Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • mwbr19 Nobyembre p. 1-10
  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo
  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo (2019)
  • Subtitulo
  • NOBYEMBRE 4-10
  • NOBYEMBRE 11-17
  • NOBYEMBRE 18-24
  • NOBYEMBRE 25–DISYEMBRE 1
Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo (2019)
mwbr19 Nobyembre p. 1-10

Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo

NOBYEMBRE 4-10

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 1 JUAN 1-5

“Huwag Ninyong Ibigin ang Sanlibutan o ang mga Bagay na Nasa Sanlibutan”

(1 Juan 2:15, 16) Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan o ang mga bagay na nasa sanlibutan. Kung iniibig ng sinuman ang sanlibutan, wala siyang pag-ibig sa Ama; 16 dahil ang lahat ng bagay sa sanlibutan—ang pagnanasa ng laman at pagnanasa ng mga mata at pagyayabang ng mga pag-aari—ay hindi nagmumula sa Ama, kundi nagmumula sa sanlibutan.

w05 1/1 10 ¶13

Manghawakan sa Parisang Ibinigay ni Jesus

13 Baka ikatuwiran ng ilan na hindi naman mali ang lahat ng bagay na nasa sanlibutan. Bagaman totoo ito, ang sanlibutan at ang mga pang-akit nito ay madaling makagagambala sa atin sa paglilingkod kay Jehova. At walang anumang inilalaan ang sanlibutan na dinisenyo upang lalo tayong mapalapít sa Diyos. Kaya kung nalilinang na natin ang pag-ibig sa mga bagay na nasa sanlibutan, maging ang mga bagay na hindi naman masama sa ganang sarili, tayo ay nanganganib. (1 Timoteo 6:9, 10) Bukod diyan, ang karamihan ng nasa sanlibutan ay talagang masama at makapagpapasamâ sa atin. Kung manonood tayo ng mga pelikula o mga programa sa telebisyon na nagtatampok ng karahasan, materyalismo, o seksuwal na imoralidad, maaaring maging katanggap-tanggap ang mga bagay na iyon—at pagkatapos ay maging tukso na sa atin. Kung makikihalubilo tayo sa mga taong ang pangunahing interes ay paunlarin ang kanilang istilo ng pamumuhay o palakihin ang mga oportunidad sa negosyo, maaaring maging pangunahin na rin sa atin ang gayong mga bagay.—Mateo 6:24; 1 Corinto 15:33.

(1 Juan 2:17) Isa pa, ang sanlibutan ay lumilipas, pati ang pagnanasa nito, pero ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay mananatili magpakailanman.

w13 8/15 27 ¶18

Isaalang-alang ang Uri ng Pagkatao na Nararapat sa Iyo

18 Ang isa pang makakatulong sa atin para tanggihan ‘ang mga bagay na nasa sanlibutan’ ay ang pagsasaisip sa kinasihang pananalita ni Juan: “Ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.” (1 Juan 2:17) Ang sanlibutan ni Satanas ay mukha lang permanente at totoo. Pero magwawakas ito. Walang anumang permanente sa sanlibutan ni Satanas. Kung tatandaan natin ang bagay na iyan, makakatulong ito para hindi tayo magpadala sa mga pang-akit ng Diyablo.

Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas

(1 Juan 2:7, 8) Mga minamahal, sumusulat ako sa inyo, hindi ng isang bagong utos, kundi ng isang lumang utos na ibinigay na sa inyo mula pa sa pasimula. Ang lumang utos na ito ay ang salita na narinig na ninyo. 8 Pero sumusulat ako sa inyo ng isang bagong utos, na totoo sa kaniyang kalagayan at sa inyo, dahil ang kadiliman ay lumilipas at ang tunay na liwanag ay sumisikat na.

w13 9/15 10 ¶14

Makapagtitiwala Ka sa mga Paalaala ni Jehova

14 Napakaraming paalaala sa Kristiyanong Griegong Kasulatan tungkol sa pagpapakita ng pag-ibig sa isa’t isa. Sinabi ni Jesus na ang ikalawang pinakadakilang utos ay ‘ibigin ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’ (Mat. 22:39) Ayon naman kay Santiago, na kapatid sa ina ni Jesus, ang pag-ibig ay “makaharing kautusan.” (Sant. 2:8) Isinulat ni apostol Juan: “Mga minamahal, sumusulat ako sa inyo, hindi ng isang bagong utos, kundi ng isang lumang utos na taglay na ninyo buhat pa nang pasimula.” (1 Juan 2:7, 8) Ano ang tinutukoy ni Juan na “lumang utos”? Ang utos na umibig. Ito ay ‘luma’ dahil ibinigay ito ni Jesus ilang dekada na ang nakalilipas, o “buhat pa nang pasimula.” Pero ito rin ay ‘bago’ dahil humihiling ito ng mapagsakripisyong pag-ibig, na kailangang linangin ng mga alagad para maharap ang mga bagong kalagayan. Bilang mga alagad ni Kristo, nagpapasalamat tayo sa mga babala na tumutulong sa atin na huwag maging makasarili gaya ng marami sa sanlibutan, kundi magpakita ng mapagsakripisyong pag-ibig.

(1 Juan 5:16, 17) Kung makita ng sinuman ang kapatid niya na gumagawa ng kasalanang hindi nito ikamamatay, ipanalangin niya ito, at ang Diyos ay magbibigay ng buhay rito, oo, sa mga hindi gumagawa ng kasalanang nakamamatay. May kasalanan na ikamamatay ng isa. Ito ang kasalanang sinasabi ko sa kaniya na huwag niyang ipanalangin. 17 Lahat ng masamang gawain ay kasalanan, pero may kasalanan na hindi ikamamatay ng isa.

it-1 1423 ¶3

Kapatawaran, Pagpapatawad

Angkop lamang na manalangin ukol sa kapatawaran ng Diyos para sa iba, maging para sa buong kongregasyon. Ginawa ito ni Moises para sa bansang Israel, anupat ipinagtapat niya ang pagkakasala ng bansa at humingi siya ng kapatawaran para rito, at malugod naman siyang pinakinggan ni Jehova. (Bil 14:19, 20) Gayundin, noong iniaalay ang templo, si Solomon ay nanalangin na patawarin nawa ni Jehova ang kaniyang bayan kapag nagkakasala ang mga ito at pagkatapos ay nanunumbalik mula sa kanilang maling landasin. (1Ha 8:30, 33-40, 46-52) Gumanap si Ezra bilang kinatawan sa pangmadlang pagtatapat ng mga kasalanan ng nakabalik na mga Judio. Ang kaniyang taos-pusong panalangin at payo ay nagbunga ng pagkilos ng bayan upang matamo ang kapatawaran ni Jehova. (Ezr 9:13–10:4, 10-19, 44) Hinimok ni Santiago ang taong may-sakit sa espirituwal na ipatawag ang matatandang lalaki ng kongregasyon upang ipanalangin siya, at “kung nakagawa siya ng mga kasalanan, ito ay ipatatawad sa kaniya.” (San 5:14-16) Gayunman, may “kasalanan na ikamamatay,” ang kasalanan laban sa banal na espiritu, na isang sinasadyang pamimihasa sa kasalanan anupat wala itong kapatawaran. Hindi dapat ipanalangin ng isang Kristiyano yaong mga nagkakasala sa ganitong paraan.—1Ju 5:16; Mat 12:31; Heb 10:26, 27; tingnan ang ESPIRITU; KASALANAN.

Pagbabasa ng Bibliya

(1 Juan 1:1–2:6) Sumulat kami sa inyo tungkol sa salita ng buhay, na mula pa sa pasimula, na narinig namin, na nakita ng sarili naming mga mata, na napagmasdan namin at nahipo ng mga kamay namin, 2 (oo, ang buhay ay nahayag, at nakita namin at pinapatotohanan at iniuulat sa inyo ang buhay na walang hanggan na nakasama ng Ama at nahayag sa amin), 3 at iniuulat namin sa inyo ang nakita at narinig namin, para kayo rin ay maging kaisa namin, at sa gayon ay maging kaisa kayo ng Ama at ng kaniyang Anak na si Jesu-Kristo gaya namin. 4 Kaya isinulat namin ang mga bagay na ito para malubos ang kagalakan natin. 5 Ito ang mensaheng narinig namin mula sa kaniya at inihahayag sa inyo: Ang Diyos ay liwanag, at walang anumang kadiliman sa kaniya. 6 Kung sasabihin natin, “Nakikiisa tayo sa kaniya,” pero patuloy tayong lumalakad sa kadiliman, nagsisinungaling tayo at hindi tayo namumuhay ayon sa katotohanan. 7 Gayunman, kung lumalakad tayo sa liwanag gaya niya na nasa liwanag, nagkakaisa nga tayo, at nililinis tayo ng dugo ni Jesus na kaniyang Anak mula sa lahat ng kasalanan. 8 Kung sasabihin natin, “Wala tayong kasalanan,” dinaraya natin ang sarili natin at wala sa atin ang katotohanan. 9 Kung ipagtatapat natin ang mga kasalanan natin, patatawarin niya tayo sa ating mga kasalanan at lilinisin mula sa lahat ng kasamaan, dahil siya ay tapat at matuwid. 10 Kung sasabihin natin, “Hindi tayo nagkasala,” ginagawa natin siyang sinungaling, at wala sa atin ang salita niya.

2 Mahal kong mga anak, sumulat ako sa inyo tungkol sa mga bagay na ito para hindi kayo magkasala. Pero kung magkasala ang sinuman, may katulong tayo na kasama ng Ama, ang matuwid na si Jesu-Kristo. 2 At siya ay pampalubag-loob na handog para sa mga kasalanan natin, pero hindi lang para sa atin kundi para din sa buong sangkatauhan. 3 At masasabi nating kilala natin siya kung patuloy nating sinusunod ang mga utos niya. 4 Ang nagsasabing “Kilala ko siya” pero hindi sumusunod sa mga utos niya ay sinungaling at ang katotohanan ay wala sa taong iyon. 5 Pero kung ang isang tao ay sumusunod sa kaniyang salita, ang pag-ibig niya sa Diyos ay talagang ganap na. Sa ganitong paraan natin malalaman na kaisa natin siya. 6 Ang sinumang nagsasabi na nananatili siyang kaisa niya ay may pananagutan na patuloy na lumakad kung paanong lumakad ang isang iyon.

NOBYEMBRE 11-17

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 2 JUAN 1–JUDAS

“Dapat Tayong Makipaglaban Para Makapanatili sa Katotohanan”

(Judas 3) Mga minamahal, noong una ay gusto ko sanang sumulat sa inyo tungkol sa kaligtasan na pare-pareho nating taglay, pero nakita kong kailangan kong sumulat sa inyo para himukin kayong makipaglaban nang husto para sa pananampalataya na minsanang ibinigay sa mga banal.

w04 9/15 11-12 ¶8-9

“Patuloy Kayong Magtamo ng Lakas sa Panginoon”

8 Hindi tayo walang-alam sa mga pakana ni Satanas dahil isinisiwalat ng Kasulatan ang pangunahing mga taktika niya. (2 Corinto 2:11) Laban sa matuwid na taong si Job, ginamit ng Diyablo ang matitinding problema sa kabuhayan, kamatayan ng mga mahal sa buhay, pagsalansang ng pamilya, pisikal na pagdurusa, at walang-batayang pamimintas ng di-tunay na mga kaibigan. Nanlumo si Job at nakadama na pinabayaan siya ng Diyos. (Job 10:1, 2) Bagaman maaaring hindi si Satanas ang tuwirang sanhi ng mga problemang ito sa ngayon, naaapektuhan pa rin ng gayong mga kahirapan ang maraming Kristiyano, at maaari itong gamitin ng Diyablo para sa kaniyang kapakinabangan.

9 Mabilis ang pagdami ng espirituwal na mga panganib sa panahong ito ng kawakasan. Nabubuhay tayo sa isang daigdig kung saan nahahalinhan ng materyalistikong mga gawain ang espirituwal na mga tunguhin. Palaging inilalarawan ng media ang bawal na pakikipagtalik bilang pinagmumulan ng kaligayahan sa halip na dalamhati. At ang karamihan sa mga tao ay naging “mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos.” (2 Timoteo 3:1-5) Maaaring isapanganib ng ganitong kaisipan ang ating espirituwal na pagkatimbang kung hindi tayo ‘puspusang makikipaglaban ukol sa pananampalataya.’—Judas 3.

Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas

(Judas 4) Sumulat ako dahil may mga taong nakapuslit sa gitna ninyo na matagal nang itinalaga ng Kasulatan sa hatol na ito; sila ay mga taong di-makadiyos na ginagawang dahilan ang walang-kapantay na kabaitan ng ating Diyos para gumawi nang may kapangahasan at nagtataksil sa tanging may-ari sa atin at Panginoon natin, si Jesu-Kristo.

(Judas 12) Ito ang mga batong nakatago sa ilalim ng tubig sa inyong mga salusalo habang kumakain silang kasama ninyo, mga pastol na pinakakain ang sarili nila nang walang takot; mga ulap na walang tubig at ipinapadpad ng hangin nang paroo’t parito; mga punong walang bunga sa pagtatapos ng taglagas, na namatay nang dalawang beses at binunot;

it-2 911

Piging ng Pag-ibig

Sa Bibliya, hindi inilalarawan ang mga piging ng pag-ibig ni binabanggit man kung gaano kadalas idinaraos ang mga ito. (Jud 12) Hindi ipinag-utos ng Panginoong Jesu-Kristo o ng kaniyang mga apostol ang mga piging na ito, at maliwanag na ang mga ito’y hindi sapilitan o permanenteng kahilingan. May mga nagsasabi na ito’y mga okasyon kung kailan nagdaraos ng piging ang mga Kristiyanong sagana sa materyal at inaanyayahan nila ang kanilang mga dukhang kapananampalataya. Ang mga ulila sa ama, ang mga babaing balo, ang mayayaman, at ang mga kapos-palad ay sama-samang nagsasalu-salo sa isang saganang hapag-kainan sa espiritu ng pagkakapatiran.

it-1 352

Bato

Ang isa pang salitang Griego, spi·lasʹ, ay maliwanag na tumutukoy sa isang bato o bahura na nakatago sa ilalim ng tubig. Ginamit ito ni Judas upang ilarawan ang ilang tao na may masasamang motibo na nakapuslit sa loob ng kongregasyong Kristiyano. Kung paanong ang nakatagong mga bato ay kapaha-pahamak sa mga barko, ang mga taong ito ay napakapanganib din para sa mga nasa kongregasyon. Sinabi niya tungkol sa gayong mga tao: “Ito ang mga batong nakatago sa ilalim ng tubig sa inyong mga piging ng pag-ibig habang sila ay nakikipagpiging sa inyo.”—Jud 12.

(Judas 14, 15) Oo, ang ikapito sa talaangkanan mula kay Adan, si Enoc, ay nanghula rin tungkol sa kanila at sinabi niya: “Si Jehova ay dumating na kasama ang kaniyang napakaraming banal 15 para maglapat ng hatol laban sa lahat, at para hatulang nagkasala ang lahat ng di-makadiyos may kinalaman sa lahat ng di-makadiyos na mga bagay na ginawa nila sa di-makadiyos na paraan, at may kinalaman sa lahat ng nakapangingilabot na bagay na sinabi ng di-makadiyos na mga makasalanan laban sa kaniya.”

wp17.1 12 ¶1

“Lubos Niyang Napalugdan ang Diyos”

Ano ang inihula ni Enoc? Ganito iyon: “Narito! Si Jehova ay dumating na kasama ang kaniyang laksa-laksang banal, upang maglapat ng hatol laban sa lahat, at upang hatulan ang lahat ng di-makadiyos may kinalaman sa lahat ng kanilang di-makadiyos na mga gawa na kanilang ginawa sa di-makadiyos na paraan, at may kinalaman sa lahat ng nakapangingilabot na mga bagay na sinalita ng di-makadiyos na mga makasalanan laban sa kaniya.” (Judas 14, 15) Siguro ang una mong napansin ay na sinabi ito ni Enoc sa panahunang pangnagdaan, na para bang tinupad na ng Diyos ang nakahula. Ganiyan din ang maraming iba pang hula na kasunod nito. Ito ang punto: Sinasabi ng propeta ang isang bagay na walang kaduda-dudang mangyayari anupat mailalarawan niya ito na parang nangyari na!—Isaias 46:10.

wp17.1 12 ¶3

“Lubos Niyang Napalugdan ang Diyos”

Ang halimbawa ni Enoc ay maaaring mag-udyok sa atin na pag-isipan kung ang pananaw natin sa sanlibutang ito ay kagaya ng pananaw ng Diyos. Ang hatol na buong-tapang na inihayag noon ni Enoc ay totoo pa rin sa ngayon. Gaya ng babala ni Enoc, nagpasapit si Jehova ng malaking Baha sa mga taong di-makadiyos noong panahon ni Noe. Pero may darating na mas malaking pagkapuksa. (Mateo 24:38, 39; 2 Pedro 2:4-6) Gaya noon, handang-handa na rin ang Diyos ngayon, kasama ang kaniyang laksa-laksang banal, para hatulan ang di-makadiyos na sanlibutan. Dapat isapuso ng bawat isa sa atin ang babala ni Enoc at sabihin ito sa iba. Maaaring iba ang maging paninindigan ng ating pamilya at mga kaibigan. Kung minsan, baka madama nating nag-iisa tayo. Pero hindi iniwan ni Jehova si Enoc; hindi rin niya iiwan ang tapat na mga lingkod niya ngayon!

Pagbabasa ng Bibliya

(2 Juan 1-13) Mula sa isang matandang lalaki para sa piniling ginang at sa mga anak niya, na talagang mahal ko, at hindi lang ako, kundi ng lahat din ng nakaaalam ng katotohanan, 2 dahil sa katotohanan na nasa atin at mananatili sa atin magpakailanman. 3 Mula sa Diyos na Ama at kay Jesu-Kristo, na Anak ng Ama, ay tatanggap tayo ng walang-kapantay na kabaitan, awa, at kapayapaan, kasama ang katotohanan at pag-ibig. 4 Masayang-masaya ako dahil nakita ko ang ilan sa mga anak mo na lumalakad sa katotohanan, gaya ng tinanggap nating utos mula sa Ama. 5 Kaya hinihiling ko sa iyo ngayon, ginang, na ibigin natin ang isa’t isa. (Sumusulat ako sa iyo, hindi ng isang bagong utos, kundi ng isang utos na ibinigay na sa atin mula pa sa pasimula.) 6 At ito ang kahulugan ng pag-ibig: Patuloy tayong lumakad ayon sa mga utos niya. At ang utos, gaya ng narinig na ninyo mula pa sa pasimula, ay patuloy kayong lumakad dito. 7 Dahil maraming manlilinlang ang lumitaw sa sanlibutan, mga taong hindi kumikilala na si Jesu-Kristo ay dumating bilang tao. Ito ang manlilinlang at ang antikristo. 8 Mag-ingat kayo, para hindi ninyo maiwala ang mga bagay na pinaghirapan namin, kundi makuha ninyo ang buong gantimpala. 9 Ang bawat isa na lumalayo sa turo ng Kristo at hindi nananatili rito ay hindi kaisa ng Diyos. Ang nananatili sa turong ito ay kaisa ng Ama at ng Anak. 10 Kung may magpunta sa inyo at hindi niya dala ang turong ito, huwag ninyo siyang tanggapin sa tahanan ninyo at huwag ninyo siyang batiin. 11 Dahil ang babati sa kaniya ay magiging kasangkot sa masasamang ginagawa niya. 12 Marami akong gustong sabihin sa inyo, pero hindi ko gustong isulat iyon, kundi umaasa akong makapunta sa inyo at makausap kayo nang personal, para malubos ang kagalakan ninyo. 13 Ang mga anak ng kapatid mong babae, ang pinili, ay nangungumusta sa iyo.

NOBYEMBRE 18-24

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | APOCALIPSIS 1-3

“Alam Ko ang mga Ginagawa Mo”

(Apocalipsis 1:20) Kung tungkol sa sagradong lihim ng pitong bituin na nakita mo sa kanang kamay ko at ng pitong gintong kandelero: Ang pitong bituin ay sumasagisag sa mga anghel ng pitong kongregasyon, at ang pitong kandelero ay sumasagisag sa pitong kongregasyon.

w12 10/15 14 ¶8

Anong Uri ng Espiritu ang Ipinakikita Mo?

8 Para maiwasan ang ganiyang saloobin, tandaan natin na ayon sa Bibliya, nasa “kanang kamay [ni Jesus ang] pitong bituin.” Ang mga “bituin” ay sumasagisag sa pinahirang mga tagapangasiwa, at maaari ding tumukoy sa lahat ng tagapangasiwa sa kongregasyon. Pinapatnubayan ni Jesus ang mga “bituin” sa kaniyang kamay sa paraang ibig niya. (Apoc. 1:16, 20) Bilang Ulo ng kongregasyong Kristiyano, lubusang kontrolado ni Jesus ang mga lupon ng matatanda. Ang kaniyang “mga mata ay gaya ng nagliliyab na apoy” at nakikita niya ang lahat ng bagay. Kaya kung talagang nangangailangan ng pagtutuwid ang isang elder, titiyakin ni Jesus na tatanggap ito ng pagtutuwid sa tamang panahon at sa tamang paraan. (Apoc. 1:14) Samantala, patuloy nating igalang ang mga tagapangasiwang hinirang ng banal na espiritu. Sinabi ni Pablo: “Maging masunurin kayo doon sa mga nangunguna sa inyo at maging mapagpasakop, sapagkat patuloy silang nagbabantay sa inyong mga kaluluwa na gaya niyaong mga magsusulit; upang gawin nila ito nang may kagalakan at hindi nang may pagbubuntunghininga, sapagkat ito ay makapipinsala sa inyo.”—Heb. 13:17.

(Apocalipsis 2:1, 2) “Sa anghel ng kongregasyon sa Efeso ay isulat mo: Ito ang mga bagay na sinasabi ng isa na may hawak ng pitong bituin sa kanang kamay niya at lumalakad sa gitna ng pitong gintong kandelero: 2 ‘Alam ko ang mga ginagawa mo, at ang iyong pagsisikap at pagtitiis, at na hindi mo kinukunsinti ang masasamang tao, at na sinusubok mo ang mga nagsasabing apostol sila, pero hindi sila gayon, at nakita mong sinungaling sila.

w12 4/15 29 ¶11

Iniingatan Tayo ni Jehova Para sa Ating Kaligtasan

11 Sa pangitaing nakaulat sa Apocalipsis kabanata 2 at 3, siniyasat ng niluwalhating si Jesu-Kristo ang pitong kongregasyon sa Asia Minor. Isinisiwalat ng pangitain na hindi lang pangkalahatang kalagayan ng mga kongregasyon ang nakikita ni Kristo, kundi pati ang espesipikong mga sitwasyon ng mga ito. May mga pagkakataong bumanggit siya ng mga indibiduwal, at nagbigay siya ng angkop na komendasyon o payo. Ano ang ipinahihiwatig nito? Ang pitong kongregasyon ay kumakatawan sa mga pinahirang Kristiyano pagkatapos ng 1914, at ang payong ibinigay sa kanila ay kapit din sa lahat ng kongregasyon ng bayan ng Diyos sa ngayon. Kaya masasabi nating ginagabayan ni Jehova ang kaniyang bayan sa pamamagitan ng kaniyang Anak. Paano tayo makikinabang sa Kaniyang patnubay?

w01 1/15 20-21 ¶20

Umalinsabay sa Organisasyon ni Jehova

20 Isang kahilingan sa pag-alinsabay sa pasulong na organisasyon ni Jehova ang pagkilala natin sa bigay-Diyos na papel ni Jesu-Kristo bilang “ulo ng kongregasyon.” (Efeso 5:22, 23) Kapansin-pansin din ang Isaias 55:4, na doo’y sinabi sa atin: “Narito! Bilang saksi sa mga liping pambansa ay ibinigay ko [ni Jehova] siya, bilang lider at kumandante sa mga liping pambansa.” Tiyak na alam ni Jesus kung paano mangunguna. Kilala rin niya ang kaniyang mga tupa at alam niya ang kanilang mga gawa. Sa katunayan, nang siyasatin niya ang pitong kongregasyon sa Asia Minor, limang ulit niyang sinabi: “Alam ko ang iyong mga gawa.” (Apocalipsis 2:2, 19; 3:1, 8, 15) Alam din ni Jesus ang ating mga pangangailangan, gaya ng kaniyang Amang si Jehova. Bago niya binigkas ang Modelong Panalangin, sinabi ni Jesus: “Nalalaman ng Diyos na inyong Ama kung anong mga bagay ang kinakailangan ninyo bago pa man ninyo hingin sa kaniya.”—Mateo 6:8-13.

Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas

(Apocalipsis 1:7) Tingnan ninyo! Dumarating siya na nasa mga ulap, at makikita siya ng bawat mata, at ng mga sumaksak sa kaniya; at susuntukin ng lahat ng tribo sa lupa ang dibdib nila sa pagdadalamhati dahil sa kaniya. Oo, Amen.

kr 226 ¶10

Pupuksain ng Kaharian ng Diyos ang mga Kaaway Nito

10 Kapahayagan ng hatol. Mapipilitan ang lahat ng kaaway ng Kaharian ng Diyos na saksihan ang isang pangyayaring lalo pang magpapahirap sa kanila. Sinabi ni Jesus: “Makikita nila ang Anak ng tao na dumarating na nasa mga ulap taglay ang dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian.” (Mar. 13:26) Ang kakila-kilabot na pagtatanghal na ito ng kapangyarihan ay hudyat na dumating na si Jesus para humatol. Sa karugtong na bahagi ng hulang ito tungkol sa mga huling araw, nagbigay si Jesus ng karagdagang detalye tungkol sa gagawing paghatol. Makikita natin ito sa ilustrasyon tungkol sa mga tupa at kambing. (Basahin ang Mateo 25:31-33, 46.) Ang tapat na mga tagasuporta ng Kaharian ng Diyos ay hahatulan bilang “mga tupa” at ‘itataas nila ang kanilang mga ulo,’ dahil alam nilang ang kanilang “katubusan ay nalalapit na.” (Luc. 21:28) Pero ang mga sumasalansang sa Kaharian ay hahatulan bilang “mga kambing” at “dadagukan [nila] ang kanilang sarili sa pamimighati” dahil alam nilang “walang-hanggang pagkalipol” ang naghihintay sa kanila.—Apoc. 1:7; Mat. 24:30.

(Apocalipsis 2:7) Ang may tainga ay makinig sa sinasabi ng espiritu sa mga kongregasyon: Ang magtatagumpay ay pakakainin ko mula sa puno ng buhay, na nasa paraiso ng Diyos.’

w09 1/15 31 ¶1

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Apocalipsis—I

2:7—Ano ba ang “paraiso ng Diyos”? Yamang ang pananalitang ito ay ipinatutungkol sa mga pinahirang Kristiyano, ang paraiso rito ay malamang na tumutukoy sa malaparaisong makalangit na dako—ang mismong presensiya ng Diyos. Ang tapat na mga pinahiran ay gagantimpalaan ng pagkakataong makakain mula sa “punungkahoy ng buhay.” Ibig sabihin, tatanggap sila ng imortalidad.—1 Cor. 15:53.

Pagbabasa ng Bibliya

(Apocalipsis 1:1-11) Isang pagsisiwalat ni Jesu-Kristo, na ibinigay ng Diyos sa kaniya, para ipakita sa mga alipin niya ang mga bagay na malapit nang mangyari. At isinugo niya ang kaniyang anghel para iharap ito sa pamamagitan ng mga tanda sa alipin niyang si Juan, 2 na nagpatotoo sa salita na ibinigay ng Diyos at sa patotoo na ibinigay ni Jesu-Kristo, oo, sa lahat ng bagay na nakita niya. 3 Maligaya ang bumabasa nang malakas at ang mga nakikinig sa mga salita ng hulang ito at tumutupad sa mga nakasulat dito, dahil ang takdang panahon ay malapit na. 4 Mula kay Juan para sa pitong kongregasyon na nasa lalawigan ng Asia: Tumanggap nawa kayo ng walang-kapantay na kabaitan at kapayapaan mula sa “Isa na siyang kasalukuyan at nakaraan at darating,” at mula sa pitong espiritu na nasa harap ng trono niya, 5 at mula kay Jesu-Kristo, “ang Tapat na Saksi,” “ang panganay mula sa mga patay,” at “ang Tagapamahala ng mga hari sa lupa.” Sa kaniya na nagmamahal sa atin at nagpalaya sa atin mula sa mga kasalanan natin sa pamamagitan ng sarili niyang dugo— 6 at ginawa niya tayong isang kaharian, mga saserdote ng kaniyang Diyos at Ama—oo, sumakaniya nawa ang kaluwalhatian at kalakasan magpakailanman. Amen. 7 Tingnan ninyo! Dumarating siya na nasa mga ulap, at makikita siya ng bawat mata, at ng mga sumaksak sa kaniya; at susuntukin ng lahat ng tribo sa lupa ang dibdib nila sa pagdadalamhati dahil sa kaniya. Oo, Amen. 8 “Ako ang Alpha at ang Omega,” ang sabi ng Diyos na Jehova, “ang Isa na siyang kasalukuyan at nakaraan at darating, ang Makapangyarihan-sa-Lahat.” 9 Akong si Juan, ang kapatid at kabahagi ninyo sa kapighatian at sa kaharian at sa pagtitiis kaisa ni Jesus, ay nasa isla na tinatawag na Patmos dahil sa pagsasalita tungkol sa Diyos at sa pagpapatotoo tungkol kay Jesus. 10 Sa pamamagitan ng banal na espiritu ay nakarating ako sa araw ng Panginoon, at narinig ko sa likuran ko ang isang malakas na tinig na gaya ng sa trumpeta, 11 na nagsasabi: “Ang nakikita mo ay isulat mo sa isang balumbon at ipadala mo iyon sa pitong kongregasyon: sa Efeso, sa Smirna, sa Pergamo, sa Tiatira, sa Sardis, sa Filadelfia, at sa Laodicea.”

NOBYEMBRE 25–DISYEMBRE 1

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | APOCALIPSIS 4-6

“Ang Paghayo ng Apat na Mangangabayo”

(Apocalipsis 6:2) At nakita ko ang isang puting kabayo, at ang nakaupo rito ay may pana; at isang korona ang ibinigay sa kaniya, at humayo siyang nagtatagumpay at para lubusin ang pagtatagumpay niya.

wp17.3 4 ¶3

Ang Apat na Mangangabayo—Sino Sila?

Sino ang sakay ng kabayong puti? Nasa aklat din ng Bibliya na Apocalipsis ang sagot. Dito, tinukoy ang makalangit na sakay nito bilang “Ang Salita ng Diyos.” (Apocalipsis 19:11-13) Ang titulong ito, Ang Salita, ay nauukol kay Jesu-Kristo dahil siya ang tagapagsalita ng Diyos. (Juan 1:1, 14) Tinawag din siyang “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon” at inilarawan siya bilang “Tapat at Totoo.” (Apocalipsis 19:16) Ipinakikita nito na may awtoridad siya bilang mandirigmang-hari, at hindi niya aabusuhin ang kaniyang kapangyarihan. Pero may mga tanong na bumabangon.

wp17.3 4 ¶5

Ang Apat na Mangangabayo—Sino Sila?

Kailan nagsimulang humayo ang mga mangangabayo? Ang unang mangangabayo, si Jesus, ay nagsimulang humayo nang tumanggap siya ng korona. (Apocalipsis 6:2) Kailan siya nagsimulang maging Hari sa langit? Noon bang umakyat siya sa langit matapos siyang buhaying muli? Hindi. Ipinakikita ng Bibliya na kailangan pa niyang maghintay. (Hebreo 10:12, 13) Nagbigay ng tanda si Jesus sa kaniyang mga tagasunod para matukoy nila kung kailan matatapos ang paghihintay na iyon at kung kailan magsisimula ang kaniyang pamamahala sa langit. Sinabi niya na sa pasimula ng kaniyang pamamahala, lalong sasamâ ang kalagayan ng daigdig. Magkakaroon ng digmaan, kakapusan sa pagkain, at mga salot. (Mateo 24:3, 7; Lucas 21:10, 11) Nang sumiklab ang Digmaang Pandaigdig I noong 1914, kitang-kita na dumating na ang yugtong iyon ng panahon. Ang napakasamang kalagayang ito ay tinawag ng Bibliya na “mga huling araw.”—2 Timoteo 3:1-5.

(Apocalipsis 6:4-6) May isa pang lumabas, isang kabayong kulay-apoy, at ang nakaupo rito ay pinahintulutang mag-alis ng kapayapaan sa lupa para magpatayan ang mga tao, at binigyan siya ng isang malaking espada. 5 Nang buksan niya ang ikatlong tatak, narinig kong sinabi ng ikatlong buháy na nilalang: “Halika!” At nakita ko ang isang itim na kabayo, at ang nakaupo rito ay may hawak na isang pares ng timbangan. 6 Narinig ko ang isang tinig na parang nasa gitna ng apat na buháy na nilalang, at sinabi nito: “Isang quarto ng trigo para sa isang denario at tatlong quarto ng sebada para sa isang denario; at huwag mong hayaang maubos ang langis ng olibo at ang alak.”

wp17.3 5 ¶2

Ang Apat na Mangangabayo—Sino Sila?

Ang mangangabayong ito ay kumakatawan sa digmaan. Pansinin na aalisin nito ang kapayapaan, hindi lang sa ilang bansa kundi sa buong daigdig. Noong 1914, sa unang pagkakataon, sumiklab ang isang digmaang pandaigdig. Sinundan pa ito ng ikalawang digmaang pandaigdig na naging mas mapaminsala. Ayon sa ilang pagtantiya, mahigit 100 milyon ang namatay dahil sa digmaan at armadong labanan mula pa noong 1914! At napakarami pang indibiduwal ang napinsala.

wp17.3 5 ¶4-5

Ang Apat na Mangangabayo—Sino Sila?

“Nakita ko, at, narito! isang kabayong itim; at ang isa na nakaupo sa ibabaw nito ay may isang pares ng timbangan sa kaniyang kamay. At narinig ko ang isang tinig na para bang nasa gitna ng apat na nilalang na buháy na nagsabi: ‘Isang quarto ng trigo para sa isang denario, at tatlong quarto ng sebada para sa isang denario; at huwag mong pinsalain ang langis ng olibo at ang alak.’”—Apocalipsis 6:5, 6.

Kumakatawan sa taggutom ang mangangabayong ito. Ipinakikita ng tekstong ito ang malalang kalagayan sa suplay ng pagkain. Ang isang quarto, o 700 gramo, ng trigo ay nagkakahalaga ng isang denario, isang araw na suweldo noong unang siglo! (Mateo 20:2) Sa halaga ring iyon, makabibili ng tatlong quarto, o dalawang kilo at 100 gramo, ng sebada na mas mababa ang uri kaysa sa trigo. Pero hindi pa rin iyan makasasapat sa isang malaking pamilya. Babala ito na dapat tipirin kahit ang pangkaraniwang pagkain noon na gaya ng langis ng olibo at alak.

(Apocalipsis 6:8) At nakita ko ang isang kabayong maputla, at ang nakaupo roon ay may pangalang Kamatayan. At ang Libingan ay kasunod niya. At binigyan sila ng awtoridad sa ikaapat na bahagi ng lupa, para pumatay sa pamamagitan ng mahabang espada at ng kakapusan sa pagkain at ng nakamamatay na salot at ng mababangis na hayop sa lupa.

wp17.3 5 ¶8-10

Ang Apat na Mangangabayo—Sino Sila?

Ang ikaapat na mangangabayo ay kumakatawan sa kamatayang dulot ng salot at iba pa. Di-nagtagal, pagkaraan ng 1914, ang trangkaso Espanyola ay pumatay ng milyon-milyong tao. Posibleng mga 500 milyon ang naging biktima nito—mga 1 sa bawat 3 taong nabubuhay noon!

Pero ang trangkaso Espanyola ay simula pa lang ng salot. Tinataya ng mga eksperto na daan-daang milyon ang namatay dahil sa bulutong noong ika-20 siglo. Sa ngayon, marami ang namamatay dahil sa AIDS, tuberkulosis, at malarya, sa kabila ng puspusang pananaliksik ng medisina.

Digmaan man, taggutom, o salot, iisa lang ang resulta—kamatayan. Hindi tumitigil sa pangongolekta ng biktima ang Hades, at wala rin itong ibinibigay na pag-asa.

Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas

(Apocalipsis 4:4) Sa palibot ng trono ay may 24 na trono, at sa mga tronong ito ay nakita kong nakaupo ang 24 na matatandang nakasuot ng puting damit, at may gintong korona sila sa ulo.

(Apocalipsis 4:6) Sa harap ng trono ay may gaya ng isang malasalaming dagat, tulad ng kristal. Sa gitna ng trono at sa palibot ng trono ay may apat na buháy na nilalang na punô ng mata sa harap at sa likuran.

re 76-77 ¶8

Ang Karingalan ng Makalangit na Trono ni Jehova

8 Batid ni Juan na mga saserdote ang inatasang maglingkod sa sinaunang tabernakulo. Kaya maaaring nagulat siya nang makita niya ang sumunod na inilarawan niya ngayon: “At sa palibot ng trono ay may dalawampu’t apat na trono, at sa mga tronong ito ay nakita kong nakaupo ang dalawampu’t apat na matatanda na nadaramtan ng mapuputing panlabas na kasuutan, at sa kanilang mga ulo ay may mga ginintuang korona.” (Apocalipsis 4:4) Oo, sa halip na mga saserdote, 24 na matatanda ang nakaluklok at nakokoronahang gaya ng mga hari. Sino ang matatandang ito? Walang iba kundi ang mga pinahiran sa kongregasyong Kristiyano, na binuhay-muli at nakaluklok sa makalangit na tungkuling ipinangako sa kanila ni Jehova. Paano natin nalaman ito?

re 80 ¶19

Ang Karingalan ng Makalangit na Trono ni Jehova

19 Saan lumalarawan ang mga nilalang na ito? Isang pangitain na iniulat ng isa pang propeta, si Ezekiel, ang tumutulong sa atin na malaman ang sagot. Nakita ni Ezekiel si Jehova na nakaluklok sa isang makalangit na karo, na kasama ang mga nilalang na buháy na may mga katangiang katulad ng inilalarawan ni Juan. (Ezekiel 1:5-11, 22-28) Nang dakong huli, muling nakita ni Ezekiel ang tulad-karong trono na kasama ang mga nilalang na buháy. Subalit sa pagkakataong ito, tinukoy niya ang mga nilalang na buháy bilang mga kerubin. (Ezekiel 10:9-15) Ang apat na nilalang na buháy na nakikita ni Juan ay tiyak na kumakatawan sa maraming kerubin ng Diyos—mga nilalang na may mataas na katungkulan sa Kaniyang organisasyon ng mga espiritu. Hindi ipagtataka ni Juan na makitang napakalapit ng mga kerubin kay Jehova, yamang sa sinaunang kaayusan ng tabernakulo, dalawang gintong kerubin ang nakapatong sa takip ng kaban ng tipan, na kumakatawan sa trono ni Jehova. Sa pagitan ng mga kerubing ito, naririnig ang tinig ni Jehova na nagbibigay ng mga utos sa bansa.—Exodo 25:22; Awit 80:1.

(Apocalipsis 5:5) Pero sinabi sa akin ng isa sa matatanda: “Huwag ka nang umiyak. Ang Leon mula sa tribo ni Juda, ang ugat ni David, ay nagtagumpay para magbukas ng balumbon at ng pitong tatak nito.”

cf 36 ¶5-6

“Narito! Ang Leon na Mula sa Tribo ni Juda”

5 Ang leon ay madalas na iniuugnay sa lakas ng loob. Nakakita ka na ba ng isang adultong lalaking leon nang malapitan? Kung oo, malamang na hindi naman nanganib ang iyong buhay dahil nakakulong ito sa zoo. Gayunman, kakila-kilabot pa rin ang gayong karanasan. Habang tinitingnan mo ang mukha ng malaki at malakas na nilalang na ito na nakatitig sa iyo, iisipin mo bang may anumang kinatatakutan ang leon? Binabanggit ng Bibliya “ang leon, na pinakamakapangyarihan sa mga hayop at hindi umaatras sa harap ng sinuman.” (Kawikaan 30:30) Gayung-gayon ang lakas ng loob ni Kristo.

6 Talakayin natin kung paano nagpakita ng tulad-leong lakas ng loob si Jesus sa tatlong paraan: sa pagtatanggol sa katotohanan, sa pagtataguyod sa katarungan, at sa pagharap sa pagsalansang. Makikita rin natin na tayong lahat ay maaaring tumulad kay Jesus sa pagpapakita ng lakas ng loob, likas mang malakas ang ating loob o hindi.

Pagbabasa ng Bibliya

(Apocalipsis 4:1-11) Pagkatapos nito ay nakita ko ang isang bukás na pinto sa langit, at ang unang tinig na narinig kong nagsasalita sa akin ay gaya ng isang trumpeta na nagsasabi: “Umakyat ka rito, at ipapakita ko sa iyo ang mga bagay na dapat mangyari.” 2 Pagkatapos nito ay agad na sumaakin ang espiritu ng Diyos, at nakita ko ang isang trono na nasa puwesto nito sa langit, at may isang nakaupo sa trono. 3 At ang nakaupo ay kumikinang na gaya ng batong jaspe at ng batong sardio, at sa palibot ng trono ay may isang bahagharing kumikinang na gaya ng esmeralda. 4 Sa palibot ng trono ay may 24 na trono, at sa mga tronong ito ay nakita kong nakaupo ang 24 na matatandang nakasuot ng puting damit, at may gintong korona sila sa ulo. 5 Mula sa trono ay may lumalabas na mga kidlat at mga tinig at mga kulog; at may pitong lampara ng apoy na nagniningas sa harap ng trono, at ang mga ito ay sumasagisag sa pitong espiritu ng Diyos. 6 Sa harap ng trono ay may gaya ng isang malasalaming dagat, tulad ng kristal. Sa gitna ng trono at sa palibot ng trono ay may apat na buháy na nilalang na punô ng mata sa harap at sa likuran. 7 Ang unang buháy na nilalang ay tulad ng leon, ang ikalawang buháy na nilalang ay tulad ng batang toro, ang ikatlong buháy na nilalang ay may mukhang tulad ng sa tao, at ang ikaapat na buháy na nilalang ay tulad ng lumilipad na agila. 8 Ang bawat isa sa apat na buháy na nilalang ay may anim na pakpak; punô sila ng mata sa palibot at sa ilalim. At patuloy nilang sinasabi araw at gabi: “Banal, banal, banal ang Diyos na Jehova, ang Makapangyarihan-sa-Lahat, ang nakaraan at ang kasalukuyan at ang darating.” 9 Sa tuwing ang buháy na mga nilalang ay magbibigay ng kaluwalhatian at karangalan at pasasalamat sa Isa na nakaupo sa trono, ang Isa na nabubuhay magpakailanman, 10 ang 24 na matatanda ay sumusubsob sa harap ng Isa na nakaupo sa trono at sumasamba sa Isa na nabubuhay magpakailanman, at inihahagis nila ang korona nila sa harap ng trono at sinasabi: 11 “O Jehova na Diyos namin, ikaw ang karapat-dapat sa kaluwalhatian at karangalan at kapangyarihan, dahil nilalang mo ang lahat ng bagay, at dahil sa kalooban mo ay umiral sila at nalalang.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share