Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • mwbr20 Agosto p. 1-15
  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo
  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo—2020
  • Subtitulo
  • AGOSTO 3-9
  • w09 3/15 7 ¶2-3
  • AGOSTO 10-16
  • AGOSTO 17-23
  • AGOSTO 24-30
  • AGOSTO 31–SETYEMBRE 6
Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo—2020
mwbr20 Agosto p. 1-15

Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo

AGOSTO 3-9

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | EXODO 13-14

“‘Tumayo Kayong Matatag at Tingnan ang Pagliligtas ni Jehova’”

(Exodo 14:13, 14) Sinabi ni Moises sa bayan: “Huwag kayong matakot. Tumayo kayong matatag at tingnan ninyo kung paano kayo ililigtas ngayon ni Jehova. Dahil ang mga Ehipsiyo na nakikita ninyo ngayon ay hinding-hindi na ninyo makikitang muli. 14 Si Jehova mismo ang makikipaglaban para sa inyo; tatayo lang kayo.”

w13 2/1 4

Moises—May Pananampalataya

Maaaring walang ideya si Moises na hahatiin ng Diyos ang Dagat na Pula para makadaan ang mga Israelita. Pero nakatitiyak siyang may gagawin ang Diyos para protektahan ang Kaniyang bayan. Gusto rin ni Moises na magkaroon ng gayong pananalig ang kapuwa niya mga Israelita. Mababasa natin: “Sinabi ni Moises sa bayan: ‘Huwag kayong matakot. Tumayo kayong matatag at tingnan ninyo ang pagliligtas ni Jehova, na isasagawa niya para sa inyo ngayon.’” (Exodo 14:13) Natulungan ba sila ni Moises na magkaroon ng matibay na pananampalataya? Oo, sinabi ng Bibliya tungkol kay Moises at sa lahat ng Israelita: “Sa pananampalataya ay tumawid sila sa Dagat na Pula na gaya ng sa tuyong lupa.” (Hebreo 11:29) Hindi lang si Moises ang nakinabang sa kaniyang pananampalataya, kundi pati ang lahat ng natutong manampalataya kay Jehova.

(Exodo 14:21, 22) Iniunat ngayon ni Moises ang kamay niya sa ibabaw ng dagat; at magdamag na nagpahihip si Jehova ng malakas na hanging silangan at pinaurong ang dagat, kaya natuyo ang sahig ng dagat at nahati ang tubig. 22 Kaya dumaan ang mga Israelita sa tuyong lupa sa gitna ng dagat, habang ang tubig ay naging pader sa kanilang kanan at kaliwa.

w18.09 26 ¶13

Makapangyarihan-sa-Lahat Pero Makonsiderasyon

Basahin ang Exodo 14:19-22. Isipin mong naroroon ka, at nasukol kayo sa pagitan ng mga hukbo ni Paraon at ng Dagat na Pula. Pagkatapos, kumilos ang Diyos. Ang haliging ulap ay pumunta sa likuran ng kampo, at humarang sa mga Ehipsiyo kaya nabalot sila ng kadiliman. Pero ang kampo ninyo ay nasisinagan ng makahimalang liwanag! Pagkatapos, nakita mong iniunat ni Moises ang kaniyang kamay sa dagat. Humihip ang malakas na hanging silangan, at gumawa ito ng malapad na daan patawid sa kabilang panig. Sa maayos na paraan, ikaw, ang iyong pamilya, at mga alagang hayop ay lumakad sa pinakasahig ng dagat kasama ng karamihan. Bigla kang may napansing kakaiba. Ang pinakasahig ng dagat ay hindi maputik o mayelo; ito ay tuyo at matigas, at madaling lakaran. Kaya naman kahit ang pinakamababagal ay nakatawid nang ligtas.

(Exodo 14:26-28) Sinabi ni Jehova kay Moises: “Iunat mo ang kamay mo sa ibabaw ng dagat para bumalik sa dati ang tubig at malunod ang mga Ehipsiyo, kasama ang kanilang mga karwaheng pandigma at mga kabalyero.” 27 Agad na iniunat ni Moises ang kamay niya sa ibabaw ng dagat, at pagdating ng umaga, bumalik na sa dati ang dagat. Nang subukang tumakas ng mga Ehipsiyo, ipinalamon sila ni Jehova sa dagat. 28 Tinabunan ng tubig ang mga karwaheng pandigma at mga kabalyero at ang buong hukbo ng Paraon na humabol sa kanila sa dagat. Walang isa man sa kanila ang nakaligtas.

w09 3/15 7 ¶2-3

Huwag Mong Kalilimutan si Jehova

Habang nagkakagulo ang mga Ehipsiyo dahil sa kanilang nasirang mga karo, ang buong Israel ay nakatawid na sa kabilang baybayin. Sa pagkakataong ito, iniunat ni Moises ang kaniyang kamay sa Dagat na Pula. Pagkatapos, pinabagsak ni Jehova ang mga pader ng tubig. Milyun-milyong tonelada ng tubig ang rumagasa kay Paraon at sa kaniyang mga mandirigma anupat nalunod sila. Walang sinuman sa kanila ang nakaligtas. Malaya na ang Israel!—Ex. 14:26-28; Awit 136:13-15.

Nang mabalitaan ito ng mga bansa sa palibot, nakadama sila ng takot sa loob ng mahabang panahon. (Ex. 15:14-16) Pagkalipas ng 40 taon, sinabi ni Rahab na taga-Jerico sa dalawang lalaking Israelita: “Ang pagkatakot sa inyo ay napasaamin, . . . sapagkat narinig namin kung paanong tinuyo ni Jehova ang tubig ng Dagat na Pula mula sa harap ninyo nang lumabas kayo mula sa Ehipto.” (Jos. 2:9, 10) Maging ang mga bansang paganong iyon ay hindi nakalimot sa ginawang pagliligtas ni Jehova sa kaniyang bayan. Maliwanag, mas maraming dahilan ang Israel para hindi nila makalimutan si Jehova.

Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas

(Exodo 13:17) Nang pumayag ang Paraon na umalis ang bayan, hindi sila idinaan ng Diyos sa lupain ng mga Filisteo, kahit na mas maikli ang rutang iyon. Dahil sinabi ng Diyos: “Baka magbago ang isip ng bayan kapag napaharap sila sa digmaan at bumalik sila sa Ehipto.”

it-2 183

Lansangang-Bayan, Daan

Mula pa noong sinaunang mga panahon, ang mga lunsod at mga kaharian sa lugar ng Palestina ay pinag-uugnay na ng mga lansangang-bayan at mga daan, kabilang na rito ang ilang mahahalagang ruta ng kalakalan. (Bil 20:17-19; 21:21, 22; 22:5, 21-23; Jos 2:22; Huk 21:19; 1Sa 6:9, 12; 13:17, 18; tingnan ang DAAN NG HARI.) Ang itinuturing na pangunahing ruta sa mga ito ay yaong nagmumula sa Ehipto patungo sa mga Filisteong lunsod ng Gaza at Askelon at unti-unting lumiliko nang pahilagang-silangan sa direksiyon ng Megido. Nagpapatuloy ito papuntang Hazor, sa H ng Dagat ng Galilea, at pagkatapos ay patungo naman sa Damasco. Ang rutang ito na dumaraan sa Filistia ang pinakamaikling ruta mula sa Ehipto patungo sa Lupang Pangako. Ngunit may-kabaitang inakay ni Jehova ang mga Israelita sa ibang daan upang hindi sila masiraan ng loob dahil sa posibleng pagsalakay ng mga Filisteo.​—Exo 13:17.

(Exodo 14:2) “Sabihin mo sa mga Israelita na lumiko sila at magkampo sa harap ng Pihahirot, sa pagitan ng Migdol at ng dagat, sa tapat ng Baal-zepon. Magkampo kayo malapit doon, sa tabi ng dagat.

it-2 560 ¶2-3

Pag-alis

Saan nahati ang Dagat na Pula upang makatawid ang Israel?

Dapat pansinin na nang marating nila ang ikalawang bahagi ng kanilang paglalakbay, sa Etham “sa gilid ng ilang,” iniutos ng Diyos kay Moises na “bumalik sila at magkampo sa harap ng Pihahirot . . . sa tabi ng dagat.” Dahil sa pagkilos na ito, aakalain ni Paraon na ang mga Israelita ay “nagpapagala-gala . . . dahil sa kalituhan.” (Exo 13:20; 14:1-3) Ayon sa mga iskolar na mas pabor sa ruta ng el Haj, ang pandiwang Hebreo para sa “bumalik” ay mariin at hindi basta nangangahulugang “lumihis,” kundi higit na nangangahulugan ng pagbuwelta o ng maliwanag na pag-iba ng daan. Iminumungkahi nila na pagdating sa isang dako sa H ng bukana ng Gulpo ng Suez, binaligtad ng mga Israelita ang kanilang hanay ng paghayo at lumigid patungo sa S panig ng Jebel ʽAtaqah, isang kabundukan na kahangga ng K panig ng Gulpo. Ang isang malaking hukbo, na gaya ng mga Israelita, ay hindi mabilis na makaalis mula sa gayong posisyon kung tutugisin mula sa H, at sa gayon ay masusukol sila anupat nakaharang ang dagat sa daraanan nila.

Gayon ngang larawan ang inihaharap ng tradisyong Judio noong unang siglo C.E. (Tingnan ang PIHAHIROT.) Ngunit, higit na mahalaga, ang gayong situwasyon ay tumutugma sa pangkalahatang larawan na ipinakikita sa Bibliya mismo, samantalang hindi tumutugma rito ang popular na mga pangmalas ng maraming iskolar. (Exo 14:9-16) Lumilitaw na ang pagtawid ay malayo mula sa bukana ng Gulpo (o kanlurang sanga ng Dagat na Pula) anupat ang mga hukbo ni Paraon ay hindi basta makaliligid sa dulo ng Gulpo at madaling makararating sa mga Israelita na nasa kabilang panig.​—Exo 14:22, 23.

Pagbabasa ng Bibliya

(Exodo 13:1-20) Sinabi pa ni Jehova kay Moises: 2 “Ialay mo sa akin ang lahat ng panganay na lalaki ng mga Israelita. Ang unang lalaki na ipanganganak ng tao o hayop ay sa akin.” 3 At sinabi ni Moises sa bayan: “Alalahanin ninyo ang araw na iyon nang lumabas kayo sa Ehipto, kung saan kayo naging alipin, dahil inilabas kayo ni Jehova mula rito gamit ang kaniyang makapangyarihang kamay. Kaya hindi kayo puwedeng kumain ng anumang may pampaalsa. 4 Lumabas kayo sa araw na iyon, sa buwan ng Abib. 5 Kapag dinala na kayo ni Jehova sa lupain ng mga Canaanita, Hiteo, Amorita, Hivita, at Jebusita, na ipinangako niya sa inyong mga ninuno na ibibigay sa inyo, isang lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan, patuloy ninyo itong alalahanin sa buwang ito. 6 Pitong araw kayong kakain ng tinapay na walang pampaalsa, at sa ikapitong araw ay magkakaroon ng kapistahan para kay Jehova. 7 Tinapay na walang pampaalsa ang kakainin ninyo sa loob ng pitong araw; at hindi kayo puwedeng magkaroon ng anumang may pampaalsa, at hindi puwedeng magkaroon ng pinaasim na masa sa buong teritoryo ninyo. 8 At sasabihin ninyo sa inyong anak sa araw na iyon, ‘Dahil ito sa ginawa ni Jehova para sa akin nang lumabas ako sa Ehipto.’ 9 Ipapaalaala nito sa inyo ang pangyayaring ito na para bang nakasulat ito sa inyong kamay at sa inyong noo, para lumabas sa inyong bibig ang kautusan ni Jehova, dahil inilabas kayo ni Jehova sa Ehipto gamit ang kaniyang makapangyarihang kamay. 10 Susundin ninyo ang batas na ito taon-taon sa itinakdang panahon para dito. 11 “Kapag dinala na kayo ni Jehova sa lupain ng mga Canaanita, na ipinangako niya sa inyo at sa inyong mga ninuno, 12 ialay ninyo kay Jehova ang lahat ng panganay na lalaki, pati na ang lahat ng unang anak na lalaki ng inyong mga alagang hayop. Ang mga lalaki ay kay Jehova. 13 Bawat panganay ng asno ay tutubusin ninyo ng isang tupa, at kung hindi ninyo iyon tutubusin, babaliin ninyo ang leeg nito. Tutubusin din ninyo ang bawat panganay na lalaki sa inyong pamilya. 14 “Kung sakaling magtanong sa inyo ang inyong mga anak, ‘Ano ang ibig sabihin nito?’ sabihin ninyo sa kanila, ‘Ginamit ni Jehova ang kaniyang makapangyarihang kamay para ilabas kami sa Ehipto, kung saan kami naging alipin. 15 Nang magmatigas ang Paraon at hindi niya kami payagang umalis, pinatay ni Jehova ang lahat ng panganay sa Ehipto, mula sa panganay ng tao hanggang sa hayop. Kaya naman iniaalay ko kay Jehova ang lahat ng panganay na lalaki, at tinutubos ko ang bawat panganay na lalaki sa pamilya ko.’ 16 Ipapaalaala nito sa inyo ang pangyayaring ito na para bang nakatali ito sa inyong kamay at sa inyong noo, dahil inilabas tayo ni Jehova sa Ehipto gamit ang kaniyang makapangyarihang kamay.” 17 Nang pumayag ang Paraon na umalis ang bayan, hindi sila idinaan ng Diyos sa lupain ng mga Filisteo, kahit na mas maikli ang rutang iyon. Dahil sinabi ng Diyos: “Baka magbago ang isip ng bayan kapag napaharap sila sa digmaan at bumalik sila sa Ehipto.” 18 Kaya idinaan sila ng Diyos sa mahabang ruta, sa ilang na malapit sa Dagat na Pula. Pero ang mga Israelita ay nakahanay na gaya ng isang hukbo nang umalis sila sa Ehipto. 19 Dinala rin ni Moises ang mga buto ni Jose, dahil pinasumpa ni Jose ang mga anak ni Israel: “Tiyak na tutulungan kayo ng Diyos. Dalhin ninyo ang mga buto ko paglabas ninyo rito.” 20 Umalis sila sa Sucot at nagkampo sa Etham, na malapit sa ilang.

AGOSTO 10-16

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | EXODO 15-16

“Umawit ng Papuri kay Jehova”

(Exodo 15:1, 2) Nang pagkakataong iyon, inawit ni Moises at ng mga Israelita ang awit na ito para kay Jehova: “Aawit ako kay Jehova, dahil lubos siyang naluwalhati. Ang kabayo at ang sakay nito ay itinapon niya sa dagat. 2 Si Jah ang aking lakas at kapangyarihan, dahil siya ang naging kaligtasan ko. Siya ang Diyos ko, at pupurihin ko siya; siya ang Diyos ng ama ko, at dadakilain ko siya.

w95 10/15 11 ¶11

Bakit Dapat Matakot sa Tunay na Diyos Ngayon?

11 Ang pagpuksa ni Jehova sa mga puwersang militar ng Ehipto ang siyang nagtaas sa kaniya sa mata ng mga sumasamba sa kaniya at nagtanyag ng kaniyang pangalan. (Josue 2:9, 10; 4:23, 24) Oo, ang kaniyang pangalan ay dinakila sa ibabaw ng walang-kapangyarihan at huwad na mga diyos ng Ehipto, na napatunayang walang-kakayahan na iligtas ang mga sumasamba sa kanila. Ang pagtitiwala sa kanilang mga bathala at sa mortal na tao at puwersang militar ay humantong sa mapait na kabiguan. (Awit 146:3) Hindi nga nakapagtataka na ang mga Israelita ay napakilos na umawit ng mga papuri na nagpapamalas ng nararapat na pagkatakot sa buháy na Diyos, na makapangyarihang nagliligtas sa kaniyang bayan!

(Exodo 15:11) Sino sa mga diyos ang gaya mo, O Jehova? Sino ang gaya mo, na walang katulad sa kabanalan? Ikaw ang dapat katakutan at purihin sa pamamagitan ng mga awit; gumagawa ka ng kamangha-manghang mga bagay.

(Exodo 15:18) Si Jehova ay maghahari magpakailanman.

w95 10/15 11-12 ¶15-16

Bakit Dapat Matakot sa Tunay na Diyos Ngayon?

15 Kung nakatayong ligtas kasama ni Moises, tiyak na tayo’y magaganyak ding umawit: “Sino sa mga diyos ang kagaya mo, O Jehova? Sino ang kagaya mo, na pinatutunayan ang iyong sarili na makapangyarihan sa kabanalan? Ang Isa na dapat katakutan taglay ang mga awit ng papuri, ang Isa na gumagawa ng mga kababalaghan.” (Exodo 15:11) Ang gayong papuri ay umalingawngaw sa lahat ng mga siglo magmula noon. Sa huling aklat ng Bibliya, inilalarawan ni apostol Juan ang isang grupo ng tapat na pinahirang mga lingkod ng Diyos: “Inaawit nila ang awit ni Moises na alipin ng Diyos at ang awit ng Kordero.” Ano ang dakilang awit na ito? “Dakila at kamangha-mangha ang iyong mga gawa, Diyos na Jehova, ang Makapangyarihan-sa-lahat. Matuwid at totoo ang iyong mga daan, Haring walang-hanggan. Sino talaga ang hindi matatakot sa iyo, Jehova, at luluwalhati sa iyong pangalan, sapagkat ikaw lamang ang matapat?”—Apocalipsis 15:2-4.

16 Kaya sa ngayon ay mayroon ding pinalayang mga mananamba na nagpapahalaga hindi lamang sa malikhaing gawa ng kamay ng Diyos kundi gayundin sa kaniyang mga utos. Ang mga tao mula sa lahat ng bansa ay espirituwal na napalaya, anupat hiwalay sa maruming sanlibutang ito sapagkat kinikilala at ikinakapit nila ang matuwid na mga utos ng Diyos. Taun-taon, daan-daan libo ang tumatakas sa tiwaling sanlibutang ito upang manirahan kasama ng malinis at matuwid na organisasyon ng mga sumasamba kay Jehova. Di na magtatagal, pagkatapos isagawa ang maapoy na kahatulan ng Diyos laban sa huwad na relihiyon at sa nalalabing bahagi ng balakyot na sistemang ito, sila’y mabubuhay magpakailanman sa isang matuwid na bagong sanlibutan.

(Exodo 15:20, 21) Pagkatapos, kumuha ng tamburin si Miriam na propetisa, na kapatid ni Aaron; sumunod sa kaniya ang lahat ng babae, at tumugtog sila ng tamburin at sumayaw. 21 Umawit si Miriam bilang sagot sa kanila: “Umawit kay Jehova, dahil lubos siyang naluwalhati. Ang kabayo at ang sakay nito ay itinapon niya sa dagat.”

it-2 431 ¶3

Musika

Waring ang karamihan sa mga panggrupong pag-awit sa Israel noon ay sa istilong antiphony, anupat maaaring dalawang kalahati ng koro ang naghahalinhinan sa pag-awit ng magkakatulad na mga linya, o isang soloista at isang sumasagot na koro ang naghahalinhinan. Sa Kasulatan, lumilitaw na tinutukoy ito bilang ‘pagtugon.’ (Exo 15:21; 1Sa 18:6, 7) Ang ganitong uri ng pag-awit ay ipinahihiwatig ng mismong pagkakasulat ng ilan sa mga awit, gaya ng Awit 136. Ang paglalarawan sa dalawang malalaking koro ng pasasalamat noong panahon ni Nehemias at sa bahaging kanilang ginampanan noong pasinayaan ang pader ng Jerusalem ay nagpapahiwatig na ganitong istilo ng pag-awit ang ginawa nila.​—Ne 12:31, 38, 40-42; tingnan ang AWIT.

it-2 976

Propetisa

Sa Bibliya, si Miriam ang unang babaing tinawag na propetisa. Maliwanag na ginamit siya ng Diyos upang maghatid ng isa o higit pang mensahe, marahil ay sa pamamagitan ng kinasihang mga awitin. (Exo 15:20, 21) Kaya naman, iniulat na sinabi niya at ni Aaron laban kay Moises: “Hindi ba sa pamamagitan din natin ay nagsasalita [si Jehova]?” (Bil 12:2) Sa pamamagitan ng propetang si Mikas, sinabi ni Jehova na isinugo niya “si Moises, si Aaron at si Miriam” sa unahan ng mga Israelita noong iahon niya sila mula sa Ehipto. (Mik 6:4) Bagaman nagkapribilehiyo si Miriam na maging instrumento ng Diyos sa pakikipagtalastasan, ang kaniyang kaugnayan kay Jehova bilang propetisa ay hindi kasimbuti ng kaugnayan ni Moises sa Diyos bilang propeta. Nang lumampas si Miriam sa kaniyang wastong dako, dumanas siya ng matinding kaparusahan mula sa Diyos.​—Bil 12:1-15.

Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas

(Exodo 16:13) Kaya nang gabing iyon, napakaraming pugo ang dumagsa at napuno nito ang kampo, at sa kinaumagahan ay nalatagan ng hamog ang palibot ng kampo.

w11 9/1 14

Alam Mo Ba?

Bakit pugo ang piniling ipakain ng Diyos sa mga Israelita sa ilang?

Matapos mapalaya ang mga Israelita mula sa Ehipto, dalawang beses silang pinaglaanan ng Diyos ng napakaraming pugo bilang pagkain.​—Exodo 16:13; Bilang 11:31.

Ang mga pugo ay maliliit na ibon, na mga 7 pulgada ang haba at tumitimbang nang mga 100 gramo. Nagpaparami ang mga ito sa mga lupain ng kanlurang Asia at Europa. Kapag taglamig, nandarayuhan ang mga ito sa Hilagang Aprika at Arabia. Sa kanilang pandarayuhan, binabagtas ng mga ito ang silanganing baybayin ng Dagat Mediteraneo at ang Peninsula ng Sinai.

Ayon sa The New Westminster Dictionary of the Bible, ang mga pugo ay “mabilis at mahusay lumipad, at sinasabayan nila ang direksiyon ng hangin; pero kapag nagbago ang direksiyon ng hangin, o napagod ang mga ibon sa matagal na paglipad, malamang na bumagsak sa lupa ang napakaraming ibong ito, anupat hinang-hina.” Bago sila magpatuloy sa pandarayuhan, kailangan muna nilang mamahinga sa lupa nang mga isa o dalawang araw. Kaya naman, madali silang mahuli ng mga mangangaso. Noong pasimula ng ika-20 siglo, nagluluwas ang Ehipto ng mga tatlong milyong pugo taun-taon bilang pagkain.

Parehong tagsibol nang pakainin ng Diyos ng pugo ang mga Israelita. Bagaman regular na binabagtas ng mga pugo ang Sinai kapag tagsibol, si Jehova ang nagpangyari na “isang hangin ang bumugso” para maitaboy ang mga ito patungo sa kampo ng mga Israelita.​—Bilang 11:31.

(Exodo 16:32-34) Pagkatapos ay sinabi ni Moises: “Ito ang iniutos ni Jehova, ‘Kumuha kayo ng isang takal na omer nito at itabi ninyo para sa susunod na mga henerasyon ninyo, para makita nila ang tinapay na ipinakain ko sa inyo sa ilang noong ilabas ko kayo sa Ehipto.’” 33 Kaya sinabi ni Moises kay Aaron: “Kumuha ka ng isang lalagyan at ilagay mo roon ang isang takal na omer ng manna, at ilagay mo iyon sa harap ni Jehova; iingatan ito hanggang sa susunod na mga henerasyon ninyo.” 34 Gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises, inilagay iyon ni Aaron sa harap ng Patotoo para maingatan ito.

w06 1/15 31

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Di-nagtagal pagkatapos ng pagliligtas sa kanila sa Ehipto, nagsimulang magbulung-bulungan ang mga Israelita tungkol sa pagkain. Kaya pinaglaanan sila ni Jehova ng manna. (Exodo 12:17, 18; 16:1-5) Nang panahong iyon, tinagubilinan ni Moises si Aaron: “Kumuha ka ng isang banga at lagyan mo iyon ng isang omer na punô ng manna at ilagay mo iyon sa harap ni Jehova bilang bagay na iingatan sa lahat ng inyong mga salinlahi.” Sinabi ng ulat: “Gaya ng iniutos ni Jehova kay Moises, inilagay iyon ni Aaron sa harap ng Patotoo [isang imbakan para sa pag-iingat ng importanteng mga dokumento] bilang bagay na iingatan.” (Exodo 16:33, 34) Bagaman walang-alinlangang nakapagtipon na ng manna si Aaron sa isang banga noong panahong iyon, nailagay lamang ito sa harap ng Patotoo nang matapos na ni Moises ang Kaban at mailagay na roon ang mga tapyas.

Pagbabasa ng Bibliya

(Exodo 16:1-18) Pag-alis sa Elim, nakarating ang buong bayan ng Israel sa ilang ng Sin, na nasa pagitan ng Elim at Sinai, noong ika-15 araw ng ikalawang buwan pagkalabas nila sa Ehipto. 2 At ang buong bayan ng Israel ay nagsimulang magbulong-bulungan sa ilang laban kina Moises at Aaron. 3 Paulit-ulit na sinasabi sa kanila ng mga Israelita: “Pinatay na lang sana kami ni Jehova sa Ehipto habang nakaupo kami sa tabi ng mga kaldero ng karne, habang kumakain ng tinapay hanggang sa mabusog. Dinala ninyo sa ilang na ito ang buong kongregasyon para lang patayin kami sa gutom.” 4 Sinabi ni Jehova kay Moises: “Magpapaulan ako para sa inyo ng tinapay mula sa langit, at ang bawat isa sa bayan ay lalabas araw-araw para kumuha ng kaya niyang kainin, nang sa gayon ay masubok ko sila at malaman ko kung lalakad sila sa kautusan ko o hindi. 5 Pero tuwing ikaanim na araw, ang kukunin nila at ihahanda para lutuin ay doble ng kinukuha nila sa ibang mga araw.” 6 Kaya sinabi nina Moises at Aaron sa lahat ng Israelita: “Sa gabi, tiyak na malalaman ninyo na si Jehova ang naglabas sa inyo sa Ehipto. 7 Sa umaga, makikita ninyo ang kaluwalhatian ni Jehova, dahil narinig niya ang mga bulong-bulungan ninyo laban kay Jehova. Sino ba kami para magbulong-bulungan kayo laban sa amin?” 8 Sinabi pa ni Moises: “Kapag binigyan kayo ni Jehova ng karne sa gabi at ng tinapay na makakain sa umaga hanggang sa mabusog kayo, malalaman ninyong narinig ni Jehova ang mga bulong-bulungan ninyo laban sa kaniya. Pero sino ba kami? Hindi laban sa amin ang mga bulong-bulungan ninyo, kundi laban kay Jehova.” 9 At sinabi ni Moises kay Aaron: “Sabihin mo sa buong bayan ng Israel, ‘Magtipon kayo sa harap ni Jehova, dahil narinig niya ang mga bulong-bulungan ninyo.’” 10 Nang sabihin ito ni Aaron sa buong bayan ng Israel, humarap sila at tumingin sa ilang, at lumitaw sa ulap ang kaluwalhatian ni Jehova! 11 Sinabi pa ni Jehova kay Moises: 12 “Narinig ko ang mga bulong-bulungan ng mga Israelita. Sabihin mo sa kanila, ‘Sa takipsilim ay kakain kayo ng karne, at sa umaga ay mabubusog kayo sa tinapay, at tiyak na malalaman ninyo na ako ang Diyos ninyong si Jehova.’” 13 Kaya nang gabing iyon, napakaraming pugo ang dumagsa at napuno nito ang kampo, at sa kinaumagahan ay nalatagan ng hamog ang palibot ng kampo. 14 Nang matuyo ang hamog, may naiwan sa ilang na pinong mga butil, na kasimpino ng niyebe na nasa lupa. 15 Nang makita iyon ng mga Israelita, sinabi nila sa isa’t isa: “Ano ito?” dahil hindi nila alam kung ano iyon. Sinabi ni Moises: “Ito ang tinapay na ibinigay ni Jehova sa inyo bilang pagkain. 16 Ito ang iniutos ni Jehova, ‘Bawat isa ay kukuha ng kaya niyang kainin. Kukuha kayo ng isang takal na omer para sa bawat isa, ayon sa dami ng tao na nakatira sa tolda ninyo.’” 17 Ganoon nga ang ginawa ng mga Israelita; nanguha sila nito, ang iba ay kumuha ng marami at ang iba naman ay kaunti. 18 Nang sukatin nila iyon ayon sa takal ng omer, ang kumuha ng marami ay hindi nagkaroon ng sobra at ang kumuha ng kaunti ay hindi nagkulang. Bawat isa ay kumuha ng kaya niyang kainin.

AGOSTO 17-23

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | EXODO 17-18

“Nagsasanay at Nag-aatas ang mga Mapagpakumbaba”

(Exodo 18:17, 18) Sinabi kay Moises ng biyenan niya: “Hindi dapat ganiyan ang ginagawa mo. 18 Siguradong mapapagod ka, ikaw at ang bayang ito, dahil napakabigat ng pasaning ito para kayanin mong mag-isa.

w13 2/1 6

Moises—May Pag-ibig

Nagpakita si Moises ng pag-ibig sa kapuwa niya mga Israelita. Alam nilang ginagamit ni Jehova si Moises para patnubayan ang kaniyang bayan, kaya inilalapit nila kay Moises ang kanilang mga problema. Mababasa natin: “Ang bayan ay nanatiling nakatayo sa harap ni Moises mula umaga hanggang gabi.” (Exodo 18:13-16) Isipin na lang kung paano nasasaid ang lakas ni Moises sa maghapong pakikinig sa problema ng mga Israelita! Pero masaya si Moises na tulungan ang mga taong mahal niya.

(Exodo 18:21, 22) Pero dapat kang pumili mula sa bayan ng mga lalaking may kakayahan, natatakot sa Diyos, mapagkakatiwalaan, at hindi tiwali; at atasan mo sila bilang mga pinuno ng libo-libo, ng daan-daan, ng lima-limampu, at ng sampu-sampu. 22 Sila ang hahatol sa bayan kapag may bumangong usapin; ilalapit nila sa iyo ang mahihirap na usapin, pero sila na ang hahatol sa maliliit na usapin. Gagaan ang iyong trabaho kapag ibinahagi mo sa kanila ang iyong pasan.

w03 11/1 6 ¶1

Mahalaga ang Pagtitiwala Para sa Isang Maligayang Buhay

Ang mga ito ay mga lalaking nagpakita na ng makadiyos na mga katangian bago pa sila pinagkatiwalaan ng pananagutan. Napatunayan na nilang sila ay may takot sa Diyos; mayroon silang mabuting pagpipitagan sa Maylalang at natatakot sila na hindi siya mapalugdan. Maliwanag sa lahat na ginawa ng mga lalaking ito ang kanilang buong makakaya upang itaguyod ang mga pamantayan ng Diyos. Kinapootan nila ang di-tapat na pakinabang, na nagpapakita ng katatagan sa moral na hahadlang sa kanila na maging tiwali dahil sa kapangyarihan. Hindi nila aabusuhin ang pagtitiwala upang isulong ang kanilang sariling personal na mga kapakanan o yaong sa mga kamag-anak o mga kaibigan.

(Exodo 18:24, 25) Pinakinggan ni Moises ang biyenan niya at agad na ginawa ang lahat ng sinabi nito. 25 Pumili si Moises ng mga lalaking may kakayahan mula sa buong Israel, at inatasan niya sila na maging mga pinuno ng bayan, bilang mga pinuno ng libo-libo, ng daan-daan, ng lima-limampu, at ng sampu-sampu.

w02 5/15 25 ¶5

Katapatan ang Pumapatnubay sa mga Matuwid

Mahinhin at mapagpakumbaba rin si Moises. Nang siya’y nahahapo na sa pag-aasikaso ng mga problema ng iba, ang kaniyang biyenang lalaki, si Jetro, ay nagbigay ng praktikal na solusyon: Ibahagi ang ilang pananagutan sa ibang kuwalipikadong mga lalaki. Yamang kinikilala ang kaniyang sariling mga limitasyon, may-karunungang tinanggap ni Moises ang mungkahi. (Exodo 18:17-26; Bilang 12:3) Hindi nag-aatubili ang isang mahinhing lalaki na mag-atas ng awtoridad sa iba, ni natatakot man siya na sa paanuman ay mawala ang kaniyang kontrol sa pamamagitan ng pagbabahagi ng naaangkop na mga pananagutan sa ibang kuwalipikadong mga lalaki. (Bilang 11:16, 17, 26-29) Sa halip, siya ay nananabik na tulungan sila na sumulong sa espirituwal. (1 Timoteo 4:15) Hindi ba gayundin ang dapat nating gawin?

Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas

(Exodo 17:11-13) Kapag nakataas ang mga kamay ni Moises, nananalo ang mga Israelita, pero kapag ibinababa niya ang mga kamay niya, ang mga Amalekita naman ang nananalo. 12 Nang mangawit na ang mga kamay ni Moises, kumuha sila ng bato at pinaupo siya roon; at pumuwesto sina Aaron at Hur sa magkabilang panig at inalalayan ang mga kamay niya para manatiling nakataas ang mga ito hanggang sa paglubog ng araw. 13 Kaya natalo ni Josue ang mga Amalekita gamit ang espada.

w16.09 6 ¶14

“Huwag Nawang Lumaylay ang Iyong mga Kamay”

14 Literal na inalalayan nina Aaron at Hur ang mga kamay ni Moises sa panahon ng labanan. Maaari din tayong humanap ng mga paraan para alalayan at tulungan ang iba. Sino? Ang mga nakikipagpunyagi sa epekto ng pagtanda, mahinang kalusugan, pagsalansang ng mga kapamilya, kalungkutan, o pagkamatay ng mahal sa buhay. Mapalalakas din natin ang mga kabataang ginigipit na gumawa ng mali o maging “matagumpay” sa sistemang ito ng mga bagay, sa paaralan man, pinansiyal, o propesyon. (1 Tes. 3:1-3; 5:11, 14) Humanap ng mga pagkakataon na makapagpakita ng personal na interes sa iba—sa Kingdom Hall, sa ministeryo, habang nagsasalusalo o nag-uusap sa telepono.

(Exodo 17:14) Sinabi ngayon ni Jehova kay Moises: “Isulat mo ito sa aklat para hindi malimutan, at ulitin mo ito kay Josue, ‘Lilipulin ko ang mga Amalekita sa ibabaw ng lupa, at wala nang makakaalaala sa kanila.’”

it-1 1400

Kanon

Kung susuriin ang mga isinulat na ito ni Moises batay sa panloob na katibayan, makikita natin na ang mga ito’y nagmula sa Diyos, kinasihan, kanonikal, at mapananaligang gabay sa dalisay na pagsamba. Si Moises ay naging lider at kumandante ng mga Israelita hindi dahil sa sarili niyang kagustuhan; sa katunayan ay nag-atubili siya noong una. (Exo 3:10, 11; 4:10-14) Gayunman, ibinangon ng Diyos si Moises at pinagkalooban siya ng makahimalang mga kapangyarihan, anupat maging ang mga mahikong saserdote ni Paraon ay napilitang umamin na ang Diyos ang nagpangyari ng mga bagay na ginawa ni Moises. (Exo 4:1-9; 8:16-19) Kaya hindi inambisyon ni Moises na maging orador at manunulat. Sa halip, bilang pagsunod sa utos ng Diyos at taglay ang mga kredensiyal ng banal na espiritu, naudyukan siyang magsalita at pagkatapos ay isulat ang ilang bahagi ng kanon ng Bibliya.​—Exo 17:14.

Pagbabasa ng Bibliya

(Exodo 17:1-16) Ang buong bayan ng Israel ay umalis sa ilang ng Sin at nagpatuloy sa paglalakbay, na humihinto sa iba’t ibang lugar ayon sa utos ni Jehova. Nagkampo sila sa Repidim. Pero walang tubig na mainom ang bayan. 2 Kaya nakipag-away ang bayan kay Moises, at sinabi nila: “Bigyan mo kami ng tubig na maiinom.” Pero sinabi ni Moises: “Bakit kayo nakikipag-away sa akin? Bakit lagi ninyong sinusubok si Jehova?” 3 Uhaw na uhaw roon ang bayan, at lagi silang nagbubulong-bulungan laban kay Moises at nagsasabi: “Bakit mo kami inilabas sa Ehipto para lang patayin kami sa uhaw, pati na ang mga anak at alagang hayop namin?” 4 Kaya humingi na ng tulong si Moises kay Jehova: “Ano ang gagawin ko sa bayang ito? Malapit na nila akong batuhin!” 5 Kaya sinabi ni Jehova kay Moises: “Dumaan ka sa harap ng bayan, at isama mo ang ilan sa matatandang lalaki ng Israel at dalhin mo ang iyong tungkod na inihampas mo sa Ilog Nilo. Hawakan mo iyon at lumakad ka. 6 Tatayo ako doon sa harap mo sa ibabaw ng bato sa Horeb. Hampasin mo ang bato, at may lalabas na tubig doon, at iyon ang iinumin ng bayan.” Gayon ang ginawa ni Moises sa harap ng matatandang lalaki ng Israel. 7 Kaya tinawag niyang Masah at Meriba ang lugar na iyon dahil sa pakikipag-away ng mga Israelita at dahil sinubok nila si Jehova, na sinasabi: “Kasama ba natin si Jehova o hindi?” 8 At dumating ang mga Amalekita at nakipaglaban sa Israel sa Repidim. 9 Kaya sinabi ni Moises kay Josue: “Pumili ka ng mga lalaki at makipaglaban kayo sa mga Amalekita. Tatayo ako bukas sa tuktok ng burol habang hawak ang tungkod ng tunay na Diyos.” 10 Ginawa ni Josue ang sinabi ni Moises sa kaniya, at nakipaglaban siya sa mga Amalekita. At sina Moises, Aaron, at Hur ay umakyat sa tuktok ng burol. 11 Kapag nakataas ang mga kamay ni Moises, nananalo ang mga Israelita, pero kapag ibinababa niya ang mga kamay niya, ang mga Amalekita naman ang nananalo. 12 Nang mangawit na ang mga kamay ni Moises, kumuha sila ng bato at pinaupo siya roon; at pumuwesto sina Aaron at Hur sa magkabilang panig at inalalayan ang mga kamay niya para manatiling nakataas ang mga ito hanggang sa paglubog ng araw. 13 Kaya natalo ni Josue ang mga Amalekita gamit ang espada. 14 Sinabi ngayon ni Jehova kay Moises: “Isulat mo ito sa aklat para hindi malimutan, at ulitin mo ito kay Josue, ‘Lilipulin ko ang mga Amalekita sa ibabaw ng lupa, at wala nang makakaalaala sa kanila.’” 15 Pagkatapos, nagtayo si Moises ng isang altar at tinawag itong Jehova-nisi, 16 at sinabi niya: “Dahil ang kamay ng mga Amalekita ay laban sa trono ni Jah, makikipagdigma si Jehova sa kanila at sa lahat ng susunod na henerasyon nila.”

AGOSTO 24-30

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | EXODO 19-20

“Ikaw at ang Sampung Utos”

(Exodo 20:3-7) Hindi ka dapat magkaroon ng ibang diyos maliban sa akin. 4 “Huwag kang gagawa para sa iyo ng inukit na imahen o ng anyo na katulad ng anumang nasa langit o nasa lupa o nasa tubig. 5 Huwag kang yuyukod sa mga iyon o matutuksong maglingkod sa mga iyon, dahil akong si Jehova na iyong Diyos ay Diyos na humihiling ng bukod-tanging debosyon, nagpaparusa sa mga anak dahil sa kasalanan ng mga ama, hanggang sa ikatlo at ikaapat na henerasyon ng mga napopoot sa akin, 6 pero nagpapakita ng tapat na pag-ibig hanggang sa ikasanlibong henerasyon ng mga umiibig sa akin at sumusunod sa mga utos ko. 7 “Huwag mong gagamitin ang pangalan ni Jehova na iyong Diyos sa walang-kabuluhang paraan, dahil tiyak na paparusahan ni Jehova ang gumagamit ng pangalan niya sa walang-kabuluhang paraan.

w89 11/15 6 ¶1

Ano ang Kahulugan sa Iyo ng Sampung Utos?

Ang unang apat na utos ay nagtatampok ng ating pananagutan kay Jehova. (Una) Siya’y isang Diyos na humihingi pa rin ngayon ng bukod-tanging debosyon. (Mateo 4:10) (Ikalawa) Walang sinuman sa kaniyang mga mananamba ang gagamit ng mga imahen. (1 Juan 5:21) (Ikatlo) Ang paggamit natin sa pangalan ng Diyos ay dapat na tama at sa paraang marangal, hindi walang-galang. (Juan 17:26; Roma 10:13) (Ikaapat) Ang ating buong buhay ay dapat nakasentro sa mga bagay na banal. Ito’y nagpapangyari sa atin na mamahinga, ‘mangilin ng sabbath,’ buhat sa landas ng pagkamatuwid-sa-sarili.​—Hebreo 4:9, 10.

(Exodo 20:8-11) “Alalahanin mo ang araw ng Sabbath at panatilihin itong banal. 9 Puwede kang magtrabaho sa loob ng anim na araw, 10 pero ang ikapitong araw ay sabbath para kay Jehova na iyong Diyos. Hindi ka gagawa ng anumang trabaho, ikaw, ang iyong anak na lalaki at babae, aliping lalaki at babae, at alagang hayop, o ang dayuhang naninirahan sa inyong mga pamayanan. 11 Dahil sa loob ng anim na araw ay ginawa ni Jehova ang langit, lupa, dagat, at lahat ng naroon, at nagsimula siyang magpahinga sa ikapitong araw. Kaya naman pinagpala ni Jehova ang araw ng Sabbath at ginawa itong banal.

(Exodo 20:12-17) “Parangalan mo ang iyong ama at ina para mabuhay ka nang mahaba sa lupaing ibinibigay sa iyo ni Jehova na iyong Diyos. 13 “Huwag kang papatay. 14 “Huwag kang mangangalunya. 15 “Huwag kang magnanakaw. 16 “Huwag kang magsisinungaling kapag tumetestigo ka laban sa kapuwa mo. 17 “Huwag mong nanasain ang bahay ng kapuwa mo. Huwag mong nanasain ang kaniyang asawa, aliping lalaki o babae, toro, asno, o anumang pag-aari niya.”

w89 11/15 6 ¶2-3

Ano ang Kahulugan sa Iyo ng Sampung Utos?

(Ikalima) Ang pagtalima ng mga anak sa kanilang mga magulang ay patuloy na nagsisilbing batong panulok ng pagkakaisa ng pamilya, na nagdudulot naman ng mga pagpapala ni Jehova. At anong kahanga-hangang pag-asa ang ibinibigay ng “unang utos na may pangako” na ito! Hindi lamang “upang mapabuti ka” kundi rin naman upang “mabuhay ka nang matagal sa lupa.” (Efeso 6:1-3) Ngayon na tayo’y namumuhay sa “mga huling araw” ng kasalukuyang balakyot na sistema, ang ganiyang maka-Diyos na pagsunod ay naghahandog sa mga kabataan ng pag-asang huwag nang mamatay kailanman.​—2 Timoteo 3:1; Juan 11:26.

Ang pag-ibig sa ating kapuwa ay hahadlang sa atin sa pamiminsala sa kaniya sa pamamagitan ng mga gawang kabalakyutan gaya ng (Ikaanim) pagpatay, (Ikapito) pangangalunya, (Ikawalo) pagnanakaw, at (Ikasiyam) pagsasalita ng kasinungalingan. (1 Juan 3:10-12; Hebreo 13:4; Efeso 4:28; Mateo 5:37; Kawikaan 6:16-19) Subalit kumusta naman ang ating mga motibo? Ang (Ikasampung) utos, laban sa pananakim sa pag-aari ng iba ay nagpapaalaala sa atin na kahilingan ni Jehovang ang ating mga hangarin ay maging matuwid sa tuwina sa kaniyang paningin.​—Kawikaan 21:2.

Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas

(Exodo 19:5, 6) Ngayon, kung susundin ninyo ang lahat ng sinasabi ko at iingatan ang aking tipan, kayo ay magiging espesyal na pag-aari ko mula sa lahat ng bayan, dahil ang buong lupa ay akin. 6 Kayo ay magiging isang kaharian ng mga saserdote at isang banal na bansa na pag-aari ko.’ Ito ang sasabihin mo sa mga Israelita.”

it-2 1103 ¶6–1104 ¶1

Saserdote

Ang Kristiyanong Pagkasaserdote. Nangako si Jehova na kung iingatan ng Israel ang kaniyang tipan, sila ay magiging ‘isang kaharian ng mga saserdote at isang banal na bansa’ sa Kaniya. (Exo 19:6) Gayunman, ang pagkasaserdote sa linya ni Aaron ay tatagal lamang hanggang sa pagdating ng lalong dakilang pagkasaserdote na inilalarawan nito. (Heb 8:4, 5) Mananatili ito hanggang sa pagwawakas ng tipang Kautusan at sa pagpapasinaya ng bagong tipan. (Heb 7:11-14; 8:6, 7, 13) Tanging sa Israel unang inialok ang pagiging mga saserdote ni Jehova at ang paglilingkod sa kaayusan ng Kaharian na ipinangako ng Diyos; nang maglaon, inialok din ito sa mga Gentil.​—Gaw 10:34, 35; 15:14; Ro 10:21.

Isang nalabi lamang ng mga Judio ang tumanggap kay Kristo, sa gayo’y nabigo ang bansa na ilaan ang mga miyembro ng tunay na kaharian ng mga saserdote at ng banal na bansa. (Ro 11:7, 20) Dahil sa kawalang-katapatan ng Israel, maraming siglo bago pa nito ay binabalaan na sila ng Diyos hinggil dito sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Oseas, sa pagsasabing: “Sapagkat ang kaalaman ang siyang itinakwil mo, itatakwil din kita mula sa paglilingkod bilang saserdote sa akin; at sa dahilang palagi mong nililimot ang kautusan ng iyong Diyos, lilimutin ko ang iyong mga anak, ako nga.” (Os 4:6) Kasuwato nito, sinabi ni Jesus sa mga Judiong lider: “Ang kaharian ng Diyos ay kukunin sa inyo at ibibigay sa isang bansang nagluluwal ng mga bunga nito.” (Mat 21:43) Gayunpaman, yamang si Jesu-Kristo ay nasa ilalim ng Kautusan noong siya’y nasa lupa, kinilala niya ang Aaronikong pagkasaserdote na umiiral noon, at yaong mga pinagaling niya mula sa ketong ay inutusan niyang pumaroon sa mga saserdote at gawin ang kinakailangang paghahandog.​—Mat 8:4; Mar 1:44; Luc 17:14.

(Exodo 20:4, 5) “Huwag kang gagawa para sa iyo ng inukit na imahen o ng anyo na katulad ng anumang nasa langit o nasa lupa o nasa tubig. 5 Huwag kang yuyukod sa mga iyon o matutuksong maglingkod sa mga iyon, dahil akong si Jehova na iyong Diyos ay Diyos na humihiling ng bukod-tanging debosyon, nagpaparusa sa mga anak dahil sa kasalanan ng mga ama, hanggang sa ikatlo at ikaapat na henerasyon ng mga napopoot sa akin,

w04 3/15 27 ¶1

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Exodo

20:5—Paano naglalapat ng “kaparusahan [si Jehova] . . . dahil sa kamalian ng mga ama” sa mga salinlahing darating? Pagsapit sa sapat na gulang, bawat indibiduwal ay hinahatulan salig sa kaniyang sariling paggawi at saloobin. Ngunit nang bumaling sa idolatriya ang bansang Israel, dinanas ng Israel ang masasamang bunga nito sa loob ng maraming salinlahi. Nadama maging ng tapat na mga Israelita ang mga epekto nito anupat naging mahirap para sa kanila na manatili sa landasin ng katapatan dahil sa relihiyosong pagkadelingkuwente ng bansa.

Pagbabasa ng Bibliya

(Exodo 19:1-19) Nang ikatlong buwan pagkalabas ng mga Israelita sa Ehipto, nang araw ding iyon, dumating sila sa ilang ng Sinai. 2 Umalis sila sa Repidim at nakarating sa ilang ng Sinai at nagkampo roon, sa harap ng bundok. 3 Pagkatapos, umakyat si Moises para humarap sa tunay na Diyos, at tinawag siya ni Jehova mula sa bundok at sinabi: “Ito ang sasabihin mo sa sambahayan ni Jacob, sa mga Israelita, 4 ‘Nakita ninyo mismo kung ano ang ginawa ko sa mga Ehipsiyo, para madala ko kayo sa mga pakpak ng mga agila at mailapit kayo sa akin. 5 Ngayon, kung susundin ninyo ang lahat ng sinasabi ko at iingatan ang aking tipan, kayo ay magiging espesyal na pag-aari ko mula sa lahat ng bayan, dahil ang buong lupa ay akin. 6 Kayo ay magiging isang kaharian ng mga saserdote at isang banal na bansa na pag-aari ko.’ Ito ang sasabihin mo sa mga Israelita.” 7 Kaya umalis si Moises at ipinatawag ang matatandang lalaki ng bayan at sinabi sa kanila ang lahat ng iniutos ni Jehova na sabihin niya. 8 At sumagot ang buong bayan: “Handa naming gawin ang lahat ng sinabi ni Jehova.” Kaagad na iniulat ni Moises kay Jehova ang sagot ng bayan. 9 Sinabi ni Jehova kay Moises: “Kakausapin kita mula sa isang madilim na ulap para marinig ng bayan kapag kinakausap kita at para lagi rin silang manampalataya sa iyo.” At iniulat ni Moises kay Jehova ang sinabi ng bayan. 10 Pagkatapos, sinabi ni Jehova kay Moises: “Puntahan mo ang bayan, at pabanalin mo sila ngayon at bukas, at dapat nilang labhan ang mga damit nila. 11 At dapat silang maging handa sa ikatlong araw, dahil sa ikatlong araw ay bababa si Jehova sa ibabaw ng Bundok Sinai at makikita ito ng buong bayan. 12 Maglagay ka ng mga hangganan sa palibot nito para sa bayan at sabihin mo sa kanila, ‘Huwag kayong aakyat sa bundok, at huwag kayong tatapak sa paanan nito. Sinumang tumapak sa bundok ay tiyak na papatayin. 13 Walang hahawak sa kaniya, kundi babatuhin siya o tutuhugin. Hayop man ito o tao, hindi ito mabubuhay.’ Pero kapag tumunog ang tambuling sungay ng lalaking tupa, puwede na silang lumapit sa bundok.” 14 Pagkatapos, bumaba si Moises sa bundok para puntahan ang bayan, at pinabanal niya ang bayan, at nilabhan nila ang mga damit nila. 15 Sinabi niya sa bayan: “Maghanda kayo para sa ikatlong araw. Huwag kayong makikipagtalik.” 16 Noong umaga ng ikatlong araw, kumulog at kumidlat, nagkaroon ng makapal na ulap sa ibabaw ng bundok, at narinig ang napakalakas na tunog ng tambuli, kaya nanginig ang buong bayan na nasa kampo. 17 Inilabas ngayon ni Moises ang bayan mula sa kampo para humarap sa tunay na Diyos, at pumuwesto sila sa paanan ng bundok. 18 Umusok ang buong Bundok Sinai, dahil bumaba si Jehova nang nag-aapoy sa ibabaw nito; at ang usok na nagmumula rito ay parang usok na mula sa isang pugon, at yumayanig nang napakalakas ang bundok. 19 Habang palakas nang palakas ang tunog ng tambuli, nagsalita si Moises, at sumagot ang tunay na Diyos.

AGOSTO 31–SETYEMBRE 6

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | EXODO 21-22

“Tularan ang Pananaw ni Jehova sa Buhay”

(Exodo 21:20) “Kung saktan ng isang tao ang kaniyang aliping lalaki o babae gamit ang tungkod at mamatay ito sa kaniyang kamay, dapat ipaghiganti ang alipin.

it-2 592

Paghampas, Pamamalo, Pambubugbog

Pinahihintulutan ang isang Hebreong may-ari ng alipin na hampasin ang kaniyang aliping lalaki o aliping babae sa pamamagitan ng tungkod kung ang alipin ay masuwayin o mapaghimagsik. Ngunit kung mamatay ang alipin dahil sa paghampas, ang may-ari ng alipin ay parurusahan. Gayunman, kung mabuhay pa ang alipin nang isa o dalawang araw pagkaraan nito, iyon ay nagpapahiwatig na walang intensiyon ang may-ari na paslangin ang alipin. May karapatan siyang maglapat ng kaparusahan bilang disiplina, sapagkat ang alipin ay “kaniyang salapi.” Malayong mangyari na sasadyain ng isang tao na lubusang sirain ang sarili niyang mahalagang pag-aari, yamang magiging kalugihan ito sa kaniya. Isa pa, kung ang alipin ay mamatay pagkaraan ng isang araw o higit pa, hindi maaaring matiyak kung ang ikinamatay niya ay ang pamamalo o iba pang sanhi. Kaya kung mananatiling buháy ang alipin nang isa o dalawang araw, hindi parurusahan ang kaniyang panginoon.​—Exo 21:20, 21.

(Exodo 21:22, 23) “Kung may mga taong mag-away at masaktan nila ang isang babaeng nagdadalang-tao at mapaaga ang panganganak nito pero wala namang namatay, dapat magbigay ang nagkasala ng bayad-pinsala na ipapataw ng asawa ng babae; at ibabayad niya kung ano ang ipinasiya ng mga hukom. 23 Pero kung may mamatay, magbabayad ka ng buhay para sa buhay,

lvs 95 ¶16

Tularan ang Pagpapahalaga ng Diyos sa Buhay

Mahalaga kay Jehova ang buhay ng sinumang tao. Kahit ang sanggol na ipinagbubuntis pa lang ay mahalaga sa kaniya. Sa Kautusan ni Moises, kapag aksidenteng nasaktan ng isang tao ang isang buntis at namatay ito o ang sanggol nito, itinuturing ni Jehova na nagkasala ng pagpatay ang taong iyon. Ibig sabihin, kahit aksidente lang ang nangyari, pero dahil may namatay, kailangan itong panagutan. (Basahin ang Exodo 21:22, 23.) Para sa Diyos, kahit hindi pa naipapanganak ang isang sanggol, isa na itong buháy na persona. Kaya ano sa tingin mo ang pananaw ng Diyos sa aborsiyon? Ano kaya ang nararamdaman niya kapag nakikita niyang milyon-milyong sanggol ang ipinapalaglag taon-taon?

(Exodo 21:28, 29) “Kung ang isang toro ay manuwag ng isang lalaki o babae at mamatay iyon, ang toro ay babatuhin hanggang sa mamatay at hindi kakainin ang karne nito; pero ang may-ari ng toro ay hindi paparusahan. 29 Gayunman, kung ang isang toro ay mahilig manuwag at nababalaan na ang may-ari nito pero hindi pa rin niya ito binantayan at nakapatay ito ng isang lalaki o babae, ang toro ay babatuhin at ang may-ari nito ay dapat ding patayin.

w10 4/15 29 ¶4

Gusto ni Jehova na Ikaw ay Maging “Ligtas at Tiwasay”

May kaparusahan din sa pinsalang dulot ng mga alagang hayop. Kapag nanuwag at nakapatay ang isang toro, dapat na itong patayin ng may-ari para sa kaligtasan ng iba. Malaking kalugihan ito dahil hindi na ito puwedeng kainin o ipagbili ng may-ari. Pero paano kung hindi pa rin binantayan ng may-ari ang toro matapos makapanakit? Kapag ang torong ito ay nakapatay, ang toro at ang may-ari nito ay papatayin. Dahil sa kautusang ito, magiging maingat ang sinumang pabaya sa kanilang mga alagang hayop.​—Ex. 21:28, 29.

Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas

(Exodo 21:5, 6) Pero kung magpumilit ang alipin at sabihin niya, ‘Mahal ko ang panginoon ko, ang asawa ko, at mga anak ko; ayokong lumaya,’ 6 ihaharap siya ng panginoon niya sa tunay na Diyos. Pagkatapos, dadalhin siya ng panginoon niya sa tapat ng pinto o poste ng pinto at bubutasan ang tainga niya, at magiging alipin siya nito habambuhay.

w10 1/15 4 ¶4-5

Bakit Dapat Mong Ialay ang Iyong Sarili kay Jehova?

Ang Kristiyanong pag-aalay ay isang seryosong bagay. Hindi ito basta pangako lang. Pero paano naman tayo nakikinabang dito? Bilang paghahambing, isaalang-alang natin kung paano nagdudulot ng kapakinabangan ang isang kasunduan o pangakong binitiwan sa isang tao. Ang isang halimbawa nito ay ang pakikipagkaibigan. Para masiyahan sa pagkakaroon ng kaibigan, dapat mong tanggapin ang responsibilidad ng pagiging isang kaibigan. Nangangahulugan iyan na pinapasok mo ang isang pananagutan—nakadarama ka ng obligasyong pagmalasakitan ang iyong kaibigan. Ang isa sa pinakamagandang halimbawa ng pagkakaibigan na nakaulat sa Bibliya ay ang kina David at Jonatan. Pinagtibay pa nga nila ang isang tipan ng pagkakaibigan. (Basahin ang 1 Samuel 17:57; 18:1, 3.) Bagaman bihira na ang ganiyang ugnayan, karaniwan nang tumitibay ang samahan ng magkakaibigan kapag nakadarama sila ng obligasyon sa isa’t isa.​—Kaw. 17:17; 18:24.

Makikita sa Kautusan ng Diyos sa Israel ang isa pang ugnayan kung saan nakikinabang ang mga tao dahil sa pagpasok sa isang kasunduan. Kung gusto ng isang alipin na maging habambuhay na pag-aari ng isang mabait na panginoon, puwede nilang pagtibayin ang isang panghabambuhay na kasunduan. Sinasabi ng Kautusan: “Kung ang alipin ay mapilit na magsasabi, ‘Talagang iniibig ko ang aking panginoon, ang aking asawa at ang aking mga anak; hindi ko nais na umalis bilang isa na pinalaya,’ kung magkagayon ay ilalapit siya ng kaniyang panginoon sa tunay na Diyos at dadalhin siya sa tapat ng pinto o ng poste ng pinto; at bubutasan ng kaniyang panginoon ang kaniyang tainga sa pamamagitan ng balibol, at siya ay magiging alipin niya hanggang sa panahong walang takda.”​—Ex. 21:5, 6.

(Exodo 21:14) Kung galit na galit ang isang tao sa kaniyang kapuwa at sadya niya itong pinatay, dapat mamatay ang taong iyon kahit kailangan mo pa siyang kunin mula sa aking altar.

it-2 1207

Sungay, Tambuli

Maaaring ang pananalita sa Exodo 21:14 ay nangangahulugan na kahit ang isang saserdote ay dapat patayin kung nagkasala ito ng pagpaslang, o na hindi maipagsasanggalang ng paghawak sa mga sungay ng altar ang isang mamamaslang.​—Ihambing ang 1Ha 2:28-34.

Pagbabasa ng Bibliya

(Exodo 21:1-21) “Ito ang mga batas na sasabihin mo sa kanila: 2 “Kung bibili ka ng isang aliping Hebreo, maglilingkod siya bilang alipin sa loob ng anim na taon, pero sa ikapitong taon, palalayain siya nang walang binabayarang anuman. 3 Kung wala siyang asawa nang maging alipin mo siya, mag-isa siyang aalis. Pero kung may asawa siya, aalis siyang kasama ang asawa niya. 4 Kung bigyan siya ng panginoon niya ng asawa at magkaanak sila ng mga lalaki o babae, ang kaniyang asawa at mga anak ay magiging pag-aari ng panginoon niya, at aalis siyang mag-isa. 5 Pero kung magpumilit ang alipin at sabihin niya, ‘Mahal ko ang panginoon ko, ang asawa ko, at mga anak ko; ayokong lumaya,’ 6 ihaharap siya ng panginoon niya sa tunay na Diyos. Pagkatapos, dadalhin siya ng panginoon niya sa tapat ng pinto o poste ng pinto at bubutasan ang tainga niya, at magiging alipin siya nito habambuhay. 7 “Kung ipagbili ng isang lalaki ang anak niyang babae bilang alipin, hindi ito lalaya gaya ng paglaya ng isang aliping lalaki. 8 Kung ang babae ay hindi magustuhan ng panginoon nito at hindi niya ito ginawang pangalawahing asawa kundi nagpasiyang ipagbili ito sa iba, hindi niya ito puwedeng ipagbili sa mga dayuhan, dahil hindi siya naging makatarungan dito. 9 Kung kinuha niya ito para maging asawa ng kaniyang anak na lalaki, dapat niyang ibigay rito ang mga karapatan ng isang anak na babae. 10 Kung kukuha siya ng isa pang asawa, hindi niya dapat bawasan ang inilalaan niyang pagkain at pananamit para sa unang asawa niya at dapat niyang ibigay ang kaukulan para dito. 11 Kung hindi niya ibibigay sa babae ang tatlong bagay na ito, lalaya ito nang hindi nagbabayad ng kahit magkano. 12 “Ang sinumang manakit sa isang tao at makapatay rito ay dapat patayin. 13 Pero kung hindi niya ito sinasadya at hinayaan ng tunay na Diyos na mangyari iyon, maglalaan ako ng isang lugar na matatakasan niya. 14 Kung galit na galit ang isang tao sa kaniyang kapuwa at sadya niya itong pinatay, dapat mamatay ang taong iyon kahit kailangan mo pa siyang kunin mula sa aking altar. 15 Ang manakit sa kaniyang ama o ina ay dapat patayin. 16 “Kung ang sinuman ay dumukot ng isang tao at ipagbili niya ito o mahuli siya habang kasama ang dinukot na tao, dapat siyang patayin. 17 “Ang sinumang sumumpa sa kaniyang ama o ina ay dapat patayin. 18 “Ganito ang dapat mangyari kung may mga taong mag-away at saktan ng isa ang kapuwa niya gamit ang bato o kamao at hindi ito namatay kundi naratay sa higaan: 19 Kung makabangon ito at makapaglakad sa labas sa tulong ng tungkod, ang nanakit dito ay hindi paparusahan. Magbabayad lang siya para sa panahong hindi ito nakapagtrabaho hanggang sa lubusan itong gumaling. 20 “Kung saktan ng isang tao ang kaniyang aliping lalaki o babae gamit ang tungkod at mamatay ito sa kaniyang kamay, dapat ipaghiganti ang alipin. 21 Pero kung mabuhay pa ito nang isa o dalawang araw, hindi ito ipaghihiganti, dahil binili ito ng panginoon niya.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share