Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • mwbr20 Abril p. 1-8
  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo
  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo—2020
  • Subtitulo
  • ABRIL 13-19
  • ABRIL 20-26
  • ABRIL 27–MAYO 3
  • Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo—2020
mwbr20 Abril p. 1-8

Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo

ABRIL 13-19

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | GENESIS 31

“Gumawa ng Kasunduan si Jacob at si Laban Para sa Kapayapaan”

(Genesis 31:44-46) Ngayon, gumawa tayo ng isang kasunduan, ikaw at ako, at magsisilbi itong saksi sa pagitan nating dalawa.” 45 Kaya kumuha si Jacob ng isang bato at itinayo ito bilang palatandaan. 46 Pagkatapos, sinabi ni Jacob sa mga kapatid niya: “Kumuha kayo ng mga bato!” At kumuha sila ng mga bato at pinagpatong-patong ang mga ito. At kumain sila sa magkakapatong na bato.

it-1 790 ¶1

Galeed

Matapos magkasundo nang mapayapa, sina Jacob at Laban ay nakipagtipan sa isa’t isa. Kaugnay nito, si Jacob ay nagtindig ng isang batong haligi at nag-utos sa kaniyang “mga kapatid” na gumawa ng isang bunton ng mga bato, marahil ay sa anyong mesa, anupat doon nila kinain ang pagkain ng tipan. Pagkatapos nito, tinawag ni Laban ang lugar na ito ayon sa pangalan ng bunton, anupat binigyan niya ito ng Aramaikong (Siryanong) pangalan na “Jegar-sahaduta,” ngunit tinawag naman ito ni Jacob sa Hebreong “Galeed.” Sinabi ni Laban: “Ang bunton [sa Heb., gal] na ito ay isang saksi [sa Heb., ʽedh] sa akin at sa iyo ngayon.” (Gen 31:44-48) Ang bunton ng mga bato (at ang batong haligi) ay nagsilbing saksi sa lahat ng dumaraan doon. At gaya ng sinasabi sa talata 49, ito “Ang Bantayan [sa Heb., mits·pahʹ],” na nagpapatotoong si Jacob at si Laban ay nagkasundong panatilihin ang kapayapaan sa pagitan at sa loob ng kani-kanilang pamilya. (Gen 31:50-53) Nang maglaon, ang mga bato ay ginamit sa katulad na paraan bilang tahimik na mga saksi.​—Jos 4:4-7; 24:25-27.

(Genesis 31:47-50) Tinawag iyon ni Laban na Jegar-sahaduta, pero tinawag iyon ni Jacob na Galeed. 48 Pagkatapos, sinabi ni Laban: “Ang magkakapatong na batong ito ay saksi nating dalawa ngayon.” Kaya tinawag itong Galeed, 49 at Bantayan, dahil sinabi niya: “Si Jehova nawa ang magbantay sa akin at sa iyo kapag hindi natin nakikita ang isa’t isa. 50 Kung pakikitunguhan mo nang hindi maganda ang mga anak ko at kung kukuha ka ng iba pang mga asawa bukod sa mga anak ko, hindi man ito makita ng ibang tao, tandaan mo na makikita ito ng Diyos at siya ang ating saksi.”

it-1 319

Bantayan

Isang bunton ng mga bato ang itinindig ni Jacob at tinawag na “Galeed” (nangangahulugang “Bunton na Saksi”) at “Ang Bantayan.” Pagkatapos ay sinabi ni Laban: “Si Jehova nawa ang magbantay sa akin at sa iyo kapag hindi natin nakikita ang isa’t isa.” (Gen 31:45-49) Ang bunton na ito ng mga bato ang magpapatotoo na nagbabantay si Jehova upang matiyak na tinutupad ni Jacob at ni Laban ang kanilang tipan ng kapayapaan.

(Genesis 31:51-53) Sinabi pa ni Laban kay Jacob: “Narito ang magkakapatong na batong ito, at narito ang batong itinayo ko bilang palatandaan ng kasunduan nating dalawa. 52 Ang magkakapatong na batong ito ay saksi, at ang batong itinayo bilang palatandaan ang magpapatotoo, na hindi ako lalampas sa magkakapatong na batong ito para saktan ka at na hindi ka lalampas sa magkakapatong na batong ito at sa batong itinayo bilang palatandaan para saktan ako. 53 Ang Diyos nawa ni Abraham at ang Diyos ni Nahor, ang Diyos ng ama nila, ang humatol sa pagitan natin.” At sumumpa si Jacob sa Diyos na kinatatakutan ng ama niyang si Isaac.

Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas

(Genesis 31:19) Wala noon si Laban dahil ginugupitan niya ang kaniyang mga tupa, at ninakaw ni Raquel ang mga rebultong terapim na pag-aari ng ama niya.

it-2 1297-1298

Terapim

Ipinahihiwatig ng mga tuklas ng mga arkeologo sa Mesopotamia at sa karatig na mga lugar na ang pagmamay-ari ng mga imaheng terapim ay nakaaapekto sa kung sino ang tatanggap ng mana ng pamilya. Ayon sa isang tapyas na natagpuan sa Nuzi, ang pagmamay-ari ng mga diyos ng sambahayan, sa ilang kalagayan, ay maaaring magbigay-karapatan sa isang manugang na lalaki na humarap sa hukuman at angkinin ang mga ari-arian ng kaniyang yumaong biyenang lalaki. (Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. Pritchard, 1974, p. 219, 220, at tlb 51) Kaayon nito, marahil ay nangatuwiran si Raquel na may dahilan siyang kunin ang terapim yamang naging mapanlinlang ang kaniyang ama sa pakikitungo sa asawa niyang si Jacob. (Ihambing ang Gen 31:14-16.) Dahil sa kahalagahan ng terapim may kinalaman sa mga karapatan sa pagmamana, mauunawaan natin kung bakit gustung-gusto ni Laban na mabawi ang mga iyon, anupat isinama pa niya ang kaniyang mga kapatid at tinugis si Jacob sa layong pitong araw na paglalakbay. (Gen 31:19-30) Sabihin pa, walang kaalam-alam si Jacob sa ginawa ni Raquel (Gen 31:32), at walang pahiwatig na tinangka niyang gamitin ang terapim upang makuha ang mana mula sa mga anak ni Laban. Hindi kailanman gumamit si Jacob ng mga idolo. Malamang na itinapon ni Jacob ang terapim, marahil ay noong panahong ang lahat ng mga banyagang diyos na ibinigay sa kaniya ng kaniyang sambahayan ay ibinaon niya sa ilalim ng malaking punungkahoy na malapit sa Sikem.​—Gen 35:1-4.

(Genesis 31:41, 42) Nanirahan akong kasama mo nang 20 taon. Naglingkod ako sa iyo nang 14 na taon para sa dalawang anak mo at 6 na taon para sa kawan mo, at 10 beses mong binago-bago ang bayad mo sa akin. 42 Kung wala sa panig ko ang Diyos ng aking ama, ang Diyos ni Abraham at ang Diyos na kinatatakutan ni Isaac, pinaalis mo na sana ako nang walang dala. Nakita ng Diyos ang paghihirap ko at kung paano ako nagtrabahong mabuti, kaya sinaway ka niya kagabi.”

(1 Pedro 2:18) Ang mga lingkod ay magpasakop sa mga amo nila nang may nararapat na takot, hindi lang sa mabubuti at sa mga makatuwiran, kundi pati sa mahirap palugdan.

w13 3/15 21 ¶8

Si Jehova—Ang Ating Tahanang Dako

8 Nang makarating si Jacob sa Haran, mainit siyang tinanggap ng tiyuhin niyang si Laban at nang maglaon ay ibinigay nito sa kaniya sina Lea at Raquel bilang asawa. Pero di-nagtagal, sinikap ni Laban na dayain si Jacob, anupat binago nang sampung ulit ang kabayaran nito! (Gen. 31:41, 42) Tiniis ni Jacob ang kawalang-katarungang ito dahil nagtitiwala siyang hindi siya pababayaan ni Jehova—at talagang pinangalagaan Niya siya! Nang sabihin ng Diyos kay Jacob na bumalik sa Canaan, mayroon na siyang “malalaking kawan at mga alilang babae at mga alilang lalaki at mga kamelyo at mga asno.” (Gen. 30:43) Buong-pasasalamat na nanalangin si Jacob: “Ako ay di-karapat-dapat sa lahat ng maibiging-kabaitan at sa lahat ng katapatan na ipinakita mo sa iyong lingkod, sapagkat ang dala ko lamang ay ang aking baston nang tawirin ko itong Jordan at ngayon ay naging dalawang kampo na ako.”​—Gen. 32:10.

Pagbabasa ng Bibliya

(Genesis 31:1-18) Sa kalaunan, narinig niya ang sinasabi ng mga anak ni Laban: “Kinuha ni Jacob ang lahat ng pag-aari ng ama natin, at lahat ng kayamanan niya ay galing sa ating ama.” 2 Kapag tinitingnan ni Jacob ang mukha ni Laban, nakikita niyang hindi na katulad ng dati ang pakikitungo nito sa kaniya. 3 Kaya sinabi ni Jehova kay Jacob: “Bumalik ka sa lupain ng iyong mga ninuno at mga kamag-anak, at patuloy akong sasaiyo.” 4 Pagkatapos, ipinasabi ni Jacob kina Raquel at Lea na pumunta sa parang kung nasaan ang kawan niya, 5 at sinabi niya sa kanila: “Nakikita kong nag-iba na ang pakikitungo sa akin ng inyong ama, pero sumasaakin ang Diyos ng aking ama. 6 Alam na alam ninyong naglingkod ako sa inyong ama nang buong lakas ko. 7 At sinubukan akong dayain ng inyong ama at 10 beses niyang binago-bago ang bayad niya sa akin; pero hindi siya pinahintulutan ng Diyos na gawan ako ng masama. 8 Kapag sinabi niya, ‘Ang mga batik-batik ang magiging bayad ko sa iyo,’ ang buong kawan ay nanganganak ng batik-batik; pero kapag sinabi niya, ‘Ang mga guhit-guhit ang magiging bayad ko sa iyo,’ ang buong kawan ay nanganganak naman ng guhit-guhit. 9 Gayon kinukuha ng Diyos ang mga alagang hayop ng inyong ama at ibinibigay sa akin. 10 Minsan, noong panahong naglalandi ang kawan, nakita ko sa isang panaginip na ang mga lalaking kambing na nakapaibabaw sa mga babaeng kambing ay guhit-guhit, batik-batik, at may patse. 11 Pagkatapos, sinabi sa akin ng anghel ng tunay na Diyos sa panaginip, ‘Jacob!’ At sumagot ako, ‘Narito ako.’ 12 Sinabi niya, ‘Tingnan mo, pakisuyo, at makikita mong ang lahat ng lalaking kambing na nakapaibabaw sa mga babaeng kambing ay guhit-guhit, batik-batik, at may patse, dahil nakita ko ang lahat ng ginagawa sa iyo ni Laban. 13 Ako ang tunay na Diyos ng Bethel, kung saan mo binuhusan ng langis ang isang bato at kung saan ka nanata sa akin. Ngayon, kumilos ka, umalis ka sa lupaing ito at bumalik sa lupain kung saan ka ipinanganak.’” 14 Sumagot sina Raquel at Lea: “Wala na kaming mamanahin sa bahay ng aming ama! 15 Hindi ba itinuturing na niya kaming dayuhan, dahil ipinagbili niya kami at ginagamit niya ang perang ibinigay para sa amin? 16 Ang lahat ng kayamanang kinuha ng Diyos sa aming ama ay sa amin at sa mga anak namin. Kaya sige, gawin mo ang lahat ng ipinagagawa sa iyo ng Diyos.” 17 Kaya isinakay ni Jacob sa mga kamelyo ang kaniyang mga anak at mga asawa, 18 at isinama niya sa paglalakbay ang buong kawan niya at dinala ang lahat ng pag-aari na natipon niya. Ang kawan na natipon niya sa Padan-aram ay isinama niya sa pagpunta kay Isaac na kaniyang ama sa lupain ng Canaan.

ABRIL 20-26

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | GENESIS 32-33

“Nakikipagbuno Ka Ba Para sa Pagpapala?”

(Genesis 32:24) Nang dakong huli, naiwang mag-isa si Jacob. At isang lalaki ang nakipagbuno sa kaniya hanggang sa magbukang-liwayway.

w03 8/15 25 ¶3

May-pananabik Mo Bang Hinahanap si Jehova?

Ang Kasulatan ay naglalaman ng mga halimbawa ng taimtim na mga nagsumikap sa paghanap kay Jehova. Isang halimbawa nito si Jacob, na puspusang nakipagbuno hanggang sa magbukang-liwayway sa isang anghel ng Diyos na nagkatawang-tao. Dahil dito, si Jacob ay binigyan ng pangalang Israel (Nakipagpunyagi sa Diyos) sapagkat siya’y nakipagpunyagi, o nagpumilit, nagsumikap, nagmatiyaga, sa Diyos. Pinagpala siya ng anghel dahil sa kaniyang marubdob na pagsisikap.​—Genesis 32:24-30.

(Genesis 32:25, 26) Nang makita ng lalaki na hindi niya ito matalo, hinawakan niya ang hugpungan ng balakang nito; kaya nalinsad ang hugpungan ng balakang ni Jacob habang nakikipagbuno ito sa lalaki. 26 At sinabi ng lalaki: “Bitawan mo ako, dahil nagbubukang-liwayway na.” Sinabi ni Jacob: “Hindi kita bibitawan hangga’t hindi mo ako pinagpapala.”

it-2 916

Pilay, Pagkapilay

Ang Pagkapilay ni Jacob. Nang mga 97 taóng gulang na si Jacob, magdamag siyang nakipagbuno sa isang nagkatawang-taong anghel ng Diyos. Napigilan niya ang anghel hanggang sa pagpalain siya nito. Habang nagbubuno sila, hinipo ng anghel ang hugpungan ng kasukasuan ng hita ni Jacob anupat nalinsad ito. Magmula noon ay naging paika-ika ang paglakad ni Jacob. (Gen 32:24-32; Os 12:2-4) Naging tagapagpaalaala iyon kay Jacob na, bagaman “nakipagpunyagi [siya] sa [anghel ng] Diyos at sa mga tao anupat sa wakas ay nanaig [siya],” gaya ng sinabi ng anghel, hindi naman niya talaga natalo ang isang makapangyarihang anghel ng Diyos. Dahil lamang sa layunin at kapahintulutan ng Diyos kung kaya hinayaan si Jacob na makipagpunyagi sa anghel, upang maglaan ng katibayan na malaki ang pagpapahalaga ni Jacob sa pagpapala ng Diyos.

(Genesis 32:27, 28) Kaya nagtanong siya: “Ano ang pangalan mo?” Sinabi nito: “Jacob.” 28 Pagkatapos ay sinabi niya: “Ang pangalan mo ay hindi na Jacob kundi Israel, dahil nakipagpunyagi ka sa Diyos at sa mga tao, at sa wakas ay nanalo ka.”

it-1 1104

Israel

1. Ang pangalang ibinigay ng Diyos kay Jacob noong siya ay mga 97 taóng gulang na. Nang gabing tumawid si Jacob sa agusang libis ng Jabok upang salubungin ang kaniyang kapatid na si Esau, siya ay nagsimulang makipagbuno sa isang lalaki na isa palang anghel. Dahil sa pagmamatiyaga ni Jacob sa pakikipagpunyaging iyon, ang kaniyang pangalan ay pinalitan ng Israel bilang tanda ng pagpapala ng Diyos. Bilang paggunita sa mga pangyayaring ito, pinanganlan ni Jacob ang dakong iyon na Peniel o Penuel. (Gen 32:22-31; tingnan ang JACOB Blg. 1.) Nang maglaon, sa Bethel, pinagtibay ng Diyos ang gayong pagpapalit ng pangalan, at mula noon hanggang sa wakas ng kaniyang buhay, si Jacob ay malimit na tawaging Israel. (Gen 35:10, 15; 50:2; 1Cr 1:34) Gayunman, marami sa mahigit na 2,500 paglitaw ng pangalang Israel ang tumutukoy sa mga inapo ni Jacob bilang isang bansa.​—Exo 5:1, 2.

Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas

(Genesis 32:11) Dalangin ko, iligtas mo ako mula sa kamay ng kapatid kong si Esau, dahil natatakot ako na baka dumating siya para salakayin ako, pati na ang mga babae at mga bata.

(Genesis 32:13-15) At doon siya nagpalipas ng gabi. Pagkatapos, mula sa mga pag-aari niya ay pumili siya ng ibibigay sa kapatid niyang si Esau: 200 babaeng kambing, 20 lalaking kambing, 14 200 babaeng tupa, 20 lalaking tupa, 15 30 kamelyo at mga pasusuhin nito, 40 baka, 10 toro, 20 babaeng asno, at 10 lalaking asno na husto na ang gulang.

w10 6/15 22 ¶10-11

Gumaganda ang Samahan Kapag Nagsasalita Nang May Kagandahang-Loob

10 Dahil sa magandang pakikipag-usap at pananalitang may kagandahang-loob, nagkakaroon ng mapayapang samahan at napananatili ito. Sa katunayan, ang pagsisikap na mapaganda ang ating pakikipagsamahan sa iba ay magpapaganda rin ng ating komunikasyon sa kanila. Ang pagkukusang gumawa ng mabuti sa iba—paghanap ng pagkakataong makatulong, pagreregalo mula sa puso, pagiging mapagpatuloy—ay magbubukas ng daan para sa kasiya-siyang pag-uusap. ‘Makapagbubunton ka pa nga ng maaapoy na baga’ sa tao para mapakilos siyang magpakita ng magagandang ugali, at sa gayo’y madali nang pag-usapan ang problema.​—Roma 12:20, 21.

11 Alam ito ng patriyarkang si Jacob. Galít na galít ang kaniyang kakambal na si Esau kung kaya tumakas si Jacob sa takot na patayin siya nito. Pagkalipas ng maraming taon, nagbalik si Jacob. Sasalubungin siya ni Esau kasama ang 400 lalaki. Nanalangin si Jacob kay Jehova na tulungan sana siya. Pagkatapos, nagpadala siya kay Esau ng napakaraming kaloob na hayop. Dahil sa mga kaloob na iyon, lumambot ang puso ni Esau at patakbo nitong niyakap si Jacob.​—Gen. 27:41-44; 32:6, 11, 13-15; 33:4, 10.

(Genesis 33:20) Nagtayo siya roon ng isang altar at tinawag iyon na Diyos, ang Diyos ni Israel.

it-1 605-606

Diyos ang Diyos ni Israel

Dahil sa pakikipagbuno ni Jacob sa anghel ni Jehova sa Peniel, ibinigay sa kaniya ang pangalang Israel, at pagkatapos ng mapayapang pagtatagpo nila ng kaniyang kapatid na si Esau, nanahanan siya sa Sucot at pagkatapos ay sa Sikem. Dito’y bumili siya ng isang lupain mula sa mga anak ni Hamor at nagtayo ng kaniyang tolda roon. (Gen 32:24-30; 33:1-4, 17-19) “Pagkatapos ay nagtayo siya roon ng isang altar at tinawag iyon na Diyos ang Diyos ni Israel,” o “Ang Diyos ay Ang Diyos ni Israel.” (Gen 33:20) Dahil ginamit ni Jacob ang kaniyang bagong pangalang Israel at ipinangalan din niya ito sa altar, ipinakita niya na tinatanggap at pinahahalagahan niya ang pangalang iyon at ang ligtas na pag-aakay sa kaniya ng Diyos pabalik sa Lupang Pangako. Minsan lamang lumitaw sa Kasulatan ang pananalitang ito.

Pagbabasa ng Bibliya

(Genesis 32:1-21) Nagpatuloy si Jacob sa paglalakbay, at sinalubong siya ng mga anghel ng Diyos. 2 At pagkakita ni Jacob sa kanila, sinabi niya: “Ito ang kampo ng Diyos!” Kaya tinawag niyang Mahanaim ang lugar na iyon. 3 Pagkatapos, nagpauna si Jacob ng mga mensahero papunta sa kapatid niyang si Esau na nasa lupain ng Seir, na teritoryo ng Edom, 4 at inutusan niya sila: “Ito ang sasabihin ninyo sa panginoon kong si Esau, ‘Ito ang sinabi ng lingkod mong si Jacob: “Nanirahan akong kasama ni Laban nang matagal na panahon. 5 At nagkaroon ako ng mga toro, asno, tupa, at mga alilang lalaki at babae, at ipinaaalam ko sa panginoon ko ang bagay na ito, para malugod ka sa akin.”’” 6 Pagkatapos, bumalik kay Jacob ang mga mensahero at nagsabi: “Nakausap namin ang kapatid mong si Esau, at papunta na siya para salubungin ka, at may kasama siyang 400 lalaki.” 7 Natakot nang husto si Jacob at nag-alala. Kaya hinati niya sa dalawang kampo ang mga taong kasama niya, pati na ang mga tupa, kambing, baka, at mga kamelyo. 8 Sinabi niya: “Kung salakayin ni Esau ang isang kampo, makatatakas pa ang isang kampo.” 9 Pagkatapos, sinabi ni Jacob: “O Diyos ng ama kong si Abraham at Diyos ng ama kong si Isaac, O Jehova, ikaw na nagsabi sa akin, ‘Bumalik ka sa iyong lupain at sa iyong mga kamag-anak, at gagawan kita ng mabuti,’ 10 hindi ako karapat-dapat sa lahat ng tapat na pag-ibig at katapatan na ipinakita mo sa iyong lingkod, dahil baston lang ang dala ko nang tawirin ko itong Jordan at ngayon ay dalawang kampo na ako. 11 Dalangin ko, iligtas mo ako mula sa kamay ng kapatid kong si Esau, dahil natatakot ako na baka dumating siya para salakayin ako, pati na ang mga babae at mga bata. 12 At sinabi mo: ‘Tiyak na gagawan kita ng mabuti, at ang mga supling mo ay gagawin kong gaya ng mga butil ng buhangin sa dagat, na napakarami para bilangin.’” 13 At doon siya nagpalipas ng gabi. Pagkatapos, mula sa mga pag-aari niya ay pumili siya ng ibibigay sa kapatid niyang si Esau: 14 200 babaeng kambing, 20 lalaking kambing, 200 babaeng tupa, 20 lalaking tupa, 15 30 kamelyo at mga pasusuhin nito, 40 baka, 10 toro, 20 babaeng asno, at 10 lalaking asno na husto na ang gulang. 16 Ipinagkatiwala niya ang bawat kawan sa mga lingkod niya at sinabi: “Mauna kayong tumawid sa akin, at maglagay kayo ng agwat sa pagitan ng bawat kawan.” 17 Inutusan din niya ang unang lingkod: “Kapag sinalubong ka ng kapatid kong si Esau at tinanong ka, ‘Sino ang panginoon mo, saan ka pupunta, at kaninong kawan ang nasa unahan mo?’ 18 sabihin mo sa kaniya, ‘Alipin ako ng inyong lingkod na si Jacob. Regalo niya ito sa panginoon kong si Esau. Ang totoo, kasunod din namin siya!’” 19 At inutusan din niya ang ikalawa, ang ikatlo, at ang lahat ng iba pang lingkod na pinagkatiwalaan ng kawan: “Ito rin ang sasabihin ninyo kay Esau kapag nasalubong ninyo siya. 20 At sabihin din ninyo, ‘Kasunod din namin ang inyong lingkod na si Jacob.’” Dahil sinabi niya sa sarili niya: ‘Kung mapalulubag ko ang loob niya sa pamamagitan ng regalo sa unahan ko, baka maging mabait siya sa pagtanggap sa akin kapag nagkita kami.’ 21 Kaya naunang tumawid ang mga lingkod niya dala ang regalo, at siya naman ay nagpalipas ng gabi sa kampo.

ABRIL 27–MAYO 3

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | GENESIS 34-35

“Ang Masasamang Resulta ng Masamang Kasama”

(Genesis 34:1) At si Dina, na anak ni Jacob kay Lea, ay laging umaalis para makasama ang mga kabataang babae ng lupain.

w97 2/1 30 ¶4

Shekem—Ang Lunsod sa Libis

Ano kaya ang iisipin ng mga kabataang lalaki ng lunsod sa birheng dalagitang ito na palaging dumadalaw sa kanilang lunsod—na wari’y nag-iisa? Isang anak ng pinuno ang ‘nakakita sa kaniya at kinuha siya at sinipingan siya at hinalay siya.’ Bakit kaya kusang lumapit si Dina sa panganib sa pamamagitan ng pakikisama sa mga imoral na Canaanita? Dahil ba sa pag-aakalang kailangan niya ang pakikisama ng mga batang babaing kasing edad niya? Siya ba’y gaya rin ng ilan niyang kapatid na lalaki na matitigas ang ulo at mapagsarili? Basahin ang ulat ng Genesis, at subuking unawain ang pighati’t kahihiyan nina Jacob at Lea dahil sa trahedyang naganap na naging bunga ng pagpunta-punta ng kanilang anak na babae sa Shekem.​—Genesis 34:1-31; 49:5-7; tingnan din ang The Watchtower, Hunyo 15, 1985, pahina 31.

(Genesis 34:2) Nang makita siya ni Sikem, na anak ni Hamor na Hivita, na isang pinuno ng lupain, kinuha siya nito at hinalay.

lvs 124 ¶14

“Tumakas Kayo Mula sa Seksuwal na Imoralidad!”

14 Ginawa ni Sikem kung ano ang natural at katanggap-tanggap para sa kaniya. Dahil gusto niya si Dina, “kinuha” niya ito at “hinalay.” (Basahin ang Genesis 34:1-4.) Dito nagsimula ang sunod-sunod na problema ni Dina at ng pamilya niya.​—Genesis 34:7, 25-31; Galacia 6:7, 8.

(Genesis 34:7) Pero nabalitaan ito ng mga anak ni Jacob kaya umuwi sila agad mula sa parang. Nasaktan sila at galit na galit dahil hiniya ni Sikem si Israel nang sipingan nito ang anak ni Jacob, isang bagay na hinding-hindi dapat gawin.

(Genesis 34:25) Pero nang ikatlong araw, nang nakadarama pa sila ng kirot, ang dalawang anak ni Jacob na sina Simeon at Levi, na mga kapatid ni Dina, ay kumuha ng kani-kaniyang espada at pinasok ang walang kamalay-malay na lunsod at pinatay ang lahat ng lalaki.

w09 9/1 20 ¶6; 21 ¶1

Kapag Ikaw ay Nasaktan

Kadalasan, gumaganti ang isa upang maibsan ang kirot na nadarama niya. Halimbawa, sinasabi sa atin ng Bibliya na nang malaman ng mga anak na lalaki ng patriyarkang si Jacob na hinalay ni Sikem na taga-Canaan ang kanilang kapatid na si Dina, ‘nasaktan ang kanilang kalooban at sila ay lubhang nagalit.’ (Genesis 34:1-7) Upang ipaghiganti ang sinapit ng kanilang kapatid, nagpakana ang dalawang anak na lalaki ni Jacob laban kay Sikem at sa kaniyang sambahayan. Nilinlang sila nina Simeon at Levi, saka pumasok ang mga ito sa lunsod ng Canaan, at pinatay ang lahat ng lalaki, pati na si Sikem.​—Genesis 34:13-27.

Nalutas ba nito ang problema? Nang malaman ni Jacob ang ginawa ng kaniyang mga anak, sinaway niya ang mga ito: “Dinalhan ninyo ako ng sumpa anupat ginawa ninyo akong isang alingasaw sa mga tumatahan sa lupain, . . . at tiyak na magtitipon sila laban sa akin at sasalakayin ako at ako ay malilipol, ako at ang aking sambahayan.” (Genesis 34:30) Oo, sa halip na malutas ang problema, lalo pa itong lumala dahil sa kanilang paghihiganti; kailangan na ngayong mag-ingat ang pamilya ni Jacob laban sa paghihiganti ng galít na mga kalapít na bansa. Upang maiwasan ito, inutusan ng Diyos si Jacob na ilipat ang kaniyang pamilya sa Bethel.​—Genesis 35:1, 5.

Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas

(Genesis 35:8) Nang maglaon, namatay ang yaya ni Rebeka na si Debora at inilibing sa paanan ng Bethel sa ilalim ng malaking puno. Kaya tinawag niya itong Alon-bakut.

it-1 572 ¶5

Debora

1. Yaya ni Rebeka. Sumama si Debora kay Rebeka nang iwan nito ang sambahayan ng kaniyang amang si Betuel upang lumipat sa Palestina para maging asawa ni Isaac. (Gen 24:59) Pagkalipas ng maraming taon ng paglilingkod sa sambahayan ni Isaac, si Debora ay pumisan sa sambahayan ni Jacob, marahil pagkamatay ni Rebeka. Maliwanag na mga 125 taon pagkaraang mapangasawa ni Rebeka si Isaac, si Debora ay namatay at inilibing sa ilalim ng isang malaking punungkahoy sa Bethel. Ang pangalang ibinigay sa punungkahoy (Alon-bakut, nangangahulugang “Dambuhalang Punungkahoy ng Pagtangis”) ay nagpapahiwatig na lubhang napamahal siya kay Jacob at sa sambahayan nito.​—Gen 35:8.

(Genesis 35:22-26) Habang naninirahan si Israel sa lupaing iyon, sinipingan ni Ruben si Bilha na pangalawahing asawa ng ama niya, at nalaman ni Israel ang tungkol dito. Si Jacob ay nagkaroon ng 12 anak na lalaki. 23 Ang mga anak ni Jacob kay Lea ay ang panganay na si Ruben, sumunod sina Simeon, Levi, Juda, Isacar, at Zebulon. 24 Ang mga anak niya kay Raquel ay sina Jose at Benjamin. 25 Ang mga anak niya sa alila ni Raquel na si Bilha ay sina Dan at Neptali. 26 At ang mga anak niya sa alila ni Lea na si Zilpa ay sina Gad at Aser. Ito ang mga anak ni Jacob na ipinanganak sa Padan-aram.

w17.12 14

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Sa sinaunang Israel, ang mga may karapatan sa pagkapanganay lang ba ang puwedeng maging ninuno ng Mesiyas?

Iyan ang binanggit sa ilang publikasyon natin, at mukhang kaayon ito ng mababasa natin sa Hebreo 12:16. Binabanggit ng talatang iyan na si Esau ay “hindi nagpapahalaga sa mga bagay na sagrado” at “kapalit ng isang pagkain ay ipinamigay [niya kay Jacob] ang kaniyang mga karapatan bilang panganay.” Waring ipinahihiwatig nito na nang makuha ni Jacob ang “mga karapatan bilang panganay,” nagkaroon din siya ng karapatan na maging ninuno ng Mesiyas.​—Mat. 1:2, 16; Luc. 3:23, 34.

Pero kung rerepasuhin natin ang mga ulat sa Bibliya, makikita natin na hindi kailangang maging panganay ang isang lalaki para maging ninuno ng Mesiyas. Tingnan ang ilang ebidensiya:

Ang panganay na anak ni Jacob (Israel) kay Lea ay si Ruben. Nang maglaon, isinilang ni Raquel, na paboritong asawa ni Jacob, ang kanilang unang anak na si Jose. Dahil sa maling paggawi ni Ruben, ang karapatan niya sa pagkapanganay ay ipinasa kay Jose. (Gen. 29:31-35; 30:22-25; 35:22-26; 49:22-26; 1 Cro. 5:1, 2) Pero ang angkan ng Mesiyas ay hindi nagmula kay Ruben o kay Jose. Sa halip, nagmula ito kay Juda, ang ikaapat na anak na lalaki ni Jacob kay Lea.​—Gen. 49:10.

Pagbabasa ng Bibliya

(Genesis 34:1-19) At si Dina, na anak ni Jacob kay Lea, ay laging umaalis para makasama ang mga kabataang babae ng lupain. 2 Nang makita siya ni Sikem, na anak ni Hamor na Hivita, na isang pinuno ng lupain, kinuha siya nito at hinalay. 3 At hindi maalis sa isip niya si Dina, na anak ni Jacob, at minahal niya ito at sinuyo. 4 At sinabi ni Sikem sa ama niyang si Hamor: “Kunin mo para sa akin ang kabataang babaeng ito para maging asawa ko.” 5 Nang mabalitaan ni Jacob na nilapastangan nito ang anak niyang si Dina, nasa parang noon ang mga anak niyang lalaki at binabantayan ang kawan niya. Kaya tumahimik muna si Jacob hanggang sa makabalik sila. 6 At si Hamor, na ama ni Sikem, ay pumunta kay Jacob para makipag-usap. 7 Pero nabalitaan ito ng mga anak ni Jacob kaya umuwi sila agad mula sa parang. Nasaktan sila at galit na galit dahil hiniya ni Sikem si Israel nang sipingan nito ang anak ni Jacob, isang bagay na hinding-hindi dapat gawin. 8 Sinabi ni Hamor: “Gustong-gusto ng anak kong si Sikem ang anak mo. Pakisuyo, ibigay mo siya sa kaniya para maging asawa niya, 9 at makipag-alyansa kayo sa amin sa pag-aasawa. Ibigay ninyo sa amin ang mga anak ninyong babae, at kunin ninyo bilang asawa ang mga anak naming babae. 10 Manirahan kayong kasama namin, at ituring ninyong sa inyo ang lupain namin. Tumira kayo, magnegosyo, at magkaroon ng mga pag-aari doon.” 11 Pagkatapos, sinabi ni Sikem sa ama at mga kapatid ni Dina: “Maging kalugod-lugod sana ako sa inyo, at ibibigay ko sa inyo ang anumang hingin ninyo sa akin. 12 Humingi kayo sa akin ng regalo at napakataas na dote. Handa kong ibigay ang anumang sabihin ninyo. Basta ibigay ninyo sa akin ang kabataang babae para maging asawa ko.” 13 At nilinlang ng mga anak ni Jacob si Sikem at ang ama nitong si Hamor dahil nilapastangan nito ang kapatid nilang si Dina. 14 Sinabi nila sa mga ito: “Hindi namin magagawang ibigay ang kapatid namin sa isang lalaking di-tuli dahil kahihiyan iyan sa amin. 15 Papayag kami, pero sa isang kondisyon: kung magiging tulad namin kayo at magpapatuli ang lahat ng lalaki sa inyo. 16 Pagkatapos, ibibigay namin sa inyo ang mga anak naming babae, at kukunin namin ang inyong mga anak na babae, at maninirahan kaming kasama ninyo at magiging isang bayan tayo. 17 Pero kung ayaw ninyong makinig sa amin at hindi kayo magpapatuli, kukunin namin ang kapatid namin.” 18 Nagustuhan ni Hamor at ng anak niyang si Sikem ang sinabi nila. 19 Hindi nagpaliban ang kabataang lalaki na gawin ang sinabi nila dahil gusto niya ang anak ni Jacob, at siya ang pinakamarangal sa buong sambahayan ng kaniyang ama.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share