Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo
© 2023 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
MAYO 1-7
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 2 CRONICA 17-19
“Tingnan ang Iba Ayon sa Tingin ni Jehova”
Isasapuso Mo Ba ang mga Bagay na Isinulat?
7 Pag-usapan naman natin ang anak ni Asa na si Jehosapat. Marami siyang magagandang katangian. Dahil sa pagtitiwala niya sa Diyos, marami siyang nagawang mabuti. Pero nakagawa rin siya ng maling mga desisyon. Halimbawa, nakipag-alyansa siya ukol sa pag-aasawa kay Ahab, ang masamang hari ng hilagang kaharian. At kahit binabalaan siya ni propeta Micaias, sumama pa rin si Jehosapat kay Ahab sa pakikipaglaban sa mga Siryano. Sa labanan, muntik nang mapatay si Jehosapat. (2 Cro. 18:1-32) Pagbalik niya sa Jerusalem, tinanong siya ni propeta Jehu: “Sa balakyot ba dapat ibigay ang tulong, at yaon bang mga napopoot kay Jehova ang dapat mong ibigin?”—Basahin ang 2 Cronica 19:1-3.
Bulay-bulayin ang Di-nagmamaliw na Pag-ibig ni Jehova
8 Gusto ni Jehova na malaman nating mahal niya tayo. Hindi niya tinitingnan ang ating di-kasakdalan kundi hinahanap ang mabuti sa atin. (2 Cro. 16:9) Ginawa niya iyan sa kaso ni Haring Jehosapat ng Juda. Minsan, may-kamangmangang pumayag si Jehosapat na makipag-alyansa kay Haring Ahab ng Israel laban sa mga Siryano para mabawi ang Ramot-gilead. Tiniyak ng 400 huwad na propeta na mananalo ang masamang si Ahab, pero inihula ng tunay na propeta ni Jehova na si Micaias na matatalo siya. Namatay sa labanan si Ahab, at muntik na ring mamatay si Jehosapat. Pagkabalik sa Jerusalem, sinaway si Jehosapat dahil sa pakikipag-alyansa kay Ahab. Pero sinabi sa kaniya ni Jehu na anak ni Hanani na tagapangitain: “May mabubuting bagay na nasumpungan sa iyo.”—2 Cro. 18:4, 5, 18-22, 33, 34; 19:1-3.
9 Noong pasimula ng paghahari ni Jehosapat, inutusan niya ang mga prinsipe, Levita, at mga saserdote na libutin ang lahat ng lunsod ng Juda para ituro sa mga sakop niya ang Kautusan ni Jehova. Naging napakaepektibo ng kampanya dahil ang mga tao sa mga bansa sa palibot ay nagsimulang matakot kay Jehova. (2 Cro. 17:3-10) Totoo, nakagawa ng maling desisyon si Jehosapat, pero hindi bulag si Jehova sa mabubuting bagay na ginawa niya. Ipinaaalaala ng ulat na ito na kahit nagkakamali tayo, patuloy tayong mamahalin ni Jehova kung sinisikap nating paluguran siya.
Espirituwal na Hiyas
Maglingkod kay Jehova Nang May Sakdal na Puso!
10 Si Jehosapat ay “patuloy [na] lumakad sa daan ng kaniyang amang si Asa.” (2 Cro. 20:31, 32) Paano? Gaya ng kaniyang ama, pinasigla ni Jehosapat ang bayan na hanapin si Jehova, at nag-organisa siya ng kampanya ng pagtuturo gamit “ang aklat ng kautusan ni Jehova.” (2 Cro. 17:7-10) Pumunta pa nga siya sa teritoryo ng hilagang kaharian ng Israel, sa bulubunduking pook ng Efraim, para “maibalik niya sila kay Jehova.” (2 Cro. 19:4) Si Jehosapat ay isang hari na “humanap kay Jehova nang kaniyang buong puso.”—2 Cro. 22:9.
11 Puwede rin tayong makibahagi sa malaking kampanya ng pagtuturo na isinasagawa ngayon ni Jehova. Sa bawat buwan, tunguhin mo bang maituro sa iba ang Bibliya para pakilusin silang maglingkod sa Diyos? Sa pamamagitan ng iyong pagsisikap at ng pagpapala ni Jehova, maaari kang makapagpasimula ng Bible study. Ipinananalangin mo ba ang tunguhing iyan? Handa ka bang gawin iyan, kahit isakripisyo mo ang ilan sa iyong libreng panahon? At kung paanong pumunta si Jehosapat sa teritoryo ng Efraim para maipanumbalik sila sa tunay na pagsamba, matutulungan din natin ang mga di-aktibo. Isinasaayos naman ng mga elder na dalawin at tulungan ang mga tiwalag na nasa kanilang teritoryo na maaaring nagsisisi na.
MAYO 8-14
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 2 CRONICA 20-21
“Manampalataya Kayo kay Jehova na Inyong Diyos”
Sama-samang Harapin ang Wakas ng Sanlibutang Ito
8 Noong panahon ni Haring Jehosapat, isang malaki at malakas na hukbo ang nagtangkang sumalakay sa bayan ng Diyos. (2 Cro. 20:1, 2) Kapuri-puri ang ginawa ng mga Israelita dahil hindi sila umasa sa sarili nilang lakas para matalo ang kaaway. Sa halip, umasa sila kay Jehova. (Basahin ang 2 Cronica 20:3, 4.) Hindi rin sila nagkaniya-kaniya at ginawa ang inaakala nilang tama. Sinasabi ng Bibliya: “Ang lahat niyaong sa Juda ay nakatayo sa harap ni Jehova, maging ang kanilang maliliit na bata, ang kanilang mga asawa at ang kanilang mga anak.” (2 Cro. 20:13) Bata man o matanda, sama-sama silang sumunod sa tagubilin ni Jehova taglay ang pananampalataya, at pinrotektahan sila ni Jehova laban sa kanilang kaaway. (2 Cro. 20:20-27) Isang magandang halimbawa ito ng pagharap sa mga pagsubok bilang bayan ng Diyos.
Mga Bagong Kasal—Magpokus sa Paglilingkod kay Jehova
7 Ginamit ni Jehova ang Levitang si Jahaziel para kausapin si Jehosapat. Sinabi ni Jehova: “Pumunta kayo sa inyong mga puwesto, manatili kayong nakatayo, at tingnan ninyo ang pagliligtas ni Jehova sa inyo.” (2 Cro. 20:13-17) Hindi iyon ang karaniwang ginagawa sa mga digmaan! Pero hindi tao ang nagsabi nito kundi si Jehova. Dahil nagtitiwala si Jehosapat sa Diyos, sinunod niya ang sinabi ni Jehova. Nang haharapin na nila ang mga kalaban, hindi niya inilagay sa unahan ang mahuhusay na sundalo kundi ang mga mang-aawit. Tinupad ni Jehova ang pangako niya kay Jehosapat. Tinalo Niya ang kalaban.—2 Cro. 20:18-23.
Espirituwal na Hiyas
it-1 1142-1143
Jehoram
Sa bahagyang paraan dahil sa masamang impluwensiya ng kaniyang asawang si Athalia, hindi itinaguyod ni Jehoram ang matuwid na mga daan ng kaniyang amang si Jehosapat. (2Ha 8:18) Hindi lamang pinaslang ni Jehoram ang kaniyang anim na kapatid at ilang prinsipe ng Juda kundi itinalikod din niya ang kaniyang mga sakop mula kay Jehova tungo sa huwad na mga diyos. (2Cr 21:1-6, 11-14) Ang buong paghahari niya ay niligalig kapuwa ng kaguluhan sa loob at labas ng bansa. Una, nagrebelde ang Edom; pagkatapos ay naghimagsik ang Libna laban sa Juda. (2Ha 8:20-22) Sa isang liham kay Jehoram, nagbabala ang propetang si Elias: “Narito! sasaktan ni Jehova nang matindi ang iyong bayan at ang iyong mga anak at ang iyong mga asawa at ang lahat ng iyong pag-aari.” Bukod diyan, ikaw, Haring Jehoram, “ay magkakaroon ng maraming sakit, na may karamdaman sa iyong bituka, hanggang sa lumuwa ang iyong bituka dahil sa sakit araw-araw.”—2Cr 21:12-15.
Lahat ay nangyari nang gayung-gayon. Hinayaan ni Jehova na daluhungin ng mga Arabe at mga Filisteo ang lupain at kuning bihag ang mga asawa at mga anak ni Jehoram. Tanging ang bunsong anak ni Jehoram, si Jehoahaz (tinatawag ding Ahazias), ang pinahintulutan ng Diyos na makatakas, gayunman, ito ay isang pagpaparayang ginawa alang-alang lamang sa tipan ukol sa Kaharian na ipinakipagtipan kay David. “Pagkatapos ng lahat ng ito ay sinalot [si Jehoram] ni Jehova sa kaniyang bituka ng isang sakit na walang kagalingan.” Pagkaraan ng dalawang taon, “ang kaniyang bituka ay lumuwa” at sa kalaunan ay namatay siya. Gayon nagwakas ang buhay ng balakyot na taong ito, na ‘pumanaw nang hindi siya kinalulugdan.’ Inilibing siya sa Lunsod ni David, “ngunit hindi sa mga dakong libingan ng mga hari.” Si Ahazias na kaniyang anak ang naging hari kahalili niya.—2Cr 21:7, 16-20; 22:1; 1Cr 3:10, 11.
MAYO 15-21
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 2 CRONICA 22-24
“Ginagantimpalaan ni Jehova ang mga Taong Malakas ang Loob”
Iniwan ni Jehoas si Jehova Dahil sa Masasamang Kasama
MAPANGANIB na panahon noon sa Jerusalem, ang lunsod na kinaroroonan ng templo ng Diyos. Kapapaslang lamang kay Haring Ahazias. Hindi mo maguguniguni kung ano ang ginawa ni Athalia, na kaniyang ina, pagkatapos mapaslang si Ahazias. Ipinapatay ni Athalia ang mga anak ni Ahazias—ang kaniya mismong mga apo! Alam mo ba kung bakit?— Para siya ang mamahala.
Pero nailigtas ang isa sa mga apo ni Athalia, ang sanggol na si Jehoas, at hindi ito alam ng kaniyang lola. Gusto mo bang malaman kung paano siya iniligtas?—Buweno, ang sanggol na si Jehoas ay itinago ng kaniyang tiya na si Jehosheba sa templo ng Diyos. Magagawa niya ito dahil asawa niya ang mataas na saserdoteng si Jehoiada. Kaya tiniyak nila na si Jehoas ay ligtas.
Iniwan ni Jehoas si Jehova Dahil sa Masasamang Kasama
Sa loob ng anim na taon, si Jehoas ay itinago sa templo. Itinuro sa kaniya roon ang lahat ng tungkol sa Diyos na Jehova at sa kaniyang mga batas. Nang si Jehoas ay pitong taóng gulang na, kumilos si Jehoiada upang gawing hari si Jehoas. Gusto mo bang malaman kung ano ang ginawa ni Jehoiada at kung ano ang nangyari sa lola ni Jehoas, ang napakasamang reynang si Athalia?—
Palihim na tinawag ni Jehoiada ang espesyal na mga tagapagbantay ng hari sa Jerusalem noon. Sinabi niya sa kanila kung paano nila iniligtas ang anak na lalaki ni Haring Ahazias. Saka ipinakita ni Jehoiada si Jehoas sa mga tagapagbantay na iyon, at naisip nila na siya ang may karapatang maghari. Kaya gumawa sila ng plano.
Inilabas ni Jehoiada si Jehoas at kinoronahan siya. “Pinasimulan [ng bayan na] ipalakpak ang kanilang mga kamay at sinabi: ‘Mabuhay ang hari!’” Pinalibutan ng mga tagapagbantay si Jehoas para protektahan siya. Nang marinig ni Athalia ang pagsasayang ito, agad siyang pumaroon at tinutulan ito. Pero iniutos ni Jehoiada sa mga tagapagbantay na patayin si Athalia.—2 Hari 11:1-16.
Paglilibing, Mga Dakong Libingan
Ang matuwid na mataas na saserdoteng si Jehoiada ay pinagkalooban ng karangalan na ilibing sa “Lunsod ni David kasama ng mga hari,” anupat siya lamang ang hindi nagmula sa maharlikang angkan na binanggit na tumanggap ng gayong pagkilala.—2Cr 24:15, 16.
Espirituwal na Hiyas
Zacarias
12. Anak ng mataas na saserdoteng si Jehoiada. Pagkamatay ni Jehoiada, tinalikdan ni Haring Jehoas ang tunay na pagsamba, anupat nakinig sa maling payo sa halip na sa mga propeta ni Jehova. Si Zacarias, na pinsan ni Jehoas (2Cr 22:11), ay mahigpit na nagbabala sa bayan tungkol dito, ngunit sa halip na magsisi, pinagbabato nila siya sa looban ng templo. Ang mga salita ni Zacarias bago siya mamatay ay: “Tingnan nawa ito ni Jehova at singilin.” Ipinagkaloob ang makahulang kahilingang ito, sapagkat hindi lamang ginawan ng Sirya ng malaking pinsala ang Juda kundi pinatay rin si Jehoas ng dalawa sa kaniyang mga lingkod “dahil sa dugo ng mga anak ni Jehoiada na saserdote.” Sinasabi ng Griegong Septuagint at ng Latin na Vulgate na si Jehoas ay pinatay upang ipaghiganti ang dugo ng “anak” ni Jehoiada. Gayunman, ang tekstong Masoretiko at ang Syriac na Peshitta ay kababasahan ng “mga anak,” anupat posibleng ginamit ang pangmaramihang bilang upang ipakita ang kahigitan at kahalagahan ng anak ni Jehoiada na si Zacarias na propeta at saserdote.—2Cr 24:17-22, 25.
MAYO 22-28
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 2 CRONICA 25-27
“Higit Pa Roon ang Kayang Ibigay sa Iyo ni Jehova”
Jehoas
Pinaupahan din ni Jehoas sa hari ng Juda ang isang daang libo sa kaniyang mga pulutong upang makipaglaban sa mga Edomita. Gayunman, pinauwi ang mga ito dahil sa payo ng isang “lalaki ng tunay na Diyos,” at bagaman patiuna nang nabayaran ng isang daang talentong pilak ($660,600) ang mga ito, ikinagalit nila ang pagpapauwi sa kanila, malamang na dahil nawala ang inaasahan nilang bahagi sa samsam. Kaya pagkabalik nila sa H, nandambong sila sa mga bayan ng timugang kaharian, mula Samaria (marahil ay ang base ng kanilang mga operasyon) hanggang Bet-horon.—2Cr 25:6-10, 13.
“Tikman” ang Kabutihan ni Jehova—Paano?
16 Magsakripisyo para kay Jehova. Hindi naman natin kailangang isakripisyo ang lahat para mapasaya si Jehova. (Ecles. 5:19, 20) Pero kung hindi tayo magpapalawak ng paglilingkod sa Diyos dahil lang sa ayaw nating magsakripisyo, baka magaya natin ang pagkakamali ng lalaki sa ilustrasyon ni Jesus na mas pinili ang komportableng buhay kaysa sa Diyos. (Basahin ang Lucas 12:16-21.) Sinabi ng brother na si Christian, na taga-France, “Kulang na kulang ang panahon at mga nagagawa ko para kay Jehova at sa pamilya ko.” Nagdesisyon silang mag-asawa na magpayunir. Pero para magawa iyon, kailangan nilang mag-resign sa trabaho nila. Para masuportahan ang sarili nila, nagtayo sila ng isang maliit na cleaning business, at natuto silang maging kontento kahit kaunti lang ang pera nila. Sulit ba ang sakripisyo nila? Sinabi ni Christian, “Mas nag-e-enjoy na kami ngayon sa ministeryo at natutuwa kaming makita na nakikilala ng mga Bible study namin at return visit si Jehova.”
Espirituwal na Hiyas
Mayroon Ka Bang Espirituwal na Tagapayo?
SA MURANG edad na 16, si Uzias ay naging hari sa timugang kaharian ng Juda. Mahigit 50 taon siyang naghari, mula 829 B.C.E. hanggang 778 B.C.E. Mula sa pagkabata, ‘patuloy na ginawa ni Uzias ang tama sa paningin ni Jehova.’ Ano ang nakaimpluwensiya sa kaniya na tumahak sa tamang landasin? Ganito ang ulat ng kasaysayan: “Patuluyang nakahilig [si Uzias] na hanapin ang Diyos nang mga araw ni Zacarias, ang tagapagturo ng pagkatakot sa tunay na Diyos; at, nang mga araw ng kaniyang paghahanap kay Jehova, pinasagana siya ng tunay na Diyos.”—2 Cronica 26:1, 4, 5.
Walang gaanong impormasyon tungkol kay Zacarias, ang tagapayo ng hari, maliban sa ulat na ito ng Bibliya. Pero bilang “ang tagapagturo ng pagkatakot sa tunay na Diyos,” maganda ang naging impluwensiya ni Zacarias sa batang hari upang gawin nito ang tama. Sinasabi ng The Expositor’s Bible na si Zacarias ay talagang “isang lalaking bihasa sa Kasulatan, makaranasan sa espirituwal, at may kakayahang ibahagi sa iba ang kaniyang kaalaman.” Ganito ang sinabi ng isang iskolar sa Bibliya tungkol kay Zacarias: “Alam na alam niya ang hula at . . . isa siyang matalino, relihiyoso, mabuting tao; at, mukhang may malaking impluwensiya kay Uzias.”
MAYO 29–HUNYO 4
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 2 CRONICA 28-29
“Maging Tapat Kahit Hindi Mabuting Halimbawa ang mga Magulang Mo”
Tularan ang Malalapít na Kaibigan ni Jehova
8 Di-tulad ni Ruth, si Hezekias ay ipinanganak sa isang bansang nakaalay kay Jehova. Pero hindi lahat ng Israelita ay naging tapat sa pag-aalay na iyon. Isa rito si Haring Ahaz, ama ni Hezekias. Inakay ng masamang haring iyon ang kaharian ng Juda na sumamba sa mga idolo, at nilapastangan pa niya ang templo ni Jehova sa Jerusalem. Napakasaklap ng kinalakhang buhay ni Hezekias dahil ang ilan sa kaniyang mga kapatid ay sinunog nang buháy bilang handog sa isang huwad na diyos!—2 Hari 16:2-4, 10-17; 2 Cro. 28:1-3.
Tularan ang Malalapít na Kaibigan ni Jehova
9 Puwede sanang maghinanakit at magalit si Hezekias sa Diyos. May ilan na hindi naman dumanas ng ganoon kasaklap na buhay pero “nagngangalit laban kay Jehova” o naghihinanakit sa kaniyang organisasyon. (Kaw. 19:3) Iniisip naman ng iba na dahil hindi maganda ang kanilang kinalakhang buhay, nakatakda na silang mapasamâ o matulad sa kanilang mga magulang. (Ezek. 18:2, 3) Pero tama ba iyan?
10 Pinatutunayan ng buhay ni Hezekias na mali ang ganiyang kaisipan! Wala tayong makatuwirang dahilan para magngalit laban kay Jehova. Hindi sa kaniya nanggagaling ang masasamang bagay na nangyayari sa mundo. (Job 34:10) Totoo, ang impluwensiya ng mga magulang ay puwedeng ikabuti o ikasamâ ng kanilang mga anak. (Kaw. 22:6; Col. 3:21) Pero hindi nakadepende sa pamilyang kinalakhan natin ang magiging buhay natin. Binigyan tayo ni Jehova ng isang kaloob—ang kakayahang pumili sa pagitan ng mabuti at masama. (Deut. 30:19) Paano ginamit ni Hezekias ang kaloob na iyon?
11 Bagaman si Hezekias ay anak ng isa sa pinakamasasamang hari ng Juda, isa naman siya sa pinakamahuhusay na hari nito. (Basahin ang 2 Hari 18:5, 6.) Masamang impluwensiya ang kaniyang ama, pero may mabubuti ring impluwensiya noon. Halimbawa, naglilingkod noon bilang mga propeta sina Isaias, Mikas, at Oseas. Posibleng pinakinggang mabuti ni Haring Hezekias ang kapahayagan ng tapat na mga lalaking iyon, at isinapuso niya ang payo at pagtutuwid ni Jehova. Kaya itinuwid ni Hezekias ang masasamang bagay na ginawa ng kaniyang ama. Nilinis niya ang templo, humingi ng tawad sa Diyos para sa kasalanan ng bayan, at winasak ang mga idolo sa buong lupain. (2 Cro. 29:1-11, 18-24; 31:1) Nang mapaharap siya sa mahihirap na kalagayan, gaya noong magbanta si Haring Senakerib ng Asirya na sumalakay sa Jerusalem, nagpakita si Hezekias ng lakas ng loob at pananampalataya. Nagtiwala siyang ililigtas sila ng Diyos, at sa pamamagitan ng salita at gawa, pinatibay niya ang kaniyang bayan. (2 Cro. 32:7, 8) Nang maglaon, noong mangailangan siya ng pagtutuwid dahil sa kapalaluan, nagpakumbaba siya at nagsisi. (2 Cro. 32:24-26) Maliwanag, hindi hinayaan ni Hezekias na makasira sa kaniyang kinabukasan ang kaniyang kinalakhan. Sa halip, ipinakita niyang kaibigan siya ni Jehova kung kaya isa siyang huwaran para sa atin.
Espirituwal na Hiyas
Natan—Matapat na Tagapagtaguyod ng Dalisay na Pagsamba
Tapat na mananamba ni Jehova si Natan, kaya buong-puso niyang sinang-ayunan ang plano ni David na itayo ang unang permanenteng sentro ng dalisay na pagsamba sa lupa. Pero nang pagkakataong iyon, lumilitaw na ipinahayag ni Natan ang sarili niyang opinyon at hindi siya nagsalita sa pangalan ni Jehova. Nang gabing iyon, inutusan ng Diyos ang propeta na maghatid ng naiibang mensahe sa hari: Hindi si David ang magtatayo ng templo ni Jehova, kundi isa sa mga anak ni David. Pero isiniwalat ni Natan na makikipagtipan ang Diyos kay David upang ang kaniyang trono ay maitatag “nang matibay hanggang sa panahong walang takda.”—2 Sam. 7:4-16.
Hindi kasuwato ng kalooban ng Diyos ang pangmalas ni Natan sa pagtatayo ng templo. Pero sa halip na magreklamo, ang mapagpakumbabang propetang ito ay nagpasakop at nakipagtulungan sa layunin ni Jehova. Napakagandang tularan natin si Natan kapag itinutuwid tayo ni Jehova! Ipinakikita ng mga ginawa niya nang maglaon na hindi niya naiwala ang pagsang-ayon ni Jehova. Sa katunayan, lumilitaw na ginamit ni Jehova si Natan, kasama ang tagapangitain na si Gad, para tagubilinan si David sa pag-oorganisa ng 4,000 manunugtog sa templo.—1 Cro. 23:1-5; 2 Cro. 29:25.
HUNYO 5-11
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 2 CRONICA 30-31
“Mabuti Para sa Atin ang Magtipon Nang Sama-sama”
Hezekias
Ang Kaniyang Sigasig sa Tunay na Pagsamba. Kaagad na ipinakita ni Hezekias ang kaniyang sigasig sa pagsamba kay Jehova nang umupo siya sa trono sa edad na 25 taon. Ang una niyang ginawa ay ang buksang muli at kumpunihin ang templo. Pagkatapos, nang matipon ang mga saserdote at mga Levita, sinabi niya sa kanila: “Malapit sa aking puso ang makipagtipan kay Jehova na Diyos ng Israel.” Ito ay isang tipan ng katapatan, na para bang ang tipang Kautusan, bagaman may bisa pa rin ngunit pinabayaan, ay muling pinasinayaan sa Juda. Taglay ang pambihirang sigla, inorganisa niya ang mga Levita sa kanilang mga paglilingkod, at muli niyang itinatag ang mga kaayusan para sa mga panugtog at ang pag-awit ng mga papuri. Noon ay Nisan, ang buwan ng pagdiriwang ng Paskuwa, ngunit ang templo at ang mga saserdote at mga Levita ay marurumi. Pagsapit ng ika-16 na araw ng Nisan, malinis na ang templo at naibalik na ang mga kagamitan nito. Pagkatapos ay isang pantanging pagbabayad-sala ang kinailangang gawin para sa buong Israel. Una, ang mga prinsipe ay nagdala ng mga hain, mga handog ukol sa kasalanan para sa kaharian, sa santuwaryo, at sa bayan, na sinundan ng libu-libong handog na sinusunog mula sa bayan.—2Cr 29:1-36.
Hezekias
Yamang naging hadlang ang karumihan ng bayan sa kanilang pangingilin ng Paskuwa sa karaniwang panahon, sinamantala ni Hezekias ang kautusan na nagpapahintulot sa marurumi na ipagdiwang ang Paskuwa pagkaraan ng isang buwan. Hindi lamang ang Juda ang tinawagan niya kundi pati rin ang Israel sa pamamagitan ng mga liham na ipinadala sa buong lupain mula sa Beer-sheba hanggang sa Dan sa pamamagitan ng mga mananakbo. Inalipusta ng marami ang mga mananakbo; ngunit may mga indibiduwal, lalo na mula sa Aser, Manases, at Zebulon, na nagpakumbabang pumaroon, anupat dumalo rin ang ilan mula sa Efraim at Isacar. Bukod pa rito, maraming di-Israelitang mananamba ni Jehova ang naroroon. Malamang na hindi naging madali ang pagdalo para sa mga nasa hilagang kaharian na nanindigan sa tunay na pagsamba. Tulad ng mga mensahero, napaharap sila sa pagsalansang at panunuya, yamang ang sampung-tribong kaharian ay nasa bulok na kalagayan, nakalubog sa huwad na pagsamba at nililigalig ng banta ng Asirya.—2Cr 30:1-20; Bil 9:10-13.
Hezekias
Pagkatapos ng Paskuwa, ang Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa ay idinaos nang pitong araw na may gayon na lamang kasidhing kagalakan anupat ipinasiya ng buong kongregasyon na ipagpatuloy ito nang pitong araw pa. Maging sa gayong mapanganib na mga panahon, nanaig ang pagpapala ni Jehova anupat “nagkaroon ng malaking pagsasaya sa Jerusalem, sapagkat mula nang mga araw ni Solomon na anak ni David na hari ng Israel ay walang naging tulad nito sa Jerusalem.”—2Cr 30:21-27.
Ipinakikita ng sumunod na pangyayari na iyon ay isang tunay na pagsasauli at pagpapasigla ng tunay na pagsamba at hindi isang pansamantalang emosyonal na pagtitipon lamang. Bago sila umuwi, ang mga nagdiwang ay lumabas at winasak ang mga sagradong haligi, ibinagsak ang matataas na dako at ang mga altar, at pinutol ang mga sagradong poste sa buong Juda at Benjamin at maging sa Efraim at Manases. (2Cr 31:1) Nagpakita si Hezekias ng halimbawa nang pagdurug-durugin niya ang tansong serpiyente na ginawa ni Moises, sapagkat iyon ay ginawang idolo ng bayan, anupat nagsusunog ng haing usok para roon. (2Ha 18:4) Pagkatapos ng dakilang kapistahang iyon, tiniyak ni Hezekias na magpapatuloy ang tunay na pagsamba sa pamamagitan ng pag-oorganisa sa mga pangkat ng mga saserdote at pagsasaayos para sa pagsuporta sa mga paglilingkod sa templo; ipinaalaala niya ang pagsunod sa Kautusan may kinalaman sa mga ikapu at mga pag-aabuloy ng mga unang bunga sa mga Levita at mga saserdote, na buong-pusong tinugon ng bayan.—2Cr 31:2-12.
Espirituwal na Hiyas
“Kung Alam Ninyo ang mga Bagay na Ito, Maligaya Kayo Kung Gagawin Ninyo ang mga Iyon”
14 Ang isa pang paraan para maipakita ang lalim ng kapakumbabaan ay ang pagiging handang makinig sa iba. Sinasabi ng Santiago 1:19 na dapat tayong “maging matulin sa pakikinig.” Si Jehova ang pinakamagandang halimbawa sa bagay na ito. (Gen. 18:32; Jos. 10:14) Tingnan ang matututuhan natin sa pag-uusap na nakaulat sa Exodo 32:11-14. (Basahin.) Kahit hindi kailangan ni Jehova ang sasabihin ni Moises, binigyan pa rin siya ni Jehova ng pagkakataong sabihin ang niloloob niya. Sinong tao ang matiyagang makikinig sa pangangatuwiran ng isa na mali naman ang takbo ng pag-iisip, at saka gagawin ang sinasabi nito? Pero matiyagang nakikinig si Jehova sa mga taong lumalapit sa kaniya taglay ang pananampalataya.
15 Makabubuting itanong natin: ‘Kung nagpakababa si Jehova para makitungo sa mga tao at makinig sa kanila gaya ng ginawa niya kina Abraham, Raquel, Moises, Josue, Manoa, Elias, at Hezekias, sino naman ako para hindi parangalan, igalang, at pakinggan ang ideya ng mga kapatid at sundin pa nga ang kanilang magagandang ideya? Mayroon ba akong kakongregasyon o kapamilya na nangangailangan ng atensiyon ko ngayon? Ano ang dapat kong gawin? Ano ang gusto kong gawin?’—Gen. 30:6; Huk. 13:9; 1 Hari 17:22; 2 Cro. 30:20.
HUNYO 12-18
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 2 CRONICA 32-33
“Patibayin ang Iba sa Mahihirap na Panahon”
Asirya
Si Senakerib. Nilusob ni Senakerib, na anak ni Sargon II, ang kaharian ng Juda noong ika-14 na taon ni Hezekias (732 B.C.E.). (2Ha 18:13; Isa 36:1) Bago nito, naghimagsik si Hezekias laban sa pamatok ng Asirya na ipinataw dahil sa pagkilos ng kaniyang amang si Ahaz. (2Ha 18:7) Tumugon si Senakerib sa pamamagitan ng pagdaluhong sa buong Juda, anupat iniulat na bumihag siya ng 46 na lunsod (ihambing ang Isa 36:1, 2), at pagkatapos, mula sa kaniyang kampo sa Lakis, siningil niya si Hezekias ng tributo na 30 talentong ginto (mga $11,560,000) at 300 talentong pilak (mga $1,982,000). (2Ha 18:14-16; 2Cr 32:1; ihambing ang Isa 8:5-8.) Bagaman binayaran ang halagang ito, isinugo ni Senakerib ang kaniyang mga tagapagsalita upang hingin ang ganap na pagsuko ng Jerusalem. (2Ha 18:17–19:34; 2Cr 32:2-20) Matapos pangyarihin ni Jehova na mapuksa ang 185,000 sa mga hukbo ng Asirya sa loob ng isang gabi, ang hambog na Asiryano ay napilitang umatras at bumalik sa Nineve. (2Ha 19:35, 36) Nang maglaon ay pinaslang siya roon ng dalawa sa kaniyang mga anak at hinalinhan siya sa trono ng isa pa niyang anak, si Esar-hadon. (2Ha 19:37; 2Cr 32:21, 22; Isa 37:36-38) Ang mga pangyayaring ito, maliban sa pagkapuksa ng mga hukbong Asiryano, ay nakaulat din sa mga prisma nina Senakerib at Esar-hadon.—MGA LARAWAN, Tomo 1, p. 957.
Pitong Pastol, Walong Duke—Sino ang Inilalarawan Nila Ngayon?
12 Kapag may mabigat tayong problema, laging nakahandang tumulong si Jehova. Pero inaasahan niyang gagawin natin ang lahat ng makakaya natin para malutas iyon. Kinonsulta ni Hezekias ang “kaniyang mga prinsipe at . . . makapangyarihang mga lalaki,” at ipinasiya nilang “sarhan ang tubig ng mga bukal na nasa labas ng lunsod . . . Karagdagan pa, naglakas-loob [si Hezekias] at itinayo ang buong pader na giba at nagtayo siya ng mga tore sa ibabaw nito, at sa labas ay isa pang pader, . . . at gumawa siya ng maraming suligi at ng mga kalasag.” (2 Cro. 32:3-5) Para maprotektahan at mapastulan ang Kaniyang bayan noong panahong iyon, gumamit si Jehova ng magigiting na lalaki—si Hezekias, ang kaniyang mga prinsipe, at ang tapat na mga propeta.
Pitong Pastol, Walong Duke—Sino ang Inilalarawan Nila Ngayon?
13 Ang sumunod na ginawa ni Hezekias ay mas mahalaga kaysa sa pagsasara sa mga bukal ng tubig o pagpapatibay sa mga pader ng lunsod. Bilang nagmamalasakit na pastol, tinipon ni Hezekias ang bayan at pinalakas ang loob nila na sinasabi: “Huwag kayong matakot ni masindak man dahil sa hari ng Asirya . . . , sapagkat ang kasama natin ay mas marami kaysa sa kasama niya. Ang sumasakaniya ay isang bisig na laman, ngunit ang sumasaatin ay si Jehova na ating Diyos upang tulungan tayo at upang ipakipaglaban ang ating mga pakikipagbaka.” Isa ngang nakapagpapatibay na paalaala—si Jehova ang makikipaglaban para sa kaniyang bayan! Pagkarinig nito, ang mga Judio ay “nagsimulang manalig sa mga salita ni Hezekias na hari ng Juda.” Pansinin na ang “mga salita ni Hezekias” ang nagpalakas ng loob ng bayan. Siya at ang kaniyang mga prinsipe at makapangyarihang lalaki, pati na ang mga propetang sina Mikas at Isaias, ay talagang mahuhusay na pastol, gaya ng inihula ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang propeta.—2 Cro. 32:7, 8; basahin ang Mikas 5:5, 6.
Espirituwal na Hiyas
Ano ang Tunay na Pagsisisi?
11 Sinagot ni Jehova ang mga panalangin ni Manases. Nakita niya sa mga panalangin nito na talagang nagbago ang puso nito. Pinakinggan ni Jehova ang pagmamakaawa ni Manases at ibinalik siya sa pagiging hari. Ginawa ni Manases ang buong makakaya niya para ipakita na talagang nagsisisi siya. Di-tulad ni Ahab, nagbago siya, inalis niya ang pagsamba sa mga diyos-diyusan, at itinaguyod ang tunay na pagsamba. (Basahin ang 2 Cronica 33:15, 16.) Para magawa iyon, kinailangan ni Manases ng lakas ng loob at pananampalataya. Sa loob ng maraming taon, naging masamang impluwensiya siya sa kaniyang pamilya, sa prominenteng mga tao, at sa mga nasasakupan niya. Pero sa mga huling taon ng paghahari niya, sinikap niya na ituwid ang ilan sa masasamang bagay na nagawa niya. Malamang na naging magandang impluwensiya siya sa apo niyang si Josias, na naging napakabuting hari.—2 Hari 22:1, 2.
12 Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Manases? Hindi lang siya nagpakumbaba, nanalangin din siya at nagmakaawang patawarin siya. Nagbago siya. Ginawa niya ang buong makakaya niya para ituwid ang masasamang bagay na nagawa niya. Sinamba niya si Jehova at tinulungan ang iba na gawin din iyon. Makikita sa nangyari kay Manases na may pag-asa pang mapatawad kahit ang mga nakagawa ng napakabigat na mga kasalanan. Kitang-kita natin na ang Diyos na Jehova ay “mabuti at handang magpatawad.” (Awit 86:5) Papatawarin niya ang mga tunay na nagsisisi.
HUNYO 19-25
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | 2 CRONICA 34-36
“Lubos Ka Bang Nakikinabang sa Salita ng Diyos?”
it-1 1033
Hulda
Nang marinig ni Josias ang pagbasa sa “mismong aklat ng kautusan” na nasumpungan ni Hilkias na mataas na saserdote noong panahon ng pagkukumpuni sa templo, nagsugo siya ng isang delegasyon upang sumangguni kay Jehova. Pumaroon sila kay Hulda, na nagtawid naman ng salita ni Jehova, na nagsabing sasapit sa apostatang bansa ang lahat ng kapahamakang nakatala sa “aklat” bilang resulta ng pagkamasuwayin. Sinabi rin ni Hulda na dahil nagpakumbaba si Josias sa harap ni Jehova, hindi nito makikita ang kapahamakan kundi pipisanin sa mga ninuno nito at dadalhin nang payapa sa dakong libingan nito.—2Ha 22:8-20; 2Cr 34:14-28.
Maging Masigasig sa Bahay ni Jehova!
20 Sa panahong isinasauli ni Haring Josias ang tunay na pagsamba, “nasumpungan ni Hilkias na [Mataas na Saserdote] ang aklat ng kautusan ni Jehova sa pamamagitan ng kamay ni Moises.” Ibinigay niya ito sa kalihim ng hari, si Sapan, na nagbasa naman nito kay Josias. (Basahin ang 2 Cronica 34:14-18.) Ano ang naging reaksiyon ng hari? Sa labis na lungkot, hinapak ng hari ang kasuutan niya at iniutos sa mga lalaki na sumangguni kay Jehova. Sa pamamagitan ng propetisang si Hulda, hinatulan ni Jehova ang ilang relihiyosong gawain sa Juda. Pero pinahalagahan naman ni Jehova ang mga pagsisikap ni Josias na alisin ang mga idolatrosong gawain. Patuloy na sinang-ayunan ni Jehova si Josias sa kabila ng inihulang kapahamakan na sasapitin ng bayan. (2 Cro. 34:19-28) Ano ang matututuhan natin dito? Tulad ni Josias, dapat tayong tumugon agad sa mga tagubilin ni Jehova. Dapat din nating seryosong pag-isipan kung ano ang mangyayari kapag hinayaan natin ang apostasya at pagiging di-tapat na makaapekto sa ating pagsamba. Kung gagawin natin iyan, makatitiyak tayo na pahahalagahan din ni Jehova ang ating sigasig sa tunay na pagsamba, gaya ng ginawa niya kay Josias.
Espirituwal na Hiyas
Isasapuso Mo Ba ang mga Bagay na Isinulat?
15 Anong babala ang matututuhan natin sa nangyari sa mabuting hari na si Josias? Pansinin kung ano ang dahilan ng pagkatalo at kamatayan niya. (Basahin ang 2 Cronica 35:20-22.) Si Josias ay “lumabas upang harapin” si Haring Neco ng Ehipto, kahit sinabi ng haring ito kay Josias na hindi siya ang kalaban nito. Sinasabi ng Bibliya na ang mga salita ni Neco ay “mula sa bibig ng Diyos.” Kung gayon, bakit kaya gustong makipaglaban ni Josias? Hindi sinasabi ng Bibliya.
16 Pero paano malalaman ni Josias kung mula nga kay Jehova ang mga salita ni Neco? Nagtanong sana siya kay Jeremias, isa sa tapat na mga propeta. (2 Cro. 35:23, 25) Pero walang ulat na ginawa niya iyon. Isa pa, Carkemis ang pupuntahan ni Neco para makipagdigma “laban sa ibang sambahayan,” hindi sa Jerusalem. Hindi rin naman sangkot dito ang pangalan ng Diyos dahil hindi naman tinutuya ni Neco si Jehova o ang bayan Niya. Kaya mali ang desisyon ni Josias na makipaglaban kay Neco. Ano ang aral para sa atin? Kapag napapaharap sa isang problema, makabubuting alamin muna ang kalooban ni Jehova tungkol dito.
17 Kapag nagkaproblema, dapat nating pag-isipan ang kaugnay na mga simulain sa Bibliya at sundin ang mga ito sa balanseng paraan. Sa ilang kaso, makabubuting lumapit tayo sa mga elder. Baka may mga bagay na tayong alam tungkol sa problema natin, at nakapagsaliksik na rin tayo sa mga publikasyon. Pero baka matulungan tayo ng isang elder na isaalang-alang ang iba pang simulain sa Bibliya. Halimbawa, alam ng isang sister na may pananagutan siyang mangaral ng mabuting balita. (Gawa 4:20) Ipagpalagay na may plano siyang lumabas sa larangan. Pero nang araw na iyon, gusto ng kaniyang di-sumasampalatayang mister na sa bahay lang siya. Sinabi nito na halos wala na silang panahon sa isa’t isa, at gusto nitong mag-date sila. Para makapagdesisyon nang tama, maaaring pag-isipan ng sister ang kaugnay na mga teksto sa Bibliya, gaya ng pagsunod sa Diyos at ang utos na gumawa ng mga alagad. (Mat. 28:19, 20; Gawa 5:29) Pero kailangan din niyang tandaan ang tungkol sa pagpapasakop ng asawang babae at ang pagiging makatuwiran. (Efe. 5:22-24; Fil. 4:5) Talaga bang hinahadlangan siya ng mister niya na lumabas sa larangan, o gusto lang nitong makasama siya sa araw na iyon? Kailangan nating maging balanse sa paggawa ng kalooban ng Diyos at magsikap na magkaroon ng mabuting budhi.
HUNYO 26–HULYO 2
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | EZRA 1-3
“Magpagamit Ka kay Jehova”
Nakikita Mo Ba ang Nakita ni Zacarias?
MASAYANG-MASAYA ang mga Judio. “Inudyukan ni Jehova si Haring Ciro ng Persia” na palayain ang mga Israelita na ilang dekada nang bihag sa Babilonya. Ipinag-utos ng hari na bumalik ang mga Judio sa kanilang lupain at “muling itayo ang bahay ni Jehova na Diyos ng Israel.” (Ezra 1:1, 3) Tiyak na sabik na sabik sila! Maibabalik na ang pagsamba sa tunay na Diyos sa lupaing ibinigay niya sa kaniyang bayan.
Iingatan Ka ng mga Karo at ng Isang Korona
2 Alam ni Zacarias na ang mga Judio na bumalik sa Jerusalem ay may pananampalataya. Ang kanilang “espiritu ay pinukaw ng tunay na Diyos” para iwan ang mga bahay nila at kabuhayan sa Babilonya. (Ezra 1:2, 3, 5) Iniwan nila ang lupaing kinalakhan nila at lumipat sa lugar na hindi pa nila nakikita kailanman. Tiyak na hindi sila magpapakahirap maglakbay nang 1,600 kilometro sa isang delikadong ruta kung hindi mahalaga sa kanila ang pagtatayo ng templo ni Jehova.
Espirituwal na Hiyas
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Ezra
1:3-6. Tulad ng ilang Israelita na nanatili sa Babilonya, maraming Saksi ni Jehova ang hindi makapaglingkod nang buong panahon o hindi makapaglingkod kung saan may higit na pangangailangan. Gayunman, sinusuportahan at pinatitibay nila ang mga may kakayahang maglingkod, at nagbibigay rin sila ng kusang-loob na mga donasyon upang itaguyod ang gawaing pangangaral ng Kaharian at paggawa ng mga alagad.