Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo
HULYO 6-12
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | EXODO 6-7
“Makikita Mo Ngayon Kung Ano ang Gagawin Ko sa Paraon”
(Exodo 6:1) Kaya sinabi ni Jehova kay Moises: “Makikita mo ngayon kung ano ang gagawin ko sa Paraon. Dahil sa makapangyarihan kong kamay, mapipilitan siyang paalisin sila, at dahil sa makapangyarihan kong kamay, mapipilitan siyang itaboy sila mula sa lupain niya.”
(Exodo 6:6, 7) “Kaya sabihin mo sa mga Israelita: ‘Ako si Jehova, at palalayain ko kayo mula sa puwersahang pagpapatrabaho ng mga Ehipsiyo at ililigtas ko kayo mula sa pang-aalipin nila, at babawiin ko kayo sa pamamagitan ng makapangyarihang bisig at mabibigat na hatol. 7 Ituturing ko kayo bilang aking bayan, at ako ang magiging Diyos ninyo, at tiyak na malalaman ninyo na ako ang Diyos ninyong si Jehova na nagpapalaya sa inyo mula sa puwersahang pagpapatrabaho ng Ehipto.
Moises
Nagkaroon din ng malaking pagbabago sa mga lalaki ng Israel. Noong una ay tinanggap nila ang mga kredensiyal ni Moises, ngunit nang dumanas sila ng mas matinding pahirap dahil sa utos ni Paraon, nagreklamo sila laban sa kaniya anupat umabot sa punto na namanhik si Moises kay Jehova dahil sa panghihina ng loob. (Exo 4:29-31; 5:19-23) Sa gayon ay pinalakas siya ng Kataas-taasan sa pamamagitan ng pagsisiwalat na tutuparin na Niya ngayon yaong hinintay nina Abraham, Isaac, at Jacob, samakatuwid nga, ang lubusang pagsisiwalat sa kahulugan ng kaniyang pangalang Jehova kapag iniligtas na niya ang Israel at itinatag ito sa lupang pangako bilang isang dakilang bansa. (Exo 6:1-8) Subalit hindi pa rin nakinig kay Moises ang mga lalaki ng Israel. Ngunit pagkatapos ng ikasiyam na salot, sila ay handa nang sumuporta at makipagtulungan sa kaniya, anupat pagkatapos ng ikasampung salot, maaari niya silang organisahin at akayin sa isang maayos na paraan, na “nasa hanay ng pakikipagbaka.”—Exo 13:18.
(Exodo 7:4, 5) Hindi makikinig sa inyo ang Paraon, at pagbubuhatan ko ng kamay ang Ehipto at ilalabas ko ang aking malaking bayan, ang mga Israelita, mula sa lupain ng Ehipto nang may mabibigat na hatol. 5 At tiyak na malalaman ng mga Ehipsiyo na ako si Jehova kapag ginamit ko ang kapangyarihan ko laban sa Ehipto at inilabas ko ang mga Israelita mula sa gitna nila.”
Moises
Sa Harap ni Paraon ng Ehipto. Sina Moises at Aaron ay naging mga pangunahing tauhan noon sa isang ‘labanan ng mga diyos.’ Sa pamamagitan ng mga mahikong saserdote, lumilitaw na pinangungunahan nina Janes at Jambres (2Ti 3:8), nanawagan si Paraon sa kapangyarihan ng lahat ng diyos ng Ehipto laban sa kapangyarihan ni Jehova. Pinatunayan ng unang himalang isinagawa ni Aaron sa harap ni Paraon ayon sa utos ni Moises na mas makapangyarihan si Jehova kaysa sa mga diyos ng Ehipto, bagaman lalo pang nagmatigas si Paraon. (Exo 7:8-13) Nang maganap ang ikatlong salot, maging ang mga saserdote ay napilitang umamin, “Ito ay daliri ng Diyos!” At napakatindi ng salot ng mga bukol na pinasapit sa kanila anupat hindi man lamang sila nakaparoon sa harap ni Paraon upang salansangin si Moises noong panahon ng salot na iyon.—Exo 8:16-19; 9:10-12.
Ang mga salot ay nagpalambot at nagpatigas ng puso. Sina Moises at Aaron ang nagpatalastas ng pagsapit ng bawat isa sa Sampung Salot. Dumating ang mga salot gaya ng ipinatalastas, na nagpapatunay na inatasan si Moises bilang kinatawan ni Jehova. Ang pangalan ni Jehova ay nahayag at naging usap-usapan sa Ehipto, anupat kapuwa nagpalambot at nagpatigas ng puso may kaugnayan sa pangalang iyon—nagpalambot ng puso ng mga Israelita at ng ilan sa mga Ehipsiyo; nagpatigas ng puso ni Paraon at ng kaniyang mga tagapayo at mga tagasuporta. (Exo 9:16; 11:10; 12:29-39) Sa halip na maniwalang napagalit nila ang kanilang mga diyos, nalaman ng mga Ehipsiyo na si Jehova ang humahatol sa kanilang mga diyos. Pagkatapos na mailapat ang siyam na salot, si Moises ay naging “lubhang dakila rin sa lupain ng Ehipto, sa paningin ng mga lingkod ni Paraon at sa paningin ng bayan.”—Exo 11:3.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Exodo 6:3) At nagpakita ako noon kina Abraham, Isaac, at Jacob bilang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat, pero may kinalaman sa pangalan kong Jehova ay hindi ko lubusang ipinakilala ang sarili ko.
Makapangyarihan-sa-lahat
Ginamit ni Jehova ang titulong “Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” (ʼEl Shad·daiʹ) noong mangako siya kay Abraham may kinalaman sa kapanganakan ni Isaac, isang pangako na doo’y nangailangan si Abraham ng malaking pananampalataya sa kapangyarihan ng Diyos na tuparin ang pangakong iyon. Pagkatapos niyaon ay ginamit ito nang tukuyin ang Diyos bilang ang tagapagpala nina Isaac at Jacob na mga tagapagmana ng tipang Abrahamiko.—Gen 17:1; 28:3; 35:11; 48:3.
Kasuwato nito, nang maglaon ay nasabi ni Jehova kay Moises: “Nagpakita ako noon kay Abraham, kay Isaac at kay Jacob bilang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat [beʼElʹ Shad·daiʹ], ngunit may kinalaman sa aking pangalang Jehova ay hindi ako nagpakilala sa kanila.” (Exo 6:3) Hindi ito maaaring mangahulugan na hindi alam ng mga patriyarkang ito ang pangalang Jehova, yamang malimit nila itong gamitin at maging ng mga iba pa na nauna sa kanila. (Gen 4:1, 26; 14:22; 27:27; 28:16) Sa katunayan, sa aklat ng Genesis, na naglalahad ng buhay ng mga patriyarka, ang salitang “Makapangyarihan-sa-lahat” ay lumilitaw lamang nang 6 na ulit, samantalang ang personal na pangalang Jehova ay masusumpungan nang 172 ulit sa orihinal na tekstong Hebreo. Gayunman, bagaman naunawaan ng mga patriyarkang ito, sa pamamagitan ng personal na karanasan, ang karapatan at mga kuwalipikasyon ng Diyos para sa titulong “Makapangyarihan-sa-lahat,” hindi pa sila nagkaroon ng pagkakataong maunawaan ang lubos na kahulugan at mga implikasyon ng kaniyang personal na pangalang Jehova. Hinggil dito, ang The Illustrated Bible Dictionary (Tomo 1, p. 572) ay nagsabi: “Ang naunang pagsisiwalat, sa mga Patriyarka, ay may kinalaman sa mga pangako ukol sa malayong hinaharap; ipinahihiwatig nito na makatitiyak sila na Siya, si Yahweh, ay isang Diyos (ʼel) na may kakayahan (isang posibleng kahulugan ng sadday) na tuparin ang mga iyon. Ang pagsisiwalat sa lugar ng palumpong ay nakahihigit at mas personal, anupat ang kapangyarihan ng Diyos at ang kaniyang kagyat at namamalaging presensiya sa gitna nila ay lubusang nakapaloob sa pamilyar na pangalang Yahweh.”—Inedit ni J. D. Douglas, 1980.
(Exodo 7:1) Pagkatapos, sinabi ni Jehova kay Moises: “Tingnan mo, ginawa kitang tulad ng Diyos sa Paraon, at ang kapatid mong si Aaron ang magiging propeta mo.
Moises
Naging kuwalipikado pa rin kahit kimi. Ngunit si Moises ay kimi, anupat nangatuwirang hindi siya matatas magsalita. Dito ay makikitang nagbago na si Moises kung ikukumpara noong magprisinta siyang maging tagapagligtas ng Israel 40 taon na ang nakararaan. Patuloy siyang nangatuwiran kay Jehova, anupat nang dakong huli ay hiniling niya kay Jehova na huwag sa kaniya ibigay ang atas na iyon. Bagaman ikinagalit ito ng Diyos, hindi niya itinakwil si Moises kundi inatasan ang kapatid ni Moises na si Aaron bilang tagapagsalita. Kaya kung paanong si Moises ang kinatawan ng Diyos, si Moises naman ang magiging gaya ng “Diyos” kay Aaron, na magsasalita bilang kinatawan niya. Sa sumunod na pakikipagkita sa matatandang lalaki ng Israel at mga pakikipagharap kay Paraon, lumilitaw na ibinigay ng Diyos kay Moises ang mga tagubilin at mga utos at itinawid naman ni Moises ang mga ito kay Aaron, anupat si Aaron ang aktuwal na nagsalita sa harap ni Paraon (isang kahalili ng Paraon na tinakasan ni Moises 40 taon na ang nakararaan). (Exo 2:23; 4:10-17) Nang maglaon, tinukoy ni Jehova si Aaron bilang “propeta” ni Moises, nangangahulugan na kung paanong si Moises ay propeta ng Diyos, na tinatagubilinan niya, si Aaron naman ay dapat tagubilinan ni Moises. Gayundin, sinabihan si Moises na siya ay ginawang “Diyos kay Paraon,” samakatuwid nga, binigyan ng Diyos ng kapangyarihan at awtoridad kay Paraon, kung kaya hindi na niya dapat katakutan ang hari ng Ehipto.—Exo 7:1, 2.
Pagbabasa ng Bibliya
(Exodo 6:1-15) Kaya sinabi ni Jehova kay Moises: “Makikita mo ngayon kung ano ang gagawin ko sa Paraon. Dahil sa makapangyarihan kong kamay, mapipilitan siyang paalisin sila, at dahil sa makapangyarihan kong kamay, mapipilitan siyang itaboy sila mula sa lupain niya.” 2 Sinabi pa ng Diyos kay Moises: “Ako si Jehova. 3 At nagpakita ako noon kina Abraham, Isaac, at Jacob bilang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat, pero may kinalaman sa pangalan kong Jehova ay hindi ko lubusang ipinakilala ang sarili ko. 4 Nakipagtipan din ako sa kanila na ibibigay ko sa kanila ang lupain ng Canaan, ang lupain kung saan sila tumira bilang mga dayuhan. 5 Narinig ko ngayon ang pagdaing ng bayang Israel, na inaalipin ng mga Ehipsiyo, at hindi ko nakakalimutan ang aking tipan. 6 “Kaya sabihin mo sa mga Israelita: ‘Ako si Jehova, at palalayain ko kayo mula sa puwersahang pagpapatrabaho ng mga Ehipsiyo at ililigtas ko kayo mula sa pang-aalipin nila, at babawiin ko kayo sa pamamagitan ng makapangyarihang bisig at mabibigat na hatol. 7 Ituturing ko kayo bilang aking bayan, at ako ang magiging Diyos ninyo, at tiyak na malalaman ninyo na ako ang Diyos ninyong si Jehova na nagpapalaya sa inyo mula sa puwersahang pagpapatrabaho ng Ehipto. 8 Dadalhin ko kayo sa lupaing ipinangako ko kina Abraham, Isaac, at Jacob; at ibibigay ko iyon sa inyo bilang pag-aari. Ako si Jehova.’” 9 At sinabi ni Moises ang mensaheng ito sa mga Israelita, pero hindi sila nakinig kay Moises dahil sa panghihina ng loob at malupit na pang-aalipin sa kanila. 10 Pagkatapos, sinabi ni Jehova kay Moises: 11 “Pumunta ka sa Paraon, na hari ng Ehipto, at sabihin mo na dapat niyang payagan ang mga Israelita na umalis sa lupain niya.” 12 Pero sumagot si Moises kay Jehova: “Hindi nakinig sa akin ang mga Israelita; paano makikinig sa akin ang Paraon, gayong hindi ako mahusay magsalita?” 13 Pero sinabi ulit ni Jehova kina Moises at Aaron ang mga utos na dapat nilang sabihin sa mga Israelita at sa Paraon, na hari ng Ehipto, para mailabas ang mga Israelita sa lupain ng Ehipto. 14 Ito ang mga ulo ng sambahayan ng mga ama nila: Ang mga anak ni Ruben, na panganay ni Israel, ay sina Hanok, Palu, Hezron, at Carmi. Ito ang mga pamilya ni Ruben. 15 Ang mga anak ni Simeon ay sina Jemuel, Jamin, Ohad, Jakin, Zohar, at si Shaul na anak ng isang babaeng Canaanita. Ito ang mga pamilya ni Simeon.
HULYO 13-19
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | EXODO 8-9
“Hindi Namalayan ng Mayabang na Paraon na Tinutupad Niya ang Layunin ng Diyos”
(Exodo 8:15) Nang makita ng Paraon na maayos na ang kalagayan, pinatigas niya ang puso niya at hindi niya sila pinakinggan, gaya ng sinabi ni Jehova.
it-2 661
Pagkasutil
Sa kaniyang mga pakikitungo sa mga tao, buong-pagtitiis na pinahintulutan ng Diyos na Jehova na manatiling buháy ang mga indibiduwal at mga bansa, bagaman karapat-dapat sila sa kamatayan. (Gen 15:16; 2Pe 3:9) Bagaman may ilan na tumugon dito anupat tumanggap sila ng awa (Jos 2:8-14; 6:22, 23; 9:3-15), lalo namang pinatigas ng iba ang kanilang sarili laban kay Jehova at laban sa kaniyang bayan. (Deu 2:30-33; Jos 11:19, 20) Yamang hindi hinahadlangan ni Jehova ang mga tao sa pagiging sutil, sinasabi na kaniyang ‘hinahayaan silang magmatigas’ o ‘pinatitigas niya ang kanilang mga puso.’ Kapag sa wakas ay naglapat siya ng paghihiganti sa mga sutil, ang resulta nito ay naitatanghal ang kaniyang dakilang kapangyarihan at naipahahayag ang kaniyang pangalan.—Ihambing ang Exo 4:21; Ju 12:40; Ro 9:14-18.
(Exodo 8:18, 19) Sinubukan ng mga mahikong saserdote na magpalabas din ng mga niknik gamit ang lihim na mahika nila, pero hindi nila nagawa. At ang mga niknik ay naging pahirap sa mga tao at hayop. 19 Kaya sinabi ng mga mahikong saserdote sa Paraon: “Daliri ito ng Diyos!” Pero nagmatigas pa rin ang puso ng Paraon, at hindi siya nakinig sa kanila, gaya ng sinabi ni Jehova.
(Exodo 9:15-17) Kung tutuosin, puwede kong gamitin ang kapangyarihan ko para padalhan ka at ang bayan mo ng matinding sakit, at nabura ka na sana sa lupa. 16 Pero pinanatili kitang buháy sa dahilang ito: para maipakita ko sa iyo ang kapangyarihan ko at para maipahayag ang pangalan ko sa buong lupa. 17 Patuloy ka pa rin bang magmamataas at hindi papayag na umalis ang bayan ko?
Kabalakyutan
Karagdagan pa, ang mga kalagayan ay ginagamit ng Diyos na Jehova sa paraang ang mga balakyot mismo ay nagsisilbi ukol sa kaniyang layunin nang hindi nila namamalayan. Bagaman sinasalansang nila ang Diyos, kaya niya silang pigilan hangga’t kinakailangan para maingatan ang kaniyang mga lingkod sa kanilang katapatan, at kaya niyang pangyarihin na sa pamamagitan ng mga pagkilos maging ng gayong mga tao ay maitanyag ang kaniyang katuwiran. (Ro 3:3-5, 23-26; 8:35-39; Aw 76:10) Sa Kawikaan 16:4 ay ipinapahayag ang kaisipang ito: “Ang lahat ng bagay ay ginawa ni Jehova ukol sa kaniyang layunin, oo, maging ang balakyot na ukol sa masamang araw.”
Ang isang halimbawa ay ang Paraon na pinasabihan ni Jehova, sa pamamagitan nina Moises at Aaron, na palayain ang inaliping mga Israelita. Hindi ginawang balakyot ng Diyos ang tagapamahalang Ehipsiyo na ito, kundi pinahintulutan niyang patuloy itong mabuhay at nagpasapit din siya ng mga kalagayan na nagpangyaring isiwalat ni Paraon ang kaniyang sarili bilang balakyot at karapat-dapat mamatay. Isinisiwalat sa Exodo 9:16 ang layunin ni Jehova sa paggawa nito: “Sa dahilang ito ay pinanatili kitang buháy, upang maipakita sa iyo ang aking kapangyarihan at upang maipahayag ang aking pangalan sa buong lupa.”
Ang Sampung Salot na pinasapit sa Ehipto, na nagwakas sa pagkapuksa ni Paraon at ng kaniyang mga hukbong militar sa Dagat na Pula, ay nagsilbing isang kamangha-manghang pagtatanghal ng kapangyarihan ni Jehova. (Exo 7:14–12:30; Aw 78:43-51; 136:15) Sa loob ng maraming taon pagkaraan nito, patuloy pa rin itong pinag-uusapan ng mga bansa sa palibot, at sa gayo’y naipahahayag ang pangalan ng Diyos sa buong lupa. (Jos 2:10, 11; 1Sa 4:8) Kung pinatay agad ni Jehova si Paraon, ang maringal na pagpapamalas na ito ng kapangyarihan ng Diyos ukol sa Kaniyang ikaluluwalhati at para sa katubusan ng Kaniyang bayan ay hindi sana naging posible.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Exodo 8:21) Pero kung hindi mo papayagang umalis ang bayan ko, magpapadala ako sa iyo at sa iyong mga lingkod, bayan, at mga bahay ng nangangagat na mga langaw; at ang mga bahay sa Ehipto ay mapupuno ng nangangagat na mga langaw, at matatakpan ng mga ito ang lupang tinatapakan nila.
it-2 172
Langaw na Nangangagat
Hindi matiyak kung aling insekto ang tinutukoy ng orihinal na salitang Hebreo na binanggit ng Kasulatan may kinalaman sa ikaapat na salot sa Ehipto. Sa salot na ito unang pinaligtas ang mga Israelita sa Gosen. (Exo 8:21, 22, 24, 29, 31; Aw 78:45; 105:31) Ang ʽa·rovʹ ay isinalin sa iba’t ibang paraan bilang “langaw na nangangagat” (JB, NW, Ro), “uwang” (Yg), “mga langaw” (AS, KJ, RS), “mga niknik” (AT), at “dog fly” (LXX).
Kasama sa katawagang Ingles na “gadfly” ang iba’t ibang uri ng mga horsefly at botfly. Tinutusok ng mga babaing horsefly ang balat ng mga hayop at ng tao at pagkatapos ay sinisipsip nila ang dugo ng mga iyon. Habang nasa yugtong larva, ang mga botfly ay tumitira bilang mga parasito sa mga katawan ng hayop at ng tao. Yaong mga namumugad sa mga tao ay matatagpuan sa mga tropiko. Kaya naman, nagdulot ng matinding paghihirap sa mga Ehipsiyo at sa kanilang mga alagang hayop ang salot ng mga langaw na nangangagat, at sa ilang mga kaso ay ikinamatay pa nga nila ito.
(Exodo 8:25-27) Sa wakas, ipinatawag ng Paraon sina Moises at Aaron at sinabi: “Sige, maghain na kayo sa inyong Diyos dito sa lupain.” 26 Pero sinabi ni Moises: “Hindi namin puwedeng gawin iyon, dahil magagalit ang mga Ehipsiyo kapag nakita nila kung ano ang ihahain namin sa Diyos naming si Jehova. Kung maghahain kami sa harap ng mga Ehipsiyo ng bagay na ikagagalit nila, hindi ba babatuhin nila kami? 27 Maglalakbay kami sa ilang nang tatlong araw at doon kami maghahain sa Diyos naming si Jehova, gaya ng sinabi niya sa amin.”
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Exodo
8:26, 27—Bakit sinabi ni Moises na magiging “karima-rimarim sa mga Ehipsiyo” ang mga hain ng Israel? Maraming iba’t ibang hayop ang sinasamba sa Ehipto. Kung gayon, ang pagbanggit sa mga hain ay nagdagdag ng puwersa at panghikayat sa paggigiit ni Moises na payagang yumaon ang Israel upang maghain kay Jehova.
Pagbabasa ng Bibliya
(Exodo 8:1-19) Pagkatapos, sinabi ni Jehova kay Moises: “Pumunta ka sa Paraon at sabihin mo sa kaniya, ‘Ito ang sinabi ni Jehova: “Payagan mong umalis ang bayan ko para makapaglingkod sila sa akin. 2 Kapag hindi mo pa rin sila pinayagang umalis, sasalutin ko ng mga palaka ang buong teritoryo mo. 3 At ang Ilog Nilo ay mapupuno ng palaka, at aahon ang mga iyon at pupunta sa iyong bahay, kuwarto, at higaan, at sa bahay ng mga lingkod mo at sa bayan mo, at sa iyong mga pugon at masahan. 4 Sasalutin ka ng mga palaka, pati ang bayan mo at ang lahat ng lingkod mo.”’” 5 Nang maglaon, sinabi ni Jehova kay Moises: “Sabihin mo kay Aaron, ‘Iunat mo ang kamay mong may hawak na tungkod sa ibabaw ng mga ilog, mga kanal ng Nilo, at mga latian, at paahunin mo ang mga palaka sa lupain ng Ehipto.’” 6 Kaya iniunat ni Aaron ang kamay niya sa ibabaw ng tubig ng Ehipto, at umahon ang mga palaka at napuno nito ang Ehipto. 7 Pero ginawa rin iyon ng mga mahikong saserdote gamit ang lihim na mahika nila, at nagpaahon din sila ng mga palaka sa Ehipto. 8 Pagkatapos, ipinatawag ng Paraon sina Moises at Aaron at sinabi: “Makiusap kayo kay Jehova na alisin sa akin at sa bayan ko ang mga palaka, dahil papayagan ko nang umalis ang bayan ninyo para makapaghain kay Jehova.” 9 Sinabi ni Moises sa Paraon: “Ikaw na ang magsabi kung kailan ako makikiusap na alisin ang mga palaka sa iyo, sa iyong mga lingkod, bayan, at mga bahay. Sa Ilog Nilo lang maiiwan ang mga iyon.” 10 Sumagot ito: “Bukas.” Kaya sinabi niya: “Mangyayari iyon ayon sa sinabi mo para malaman mo na walang sinuman ang tulad ng Diyos naming si Jehova. 11 Ang mga palaka ay aalis sa iyo at sa iyong mga bahay, mga lingkod, at bayan. Sa Nilo lang maiiwan ang mga iyon.” 12 Kaya umalis sina Moises at Aaron sa harap ng Paraon, at nakiusap si Moises kay Jehova dahil sa mga palakang dinala Niya sa Paraon. 13 Ginawa ni Jehova ang hiniling ni Moises, at namatay ang mga palaka na nasa mga bahay, bakuran, at parang. 14 Napakaraming bunton ng palaka ang natipon ng mga Ehipsiyo, at bumaho ang lupain. 15 Nang makita ng Paraon na maayos na ang kalagayan, pinatigas niya ang puso niya at hindi niya sila pinakinggan, gaya ng sinabi ni Jehova. 16 Sinabi ngayon ni Jehova kay Moises: “Sabihin mo kay Aaron, ‘Iunat mo ang kamay mong may hawak na tungkod at hampasin ang alabok ng lupa, at ito ay magiging mga niknik sa buong Ehipto.’” 17 At ginawa nila ito. Iniunat ni Aaron ang kamay niyang may hawak na tungkod at hinampas ang alabok ng lupa, at nagkaroon ng mga niknik na sumalakay sa mga tao at hayop. Ang lahat ng alabok ng lupa ay naging mga niknik sa buong Ehipto. 18 Sinubukan ng mga mahikong saserdote na magpalabas din ng mga niknik gamit ang lihim na mahika nila, pero hindi nila nagawa. At ang mga niknik ay naging pahirap sa mga tao at hayop. 19 Kaya sinabi ng mga mahikong saserdote sa Paraon: “Daliri ito ng Diyos!” Pero nagmatigas pa rin ang puso ng Paraon, at hindi siya nakinig sa kanila, gaya ng sinabi ni Jehova.
HULYO 20-26
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | EXODO 10-11
“Nagpakita ng Lakas ng Loob Sina Moises at Aaron”
(Exodo 10:3-6) Kaya pinuntahan nina Moises at Aaron ang Paraon at sinabi: “Ito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng mga Hebreo, ‘Hanggang kailan ka magmamataas sa akin? Payagan mong umalis ang bayan ko para makapaglingkod sila sa akin. 4 Kapag hindi mo pa rin sila pinayagang umalis, magpapadala ako bukas ng mga balang sa lupain ninyo. 5 Tatakpan nito ang ibabaw ng lupa at magiging imposibleng makita ang lupa. Uubusin nito ang mga natira sa inyo matapos umulan ng yelo, at kakainin nito ang lahat ng punong tumutubo sa lupain. 6 Mapupuno nito ang mga bahay mo, ang mga bahay ng lahat ng lingkod mo, at ang mga bahay sa buong Ehipto; at wala pang nakitang ganito ang mga ninuno mo.’” At umalis siya sa harap ng Paraon.
Tularan si Jesus—Mangaral Nang May Katapangan
6 Isipin din ang ipinakitang katapangan ni Moises nang humarap siya kay Paraon. Ang haring ito ay itinuturing hindi lamang basta kinatawan ng mga diyos, kundi isang diyos mismo, ang anak ng diyos ng araw na si Ra. Maaari pa nga, na tulad ng ibang Paraon, gumawa siya ng imahen ng kaniyang sarili at sinamba ito. Batas ang salita ng Paraon. Siya ay makapangyarihan, mayabang, at matigas ang ulo. Iyan ang uri ng tao na paulit-ulit na hinarap ni Moises, isang maamong pastol na kinamumuhian ng mga Ehipsiyo. At ano ang inihula ni Moises? Mga salot. At ano ang kaniyang hiniling? Payaunin ang milyun-milyong alipin ni Paraon! Tiyak na kinailangan ni Moises ng katapangan.—Bil. 12:3; Heb. 11:27.
(Exodo 10:24-26) Kaya ipinatawag ng Paraon si Moises at sinabi: “Sige, maglingkod na kayo kay Jehova. Ang mga tupa at baka lang ninyo ang maiiwan. Puwede na ninyong isama kahit ang mga anak ninyo.” 25 Pero sinabi ni Moises: “Ibibigay mo rin sa amin ang mga hayop na gagawin naming handog na sinusunog at hain, at ihahandog namin ang mga iyon sa Diyos naming si Jehova. 26 Dadalhin din namin ang mga alagang hayop namin. Hindi puwedeng maiwan ang kahit isang hayop, dahil gagamitin namin ang ilan sa mga iyon para sambahin ang Diyos naming si Jehova, at malalaman lang namin kung ano ang ihahain namin bilang pagsamba kay Jehova kapag nakarating na kami roon.”
(Exodo 10:28) Sinabi ng Paraon: “Lumayas ka sa harap ko! Huwag ka nang magpapakita sa akin, dahil sa araw na magpakita ka ulit, mamamatay ka.”
(Exodo 11:4-8) At sinabi ni Moises: “Ito ang sinabi ni Jehova, ‘Pagdating ng mga hatinggabi, pupunta ako sa Ehipto, 5 at ang lahat ng panganay sa Ehipto ay mamamatay, mula sa panganay ng Paraong nakaupo sa kaniyang trono hanggang sa panganay ng aliping babaeng gumagamit ng gilingan, at ang lahat ng panganay ng mga hayop. 6 Magkakaroon ng napakalakas na pag-iyak sa buong Ehipto, na hindi pa nangyari kahit kailan at hindi na muling mangyayari. 7 Pero walang isa mang aso ang tatahol sa mga Israelita, sa mga tao o sa mga alagang hayop nila, at makikita ninyo ang pagkakaiba ng pakikitungo ni Jehova sa mga Ehipsiyo at sa mga Israelita.’ 8 At lahat ng lingkod mo ay pupunta sa akin at yuyukod, na sinasabi, ‘Umalis na kayo, ikaw at ang buong bayan na sumusunod sa iyo.’ At pagkatapos ay aalis ako.” Pagkasabi nito, umalis siya sa harap ng galit na galit na Paraon.
Moises
Nangailangan ng lakas ng loob at pananampalataya upang makaharap kay Paraon. Dahil lamang sa lakas ni Jehova at sa pagkilos ng kaniyang espiritu sa kanila kung kaya nagampanan nina Moises at Aaron ang atas na ibinigay sa kanila. Ilarawan sa isip ang korte ni Paraon, ang hari ng kinikilalang kapangyarihang pandaigdig nang panahong iyon. Sa gitna ng napakaringal na kapaligiran, ang palalong si Paraon, ipinapalagay na isang diyos mismo, ay napalilibutan ng kaniyang mga tagapayo, mga kumandante ng militar, mga bantay, at mga alipin. Naroon din ang mga lider ng relihiyon, ang mga mahikong saserdote, na nangunguna sa pagsalansang kay Moises. Bukod kay Paraon, ang mga lalaking ito ang pinakamakapangyarihang mga tao sa kaharian. Ang kahanga-hangang hanay na ito ay handang sumuporta kay Paraon at sa mga diyos ng Ehipto. At maraming beses na humarap sina Moises at Aaron kay Paraon, anupat sa bawat pagkakataon ay lalo pang tumitigas ang puso ni Paraon, sapagkat determinado siyang panatilihin sa kaniyang kontrol ang pinakikinabangan niyang mga aliping Hebreo. Sa katunayan, matapos ipatalastas ang ikawalong salot, ipinagtabuyan sina Moises at Aaron mula sa harap ni Paraon, at pagkatapos ng ikasiyam na salot ay binantaan silang huwag nang tangkaing makita pang muli ang mukha ni Paraon kung ayaw nilang mamatay.—Exo 10:11, 28.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Exodo 10:1, 2) Pagkatapos, sinabi ni Jehova kay Moises: “Puntahan mo ang Paraon, dahil hinayaan kong maging manhid ang puso niya at ang puso ng mga lingkod niya, para maipakita ko sa kaniya ang mga himala kong ito 2 at para masabi mo sa iyong mga anak at apo kung gaano katindi ang parusang ibinigay ko sa Ehipto at kung anong mga tanda ang ipinakita ko sa kanila; at tiyak na malalaman ninyo na ako si Jehova.”
Mga Saksi Laban sa Huwad na mga Diyos
11 Samantalang nasa Ehipto pa ang mga Israelita, isinugo ni Jehova si Moises kay Faraon at nagsabi: “Pumaroon ka kay Faraon, sapagkat aking—aking ginawang di-tumutugon ang kaniyang puso at ang puso ng kaniyang mga lingkod, upang mailagay ko ang aking mga tanda sa kaniya mismong harapan, at upang maipahayag ninyo sa mga tainga ng inyong anak at sa anak ng inyong anak kung gaano kabagsik akong nakitungo sa Ehipto at ang aking mga tanda na naitatag ko sa gitna nila; at tiyak na makikilala ninyo na ako si Jehova.” (Exodo 10:1, 2) Isasalaysay ng masunuring mga Israelita sa kanilang mga anak ang tungkol sa makapangyarihang mga gawa ni Jehova. Ang mga anak na ito naman ang magsasalaysay sa kanilang mga anak, at gayon ang gagawin mula sa isang salinlahi hanggang sa isang salinlahi. Sa gayon, magugunita ang makapangyarihang mga gawa ni Jehova. Gayundin sa ngayon, ang mga magulang ay may pananagutan na magpatotoo sa kanilang mga anak.—Deuteronomio 6:4-7; Kawikaan 22:6.
(Exodo 11:7) Pero walang isa mang aso ang tatahol sa mga Israelita, sa mga tao o sa mga alagang hayop nila, at makikita ninyo ang pagkakaiba ng pakikitungo ni Jehova sa mga Ehipsiyo at sa mga Israelita.’
Pag-alis
Kaya sa pamamagitan ng isang kamangha-manghang pagtatanghal ng kapangyarihan ay dinakila ni Jehova ang kaniyang pangalan at iniligtas ang Israel. Sa S baybayin ng Dagat na Pula, pinangunahan ni Moises ang mga anak ni Israel sa isang awit, habang ang kaniyang kapatid na si Miriam, ang propetisa, ay may hawak na isang tamburin sa kaniyang kamay at pinangungunahan ang lahat ng mga babae na may mga tamburin at nagsasayawan, anupat tumutugon ng awit sa mga lalaki. (Exo 15:1, 20, 21) Noon ay ganap na ibinukod ang Israel mula sa kanilang mga kaaway. Nang lumabas sila mula sa Ehipto ay hindi sila pinahintulutang mapinsala ng tao o hayop; wala man lamang asong umangil sa mga Israelita o naggalaw ng dila nito laban sa kanila. (Exo 11:7) Bagaman hindi binabanggit ng salaysay ng Pag-alis na personal na bumaba si Paraon sa dagat kasama ng kaniyang mga hukbong militar at napuksa, sinasabi ng Awit 136:15 na ‘ibinulid ni Jehova si Paraon at ang kaniyang hukbong militar sa Dagat na Pula.’
Pagbabasa ng Bibliya
(Exodo 10:1-15) Pagkatapos, sinabi ni Jehova kay Moises: “Puntahan mo ang Paraon, dahil hinayaan kong maging manhid ang puso niya at ang puso ng mga lingkod niya, para maipakita ko sa kaniya ang mga himala kong ito 2 at para masabi mo sa iyong mga anak at apo kung gaano katindi ang parusang ibinigay ko sa Ehipto at kung anong mga tanda ang ipinakita ko sa kanila; at tiyak na malalaman ninyo na ako si Jehova.” 3 Kaya pinuntahan nina Moises at Aaron ang Paraon at sinabi: “Ito ang sinabi ni Jehova na Diyos ng mga Hebreo, ‘Hanggang kailan ka magmamataas sa akin? Payagan mong umalis ang bayan ko para makapaglingkod sila sa akin. 4 Kapag hindi mo pa rin sila pinayagang umalis, magpapadala ako bukas ng mga balang sa lupain ninyo. 5 Tatakpan nito ang ibabaw ng lupa at magiging imposibleng makita ang lupa. Uubusin nito ang mga natira sa inyo matapos umulan ng yelo, at kakainin nito ang lahat ng punong tumutubo sa lupain. 6 Mapupuno nito ang mga bahay mo, ang mga bahay ng lahat ng lingkod mo, at ang mga bahay sa buong Ehipto; at wala pang nakitang ganito ang mga ninuno mo.’” At umalis siya sa harap ng Paraon. 7 Pagkatapos, sinabi ng mga lingkod ng Paraon sa kaniya: “Hanggang kailan tayo pahihirapan ng taong ito? Payagan mo nang umalis ang mga taong iyon para makapaglingkod sila sa Diyos nilang si Jehova. Hindi mo pa ba alam na wasak na ang Ehipto?” 8 Kaya pinabalik sa Paraon sina Moises at Aaron, at sinabi nito: “Sige, maglingkod na kayo sa Diyos ninyong si Jehova. Pero sino ang mga aalis?” 9 Sinabi ni Moises: “Isasama namin ang aming mga kabataan, matatanda, mga anak na lalaki at babae, mga tupa, at mga baka, dahil magdiriwang kami ng kapistahan para kay Jehova.” 10 Sinabi naman niya: “Iniisip ba talaga ninyong papayagan ko kayong umalis kasama ang mga anak ninyo? Kapag nangyari iyon, masasabi ninyong sumasainyo si Jehova! Sabi na nga ba’t may masama kayong balak. 11 Hindi puwede! Papayagan ko kayong maglingkod kay Jehova dahil iyan ang hiniling ninyo, pero mga lalaki lang ang aalis.” At pinalayas sila sa harap ng Paraon. 12 Sinabi ngayon ni Jehova kay Moises: “Iunat mo ang kamay mo sa lupain ng Ehipto para sumalakay ang mga balang sa Ehipto at ubusin nito ang pananim, ang lahat ng natira matapos umulan ng yelo.” 13 Agad na iniunat ni Moises sa lupain ng Ehipto ang kamay niyang may hawak na tungkod, at buong araw at gabing nagpahihip si Jehova ng hanging silangan sa lupain. Kinaumagahan, dinala ng hanging silangan ang mga balang. 14 Sumalakay ang mga balang sa buong Ehipto, at napuno nito ang buong teritoryo ng Ehipto. Matinding paghihirap ang dala nito; hindi pa nagkaroon dati ng ganoon karaming balang, at hindi na rin ito naulit. 15 Tinakpan nito ang ibabaw ng buong lupain kaya nagdilim sa lupain; inubos nito ang pananim sa lupain at ang mga bunga ng puno na natira matapos umulan ng yelo; wala nang berdeng makikita sa mga puno o pananim sa buong Ehipto.
HULYO 27–AGOSTO 2
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | EXODO 12
“Paskuwa—Ang Kahalagahan Nito sa mga Kristiyano”
(Exodo 12:5-7) Ang tupa ninyo ay dapat na malusog at isang-taóng-gulang na lalaki. Puwede kayong pumili ng isang batang tupa o kambing. 6 Aalagaan ninyo iyon hanggang sa ika-14 na araw ng buwang ito, at pagdating ng takipsilim ay papatayin iyon ng bawat sambahayan sa kongregasyon ng Israel. 7 Kukuha sila ng dugo, at lalagyan nila ng dugo ang dalawang poste ng pinto at ang itaas na bahagi ng pasukan ng mga bahay kung saan nila ito kakainin.
“Ikaw ay Lubusang Magagalak”
4 Namatay si Jesus noong Nisan 14, 33 C.E. Sa Israel, ang Nisan 14 ang masayang araw ng pagdiriwang ng Paskuwa. Taun-taon sa araw na iyon, nagsasalu-salo ang mga pamilya. Kasama sa kanilang kinakain ang isang walang-kapintasang kordero. Sa ganitong paraan, inaalaala nila ang papel na ginampanan ng dugo ng kordero sa pagliligtas sa mga panganay ng mga Israelita nang paslangin ng anghel ng kamatayan ang mga panganay ng mga Ehipsiyo noong Nisan 14, 1513 B.C.E. (Exodo 12:1-14) Lumalarawan ang kordero ng Paskuwa kay Jesus, na tungkol sa kaniya ay sinabi ni apostol Pablo: “Si Kristo . . . na ating paskuwa ay inihain na.” (1 Corinto 5:7) Gaya ng dugo ng kordero ng Paskuwa, naglalaan ng kaligtasan para sa marami ang itinigis na dugo ni Jesus.—Juan 3:16, 36.
(Exodo 12:12, 13) Dahil dadaan ako sa lupain ng Ehipto sa gabing ito at papatayin ko ang lahat ng panganay sa Ehipto, mula sa tao hanggang sa hayop; at maglalapat ako ng hatol sa lahat ng diyos ng Ehipto. Ako si Jehova. 13 Ang dugo ay magsisilbing tanda sa mga bahay na kinaroroonan ninyo; makikita ko ang dugo at lalampasan ko kayo, at hindi kayo maaapektuhan ng salot kapag pinarusahan ko ang Ehipto.
Paskuwa
Ang ilang aspekto ng pagdiriwang ng Paskuwa ay natupad kay Jesus. Isa na rito ang pagliligtas sa mga panganay mula sa pagkapuksa sa kamay ng tagapuksang anghel sa pamamagitan ng dugong iwinisik sa mga bahay sa Ehipto. Tinukoy ni Pablo ang mga pinahirang Kristiyano bilang ang kongregasyon ng panganay (Heb 12:23), at si Kristo bilang ang kanilang tagapagligtas sa pamamagitan ng kaniyang dugo. (1Te 1:10; Efe 1:7) Hindi binabali ang alinmang buto ng kordero ng Paskuwa. Inihula na walang isa mang buto ni Jesus ang babaliin, at natupad ito noong mamatay siya. (Aw 34:20; Ju 19:36) Sa gayon, ang Paskuwang ipinagdiwang ng mga Judio sa loob ng maraming siglo ay isa sa mga pitak ng Kautusan na nagsilbing anino ng mga bagay na darating at tumukoy kay Jesu-Kristo, “ang Kordero ng Diyos.”—Heb 10:1; Ju 1:29.
(Exodo 12:24-27) “Alalahanin ninyo at ng inyong mga anak ang pangyayaring ito; ito ay isang tuntunin hanggang sa panahong walang takda. 25 At pagdating ninyo sa lupaing ibibigay sa inyo ni Jehova gaya ng sinabi niya, patuloy ninyo itong alalahanin. 26 Kapag nagtanong sa inyo ang inyong mga anak, ‘Para saan ang pagdiriwang na ito?’ 27 sabihin ninyo, ‘Ito ang haing pampaskuwa para kay Jehova, na dumaan sa bahay ng mga Israelita sa Ehipto nang salutin niya ang mga Ehipsiyo, pero nilampasan niya ang mga bahay namin.’” At ang bayan ay lumuhod at sumubsob sa lupa.
‘Ito ay Magiging Pinakaalaala sa Inyo’
13 Sa sumunod na mga henerasyon, itinuro ng mga ama sa kanilang mga anak ang mahahalagang aral tungkol sa Paskuwa. Isa na rito ang tungkol sa kakayahan ni Jehova na protektahan ang kaniyang mga mananamba. Natutuhan ng mga bata na si Jehova ay totoo at buháy na Diyos na nagmamalasakit sa kaniyang bayan at kumikilos alang-alang sa kanila. Pinatunayan niya ito nang ingatan niyang buháy ang mga panganay na Israelita noong “salutin niya ang mga Ehipsiyo.”
14 Hindi kailangang ikuwento taun-taon ng Kristiyanong mga magulang sa kanilang mga anak ang tungkol sa Paskuwa. Pero itinuturo mo ba sa iyong mga anak ang aral na ito—na pinoprotektahan ng Diyos ang kaniyang bayan? Nakikita ba nila na talagang naniniwala kang si Jehova ay Tagapagsanggalang ng kaniyang bayan hanggang ngayon? (Awit 27:11; Isa. 12:2) At itinuturo mo ba iyan sa iyong mga anak sa pamamagitan ng masayang pag-uusap at hindi parang naglelektyur ka sa kanila? Kung ituturo mo sa iyong pamilya ang aral na iyan, higit silang magtitiwala kay Jehova.
Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas
(Exodo 12:12) Dahil dadaan ako sa lupain ng Ehipto sa gabing ito at papatayin ko ang lahat ng panganay sa Ehipto, mula sa tao hanggang sa hayop; at maglalapat ako ng hatol sa lahat ng diyos ng Ehipto. Ako si Jehova.
Paskuwa
Ang Sampung Salot na pinasapit sa Ehipto ay pawang nagsilbing paghatol sa mga diyos ng Ehipto, lalo na ang ikasampu, ang pagkamatay ng mga panganay. (Exo 12:12) Yamang ang barakong tupa ay sagrado sa diyos na si Ra, ang pagsasaboy ng dugo ng kordero ng Paskuwa sa mga pintuan ay kalapastanganan sa paningin ng mga Ehipsiyo. Sagrado rin sa kanila ang toro, at ang pagpatay sa mga panganay ng mga toro ay isang dagok sa diyos na si Osiris. Si Paraon mismo ay sinasamba bilang anak ni Ra. Kaya naman ipinakita ng pagkamatay ng mismong panganay ni Paraon na kapuwa inutil si Ra at si Paraon.
(Exodo 12:14-16) “‘Dapat ninyong alalahanin ang araw na ito, at ipagdiriwang ito ng lahat ng henerasyon bilang kapistahan para kay Jehova. Isa itong batas hanggang sa panahong walang takda. 15 Pitong araw kayong kakain ng tinapay na walang pampaalsa. Oo, sa unang araw, dapat ninyong alisin ang pinaasim na masa sa mga bahay ninyo, dahil ang sinumang kumain ng may pampaalsa mula sa unang araw hanggang sa ikapito ay aalisin sa Israel. 16 Sa unang araw ay magdaraos kayo ng isang banal na kombensiyon at isa pang banal na kombensiyon sa ikapitong araw. Walang trabahong gagawin sa mga araw na iyon. Ang puwede lang ninyong gawin ay ang maghanda ng pagkain para sa inyo.
Kombensiyon
Ang isang natatanging pagkakakilanlan ng lahat ng “mga banal na kombensiyon” na ito ay na hindi dapat gumawa ng mabigat na gawain ang taong-bayan habang nagaganap ang mga ito. Halimbawa, ang una at ikapitong araw ng Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa ay “mga banal na kombensiyon.” May kinalaman sa mga ito ay sinabi ni Jehova: “Walang gawa ang gagawin sa mga araw na iyon. Tanging ang kailangang kainin ng bawat kaluluwa, iyon lamang ang maaari ninyong gawin.” (Exo 12:15, 16) Gayunman, kapag panahon ng “mga banal na kombensiyon,” ang mga saserdote ay abala sa paghahandog ng mga hain kay Jehova (Lev 23:37, 38), at tiyak na hindi ito paglabag sa alinmang utos na huwag gumawa ng pang-araw-araw na mga gawain. Ang mga okasyong ito ay hindi rin mga pagkakataon upang magpakabatugan ang buong bayan kundi mga panahon para makinabang sila nang husto sa espirituwal. Tuwing lingguhang araw ng Sabbath, ang taong-bayan ay nagtitipon para sa pangmadlang pagsamba at pagtuturo. Sa gayo’y napatitibay sila ng pangmadlang pagbabasa at pagpapaliwanag sa nasusulat na Salita ng Diyos, gaya rin ng ginawa sa mga sinagoga nang maglaon. (Gaw 15:21) Samakatuwid, bagaman ang taong-bayan ay hindi gumagawa ng mabigat na gawain sa panahon ng araw ng Sabbath o ng iba pang “mga banal na kombensiyon,” iniuukol naman nila ang kanilang sarili sa pananalangin at pagbubulay-bulay tungkol sa Maylalang at sa kaniyang mga layunin.—Tingnan ang KAPULUNGAN.
Pagbabasa ng Bibliya
(Exodo 12:1-20) Sinabi ngayon ni Jehova kina Moises at Aaron sa Ehipto: 2 “Ang buwan na ito ang magiging pasimula ng mga buwan para sa inyo. Ito ang magiging unang buwan ng taon para sa inyo. 3 Sabihin ninyo sa buong bayan ng Israel, ‘Sa ika-10 araw ng buwang ito, ang bawat isa sa kanila ay dapat kumuha ng isang tupa para sa sambahayan ng ama niya, isang tupa para sa isang sambahayan. 4 Pero kung maliit ang sambahayan para kainin ang isang buong tupa, sila at ang pinakamalapit nilang kapitbahay ay maghahati sa tupa sa loob ng bahay nila. Hahatiin ito depende sa bilang ng tao at sa kayang kainin ng bawat isa. 5 Ang tupa ninyo ay dapat na malusog at isang-taóng-gulang na lalaki. Puwede kayong pumili ng isang batang tupa o kambing. 6 Aalagaan ninyo iyon hanggang sa ika-14 na araw ng buwang ito, at pagdating ng takipsilim ay papatayin iyon ng bawat sambahayan sa kongregasyon ng Israel. 7 Kukuha sila ng dugo, at lalagyan nila ng dugo ang dalawang poste ng pinto at ang itaas na bahagi ng pasukan ng mga bahay kung saan nila ito kakainin. 8 “‘Kakainin nila ang karne sa gabing iyon. Iihawin nila iyon at kakainin kasama ng tinapay na walang pampaalsa at ng mapapait na gulay. 9 Huwag ninyong kainin ang anumang bahagi nito na hilaw o pinakuluan sa tubig, kundi inihaw, ang ulo kasama ang mga binti at laman-loob nito. 10 Huwag kayong mag-iiwan ng tira hanggang kinaumagahan; pero kapag may natira sa umaga, sunugin ninyo iyon. 11 Sa ganitong paraan ninyo iyon kakainin: suot ang inyong sinturon at sandalyas at hawak ang inyong baston; at dali-dali ninyong kainin iyon. Ito ang Paskuwa ni Jehova. 12 Dahil dadaan ako sa lupain ng Ehipto sa gabing ito at papatayin ko ang lahat ng panganay sa Ehipto, mula sa tao hanggang sa hayop; at maglalapat ako ng hatol sa lahat ng diyos ng Ehipto. Ako si Jehova. 13 Ang dugo ay magsisilbing tanda sa mga bahay na kinaroroonan ninyo; makikita ko ang dugo at lalampasan ko kayo, at hindi kayo maaapektuhan ng salot kapag pinarusahan ko ang Ehipto. 14 “‘Dapat ninyong alalahanin ang araw na ito, at ipagdiriwang ito ng lahat ng henerasyon bilang kapistahan para kay Jehova. Isa itong batas hanggang sa panahong walang takda. 15 Pitong araw kayong kakain ng tinapay na walang pampaalsa. Oo, sa unang araw, dapat ninyong alisin ang pinaasim na masa sa mga bahay ninyo, dahil ang sinumang kumain ng may pampaalsa mula sa unang araw hanggang sa ikapito ay aalisin sa Israel. 16 Sa unang araw ay magdaraos kayo ng isang banal na kombensiyon at isa pang banal na kombensiyon sa ikapitong araw. Walang trabahong gagawin sa mga araw na iyon. Ang puwede lang ninyong gawin ay ang maghanda ng pagkain para sa inyo. 17 “‘Ipagdiriwang ninyo ang Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa, dahil sa araw na ito ay ilalabas ko sa Ehipto ang malaking bayan ninyo. At aalalahanin ninyo ang araw na ito sa lahat ng henerasyon bilang isang batas hanggang sa panahong walang takda. 18 Sa gabi ng ika-14 na araw ng unang buwan, kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa hanggang sa gabi ng ika-21 araw ng buwan. 19 Hindi puwedeng magkaroon ng pinaasim na masa sa mga bahay ninyo sa loob ng pitong araw, dahil ang sinumang kumain ng may pampaalsa, dayuhan man siya o katutubo sa lupain, ay aalisin sa Israel. 20 Huwag kayong kakain ng anumang may pampaalsa. Sa lahat ng bahay, tinapay na walang pampaalsa ang kakainin ninyo.’”