Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo
HUNYO 1-7
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | GENESIS 44-45
“Pinatawad ni Jose ang mga Kapatid Niya”
(Genesis 44:1, 2) Pagkatapos, inutusan niya ang lalaking namamahala sa bahay niya: “Punuin mo ng pagkain ang mga sako ng mga lalaki hanggang sa makakaya nilang dalhin, at ilagay mo ang pera ng bawat isa sa sako niya. 2 Pero ilagay mo sa sako ng bunso ang pilak na kopa ko kasama ang pera para sa butil niya.” Kaya ginawa nito ang iniutos ni Jose.
“Nasa Kalagayan Ba Ako ng Diyos?”
Sinimulan ni Jose ang kaniyang pakana. Ipinahabol, ipinaaresto, at inakusahan niya ang kaniyang mga kapatid ng pagnanakaw ng kopa. Nang makita ito sa supot ni Benjamin, pinabalik silang lahat kay Jose. Ito na ang pagkakataon ni Jose para malaman kung ano ang totoong ugali ng mga kapatid niya. Si Juda ang naging tagapagsalita nila. Nagmakaawa siya, at sinabi pa ngang handa silang 11 magkakapatid na maging alipin sa Ehipto. Sinabi ni Jose na si Benjamin lang ang maiiwan bilang alipin at silang lahat ay makaaalis na.—Genesis 44:2-17.
Sa malungkot na tinig, sumagot si Juda: “Siya na lamang ang naiwan ng kaniyang ina, at minamahal siya ng kaniyang ama.” Tiyak na naantig ng mga salitang ito si Jose, dahil siya ang nakatatandang anak ni Jacob sa minamahal niyang si Raquel, na namatay sa panganganak kay Benjamin. Gaya ng kaniyang ama, tiyak na mahal na mahal din ni Jose si Raquel. Marahil ito ang dahilan kung bakit mas mahal ni Jose si Benjamin.—Genesis 35:18-20; 44:20.
Nakiusap pa rin si Juda kay Jose na huwag gawing alipin si Benjamin. Sinabi pa nga niyang siya na lang ang gawing alipin sa halip na si Benjamin. Sa huli, malungkot niyang sinabi: “Paano ako makaaahon sa aking ama nang hindi ko kasama ang bata, dahil baka makita ko pa ang kapahamakan na sasapitin ng aking ama?” (Genesis 44:18-34) Isa nga itong ebidensiya na nagbago na si Juda! Hindi lang siya nagpakita ng pagsisisi kundi kahanga-hanga rin ang ipinakita niyang empatiya, malasakit, at habag.
Hindi na makapagpigil si Jose. Parang sasabog ang dibdib niya! Matapos palabasin ang lahat ng tagapaglingkod niya, umiyak siya nang napakalakas anupat narinig iyon hanggang sa palasyo ni Paraon. Sa wakas, nagpakilala na siya: “Ako ay si Jose na inyong kapatid.” Niyakap niya ang natigilan niyang mga kapatid at may-kabaitang pinatawad ang lahat ng ginawa nila sa kaniya. (Genesis 45:1-15) Ipinakita niya ang saloobin ni Jehova, na saganang nagpapatawad. (Awit 86:5) Ganoon din ba tayo?
(Genesis 44:33, 34) Kaya ngayon, pakiusap, panginoon ko, ako na lang ang gawin mong alipin imbes na ang kapatid ko, para makauwi siya kasama ng mga kapatid niya. 34 Paano ako makababalik sa ama ko nang hindi siya kasama? Hindi ko kakayaning makitang nagdurusa ang ama ko!”
(Genesis 45:4, 5) Kaya sinabi ni Jose sa mga kapatid niya: “Lumapit kayo sa akin, pakisuyo.” At lumapit sila sa kaniya. Pagkatapos, sinabi niya: “Ako ang kapatid ninyong si Jose, na ibinenta ninyo sa Ehipto. 5 Pero huwag na kayong mag-alala o magsisihan na ibinenta ninyo ako; dahil isinugo ako ng Diyos sa unahan ninyo para magligtas ng buhay.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Genesis 44:13) Kaya pinunit nila ang kanilang mga damit, at muli nilang isinakay sa kani-kaniyang asno ang mga dala nila at bumalik sila sa lunsod.
it-2 595
Paghapak sa mga Kasuutan
Isang pangkaraniwang tanda ng pamimighati ng mga Judio, at maging ng iba pang mga taga-Silangan, lalo na kapag narinig nila na namatay ang isang malapit na kamag-anak. Sa maraming kaso ng paghapak sa kasuutan, ang pinupunit lamang ay ang harapang bahagi nito upang mahantad ang dibdib, sa gayon ay hindi naman lubusang hinahapak ang kasuutan anupat hindi na ito maaaring isuot.
Sa Bibliya, ang unang napaulat na nagsagawa ng kaugaliang ito ay si Ruben, panganay na anak ni Jacob; noong bumalik siya at hindi niya nakita si Jose sa balon, hinapak niya ang kaniyang mga kasuutan, na sinasabi: “Ang bata ay wala na! At ako—saan nga ako paroroon?” Bilang panganay, si Ruben ang partikular na may pananagutan sa kaniyang nakababatang kapatid. Ang kaniyang amang si Jacob naman, nang sabihan na diumano’y namatay ang kaniyang anak, ay naghapak din ng kaniyang mga balabal at nagsuot ng telang-sako bilang pagdadalamhati (Gen 37:29, 30, 34); at sa Ehipto, nang palabasin na isang magnanakaw si Benjamin, ipinakita ng mga kapatid sa ama ni Jose ang kanilang pamimighati sa pamamagitan ng paghapak sa kanilang mga kasuutan.—Gen 44:13.
(Genesis 45:5-8) Pero huwag na kayong mag-alala o magsisihan na ibinenta ninyo ako; dahil isinugo ako ng Diyos sa unahan ninyo para magligtas ng buhay. 6 Ito ang ikalawang taon ng taggutom sa lupa, at mayroon pang limang taon na walang mag-aararo o mag-aani. 7 Pero isinugo ako ng Diyos sa unahan ninyo para maingatan ang inyong angkan sa lupa at manatili kayong buháy sa pamamagitan ng isang kahanga-hangang pagliligtas. 8 Kaya hindi kayo ang nagsugo sa akin dito, kundi ang tunay na Diyos, para maatasan niya akong punong tagapayo ng Paraon at panginoon sa buong sambahayan nito at pinuno sa buong lupain ng Ehipto.
Kinapopootan Nang Walang Dahilan
15 Ano ang makatutulong upang hindi tayo malipos ng paghihinanakit sa mga napopoot sa atin nang walang dahilan? Tandaan na ang ating pangunahing mga kaaway ay si Satanas at ang mga demonyo. (Efeso 6:12) Bagaman kusa at sinasadya tayong pinag-uusig ng ilang tao, marami sa mga sumasalansang sa bayan ng Diyos ang gumagawa nito dahil sa kawalang-alam o pagmamanipula ng iba. (Daniel 6:4-16; 1 Timoteo 1:12, 13) Nais ni Jehova na “lahat ng uri ng mga tao” ay magkaroon ng pagkakataong “maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Timoteo 2:4) Sa katunayan, ang ilang dating mga mananalansang ay mga Kristiyanong kapatid na natin ngayon dahil naobserbahan nila ang ating walang-kapintasang paggawi. (1 Pedro 2:12) Karagdagan pa, maaari tayong matuto mula sa halimbawa ng anak ni Jacob na si Jose. Bagaman nagdusa nang malaki si Jose dahil sa kaniyang mga kapatid sa ama, hindi siya nagkimkim ng poot sa kanila. Bakit? Dahil naunawaan niya na kasangkot si Jehova sa bagay na iyon, anupat minamaniobra ang mga pangyayari upang matupad ang Kaniyang layunin. (Genesis 45:4-8) Maaari ring pangyarihin ni Jehova na magdulot ng kaluwalhatian sa kaniyang pangalan ang anumang di-makatarungang pagdurusa na puwede nating danasin.—1 Pedro 4:16.
Pagbabasa ng Bibliya
(Genesis 45:1-15) Dahil dito, hindi na mapigil ni Jose ang kaniyang damdamin sa harap ng lahat ng lingkod niya. Kaya sumigaw siya: “Palabasin ninyo ang lahat!” Walang ibang naiwan kasama ni Jose habang nagpapakilala siya sa mga kapatid niya. 2 At umiyak siya nang napakalakas kaya narinig iyon ng mga Ehipsiyo at ng sambahayan ng Paraon. 3 Sa wakas, sinabi ni Jose sa mga kapatid niya: “Ako si Jose. Buháy pa ba ang ama ko?” Pero hindi makasagot ang mga kapatid niya dahil gulat na gulat sila. 4 Kaya sinabi ni Jose sa mga kapatid niya: “Lumapit kayo sa akin, pakisuyo.” At lumapit sila sa kaniya. Pagkatapos, sinabi niya: “Ako ang kapatid ninyong si Jose, na ibinenta ninyo sa Ehipto. 5 Pero huwag na kayong mag-alala o magsisihan na ibinenta ninyo ako; dahil isinugo ako ng Diyos sa unahan ninyo para magligtas ng buhay. 6 Ito ang ikalawang taon ng taggutom sa lupa, at mayroon pang limang taon na walang mag-aararo o mag-aani. 7 Pero isinugo ako ng Diyos sa unahan ninyo para maingatan ang inyong angkan sa lupa at manatili kayong buháy sa pamamagitan ng isang kahanga-hangang pagliligtas. 8 Kaya hindi kayo ang nagsugo sa akin dito, kundi ang tunay na Diyos, para maatasan niya akong punong tagapayo ng Paraon at panginoon sa buong sambahayan nito at pinuno sa buong lupain ng Ehipto. 9 “Bumalik kayo agad sa ama ko, at sabihin ninyo sa kaniya, ‘Ito ang sinabi ng anak mong si Jose: “Inatasan ako ng Diyos bilang panginoon sa buong Ehipto. Pumunta kayo agad dito sa akin. 10 Tumira kayo sa lupain ng Gosen, na malapit sa akin—kayo, kasama ang inyong mga anak, apo, kawan, at bakahan at ang lahat ng pag-aari ninyo. 11 Bibigyan ko kayo ng pagkain doon, dahil limang taon pa ang taggutom. Kung hindi, maghihirap kayo at ang inyong sambahayan, at mawawala ang lahat ng pag-aari ninyo.”’ 12 Nakikita mismo ng inyong mga mata at ng kapatid kong si Benjamin na ako nga ang nakikipag-usap sa inyo. 13 Kaya sabihin ninyo sa aking ama ang tungkol sa lahat ng kaluwalhatian ko sa Ehipto at ang lahat ng nakita ninyo. Magmadali kayo at isama ninyo rito ang aking ama.” 14 Pagkatapos, niyakap niya ang kapatid niyang si Benjamin at umiyak, at niyakap din siya ni Benjamin at umiyak. 15 At hinalikan niya ang lahat ng kapatid niya at umiyak dahil sa kanila, at pagkatapos ay kinausap siya ng mga kapatid niya.
HUNYO 8-14
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | GENESIS 46-47
“Pagkain sa Panahon ng Taggutom”
(Genesis 47:13) At walang pagkain sa buong lupain, dahil napakatindi ng taggutom, at ang mga tao sa lupain ng Ehipto at Canaan ay nanghina dahil sa taggutom.
Pagliligtas ng Buhay sa Panahon ng Taggutom
2 Ang pitong taon ng kasaganaan ay natapos, at ang taggutom ay nagsimula gaya ng inihula ni Jehova—isang taggutom hindi lamang sa Ehipto kundi “sa buong lupa.” Nang ang nagugutom na mga tao sa Ehipto ay magmakaawa kay Faraon para bigyan sila ng tinapay, sinabi ni Faraon sa kanila: “Pumunta kayo kay Jose. Anuman ang kaniyang sabihin sa inyo, gawin ninyo.” Si Jose ay nagbili ng trigo sa mga Ehipsiyo hanggang sa maubos ang kanilang salapi. Nang magkagayo’y kaniyang tinanggap ang kanilang mga hayop bilang kabayaran. Sa wakas, ang mga tao ay lumapit kay Jose, at ang sabi: “Bilhin mo ng tinapay kami at ang aming lupa, at kami at ang aming lupa ay paaalipin kay Faraon.” Kaya’t binili ni Jose ang lahat ng lupa ng mga Ehipsiyo para kay Faraon.—Genesis 41:53-57; 47:13-20.
(Genesis 47:16) Sinabi ni Jose: “Kung ubos na ang pera ninyo, dalhin ninyo ang inyong mga alagang hayop, at bibigyan ko kayo ng pagkain kapalit ng mga iyon.”
(Genesis 47:19, 20) Bakit kailangan kaming mamatay sa harap mo, kami at ang lupain namin? Bilhin mo kami at ang aming lupain kapalit ng pagkain, at kami ay magiging mga alipin ng Paraon at ang lupain namin ay magiging pag-aari niya. Bigyan mo kami ng binhi para mabuhay kami at hindi mamatay at para hindi matiwangwang ang lupain namin.” 20 Kaya binili ni Jose ang lahat ng lupain ng mga Ehipsiyo para sa Paraon dahil ipinagbili ng bawat Ehipsiyo ang kaniyang bukid, dahil napakatindi ng taggutom; at ang lupain ay naging pag-aari ng Paraon.
(Genesis 47:23-25) Pagkatapos, sinabi ni Jose sa mga tao: “Ngayon ay binili ko na kayo at ang lupain ninyo para sa Paraon. Heto ang binhi para sa inyo, at itanim ninyo ito sa lupain. 24 Kapag nagbunga na ito, ibigay ninyo sa Paraon ang ikalimang bahagi, pero sa inyo ang apat na bahagi para may binhi kayong maitanim sa bukid at para maging pagkain ninyo at ng inyong sambahayan at mga anak.” 25 Kaya sinabi nila: “Iniligtas mo ang buhay namin. Malugod sana sa amin ang aming panginoon, at magiging mga alipin kami ng Paraon.”
Isinasakatuparan ng Kaharian ang Kalooban ng Diyos sa Lupa
11 Kasaganaan. Ang buong daigdig ay nakararanas ng espirituwal na taggutom. Nagbabala ang Bibliya: “‘Narito! Dumarating ang mga araw,’ ang sabi ng Soberanong Panginoong Jehova, ‘at magpapasapit ako ng taggutom sa lupain, ng taggutom, hindi sa tinapay, at ng pagkauhaw, hindi sa tubig, kundi sa pagkarinig sa mga salita ni Jehova.’” (Amos 8:11) Magugutom din ba sa espirituwal ang mga sakop ng Kaharian ng Diyos? Inihula ni Jehova ang magiging pagkakaiba ng kaniyang bayan at ng mga kaaway niya: “Ang aking mga lingkod ay kakain, ngunit kayo ay magugutom. Narito! Ang aking mga lingkod ay iinom, ngunit kayo ay mauuhaw. Narito! Ang aking mga lingkod ay magsasaya, ngunit kayo ay mapapahiya.” (Isa. 65:13) Nakikita mo ba ang katuparan ng hulang iyan?
12 Tuloy-tuloy ang pagdaloy sa atin ng espirituwal na paglalaan. Sagana tayo sa salig-Bibliyang mga publikasyon—kasama na ang mga rekording at video, mga pulong at kombensiyon, at mga materyal sa ating website—di-gaya ng sanlibutang ito na gutom na gutom sa espirituwal. (Ezek. 47:1-12; Joel 3:18) Hindi ba’t kamangha-manghang makita sa araw-araw ang kasaganaang ipinangako ni Jehova? Tinitiyak mo ba na regular kang kumakain sa mesa ni Jehova?
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Genesis 46:4) Sasamahan kita sa pagpunta mo sa Ehipto, at ibabalik kita sa lupaing ito, at ipapatong ni Jose ang kamay niya sa mga mata mo.”
Posisyon at Kilos ng Katawan
Pagpapatong ng kamay sa mga mata ng taong namatay. Nang sabihin ni Jehova kay Jacob na “ipapatong ni Jose ang kaniyang kamay sa iyong mga mata” (Gen 46:4), isang paraan ito ng pagsasabi na si Jose ang magpipikit sa mga mata ni Jacob pagkamatay niya, na karaniwan nang tungkulin ng panganay na anak. Kaya waring ipinahihiwatig ni Jehova kay Jacob na ang karapatan sa pagkapanganay ay dapat mapunta kay Jose.—1Cr 5:2.
(Genesis 46:26, 27) Ang lahat ng nagmula kay Jacob at sumama sa kaniya sa Ehipto, bukod pa sa mga asawa ng mga anak ni Jacob, ay 66. 27 Ang mga anak na lalaki ni Jose na isinilang sa Ehipto ay dalawa. Ang lahat ng miyembro ng sambahayan ni Jacob na pumunta sa Ehipto ay 70.
nwtsty study note sa Gaw 7:14
lahat-lahat ay 75: Posibleng hindi sumipi si Esteban ng partikular na teksto sa Hebreong Kasulatan nang sabihin niya na 75 lahat-lahat ang miyembro ng pamilya ni Jacob sa Ehipto. Hindi makikita ang bilang na ito sa tekstong Masoretiko ng Hebreong Kasulatan. Sinasabi sa Gen 46:26: “Ang lahat ng nagmula kay Jacob at sumama sa kaniya sa Ehipto, bukod pa sa mga asawa ng mga anak ni Jacob, ay 66.” Sinasabi naman sa talata 27: “Ang lahat ng miyembro ng sambahayan ni Jacob na pumunta sa Ehipto ay 70.” Dito, binilang ang sambahayan ni Jacob sa dalawang paraan. Sa unang bilang, lumilitaw na ang kasama lang ay ang mga kadugo ni Jacob. Sa ikalawang bilang naman, posibleng binanggit ang kabuoang bilang ng pumunta sa Ehipto. Sa Exo 1:5 at Deu 10:22, “70” rin ang binanggit na bilang ng miyembro ng sambahayan ni Jacob. Kaya lumilitaw na kasama sa bilang na binanggit ni Esteban ang iba pang kamag-anak ni Jacob. Sinasabi ng ilan na kasama rito ang mga anak at apo ng mga anak ni Jose na sina Manases at Efraim, na binanggit sa Gen 46:20 ng Septuagint. Sinasabi naman ng ilan na kasama rito ang mga manugang ni Jacob, na hindi isinama sa bilang na nasa Gen 46:26. Kaya posibleng ang “75” ay ang kabuoang bilang. Pero posible rin na may basehan ang bilang na ito sa mga kopya ng Hebreong Kasulatan na ginagamit noong unang siglo C.E. Matagal nang alam ng mga iskolar na “75” ang bilang na binanggit sa Gen 46:27 at Exo 1:5 sa Griegong Septuagint. Bukod diyan, nitong ika-20 siglo, dalawang piraso mula sa Dead Sea Scroll na naglalaman ng Exo 1:5 sa wikang Hebreo ang natagpuan, at “75” rin ang mababasa sa mga ito. Puwedeng nakuha ni Esteban ang bilang na binanggit niya sa alinman sa mga manuskritong iyon. Anuman ang tama sa mga ito, ipinapakita lang ng bilang na binanggit ni Esteban ang iba pang paraan ng pagbilang sa mga miyembro ng pamilya ni Jacob.
Pagbabasa ng Bibliya
(Genesis 47:1-17) Kaya umalis si Jose at nag-ulat sa Paraon: “Dumating mula sa lupain ng Canaan ang aking ama at mga kapatid at ang kanilang mga kawan, mga bakahan, at ang lahat ng sa kanila, at sila ay nasa lupain ng Gosen.” 2 Isinama niya ang lima sa mga kapatid niya at iniharap sa Paraon. 3 Sinabi ng Paraon sa mga kapatid niya: “Ano ang hanapbuhay ninyo?” Sumagot sila sa Paraon: “Ang iyong mga lingkod ay mga pastol ng tupa, kami at ang mga ninuno namin.” 4 Pagkatapos, sinabi nila sa Paraon: “Pumunta kami rito para manirahan bilang mga dayuhan sa lupain dahil wala nang pastulan para sa kawan ng iyong mga lingkod; matindi ang taggutom sa lupain ng Canaan. Kaya pakisuyo, payagan mong manirahan ang iyong mga lingkod sa lupain ng Gosen.” 5 Dahil dito, sinabi ng Paraon kay Jose: “Pinuntahan ka rito ng iyong ama at mga kapatid. 6 Ang lupain ng Ehipto ay nasa iyong mga kamay. Patirahin mo ang iyong ama at mga kapatid sa pinakamainam na bahagi ng lupain. Patirahin mo sila sa lupain ng Gosen, at kung may alam kang mga lalaking may kakayahan sa kanila, ipagkatiwala mo sa mga ito ang aking hayupan.” 7 Pagkatapos, isinama ni Jose ang ama niyang si Jacob at iniharap sa Paraon, at pinagpala ni Jacob ang Paraon. 8 Tinanong ng Paraon si Jacob: “Ilang taon ka na?” 9 Sinabi ni Jacob sa Paraon: “Ako ay 130 taóng gulang, at sa buong buhay ko ay nagpagala-gala ako. Napakahirap ng mga taon ng buhay ko, at hindi ito kasinghaba ng mga taon ng buhay ng mga ninuno ko na ginugol nila sa pagpapagala-gala.” 10 Pagkatapos, pinagpala ni Jacob ang Paraon at umalis sa harap nito. 11 Kaya pinatira ni Jose ang kaniyang ama at mga kapatid sa lupain ng Ehipto, at binigyan niya sila ng pag-aari dito, sa pinakamainam na bahagi ng lupain, sa lupain ng Rameses, gaya ng iniutos ng Paraon. 12 At patuloy na binigyan ni Jose ng pagkain ang kaniyang ama, mga kapatid, at ang buong sambahayan ng ama niya, ayon sa dami ng kanilang anak. 13 At walang pagkain sa buong lupain, dahil napakatindi ng taggutom, at ang mga tao sa lupain ng Ehipto at Canaan ay nanghina dahil sa taggutom. 14 Kinokolekta ni Jose ang lahat ng pera sa lupain ng Ehipto at Canaan na ibinibigay ng mga tao kapalit ng butil na binibili nila, at patuloy na dinadala ni Jose ang pera sa bahay ng Paraon. 15 Nang maglaon, naubos na ang pera sa lupain ng Ehipto at Canaan, kaya nagpuntahan kay Jose ang lahat ng Ehipsiyo. Sinabi nila: “Bigyan mo kami ng pagkain! Bakit kailangan kaming mamatay sa harap mo dahil sa wala na kaming pera?” 16 Sinabi ni Jose: “Kung ubos na ang pera ninyo, dalhin ninyo ang inyong mga alagang hayop, at bibigyan ko kayo ng pagkain kapalit ng mga iyon.” 17 Kaya dinala nila kay Jose ang kanilang mga alagang hayop, at binibigyan sila ni Jose ng pagkain kapalit ng dinadala nilang mga kabayo, tupa, kambing, baka, at mga asno, at sa loob ng taóng iyon, patuloy niya silang binigyan ng pagkain kapalit ng lahat ng kanilang alagang hayop.
HUNYO 15-21
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | GENESIS 48-50
“Maraming Maituturo ang mga May-edad Na”
(Genesis 48:21, 22) Pagkatapos, sinabi ni Israel kay Jose: “Mamamatay na ako, pero patuloy na sasainyo ang Diyos at tiyak na ibabalik niya kayo sa lupain ng inyong mga ninuno. 22 At kumpara sa mga kapatid mo, tatanggap ka mula sa akin ng isa pang bahagi ng lupain, na kinuha ko mula sa kamay ng mga Amorita sa pamamagitan ng aking espada at pana.”
Jacob
Nang malapit na siyang mamatay, pinagpala ni Jacob ang kaniyang mga apo, ang mga anak ni Jose, at, sa patnubay ng Diyos, inilagay niyang una ang nakababatang si Efraim sa nakatatandang si Manases. Pagkatapos ay sinabi ni Jacob kay Jose, na siyang tatanggap ng dobleng bahagi ng panganay sa mana: “Ibinibigay ko sa iyo ang isang balikat ng lupain na higit kaysa sa iyong mga kapatid, na kinuha ko mula sa kamay ng mga Amorita sa pamamagitan ng aking tabak at sa pamamagitan ng aking busog.” (Gen 48:1-22; 1Cr 5:1) Yamang mapayapa namang binili ni Jacob mula sa mga anak ni Hamor ang lote ng lupa na malapit sa Sikem (Gen 33:19, 20), waring ang pangakong ito kay Jose ay kapahayagan ng pananampalataya ni Jacob, na doo’y inihuhula niya na ang Canaan ay masasakop ng kaniyang mga inapo anupat para bang ito’y naisagawa na ng kaniyang sariling tabak at busog. (Tingnan ang AMORITA.) Ang dobleng bahagi ni Jose sa nasakop na lupaing iyon ay binubuo ng dalawang takdang bahagi na ibinigay sa mga tribo nina Efraim at Manases.
(Genesis 49:1) At tinawag ni Jacob ang mga anak niya at sinabi: “Magtipon-tipon kayo para masabi ko sa inyo kung ano ang mangyayari sa inyo sa hinaharap.
Huling Araw
Hula ni Jacob Bago Siya Mamatay. Nang sabihin ni Jacob sa kaniyang mga anak, “Magpisan kayo upang masabi ko sa inyo kung ano ang mangyayari sa inyo sa huling bahagi ng mga araw” o “sa mga darating na araw” (BSP), tinutukoy niya ang panahon sa hinaharap kung kailan magsisimulang matupad ang kaniyang mga salita. (Gen 49:1) Mahigit na dalawang siglo bago nito, sinabi ni Jehova sa lolo ni Jacob na si Abram (Abraham) na ang kaniyang supling ay daranas ng kapighatian sa loob ng 400 taon. (Gen 15:13) Samakatuwid, sa kasong ito, kailangan munang matapos ang 400 taon ng kapighatian bago magsimula ang panahong tinukoy ni Jacob bilang “huling bahagi ng mga araw.” (Para sa mga detalye ng Genesis 49, tingnan ang mga artikulo tungkol sa mga anak ni Jacob sa ilalim ng kani-kanilang pangalan.) Maaasahan din na ang hulang ito ay magkakaroon ng isa pang katuparan na nauugnay naman sa espirituwal na “Israel ng Diyos.”—Gal 6:16; Ro 9:6.
(Genesis 50:24, 25) Nang maglaon, sinabi ni Jose sa mga kapatid niya: “Mamamatay na ako, pero tiyak na tutulungan kayo ng Diyos at ilalabas kayo mula sa lupaing ito para dalhin sa lupaing ipinangako niya kina Abraham, Isaac, at Jacob.” 25 Kaya pinasumpa ni Jose ang mga anak ni Israel at sinabi: “Tiyak na tutulungan kayo ng Diyos. Ilabas ninyo rito ang mga buto ko.”
Mga May-edad Na—Pagpapala sa mga Nakababata
10 Mabuting impluwensiya rin ang mga may-edad na sa kanilang mga kapananampalataya. Noong matanda na si Jose na anak ni Jacob, may ginawa siya na nagpakita ng kaniyang pananampalataya at nagkaroon ng malaking epekto sa milyun-milyong mananamba ng tunay na Diyos na nabuhay pagkamatay niya. Siya ay 110 taóng gulang noong ‘magbigay siya ng utos may kinalaman sa kaniyang mga buto,’ na kapag umalis na ang mga Israelita sa Ehipto, dadalhin nila ang kaniyang mga buto. (Hebreo 11:22; Genesis 50:25) Ang utos na ito ay nagbigay sa Israel ng isang dahilan para umasa na tiyak na mapalalaya sila sa napakatagal na pang-aalipin pagkamatay ni Jose.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Genesis 49:19) “Kung tungkol kay Gad, sasalakayin siya ng isang grupo ng mga mandarambong, pero sasalakayin niya sila sa kanilang mga sakong.
Pinagpapala ang mga Nagbibigay ng Kaluwalhatian sa Diyos
4 Bago pumasok sa Lupang Pangako, hiniling ng mga miyembro ng tribo ni Gad ng Israel na pahintulutan silang manirahan sa silangan ng Jordan sa isang lugar na angkop maging pastulan. (Bilang 32:1-5) Ang pagtira roon ay mangangahulugan ng pagharap sa matitinding hamon. Magiging proteksiyon ng mga tribo sa kanluran ang Libis ng Jordan—isang likas na balakid sa militar na pagsalakay. (Josue 3:13-17) Gayunman, hinggil sa mga lupain sa silangan ng Jordan, ganito ang sinabi ng The Historical Geography of the Holy Land, ni George Adam Smith: “Patag lahat [ang mga lupain], at halos walang makikitang sagabal, sa taas ng malaking talampas ng Arabia. Dahil dito, ang mga ito ay palaging nakahantad sa pagsalakay ng gutóm na mga taong pagala-gala, anupat taun-taon ay dinudumog ng mga taong ito ang mga lupain upang manginain ang kanilang mga kawan.”
5 Paano kaya haharapin ng tribo ni Gad ang gayong walang-lubay na panggigipit? Maraming siglo bago nito, noong malapit na siyang mamatay, inihula ng kanilang ninuno na si Jacob: “Kung tungkol kay Gad, isang pangkat ng mandarambong ang lulusob sa kaniya, ngunit lulusubin niya ang pinakahulihan.” (Genesis 49:19) Sa unang tingin, waring nakapanlulumo ang mga salitang iyon. Subalit ang totoo, nagpapahiwatig ito ng utos na lumaban ang mga Gadita. Tiniyak sa kanila ni Jacob na kapag ginawa nila ito, uurong sa kahiya-hiyang paraan ang mga manlulusob, habang hinahabol sila ng mga Gadita sa kanilang pinakahulihan.
(Genesis 49:27) “Si Benjamin ay patuloy na manlalapa na tulad ng lobo. Kakainin niya sa umaga ang nahuling hayop, at hahatiin niya sa gabi ang samsam.”
Benjamin
Ang kakayahan ng mga inapo ni Benjamin sa pakikipaglaban ay inilarawan sa hula ni Jacob nang mamamatay na siya, kung saan sinabi niya tungkol sa minamahal na anak na ito: “Si Benjamin ay patuloy na manlalapa na tulad ng lobo. Sa umaga ay kakainin niya ang hayop na hinuli at sa gabi ay hahatiin niya ang samsam.” (Gen 49:27) Ang mga Benjamitang mandirigma ay kilalá sa kanilang kakayahan sa paggamit ng panghilagpos, anupat nagpapahilagpos ng mga bato na ginagamit ang alinman sa kanang kamay o kaliwa at hindi sumasala sa tudlaan “gabuhok man.” (Huk 20:16; 1Cr 12:2) Ang kaliweteng si Hukom Ehud, na pumatay sa mapaniil na si Haring Eglon, ay mula sa Benjamin. (Huk 3:15-21) Mapapansin din na “sa umaga” ng kaharian ng Israel, ang tribo ni Benjamin, bagaman isa “sa pinakamaliit sa mga tribo,” ang siyang pinagmulan ng unang hari ng Israel, si Saul na anak ni Kis, na napatunayang isang masigasig na mandirigma laban sa mga Filisteo. (1Sa 9:15-17, 21) Gayundin sa panahon ng “gabi” sa kasaysayan ng bansang Israel, si Reyna Esther at ang punong ministrong si Mardokeo, na kapuwa nagmula sa tribo ni Benjamin, ang naging mga instrumento upang mailigtas ang mga Israelita mula sa pagkalipol sa ilalim ng Imperyo ng Persia.—Es 2:5-7.
Pagbabasa ng Bibliya
(Genesis 49:8-26) “Kung tungkol sa iyo, Juda, pupurihin ka ng mga kapatid mo. Hahawakan mo sa leeg ang mga kaaway mo. Ang mga anak ng iyong ama ay yuyukod sa iyo. 9 Si Juda ay isang anak ng leon. Anak ko, tiyak na kakainin mo ang iyong nasila at babangon ka. Siya ay hihiga at magpapahinga na gaya ng leon, at gaya sa leon, sino ang mangangahas na gumising sa kaniya? 10 Ang setro ay hindi hihiwalay kay Juda, at ang baston ng kumandante ay hindi maaalis sa pagitan ng mga paa niya, hanggang sa dumating ang Shilo, at magiging masunurin dito ang mga bayan. 11 Itatali niya ang asno niya sa punong ubas at ang anak ng kaniyang asno sa piling punong ubas, at lalabhan niya ang damit niya sa alak at ang kasuotan niya sa katas ng ubas. 12 Pulang-pula ang mga mata niya dahil sa alak, at maputi ang mga ngipin niya dahil sa gatas. 13 “Si Zebulon ay titira sa tabi ng dagat, sa baybayin kung saan nakadaong ang mga barko, at ang hangganan niya ay papunta sa direksiyon ng Sidon. 14 “Si Isacar ay isang asnong matitibay ang buto, na humihiga habang nasa likod nito ang dalawang lalagyang nakakabit sa síya. 15 At makikita niya na mabuti ang lugar na pagpapahingahan niya at na maganda ang lupain. Ibababa niya ang balikat niya para dalhin ang pasan at magpapasailalim siya sa puwersahang pagtatrabaho. 16 “Si Dan, na isa sa mga tribo ni Israel, ay hahatol sa bayan niya. 17 Si Dan nawa ay maging isang ahas sa tabing-daan, isang may-sungay na ahas sa tabi ng daan, na nanunuklaw ng mga sakong ng kabayo kaya nahuhulog sa likuran ang sakay nito. 18 Maghihintay ako ng kaligtasan mula sa iyo, O Jehova. 19 “Kung tungkol kay Gad, sasalakayin siya ng isang grupo ng mga mandarambong, pero sasalakayin niya sila sa kanilang mga sakong. 20 “Ang tinapay ni Aser ay magiging sagana, at maglalaan siya ng pagkaing bagay sa isang hari. 21 “Si Neptali ay isang maliksing babaeng usa. Bumibigkas siya ng marikit na pananalita. 22 “Si Jose ay sanga ng isang mabungang puno, isang mabungang puno sa tabi ng bukal, na ang mga sanga ay lumalampas sa pader. 23 Pero patuloy siyang nililigalig ng mga mamamanà at pinana nila siya at patuloy silang nagkikimkim ng galit sa kaniya. 24 Pero laging matatag na nakaposisyon ang kaniyang pana, at ang mga kamay niya ay nanatiling malakas at maliksi. Ito ay mula sa mga kamay ng makapangyarihang isa ni Jacob, mula sa pastol, ang bato ni Israel. 25 Siya ay mula sa Diyos ng kaniyang ama, at tutulungan siya ng Diyos, at siya ay kasama ng Makapangyarihan-sa-Lahat, at bibigyan siya ng Diyos ng mga pagpapala mula sa langit sa itaas at ng mga pagpapala mula sa malalim na katubigan, at pagpapalain siya ng maraming anak at alagang hayop. 26 Ang mga pagpapala ng kaniyang ama ay makahihigit pa sa mabubuting bagay ng walang-hanggang mga bundok at sa kagandahan ng matatagal nang burol. Ang mga iyon ay mananatili sa ulo ni Jose, sa ibabaw ng ulo ng isa na pinili mula sa mga kapatid niya.
HUNYO 22-28
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | EXODUS 1-3
“Ako ay Magiging Anuman na Piliin Ko”
(Exodo 3:13) Pero sinabi ni Moises sa tunay na Diyos: “Kung puntahan ko ang mga Israelita at sabihin kong ‘Isinugo ako sa inyo ng Diyos ng inyong mga ninuno,’ at sabihin nila sa akin, ‘Ano ang pangalan niya?’ ano ang isasagot ko sa kanila?”
Parangalan ang Dakilang Pangalan ni Jehova
4 Basahin ang Exodo 3:10-15. Nang 80 anyos na si Moises, inutusan siya ng Diyos: “Ilabas mo mula sa Ehipto ang aking bayan na mga anak ni Israel.” Magalang na tumugon si Moises, anupat sa diwa ay itinanong niya: ‘Ano po ang pangalan ninyo’? Yamang matagal nang alam ng mga tao ang pangalan ng Diyos, bakit itinanong pa ito ni Moises? Lumilitaw na gusto niyang malaman kung anong uri ng Diyos si Jehova. Gusto niyang makumbinsi ang mga Israelita na talagang ililigtas sila ng Diyos. Natural lang na mabahala si Moises dahil matagal nang inaalipin ang mga Israelita. Malamang na pinag-aalinlangan nila kung makakaya silang iligtas ng Diyos ng kanilang mga ninuno. Sa katunayan, may mga Israelita na nagsimula nang sumamba sa mga diyos ng Ehipto!—Ezek. 20:7, 8.
(Exodo 3:14) Sinabi ng Diyos kay Moises: “Ako ay Magiging Anuman na Piliin Ko.” Idinagdag pa niya: “Ito ang sasabihin mo sa mga Israelita, ‘Isinugo ako sa inyo ni Ako ay Magiging.’”
kr 43, kahon
ANG KAHULUGAN NG PANGALAN NG DIYOS
ANG pangalang Jehova ay mula sa pandiwang Hebreo na nangangahulugang “maging.” Iniisip ng ilang iskolar na ang pagkakagamit sa pandiwang iyon ay nasa anyong causative. Kaya para sa marami, ang ibig sabihin ng pangalan ng Diyos ay “Pinangyayari Niyang Maging Gayon.” Bagay na bagay ang kahulugang ito sa papel ni Jehova bilang Maylalang. Pinangyari niyang umiral ang uniberso at matatalinong nilalang, at patuloy siyang kumikilos para mangyari ang kaniyang kalooban at layunin.
Kung gayon, paano natin uunawain ang sagot ni Jehova sa tanong ni Moises sa Exodo 3:13, 14? Sinabi ni Moises: “Sakaling pumaroon ako ngayon sa mga anak ni Israel at sabihin ko sa kanila, ‘Isinugo ako sa inyo ng Diyos ng inyong mga ninuno,’ at sabihin nila sa akin, ‘Ano ang pangalan niya?’ Ano ang sasabihin ko sa kanila?” Sumagot si Jehova: “Ako ay Magiging Gayon sa Anumang Ako ay Magiging Gayon.”
Pansinin na hindi pangalan ni Jehova ang gustong malaman ni Moises. Alam na alam na niya at ng mga Israelita ang pangalan ng Diyos. Gusto ni Moises na magsiwalat si Jehova ng isang bagay na nakapagpapalakas ng pananampalataya tungkol sa kaniyang pagka-Diyos, isang bagay na makikita rin sa kahulugan ng kaniyang pangalan. Kaya nang sabihin niyang “Ako ay Magiging Gayon sa Anumang Ako ay Magiging Gayon,” isinisiwalat ni Jehova ang isang napakagandang aspekto ng kaniyang pagka-Diyos: Sa bawat sitwasyon, kaya niyang maging anuman na kailangan para matupad ang kaniyang layunin. Halimbawa, para kay Moises at sa mga Israelita, si Jehova ay naging Tagapagligtas, Tagapagbigay-Kautusan, Tagapaglaan—at marami pang iba. Kaya lumilitaw na si Jehova ay may kakayahang maging anuman na kailangan para matupad ang kaniyang mga pangako sa kaniyang bayan. Pero hindi limitado ang kahulugan ng pangalang Jehova sa mga papel na ginagampanan niya. Kasama rito ang ideya na ang kaniyang mga nilalang ay pinangyayari niyang maging anuman na kinakailangan para matupad ang kaniyang layunin.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Exodo 2:10) Nang lumaki na ang bata, dinala ito ng babae sa anak ng Paraon, at naging anak niya ito. Pinangalanan niya itong Moises at sinabi: “Dahil hinango ko siya sa tubig.”
Moises—Tunay o Alamat?
Subalit malayo bang magkatotoo na kukupkupin ng isang prinsesang Ehipsiyo ang batang iyon? Hindi, sapagkat itinuturo ng relihiyon sa Ehipto na ang mga gawa ng kabaitan ay isang kahilingan para makapasok sa langit. May kinalaman sa pag-aampon mismo, ganito ang sinabi ng arkeologong si Joyce Tyldesley: “Magkapantay ang mga babaing Ehipsiyo at mga lalaking Ehipsiyo. Nagtamasa sila ng magkatulad na mga karapatan sa batas at ekonomiya, kahit man lamang sa teoriya, at . . . ang kababaihan ay makapag-aampon.” Iniulat pa nga ng isang sinaunang papiro ang pag-aampon ng isang babaing Ehipsiyo sa kaniyang mga alipin. May kinalaman sa pag-upa sa ina ni Moises para magsilbing nagpapasusong tagapag-alaga, ganito ang sabi ng The Anchor Bible Dictionary: “Ang pagbabayad sa tunay na ina ni Moises para mag-alaga sa kaniya . . . ay nakakatulad ng mga kaayusan sa mga kontrata ng pag-aampon sa Mesopotamia.”
(Exodo 3:1) Si Moises ay naging pastol ng kawan ng biyenan niyang si Jetro, na saserdote ng Midian. Habang inaakay niya ang kawan sa bandang kanluran ng ilang, nakarating siya sa bundok ng tunay na Diyos, sa Horeb.
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Exodo
3:1—Anong uri ng saserdote si Jetro? Noong panahon ng mga patriyarka, ang ulo ng pamilya ang nagsisilbing saserdote para sa kaniyang pamilya. Maliwanag na si Jetro ang pinakaulong patriyarka sa isang tribo ng mga Midianita. Yamang ang mga Midianita ay mga inapo ni Abraham kay Ketura, marahil ay may nalalaman sila sa pagsamba kay Jehova.—Genesis 25:1, 2.
Pagbabasa ng Bibliya
(Exodo 2:11-25) Nang mga panahong iyon, nang maging adulto na si Moises, lumabas siya para malaman kung gaano kabigat ang trabahong ipinagagawa sa mga kapatid niyang Hebreo, at nakita niya ang isang Ehipsiyo na sinasaktan ang isa sa mga ito. 12 Kaya tumingin siya sa paligid, at nang makita niyang walang tao, pinatay niya ang Ehipsiyo at ibinaon sa buhanginan. 13 Pero kinabukasan, lumabas ulit siya at nakita ang dalawang lalaking Hebreo na nag-aaway. Kaya sinabi niya sa may kasalanan: “Bakit mo sinasaktan ang kasama mo?” 14 Sumagot ito: “Sino ang nag-atas sa iyo na maging prinsipe at hukom namin? Papatayin mo rin ba ako gaya ng ginawa mo sa Ehipsiyo?” Kaya natakot si Moises at nagsabi: “Alam na nila!” 15 Nabalitaan ito ng Paraon, at tinangka niyang patayin si Moises; pero tumakas si Moises sa Paraon at pumunta sa Midian. Umupo siya doon sa tabi ng isang balon. 16 Ang saserdote ng Midian ay may pitong anak na babae, at dumating sila para sumalok ng tubig at punuin ang painuman para sa kawan ng ama nila. 17 Pero gaya ng dati, dumating ang mga pastol at itinaboy sila. Kaya tumayo si Moises at tinulungan ang mga babae at pinainom ang kawan nila. 18 Pag-uwi nila, sinabi ng ama nilang si Reuel: “Bakit maaga kayong nakauwi ngayon?” 19 Sumagot sila: “Ipinagtanggol kami ng isang Ehipsiyo laban sa mga pastol, at ipinagsalok pa niya kami ng tubig at pinainom ang kawan.” 20 Sinabi niya sa mga anak niya: “Nasaan na siya? Bakit ninyo iniwan ang lalaki? Tawagin ninyo siya para makakain siya kasama natin.” 21 Pagkatapos nito, pumayag si Moises na manirahang kasama niya, at ibinigay niya kay Moises bilang asawa ang anak niyang si Zipora. 22 Nang maglaon, nanganak ang asawa ni Moises ng isang lalaki na pinangalanan niyang Gersom, dahil sinabi niya, “Tumira ako sa isang banyagang lupain.” 23 Makalipas ang mahabang panahon, namatay ang hari ng Ehipto, pero ang mga Israelita ay patuloy na dumaraing at nagrereklamo dahil sa pagkaalipin, at ang paghingi nila ng tulong ay laging nakakarating sa tunay na Diyos. 24 Nang maglaon, dininig ng Diyos ang pagdaing nila, at inalaala ng Diyos ang kaniyang tipan kina Abraham, Isaac, at Jacob. 25 Kaya binigyang-pansin ng Diyos ang mga Israelita at nakita ang paghihirap nila.
HUNYO 29–HULYO 5
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | EXODO 4-5
“Ako ay Sasaiyo Habang Nagsasalita Ka”
(Exodo 4:10) Sinabi ngayon ni Moises kay Jehova: “Ipagpaumanhin mo, Jehova, pero hindi talaga ako magaling magsalita, mula noon at kahit pagkatapos mong kausapin ang iyong lingkod, dahil mabagal akong magsalita at pilipit ang dila ko.”
(Exodo 4:13) Pero sinabi niya: “Pagpaumanhinan mo ako, Jehova. Pakisuyo, pumili ka ng iba na gusto mong isugo.”
Pagbibigay ng Dahilan—Ano ang Pangmalas Dito ni Jehova?
“Hindi ko kaya.” Baka nadarama mong hindi ka kuwalipikadong maging ministro ng mabuting balita. Nadama ng ilang tapat na lingkod ni Jehova noon na hindi nila kayang gampanan ang mga atas na ibinigay sa kanila ni Jehova. Isa na rito si Moises. Nang may iatas sa kaniya si Jehova, sinabi niya: “Pagpaumanhinan mo ako, Jehova, ngunit hindi ako bihasang tagapagsalita, kahit kahapon man ni bago pa niyaon ni mula nang magsalita ka sa iyong lingkod, sapagkat mabagal ang aking bibig at mabagal ang aking dila.” Kahit pinatibay na siya ni Jehova, sinabi pa rin niya: “Pagpaumanhinan mo ako, Jehova, magsugo ka na lamang, pakisuyo, sa pamamagitan ng kamay niyaong isusugo mo.” (Ex. 4:10-13) Ano ang reaksiyon ni Jehova?
(Exodo 4:11, 12) Sinabi ni Jehova: “Sino ang gumawa ng bibig para sa mga tao, o sino ang may kakayahang gawin silang pipi, bingi, malinaw ang paningin, o bulag? Hindi ba akong si Jehova? 12 Kaya kumilos ka na, at ako ay sasaiyo habang nagsasalita ka, at ituturo ko sa iyo ang dapat mong sabihin.”
Nakikita Mo ba ang “Isa na Di-nakikita”?
5 Bago bumalik si Moises sa Ehipto, itinuro sa kaniya ng Diyos ang isang mahalagang simulain, na iniulat ni Moises nang maglaon sa aklat ng Job: “Ang pagkatakot kay Jehova—iyon ang karunungan.” (Job 28:28) Para matulungan si Moises na malinang ang gayong pagkatakot at kumilos nang may karunungan, ipinakita ni Jehova na nakahihigit siya sa mga tao bilang ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Nagtanong Siya: “Sino ang gumawa ng bibig ng tao o sino ang gumagawa ng isang pipi o ng bingi o ng may malinaw na paningin o ng bulag? Hindi ba akong si Jehova?”—Ex. 4:11.
6 Ano ang aral? Hindi dapat matakot si Moises. Isinugo siya ni Jehova, na magbibigay sa kaniya ng anumang kailangan niya para maihatid ang mensahe ng Diyos kay Paraon. Isa pa, walang kalaban-laban si Paraon kay Jehova. Kung tutuusin, hindi ito ang unang pagkakataon na nanganib ang mga lingkod ng Diyos sa ilalim ng pamamahala ng mga Ehipsiyo. Marahil ay binulay-bulay ni Moises kung paano pinrotektahan ni Jehova sina Abraham, Jose, at maging siya mismo noong namamahala ang naunang mga Paraon. (Gen. 12:17-19; 41:14, 39-41; Ex. 1:22–2:10) Dahil nanampalataya si Moises kay Jehova, “ang Isa na di-nakikita,” buong-tapang siyang humarap kay Paraon at inihayag ang lahat ng ipinasasabi ni Jehova.
(Exodo 4:14, 15) Kaya galit na galit si Jehova kay Moises, at sinabi Niya: “Hindi ba kapatid mo si Aaron na Levita? Alam kong napakahusay niyang magsalita. At paparating na siya para makita ka. Kapag nakita ka niya, tiyak na magsasaya siya. 15 Kausapin mo siya at sabihin mo sa kaniya ang mga sinabi ko, at ako ay sasainyo habang nagsasalita kayo, at ituturo ko sa inyo ang dapat ninyong gawin.
Pagbibigay ng Dahilan—Ano ang Pangmalas Dito ni Jehova?
Hindi tinanggap ni Jehova ang dahilan ni Moises. Gayunman, inatasan niya si Aaron na tulungan si Moises. (Ex. 4:14-17) Bukod diyan, noong sumunod na mga taon, inilaan ni Jehova kay Moises ang lahat ng kailangan niya para magampanan ang kaniyang mga atas. Makaaasa ka rin ngayon na pakikilusin ni Jehova ang makaranasang mga kapatid para tulungan ka sa ministeryo. Higit sa lahat, tinitiyak sa atin ng Bibliya na tutulungan tayo ni Jehova na maging kuwalipikado sa gawaing iniutos niya sa atin.—2 Cor. 3:5; tingnan ang kahong “Ang Pinakamaliligayang Taon sa Buhay Ko.”
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Exodo 4:24-26) Nang huminto sila sa isang lugar para magpahinga sa paglalakbay, sinalubong siya ni Jehova at naghanap ng paraan para patayin siya. 25 Kaya kumuha si Zipora ng matalas na bato, tinuli ang anak niya, idinikit sa mga paa nito ang dulong-balat, at sinabi: “Dahil ikaw ay isang kasintahang lalaki ng dugo sa akin.” 26 Kaya hinayaan na Niya ito. Sinabi niya nang pagkakataong iyon, “isang kasintahang lalaki ng dugo,” dahil sa pagtutuli.
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Hindi karaniwan ang pananalita ni Zipora na “ikaw ay isang kasintahang lalaki ng dugo sa akin.” Ano ang ipinahihiwatig nito hinggil sa kaniya? Sa pamamagitan ng pagtupad niya sa mga kahilingan ng tipan sa pagtutuli, kinilala ni Zipora na may pakikipagtipan siya kay Jehova. Ipinakita ng tipang Kautusan na ipinakipagtipan nang maglaon sa mga Israelita na sa isang pakikipagtipan, maaaring ituring na asawang lalaki si Jehova at asawang babae naman ang turing sa nakikipagtipan sa Kaniya. (Jeremias 31:32) Kaya naman, sa pagtukoy kay Jehova (sa pamamagitan ng kaniyang kinatawang anghel) bilang “isang kasintahang lalaki ng dugo,” waring kinikilala ni Zipora ang kaniya mismong pagpapasakop sa mga kahilingan ng tipang iyon. Para bang tinanggap niya ang posisyon bilang asawang babae sa tipan sa pagtutuli, na ang asawang lalaki ay ang Diyos na Jehova. Anuman ang nangyari, dahil sa kaniyang dagliang pagsunod sa kahilingan ng Diyos, ang buhay ng kaniyang anak ay hindi na nanganib.
(Exodo 5:2) Pero sinabi ng Paraon: “Sino si Jehova para sundin ko ang tinig niya at payagang umalis ang Israel? Hindi ko kilala si Jehova, at isa pa, hindi ko papayagang umalis ang Israel.”
Jehova
Samakatuwid, ang “pagkakilala” ay hindi laging nangangahulugan ng simpleng pagkakilala o pagkakaroon ng kaalaman sa isang bagay o isang indibiduwal. Alam ng mangmang na si Nabal ang pangalan ni David ngunit itinanong pa rin niya, “Sino si David?” anupat sa diwa ay itinatanong niya, “Importanteng tao ba siya?” (1Sa 25:9-11; ihambing ang 2Sa 8:13.) Sa gayunding paraan, sinabi ni Paraon kay Moises: “Sino si Jehova, anupat susundin ko ang kaniyang tinig upang payaunin ang Israel? Hindi ko kilala si Jehova at, isa pa, hindi ko payayaunin ang Israel.” (Exo 5:1, 2) Sa sinabi niyang iyon, maliwanag na ang ibig sabihin ni Paraon ay na hindi niya kilala si Jehova bilang ang tunay na Diyos o bilang may awtoridad sa hari ng Ehipto at sa mga ginagawa nito, ni kilala man niya Siya bilang may kapangyarihan upang ipatupad ang Kaniyang kalooban gaya ng ipinahayag nina Moises at Aaron. Ngunit ngayon ay malalaman ni Paraon at ng buong Ehipto, pati ng mga Israelita, ang tunay na kahulugan ng pangalang iyon, samakatuwid nga, kung sino ang personang kinakatawanan nito. Gaya ng ipinakita ni Jehova kay Moises, ito ang magiging resulta ng pagtupad ng Diyos sa Kaniyang layunin sa Israel, anupat palalayain sila, ibibigay sa kanila ang Lupang Pangako, at sa gayon ay tutuparin ang Kaniyang tipan sa kanilang mga ninuno. Sa ganitong paraan, gaya ng sinabi ng Diyos, “Tiyak na makikilala ninyo na ako ay si Jehova na inyong Diyos.”—Exo 6:4-8; tingnan ang MAKAPANGYARIHAN-SA-LAHAT.
Pagbabasa ng Bibliya
(Exodo 4:1-17) Pero sumagot si Moises: “Paano kung hindi sila maniwala at makinig sa akin, at sabihin nilang ‘Hindi nagpakita sa iyo si Jehova’?” 2 Sinabi ni Jehova: “Ano ang nasa kamay mo?” Sumagot siya: “Tungkod.” 3 Sinabi ng Diyos: “Ihagis mo iyan sa lupa.” Kaya inihagis niya ito sa lupa at naging ahas ito; at napaurong si Moises. 4 Sinabi ngayon ni Jehova kay Moises: “Iunat mo ang kamay mo at hawakan mo iyon sa buntot.” Kaya iniunat niya ang kamay niya at hinawakan iyon, at naging tungkod ulit iyon. 5 At sinabi ng Diyos: “Gawin mo ito para maniwala sila na nagpakita sa iyo si Jehova na Diyos ng kanilang mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob.” 6 Sinabi pa ni Jehova: “Pakisuyo, ipasok mo ang kamay mo sa tupi sa bandang itaas ng damit mo.” Kaya ipinasok niya ang kamay niya sa tupi ng damit niya. Nang ilabas niya iyon, nagkaketong iyon na kasimputi ng niyebe! 7 Sinabi Niya: “Ipasok mo ulit ang kamay mo sa tupi sa bandang itaas ng damit mo.” Kaya ipinasok niya ulit ang kaniyang kamay sa damit niya. Nang ilabas niya iyon, bumalik ito sa dati! 8 Sinabi Niya: “Kung hindi sila maniwala sa iyo o magbigay-pansin sa unang tanda, tiyak na maniniwala sila sa pangalawang tanda. 9 Pero kung hindi pa rin sila maniwala sa dalawang tandang ito at ayaw pa rin nilang makinig sa tinig mo, kumuha ka ng tubig sa Ilog Nilo at ibuhos mo iyon sa tuyong lupa, at ang tubig na kinuha mo sa Nilo ay magiging dugo sa tuyong lupa.” 10 Sinabi ngayon ni Moises kay Jehova: “Ipagpaumanhin mo, Jehova, pero hindi talaga ako magaling magsalita, mula noon at kahit pagkatapos mong kausapin ang iyong lingkod, dahil mabagal akong magsalita at pilipit ang dila ko.” 11 Sinabi ni Jehova: “Sino ang gumawa ng bibig para sa mga tao, o sino ang may kakayahang gawin silang pipi, bingi, malinaw ang paningin, o bulag? Hindi ba akong si Jehova? 12 Kaya kumilos ka na, at ako ay sasaiyo habang nagsasalita ka, at ituturo ko sa iyo ang dapat mong sabihin.” 13 Pero sinabi niya: “Pagpaumanhinan mo ako, Jehova. Pakisuyo, pumili ka ng iba na gusto mong isugo.” 14 Kaya galit na galit si Jehova kay Moises, at sinabi Niya: “Hindi ba kapatid mo si Aaron na Levita? Alam kong napakahusay niyang magsalita. At paparating na siya para makita ka. Kapag nakita ka niya, tiyak na magsasaya siya. 15 Kausapin mo siya at sabihin mo sa kaniya ang mga sinabi ko, at ako ay sasainyo habang nagsasalita kayo, at ituturo ko sa inyo ang dapat ninyong gawin. 16 Siya ang makikipag-usap sa bayan para sa iyo, at siya ang magiging tagapagsalita mo, at ikaw ay magiging parang Diyos sa kaniya. 17 At hahawakan mo ang tungkod na ito at gagawin mo ang mga tanda sa pamamagitan nito.”