyang unang liham. Lumalabas na ilang panahon matapos buhaying-muli si Jesus, inihayag niya ang makatarungang hatol sa masasamang espiritu. Hindi ito pangangaral para bigyan sila ng pag-asa. Isa itong pangangaral ng mensahe ng paghatol. (Jon. 1:1, 2) Nang ipakita ni Jesus ang kaniyang pananampalataya at katapatan hanggang kamatayan at siya ay buhaying muli—patunay na walang kapangyarihan sa kaniya ang Diyablo—nagkaroon siya ng basehan sa paghahayag ng gayong mensahe ng paghatol.—Juan 14:30; 16:8-11.

Sa hinaharap, igagapos ni Jesus si Satanas at ang mga anghel na iyon at ihahagis sila sa kalaliman. (Luc. 8:30, 31; Apoc. 20:1-3) Samantala, ang masuwaying mga espiritung ito ay nasa pusikit na espirituwal na kadiliman, at tiyak ang kanilang pagkapuksa.—Apoc. 20:7-10.

(1 Pedro 4:6) Sa katunayan, ito ang dahilan kung bakit inihayag din sa mga patay ang mabuting balita, para kahit nahatulan na sila sa laman sa paningin ng tao, mabuhay sila kaayon ng espiritu sa paningin ng Diyos.

w08 11/15 21 ¶7

Mga Tampok na Bahagi sa mga Liham ni Santiago at ni Pedro

4:6—Sino ang mga “patay” na sa kanila ay ‘ipinahayag ang mabuting balita’? Sila yaong mga ‘patay sa kanilang mga pagkakamali at mga kasalanan,’ o yaong mga patay sa espirituwal, bago nila narinig ang mabuting balita. (Efe. 2:1) Pero pagkatapos manampalataya sa mabuting balita, sila ay nagsimulang “mabuhay” sa espirituwal.

Pagbabasa ng Bibliya

(1 Pedro 3:8-22) Isa pa, lahat kayo ay magkaisa sa pag-iisip, magdamayan, magmahalan bilang magkakapatid, maging mahabagin at magiliw, at maging mapagpakumbaba. 9 Huwag kayong gumanti ng pinsala sa pinsala o ng pang-iinsulto sa pang-iinsulto. Sa halip, gumanti kayo ng pagpapala, dahil tinawag kayo sa landasing ito, para kayo ay magmana ng pagpapala. 10 Dahil “ang sinumang nagpapahalaga sa buhay at gustong magkaroon ng maliligayang araw ay dapat pumigil sa dila niya sa pagsasalita ng masama at sa labi niya sa pagsasalita ng panlilinlang. 11 Talikuran niya ang masama at gawin ang mabuti; hanapin niya ang kapayapaan at itaguyod iyon. 12 Dahil ang mga mata ni Jehova ay nakatingin sa mga matuwid, at ang mga tainga niya ay nakikinig sa kanilang pagsusumamo, pero si Jehova ay laban sa mga gumagawa ng masama.” 13 At sino ang makagagawa sa inyo ng masama kung magiging masigasig kayo sa mabuti? 14 Pero kung magdusa man kayo alang-alang sa katuwiran, maligaya kayo. Gayunman, huwag kayong matakot sa kinatatakutan nila at huwag kayong maligalig. 15 Kundi pabanalin ninyo ang Kristo bilang Panginoon sa mga puso ninyo, na laging handang ipagtanggol ang inyong pag-asa sa harap ng lahat ng humihingi ng paliwanag tungkol dito, pero ginagawa iyon nang mahinahon at may matinding paggalang. 16 Panatilihin ninyong malinis ang konsensiya ninyo, para anuman ang sinasabi nila laban sa inyo, mapahiya sila dahil sa mabuti ninyong paggawi bilang mga tagasunod ni Kristo. 17 Dahil mas mabuti ang magdusa dahil gumagawa kayo ng mabuti, kung kalooban ng Diyos na ipahintulot ito, kaysa magdusa dahil gumagawa kayo ng masama. 18 Dahil si Kristo ay namatay nang minsanan para sa mga kasalanan, isang taong matuwid para sa mga di-matuwid, para maakay kayo sa Diyos. Pinatay siya na laman pero binuhay bilang espiritu. 19 At sa kalagayang ito ay pumunta siya at nangaral sa mga espiritung nasa bilangguan, 20 na naging masuwayin noong matiyagang naghihintay ang Diyos noong panahon ni Noe, habang itinatayo ang arka, kung saan iilang tao, walong tao, ang nakaligtas sa tubig. 21 Ang bautismo, na katumbas nito, ay nagliligtas din ngayon sa inyo (hindi sa pamamagitan ng pag-aalis ng karumihan ng laman, kundi sa paghiling sa Diyos ng isang malinis na konsensiya), sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo. 22 Siya ay nasa kanan ng Diyos, dahil umakyat siya sa langit, at ang mga anghel at ang mga awtoridad at ang mga kapangyarihan ay ipinasakop sa kaniya.

OKTUBRE 28–NOBYEMBRE 3

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 2 PEDRO 1-3

‘Isaisip ang Pagdating ng Araw ni Jehova’

(2 Pedro 3:9, 10) Si Jehova ay hindi mabagal sa pagtupad sa pangako niya, gaya ng iniisip ng iba; ang totoo, matiisin siya sa inyo dahil hindi niya gustong mapuksa ang sinuman kundi gusto niya na ang lahat ay magsisi. 10 Pero ang araw ni Jehova ay darating na gaya ng magnanakaw, kung kailan ang langit ay maglalaho na may malakas na ugong, pero ang mga elemento na napakainit ay matutunaw, at ang lupa at ang mga gawang naroon ay mahahantad.

w06 12/15 27 ¶11

‘Pangyayarihin ni Jehova na Maibigay ang Katarungan’

11 Ngunit paano natin uunawain ang katiyakang ibinigay ni Jesus na pangyayarihin ni Jehova na “mabilis” na maibigay ang katarungan? Ipinakikita ng Salita ng Diyos na “bagaman mayroon siyang mahabang-pagtitiis,” mabilis na ilalapat ni Jehova ang katarungan kapag sumapit na ang takdang panahon. (Lucas 18:7, 8; 2 Pedro 3:9, 10) Nang sumapit ang Baha noong panahon ni Noe, nalipol agad ang mga balakyot. Gayundin noong panahon ni Lot, napuksa ang mga balakyot nang umulan ng apoy mula sa langit. Sinabi ni Jesus: “Magiging gayundin sa araw na iyon kapag ang Anak ng tao ay isiniwalat.” (Lucas 17:27-30) Muli, daranas ng “biglang pagkapuksa” ang mga balakyot. (1 Tesalonica 5:2, 3) Oo, lubusan tayong makapagtitiwala na dahil makatarungan si Jehova, hindi niya papayagang lumabis pa nang isang araw sa itinakdang panahon ang sanlibutan ni Satanas.

(2 Pedro 3:11, 12) Dahil ang lahat ng bagay na ito ay matutunaw sa ganitong paraan, pag-isipan ninyo kung anong uri ng pagkatao ang dapat na taglay ninyo—may banal na paggawi at mga gawa ng makadiyos na debosyon, 12 habang hinihintay ninyo at isinasaisip ang pagdating ng araw ni Jehova, kung kailan ang langit ay wawasakin sa apoy at ang mga elemento ay matutunaw sa matinding init!

w06 12/15 19 ¶18

“Ang Dakilang Araw ni Jehova ay Malapit Na”

18 Hindi nakapagtatakang payuhan tayo ni apostol Pedro na ingatang malapit sa isipan “ang pagkanaririto ng araw ni Jehova”! Paano natin ito magagawa? Isa rito ang pagiging abala “sa banal na mga paggawi at mga gawa ng makadiyos na debosyon.” (2 Pedro 3:11, 12) Ang pagiging abala sa gayong mga gawain ay tutulong sa atin na panabikan ang pagdating ng “araw ni Jehova.” Ang salitang Griego na isinaling “iniingatang malapit sa isipan” ay literal na nangangahulugang “pinabibilis.” Hindi natin aktuwal na mapabibilis ang nalalabing panahon hanggang sa dumating ang araw ni Jehova. Ngunit habang hinihintay natin ang araw na iyan, waring lalong mabilis na lilipas ang panahon kung abala tayo sa paglilingkod sa Diyos.—1 Corinto 15:58.

Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas

(2 Pedro 1:19) Kaya lalong naging totoo sa amin ang binanggit na hula, at mabuti ang ginagawa ninyong pagbibigay-pansin dito na gaya ng sa isang lamparang lumiliwanag sa isang madilim na lugar (hanggang sa magbukang-liwayway at sumikat ang bituing pang-araw) sa puso ninyo.

w08 11/15 22 ¶2

Mga Tampok na Bahagi sa mga Liham ni Santiago at ni Pedro

1:19—Sino ang “bituing pang-araw,” kailan siya sumikat, at paano natin nalaman na nangyari nga ito? Ang “bituing pang-araw” ay si Jesu-Kristo nang maging hari siya ng Kaharian ng Diyos. (Apoc. 22:16) Noong 1914, sumikat si Jesus sa harap ng sangnilalang bilang Mesiyanikong Hari, anupat inihuhudyat ang pagsisimula ng isang bagong araw. Ang pagbabagong-anyo ay nagsisilbing patiunang pangitain hinggil sa kaluwalhatian at kapangyarihan ni Jesus bilang Hari ng Kaharian ng Diyos. Itinatampok nito ang katiyakan ng makahulang salita ng Diyos. Nagbibigay-liwanag sa ating puso ang pagtutuon ng pansin sa salitang iyan. Bilang resulta, nalaman natin na sumikat na ang Bituing Pang-araw.

(2 Pedro 2:4) Ang Diyos ay hindi nagpigil sa pagpaparusa sa mga anghel na nagkasala, kundi inihagis niya sila sa Tartaro at ikinadena sa napakadilim na lugar para maghintay sa paghuhukom.

w08 11/15 22 ¶3

Mga Tampok na Bahagi sa mga Liham ni Santiago at ni Pedro

2:4—Ano ang “Tartaro,” at kailan inihagis dito ang mapaghimagsik na mga anghel? Ang Tartaro ay tulad-bilangguang kalagayan kung saan tanging mga espiritung nilalang—hindi mga tao—ang itinatalaga. Ang mga nasa kalagayang ito ng mental na pusikit na kadiliman ay hindi nakakakita ng espirituwal na liwanag ng Diyos at hindi nakauunawa sa kaniyang mga layunin. Wala silang pag-asa sa hinaharap. Inihagis ng Diyos ang masuwaying mga anghel sa Tartaro noong panahon ni Noe, at mananatili sila sa hamak na kalagayang iyan hanggang sa sila ay malipol.

Pagbabasa ng Bibliya

(2 Pedro 1:1-15) Mula kay Simon Pedro, isang alipin at apostol ni Jesu-Kristo, para sa mga nagkaroon ng pananampalataya na kasinghalaga ng sa amin sa pamamagitan ng katuwiran ng ating Diyos at ng Tagapagligtas na si Jesu-Kristo: 2 Tumanggap nawa kayo ng higit pang kapayapaan at walang-kapantay na kabaitan sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman sa Diyos at kay Jesus na ating Panginoon, 3 dahil ipinagkaloob sa atin ng kapangyarihan ng Diyos ang lahat ng kailangan natin para mabuhay at magkaroon ng makadiyos na debosyon sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman sa tumawag sa atin sa pamamagitan ng kaniyang kaluwalhatian at kabutihan. 4 Sa pamamagitan ng mga bagay na ito ay binigyan niya tayo ng mahalaga at napakadakilang mga pangako, para sa pamamagitan ng mga ito ay magkaroon din kayo ng mga katangiang gaya ng sa Diyos, dahil nakatakas na kayo sa kasiraan ng sanlibutan na dulot ng maling pagnanasa. 5 Dahil dito, magsikap kayong mabuti na idagdag sa inyong pananampalataya ang kabutihan, sa inyong kabutihan ang kaalaman, 6 sa inyong kaalaman ang pagpipigil sa sarili, sa inyong pagpipigil sa sarili ang pagtitiis, sa inyong pagtitiis ang makadiyos na debosyon, 7 sa inyong makadiyos na debosyon ang pagmamahal sa kapatid, sa inyong pagmamahal sa kapatid ang pag-ibig. 8 Dahil kung ang mga bagay na ito ay nasa inyo at nag-uumapaw, maiiwasan ninyong maging di-aktibo o di-mabunga may kinalaman sa tumpak na kaalaman sa ating Panginoong Jesu-Kristo. 9 Pero ang sinumang walang ganitong mga katangian ay bulag dahil ipinipikit niya ang mga mata niya sa liwanag, at nakalimutan din niyang nilinis na siya mula sa mga kasalanan niya noon. 10 Kaya mga kapatid, lalo pa ninyong gawin ang inyong buong makakaya para matiyak na mananatili kayong kasama sa mga tinawag at pinili, dahil kung patuloy ninyong ginagawa ang mga bagay na ito, hinding-hindi kayo mabibigo. 11 Sa katunayan, kung gagawin ninyo ito, ipagkakaloob sa inyo ang napakalaking pagpapala na makapasok sa walang-hanggang Kaharian ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Kristo. 12 Dahil dito ay gusto kong laging ipaalaala sa inyo ang mga bagay na ito, kahit na alam na ninyo ang mga ito at matatag na kayo sa katotohanang nasa inyo. 13 Itinuturing kong matuwid, hangga’t ako ay nasa tabernakulong ito, na muli kayong paalalahanan, 14 dahil alam kong malapit nang alisin ang aking tabernakulo, gaya ng nilinaw sa akin ng ating Panginoong Jesu-Kristo. 15 Lagi kong gagawin ang buo kong makakaya para kapag nakaalis na ako, maalaala ninyo ang mga bagay na ito.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share