Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo
MARSO 2-8
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | GENESIS 22-23
“Sinubok ng Tunay na Diyos si Abraham”
(Genesis 22:1, 2) Pagkatapos nito, sinubok ng tunay na Diyos si Abraham, at sinabi niya: “Abraham!” Sumagot ito: “Narito ako!” 2 Sinabi niya: “Pakisuyo, isama mo ang iyong anak na si Isaac, ang kaisa-isa mong anak na pinakamamahal mo, at maglakbay ka papunta sa lupain ng Moria at ihain mo siya bilang handog na sinusunog sa isa sa mga bundok doon na ituturo ko sa iyo.”
Bakit Hiniling ng Diyos kay Abraham na Ihandog Niya ang Kaniyang Anak?
Isaalang-alang ang sinabi ni Jehova kay Abraham: “Pakisuyo, kunin mo ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak na pinakaiibig mo, si Isaac, at . . . ihandog mo siya bilang handog na sinusunog.” (Genesis 22:2) Pansinin na tinukoy ni Jehova si Isaac bilang anak na “pinakaiibig mo.” Alam ni Jehova kung gaano kahalaga si Isaac kay Abraham. Sa katulad na paraan, mahal na mahal ni Jehova si Jesus, anupat dalawang ulit siyang nagsalita mula sa langit na tuwirang tinutukoy si Jesus bilang “ang aking Anak, ang minamahal.”—Marcos 1:11; 9:7.
Pansinin din na gumamit si Jehova ng salitang “pakisuyo” nang humiling siya kay Abraham. Sinasabi ng isang iskolar ng Bibliya na ang paggamit ng Diyos ng salitang ito ay nagpapahiwatig na “nauunawaan ng PANGINOON kung gaano kabigat ang kaniyang hinihiling.” Gaya ng maiisip natin, tiyak na nagdulot ng matinding pagdadalamhati kay Abraham ang kahilingang iyon; sa katulad na paraan, tiyak na gayon na lang katindi ang sakit na nadama ni Jehova habang nakikita niyang nagdurusa ang kaniyang minamahal na Anak hanggang sa ito’y mamatay. Oo, wala nang hihigit pa sa sakit na idinulot nito kay Jehova.
Maaaring hindi natin magustuhan ang hiniling ni Jehova kay Abraham, pero tandaan natin na hindi naman ipinahintulot ni Jehova na maihandog ni Abraham si Isaac. Hindi niya hinayaang maranasan ni Abraham ang sakit ng mawalan ng anak; hindi niya hinayaang mamatay si Isaac. Gayunman, hindi ipinagsanggalang ni Jehova ang “kaniyang sariling Anak kundi ibinigay niya siya para sa ating lahat.” (Roma 8:32) Bakit ginawa iyon ni Jehova? Ito ay upang “magkamit tayo ng buhay.” (1 Juan 4:9) Napakalinaw ngang paalaala kung gaano tayo kamahal ng Diyos! Hindi ba’t napakikilos tayo nito na ipakita rin ang ating pagmamahal sa kaniya?
(Genesis 22:9-12) Sa wakas, narating nila ang lugar na sinabi ng tunay na Diyos sa kaniya, at si Abraham ay gumawa roon ng isang altar, at inayos niya ang kahoy sa ibabaw nito. Tinalian niya ang kamay at paa ng anak niyang si Isaac at inihiga ito sa altar sa ibabaw ng kahoy. 10 Pagkatapos, kinuha ni Abraham ang kutsilyo at papatayin na sana ang kaniyang anak, 11 pero tinawag siya ng anghel ni Jehova mula sa langit at sinabi: “Abraham, Abraham!” Sumagot siya: “Narito ako!” 12 Sinabi nito: “Huwag mong saktan ang anak mo, at huwag kang gumawa ng anuman sa kaniya; alam ko na ngayon na ikaw ay may takot sa Diyos dahil hindi mo ipinagkait sa akin ang iyong kaisa-isang anak.”
(Genesis 22:15-18) Sa ikalawang pagkakataon, si Abraham ay tinawag ng anghel ni Jehova mula sa langit, 16 at sinabi nito: “‘Ipinanunumpa ko ang sarili ko,’ ang sabi ni Jehova, ‘na dahil ginawa mo ito at hindi mo ipinagkait ang iyong kaisa-isang anak, 17 tiyak na pagpapalain kita at tiyak na pararamihin ko ang supling mo gaya ng mga bituin sa langit at gaya ng mga butil ng buhangin sa baybayin ng dagat, at kukunin ng iyong supling ang mga lunsod ng mga kaaway niya. 18 At sa pamamagitan ng iyong supling, ang lahat ng bansa sa lupa ay makakakuha ng pagpapala para sa sarili nila dahil pinakinggan mo ang tinig ko.’”
Sumunod at Makinabang sa Sinumpaang Pangako ng Diyos
Para sa kapakinabangan ng makasalanang sangkatauhan, nagbitiw rin ang Diyos na Jehova ng mga sumpa gamit ang mga pananalitang gaya ng “‘Buháy ako,’ ang sabi ng Soberanong Panginoong Jehova.” (Ezek. 17:16) Iniuulat ng Bibliya ang mahigit 40 pagkakataon na nanumpa ang Diyos na Jehova. Marahil ang pinakapamilyar na halimbawa ay ang panata ng Diyos kay Abraham. Sa loob ng maraming taon, gumawa si Jehova ng ilang pangako kay Abraham. Ipinakikita ng mga ito na ang ipinangakong Binhi ay magmumula kay Abraham sa pamamagitan ng anak niyang si Isaac. (Gen. 12:1-3, 7; 13:14-17; 15:5, 18; 21:12) Pagkatapos, inilagay ni Jehova si Abraham sa isang matinding pagsubok nang utusan Niya itong ihandog ang kaniyang pinakamamahal na anak. Agad na sumunod si Abraham at ihahandog na sana niya si Isaac nang pigilan siya ng isang anghel ng Diyos. Saka nagbitiw ang Diyos ng ganitong panata: “Ipinanunumpa ko ang aking sarili . . . na dahil sa ginawa mo ang bagay na ito at hindi mo ipinagkait ang iyong anak, ang iyong kaisa-isa, tiyak na pagpapalain kita at tiyak na pararamihin ko ang iyong binhi tulad ng mga bituin sa langit at tulad ng mga butil ng buhangin na nasa baybay-dagat; at aariin ng iyong binhi ang pintuang-daan ng kaniyang mga kaaway. At sa pamamagitan ng iyong binhi ay tiyak na pagpapalain ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili dahil pinakinggan mo ang aking tinig.”—Gen. 22:1-3, 9-12, 15-18.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Genesis 22:5) Sinabi ngayon ni Abraham sa mga lingkod niya: “Maiwan kayo rito kasama ng asno, pero pupunta kami roon ng anak ko para sumamba at babalikan namin kayo.”
Tinawag Siya ni Jehova na “Aking Kaibigan”
Nang magpaalam siya sa kaniyang mga lingkod na kasama nila, sinabi ni Abraham: “Manatili kayo ritong kasama ng asno, ngunit nais ko at ng bata na pumunta roon at sumamba at bumalik sa inyo.” (Gen. 22:5) Ano ang ibig niyang sabihin? Nagsisinungaling ba siya sa kaniyang mga lingkod sa pagsasabing babalik sila ni Isaac gayong alam niya na ihahandog niya ito? Hindi. Ipinakikita ng Bibliya kung ano ang iniisip ni Abraham. (Basahin ang Hebreo 11:19.) “Inisip [ni Abraham] na magagawa ng Diyos na ibangon [si Isaac] kahit mula sa mga patay.” Oo, naniniwala si Abraham sa pagkabuhay-muli. Alam niyang pinanumbalik ni Jehova ang kakayahan nila ni Sara na magkaanak kahit may-edad na sila. (Heb. 11:11, 12, 18) Alam niyang walang imposible kay Jehova. Kaya tiwala siyang anuman ang mangyari sa araw na iyon, ibabalik ni Jehova sa kaniya ang kaniyang pinakamamahal na anak para matupad ang lahat ng pangako ni Jehova. Hindi kataka-takang tinawag si Abraham na “ama ng lahat niyaong may pananampalataya”!
(Genesis 22:12) Sinabi nito: “Huwag mong saktan ang anak mo, at huwag kang gumawa ng anuman sa kaniya; alam ko na ngayon na ikaw ay may takot sa Diyos dahil hindi mo ipinagkait sa akin ang iyong kaisa-isang anak.”
Patiunang Kaalaman, Patiunang Pagtatalaga
Mapamiling paggamit ng patiunang kaalaman. Ang mapamiling paggamit ng Diyos sa kaniyang kapangyarihan na patiunang alamin ang mga bagay-bagay, na kabaligtaran ng pagtatadhana, ay dapat na makasuwato ng matuwid na mga pamantayan ng Diyos at makaayon niyaong isiniwalat niya sa kaniyang Salita tungkol sa kaniyang sarili. Salungat sa teoriya ng pagtatadhana, ipinakikita sa maraming teksto na sinusuri ng Diyos ang situwasyong bumabangon at gumagawa siya ng pasiya salig sa gayong pagsusuri.
Halimbawa, inilalahad sa Genesis 11:5-8 na itinuon ng Diyos ang kaniyang pansin sa lupa, sinuri niya ang situwasyon sa Babel, at, noong pagkakataong iyon, ipinasiya niya kung anong pagkilos ang gagawin upang mapatigil ang tiwaling proyekto roon. Nang lumago ang kabalakyutan sa Sodoma at Gomorra, ipinabatid ni Jehova kay Abraham ang kaniyang pasiya na magsiyasat (sa pamamagitan ng kaniyang mga anghel) upang “makita ko kung talagang gumagawi sila ayon sa daing tungkol doon na dumating sa akin, at kung hindi ay malalaman ko iyon.” (Gen 18:20-22; 19:1) Binanggit ng Diyos na ‘kinilala niya si Abraham,’ at nang ihahain na ni Abraham si Isaac, sinabi ni Jehova, “Sapagkat ngayon ay nalalaman ko ngang ikaw ay may takot sa Diyos sa dahilang hindi mo ipinagkait sa akin ang iyong anak, ang iyong kaisa-isa.”—Gen 18:19; 22:11, 12; ihambing ang Ne 9:7, 8; Gal 4:9.
Pagbabasa ng Bibliya
(Genesis 22:1-18) Pagkatapos nito, sinubok ng tunay na Diyos si Abraham, at sinabi niya: “Abraham!” Sumagot ito: “Narito ako!” 2 Sinabi niya: “Pakisuyo, isama mo ang iyong anak na si Isaac, ang kaisa-isa mong anak na pinakamamahal mo, at maglakbay ka papunta sa lupain ng Moria at ihain mo siya bilang handog na sinusunog sa isa sa mga bundok doon na ituturo ko sa iyo.” 3 Kaya maagang gumising si Abraham at inihanda ang kaniyang asno at isinama ang dalawa sa mga lingkod niya at ang anak niyang si Isaac. Nagsibak siya ng kahoy para sa handog na sinusunog, at nagsimula silang maglakbay papunta sa lugar na sinabi sa kaniya ng tunay na Diyos. 4 Noong ikatlong araw, natanaw na ni Abraham ang lugar. 5 Sinabi ngayon ni Abraham sa mga lingkod niya: “Maiwan kayo rito kasama ng asno, pero pupunta kami roon ng anak ko para sumamba at babalikan namin kayo.” 6 Kaya kinuha ni Abraham ang kahoy para sa handog na sinusunog at ipinasan iyon sa anak niyang si Isaac. Dinala naman niya ang baga at kutsilyo, at magkasama silang lumakad. 7 Sinabi ni Isaac sa ama niyang si Abraham: “Ama ko!” Sumagot ito: “Bakit, anak ko?” Sinabi niya: “Narito ang baga at kahoy, pero nasaan ang tupa bilang handog na sinusunog?” 8 Kaya sinabi ni Abraham: “Ang Diyos mismo ang maglalaan ng tupa bilang handog na sinusunog, anak ko.” At nagpatuloy sila sa paglalakad. 9 Sa wakas, narating nila ang lugar na sinabi ng tunay na Diyos sa kaniya, at si Abraham ay gumawa roon ng isang altar, at inayos niya ang kahoy sa ibabaw nito. Tinalian niya ang kamay at paa ng anak niyang si Isaac at inihiga ito sa altar sa ibabaw ng kahoy. 10 Pagkatapos, kinuha ni Abraham ang kutsilyo at papatayin na sana ang kaniyang anak, 11 pero tinawag siya ng anghel ni Jehova mula sa langit at sinabi: “Abraham, Abraham!” Sumagot siya: “Narito ako!” 12 Sinabi nito: “Huwag mong saktan ang anak mo, at huwag kang gumawa ng anuman sa kaniya; alam ko na ngayon na ikaw ay may takot sa Diyos dahil hindi mo ipinagkait sa akin ang iyong kaisa-isang anak.” 13 Nang pagkakataong iyon, tumingin si Abraham sa di-kalayuan at may nakitang isang lalaking tupa na ang mga sungay ay nasabit sa mga sanga. Kaya pumunta roon si Abraham at kinuha ang lalaking tupa at inihain iyon bilang handog na sinusunog kapalit ng anak niya. 14 At tinawag ni Abraham ang lugar na iyon na Jehova-jireh. Kaya sinasabi pa rin ngayon: “Sa bundok ni Jehova ay ilalaan iyon.” 15 Sa ikalawang pagkakataon, si Abraham ay tinawag ng anghel ni Jehova mula sa langit, 16 at sinabi nito: “‘Ipinanunumpa ko ang sarili ko,’ ang sabi ni Jehova, ‘na dahil ginawa mo ito at hindi mo ipinagkait ang iyong kaisa-isang anak, 17 tiyak na pagpapalain kita at tiyak na pararamihin ko ang supling mo gaya ng mga bituin sa langit at gaya ng mga butil ng buhangin sa baybayin ng dagat, at kukunin ng iyong supling ang mga lunsod ng mga kaaway niya. 18 At sa pamamagitan ng iyong supling, ang lahat ng bansa sa lupa ay makakakuha ng pagpapala para sa sarili nila dahil pinakinggan mo ang tinig ko.’”
MARSO 9-15
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | GENESIS 24
“Isang Asawa Para kay Isaac”
(Genesis 24:2-4) Sinabi ni Abraham sa kaniyang lingkod, ang pinakamatanda sa sambahayan niya, na namamahala sa lahat ng pag-aari niya: “Pakisuyo, ilagay mo ang iyong kamay sa ilalim ng hita ko, 3 at pasusumpain kita sa harap ni Jehova, ang Diyos ng langit at ang Diyos ng lupa, na hindi ka kukuha ng asawa para sa anak ko mula sa mga Canaanita, na naninirahan sa palibot natin. 4 Sa halip, pumunta ka sa pinanggalingan kong lupain at sa mga kamag-anak ko, at kumuha ka ng asawa para sa anak kong si Isaac.”
“Handa Akong Sumama”
Pinasumpa ni Abraham si Eliezer na hindi siya kukuha ng asawa para kay Isaac mula sa mga anak na babae ng Canaan. Bakit? Sapagkat ang mga Canaanita ay hindi gumagalang ni sumasamba sa Diyos na Jehova. Alam ni Abraham na parurusahan ni Jehova sa takdang panahon ang mga taong iyon dahil sa kanilang masasamang gawa. Ayaw ni Abraham na ang minamahal niyang anak na si Isaac ay magkaroon ng kaugnayan sa mga taong iyon at sa kanilang imoral na pamumuhay. Alam din niya na may napakahalagang papel ang anak niya para matupad ang mga pangako ng Diyos.—Genesis 15:16; 17:19; 24:2-4.
(Genesis 24:11-15) Pinaluhod niya ang mga kamelyo sa tabi ng isang balon ng tubig sa labas ng lunsod. Pagabi na noon, at sa ganoong oras lumalabas ang mga babae para sumalok ng tubig. 12 Pagkatapos, sinabi niya: “Jehova na Diyos ng panginoon kong si Abraham, pakiusap, magtagumpay sana ako sa araw na ito, at magpakita ka ng tapat na pag-ibig sa panginoon kong si Abraham. 13 Nakatayo ako ngayon sa tabi ng isang bukal ng tubig, at palabas na ang mga kabataang babae sa lunsod para sumalok ng tubig. 14 At kung sino ang dalagang sasabihan ko, ‘Pakisuyo, ibaba mo ang iyong banga ng tubig para makainom ako,’ at sasagot, ‘Uminom ka, at paiinumin ko rin ang mga kamelyo mo,’ siya na sana ang pinili mo para sa lingkod mong si Isaac; at sa ganitong paraan mo ipaalám sa akin na nagpakita ka ng tapat na pag-ibig sa panginoon ko.” 15 Bago pa siya matapos magsalita, si Rebeka, na anak ni Betuel na anak ni Milca na asawa ni Nahor, na kapatid ni Abraham, ay lumabas na may banga ng tubig sa balikat niya.
“Handa Akong Sumama”
Ikinuwento rin sa kanila ni Eliezer na nanalangin siya sa Diyos na Jehova pagdating niya sa balon malapit sa Haran. Sa katunayan, hiniling niya kay Jehova na piliin ang dalagang mapapangasawa ni Isaac. Paano? Hiniling ni Eliezer sa Diyos na tiyaking pupunta sa balon ang babaeng gusto Niyang mapangasawa ni Isaac. Kapag hiningan ito ng maiinom, kusa nitong paiinumin hindi lang si Eliezer kundi pati na ang mga kamelyo. (Genesis 24:12-14) At sino ang dumating at ginawa nga iyon? Si Rebeka! Isipin ang maaaring nadama ni Rebeka kung narinig niya ang ikinuwento ni Eliezer sa pamilya niya!
(Genesis 24:58) Tinawag nila si Rebeka at sinabi: “Sasama ka ba sa lalaking ito?” Sumagot siya: “Handa akong sumama.”
(Genesis 24:67) Pagkatapos, dinala ni Isaac si Rebeka sa tolda ni Sara na kaniyang ina. Sa gayon, naging asawa niya ito; at minahal niya ito, at nagkaroon ng kaaliwan si Isaac matapos na mawala ang kaniyang ina.
wp16.3 14 ¶6-7
“Handa Akong Sumama”
Ilang linggo bago nito, iyan mismo ang itinanong ni Eliezer kay Abraham: “Ano kung ang babae ay hindi sumama sa akin?” Sumagot si Abraham: “Makalalaya ka sa pananagutan sa akin sa pamamagitan ng sumpa.” (Genesis 24:39, 41) Sa sambahayan ni Betuel, maaari ding magdesisyon ang dalaga. Tuwang-tuwa si Eliezer sa tagumpay ng kaniyang misyon anupat kinaumagahan, hiniling niya kung puwede na siyang bumalik sa Canaan kasama si Rebeka. Subalit gusto ng pamilya na manatili sa kanila si Rebeka kahit 10 araw pa. Sa wakas, ganito nila ito nilutas: “Tawagin natin si [Rebeka] at itanong natin ang tungkol sa bagay na ito.”—Genesis 24:57, Ang Biblia, Bagong Salin sa Pilipino.
Napapaharap ngayon si Rebeka sa isang mabigat na desisyon. Ano ang sasabihin niya? Kukunin ba niya ang simpatiya ng kaniyang tatay at kuya at magmamakaawa na huwag siyang payagang sumama? O ituturing ba niyang isang pribilehiyo na magkaroon ng bahagi sa mga pangyayaring ito na pinapatnubayan ni Jehova? Nang sumagot siya, isiniwalat niya ang kaniyang nadarama tungkol sa biglaan at marahil ay nakanenerbiyos na pagbabagong ito sa kaniyang buhay. Sinabi niya: “Handa akong sumama.”—Genesis 24:58.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Genesis 24:19, 20) Nang matapos niya itong painumin, sinabi niya: “Sasalok din ako ng tubig para sa mga kamelyo mo hanggang sa matapos silang uminom.” 20 Kaya agad niyang ibinuhos ang laman ng kaniyang banga sa painuman at tumakbo siya nang pabalik-balik sa balon para sumalok ng tubig, at patuloy siyang sumalok ng tubig para sa lahat ng kamelyo nito.
“Handa Akong Sumama”
Isang gabi, pagkatapos mapunô ni Rebeka ang kaniyang banga, isang matandang lalaki ang tumatakbo upang salubungin siya. Sinabi nito sa kaniya: “Pakisuyo, pahigupin mo ako ng kaunting tubig mula sa iyong banga.” Napakaliit na kahilingan nito at napakagalang nang pagkakasabi! Napansin ni Rebeka na malayo ang nilakbay ng lalaki. Kaya agad niyang ibinaba ang banga, hindi lang niya basta pinahigop ang lalaki, kundi talagang pinainom ng sariwa at malamig na tubig. Napansin niya na ang caravan nito ay may 10 kamelyo na nakaluhod sa labangan pero wala itong tubig. Nakita niyang pinagmamasdan siyang mabuti ng matandang lalaki, at gusto ni Rebeka na maging bukas-palad. Kaya sinabi niya: “Ang iyong mga kamelyo rin ay isasalok ko ng tubig hanggang sa matapos silang uminom.”—Genesis 24:17-19.
Pansinin na hindi basta nag-alok si Rebeka na bigyan ng maiinom ang 10 kamelyo kundi painumin sila hanggang sa masiyahan ang mga ito. Kapag uhaw na uhaw ang isang kamelyo, kaya nitong uminom nang mahigit 95 litro ng tubig! Kung gayon kauhaw ang 10 kamelyo, tiyak na ilang oras ding sumalok ng tubig si Rebeka. Pero malamang na hindi naman uhaw na uhaw ang mga kamelyo. Alam kaya iyon ni Rebeka nang alukin niyang painumin ang mga kamelyo? Hindi. Gustong-gusto niyang gawin ito kahit nakapapagod, makapagpakita lang ng pagiging mapagpatuloy sa matandang estrangherong ito. Tinanggap ng lalaki ang alok niya. Pagkatapos ay pinagmasdan siya ng lalaki habang tumatakbo siyang paroo’t parito, paulit-ulit na pinupuno ang banga at ibinubuhos ang laman sa labangan.—Genesis 24:20, 21.
wp16.3 13, tlb.
“Handa Akong Sumama”
Gabi na noon. Walang sinasabi ang ulat na nagtagal ng ilang oras si Rebeka sa balon. Hindi nito ipinahihiwatig na tulóg na ang pamilya niya nang matapos siya o na may pumunta sa balon para alamin kung bakit siya nagtatagal.
(Genesis 24:65) Tinanong niya ang lingkod: “Sino ang lalaking iyon na naglalakad sa parang para salubungin tayo?” Sumagot ang lingkod: “Siya ang panginoon ko.” Kaya naglambong si Rebeka para takpan ang sarili niya.
“Handa Akong Sumama”
Sa wakas, dumating na ang araw na inilarawan sa simula ng artikulong ito. Habang binabagtas ng caravan ang Negeb at papalubog na ang araw, nakita ni Rebeka ang isang lalaki na naglalakad sa bukid. Mukhang malalim ang iniisip nito. Mababasa natin na “bumaba siya mula sa kamelyo”—marahil bago pa ito makaluhod—at nagtanong sa matandang lalaki: “Sino ang lalaking iyon na naroon at naglalakad sa parang upang sumalubong sa atin?” Nang malaman niyang si Isaac ito, kinuha niya ang kaniyang balabal at naglambong. (Genesis 24:62-65) Bakit? Tanda iyon ng paggalang sa kaniyang mapapangasawa. Baka isipin ng ilan sa ngayon na makaluma nang saloobin iyon. Gayunman, lahat tayo, lalaki man o babae, ay may matututuhan sa kapakumbabaan ni Rebeka. Sino ba sa atin ang hindi nangangailangan ng magandang katangiang iyan?
Pagbabasa ng Bibliya
(Genesis 24:1-21) Napakatanda na ni Abraham, at pinagpala ni Jehova si Abraham sa lahat ng bagay. 2 Sinabi ni Abraham sa kaniyang lingkod, ang pinakamatanda sa sambahayan niya, na namamahala sa lahat ng pag-aari niya: “Pakisuyo, ilagay mo ang iyong kamay sa ilalim ng hita ko, 3 at pasusumpain kita sa harap ni Jehova, ang Diyos ng langit at ang Diyos ng lupa, na hindi ka kukuha ng asawa para sa anak ko mula sa mga Canaanita, na naninirahan sa palibot natin. 4 Sa halip, pumunta ka sa pinanggalingan kong lupain at sa mga kamag-anak ko, at kumuha ka ng asawa para sa anak kong si Isaac.” 5 Pero sinabi ng lingkod: “Paano kung ayaw ng babae na sumama sa akin sa lupaing ito? Dapat ko bang ibalik ang iyong anak sa lupain na pinanggalingan mo?” 6 Sinabi ni Abraham: “Huwag na huwag mong isasama roon ang anak ko. 7 Si Jehova na Diyos ng langit, na kumuha sa akin mula sa bahay ng aking ama at mula sa lupain ng mga kamag-anak ko at nakipag-usap sa akin at sumumpa sa akin: ‘Ibibigay ko sa mga supling mo ang lupaing ito,’ siya ay magsusugo ng anghel niya sa unahan mo, at tiyak na makakakuha ka roon ng asawa para sa anak ko. 8 Pero kung ayaw sumama sa iyo ng babae, mapalalaya ka mula sa sumpang ito. Pero huwag mong isasama roon ang anak ko.” 9 Kaya inilagay ng lingkod ang kamay niya sa ilalim ng hita ni Abraham na kaniyang panginoon at sumumpa rito. 10 Kaya kumuha ang lingkod ng 10 kamelyo ng panginoon niya at umalis dala ang lahat ng klase ng regalo mula sa panginoon niya. At naglakbay siya papuntang Mesopotamia, sa lunsod ng Nahor. 11 Pinaluhod niya ang mga kamelyo sa tabi ng isang balon ng tubig sa labas ng lunsod. Pagabi na noon, at sa ganoong oras lumalabas ang mga babae para sumalok ng tubig. 12 Pagkatapos, sinabi niya: “Jehova na Diyos ng panginoon kong si Abraham, pakiusap, magtagumpay sana ako sa araw na ito, at magpakita ka ng tapat na pag-ibig sa panginoon kong si Abraham. 13 Nakatayo ako ngayon sa tabi ng isang bukal ng tubig, at palabas na ang mga kabataang babae sa lunsod para sumalok ng tubig. 14 At kung sino ang dalagang sasabihan ko, ‘Pakisuyo, ibaba mo ang iyong banga ng tubig para makainom ako,’ at sasagot, ‘Uminom ka, at paiinumin ko rin ang mga kamelyo mo,’ siya na sana ang pinili mo para sa lingkod mong si Isaac; at sa ganitong paraan mo ipaalám sa akin na nagpakita ka ng tapat na pag-ibig sa panginoon ko.” 15 Bago pa siya matapos magsalita, si Rebeka, na anak ni Betuel na anak ni Milca na asawa ni Nahor, na kapatid ni Abraham, ay lumabas na may banga ng tubig sa balikat niya. 16 At napakaganda ng dalaga; wala pang lalaki na nakipagtalik sa kaniya. Bumaba siya sa kinaroroonan ng bukal, pinuno ang kaniyang banga ng tubig, at umakyat pabalik. 17Kaagad na tumakbo ang lingkod para salubungin siya, at sinabi nito: “Puwede bang makiinom ng kaunting tubig sa iyong banga?” 18 Sinabi naman niya: “Uminom ka, panginoon ko.” At ibinaba niya agad ang banga mula sa balikat niya at hinawakan ito habang pinaiinom ang lingkod. 19 Nang matapos niya itong painumin, sinabi niya: “Sasalok din ako ng tubig para sa mga kamelyo mo hanggang sa matapos silang uminom.” 20 Kaya agad niyang ibinuhos ang laman ng kaniyang banga sa painuman at tumakbo siya nang pabalik-balik sa balon para sumalok ng tubig, at patuloy siyang sumalok ng tubig para sa lahat ng kamelyo nito. 21 Samantala, manghang-mangha ang lalaki at tahimik siyang pinagmamasdan, at iniisip nito kung pinagtagumpay ni Jehova ang paglalakbay niya o hindi.
MARSO 16-22
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | GENESIS 25-26
“Ipinagbili ni Esau ang Karapatan Niya Bilang Panganay”
(Genesis 25:27, 28) Habang lumalaki ang mga bata, si Esau ay naging mahusay na mangangaso at madalas na nasa parang, pero si Jacob ay isang lalaking walang kapintasan, na madalas na nasa tolda. 28 At mahal ni Isaac si Esau dahil nagdadala ito ng karneng makakain, pero mahal ni Rebeka si Jacob.
it-1 1118
Jacob
Kabaligtaran ng paboritong anak ni Isaac na si Esau, na isang lagalag, maligalig at pagala-galang mangangaso, si Jacob ay inilalarawan bilang “isang lalaking walang kapintasan [sa Heb., tam], na tumatahan sa mga tolda,” isa na tahimik na namumuhay sa bukid at maaasahan sa pag-aasikaso sa mga gawaing-bahay, isa na mahal na mahal ng kaniyang ina. (Gen 25:27, 28) Ang salitang Hebreong tam ay ginagamit sa ibang mga talata upang lumarawan sa mga sinasang-ayunan ng Diyos. Halimbawa, “ang mga taong uháw sa dugo ay napopoot sa sinumang walang kapintasan,” gayunma’y tinitiyak ni Jehova na “ang kinabukasan ng taong [walang kapintasan] ay magiging mapayapa.” (Kaw 29:10; Aw 37:37) Ang tapat na si Job “ay walang kapintasan [sa Heb., tam] at matuwid.”—Job 1:1, 8; 2:3.
(Genesis 25:29, 30) Isang araw, nagluluto si Jacob ng nilaga nang dumating si Esau mula sa parang na pagod na pagod. 30 Kaya sinabi ni Esau kay Jacob: “Dalian mo, pakisuyo, bigyan mo ako ng mapulang nilagang iyan, dahil pagod na pagod ako!” Kaya naman pinangalanan siyang Edom.
(Genesis 25:31-34) Sinabi ni Jacob: “Ipagbili mo muna sa akin ang karapatan mo bilang panganay!” 32 Sumagot si Esau: “Mamamatay na ako sa gutom! Ano pa ang silbi ng karapatan ko bilang panganay?” 33 Sinabi ni Jacob: “Sumumpa ka muna sa akin!” Kaya sumumpa ito sa kaniya at ipinagbili kay Jacob ang karapatan nito bilang panganay. 34 At binigyan ni Jacob si Esau ng tinapay at nilagang lentehas, at kumain siya at uminom; pagkatapos, tumayo siya at umalis. Sa gayon, hinamak ni Esau ang karapatan niya bilang panganay.
Ipakita ang Iyong Pagpapahalaga
Nakalulungkot, may ilang karakter sa Bibliya na hindi nagpakita ng pagpapahalaga. Halimbawa, kahit pinalaki si Esau ng kaniyang mga magulang na may pag-ibig at paggalang kay Jehova, hindi siya naging mapagpahalaga sa mga bagay na sagrado. (Basahin ang Hebreo 12:16.) Paano niya ipinakita ang kawalan ng pagpapahalaga? Padalos-dalos na ipinagbili ni Esau ang pagkapanganay niya sa kapatid niyang si Jacob, para lang sa isang mangkok ng nilaga. (Gen. 25:30-34) Nang maglaon, nanghinayang si Esau sa ginawa niya. Pero dahil wala siyang pagpapahalaga sa kung ano ang mayroon siya, wala siyang karapatang magreklamo nang hindi niya matanggap ang pagpapala bilang panganay.
it-2 816
Panganay
Mula pa noong sinaunang panahon, ang panganay na anak na lalaki ay mayroon nang marangal na posisyon sa pamilya at siya ang humahalili sa pagkaulo ng sambahayan. Dobleng bahagi ng ari-arian ng kaniyang ama ang mana niya. (Deu 21:17) Pinaupo ni Jose si Ruben sa kainan ayon sa kaniyang karapatan sa pagkapanganay. (Gen 43:33) Ngunit hindi laging pinararangalan ng Bibliya ang panganay sa pamamagitan ng pagtatala sa mga anak na lalaki ayon sa kanilang kapanganakan. Kadalasan, ang unang dako ay ibinibigay sa pinakaprominente o pinakatapat sa mga anak na lalaki sa halip na sa panganay.—Gen 6:10; 1Cr 1:28; ihambing ang Gen 11:26, 32; 12:4; tingnan ang MANA; PAGKAPANGANAY.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Genesis 25:31-34) Sinabi ni Jacob: “Ipagbili mo muna sa akin ang karapatan mo bilang panganay!” 32 Sumagot si Esau: “Mamamatay na ako sa gutom! Ano pa ang silbi ng karapatan ko bilang panganay?” 33 Sinabi ni Jacob: “Sumumpa ka muna sa akin!” Kaya sumumpa ito sa kaniya at ipinagbili kay Jacob ang karapatan nito bilang panganay. 34 At binigyan ni Jacob si Esau ng tinapay at nilagang lentehas, at kumain siya at uminom; pagkatapos, tumayo siya at umalis. Sa gayon, hinamak ni Esau ang karapatan niya bilang panganay.
(Hebreo 12:16) at mag-ingat kayo para matiyak na walang sinuman sa inyo ang nagkakasala ng seksuwal na imoralidad o hindi nagpapahalaga sa sagradong mga bagay, gaya ni Esau, na ipinagpalit sa pagkain ang karapatan niya bilang panganay.
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Kaya balikan natin ang sinasabi sa Hebreo 12:16: “Huwag magkaroon ng sinumang mapakiapid o ng sinumang hindi nagpapahalaga sa mga bagay na sagrado, tulad ni Esau, na kapalit ng isang pagkain ay ipinamigay ang kaniyang mga karapatan bilang panganay.” Ano ang punto ni apostol Pablo rito?
Hindi tinatalakay ni Pablo ang tungkol sa angkang pinagmulan ng Mesiyas. Bago nito, hinimok niya ang mga Kristiyano na “gumawa ng tuwid na mga landas para sa [kanilang] mga paa.” Ang layunin ay para “walang sinuman ang mapagkaitan ng di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos,” na maaaring mangyari kung magkakasala sila ng seksuwal na imoralidad. (Heb. 12:12-16) Kapag ginawa nila ito, magiging gaya sila ni Esau na “hindi nagpapahalaga sa mga bagay na sagrado,” o sa literal, pinili niya ang bagay na di-banal.
Nabuhay si Esau noong panahon ng mga patriyarka, kaya posibleng nagkapribilehiyo siyang maghandog ng mga hain paminsan-minsan. (Gen. 8:20, 21; 12:7, 8; Job 1:4, 5) Pero dahil sa kaniyang makalamang kaisipan, ipinagpalit ni Esau ang lahat ng pribilehiyong iyon sa isang mangkok ng nilaga. Marahil, gusto niyang iwasan ang inihulang paghihirap na daranasin ng supling ni Abraham. (Gen. 15:13) Ipinakita rin ni Esau ang kawalan niya ng pagpapahalaga sa mga bagay na sagrado nang mag-asawa siya ng dalawang paganong babae, na talagang ikinasama ng loob ng kaniyang mga magulang. (Gen. 26:34, 35) Ibang-iba nga siya kay Jacob, na pumili ng isang mananamba ng tunay na Diyos para maging asawa!—Gen. 28:6, 7; 29:10-12, 18.
(Genesis 26:7) Tuwing nagtatanong ang mga lalaki roon tungkol sa asawa niya, sinasabi niya: “Kapatid ko siya.” Natatakot siyang sabihin, “Asawa ko siya.” Maganda ito, kaya iniisip niya, “Baka patayin ako ng mga lalaki rito dahil kay Rebeka.”
Kasinungalingan
Bagaman tiyakang hinahatulan sa Bibliya ang mapaminsalang pagsisinungaling, hindi ito nangangahulugang obligado ang isang tao na magsiwalat ng katotohanan sa mga taong walang karapatan doon. Nagpayo si Jesu-Kristo: “Huwag ninyong ibigay sa mga aso ang anumang banal, ni ihagis man ang inyong mga perlas sa harap ng mga baboy, upang hindi nila yurakan ang mga iyon sa ilalim ng kanilang mga paa at bumaling at kayo ay lapain.” (Mat 7:6) Kaya naman, sa ilang pagkakataon ay tumanggi si Jesus na magbigay ng kumpletong impormasyon o tuwirang mga sagot sa ilang tanong kung ang paggawa ng gayon ay magdudulot ng di-kanais-nais na pinsala. (Mat 15:1-6; 21:23-27; Ju 7:3-10) Maliwanag, ang naging pagkilos nina Abraham, Isaac, Rahab, at Eliseo nang iligaw nila o nang hindi nila sabihin ang buong katotohanan sa mga di-sumasamba kay Jehova ay dapat malasin sa gayunding paraan.—Gen 12:10-19; kab 20; 26:1-10; Jos 2:1-6; San 2:25; 2Ha 6:11-23.
Pagbabasa ng Bibliya
(Genesis 26:1-18) At nagkaroon ng taggutom sa lupain, bukod pa sa unang taggutom noong panahon ni Abraham, kaya pumunta si Isaac kay Abimelec na hari ng mga Filisteo, sa Gerar. 2 At nagpakita si Jehova sa kaniya at nagsabi: “Huwag kang pumunta sa Ehipto. Tumira ka sa lupain na sasabihin ko sa iyo. 3 Manirahan ka bilang dayuhan sa lupaing ito, at patuloy akong sasaiyo at pagpapalain kita dahil ibibigay ko ang lahat ng lupaing ito sa iyo at sa mga supling mo, at tutuparin ko ang isinumpa ko kay Abraham na iyong ama: 4 ‘Pararamihin ko ang supling mo gaya ng mga bituin sa langit; at ibibigay ko sa supling mo ang lahat ng lupaing ito; at sa pamamagitan ng iyong supling, ang lahat ng bansa sa lupa ay makakakuha ng pagpapala para sa sarili nila,’ 5 dahil nakinig si Abraham sa tinig ko at patuloy niyang sinunod ang aking mga kahilingan, batas, at kautusan.” 6 Kaya patuloy na nanirahan si Isaac sa Gerar. 7 Tuwing nagtatanong ang mga lalaki roon tungkol sa asawa niya, sinasabi niya: “Kapatid ko siya.” Natatakot siyang sabihin, “Asawa ko siya.” Maganda ito, kaya iniisip niya, “Baka patayin ako ng mga lalaki rito dahil kay Rebeka.” 8 Pagkalipas ng ilang panahon, si Abimelec na hari ng mga Filisteo ay tumingin mula sa bintana, at nakita niya si Isaac na nilalambing ang asawa nitong si Rebeka. 9 Kaagad na tinawag ni Abimelec si Isaac at sinabi: “Asawa mo pala siya! Bakit mo sinabi, ‘Kapatid ko siya’?” Sumagot si Isaac: “Natatakot akong mamatay dahil sa kaniya kaya sinabi ko iyon.” 10 Pero sinabi ni Abimelec: “Ano itong ginawa mo sa amin? Kung nasipingan ng isa sa bayan ang asawa mo, magkakasala pa kami dahil sa iyo!” 11 Kaya sinabi ni Abimelec sa buong bayan: “Ang sinumang gumalaw sa lalaking ito at sa asawa niya ay tiyak na papatayin!” 12 At nagsimulang maghasik si Isaac ng binhi sa lupaing iyon, at nang taóng iyon, umani siya nang 100 beses na mas marami sa inihasik niya, dahil pinagpapala siya ni Jehova. 13 Yumaman siya at patuloy pang nadagdagan ang mga pag-aari niya hanggang sa maging napakayaman niya. 14 Nagkaroon siya ng mga kawan ng tupa at baka at napakaraming lingkod, at nainggit sa kaniya ang mga Filisteo. 15 Kaya kumuha ng lupa ang mga Filisteo at tinabunan ang lahat ng balon na hinukay ng mga lingkod ng kaniyang ama noong panahon ni Abraham. 16 At sinabi ni Abimelec kay Isaac: “Umalis ka sa pamayanan namin, dahil napakalakas mo na kumpara sa amin.” 17 Kaya umalis doon si Isaac at nagkampo sa lambak ng Gerar at tumira doon. 18 At muling hinukay ni Isaac ang mga balon na hinukay noong panahon ng ama niyang si Abraham pero tinabunan ng mga Filisteo pagkamatay ni Abraham, at tinawag niya ang mga ito ayon sa mga pangalang ibinigay ng kaniyang ama.
MARSO 23-29
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | GENESIS 27-28
“Tinanggap ni Jacob ang Pagpapalang Para sa Kaniya”
(Genesis 27:6-10) At sinabi ni Rebeka sa anak niyang si Jacob: “Karirinig ko lang na sinabi ng iyong ama sa kapatid mong si Esau, 7 ‘Manghuli ka ng hayop para sa akin at ipagluto mo ako ng masarap na pagkain. Pagkatapos kong kainin iyon ay pagpapalain kita sa harap ni Jehova bago ako mamatay.’ 8 At ngayon, anak ko, makinig kang mabuti at gawin mo ang iuutos ko sa iyo. 9 Pakisuyo, pumunta ka sa kawan at ikuha mo ako ng dalawang matataba at batang kambing para maipaghanda ko ang iyong ama ng masarap na pagkain, gaya ng lutong gusto niya. 10 At dalhin mo iyon sa iyong ama para makain niya at pagkatapos ay pagpapalain ka niya bago siya mamatay.”
Rebeka—Isang Makadiyos at Determinadong Babae
Hindi sinasabi ng Bibliya kung alam ni Isaac na dapat maglingkod si Esau kay Jacob. Anuman ang kalagayan, alam kapuwa nina Rebeka at Jacob na ang pagpapala ay para kay Jacob. Kaagad na kumilos si Rebeka nang marinig niya na balak basbasan ni Isaac si Esau kapag dinalhan niya ang kaniyang ama ng pagkaing karne ng hayop mula sa kaniyang pangangaso. Naroon pa rin ang katangian ni Rebeka ng pagiging determinado at masigasig na taglay niya noong kaniyang kabataan. ‘Inutusan’ niya si Jacob na magdala ng dalawang batang kambing. Maghahanda siya ng isang pagkain na kinagigiliwan ng kaniyang asawa. Pagkatapos, dapat magkunwari si Jacob na siya si Esau upang makuha niya ang pagpapala. Tumutol si Jacob. Tiyak na mahahalata ng kaniyang ama ang panlilinlang at susumpain siya! Nagpumilit si Rebeka. “Mapasaakin nawa ang sumpa na nauukol sa iyo, anak ko,” ang sabi niya. Pagkatapos ay inihanda niya ang pagkain, inayusan si Jacob para maging kamukha ni Esau, at isinugo ito sa kaniyang asawa.—Genesis 27:1-17.
Hindi sinasabi kung bakit ganito ang ikinilos ni Rebeka. Hinahatulan ng marami ang kaniyang ikinilos, subalit hindi siya hinatulan ng Bibliya, ni hinatulan man siya ni Isaac nang matuklasan nitong si Jacob ang tumanggap ng pagpapala. Sa halip, dinagdagan pa ni Isaac ang pagpapala. (Genesis 27:29; 28:3, 4) Alam ni Rebeka ang inihula ni Jehova tungkol sa kaniyang mga anak na lalaki. Kaya kumilos siya upang matiyak na si Jacob ang makakuha ng pagpapala na nararapat sa kaniya. Ito ay maliwanag na kasuwato ng kalooban ni Jehova.—Roma 9:6-13.
(Genesis 27:18, 19) Kaya pinuntahan ni Jacob ang kaniyang ama at sinabi: “Ama ko!” Sinabi nito: “Narito ako! Sino ka, anak ko?” 19 Sinabi ni Jacob: “Ako po ang inyong panganay na si Esau. Nagawa ko na ang sinabi ninyo sa akin. Umupo kayo, pakisuyo, at kumain ng nahuli kong hayop at pagkatapos ay pagpalain ninyo ako.”
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Hindi sinasabi sa Bibliya ang lahat ng detalye kung bakit gayon ang ginawa nina Rebeka at Jacob, pero ipinahihiwatig nito na naging mabilis ang pangyayari. Pansinin natin na hindi hinatulan ni sinang-ayunan ng Salita ng Diyos ang ginawa ni Rebeka at Jacob, kaya ang ulat na ito ay hindi naglalaan ng parisan para sa pagsisinungaling at panlilinlang. Pero nagbigay ng impormasyon ang Bibliya tungkol sa situwasyon.
Una, nililiwanag ng ulat na si Jacob ay may karapatang tumanggap ng pagpapala mula sa kaniyang ama; si Esau ay wala. Bago nito, legal na binili ni Jacob ang pagkapanganay mula sa kaniyang kakambal na walang pagpapahalaga rito, na ipinagbili ito kapalit ng pagkain dahil nagugutom siya. “Hinamak ni Esau ang pagkapanganay.” (Genesis 25:29-34) Kaya nang lumapit si Jacob sa kaniyang ama, humihiling siya ng isang pagpapala na talagang nararapat lamang sa kaniya.
(Genesis 27:27-29) Kaya lumapit siya at hinalikan ito, at naamoy nito ang amoy ng mga damit niya. At pinagpala siya nito at sinabi: “Ang amoy ng anak ko ay tulad ng amoy ng parang na pinagpala ni Jehova. 28 Ibigay nawa sa iyo ng tunay na Diyos ang mga hamog ng langit at ang matatabang lupain sa lupa at ang kasaganaan ng butil at bagong alak. 29 Maglingkod nawa sa iyo ang mga bayan, at yumukod nawa sa iyo ang mga bansa. Maging panginoon ka sa iyong mga kapatid, at yumukod nawa sa iyo ang mga anak ng iyong ina. Sumpain ang lahat ng sumusumpa sa iyo, at pagpalain ang lahat ng humihiling na pagpalain ka ng Diyos.”
Pagpapala
Sa isang patriyarkal na lipunan, kadalasa’y pinagpapala ng ama ang kaniyang mga anak kapag malapit na siyang mamatay. Napakaimportante nito at lubhang pinahahalagahan. Kaya naman pinagpala ni Isaac si Jacob, sa pag-aakalang ito ang panganay niyang si Esau. Unang nagpahayag si Isaac ng pabor at kasaganaan kay Jacob sa halip na kay Esau, anupat walang alinlangang nagsumamo siya kay Jehova na tuparin ang pagpapala, yamang noon ay bulag at matanda na si Isaac. (Gen 27:1-4, 23-29; 28:1, 6; Heb 11:20; 12:16, 17) Nang maglaon, sinadyang pagtibayin at palawakin ni Isaac ang pagpapalang iyon. (Gen 28:1-4) Bago naman mamatay si Jacob, pinagpala muna niya ang dalawang anak ni Jose, pagkatapos ay ang kaniyang sariling mga anak. (Gen 48:9, 20; 49:1-28; Heb 11:21) Sa katulad na paraan, bago mamatay si Moises, pinagpala niya ang buong bansang Israel. (Deu 33:1) Sa lahat ng kasong ito, ipinakikita ng naging mga resulta na sila ay nagsalita sa makahulang paraan. Sa ilang pagkakataon noon, kapag nagpapahayag sila ng gayong mga pagpapala, ang kamay ng nagpapala ay ipinapatong sa ulo ng pinagpapala.—Gen 48:13, 14.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Genesis 27:46–28:2) Pagkatapos nito, laging sinasabi ni Rebeka kay Isaac: “Naging miserable ang buhay ko dahil sa mga babaeng Hiteo. Kung mag-aasawa rin si Jacob ng mga babaeng Hiteo, na gaya ng mga babaeng nakatira sa lupain, mabuti pang mamatay na lang ako.”
28 Kaya tinawag ni Isaac si Jacob, pinagpala siya, at iniutos sa kaniya: “Huwag kang kukuha ng asawa mula sa mga babae sa Canaan. 2 Pumunta ka sa Padan-aram sa bahay ni Betuel na ama ng iyong ina, at kumuha ka roon ng asawa mula sa mga anak na babae ni Laban na kapatid ng iyong ina.
Mahahalagang Salik sa Pakikipag-usap sa Iyong Asawa
Nalinang ba nina Isaac at Rebeka ang mahusay na kasanayan sa pakikipag-usap? Nang mapangasawa ng kanilang anak na si Esau ang dalawang anak na babae ni Het, bumangon ang malaking problema sa kanilang pamilya. “Laging sinasabi” ni Rebeka kay Isaac: “Namumuhi na ako sa buhay kong ito dahil sa mga anak ni Het. Kung si Jacob [ang kanilang bunsong anak] ay kukuha rin ng asawa mula sa mga anak ni Het . . . , ano pa ang kabuluhan ng buhay sa akin?” (Genesis 26:34; 27:46) Maliwanag na sinabi niya kung ano talaga ang nadarama niya.
Sinabihan ni Isaac si Jacob, ang kakambal ni Esau, na huwag kukuha ng mapapangasawa mula sa mga anak na babae ng Canaan. (Genesis 28:1, 2) Nasabi ni Rebeka ang gusto niyang sabihin. Naging matagumpay ang pag-uusap ng mag-asawang ito tungkol sa napakasensitibong problema ng pamilya, anupat nagbibigay ng mabuting halimbawa para sa atin sa ngayon. Pero paano kung hindi magkasundo ang mag-asawa? Ano ang maaaring gawin?
(Genesis 28:12, 13) Pagkatapos, nanaginip siya. May isang hagdan sa lupa na umaabot hanggang langit; at ang mga anghel ng Diyos ay umaakyat at bumababa roon. 13 At si Jehova ay nasa itaas nito at nagsabi: “Ako si Jehova na Diyos ni Abraham na iyong ama at Diyos ni Isaac. Ang lupain na hinihigaan mo ay ibibigay ko sa iyo at sa mga supling mo.
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Genesis—II
28:12, 13—Ano ang kahulugan ng panaginip ni Jacob may kaugnayan sa “isang hagdanan”? Ipinahiwatig ng “hagdanan” na ito, na maaaring mistulang isang pataas na salansan ng mga bato, na may komunikasyon sa pagitan ng lupa at langit. Ipinakita ng pagmamanhik-manaog doon ng mga anghel ng Diyos na naglilingkod ang mga anghel sa isang mahalagang paraan kay Jehova at sa mga tao na sinasang-ayunan niya.—Juan 1:51.
Pagbabasa ng Bibliya
(Genesis 27:1-23) At nang matanda na si Isaac at napakalabo na ng mga mata niya para makakita, tinawag niya si Esau na nakatatanda niyang anak at sinabi: “Anak ko!” Sumagot ito: “Narito ako!” 2 Sinabi niya: “Matanda na ako. Hindi ko alam kung gaano katagal na lang ako mabubuhay. 3 Kaya pakisuyo, kunin mo ngayon ang mga gamit mo sa pangangaso, ang iyong mga palaso at búsog, at manghuli ka ng mailap na hayop para sa akin. 4 At ipagluto mo ako ng masarap na pagkaing paborito ko at dalhin mo iyon sa akin. Pagkatapos kong kainin iyon ay pagpapalain kita bago ako mamatay.” 5 Pero nakikinig si Rebeka habang nakikipag-usap si Isaac sa anak niyang si Esau. At umalis si Esau para manghuli ng hayop at maiuwi ito. 6 At sinabi ni Rebeka sa anak niyang si Jacob: “Karirinig ko lang na sinabi ng iyong ama sa kapatid mong si Esau, 7 ‘Manghuli ka ng hayop para sa akin at ipagluto mo ako ng masarap na pagkain. Pagkatapos kong kainin iyon ay pagpapalain kita sa harap ni Jehova bago ako mamatay.’ 8 At ngayon, anak ko, makinig kang mabuti at gawin mo ang iuutos ko sa iyo. 9 Pakisuyo, pumunta ka sa kawan at ikuha mo ako ng dalawang matataba at batang kambing para maipaghanda ko ang iyong ama ng masarap na pagkain, gaya ng lutong gusto niya. 10 At dalhin mo iyon sa iyong ama para makain niya at pagkatapos ay pagpapalain ka niya bago siya mamatay.” 11 Sinabi ni Jacob kay Rebeka na kaniyang ina: “Pero balbon ang kapatid kong si Esau, at ako ay hindi. 12 Paano po kung hipuin ako ng ama ko? Tiyak na iisipin niyang niloloko ko siya, at magdadala ako sa sarili ko ng sumpa imbes na pagpapala.” 13 Kaya sinabi ng kaniyang ina: “Mapasaakin nawa ang sumpa sa iyo, anak ko. Basta gawin mo ang sinabi ko at kunin mo ang mga iyon para sa akin.” 14 Kaya umalis siya, kinuha ang mga iyon, at dinala sa kaniyang ina; at naghanda ang kaniyang ina ng masarap na pagkain, gaya ng lutong gusto ng kaniyang ama. 15 Pagkatapos, kinuha ni Rebeka sa bahay niya ang pinakamagagandang damit ng nakatatanda niyang anak na si Esau, at isinuot ang mga iyon sa nakababata niyang anak na si Jacob. 16 Inilagay rin niya ang balat ng mga batang kambing sa mga braso nito at sa bahagi ng leeg nito na walang buhok. 17 Pagkatapos, ibinigay niya sa anak niyang si Jacob ang masarap na pagkain at ang tinapay na ginawa niya. 18 Kaya pinuntahan ni Jacob ang kaniyang ama at sinabi: “Ama ko!” Sinabi nito: “Narito ako! Sino ka, anak ko?” 19 Sinabi ni Jacob: “Ako po ang inyong panganay na si Esau. Nagawa ko na ang sinabi ninyo sa akin. Umupo kayo, pakisuyo, at kumain ng nahuli kong hayop at pagkatapos ay pagpalain ninyo ako.” 20 Sinabi ni Isaac: “Paano nangyari na napakabilis mong nakahuli, anak ko?” Sumagot ito: “Dahil tinulungan ako ni Jehova na inyong Diyos.” 21 Pagkatapos, sinabi ni Isaac kay Jacob: “Pakisuyo, anak ko, lumapit ka para mahipo kita at malaman ko kung talagang ikaw ang anak kong si Esau.” 22 Kaya lumapit si Jacob, at hinipo siya ng ama niyang si Isaac at sinabi: “Ang tinig ay tinig ni Jacob, pero ang mga braso ay kay Esau.” 23 Hindi siya nakilala ng ama niya dahil ang mga braso niya ay balbon na tulad ng sa kapatid niyang si Esau. Kaya pinagpala siya ng kaniyang ama.
MARSO 30–ABRIL 5
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | GENESIS 29-30
“Nag-asawa si Jacob”
(Genesis 29:18-20) At minahal ni Jacob si Raquel, kaya sinabi niya: “Handa akong maglingkod sa iyo nang pitong taon para sa nakababata mong anak na si Raquel.” 19 Sinabi naman ni Laban: “Mas mabuting ibigay ko siya sa iyo kaysa ibigay ko siya sa ibang lalaki. Patuloy kang manirahang kasama ko.” 20 At naglingkod si Jacob nang pitong taon para kay Raquel, pero katumbas lang iyon ng ilang araw para sa kaniya dahil sa pag-ibig niya rito.
Pinahalagahan ni Jacob ang Espirituwal na mga Simulain
Ang kasunduang magpakasal ay nagkakabisa kapag ibinayad ang dote sa pamilya ng kasintahang babae. Nang maglaon ay itinakda ng Kautusang Mosaiko sa 50 siklong pilak ang halaga ng birhen na pinagsamantalahan. Naniniwala ang iskolar na si Gordon Wenham na ito “ang pinakamataas na dote” ngunit ang karamihan ay “mas mababa” rito. (Deuteronomio 22:28, 29) Hindi kayang magbayad ni Jacob. Inalok niya si Laban ng pitong taóng paglilingkod. “Yamang ang pansamantalang mga manggagawa ay tumatanggap ng kalahati hanggang isang siklo sa isang buwan noong sinaunang panahon sa Babilonya” (mula 42 hanggang 84 na siklo sa loob ng buong pitong taon), ang sabi pa ni Wenham, “si Jacob ay nag-alok kay Laban ng napakamahal na dote kapalit ng pagpapakasal kay Raquel.” Agad itong tinanggap ni Laban.—Genesis 29:19.
(Genesis 29:21-26) Pagkatapos, sinabi ni Jacob kay Laban: “Ibigay mo siya sa akin para maging asawa ko, dahil tapos na ang mga araw ng paglilingkod ko, at hayaan mong sipingan ko siya.” 22 Dahil dito, tinipon ni Laban ang lahat ng tagaroon at naghanda ng malaking salusalo. 23 Pero noong gabi na, ang anak niyang si Lea ang ibinigay niya kay Jacob para masipingan nito. 24 Ibinigay rin ni Laban sa anak niyang si Lea ang kaniyang alilang babae na si Zilpa para maging alila nito. 25 Kinaumagahan, nakita ni Jacob na si Lea ang katabi niya! Kaya sinabi niya kay Laban: “Ano itong ginawa mo sa akin? Hindi ba naglingkod ako sa iyo para kay Raquel? Bakit mo ako niloko?” 26 Sumagot si Laban: “Hindi kaugalian dito na ibigay ang nakababatang babae bago ang panganay.
Miserableng Magkapatid na “Nagtayo ng Sambahayan ni Israel”
Nakipagsabuwatan ba si Lea sa panlilinlang kay Jacob? O naobliga lamang siya na sundin ang tatay niya? At nasaan si Raquel? Alam ba niya ang nangyayari? Kung oo, ano kaya ang nadama niya? Sobrang higpit ba ng tatay niya anupat hindi niya ito masuway? Hindi sinasagot ng Bibliya ang mga tanong na ito. Anuman ang nadama nina Raquel at Lea tungkol sa pakanang ito, labis na nakapagpagalit ito kay Jacob. Nagreklamo si Jacob kay Laban, hindi sa dalawang anak nito, at sinabi niya: “Hindi ba pinaglingkuran kita para kay Raquel? Kaya bakit mo ako dinaya?” Ano ang isinagot ni Laban? “Hindi kaugaliang . . . ibigay ang nakababatang babae bago ang panganay. Ipagdiwang mo nang lubos ang sanlinggo ng babaing ito. Pagkatapos ay ibibigay rin sa iyo ang isa pang babaing ito para sa paglilingkod na maipaglilingkod mo sa akin nang pitong taon pa.” (Genesis 29:25-27) Kaya nalinlang si Jacob para magkaroon ng higit sa isang asawa na naging sanhi ng matinding inggitan ng magkapatid.
Pag-aasawa
Pagdiriwang. Bagaman walang pormal na seremonya ang mismong kasalan, napakasaya naman ng pagdiriwang ng mga kasalan sa Israel. Sa araw ng kasal, kadalasang gumagawa ng magarbong mga paghahanda ang kasintahang babae sa kaniyang sariling tahanan. Una ay naliligo siya at nagpapahid ng mabangong langis. (Ihambing ang Ru 3:3; Eze 23:40.) Kung minsan, sa tulong ng kaniyang mga tagapaglingkod na babae, nagsusuot siya ng mga pamigkis sa dibdib at ng isang mahabang damit na puti, kadalasan ay may magarbong burda, depende sa kaniyang pinansiyal na katayuan. (Jer 2:32; Apo 19:7, 8; Aw 45:13, 14) Ginagayakan niya ang kaniyang sarili ng mga palamuti at mga hiyas, kung mayroon siya nito (Isa 49:18; 61:10; Apo 21:2), at pagkatapos ay nagtatakip siya sa kaniyang sarili ng isang manipis na kasuutan na nagsisilbing talukbong, na mula sa ulo hanggang sa paa. (Isa 3:19, 23) Ito ang dahilan kung bakit madaling nalinlang ni Laban si Jacob anupat hindi nalaman ni Jacob na ang ibinigay sa kaniya ni Laban ay si Lea sa halip na si Raquel. (Gen 29:23, 25) Naglagay si Rebeka ng talukbong sa ulo nang lumapit siya upang salubungin si Isaac. (Gen 24:65) Sumagisag ito sa pagpapasakop ng kasintahang babae sa kasintahang lalaki—sa awtoridad nito.—1Co 11:5, 10.
(Genesis 29:27, 28) Patapusin mo muna ang isang-linggong pagdiriwang para sa panganay kong anak. Pagkatapos, ibibigay ko rin sa iyo ang isa ko pang anak kapalit ng pitong taon mo pang paglilingkod sa akin.” 28 Iyon ang ginawa ni Jacob, at pagkatapos ng isang-linggong pagdiriwang para sa panganay na anak, ibinigay sa kaniya ni Laban ang anak nitong si Raquel bilang asawa.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Genesis 30:3) Kaya sinabi nito: “Narito ang alipin kong babae na si Bilha. Sipingan mo siya para makapagsilang siya ng mga anak para sa akin, at ako rin ay magkaroon ng mga anak sa pamamagitan niya.”
it-2 521
Pag-aampon
Itinuring kapuwa ni Raquel at ni Lea ang mga anak na isinilang kay Jacob ng kani-kanilang utusang babae bilang kanilang sariling mga anak, anupat ‘isinilang sa ibabaw ng kanilang mga tuhod.’ (Gen 30:3-8, 12, 13, 24) Pinamanahan din ang mga anak na ito kasama niyaong mga tuwirang isinilang ng legal na mga asawa ni Jacob. Sila ay likas na mga anak ng kanilang ama, at yamang ang mga aliping babae ay pag-aari ng mga asawang babae, sina Raquel at Lea ay may karapatang magmay-ari sa mga anak na ito.
(Genesis 30:14, 15) Habang naglalakad si Ruben noong panahon ng pag-aani ng trigo, nakakita siya ng mga mandragoras sa parang. At dinala niya ang mga ito sa nanay niyang si Lea. Kaya sinabi ni Raquel kay Lea: “Pahingi naman ng mga mandragoras ng anak mo.” 15 Sinabi naman nito: “Maliit na bagay lang ba sa iyo na kinuha mo sa akin ang asawa ko? Kukunin mo rin ba ngayon ang mga mandragoras ng anak ko?” Kaya sinabi ni Raquel: “Sige! Sisiping siya sa iyo ngayong gabi kapalit ng mga mandragoras ng anak mo.”
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Genesis—II
30:14, 15—Bakit pinakawalan ni Raquel ang pagkakataong maglihi kapalit ng ilang mandragoras? Noong sinaunang panahon, ginagamit sa panggagamot ang bunga ng halamang mandragoras bilang narkotiko at para sa paghadlang o pagpawi sa mga hilab. Pinaniniwalaan din na ang prutas ay may kakayahang pumukaw ng seksuwal na pagnanasa at magpataas ng posibilidad na magkaanak ang isang tao o tumulong sa paglilihi. (Awit ni Solomon 7:13) Bagaman hindi isinisiwalat ng Bibliya ang motibo ni Raquel sa pakikipagpalit, maaaring inakala niya na makatutulong ang mga mandragoras upang maglihi siya at magwakas ang kaniyang kadustaan bilang baog. Gayunman, ilang taon pa ang lumipas bago “binuksan [ni Jehova] ang kaniyang bahay-bata.”—Genesis 30:22-24.
Pagbabasa ng Bibliya
(Genesis 30:1-21) Nang makita ni Raquel na hindi pa sila nagkakaanak ni Jacob, nagselos siya sa kapatid niya at paulit-ulit niyang sinasabi kay Jacob: “Bigyan mo ako ng mga anak, dahil kung hindi ay mamamatay ako.” 2 Dahil dito ay nagalit nang husto si Jacob kay Raquel at sinabi niya: “Diyos ba ako? Ako ba ang humahadlang sa iyo na magkaanak?” 3 Kaya sinabi nito: “Narito ang alipin kong babae na si Bilha. Sipingan mo siya para makapagsilang siya ng mga anak para sa akin, at ako rin ay magkaroon ng mga anak sa pamamagitan niya.” 4 At ibinigay nito sa kaniya ang alila niyang si Bilha bilang asawa, at sinipingan ito ni Jacob. 5 Nagdalang-tao si Bilha at nagkaanak kay Jacob ng isang lalaki. 6 Kaya sinabi ni Raquel: “Ang Diyos ay naging hukom ko at nakinig din siya sa tinig ko, kaya binigyan niya ako ng anak.” Iyan ang dahilan kung bakit niya ito pinangalanang Dan. 7 At nagdalang-tao ulit ang alila ni Raquel na si Bilha at nagkaanak kay Jacob ng isa pang lalaki. 8 Pagkatapos, sinabi ni Raquel: “Hindi biro-biro ang naging pakikipaglaban ko sa kapatid ko. At ako ang nanalo!” Kaya pinangalanan niya itong Neptali. 9 Nang makita ni Lea na huminto na siya sa panganganak, kinuha niya ang alila niyang si Zilpa at ibinigay ito kay Jacob bilang asawa. 10 At ang alila ni Lea na si Zilpa ay nagkaanak kay Jacob ng isang lalaki. 11 Kaya sinabi ni Lea: “Talagang pinagpala ako!” At pinangalanan niya itong Gad. 12 Pagkatapos, ang alila ni Lea na si Zilpa ay nagkaanak kay Jacob ng isa pang lalaki. 13 At sinabi ni Lea: “Napakaligaya ko! Ngayon ay sasabihin ng mga babae na maligaya ako.” Kaya pinangalanan niya itong Aser. 14 Habang naglalakad si Ruben noong panahon ng pag-aani ng trigo, nakakita siya ng mga mandragoras sa parang. At dinala niya ang mga ito sa nanay niyang si Lea. Kaya sinabi ni Raquel kay Lea: “Pahingi naman ng mga mandragoras ng anak mo.” 15 Sinabi naman nito: “Maliit na bagay lang ba sa iyo na kinuha mo sa akin ang asawa ko? Kukunin mo rin ba ngayon ang mga mandragoras ng anak ko?” Kaya sinabi ni Raquel: “Sige! Sisiping siya sa iyo ngayong gabi kapalit ng mga mandragoras ng anak mo.” 16 Nang paparating na si Jacob mula sa parang nang kinagabihan, lumabas si Lea para salubungin ito, at sinabi niya: “Sa akin ka sisiping dahil inupahan na kita sa pamamagitan ng mga mandragoras ng aking anak.” Kaya sumiping ito sa kaniya nang gabing iyon. 17 Dininig ng Diyos si Lea, at nagdalang-tao siya at isinilang niya ang ikalima niyang anak na lalaki kay Jacob. 18 Pagkatapos, sinabi ni Lea: “Ibinigay sa akin ng Diyos ang kabayaran ko dahil ibinigay ko ang aking alila sa asawa ko.” Kaya pinangalanan niya itong Isacar. 19 At nagdalang-tao ulit si Lea at isinilang ang ikaanim niyang anak na lalaki kay Jacob. 20 Pagkatapos, sinabi ni Lea: “Pinagkalooban ako ng Diyos, oo, ako, ng isang mabuting kaloob. Sa wakas, pagtitiisan ako ng asawa ko dahil nagsilang ako sa kaniya ng anim na lalaki.” Kaya pinangalanan niya itong Zebulon. 21 Nagsilang din siya ng isang babae at pinangalanan itong Dina.