Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo
ENERO 4-10
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | LEVITICO 18-19
“Manatiling Malinis sa Moral”
Protektahan ang Sarili sa mga Bitag ni Satanas
Matapos banggitin ni Jehova ang karima-rimarim na kahalayan ng kalapít na mga bansa, sinabi niya sa mga Israelita: “Huwag ninyong gagawin ang ginagawa ng mga tao sa Canaan, kung saan ko kayo dadalhin. . . . Marumi ang lupain, at paparusahan ko ang mga nakatira dito dahil sa kasalanan nila.” Para sa banal na Diyos ng Israel, marumi ang lupain ng mga Canaanita dahil sa nakapandidiri nilang pamumuhay.—Lev. 18:3, 25.
Pinapatnubayan ni Jehova ang Kaniyang Bayan
Sa kabaligtaran, ang mga lider ng ibang mga bansa noon ay umaasa sa makitid na karunungan ng tao. Sa ilalim ng pangunguna ng mga lider sa Canaan, ang mga tao ay gumagawa ng mga karima-rimarim na bagay, gaya ng insesto, homoseksuwalidad, bestiyalidad, paghahain ng mga anak, at talamak na idolatriya. (Lev. 18:6, 21-25) Ang mga lider naman sa Babilonya at Ehipto ay walang mga alituntunin sa kalinisan na katulad ng ibinigay ng Diyos sa Israel. (Bil. 19:13) Pero nakita ng sinaunang bayan ng Diyos na ang kanilang tapat na mga lider ay nagtataguyod ng espirituwal, moral, at pisikal na kalinisan. Maliwanag, pinapatnubayan sila ni Jehova.
Kung Ano ang Gagawin ng Diyos sa Kasamaan
Ano naman ang mangyayari sa mga ayaw magbago at pilit pa ring gumagawa ng masama? Pansinin ang maaasahang pangakong ito: “Ang mga matuwid ang siyang tatahan sa lupa, at ang mga walang kapintasan ang siyang maiiwan dito. Kung tungkol sa mga balakyot, lilipulin sila mula sa mismong lupa; at kung tungkol sa mga mapandaya, bubunutin sila mula rito.” (Kawikaan 2:21, 22) Mawawala na ang impluwensiya ng masasamang tao. Sa panahong iyon, ang masunuring mga tao ay unti-unting palalayain sa minanang di-kasakdalan.—Roma 6:17, 18; 8:21.
Espirituwal na Hiyas
“Gayon na Lamang ang Pag-ibig Ko sa Iyong Kautusan!”
Ang ikalawang aspekto ng Kautusang Mosaiko na nagpapakita ng pagmamalasakit ng Diyos sa kapakanan ng kaniyang bayan ay ang karapatang maghimalay. Iniutos ni Jehova na kapag nag-aani ang isang Israelitang magsasaka sa kaniyang bukid, dapat niyang pahintulutan ang nagdarahop na tipunin ang iniwan ng mga mang-aani. Hindi dapat lubusang gapasin ng mga magsasaka ang gilid ng kanilang bukid, ni pitasin ang natirang mga ubas o olibo. Ang mga tungkos ng butil na di-sinasadyang naiwan sa bukid ay hindi dapat balikan. Isa itong maibiging kaayusan para sa mga dukha, naninirahang dayuhan, ulila, at mga babaing balo. Totoo, kailangan din nilang magpagal sa paghihimalay, pero sa pamamagitan nito, maiiwasan nilang mamalimos.—Levitico 19:9, 10; Deuteronomio 24:19-22; Awit 37:25.
ENERO 11-17
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | LEVITICO 20-21
“Ibinubukod ni Jehova ang Bayan Niya”
Paraiso—Para sa Iyo?
Pero may isa pang bagay na hindi natin dapat kaligtaan. Sinabi ng Diyos sa mga Israelita: “Tuparin ninyo ang buong utos na iniuutos ko sa iyo ngayon, upang lumakas kayo at makapasok nga at ariin ang lupain.” (Deuteronomio 11:8) Sa Levitico 20:22, 24, binanggit din ang lupaing iyon: “Tutuparin ninyo ang lahat ng aking mga batas at lahat ng aking mga hudisyal na pasiya at isasagawa ninyo ang mga iyon, upang hindi kayo isuka ng lupain na pagdadalhan ko sa inyo na inyong tatahanan. Kaya sinabi ko sa inyo: ‘Kayo, sa ganang inyo, ang magmamay-ari ng kanilang lupa, at ako naman ang magbibigay niyaon sa inyo upang ariin iyon, isang lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan.’” Oo, ang pagmamay-ari ng Lupang Pangako ay nakasalalay sa magandang kaugnayan sa Diyos na Jehova. Dahil sumuway sa kaniya ang mga Israelita, ipinahintulot ng Diyos na lupigin sila ng mga taga-Babilonya at alisin sila sa kanilang tahanan.
it-2 271
Mana
Anumang ari-arian na sa pagkamatay ng may-ari nito ay isinasalin sa tagapagmana o sa mga may karapatang humalili sa kaniya; anumang bagay na tinanggap mula sa mga ninuno o mula sa mga hinalinhan ng isa. Ang pangunahing pandiwang Hebreo na ginagamit para rito ay na·chalʹ (pangngalan, na·chalahʹ). Kasangkot dito ang pagkuha o pagbibigay ng mana o minanang pag-aari, kadalasa’y resulta ng paghalili. (Bil 26:55; Eze 46:18) Kung minsan, ang pandiwang ya·rashʹ ay ginagamit sa diwa na “humalili bilang tagapagmana,” ngunit mas madalas ay sa diwang “ariin” na walang kaugnayan sa paghalili. (Gen 15:3; Lev 20:24) Mayroon din itong kahulugan na “itaboy,” anupat may kasangkot na aksiyong militar. (Deu 2:12; 31:3) Ang mga salitang Griego na may kinalaman sa mana ay nauugnay sa kleʹros, na orihinal na nangangahulugang “palabunot” ngunit sa kalaunan ay nangahulugang “bahagi” at nang dakong huli ay “mana.”—Mat 27:35; Gaw 1:17; 26:18.
Ibon
Pagkatapos ng pangglobong Baha, naghandog si Noe ng “malilinis na lumilipad na nilalang” kasama ng mga hayop bilang isang hain. (Gen 8:18-20) Mula noon ay ipinahintulot ng Diyos na mapabilang ang mga ibon sa mga kinakain ng tao, huwag lamang kakainin ang dugo. (Gen 9:1-4; ihambing ang Lev 7:26; 17:13.) Samakatuwid, maliwanag na ang ‘pagiging malinis’ ng ilang ibon noong panahong iyon ay nauugnay sa kung ano ang itinakda ng Diyos bilang katanggap-tanggap ihain; ipinakikita ng rekord ng Bibliya na, may kinalaman sa paggamit sa mga ito bilang pagkain, walang ibon ang itinalagang “marumi” hanggang noong ibigay ang Kautusang Mosaiko. (Lev 11:13-19, 46, 47; 20:25; Deu 14:11-20) Ang mga salik na batayan kung aling mga ibon ang itinalagang “marumi” sa seremonyal na paraan ay hindi espesipikong binabanggit sa Bibliya. Kaya naman, bagaman ang karamihan sa mga itinalagang marumi ay mga ibong maninila o mga kumakain ng bangkay, hindi naman lahat ay gayon. (Tingnan ang ABUBILYA.) Inalis ang pagbabawal na ito pagkatapos na maitatag ang bagong tipan, gaya ng nilinaw ng Diyos kay Pedro sa isang pangitain.—Gaw 10:9-15.
Espirituwal na Hiyas
it-2 600
Paghihiwa
Espesipikong ipinagbawal ng Kautusan ng Diyos ang paghihiwa sa laman para sa mga patay. (Lev 19:28; 21:5; Deu 14:1) Ito’y sapagkat noon ang Israel ay isang banal na bayan kay Jehova, isang pantanging pag-aari. (Deu 14:2) Dahil dito, ang Israel ay dapat manatiling malaya mula sa lahat ng idolatrosong gawain. Bukod diyan, ang gayong labis-labis na pagpapakita ng pagdadalamhati na may paghihiwa sa sariling laman ay hindi angkop para sa isang bayan na may lubos na kabatiran tungkol sa aktuwal na kalagayan ng mga patay at sa pag-asa sa pagkabuhay-muli. (Dan 12:13; Heb 11:19) Gayundin, ang pagbabawal laban sa pagpinsala sa sariling katawan ay magdiriin sa mga Israelita ng wastong paggalang sa lalang ng Diyos, ang katawan ng tao.
ENERO 18-24
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | LEVITICO 22-23
“Mga Kapistahang May Kahulugan Para sa Atin”
it-1 1437
Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa
Ang unang araw ng Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa ay isang kapita-pitagang kapulungan at isa ring sabbath. Sa ikalawang araw, Nisan 16, dinadala sa saserdote ang isang tungkos ng mga unang bunga ng pag-aani ng sebada, ang unang pananim na nahihinog sa Palestina. Bago ang kapistahang ito, hindi pinahihintulutan ang pagkain ng bagong butil, tinapay, o binusang butil mula sa bagong ani. Ang mga unang bungang iyon ay inihahandog ng saserdote kay Jehova sa makasagisag na paraan sa pamamagitan ng pagkakaway ng isang tungkos ng mga butil, habang inihahandog ang isang malusog na barakong tupa na nasa unang taon nito bilang handog na sinusunog kasama ang isang handog na mga butil na nilagyan ng langis at ang isang handog na inumin. (Lev 23:6-14) Hindi iniutos na sunugin sa altar ang mga butil o ang harina nito, gaya ng naging kaugalian ng mga saserdote nang dakong huli. Bukod sa pangmadla o pambansang paghahandog ng mga unang bunga, may probisyon din na ang bawat pamilya at bawat indibiduwal na may pag-aari sa Israel ay makapaghahandog ng mga hain ng pasasalamat sa panahon ng masayang okasyong ito.—Exo 23:19; Deu 26:1, 2; tingnan ang UNANG BUNGA, MGA.
Kahulugan. Ang pagkain ng mga tinapay na walang pampaalsa sa panahong iyon ay kaayon ng mga tagubiling tinanggap ni Moises mula kay Jehova, gaya ng nakaulat sa Exodo 12:14-20, anupat kalakip dito ang mahigpit na utos sa talata 19: “Pitong araw na walang masusumpungang pinaasim na masa sa inyong mga bahay.” Sa Deuteronomio 16:3, ang mga tinapay na walang pampaalsa ay tinatawag na “tinapay ng kapighatian,” at ang mga iyon ay nagsilbing taunang paalaala sa mga Judio hinggil sa kanilang apurahang paglisan sa lupain ng Ehipto (kung kailan hindi na nila nagawang lagyan ng lebadura ang kanilang masang harina [Exo 12:34]). Sa gayon ay maaalaala nila ang kanilang kapighatian at pagkaalipin at gayundin ang pagliligtas sa kanila mula roon, gaya nga ng sinabi ni Jehova mismo, “upang maalaala mo ang araw ng iyong paglabas mula sa lupain ng Ehipto sa lahat ng mga araw ng iyong buhay.” Ang pagtatamo nila ng kalayaan bilang isang bansa at ang pagkilala nila kay Jehova bilang kanilang Tagapagligtas ay angkop na pangganyak sa kanila upang ipagdiwang ang una sa tatlong pangunahing taunang kapistahan ng Israel.—Deu 16:16.
Pentecostes
Ang paghahandog ng mga unang bunga ng pag-aani ng trigo ay naiiba sa paghahandog ng mga unang bunga ng sebada. Dalawang ikasampu ng isang epa ng mainam na harinang trigo (4.4 L; 4 na tuyong qt) na may kasamang lebadura ang niluluto upang maging dalawang tinapay. Ang mga iyon ay dapat na “mula sa inyong mga tahanang dako,” na nangangahulugang ang mga iyon ay kagaya ng tinapay na niluluto bilang pang-araw-araw na pagkain ng pamilya at hindi pantanging ginawa para sa banal na mga layunin. (Lev 23:17) May kasama ang mga iyon na mga handog na sinusunog at isang handog ukol sa kasalanan, at dalawang lalaking kordero bilang handog na pansalu-salo. Ilalagay ng saserdote ang mga tinapay at ang mga piraso ng kordero sa kaniyang mga palad at pagkatapos ay ikakaway niya ang mga ito nang paroo’t parito sa harap ni Jehova bilang sagisag ng paghahandog ng mga ito sa Kaniya. Pagkatapos na maihandog ang mga tinapay at mga kordero, ang mga iyon ay mapupunta sa saserdote upang kainin niya bilang handog na pansalu-salo.—Lev 23:18-20.
Sumasabay Ka ba sa Pagsulong ng Organisasyon ni Jehova?
Hinihimok tayo ng organisasyon ni Jehova na sundin ang payo ni apostol Pablo: “Isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa, na hindi pinababayaan ang ating pagtitipon, gaya ng kinaugalian ng iba, kundi nagpapatibayang-loob sa isa’t isa, at lalung-lalo na samantalang inyong nakikita na papalapit na ang araw.” (Heb. 10:24, 25) Ang taunang mga kapistahan at iba pang mga pagtitipon para sa pagsamba ay nakatulong sa mga Israelita para tumibay sa espirituwal. Ang mga okasyong gaya ng espesyal na Kapistahan ng mga Kubol noong panahon ni Nehemias ay nagdulot din ng kasiyahan. (Ex. 23:15, 16; Neh. 8:9-18) Sa katulad na paraan, nakikinabang tayo sa ating mga pulong, asamblea, at kombensiyon. Lubusan nating samantalahin ang mga paglalaang ito para maging malusog tayo sa espirituwal at masaya sa ating paglilingkod.—Tito 2:2.
Espirituwal na Hiyas
Manatiling Tapat!
Para sa mga lingkod ng Diyos, ang katapatan ay ang buong-pusong pag-ibig at di-natitinag na debosyon kay Jehova. Kaya naman inuuna natin ang kalooban niya sa mga desisyon natin. Isa sa literal na kahulugan ng salitang ginamit ng Bibliya para sa “katapatan” ay ganap, walang kapintasan, o buo. Halimbawa, ang mga Israelita ay naghahandog ng hayop kay Jehova, at sinasabi ng Kautusan na dapat na wala itong kapintasan. (Lev. 22:21, 22) Ang bayan ng Diyos ay hindi puwedeng maghandog ng hayop na may sakit o kulang ang paa, tainga, o mata. Mahalaga kay Jehova na buo o walang kapintasan ang handog sa kaniya. (Mal. 1:6-9) Para maintindihan natin kung bakit, ipagpalagay nang bumili ka ng prutas, libro, o isang gamit. Hindi ba ayaw mo ng isa na may sira? Gusto natin na buo ito at walang depekto. Ganiyan din ang nadarama ni Jehova pagdating sa pag-ibig at katapatan natin sa kaniya. Dapat na ganap ito, walang kapintasan, at buo.
ENERO 25-31
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | LEVITICO 24-25
“Ang Taon ng Jubileo at Paglaya sa Hinaharap”
it-1 1356
Kalayaan
Ang Diyos ng Kalayaan. Si Jehova ang Diyos ng kalayaan. Pinalaya niya ang bansang Israel mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Sinabi niya sa kanila na hangga’t sinusunod nila ang kaniyang mga utos, magtatamo sila ng kalayaan mula sa kakapusan. (Deu 15:4, 5) Binanggit ni David ang “kalayaan sa alalahanin” sa loob ng mga tirahang tore ng Jerusalem. (Aw 122:6, 7) Gayunman, may probisyon ang Kautusan na sakaling maging dukha ang isang tao, maaari niyang ipagbili ang kaniyang sarili sa pagkaalipin upang mailaan niya ang mga pangangailangan niya at ng kaniyang pamilya. Ngunit pinagkakalooban ng Kautusan ang Hebreong ito ng kalayaan sa ikapitong taon ng kaniyang pagkaalipin. (Exo 21:2) Sa Jubileo (na nagaganap tuwing ika-50 taon), inihahayag sa lupain ang paglaya ng lahat ng tumatahan dito. Pinalalaya ang bawat aliping Hebreo, at ibinabalik ang bawat tao sa kaniyang lupaing mana.—Lev 25:10-19.
Mana
Yamang iisang pamilya ang nagmamay-ari ng lupain sa sali’t salinlahi, hindi ito maaaring ipagbili nang panghabang-panahon. Sa diwa, kapag ibinenta ang lupain, pinauupahan lamang ito kapalit ng halaga ng mga aanihin mula rito, anupat ang halagang pambili ay batay sa bilang ng mga taon hanggang sa susunod na Jubileo, kung kailan ibinabalik sa orihinal na may-ari ang lahat ng lupaing pag-aari kung hindi pa ito natutubos bago ang Jubileo. (Lev 25:13, 15, 23, 24) Saklaw ng tuntuning ito ang mga bahay sa mga lunsod na walang pader, na itinuturing na bahagi ng malawak na parang. Kung tungkol naman sa isang bahay na nasa isang lunsod na may pader, ang karapatang tumubos ay mananatili lamang sa loob ng isang taon mula sa panahon ng pagbibili, at sa panahong iyon ay magiging pag-aari na ito ng bumili. Sa kaso ng mga bahay na nasa mga lunsod ng mga Levita, ang karapatang tumubos ay mananatili hanggang sa panahong walang takda sapagkat walang manang lupain ang mga Levita.—Lev 25:29-34.
it-1 1276
Jubileo
Kapag sinusunod ang kautusan ng Jubileo, iniingatan nito ang bansa upang huwag itong malugmok sa malungkot na kalagayang nakikita natin ngayon sa maraming lupain, kung saan halos dalawang uri lamang ang mga tao, ang napakayaman at ang napakadukha. Ang mga pakinabang na dulot nito sa indibiduwal ay nagpatibay sa bansa, sapagkat walang sinuman ang kakapusin sa oportunidad at magiging di-produktibo dahil sa masamang kalagayan ng ekonomiya, sa halip, ang lahat ay makapag-aabuloy ng kanilang talino at kakayahan para sa kapakanan ng bansa. Habang inilalaan ni Jehova ang mga pagpapala ng ani ng lupa lakip ang inilaang edukasyon, ang Israel, kung masunurin, ay magtatamasa ng sakdal na pamamahala at kasaganaan na tanging ang tunay na teokrasya lamang ang makapaglalaan.—Isa 33:22.
Espirituwal na Hiyas
Kapag Ikaw ay Nasaktan
Kapag sinaktan ng isang Israelita ang kaniyang kapuwa Israelita at mabulag ito, ipinahihintulot ng Kautusan ang makatuwirang parusa. Gayunman, hindi ang mismong biktima ang gaganti sa nakasakit sa kaniya o sa kapamilya niya. Hinihiling ng Kautusan na dalhin niya ito sa mga awtoridad—ang hinirang na mga hukom—para malutas nang tama ang problema. Kapag alam mo na maparurusahan ang isa na kusang gumawa ng krimen o karahasan, hindi ka maghihiganti. Pero hindi lamang iyan.
PEBRERO 1-7
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | LEVITICO 26-27
“Kung Paano Matatanggap ang Pagpapala ni Jehova”
Itakwil ang “mga Bagay na Walang Kabuluhan”
Paano maaaring maging diyos ang “Kayamanan”? Kunin nating halimbawa ang isang bato sa kabukiran sa sinaunang Israel. Ang gayong bato ay puwedeng gamitin sa pagtatayo ng bahay o pader. Sa kabilang dako, kapag iyon ay ginawang isang “sagradong haligi” o “rebulto,” iyon ay nagiging katitisuran sa bayan ni Jehova. (Lev. 26:1) Sa katulad na paraan, hindi naman masama ang pera. Kailangan natin ito para mabuhay, at magagamit natin ito sa kapaki-pakinabang na paraan sa paglilingkod kay Jehova. (Ecles. 7:12; Luc. 16:9) Pero kung ang uunahin natin ay ang paghahanap ng pera sa halip na ang ating Kristiyanong paglilingkod, para na rin nating ginawang diyos ang pera. (Basahin ang 1 Timoteo 6:9, 10.) Sa daigdig na ito na puro pagpapayaman ang nasa isip ng mga tao, kailangan nating tiyakin na balanse pa rin ang ating pananaw hinggil dito.—1 Tim. 6:17-19.
Sindak
Dahil sa paraan ng paggamit at pakikitungo ni Jehova kay Moises, nakapagpakita si Moises ng dakilang mga bagay na kasindak-sindak (sa Heb., moh·raʼʹ) sa paningin ng bayan ng Diyos. (Deu 34:10, 12; Exo 19:9) Yaong mga may pananampalataya ay nagkaroon ng kapaki-pakinabang na takot sa awtoridad ni Moises. Nabatid nila na ang Diyos ay nagsasalita sa pamamagitan niya. Ang santuwaryo ni Jehova ay dapat ding kasindakan ng mga Israelita. (Lev 19:30; 26:2) Nangangahulugan ito na dapat silang magpakita ng pagpipitagan sa santuwaryo, anupat sasamba sila sa paraang ipinag-utos ni Jehova at gagawi kaayon ng lahat ng kaniyang utos.
“Ang Kapayapaan ng Diyos” ang Mag-ingat Nawa sa Inyong Puso
Sinabi ni Jehova sa bansa: “Kung patuloy na lalakad kayo ayon sa aking mga palatuntunan at iingatan ninyo ang aking mga utos at inyong tutuparin, maglalagpak nga ako ng ulan sa kapanahunan, at ang lupain ay pakikinabangan, at ang mga kahoy sa parang ay magbubunga. At magbibigay ako ng kapayapaan sa lupain, at mahihiga kayo, at kayo’y walang katatakutan; at aking papawiin sa lupain ang mababangis na hayop, at hindi dadaanan ng tabak ang inyong lupain. At lalakad ako sa gitna ninyo at ako’y magiging inyong Diyos, at kayo, sa ganang inyo, ay magiging aking bayan.” (Levitico 26:3, 4, 6, 12) Ang Israel ay magtatamasa ng kapayapaan dahil sa sila’y ligtas sa kanilang mga kaaway, sagana sa materyal na mga bagay, at may malapit na kaugnayan kay Jehova. Subalit ito’y depende sa kanilang pagsunod sa Kautusan ni Jehova.—Awit 119:165.
Espirituwal na Hiyas
it-2 1061
Salot
Resulta ng Pag-iwan sa Kautusan ng Diyos. Binabalaan ang bansang Israel na ang pagtangging tumupad sa tipan ng Diyos sa kanila ay magbubunga ng kaniyang ‘pagpapasapit ng salot sa gitna nila.’ (Lev 26:14-16, 23-25; Deu 28:15, 21, 22) Sa buong Kasulatan, ang kalusugan, maging sa pisikal o sa espirituwal na diwa, ay iniuugnay sa pagpapala ng Diyos (Deu 7:12, 15; Aw 103:1-3; Kaw 3:1, 2, 7, 8; 4:21, 22; Apo 21:1-4), samantalang ang karamdaman naman ay iniuugnay sa kasalanan at di-kasakdalan. (Exo 15:26; Deu 28:58-61; Isa 53:4, 5; Mat 9:2-6, 12; Ju 5:14) Kaya, bagaman totoo na sa ilang kaso ay tuwiran at kagyat na nagpasapit ang Diyos na Jehova ng ilang sakit sa mga tao, gaya ng ketong ni Miriam, ni Uzias, at ni Gehazi (Bil 12:10; 2Cr 26:16-21; 2Ha 5:25-27), lumilitaw na sa maraming kaso, ang mga karamdaman at mga salot na sumapit ay likas at di-mababagong mga resulta ng makasalanang landasing tinahak ng mga tao o mga bansa. Inani lamang nila ang kanilang inihasik; dinanas ng kanilang mga katawang laman ang mga epekto ng kanilang maling landasin. (Gal 6:7, 8) Tungkol sa mga bumaling sa malaswang seksuwal na imoralidad, sinabi ng apostol na ‘ibinigay sila ng Diyos sa karumihan upang ang kanilang mga katawan ay mawalang-dangal sa gitna nila anupat tinatanggap sa kanilang sarili ang lubos na kabayaran, na siyang nararapat sa kanilang kamalian.’—Ro 1:24-27.
PEBRERO 8-14
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | BILANG 1-2
“Inoorganisa ni Jehova ang Bayan Niya”
Ang Nararapat na Dako sa Ating Buhay ng Pagsamba kay Jehova
Kung tatanawin mo buhat sa itaas ang nagkakampong Israel sa ilang, ano kaya ang iyong makikita? Isang malaki, ngunit maayos na hanay ng mga tolda na naglalaman ng marahil tatlong milyon o higit pang mga tao, na pinagbukud-bukod ayon sa tatlong-tribong mga pangkat sa hilaga, timog, silangan, at kanluran. Kung pagmamasdang mabuti, mapapansin mo rin marahil ang isa pang pangkat mas malapit sa gitna ng kampamento. Ang apat na mas maliliit na grupong ito ng mga tolda ay siyang tinitirhan ng mga pamilya ng tribo ni Levi. Sa gitna mismo ng kampamento, sa isang lugar na hinarangan ng tela, ay may isang kakaiba ang pagkakaayos. Ito ang “tolda ng kapisanan,” o tabernakulo, na itinayo ng may “matalinong-pusong” mga Israelita ayon sa plano ni Jehova.—Bilang 1:52, 53; 2:3, 10, 17, 18, 25; Exodo 35:10.
Kampo
Napakalaki ng kampong ito ng Israel. Ang kabuuang bilang ng nabanggit na mga rehistrado ay 603,550 lalaking mandirigma, bukod pa sa mga babae at mga bata, mga matatanda at may kapansanan, 22,000 Levita, at “isang malaking haluang pangkat” ng mga dayuhan—na lahat-lahat ay maaaring 3,000,000 o mahigit pa. (Exo 12:38, 44; Bil 3:21-34, 39) Hindi matiyak kung gaano kalawak ang lugar na inokupa ng kampamentong iyon; lubhang magkakaiba ang mga pagtaya. Nang magkampo sila sa tapat ng Jerico sa Kapatagan ng Moab, sinasabing ang saklaw ng kampamento ay “mula sa Bet-jesimot hanggang sa Abel-sitim.”—Bil 33:49.
Espirituwal na Hiyas
it-2 694
Pagpaparehistro, Pagrerehistro
Pagpapatala o pagtatala, kadalasan na, ng pangalan at angkan ayon sa tribo at sambahayan. Hindi lamang ito isang simpleng pagkuha ng sensus o pagbilang sa mga indibiduwal. Ginamit noon sa iba’t ibang layunin ang pambansang mga pagrerehistro o pagpaparehistro na tinutukoy sa Bibliya, halimbawa ay sa pagbubuwis, mga pag-aatas sa paglilingkod militar, o (para sa mga Levitang kabilang) mga pag-aatas sa mga tungkulin sa santuwaryo.
PEBRERO 15-21
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | BILANG 3-4
“Ang Paglilingkod ng mga Levita”
Saserdote
Sa Ilalim ng Tipang Kautusan. Noong ang mga Israelita ay nasa pagkaalipin sa Ehipto, pinabanal ni Jehova para sa kaniya ang bawat panganay na anak na lalaki ng Israel nang puksain niya ang mga panganay ng Ehipto sa ikasampung salot. (Exo 12:29; Bil 3:13) Kaya naman, ang mga panganay na ito ay kay Jehova, anupat eksklusibong gagamitin sa pantanging paglilingkod sa kaniya. Maaari sanang italaga ng Diyos ang lahat ng panganay na mga lalaking ito ng Israel bilang mga saserdote at mga tagapag-ingat ng santuwaryo. Ngunit, minabuti niyang kunin ang mga lalaking miyembro ng tribo ni Levi para sa paglilingkod na ito. Dahil dito, pinahintulutan niya ang bansa na ihalili ang mga lalaking Levita para sa mga panganay na lalaki ng iba pang 12 tribo (anupat ang mga supling ng mga anak ni Jose na sina Efraim at Manases ay binilang na dalawang tribo). Sa isang sensus, natuklasan na mas marami nang 273 ang mga di-Levitang panganay na anak na lalaki mula sa gulang na isang buwan pataas kaysa sa mga lalaking Levita, kaya naman hiniling ng Diyos na isang pantubos na halaga na limang siklo ($11) ang ibigay para sa bawat isa sa 273, at ang salapi ay ibinigay kay Aaron at sa mga anak nito. (Bil 3:11-16, 40-51) Bago maganap ang transaksiyon na ito, ibinukod na ni Jehova ang mga lalaking miyembro ng pamilya ni Aaron na mula sa tribo ni Levi bilang ang bumubuo sa pagkasaserdote ng Israel.—Bil 1:1; 3:6-10.
it-2 204
Levita, Mga
Mga Tungkulin. Ang mga Levita ay binubuo ng tatlong pamilya na mula sa mga anak ni Levi na sina Gerson (Gersom), Kohat, at Merari. (Gen 46:11; 1Cr 6:1, 16) Sa ilang, ang bawat pamilyang ito ay inatasan ng kani-kaniyang dako na malapit sa tabernakulo. Ang Kohatitang pamilya ni Aaron ay nagkampo sa harap ng tabernakulo sa dakong silangan. Ang natitirang mga Kohatita naman ay nagkampo sa dakong timog, ang mga Gersonita ay sa dakong kanluran, at ang mga Merarita ay sa dakong hilaga. (Bil 3:23, 29, 35, 38) Trabaho ng mga Levita ang pagtatayo, pagkakalas, at pagbubuhat ng tabernakulo. Kapag panahon na upang lumipat ng kampo, ibinababa ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang kurtinang partisyon sa pagitan ng dakong Banal at ng Kabanal-banalan at tinatakpan nila ang kaban ng patotoo, ang mga altar, at ang iba pang sagradong mga muwebles at mga kagamitan. Pagkatapos ay binubuhat ng mga Kohatita ang mga bagay na ito. Mga Gersonita ang nagdadala sa mga telang pantolda, mga pantakip, mga pantabing, mga tabing ng looban, at mga pantoldang panali (maliwanag na ang mga ito ang mga panali ng mismong tabernakulo), at mga Merarita naman ang nag-aasikaso sa mga hamba, mga haligi, may-ukit na mga tuntungan, mga pantoldang tulos at mga panali (mga panali ng loobang nakapalibot sa tabernakulo).—Bil 1:50, 51; 3:25, 26, 30, 31, 36, 37; 4:4-33; 7:5-9.
it-2 205
Levita, Mga
Noong panahon ni Moises, ang isang Levita ay ganap na makapanunungkulan pagsapit niya sa edad na 30 taon. Kabilang sa mga tungkulin niya ang pagbubuhat ng tabernakulo at ng mga kagamitan nito kapag ito’y inililipat. (Bil 4:46-49) May ilang tungkulin na maaari niyang gampanan pasimula sa edad na 25, ngunit lumilitaw na hindi kasama rito ang mabigat na paglilingkod, gaya ng paglilipat ng tabernakulo. (Bil 8:24) Noong panahon ni Haring David, ang edad ay ibinaba sa 20 taóng gulang. Ang dahilan ni David ay sapagkat ang tabernakulo (na noo’y hahalinhan na ng templo) ay hindi na kailangang ilipat-lipat. Ang katungkulang paglilingkod ay natatapos sa edad na 50 taon. (Bil 8:25, 26; 1Cr 23:24-26; tingnan ang EDAD.) Kailangang maging bihasa sa Kautusan ang mga Levita, yamang madalas silang tawagin upang basahin iyon sa madla at ituro iyon sa karaniwang mga tao.—1Cr 15:27; 2Cr 5:12; 17:7-9; Ne 8:7-9.
Espirituwal na Hiyas
Magpakarunong—Matakot sa Diyos!
Nang maranasan ni David ang tulong ni Jehova sa panahon ng kabagabagan, sumidhi ang kaniyang pagkatakot sa Diyos at tumibay ang kaniyang pagtitiwala sa Kaniya. (Awit 31:22-24) Gayunman, sa tatlong kapansin-pansing pagkakataon, nabigong magpakita ng takot sa Diyos si David, na humantong sa kapahamakan. Ang unang pagkakataon ay may kinalaman sa ginawa niyang kaayusan sa paglilipat ng kaban ng tipan ni Jehova patungong Jerusalem sakay ng karwahe sa halip na pasanin ito ng mga Levita, gaya ng tagubilin sa Kautusan ng Diyos. Nang sunggaban ni Uzah, na umaakay sa karwahe, ang Kaban upang alalayan at ipirmi ito, kaagad siyang namatay dahil sa kaniyang “walang-pitagang pagkilos.” Oo, nagkasala nang malubha si Uzah, pero nangyari ang kalunus-lunos na bagay na iyon dahil na rin sa pagkabigo ni David na magpakita ng wastong paggalang sa Kautusan ng Diyos. Ang pagkatakot sa Diyos ay nangangahulugan ng pagsunod sa Kaniyang kaayusan.—2 Samuel 6:2-9; Bilang 4:15; 7:9.
PEBRERO 22-28
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | BILANG 5-6
“Paano Mo Matutularan ang mga Nazareo?”
it-2 456-457
Nazareo
Tatlong pangunahing restriksiyon ang ipinapataw sa mga nananata ng pagka-Nazareo: (1) Hindi sila dapat uminom ng anumang nakalalangong inumin; hindi rin sila dapat kumain ng anumang bunga ng puno ng ubas, iyon man ay hilaw, hinog, o pinatuyo, ni maaari silang uminom ng anumang katas nito, iyon man ay sariwa, pinakasim, o ginawang sukà. (2) Hindi nila dapat gupitin ang buhok ng kanilang ulo. (3) Hindi sila dapat humipo ng bangkay, kahit yaong sa pinakamalapit na kamag-anak nila, gaya ng ama, ina, kapatid na lalaki, o kapatid na babae.—Bil 6:1-7.
Pantanging mga Panata. Ang taong gumawa ng pantanging panatang ito ay dapat “mamuhay bilang Nazareo [samakatuwid nga, nakaalay, nakabukod] para kay Jehova” at hindi para pahangain ang mga tao sa kaniyang pagpapakasakit. Sa halip, “sa lahat ng mga araw ng kaniyang pagka-Nazareo ay banal siya kay Jehova.”—Bil 6:2, 8; ihambing ang Gen 49:26, tlb sa Rbi8.
Samakatuwid, ang mga kahilingang ipinataw sa mga Nazareo ay may pantanging kahalagahan at kahulugan sa pagsamba kay Jehova. Ang Nazareo ay tulad din ng mataas na saserdote na dahil sa kaniyang banal na katungkulan ay hindi maaaring humipo ng bangkay, kahit ng kaniyang pinakamalapit na kamag-anak. Dahil sa seryosong pananagutan ng mataas na saserdote at ng mga katulong na saserdote, pinagbawalan silang uminom ng alak o ng nakalalangong inumin kapag nagsasagawa ng kanilang sagradong mga tungkulin sa harap ni Jehova.—Lev 10:8-11; 21:10, 11.
Karagdagan pa, ang Nazareo (sa Heb., na·zirʹ) ay dapat ‘magpakabanal sa pamamagitan ng pagpapahaba ng buhok ng kaniyang ulo,’ dahil iyon ay magsisilbing pinakakoronang tanda upang agad na makilala ng lahat ang kaniyang banal na pagka-Nazareo. (Bil 6:5) Ang Hebreong salitang iyon na na·zirʹ ay ginamit may kaugnayan sa mga “di-napungusang” punong ubas sa panahon ng sagradong mga taon ng Sabbath at Jubileo. (Lev 25:5, 11) Kapansin-pansin din na ang laminang ginto sa harap ng turbante ng mataas na saserdote, kung saan nakalilok ang mga salitang “Ang kabanalan ay kay Jehova,” ay tinatawag na “banal na tanda ng pag-aalay [sa Heb., neʹzer, mula sa salitang-ugat din ng na·zirʹ].” (Exo 39:30, 31) Gayundin naman, ang opisyal na putong, o diadema, na isinusuot ng pinahirang mga hari ng Israel ay tinatawag ding neʹzer. (2Sa 1:10; 2Ha 11:12; tingnan ang KORONA; PAG-AALAY.) Sa kongregasyong Kristiyano, sinabi ng apostol na ang babae ay binigyan ng mahabang buhok sa halip na isang panakip sa ulo. Iyon ay isang likas na paalaala sa kaniya na ang posisyon niya ay iba sa posisyon ng lalaki. Dapat isaisip ng babae na kailangan niyang maging mapagpasakop dahil sa kaniyang posisyon sa kaayusan ng Diyos. Kaya sa pamamagitan ng gayong mga kahilingan—buhok na di-ginugupitan (na hindi likas sa lalaki), ganap na pag-iwas sa alak, gayundin ang pangangailangang maging malinis at walang dungis—idiniin sa nakaalay na Nazareo ang kahalagahan ng pagkakait sa sarili at lubos na pagpapasakop sa kalooban ni Jehova.—1Co 11:2-16; tingnan ang BUHOK; KALIKASAN; TALUKBONG SA ULO.
Espirituwal na Hiyas
Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Subalit si Samson ay Nazareo sa ibang diwa. Bago ipanganak si Samson, ang kaniyang ina ay sinabihan ng anghel ni Jehova: “Narito! ikaw ay magdadalang-tao, at tiyak na magsisilang ka ng isang anak na lalaki, at walang labaha ang daraan sa kaniyang ulo, sapagkat ang bata ay magiging isang Nazareo ng Diyos paglabas sa tiyan; at siya ang mangunguna sa pagliligtas sa Israel mula sa kamay ng mga Filisteo.” (Hukom 13:5) Hindi nanata ng pagka-Nazareo si Samson. Naging Nazareo siya dahil inatasan siya ng Diyos, at habambuhay ang kaniyang pagka-Nazareo. Hindi maikakapit sa kaniya ang pagbabawal na humawak ng bangkay. Kung kapit ito sa kaniya at nakahawak siya ng bangkay nang di-sinasadya, paano niya muling sisimulan ang isang habambuhay na pagka-Nazareo na nagsimula pa noong isilang siya? Kung gayon, lumilitaw na ang mga kahilingan para sa habambuhay na mga Nazareo ay naiiba sa ilang paraan sa mga kusang-loob na naging mga Nazareo.