Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo
MARSO 1-7
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | BILANG 7-8
“Mga Aral Mula sa Kampo ng Israel”
Kongregasyon
Sa Israel, kadalasa’y may responsableng mga indibiduwal na kumakatawan sa bayan. (Ezr 10:14) Kaya naman, “mga pinuno sa mga tribo” ang naghandog matapos maitayo ang tabernakulo. (Bil 7:1-11) Sa katulad na paraan, mga saserdote, mga Levita, at “mga ulo ng bayan” ang nagpatotoo sa “mapagkakatiwalaang kaayusan” sa pamamagitan ng tatak noong mga araw ni Nehemias. (Ne 9:38–10:27) Noong naglalakbay ang Israel sa ilang, may “mga pinuno ng kapulungan, mga tinawag sa kapisanan, mga lalaking bantog,” at 250 sa mga ito ang sumama kina Kora, Datan, Abiram, at On sa pagtitipun-tipon laban kay Moises at kay Aaron. (Bil 16:1-3) Bilang pagsunod sa tagubilin ng Diyos, pumili si Moises ng 70 sa matatandang lalaki ng Israel, na mga opisyal, upang tulungan siyang dalhin ang “pasan ng bayan” na hindi niya kayang balikating mag-isa. (Bil 11:16, 17, 24, 25) Binabanggit ng Levitico 4:15 ang “matatandang lalaki ng kapulungan,” at lumilitaw na ang matatandang lalaki ng bansa, ang mga ulo, mga hukom, at mga opisyal nito ang nagsilbing mga kinatawan ng taong-bayan.—Bil 1:4, 16; Jos 23:2; 24:1.
Ruben
Sa kampo ng Israel, ang mga Rubenita, na nasa pagitan ng mga inapo nina Simeon at Gad, ay nasa T na panig ng tabernakulo. Kapag humahayo, ang tatlong-tribong pangkat na ito na pinangungunahan ng Ruben ay kasunod ng tatlong-tribong pangkat ng Juda, Isacar, at Zebulon. (Bil 2:10-16; 10:14-20) Ganito rin ang pagkakasunud-sunod ng mga tribo nang maghandog sila noong araw na pasinayaan ang tabernakulo.—Bil 7:1, 2, 10-47.
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng mga Bilang
8:25, 26. Upang matiyak na ang mga gaganap sa mga tungkulin ng mga Levita ay may-kakayahang mga lalaki, at bilang konsiderasyon sa kanilang edad, inutusan ang matatanda nang lalaki na magretiro sa kanilang sapilitang paglilingkod. Gayunman, maaari silang magboluntaryong tumulong sa ibang mga Levita. Bagaman walang pagreretiro sa pagiging isang tagapaghayag ng Kaharian sa ngayon, ang simulain ng kautusang ito ay nagtuturo ng mahalagang aral. Kung dahil sa katandaan ay hindi na kayang tuparin ng isang Kristiyano ang ilang obligasyon, maaari siyang makibahagi sa isang uri ng paglilingkod na kaya niyang gawin.
Espirituwal na Hiyas
it-2 816
Panganay
Yamang ang mga panganay na anak na lalaki ng mga Israelita ay yaong mga nakahanay na maging mga ulo ng iba’t ibang sambahayan, kumakatawan sila sa buong bansa. Sa katunayan, tinukoy ni Jehova ang buong bansa bilang kaniyang “panganay,” yamang ito ang kaniyang panganay na bansa dahil sa tipang Abrahamiko. (Exo 4:22) Dahil iningatan niya ang buhay ng mga panganay na lalaki, iniutos ni Jehova na “ang lahat ng panganay na lalaki na nagbubukas ng bawat bahay-bata sa gitna ng mga anak ni Israel, sa mga tao at mga hayop,” ay pabanalin sa kaniya. (Exo 13:2) Sa gayon, ang mga panganay na anak na lalaki ay itinalaga sa Diyos.
MARSO 8-14
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | BILANG 9-10
“Kung Paano Inaakay ni Jehova ang Bayan Niya”
Kampo
Ang pagpapalipat-lipat ng napakalaking kampong ito sa iba’t ibang lugar (mga 40 kampamento ang ginunita ni Moises sa Bilang 33) ay isa ring kahanga-hangang halimbawa ng pagiging organisado. Hangga’t nasa ibabaw ng tabernakulo ang ulap, nananatili ang kampo sa kinaroroonan nito. Kapag lumipat ang ulap, lumilipat din ang kampo. “Sa utos ni Jehova ay nagkakampo sila, at sa utos ni Jehova ay lumilisan sila.” (Bil 9:15-23) Dalawang trumpetang pilak na gawang pinukpok ang ginagamit upang ipatalastas ang mga utos na ito ni Jehova sa buong kampo. (Bil 10:2, 5, 6) Inihuhudyat naman ng pantangi at pabagu-bagong mga tunog ang paglikas ng kampo. Unang itong nangyari noong “ikalawang taon [1512 B.C.E.], nang ikalawang buwan, noong ikadalawampung araw.” Habang nasa unahan ang kaban ng tipan, lumilikas ang unang tatlong-tribong pangkat na pinangungunahan ng Juda at sinusundan ng Isacar, pagkatapos ay ng Zebulon. Kasunod nila ang mga Gersonita at mga Merarita habang dala-dala ng mga ito ang mga parte ng tabernakulo na nakaatas sa kanila. Sumunod naman ay ang tatlong-tribong pangkat na pinangungunahan ng Ruben at sinusundan ng Simeon at Gad. Kasunod nila ay ang mga Kohatita na may-dala ng santuwaryo, pagkatapos ay ang ikatlong tatlong-tribong pangkat, ng Efraim, na sinusundan naman ng Manases at Benjamin. Bilang panghuli, ang pangkat na pinangungunahan ng Dan kasama ang Aser at ang Neptali ang naging bantay sa likuran. Sa gayon, ang dalawang pinakamarami at pinakamalalakas na pangkat ang nakapuwesto bilang bantay sa harapan at sa likuran.—Bil 10:11-28.
Nakikita Mo ba ang Katibayan ng Patnubay ng Diyos?
Paano natin maipakikitang pinahahalagahan natin ang patnubay ng Diyos? Sinabi ni apostol Pablo: “Maging masunurin kayo doon sa mga nangunguna sa inyo at maging mapagpasakop.” (Heb. 13:17) Hindi laging madaling gawin iyan. Bilang ilustrasyon: Kunwari’y isa kang Israelita noong panahon ni Moises. Pagkatapos mong maglakad nang matagal-tagal, huminto ang haligi. Hanggang kailan kaya iyon mananatiling nakahinto? Isang araw? Isang linggo? Mga ilang buwan? Baka maisip mo, ‘Dapat ko na kayang ilabas sa balutan ang lahat ng gamit ko?’ Sa simula, baka ilabas mo lang ang mga gamit na kailangang-kailangan mo. Pero pagkaraan ng ilang araw, dahil mahirap maghalungkat, sinimulan mo nang ilabas ang lahat ng mga ito. Pero nang matatapos ka na, pumaitaas na naman ang haligi—at kailangan mo na uling mag-impake! Hindi madaling gawin iyon. Gayunman, ang mga Israelita ay kailangang ‘lumisan kaagad pagkatapos niyaon.’—Bil. 9:17-22.
Kaya ano ang reaksiyon natin sa mga tagubilin ng Diyos? Sinisikap ba nating sundin iyon “kaagad”? O patuloy nating ginagawa ang mga bagay-bagay ayon sa nakaugalian natin? Pamilyar ba tayo sa mga bagong tagubilin tungkol sa pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya, pangangaral sa mga nagsasalita ng ibang wika, pagkakaroon ng regular na pampamilyang pagsamba, pakikipagtulungan sa Hospital Liaison Committee, o paggawi nang wasto sa mga kombensiyon? Ipinakikita rin natin ang pagpapahalaga sa patnubay ng Diyos kapag handa tayong tumanggap ng payo. Kapag gumagawa ng mahahalagang desisyon, hindi tayo nagtitiwala sa sariling karunungan kundi umaasa sa patnubay ni Jehova at ng kaniyang organisasyon. At kung paanong ang isang bata ay tumatakbo sa kaniyang mga magulang kapag bumabagyo, tumatakbo rin tayo sa organisasyon ni Jehova kapag binabagyo tayo ng mga problema.
Espirituwal na Hiyas
Kapulungan
Kahalagahan ng Pagtitipon. Idiniin ng taunang pangingilin ng Paskuwa na dapat samantalahin ang mga paglalaan ni Jehova para sa pagtitipon upang magtamo ng espirituwal na kapakinabangan. Ang sinumang lalaki na malinis at hindi naman naglalakbay ngunit nagpabaya sa pangingilin ng Paskuwa ay lilipulin. (Bil 9:9-14) Nang ipatawag ni Haring Hezekias sa Jerusalem ang mga tumatahan sa Juda at Israel para sa pagdiriwang ng Paskuwa, sinabi niya sa kaniyang mensahe: “Kayong mga anak ni Israel, manumbalik kayo kay Jehova . . . huwag ninyong patigasin ang inyong leeg gaya ng ginawa ng inyong mga ninuno. Magbigay kayo ng dako kay Jehova at pumaroon kayo sa kaniyang santuwaryo na pinabanal niya hanggang sa panahong walang takda at maglingkod kayo kay Jehova na inyong Diyos, upang ang kaniyang nag-aapoy na galit ay mapawi mula sa inyo. . . . Si Jehova na inyong Diyos ay magandang-loob at maawain, at hindi niya itatalikod ang mukha mula sa inyo kung manunumbalik kayo sa kaniya.” (2Cr 30:6-9) Ang sinasadyang hindi pagdalo ay nagpapahiwatig ng pagtatakwil sa Diyos. At, bagaman hindi ipinangingilin ng mga Kristiyano ang mga kapistahang gaya ng Paskuwa, angkop lamang na himukin sila ni Pablo na huwag pabayaan ang mga pagpupulong na regular na idinaraos ng bayan ng Diyos, anupat sinabi niya: “Isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa, na hindi pinababayaan ang ating pagtitipon, gaya ng kinaugalian ng iba, kundi nagpapatibayang-loob sa isa’t isa, at lalung-lalo na samantalang inyong nakikita na papalapit na ang araw.”—Heb 10:24, 25; tingnan ang KONGREGASYON.
MARSO 15-21
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | BILANG 11-12
“Bakit Dapat Nating Iwasan ang Pagiging Mareklamo?”
Huwag Maging mga Tagapakinig na Malilimutin
Hindi kailanman nagpadaig sa seksuwal na imoralidad ang lubhang nakararami sa mga Kristiyano. Gayunman, kailangan tayong mag-ingat na hindi natin hinahayaan ang ating sarili na magtaguyod ng isang landasing umaakay sa patuluyang pagbubulung-bulungan na maaaring magbunga ng di-pagsang-ayon ng Diyos. Pinaaalalahanan tayo ni Pablo: “Ni ilagay man natin sa pagsubok si Jehova, kung paanong inilagay siya sa pagsubok ng ilan sa [mga Israelita], upang malipol lamang sa pamamagitan ng mga serpiyente. Ni maging mga mapagbulong, kung paanong ang ilan sa kanila ay nagbulung-bulungan, upang malipol lamang sa pamamagitan ng tagapuksa.” (1 Corinto 10:9, 10) Nagbulung-bulungan ang mga Israelita laban kina Moises at Aaron—oo, laban pa nga sa Diyos mismo—anupat nagrereklamo tungkol sa makahimalang inilaan na manna. (Bilang 16:41; 21:5) Si Jehova ba ay hindi gaanong nagalit sa kanilang pagbubulung-bulungan kung ihahambing sa kanilang pakikiapid? Ipinakikita ng ulat ng Bibliya na maraming mapagbulong ang pinatay ng mga serpiyente. (Bilang 21:6) Sa isang naunang pangyayari, mahigit sa 14,700 rebelyosong mapagbulong ang pinuksa. (Bilang 16:49) Kaya huwag nating ilagay sa pagsubok ang pagtitiis ni Jehova sa pamamagitan ng di-paggalang sa kaniyang mga paglalaan.
‘Magpatuloy Nang Walang mga Bulung-bulungan’
Kaylaking pagbabago sa saloobin ng mga Israelita! Sa simula, napaawit sila ng mga papuri bilang pasasalamat kay Jehova nang palayain sila mula sa Ehipto at makatawid nang ligtas sa Dagat na Pula. (Exodo 15:1-21) Ngunit nang mahirapan sila sa ilang at matakot sa mga Canaanita, ang pasasalamat ng bayan ng Diyos ay napalitan ng pagiging di-kontento. Sa halip na pasalamatan ang Diyos sa kanilang paglaya, sinisi pa nila siya sa pag-aakalang pinagkakaitan niya sila. Kung gayon, ang pagbubulung-bulungan ay nagpapakitang hindi nila talaga pinahahalagahan ang mga paglalaan ni Jehova. Hindi nga nakapagtatakang sabihin niya: “Hanggang kailan magbubulung-bulungan nang ganito laban sa akin ang masamang kapulungang ito?”—Bilang 14:27; 21:5.
Pagtatalo, Pag-aaway
Pagbubulung-bulungan. Ang pagbubulung-bulungan ay nakapanghihina ng loob at nakapipinsala. Hindi pa natatagalan pagkaalis sa Ehipto, nagbulung-bulungan ang mga Israelita laban kay Jehova, anupat hinahanapan nila ng pagkakamali ang pangungunang inilaan niya sa pamamagitan ng kaniyang mga lingkod na sina Moises at Aaron. (Exo 16:2, 7) Nang maglaon, gayon na lamang ang panghihina ng loob ni Moises dahil sa kanilang mga reklamo kung kaya hiniling niyang mamatay na siya. (Bil 11:13-15) Ang pagbubulung-bulungan ay maaaring magsapanganib sa buhay ng isang mapagbulong. Para kay Jehova, ang mga bagay na sinabi ng mga mapagbulong tungkol kay Moises ay isang mapaghimagsik na reklamo laban sa Kaniyang sariling pangunguna bilang Diyos. (Bil 14:26-30) Marami ang namatay dahil sa pamimintas.
Espirituwal na Hiyas
it-2 291
Manna
Paglalarawan. Ang manna ay “maputi na tulad ng buto ng kulantro” at ang “hitsura” ay tulad ng sahing ng bedelio, isang malinaw na substansiya na parang pagkit anupat ang anyo ay nahahawig sa perlas. Ang lasa nito ay maihahambing sa “tinapay na lapad na may pulot-pukyutan” o “nilangisang tinapay na matamis.” Pagkatapos itong gilingin sa gilingang pangkamay o dikdikin sa almires, ang manna ay pinakukuluan o niluluto at ginagawang tinapay.—Exo 16:23, 31; Bil 11:7, 8.
MARSO 22-28
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | BILANG 13-14
“Kung Paano Nakakapagpalakas ng Loob ang Pananampalataya”
Malakas ang Loob Dahil sa Pananampalataya at Makadiyos na Takot
Ngunit dalawa sa mga tiktik, sina Josue at Caleb, ang sabik na pumasok sa Lupang Pangako. Ang mga Canaanita ay “tinapay sa atin,” ang sabi nila. “Ang kanilang silungan ay lumayo na sa kanila, at si Jehova ay sumasaatin. Huwag ninyo silang katakutan.” (Bilang 14:9) Sobrang positibo lamang ba sina Josue at Caleb? Hinding-hindi! Kasama ng buong bansa, nakita nila kung paano hiniya ni Jehova ang makapangyarihang Ehipto at ang mga diyos nito sa pamamagitan ng Sampung Salot. Pagkatapos ay nakita nila nang lunurin ni Jehova si Paraon at ang hukbong militar nito sa Dagat na Pula. (Awit 136:15) Maliwanag, hindi mapagpapaumanhinan ang takot na ipinakita ng sampung tiktik at ng mga naimpluwensiyahan nila. “Hanggang kailan sila hindi mananampalataya sa akin sa lahat ng tanda na isinagawa ko sa gitna nila?” ang sabi ni Jehova, para ipakitang nasaktan ang kaniyang damdamin.—Bilang 14:11.
Tinukoy ni Jehova ang ugat ng problema—ang karuwagan ng bayan ay nagpapakita na wala silang pananampalataya. Oo, may malapit na kaugnayan ang pananampalataya at lakas ng loob, anupat ganito ang isinulat ni apostol Juan hinggil sa kongregasyong Kristiyano at sa espirituwal na pakikidigma nito: “Ito ang pananaig na dumaig sa sanlibutan, ang ating pananampalataya.” (1 Juan 5:4) Sa ngayon, dahil sa pananampalatayang tulad ng kay Josue at kay Caleb, ang mabuting balita ng Kaharian ay ipinangangaral sa buong daigdig ng mahigit na anim na milyong Saksi ni Jehova, bata at matanda, malakas at mahina. Walang sinumang kaaway ang nakapagpatahimik sa makapangyarihan at malakas-ang-loob na hukbong ito.—Roma 8:31.
Espirituwal na Hiyas
it-1 740
Ang Lupaing Ibinigay ng Diyos sa Israel
ANG lupaing ibinigay ng Diyos sa Israel ay tunay ngang isang mabuting lupain. Nang patiunang magsugo si Moises ng mga tiktik upang galugarin ang Lupang Pangako at kumuha ng mga bunga nito, nag-uwi sila ng mga igos, mga granada, at isang pagkalaki-laking kumpol ng ubas anupat dalawang lalaki ang bumuhat nito sa pamamagitan ng isang pamingga! Bagaman umurong sila sa takot dahil sa kawalan ng pananampalataya, iniulat nila: Ang lupain ay “tunay ngang inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan.”—Bil 13:23, 27.
MARSO 29–ABRIL 4
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | BILANG 15-16
“Huwag Maging Ma-pride at Sobrang Magtiwala sa Sarili”
Kilala Ka ba ni Jehova?
Pero noong patungo na sa Lupang Pangako ang mga Israelita, naisip ni Kora na may mali sa kaayusan ni Jehova. Gusto niyang gumawa ng mga pagbabago. Pagkatapos, 250 iba pang nangungunang lalaki sa bansa ang pumanig kay Kora. Tiwalang-tiwala sila na matibay ang kaugnayan nila kay Jehova. Nagreklamo sila kina Moises: “Tama na kayo, sapagkat ang buong kapulungan ay banal na lahat at si Jehova ay nasa gitna nila.” (Bil. 16:1-3) Talagang sobra ang tiwala niya sa sarili at masyado siyang mapagmapuri! Sinabi sa kanila ni Moises: “Ipakikilala ni Jehova kung sino ang sa kaniya.” (Basahin ang Bilang 16:5.) Bago matapos ang sumunod na araw, patay na si Kora at ang lahat ng rebeldeng pumanig sa kaniya.—Bil. 16:31-35.
Kilala Ka ba ni Jehova?
Pag-usapan natin ang magkaibang halimbawa nina Moises at Kora. Makikita natin sa halimbawa nila na ang ating katayuan kay Jehova ay nakadepende sa paggalang natin sa kaniyang mga desisyon at mga kaayusan. Si Kora ay isang Kohatitang Levita na maraming pribilehiyo. Halimbawa, malamang na nakita niya ang pagliligtas sa Israel sa Dagat na Pula. Posible ring nagkaroon siya ng papel sa paglalapat ng hatol ni Jehova laban sa masuwaying mga Israelita sa Bundok Sinai at sa pagdadala ng kaban ng tipan. (Ex. 32:26-29; Bil. 3:30, 31) Maliwanag na naging tapat siya kay Jehova sa loob ng maraming taon at iginagalang ng marami sa kampo ng Israel.
Espirituwal na Hiyas
Tiyaking Unahin ang mga Bagay na Dapat Unahin!
Mas seryoso ang pangmalas ni Jehova sa kasong iyon. “Nang maglaon,” sabi ng Bibliya, “sinabi ni Jehova kay Moises: ‘Walang pagsalang papatayin ang lalaki.’” (Bilang 15:35) Bakit gayon na lamang katindi ang nadama ni Jehova tungkol sa ginawa ng lalaki?
Ang mga tao ay may anim na araw para magtipon ng kahoy at mag-asikaso sa kanilang mga pangangailangan hinggil sa pagkain, pananamit, at tirahan. Ang ikapitong araw ay dapat iukol sa kanilang espirituwal na mga pangangailangan. Bagaman hindi mali na magtipon ng kahoy, mali naman na gamitin ang panahon na dapat sana’y inilaan sa pagsamba kay Jehova para gawin iyon. Bagaman ang mga Kristiyano ay wala sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, hindi ba tayo tinuturuan ng pangyayaring ito ng isang aral sa wastong pagtatakda ng ating mga priyoridad ngayon?—Filipos 1:10.
ABRIL 5-11
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | BILANG 17-19
“Ako ang . . . Iyong Mana”
Ginagawa Mo Bang Iyong Bahagi si Jehova?
Isip-isipin ang mga Levita, na walang tinanggap na lupaing mana. Yamang ang dalisay na pagsamba ang kanilang pangunahing pinagkakaabalahan, kailangan nilang umasa sa paglalaan ni Jehova, na nagsabi: “Ako ang iyong bahagi.” (Bil. 18:20) Kahit hindi tayo naglilingkod sa literal na templo gaya ng mga saserdote at mga Levita noon, matutularan natin ang saloobin nila at makapagtitiwalang paglalaanan tayo ni Jehova. Habang papalapít ang wakas ng mga huling araw, lalo nating kailangang magtiwala sa kakayahan ng Diyos na maglaan para sa atin.—Apoc. 13:17.
Si Jehova ang Aking Bahagi
Ano ang ibig sabihin ng atas na iyan para sa mga Levita? Sinabi ni Jehova sa kanila na sa halip na tumanggap ng lupaing mana, siya ang magiging bahagi nila sa diwang pagkakalooban sila ng napakahalagang pribilehiyo. Ang “pagkasaserdote kay Jehova” ang magiging mana nila. (Jos. 18:7) Ipinakikita ng konteksto ng Bilang 18:20 na hindi naman sila naghikahos. (Basahin ang Bilang 18:19, 21, 24.) Ibibigay sa mga Levita “ang lahat ng ikasampung bahagi sa Israel na pinakamana bilang ganti sa kanilang paglilingkod.” Tatanggap sila ng 10 porsiyento ng lahat ng ani at ng idinami ng mga alagang hayop sa Israel. Samantala, ibibigay naman ng mga Levita ang ikasampung bahagi ng tinanggap nila, ang “pinakamainam niyaon,” sa mga saserdote bilang panustos. (Bil. 18:25-29) Ibinibigay rin sa mga saserdote “ang lahat ng banal na abuloy” na dinadala ng mga anak ni Israel sa Diyos sa dako ng pagsamba. Kaya talagang makapagtitiwala ang mga saserdote na paglalaanan sila ni Jehova.
Espirituwal na Hiyas
Asin—Isang Mahalagang Produkto
Ang asin ay naging sagisag din ng katatagan at pagiging permanente. Kaya, sa Bibliya ang di-nagbabagong tipan ay tinatawag na “isang tipan ng asin,” kadalasang sabay na kumakain ang magkabilang panig, na may asin, upang pagtibayin ito. (Bilang 18:19) Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, nilalagyan ng asin ang mga handog na inihahain sa dambana, na tiyak na nagpapahiwatig ng kawalang-kasiraan o kawalang-kabulukan.
ABRIL 12-18
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | BILANG 20-21
“Manatiling Maamo Kahit Pine-pressure”
Maging Maamo at Pasayahin si Jehova
Kung maamo tayo, maiiwasan nating magkamali. Isipin ulit si Moises. Sa loob ng maraming dekada, nanatili siyang maamo at napasaya niya si Jehova. Pero sa pagtatapos ng napakahirap na 40-taóng paglalakbay sa ilang, naiwala niya ang kaamuan. Kamamatay lang at kalilibing sa Kades ng kapatid niyang babae na malamang na tumulong para mailigtas ang buhay niya sa Ehipto. At ngayon, nagrereklamo na naman ang mga Israelita na pinababayaan sila. “Nakipagtalo ang bayan kay Moises” dahil walang tubig. Sa kabila ng lahat ng himalang ginawa ni Jehova sa pamamagitan ni Moises at kahit ibinigay na ni Moises ang buong buhay niya para manguna sa bayan, nagreklamo pa rin sila. Hindi lang kawalan ng tubig ang inirereklamo nila. Inirereklamo rin nila si Moises, na para bang kasalanan niya kung bakit sila nauuhaw.—Bil. 20:1-5, 9-11.
Maging Maamo at Pasayahin si Jehova
Nadaig ng galit si Moises at hindi siya naging mahinahon. Sa halip na makipag-usap sa bato, gaya ng iniutos ni Jehova, pagalít na kinausap ni Moises ang bayan at pinalabas na siya ang gagawa ng himala. Dalawang beses niyang hinampas ang bato at lumabas ang maraming tubig. Napakalaking pagkakamali ang nagawa ni Moises dahil sa pride at galit. (Awit 106:32, 33) Hindi siya nakapasok sa Lupang Pangako dahil hindi siya nakapagpakita ng kaamuan sa pagkakataong iyon.—Bil. 20:12.
May mahahalagang aral tayong matututuhan dito. Una, dapat na patuloy nating pagsikapan na manatiling maamo. Dahil kahit sandali lang nating maiwala ito, baka maging ma-pride tayo at magsalita at kumilos nang padalos-dalos. Ikalawa, mahirap maging maamo kapag nai-stress. Kaya kailangan nating doblihin ang pagsisikap na maging maamo kapag mahirap ang sitwasyon.
Isang Hukom na Matatag sa Kung Ano ang Tama
Una, hindi inutusan ng Diyos si Moises na magsalita sa bayan, ni hatulan man na mapaghimagsik ang bayan. Ikalawa, hindi niluwalhati nina Moises at Aaron ang Diyos. ‘Hindi ninyo ako pinabanal,’ ang sabi ng Diyos. (Talata 12) Sa pagsasabing “maglalabas kami ng tubig,” parang sinasabi ni Moises na sila ni Aaron—hindi ang Diyos—ang makahimalang maglalaan ng tubig. Ikatlo, ang hatol na ito ay katulad din ng hatol ni Jehova noon. Hindi pinayagan ng Diyos ang naunang henerasyon ng mga mapaghimagsik na pumasok sa Canaan, kaya gayundin ang ginawa niya kina Moises at Aaron. (Bilang 14:22, 23) Ikaapat, sina Moises at Aaron ay mga lider ng Israel. Mas malaki ang pananagutan sa Diyos ng mga taong binigyan ng malaking responsibilidad.—Lucas 12:48.
Espirituwal na Hiyas
Ang Pananaw Mo ba sa mga Kahinaan ng Tao ay Gaya ng kay Jehova?
Puwede sanang parusahan agad ni Jehova si Aaron noong mga pagkakataong iyon. Pero alam Niya na hindi naman masamang tao si Aaron. Lumilitaw na nagkamali si Aaron dahil nalagay siya sa alanganing sitwasyon at nagpaimpluwensiya sa iba. Pero inamin niya ang mga pagkakamali niya at tinanggap ang hatol ni Jehova. (Ex. 32:26; Bil. 12:11; 20:23-27) Nagpokus si Jehova sa pananampalataya at pagsisisi ni Aaron. Pagkaraan ng maraming siglo, kinikilala pa rin si Aaron at ang mga inapo niya bilang mga taong may takot kay Jehova.—Awit 115:10-12; 135:19, 20.
ABRIL 19-25
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | BILANG 22-24
“Ginawang Pagpapala ni Jehova ang Sumpa”
Ihayag “ang Mabuting Balita Tungkol kay Jesus”
Sa ngayon, gaya noong unang siglo, hindi pa rin kayang pahintuin ng pag-uusig sa bayan ng Diyos ang kanilang pangangaral. Dahil sa patuloy na panggigipit, ang mga Kristiyano ay napapalipat ng ibang lugar—sa bilangguan man o sa ibang lupain—pero lalo lamang itong nakatulong para maibalita ang mensahe ng Kaharian sa mga tao sa ibang lugar. Halimbawa, noong Digmaang Pandaigdig II, nakapagbigay ang mga Saksi ni Jehova ng lubusang patotoo sa mga kampong piitan ng mga Nazi. Nagkuwento ang isang Judio na napatotohanan ng mga Saksi: “Ang katatagan ng mga bilanggong Saksi ni Jehova ang nakakumbinsi sa akin na talaga ngang nakasalig sa Kasulatan ang kanilang pananampalataya—at ako mismo ay naging isang Saksi.”
it-1 1301
Kabaliwan
Ang Kabaliwan ng Pagsalansang kay Jehova. May-kamangmangang ninais ng propetang si Balaam na manghula laban sa Israel upang tumanggap siya ng salapi mula kay Haring Balak ng mga Moabita, ngunit nanaig si Jehova at hinadlangan ang kaniyang mga pagsisikap. Tungkol kay Balaam, isinulat ng apostol na si Pedro na “isang walang-imik na hayop na pantrabaho, nang magsalita sa tinig ng tao, ang humadlang sa baliw na landasin ng propeta.” Upang ilarawan ang kabaliwan ni Balaam, ginamit ng apostol ang salitang Griego na pa·ra·phro·niʹa, na may diwa ng “pagiging wala sa sariling pag-iisip.”—2Pe 2:15, 16; Bil 22:26-31.
Espirituwal na Hiyas
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng mga Bilang
22:20-22—Bakit lumagablab ang galit ni Jehova laban kay Balaam? Sinabi ni Jehova sa propetang si Balaam na hindi niya dapat sumpain ang mga Israelita. (Bilang 22:12) Gayunman, humayo ang propeta kasama ang mga tauhan ni Balak taglay ang intensiyon na sumpain ang Israel. Nais paluguran ni Balaam ang haring Moabita at tumanggap ng gantimpala mula rito. (2 Pedro 2:15, 16; Judas 11) Kahit noong mapilitan si Balaam na pagpalain ang Israel sa halip na sumpain ito, hinangad niya ang lingap ng hari sa pamamagitan ng pagmumungkahi na gamitin ang mga babaing mananamba ni Baal upang hikayatin ang mga lalaking Israelita. (Bilang 31:15, 16) Kaya ang dahilan ng galit ng Diyos laban kay Balaam ay ang walang-prinsipyong kasakiman ng propeta.
ABRIL 26–MAYO 2
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | BILANG 25-26
“Puwedeng Makinabang ang Marami sa Pagkilos ng Isang Tao”
“Tumakas Kayo Mula sa Seksuwal na Imoralidad!”
ISANG mangingisda ang pumunta sa lugar kung saan makakahuli siya ng isang klase ng isda na gusto niya. Pumili siya ng pain at inihagis ang pamingwit sa tubig. Matiyaga siyang naghintay, at nang may kumagat na isda, hinila niya ang tanse at nahuli ang isda.
Puwede ring mahuli ang tao sa ganiyang paraan. Halimbawa, halos nasa hangganan na ng Lupang Pangako ang mga Israelita nang magkampo sila sa Kapatagan ng Moab. Nangako ang hari ng Moab sa lalaking si Balaam na bibigyan niya ito ng maraming pera kung susumpain niya ang Israel. Di-nagtagal, nakaisip si Balaam ng paraan para ang mga Israelita na mismo ang magdala ng sumpa sa sarili nila. Pumili siyang mabuti ng pain. Nagpadala siya ng mga kabataang babaeng Moabita sa kampo ng mga Israelita para akitin ang mga lalaki roon.—Bilang 22:1-7; 31:15, 16; Apocalipsis 2:14.
“Tumakas Kayo Mula sa Seksuwal na Imoralidad!”
Bakit napakaraming Israelita ang nabiktima ng plano ni Balaam? Sarili lang kasi nila ang inisip nila, at nakalimutan nila ang lahat ng ginawa ni Jehova para sa kanila. Marami silang dahilan para maging tapat sa Diyos. Pinalaya niya sila mula sa pagkaalipin sa Ehipto, binigyan ng pagkain sa ilang, at ligtas silang pinatnubayan hanggang sa hangganan ng Lupang Pangako. (Hebreo 3:12) Pero naakit pa rin sila ng seksuwal na imoralidad. Isinulat ni apostol Pablo: “Huwag tayong mamihasa sa seksuwal na imoralidad, gaya ng ilan sa kanila na nagkasala ng seksuwal na imoralidad, [at] namatay.”—1 Corinto 10:8.
Espirituwal na Hiyas
Hangganan
Lumilitaw kung gayon na ang pamamahagi ng lupain sa mga tribo ay batay sa dalawang salik: ang resulta ng palabunutan, at ang laki ng tribo. Maaaring ang itinalaga lamang ng palabunutan ay ang tinatayang lokasyon ng lupaing mana ng bawat tribo, sa gayon ay nag-aatas ng mana sa isang seksiyon o iba pang seksiyon ng lupain, halimbawa, kung iyon ay sa dakong H o T, S o K, sa kahabaan ng baybaying kapatagan, o sa bulubunduking pook. Ang pasiya ayon sa palabunutan ay nagmula kay Jehova at sa gayon ay maiiwasan ang paninibugho o awayan sa gitna ng mga tribo. (Kaw 16:33) Sa pamamagitan nito, mapapatnubayan din ng Diyos ang mga bagay-bagay upang ang lokasyon ng bawat tribo ay maging kasuwato ng kinasihang hula ng patriyarkang si Jacob nang mamamatay na ito na nakaulat sa Genesis 49:1-33.
Pagkatapos na maitalaga sa pamamagitan ng palabunutan ang magiging heograpikong lokasyon ng isang tribo, kailangan namang italaga ang lawak ng teritoryo nito salig sa ikalawang salik: ang laki ng tribo. “Paghahati-hatian ninyo ang lupain bilang pag-aari sa pamamagitan ng palabunutan ayon sa inyong mga pamilya. Ang marami ay daragdagan ninyo ng kaniyang mana, at ang kaunti ay babawasan ninyo ng kaniyang mana. Kung saan lumabas ang palabunot para sa kaniya, iyon ang magiging kaniya.” (Bil 33:54) Ang pasiya sa pamamagitan ng palabunutan may kinalaman sa pangunahing heograpikong lokasyon ay mananatili, ngunit maaaring gumawa ng mga pagbabago sa laki ng mana. Kaya naman nang matuklasan na ang teritoryo ng Juda ay napakalaki, ang sukat ng lupain nito ay binawasan sa pamamagitan ng pag-aatas ng ilang bahagi nito sa tribo ni Simeon.—Jos 19:9.