Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • mwbr20 Disyembre p. 1-11
  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo
  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo—2020
  • Subtitulo
  • DISYEMBRE 7-13
  • DISYEMBRE 14-20
  • DISYEMBRE 21-27
  • DISYEMBRE 28–ENERO 3
Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo—2020
mwbr20 Disyembre p. 1-11

Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo

DISYEMBRE 7-13

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | LEVITICO 10-11

“Mas Mahal Natin si Jehova Kaysa sa Kapamilya”

(Levitico 10:1, 2) Nang maglaon, kinuha ng mga anak ni Aaron na sina Nadab at Abihu ang kani-kaniyang lalagyan ng baga at nilagyan iyon ng baga at insenso. Pagkatapos, nag-alay sila sa harap ni Jehova ng ipinagbabawal na handog, isang handog na hindi niya iniutos sa kanila. 2 Dahil dito, nagpadala si Jehova ng apoy at natupok sila, kaya namatay sila sa harap ni Jehova.

it-1 1346

Kakaibang Apoy at Insenso

Sa Levitico 10:1, ang salitang Hebreo na zar (pambabae, za·rahʹ; sa literal, kakaiba) ay ginamit may kaugnayan sa ‘kakaibang apoy, na hindi iniutos ng Diyos sa kanila’ ngunit siyang inihandog ng mga anak ni Aaron na sina Nadab at Abihu kay Jehova anupat dahil dito ay pinatay Niya sila sa pamamagitan ng apoy. (Lev 10:2; Bil 3:4; 26:61) Pagkatapos ay sinabi ni Jehova kay Aaron: “Huwag kayong iinom ng alak o ng nakalalangong inumin, ikaw at ang iyong mga anak na kasama mo, kapag kayo ay pumapasok sa tolda ng kapisanan, upang hindi kayo mamatay. Ito ay isang batas hanggang sa panahong walang takda para sa inyong mga salinlahi, upang makilala ang pagkakaiba sa pagitan ng banal na bagay at ng di-banal at sa pagitan ng bagay na marumi at ng malinis, at upang ituro sa mga anak ni Israel ang lahat ng mga tuntunin na sinalita ni Jehova sa kanila sa pamamagitan ni Moises.” (Lev 10:8-11) Waring ipinahihiwatig nito na sina Nadab at Abihu ay lango noon, anupat ito ang nagpalakas ng kanilang loob upang maghandog ng apoy na hindi iniutos sa kanila. Malamang na kakaiba ang apoy na iyon may kinalaman sa panahon, lugar, o paraan ng paghahandog, o maaaring iyon ay insensong naiiba ang komposisyon kaysa sa inilalarawan sa Exodo 30:34, 35. Hindi dahilan ang kalasingan upang hindi sila hatulan sa kanilang pagkakasala.

(Levitico 10:4, 5) Kaya tinawag ni Moises sina Misael at Elsapan, na mga anak ni Uziel na tiyo ni Aaron, at sinabi sa kanila: “Pumunta kayo rito. Buhatin ninyo ang mga kapatid ninyo mula sa harap ng banal na lugar at ilabas sa kampo.” 5 Kaya pumunta sila at binuhat ang mga ito na nakasuot pa rin ng mahahabang damit at dinala sa labas ng kampo, gaya ng sinabi ni Moises.

(Levitico 10:6, 7) At sinabi ni Moises kay Aaron at sa iba pa nitong mga anak na sina Eleazar at Itamar: “Panatilihin ninyong maayos ang buhok ninyo at huwag ninyong pupunitin ang mga kasuotan ninyo, para hindi kayo mamatay at para hindi magalit ang Diyos sa buong bayan. Ang mga kapatid ninyo sa buong sambahayan ng Israel ang iiyak para sa mga pinatay ni Jehova sa pamamagitan ng apoy. 7 Huwag kayong lalabas mula sa pasukan ng tolda ng pagpupulong dahil mamamatay kayo, dahil inatasan kayo ni Jehova sa pamamagitan ng langis.” Kaya ginawa nila ang sinabi ni Moises.

w11 7/15 31 ¶16

Nakapasok Ka Na ba sa Kapahingahan ng Diyos?

Napaharap sa ganitong mahirap na sitwasyon ang kapatid ni Moises na si Aaron. Isip-isipin kung ano ang nadama ni Aaron nang maghandog ng kakaibang apoy kay Jehova ang mga anak niyang sina Nadab at Abihu at nang puksain sila ni Jehova. Siyempre pa, naputol na ang anumang kaugnayan ng dalawang ito sa kanilang mga magulang. Pero may iniutos pa si Jehova kay Aaron at sa tapat na mga anak nito: “Huwag ninyong pabayaang hindi nakaayos ang inyong mga ulo, at huwag ninyong pupunitin ang inyong mga kasuutan [bilang pamimighati], upang hindi kayo mamatay at upang hindi . . . magalit [si Jehova] laban sa buong kapulungan.” (Lev. 10:1-6) Napakalinaw ng aral. Dapat na mas masidhi ang pag-ibig natin kay Jehova kaysa sa di-tapat na mga kapamilya.

Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas

(Levitico 10:8-11) Pagkatapos, sinabi ni Jehova kay Aaron: 9 “Kapag pumapasok kayo sa tolda ng pagpupulong, huwag kayong iinom ng alak o iba pang inuming de-alkohol, ikaw at ang mga anak mo, para hindi kayo mamatay. Mananatili ang batas na ito na kailangang sundin ng mga henerasyon ninyo. 10 Ito ay para makita ang pagkakaiba ng banal at di-banal na bagay at ng marumi at malinis na bagay, 11 at para maituro sa mga Israelita ang lahat ng tuntunin na sinabi sa kanila ni Jehova sa pamamagitan ni Moises.”

w14 11/15 17 ¶18

Magpakabanal Tayo sa Lahat ng Ating Paggawi

Para maging banal, dapat nating suriing mabuti ang Kasulatan at gawin ang iniuutos ng Diyos. Balikan natin ang mga anak ni Aaron na sina Nadab at Abihu. Pinuksa sila dahil sa paghahandog ng “kakaibang apoy,” maaaring habang nasa ilalim ng impluwensiya ng alak. (Lev. 10:1, 2) Pansinin ang sinabi ng Diyos kay Aaron nang pagkakataong iyon. (Basahin ang Levitico 10:8-11.) Ipinakikita ba niyan na hindi tayo maaaring uminom ng alak bago dumalo sa pulong? Isaalang-alang ang mga puntong ito: Wala tayo sa ilalim ng Kautusan. (Roma 10:4) Sa ilang bansa, ang mga kapatid ay umiinom ng katamtamang dami ng inuming de-alkohol sa kanilang hapunan bago dumalo ng pulong. Apat na kopa ng alak ang ginamit sa Paskuwa. Nang pasimulan ang Memoryal, pinainom ni Jesus ang kaniyang mga apostol ng alak na lumalarawan sa kaniyang dugo. (Mat. 26:27) Hinahatulan ng Bibliya ang labis na pag-inom at ang paglalasing. (1 Cor. 6:10; 1 Tim. 3:8) At maraming Kristiyano ang inuudyukan ng kanilang budhi na umiwas sa lahat ng inuming de-alkohol bago makibahagi sa anumang sagradong paglilingkod. Pero iba-iba ang kalagayan sa bawat bansa; ang mahalaga ay “makilala [ng mga Kristiyano] ang pagkakaiba sa pagitan ng banal na bagay at ng di-banal” para gumawi sila nang may kabanalan at makalugod sa Diyos.

(Levitico 11:8) Huwag ninyong kakainin ang karne ng mga ito o hihipuin ang mga ito kapag patay na. Marumi ang mga ito para sa inyo.

it-1 918 ¶3

Hayop, Mga

Ang mga limitasyong ito sa pagkain ay para lamang sa mga nasa ilalim ng Kautusang Mosaiko, sapagkat sinasabi sa Levitico 11:8: “Ang mga iyon ay marumi para sa inyo,” samakatuwid nga, para sa mga Israelita. Nang pawalang-bisa ang Kautusan salig sa sakripisyong kamatayan ni Kristo Jesus, kinansela ang mga pagbabawal, at muling maituturing ng lahat ng mga tao na sila ay nasa ilalim ng malawak na probisyon na ipinahayag kay Noe pagkatapos ng Delubyo.​—Col 2:13-17; Gen 9:3, 4.

Pagbabasa ng Bibliya

(Levitico 10:1-15) Nang maglaon, kinuha ng mga anak ni Aaron na sina Nadab at Abihu ang kani-kaniyang lalagyan ng baga at nilagyan iyon ng baga at insenso. Pagkatapos, nag-alay sila sa harap ni Jehova ng ipinagbabawal na handog, isang handog na hindi niya iniutos sa kanila. 2 Dahil dito, nagpadala si Jehova ng apoy at natupok sila, kaya namatay sila sa harap ni Jehova. 3 Pagkatapos, sinabi ni Moises kay Aaron: “Ito ang sinabi ni Jehova, ‘Dapat tandaan ng mga malapit sa akin na ako ay banal, at dapat akong luwalhatiin ng buong bayan.’” Nanatiling tahimik si Aaron. 4 Kaya tinawag ni Moises sina Misael at Elsapan, na mga anak ni Uziel na tiyo ni Aaron, at sinabi sa kanila: “Pumunta kayo rito. Buhatin ninyo ang mga kapatid ninyo mula sa harap ng banal na lugar at ilabas sa kampo.” 5 Kaya pumunta sila at binuhat ang mga ito na nakasuot pa rin ng mahahabang damit at dinala sa labas ng kampo, gaya ng sinabi ni Moises. 6 At sinabi ni Moises kay Aaron at sa iba pa nitong mga anak na sina Eleazar at Itamar: “Panatilihin ninyong maayos ang buhok ninyo at huwag ninyong pupunitin ang mga kasuotan ninyo, para hindi kayo mamatay at para hindi magalit ang Diyos sa buong bayan. Ang mga kapatid ninyo sa buong sambahayan ng Israel ang iiyak para sa mga pinatay ni Jehova sa pamamagitan ng apoy. 7 Huwag kayong lalabas mula sa pasukan ng tolda ng pagpupulong dahil mamamatay kayo, dahil inatasan kayo ni Jehova sa pamamagitan ng langis.” Kaya ginawa nila ang sinabi ni Moises. 8 Pagkatapos, sinabi ni Jehova kay Aaron: 9 “Kapag pumapasok kayo sa tolda ng pagpupulong, huwag kayong iinom ng alak o iba pang inuming de-alkohol, ikaw at ang mga anak mo, para hindi kayo mamatay. Mananatili ang batas na ito na kailangang sundin ng mga henerasyon ninyo. 10 Ito ay para makita ang pagkakaiba ng banal at di-banal na bagay at ng marumi at malinis na bagay, 11 at para maituro sa mga Israelita ang lahat ng tuntunin na sinabi sa kanila ni Jehova sa pamamagitan ni Moises.” 12 At sinabi ni Moises kay Aaron at sa natitira pang mga anak nito na sina Eleazar at Itamar: “Kunin ninyo ang natirang handog na mga butil mula sa mga handog kay Jehova na pinaraan sa apoy at gawing tinapay na walang pampaalsa. At kainin ninyo iyon malapit sa altar, dahil iyon ay kabanal-banalang bagay. 13 Dapat ninyong kainin iyon sa isang banal na lugar, dahil iyon ang paglalaan para sa iyo at sa iyong mga anak mula sa mga handog kay Jehova na pinaraan sa apoy, dahil ito ang iniutos sa akin. 14 Kakainin din ninyo sa isang malinis na lugar ang dibdib ng handog na iginagalaw at ang binti ng banal na bahagi, ikaw at ang mga anak mong lalaki at babae, dahil ang mga iyon ay paglalaan sa iyo at sa iyong mga anak mula sa mga haing pansalo-salo ng mga Israelita. 15 Dadalhin nila ang binti ng banal na bahagi at ang dibdib ng handog na iginagalaw kasama ng mga handog na taba na pinaraan sa apoy, para igalaw nang pabalik-balik bilang handog na iginagalaw sa harap ni Jehova; at iyon ay magiging permanenteng paglalaan sa iyo at sa iyong mga anak, gaya ng iniutos ni Jehova.”

DISYEMBRE 14-20

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | LEVITICO 12-13

“Matuto sa mga Kautusan Tungkol sa Ketong”

(Levitico 13:4, 5) Pero kung ang patse sa balat niya ay puti at hindi tagos sa balat at hindi namuti ang balahibo nito, ibubukod ng saserdote ang taong may impeksiyon sa loob ng pitong araw. 5 Pagkatapos, susuriin siya ng saserdote sa ikapitong araw, at kung mukhang hindi lumala ang impeksiyon at hindi kumalat sa balat, ibubukod siya ng saserdote nang pitong araw pa.

wp18.1 7

Lipas Na o Mas Nauna Pa Ito?

• Pagbubukod sa maysakit.

Ayon sa Kautusang Mosaiko, dapat ibukod ang taong may ketong. Sinunod lang ng mga doktor ang prinsipyong ito nang magkaroon ng mga salot, mga 700 taon na ang nakararaan. At napatunayang mabisa pa rin ito hanggang ngayon.​—Levitico, kabanata 13 at 14.

(Levitico 13:45, 46) Dapat punitin ng ketongin ang mga damit niya at pabayaang hindi nakaayos ang buhok niya at dapat niyang takpan ang bigote niya at dapat siyang sumigaw, ‘Marumi, marumi!’ 46 Siya ay marumi hangga’t may ketong siya. Dahil marumi siya, dapat siyang bumukod ng tirahan. Sa labas ng kampo siya dapat tumira.

wp16.4 9 ¶1

Alam Mo Ba?

Kinatatakutan ng mga Judio noon ang isang uri ng ketong na karaniwan noong panahon ng Bibliya. Kinakain ng nakapangingilabot na sakit na iyon maging ang mga nerbiyo ng may sakit at nagdudulot iyon ng permanenteng pinsala at pagkasira sa ilang bahagi ng katawan. Wala pang gamot noon sa ketong. Ang mga nagkakaroon nito ay ikinukuwarentenas at obligadong magbabala sa iba tungkol sa kanilang kalagayan.​—Levitico 13:45, 46.

(Levitico 13:52) Dapat niyang sunugin ang damit, ang hiblang paayon o hiblang pahalang sa lana o sa lino, o ang anumang bagay na gawa sa katad na nagkaroon ng ketong, dahil iyon ay malalang ketong. Dapat sunugin iyon.

(Levitico 13:57) Pero kung lumitaw iyon sa iba pang bahagi ng damit o sa hiblang paayon o sa hiblang pahalang o sa anumang bagay na gawa sa katad, iyon ay kumakalat, at dapat mong sunugin ang anumang gamit na may ketong.

it-2 84 ¶8

Ketong

Sa mga kasuutan at mga bahay. Maaari ring maapektuhan ng ketong ang mga kasuutang lana o lino, o ang isang kagamitang yari sa balat. Maaaring mawala ang salot sa pamamagitan ng paglalaba, at may mga kaayusan sa pagkukuwarentenas ng kagamitan. Ngunit kung magpatuloy ang salot na ito na manilaw-nilaw na luntian o mamula-mula, ang kagamitan ay may malubhang ketong at dapat sunugin. (Lev 13:47-59) Kung sa dingding ng isang bahay ay may lumitaw na mga uka na manilaw-nilaw na luntian o mamula-mula, ang bahay ay ipapakuwarentenas ng saserdote. Baka kailangang bakbakin ang mga batong apektado at pakayuran ang loob ng bahay, anupat ang mga bato at ang kinayod na argamasa ay itatapon sa isang dakong marumi sa labas ng lunsod. Kung bumalik ang salot, ang bahay ay ipahahayag na marumi at gigibain, at ang mga materyales ay itatapon sa isang dakong marumi. Ngunit may kaayusan ukol sa pagpapadalisay para sa bahay na ipinahayag na malinis. (Lev 14:33-57) Ipinapalagay na ang ketong na nakaaapekto sa mga kasuutan o mga bahay ay isang uri ng amag, ngunit hindi ito matiyak.

Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas

(Levitico 12:2) “Sabihin mo sa mga Israelita, ‘Kung magdalang-tao ang isang babae at magsilang ng isang lalaki, magiging marumi siya nang pitong araw, gaya ng kalagayan niya kapag nireregla siya.

(Levitico 12:5) “‘Kung magsilang siya ng isang babae, magiging marumi siya nang 14 na araw, gaya ng kalagayan niya kapag nireregla siya. Patuloy niyang lilinisin ang sarili niya mula sa dugo sa sumunod na 66 na araw.

w04 5/15 23 ¶2

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Levitico

12:2, 5—Bakit nagiging “marumi” ang isang babae dahil sa panganganak? Ginawa ang mga sangkap sa pag-aanak upang ipasa ang sakdal na buhay-tao. Gayunman, dahil sa namanang mga epekto ng kasalanan, naipasa ang di-sakdal at makasalanang buhay sa supling. Ipinagugunita ng panandaliang mga yugto ng ‘karumihan’ na iniuugnay sa panganganak, at sa iba pang bagay, gaya ng pagreregla at paglalabas ng semilya, ang minanang pagkamakasalanang ito. (Levitico 15:16-24; Awit 51:5; Roma 5:12) Ang ipinag-uutos na mga tuntunin sa pagpapadalisay ay tutulong sa mga Israelita na maunawaan ang pangangailangang magkaroon ng haing pantubos upang matakpan ang pagkamakasalanan ng sangkatauhan at maibalik ang kasakdalan ng tao. Sa gayong paraan naging “tagapagturo [nila] na umaakay tungo kay Kristo” ang Kautusan.​—Galacia 3:24.

(Levitico 12:3) Sa ikawalong araw, tutuliin ang sanggol.

wp18.1 7

Lipas Na o Mas Nauna Pa Ito?

• Tamang panahon para sa pagtutuli.

Iniutos ng Diyos na ang isang batang lalaki ay dapat tuliin sa ikawalong araw matapos siyang maipanganak. (Levitico 12:3) Ang kakayahang mamuo ng dugo sa normal na antas ay nangyayari sa isang bagong silang na sanggol pagkalipas ng isang linggo. Noong panahon ng Bibliya, bago pa sumulong ang medisina, ang paghihintay ng mahigit isang linggo bago ang pagtutuli ay isang proteksiyon.

Pagbabasa ng Bibliya

(Levitico 13:9-28) “Kung magkaketong ang isang tao, dapat siyang dalhin sa saserdote, 10 at susuriin siya ng saserdote. Kung may puting umbok sa balat at pinaputi nito ang balahibo at may sariwang sugat sa umbok, 11 iyon ay malalang ketong, at ipahahayag siyang marumi ng saserdote. Hindi na siya ibubukod nito, dahil marumi siya. 12 Kung kumalat ang ketong sa balat ng isang tao at matakpan nito ang buong katawan niya, mula ulo hanggang paa, ang lahat ng makikita ng saserdote, 13 at sinuri siya ng saserdote at nakita nitong natakpan ng ketong ang buong katawan niya, ipahahayag nitong malinis ang taong may ketong. Namuti itong lahat; malinis siya. 14 Pero kapag nagkaroon ito ng sariwang sugat, magiging marumi siya. 15 Kapag nakita ng saserdote ang sariwang sugat, ipahahayag siya nitong marumi. Marumi ang sariwang sugat. Iyon ay ketong. 16 Pero kapag namuti ulit ang sariwang sugat, babalik siya sa saserdote. 17 Susuriin siya ng saserdote, at kung namuti ang impeksiyon, ipahahayag ng saserdote na malinis na ang taong may ketong. Siya ay malinis. 18 “Kung may tumubong pigsa sa balat ng isang tao at gumaling ito, 19 pero may tumubong puting umbok o puti at mamula-mulang patse sa bahagi ng balat na dating may pigsa, dapat siyang magpakita sa saserdote. 20 Susuriin ito ng saserdote, at kung tagos ito sa balat at namuti ang balahibo nito, ipahahayag siyang marumi ng saserdote. Iyon ay ketong na lumitaw sa pigsa. 21 Pero kung suriin ito ng saserdote at makita niyang wala itong puting balahibo at hindi ito tagos sa balat at maputla ito, ibubukod siya ng saserdote sa loob ng pitong araw. 22 At kung kitang-kita na kumalat ito sa balat, ipahahayag siyang marumi ng saserdote. Iyon ay ketong. 23 Pero kung hindi kumalat ang patse, iyon ay pamamaga lang dahil sa pigsa, at ipahahayag siyang malinis ng saserdote. 24 “O kung masunog ang balat ng isang tao at magkasugat siya, at ang sariwang sugat ay maging puti at mamula-mulang patse o maging puting patse, 25 susuriin ito ng saserdote. Kung namuti ang balahibo sa patse at tagos ito sa balat, iyon ay ketong na lumitaw sa sugat, at ipahahayag siyang marumi ng saserdote. Iyon ay ketong. 26 Pero kung suriin ito ng saserdote at makita niyang walang puting balahibo sa patse at hindi ito tagos sa balat at maputla ito, ibubukod siya ng saserdote sa loob ng pitong araw. 27 Susuriin siya ng saserdote sa ikapitong araw, at kung kitang-kita na kumalat ito sa balat, ipahahayag siyang marumi ng saserdote. Iyon ay ketong. 28 Pero kung hindi kumalat sa balat ang patse at maputla ito, ito ay umbok lang sa sugat, at ipahahayag siyang malinis ng saserdote dahil pamamaga iyon ng sugat.

DISYEMBRE 21-27

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | LEVITICO 14-15

“Kalinisan—Kahilingan sa Dalisay na Pagsamba”

(Levitico 15:13-15) “‘Kung huminto ang paglabas ng malapot na likido at gumaling ang lalaking may sakit, bibilang siya ng pitong araw para sa paglilinis sa kaniya, at dapat siyang maglaba ng mga damit niya at maligo sa sariwang tubig, at siya ay magiging malinis. 14 Sa ikawalong araw, dapat siyang kumuha ng dalawang batubato o dalawang inakáy ng kalapati, at pupunta siya sa pasukan ng tolda ng pagpupulong sa harap ni Jehova at ibibigay ang mga iyon sa saserdote. 15 At iaalay ng saserdote ang mga iyon, ang isa bilang handog para sa kasalanan at ang isa pa bilang handog na sinusunog, at ang saserdote ay magbabayad-sala para sa kaniya sa harap ni Jehova dahil sa karumihan niya.

it-2 776

Paliligo, Paghuhugas

Ang seremonyal na paliligo ay kahilingan sa mga Israelita sa pangkalahatan sa iba’t ibang kadahilanan. Ang sinumang gumaling mula sa ketong, ang sinumang napadaiti sa mga bagay na nahipo niyaong mga “inaagasan,” ang lalaking nilabasan ng semilya, ang babaing katatapos lamang magregla o tumigil ang pagdurugo, o ang sinumang seksuwal na nakipagtalik ay “marumi” at kailangang maligo. (Lev 14:8, 9; 15:4-27) Ang sinuman na nasa isang tolda kung saan may taong patay o nakahipo ng bangkay ng tao ay magiging “marumi” at kailangang dalisayin ng panlinis na tubig. Kapag tumanggi ang isa na sundin ang tuntuning ito, siya ay “lilipulin mula sa gitna ng kongregasyon, sapagkat ang santuwaryo ni Jehova ang kaniyang dinungisan.” (Bil 19:20) Kaya nga, ang paghuhugas ay ginagamit sa makasagisag na paraan upang tumukoy sa isang malinis na katayuan sa harap ni Jehova. (Aw 26:6; 73:13; Isa 1:16; Eze 16:9) Ang paghuhugas sa pamamagitan ng salita ng katotohanan ni Jehova, na isinasagisag ng tubig, ay may kapangyarihang maglinis.​—Efe 5:26.

(Levitico 15:28-30) “‘Pero kapag tumigil na ang paglabas ng dugo niya, bibilang pa siya ng pitong araw, at pagkatapos ay magiging malinis siya. 29 Sa ikawalong araw, dapat siyang kumuha ng dalawang batubato o dalawang inakáy ng kalapati, at dadalhin niya ang mga iyon sa saserdote sa pasukan ng tolda ng pagpupulong. 30 Iaalay ng saserdote ang isa bilang handog para sa kasalanan at ang isa pa bilang handog na sinusunog, at ang saserdote ay magbabayad-sala para sa kaniya sa harap ni Jehova dahil sa karumihan niya.

it-2 703 ¶1

Pagreregla

Ang babae ay mamalasin ding marumi sa yugto ng di-pangkaraniwang pag-agas ng dugo o ng ‘pag-agos na mas matagal kaysa sa kaniyang karumihan sa pagreregla,’ at sa panahong iyon ay naparurumi niya ang mga bagay na hinihigaan o inuupuan niya pati ang mga taong humihipo sa mga bagay na ito. Kapag tumigil na ang di-normal na pag-agas, bibilang siya ng pitong araw, at saka siya magiging malinis. Sa ikawalong araw, ang babae ay magdadala sa saserdote ng dalawang batu-bato o dalawang inakáy na kalapati, anupat magbabayad-sala ang saserdote para sa kaniya at ihaharap nito kay Jehova ang isa sa mga nilalang na iyon bilang handog ukol sa kasalanan at ang isa naman bilang handog na sinusunog.​—Lev 15:19-30; tingnan ang MALINIS, KALINISAN.

(Levitico 15:31) “‘Dapat ninyong tulungan ang mga Israelita na maging malinis para hindi nila madumhan ang aking tabernakulo, na nasa gitna nila, at mamatay sila dahil dito.

it-1 523

Dakong Banal

2. Ang tolda ng kapisanan at, nang maglaon, ang templo. Ang buong kaayusan, pati na ang looban ng tabernakulo at ang mga looban ng templo, ay isang dakong banal. (Exo 38:24; 2Cr 29:5; Gaw 21:28) Ang pangunahing mga bagay na matatagpuan sa looban ay ang altar na pinaghahainan at ang tansong hugasan. Mga banal na bagay ang mga ito. Tanging mga taong malinis sa seremonyal na paraan ang makapapasok sa looban ng tabernakulo; sa katulad na paraan, walang sinumang nasa maruming kalagayan ang makapapasok sa mga looban ng templo. Halimbawa, ang isang babaing nasa maruming kalagayan ay hindi maaaring humipo ng anumang banal na bagay ni makapapasok man sa dakong banal. (Lev 12:2-4) Maliwanag na maging ang namamalaging karumihan ng isang Israelita ay itinuturing na nagpaparungis sa tabernakulo. (Lev 15:31) Yaong mga naghaharap ng mga handog ukol sa paglilinis mula sa ketong ay makapagdadala ng kanilang hain hanggang sa pintuang-daan lamang ng looban. (Lev 14:11) Walang taong marumi ang maaaring makibahagi sa haing pansalu-salo sa tabernakulo o sa templo, dahil kung hindi ay parurusahan siya ng kamatayan.​—Lev 7:20, 21.

Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas

(Levitico 14:14) “At ang saserdote ay kukuha ng dugo ng handog para sa pagkakasala, at ilalagay iyon ng saserdote sa pingol ng kanang tainga ng taong naglilinis ng sarili niya at sa hinlalaki ng kanang kamay nito at sa hinlalaki ng kanang paa nito.

(Levitico 14:17) At kukuha ang saserdote ng kaunti mula sa natirang langis na nasa palad niya at ilalagay ito sa pingol ng kanang tainga ng taong naglilinis ng sarili niya at sa hinlalaki ng kanang kamay nito at sa hinlalaki ng kanang paa nito kung saan din inilagay ang dugo ng handog para sa pagkakasala.

(Levitico 14:25) Pagkatapos, papatayin niya ang batang lalaking tupa na handog para sa pagkakasala, at ang saserdote ay kukuha ng dugo ng handog para sa pagkakasala at ilalagay iyon sa pingol ng kanang tainga ng taong naglilinis ng sarili niya at sa hinlalaki ng kanang kamay nito at sa hinlalaki ng kanang paa nito.

(Levitico 14:28) At kukuha ang saserdote ng kaunti mula sa langis na nasa palad niya at ilalagay ito sa pingol ng kanang tainga ng taong naglilinis ng sarili niya at sa hinlalaki ng kanang kamay nito at sa hinlalaki ng kanang paa nito kung saan din niya inilagay ang dugo ng handog para sa pagkakasala.

it-2 1244 ¶6

Tainga, Pandinig

Noong italaga sa Israel ang pagkasaserdote, inutusan si Moises na kumuha ng dugo ng barakong tupa ng pagtatalaga at ilagay iyon sa pingol ng kanang tainga ni Aaron at ng bawat isa sa kaniyang mga anak, gayundin sa kanang kamay at kanang paa, anupat ipinahihiwatig na ang kanilang pinakikinggan, ang kanilang ginagawa, at ang paraan ng kanilang paglakad ay dapat na tuwirang maapektuhan ng nagaganap doon. (Lev 8:22-24) Sa katulad na paraan, hinggil sa nilinis na ketongin, sinabi ng Kautusan na ang saserdote ay dapat maglagay ng dugo ng barakong tupa na inihandog bilang handog ukol sa pagkakasala, gayundin ng langis na inihandog, sa pingol ng kanang tainga ng ketongin. (Lev 14:14, 17, 25, 28) Kahawig ng kaayusang ito ang probisyon para sa taong nais na manatiling alipin ng kaniyang panginoon hanggang sa panahong walang takda. Sa gayong kaso, ang alipin ay dadalhin sa poste ng pinto at ang tainga niya ay bubutasan ng kaniyang panginoon sa pamamagitan ng balibol. Maliwanag na ang nakalantad na markang ito, na inilagay sa sangkap para sa pagdinig, ay sumasagisag sa pagnanais ng alipin na patuloy na makinig at sumunod sa kaniyang panginoon.​—Exo 21:5, 6.

(Levitico 14:43-45) “Pero kung bumalik ang salot sa bahay pagkatapos tanggalin ang mga bato at kayurin at palitadahang muli ang bahay, 44 pupuntahan iyon ng saserdote para suriin. Kung kumalat ang salot sa bahay, iyon ay malalang ketong sa bahay. Marumi ang bahay. 45 Dapat niyang ipagiba ang bahay—ang mga bato, mga tabla, at lahat ng palitada at argamasa ng bahay—at ipatapon sa isang maruming lugar sa labas ng lunsod.

g 1/06 14, kahon

Amag—Kaibigan at Kaaway!

AMAG NOONG PANAHON NG BIBLIYA?

Binabanggit ng Bibliya “ang salot na ketong sa isang bahay,” na nangangahulugang nasa gusali mismo. (Levitico 14:34-48) Ipinapalagay na ang salot na ito, na tinatawag ding “malubhang ketong,” ay isang anyo ng amag, subalit hindi ito tiyak. Anuman ito, tinagubilinan ng Kautusan ng Diyos ang mga may-ari ng bahay na alisin ang nahawahang mga bato, kayurin ang buong loob ng bahay, at itapon sa labas ng lunsod “sa isang dakong marumi” ang lahat ng pinaghihinalaang bagay na nahawahan. Kung bumalik ang salot, ipahahayag na marumi ang buong bahay, ipagigiba, at ipatatapon ang lahat ng materyales nito. Ang detalyadong tagubilin ni Jehova ay nagpapakita ng kaniyang masidhing pag-ibig sa kaniyang bayan at sa kanilang pisikal na kapakanan.

Pagbabasa ng Bibliya

(Levitico 14:1-18) Sinabi pa ni Jehova kay Moises: 2 “Ito ang kautusan tungkol sa ketongin sa araw na ipahahayag siyang malinis, kapag dinala siya sa saserdote. 3 Ang saserdote ay pupunta sa labas ng kampo para suriin siya. Kung gumaling na ang ketongin, 4 uutusan siya ng saserdote na magdala ng dalawang buháy at malilinis na ibon, kahoy ng sedro, matingkad-na-pulang sinulid, at isopo para sa paglilinis sa kaniya. 5 Iuutos ng saserdote na patayin ang isang ibon sa ibabaw ng isang sisidlang luwad na may sariwang tubig. 6 Pero kukunin niya ang buháy na ibon pati na ang kahoy ng sedro, matingkad-na-pulang sinulid, at isopo, at isasawsaw ang mga iyon sa sariwang tubig na may halong dugo ng pinatay na ibon. 7 Pagkatapos, pitong ulit niya itong patutuluin sa taong naglilinis ng sarili niya mula sa ketong at ipahahayag niya siyang malinis, at pakakawalan niya sa parang ang buháy na ibon. 8 “Dapat labhan ng taong naglilinis ng sarili niya ang kaniyang mga damit at ahitin ang lahat ng buhok niya at dapat siyang maligo sa tubig, at siya ay magiging malinis. Pagkatapos, puwede na siyang pumasok sa kampo, pero mananatili muna siya nang pitong araw sa labas ng tolda niya. 9 Sa ikapitong araw, dapat niyang ahitin ang lahat ng buhok niya sa ulo at baba, pati kilay. Pagkatapos ahitin ang lahat ng buhok niya, lalabhan niya ang mga damit niya at maliligo siya, at siya ay magiging malinis. 10 “Sa ikawalong araw, kukuha siya ng dalawang malulusog na batang lalaking tupa, isang malusog na babaeng kordero na hindi lalampas ng isang taóng gulang, tatlong-ikasampu ng isang epa ng magandang klase ng harina na hinaluan ng langis bilang handog na mga butil, at isang takal na log ng langis; 11 at ang taong iyon na naglilinis ng sarili niya at ang mga handog niya ay dadalhin sa pasukan ng tolda ng pagpupulong at ihaharap kay Jehova ng saserdoteng naghayag na malinis na siya. 12 Kukunin ng saserdote ang isang batang lalaking tupa at iaalay iyon bilang handog para sa pagkakasala kasama ang isang takal na log ng langis, at igagalaw niya ang mga iyon nang pabalik-balik bilang handog na iginagalaw sa harap ni Jehova. 13 At papatayin niya ang batang lalaking tupa kung saan karaniwang pinapatay ang handog para sa kasalanan at handog na sinusunog, sa isang banal na lugar, dahil tulad ng handog para sa kasalanan, ang handog para sa pagkakasala ay mapupunta sa saserdote. Iyon ay kabanal-banalang bagay. 14 “At ang saserdote ay kukuha ng dugo ng handog para sa pagkakasala, at ilalagay iyon ng saserdote sa pingol ng kanang tainga ng taong naglilinis ng sarili niya at sa hinlalaki ng kanang kamay nito at sa hinlalaki ng kanang paa nito. 15 At ang saserdote ay kukuha ng kaunti mula sa isang takal na log ng langis at ibubuhos iyon sa kaliwang palad niya. 16 Pagkatapos, isasawsaw ng saserdote ang kanang daliri niya sa langis na nasa kaliwang palad niya at patutuluin nang pitong ulit sa harap ni Jehova ang langis na nasa daliri niya. 17 At kukuha ang saserdote ng kaunti mula sa natirang langis na nasa palad niya at ilalagay ito sa pingol ng kanang tainga ng taong naglilinis ng sarili niya at sa hinlalaki ng kanang kamay nito at sa hinlalaki ng kanang paa nito kung saan din inilagay ang dugo ng handog para sa pagkakasala. 18 Ang natitirang langis sa palad ng saserdote ay ilalagay niya sa ulo ng taong naglilinis ng sarili niya, at ang saserdote ay magbabayad-sala para sa kaniya sa harap ni Jehova.

DISYEMBRE 28–ENERO 3

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | LEVITICO 16-17

“Ikaw at ang Araw ng Pagbabayad-Sala”

(Levitico 16:12) “At kukunin niya ang lalagyan ng baga na punô ng baga mula sa altar sa harap ni Jehova at ang dalawang dakot ng pinong mabangong insenso, at dadalhin niya ang mga iyon sa loob ng kurtina.

w19.11 20 ¶4

Mga Aral na Matututuhan Natin sa Aklat ng Levitico

Basahin ang Levitico 16:12, 13. Isipin ang nangyayari sa Araw ng Pagbabayad-Sala: Papasok ang mataas na saserdote sa tabernakulo. Ito ang una sa tatlong beses na dapat siyang pumasok sa Kabanal-banalan sa araw na iyon. Hawak niya sa isang kamay ang isang lalagyang punô ng mabangong insenso, at sa kabila naman ay isang gintong lalagyan na punô ng baga. Pagdating niya sa may kurtina sa pasukan ng Kabanal-banalan, hihinto siya sandali. Buong paggalang siyang papasok sa Kabanal-banalan at tatayo sa tapat ng kaban ng tipan. Sa makasagisag na diwa, nakatayo siya sa harap mismo ng Diyos na Jehova! Ngayon, dahan-dahan niyang ibubuhos ang banal na insenso sa nagniningas na mga baga, at ang silid ay mapupuno ng mabangong amoy. Pagkatapos, papasok siya ulit sa Kabanal-banalan dala ang dugo ng mga handog para sa kasalanan. Pansinin na sinusunog muna niya ang insenso bago ialay ang dugo ng mga handog para sa kasalanan.

(Levitico 16:13) Ilalagay rin niya ang insenso sa ibabaw ng baga sa harap ni Jehova, at ang usok ng insenso ay babalot sa pantakip ng Kaban, na nasa ibabaw ng Patotoo, para hindi siya mamatay.

w19.11 21 ¶5

Mga Aral na Matututuhan Natin sa Aklat ng Levitico

Ano ang matututuhan natin sa paggamit ng insenso sa Araw ng Pagbabayad-Sala? Ipinapakita ng Bibliya na ang panalangin ng tapat na mga mananamba ni Jehova ay gaya ng insenso. (Awit 141:2; Apoc. 5:8) Tandaan na buong paggalang na dinadala ng mataas na saserdote ang insenso sa harap ng presensiya ni Jehova. Kaya kapag lumalapit tayo kay Jehova sa panalangin, ginagawa natin iyon nang may matinding paggalang. Laking pasasalamat natin na hinahayaan tayo ng Maylalang ng uniberso na lumapit sa kaniya, gaya ng anak na lumalapit sa kaniyang ama. (Sant. 4:8) Tinatanggap niya tayo bilang mga kaibigan niya! (Awit 25:14) Gayon na lang ang pagpapahalaga natin sa pribilehiyong ito kaya ayaw nating gumawa ng anumang bagay na ikasasama ng loob niya.

(Levitico 16:14, 15) “Kukuha siya ng dugo ng toro at isasawsaw niya rito ang daliri niya at patutuluin ito sa harap ng pantakip sa silangang bahagi, at gamit ang daliri niya, patutuluin niya ang dugo nang pitong ulit sa harap ng pantakip. 15 “Pagkatapos, papatayin niya ang kambing na handog para sa kasalanan, na para sa bayan, at dadalhin niya ang dugo nito sa loob ng kurtina at gagawin din sa dugo nito ang ginawa niya sa dugo ng toro; patutuluin niya iyon sa harap ng pantakip.

w19.11 21 ¶6

Mga Aral na Matututuhan Natin sa Aklat ng Levitico

Tandaan na kailangan munang sunugin ng mataas na saserdote ang insenso bago siya maghandog. Sa gayon, matitiyak niya na habang naghahandog siya, may pagsang-ayon siya ng Diyos. Ano ang matututuhan natin dito? Noong nasa lupa si Jesus, may mahalagang bagay siyang kailangang gawin—isang bagay na mas mahalaga kaysa sa pagliligtas sa mga tao—bago niya ihandog ang kaniyang buhay. Ano iyon? Kailangan niyang maging masunurin kay Jehova sa buong buhay niya para tanggapin ni Jehova ang kaniyang handog. Sa gayon, mapapatunayan ni Jesus na ang pagsunod sa paraan ni Jehova ang tamang paraan ng pamumuhay. Maipagbabangong-puri ni Jesus—o mapapatunayan niyang tama at makatarungan—ang soberanya, o paraan ng pamamahala, ng kaniyang Ama.

Paghuhukay ng Espirituwal na Hiyas

(Levitico 16:10) Pero ang nabunot na kambing para kay Azazel ay dapat dalhing buháy sa harap ni Jehova para maisagawa rito ang seremonya ng pagbabayad-sala at mapakawalan sa ilang para kay Azazel.

it-1 266 ¶1

Azazel

Gaya ng ipinaliwanag ng apostol na si Pablo, nang ihandog ni Jesus ang kaniyang sariling sakdal na buhay-tao bilang hain para sa mga kasalanan ng sangkatauhan, mas malaki ang naisakatuparan niya kaysa sa nagawa ng “dugo ng mga toro at ng mga kambing.” (Heb 10:4, 11, 12) Sa gayon, naglingkod siya bilang “ang kambing na pinagbuntunan ng sisi,” yamang siya ang naging ‘tagapagdala ng ating mga sakit,’ ang isa na ‘inulos dahil sa ating pagsalansang.’ (Isa 53:4, 5; Mat 8:17; 1Pe 2:24) ‘Dinala’ niya ang mga kasalanan ng lahat ng nananampalataya sa halaga ng kaniyang hain. Ipinakita niya ang paglalaan ng Diyos na lubusang pawiin ang kasalanan. Sa ganitong mga paraan, ang kambing na “para kay Azazel” ay lumalarawan sa hain ni Jesu-Kristo.

(Levitico 17:10, 11) “‘Kung ang sinuman sa sambahayan ng Israel o sinumang dayuhan na naninirahang kasama ninyo ay kumain ng anumang uri ng dugo, tiyak na itatakwil ko ang taong kumain ng dugo, at papatayin ko siya. 11 Dahil ang buhay ng isang nilikha ay nasa dugo, at ako mismo ang naglagay nito sa ibabaw ng altar para makapagbayad-sala kayo para sa inyong sarili, dahil ang dugo ang nagbabayad-sala dahil sa buhay na naroon.

w14 11/15 10 ¶10

Kung Bakit Dapat Tayong Magpakabanal

Basahin ang Levitico 17:10. Inutusan ni Jehova ang mga Israelita na huwag kumain ng “anumang uri ng dugo.” Ang pag-iwas sa dugo—ng hayop o ng tao—ay kahilingan din sa mga Kristiyano. (Gawa 15:28, 29) Ayaw nating ‘italaga ng Diyos ang kaniyang mukha laban sa atin’ at alisin tayo mula sa kaniyang kongregasyon. Mahal natin siya at gusto natin siyang sundin. Kahit manganib pa ang ating buhay, determinado tayong huwag magpadala sa pagmamakaawa o pamimilit ng mga hindi nakakakilala kay Jehova at walang pakialam sa mga utos niya. Oo, alam nating tutuyain tayo dahil sa pag-iwas natin sa dugo, pero gusto nating maging masunurin sa Diyos. (Jud. 17, 18) Anong pananaw tungkol sa paksang ito ang makakatulong sa atin na ‘maging matatag sa pasiyang’ huwag kumain o magpasalin ng dugo?​—

Deut. 12:23.

Pagbabasa ng Bibliya

(Levitico 16:1-17) Kinausap ni Jehova si Moises matapos mamatay ang dalawang anak ni Aaron dahil sa paglapit nila kay Jehova. 2 Sinabi ni Jehova kay Moises: “Sabihin mo sa kapatid mong si Aaron na huwag basta papasok nang anumang oras sa banal na lugar sa loob ng kurtina, sa harap ng pantakip na nasa ibabaw ng Kaban, para hindi siya mamatay, dahil magpapakita ako sa ibabaw ng pantakip sa pamamagitan ng isang ulap. 3 “Ito ang dapat dalhin ni Aaron kapag pumapasok siya sa banal na lugar: isang batang toro bilang handog para sa kasalanan at isang lalaking tupa bilang handog na sinusunog. 4 Dapat niyang isuot ang banal na mahabang damit na lino, pati na ang panloob na lino, at dapat niyang isuot ang pamigkis na lino at isuot sa ulo ang espesyal na turbanteng lino. Ang mga iyon ay banal na kasuotan. Maliligo siya bago niya isuot ang mga iyon. 5 “Dapat siyang kumuha mula sa bayan ng Israel ng dalawang batang kambing na lalaki bilang handog para sa kasalanan at isang lalaking tupa bilang handog na sinusunog. 6 “At ihaharap ni Aaron ang toro na handog para sa kasalanan, na para sa kaniyang sarili, at magbabayad-sala siya para sa kaniyang sarili at sa kaniyang sambahayan. 7 “Pagkatapos, kukunin niya ang dalawang kambing at dadalhin ang mga iyon sa harap ni Jehova sa pasukan ng tolda ng pagpupulong. 8 Magpapalabunutan si Aaron para sa dalawang kambing, ang isang mabubunot ay para kay Jehova at ang isa pa ay para kay Azazel. 9 Ang kambing na nabunot para kay Jehova ay ihaharap ni Aaron bilang handog para sa kasalanan. 10 Pero ang nabunot na kambing para kay Azazel ay dapat dalhing buháy sa harap ni Jehova para maisagawa rito ang seremonya ng pagbabayad-sala at mapakawalan sa ilang para kay Azazel. 11 “Ihaharap ni Aaron ang toro na handog para sa kasalanan, na para sa kaniyang sarili, at magbabayad-sala siya para sa kaniyang sarili at sa kaniyang sambahayan; pagkatapos, papatayin niya ang toro na handog para sa kasalanan, na para sa kaniyang sarili. 12 “At kukunin niya ang lalagyan ng baga na punô ng baga mula sa altar sa harap ni Jehova at ang dalawang dakot ng pinong mabangong insenso, at dadalhin niya ang mga iyon sa loob ng kurtina. 13 Ilalagay rin niya ang insenso sa ibabaw ng baga sa harap ni Jehova, at ang usok ng insenso ay babalot sa pantakip ng Kaban, na nasa ibabaw ng Patotoo, para hindi siya mamatay. 14 “Kukuha siya ng dugo ng toro at isasawsaw niya rito ang daliri niya at patutuluin ito sa harap ng pantakip sa silangang bahagi, at gamit ang daliri niya, patutuluin niya ang dugo nang pitong ulit sa harap ng pantakip. 15 “Pagkatapos, papatayin niya ang kambing na handog para sa kasalanan, na para sa bayan, at dadalhin niya ang dugo nito sa loob ng kurtina at gagawin din sa dugo nito ang ginawa niya sa dugo ng toro; patutuluin niya iyon sa harap ng pantakip. 16 “Dapat siyang magbayad-sala para sa banal na lugar dahil sa karumihang ginagawa ng mga Israelita at dahil sa mga pagsuway at kasalanan nila, at iyan ang dapat niyang gawin para sa tolda ng pagpupulong, na nasa gitna nila na gumagawa ng karumihan. 17 “Dapat na walang ibang tao sa loob ng tolda ng pagpupulong mula sa pagpasok niya para magbayad-sala sa banal na lugar hanggang sa paglabas niya. Magbabayad-sala siya para sa kaniyang sarili at sa kaniyang sambahayan at para sa buong kongregasyon ng Israel.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share