Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • mwbr23 Hulyo p. 1-11
  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo
  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo—2023
  • Subtitulo
  • HULYO 3-9
  • HULYO 10-16
  • HULYO 17-23
  • HULYO 24-30
  • HULYO 31–AGOSTO 6
  • AGOSTO 7-13
  • AGOSTO 14-20
  • AGOSTO 21-27
  • AGOSTO 28–SETYEMBRE 3
Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo—2023
mwbr23 Hulyo p. 1-11

Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo

© 2023 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania

HULYO 3-9

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | EZRA 4-6

“Huwag Ninyong Hadlangan ang Paggawa”

w22.03 18 ¶13

Nakikita Mo Ba ang Nakita ni Zacarias?

13 Ipinagbabawal ang muling pagtatayo ng templo. Pero pinangunahan ng mataas na saserdoteng si Jesua (Josue) at ng gobernador na si Zerubabel ang gawain at “sinimulan [nila] ang pagtatayong muli sa bahay ng Diyos.” (Ezra 5:1, 2) Baka para sa ilang Judio, hindi magandang desisyon iyon. Hindi kasi iyon maitatago sa mga kaaway, na pursigidong patigilin ang pagtatayo. Kailangan nina Josue at Zerubabel ng katiyakan na tutulungan sila ni Jehova. Paano ito ibinigay ni Jehova?

w86 2/1 29, kahon ¶2-3

Ang Mata ni Jehova ay “Nakatingin sa Matatandang Lalaki”

Pagkatapos na bumalik ang nalabing Judio buhat sa Babilonya, nagsimula ang may 16-na-taóng pagkahinto sa paggawa. Ang mga propetang si Hagai at si Zacarias ay nangyaring gumulantang sa mga Judio sa kanilang pagwawalang-bahala, at muling ipinagpatuloy ang gawain na pagtatayo sa nagibang templo ni Jehova. Subalit, hindi nagtagal at ang gawaing ito ay tinutulan ng mga opisyales ng Persia. “Sino ang nag-utos sa inyo na itayo ang bahay na ito?” ang tanong ng mga mananalansang.​—Ezra 5:1-3.

Ang tugon sa tanong na ito ay maselang. Kung hinayaan ng matatanda na sila’y madala ng takot, dagling mapapahinto ang muling pagtatayo sa templo. Kung kikilos naman ang matatanda sa paraan na pupukaw sa galit ng mga opisyales na ito, baka kaagad ipagbawal ang gawain. Kaya’t ang matatanda (marahil pinangunahan ni Gobernador Zerubabel at ng mataas na saserdoteng si Joshua) ay bumuo ng isang mataktika ngunit mabisang tugon. Kanilang ipinaalaala sa mga opisyales ang matagal nang nakalimutang utos ni Ciro na nagbigay sa mga Judio ng pahintulot ng hari na magpatuloy sa gawaing ito. Sa pagkaalam sa patakaran ng mga Persiano na huwag kailanman baguhin ang nailabas nang batas, ang mga opisyales na ito ay may katalinuhan na nagpasiyang iwasan ang pagsalungat sa isang utos ng hari. Sa ganoon ay pinayagan na ang gawain ay magpatuloy hanggang sa nang malaunan nagbigay si haring Dario ng kaniyang opisyal na pagsang-ayon na ipagpatuloy ang gawain!—Ezra 5:11-17; 6:6-12.

w22.03 15 ¶7

Nakikita Mo Ba ang Nakita ni Zacarias?

7 Naginhawahan ang mga nagtatayo ng templo nang magkaroon ng pagbabago. Anong pagbabago? Noong 520 B.C.E., ang bagong hari na si Dario I ang namamahala sa Persia. Sa ikalawang taon ng paghahari niya, nalaman niya na ilegal ang pagbabawal sa pagtatayo ng templo. Kaya naglabas siya ng utos na ituloy ang gawain. (Ezra 6:1-3) Tuwang-tuwa na ang lahat ng Judio sa ginawang iyon ng hari—pero hindi lang iyon ang ginawa niya. Ipinag-utos din niya sa mga tao sa nakapalibot na mga lupain na huwag hadlangan ang pagtatayo at naglaan siya ng panggastos at iba pang kailangan para maituloy ang pagtatayo. (Ezra 6:7-12) Kaya mahigit apat na taon lang, natapos ng mga Judio ang pagtatayo ng templo noong 515 B.C.E.​—Ezra 6:15.

w22.03 18 ¶16

Nakikita Mo Ba ang Nakita ni Zacarias?

16 Ginagamit din ni Jehova ang “tapat at matalinong alipin” para magbigay ng tagubilin. (Mat. 24:45) Kung minsan, baka hindi natin lubusang naiintindihan ang tagubiling ibinibigay ng aliping ito. Halimbawa, baka tumanggap tayo ng mga espesipikong tagubilin bilang paghahanda sa isang likas na sakuna na sa tingin natin ay hindi naman mangyayari sa lugar natin. O baka maisip natin na sobrang higpit ng mga tagubiling ibinibigay ng aliping ito sa panahon ng pandemic. Ano ang dapat nating gawin kung sa tingin natin, hindi praktikal ang mga tagubiling iyon? Pag-isipan natin kung paano nakatulong sa mga Israelita ang pagsunod nila sa tagubiling ibinigay nina Josue at Zerubabel. Puwede rin nating pag-isipan ang ibang ulat sa Bibliya na nabasa natin. May mga pagkakataon na tumanggap ang bayan ng Diyos ng tagubilin na sa tingin ng tao ay hindi praktikal, pero nakapagligtas ng buhay.​—Huk. 7:7; 8:10.

Espirituwal na Hiyas

w93 6/15 32 ¶3-5

Makapagtitiwala Ka ba sa Bibliya?

Ang barya ay ginawa sa Tarso, isang lunsod sa timog-silangang panig ng ngayon ay Turkey. Ang barya ay ginawa noong panahon ng pamamahala ng gobernador ng Persia na si Mazaeus noong ikaapat na siglo B.C.E. Siya ay ipinakikilala nito bilang gobernador ng lalawigan sa “Kabila ng Ilog,” samakatuwid nga, ang Ilog Eufrates.

Ngunit bakit nga ba kawili-wiling mapag-alaman ang pariralang iyan? Sapagkat makikita mo sa iyong Bibliya ang ganiyan ding titulo. Sa Ezra 5:6–6:13 ay makikita ang pagsusulatan ng hari ng Persia na si Dario at ng isang gobernador na nagngangalang Tattenai. Ang isyu ay ang muling pagtatayo ng mga Judio ng kanilang templo sa Jerusalem. Si Ezra ay isang dalubhasang tagakopya ng Kautusan ng Diyos, at maaasahan mo na siya ay tiyak, walang mali sa kaniyang isinulat. Makikita mo sa Ezra 5:6 at 6:13 na kaniyang tinagurian si Tattenai na “ang gobernador sa kabila ng Ilog.”

Isinulat iyan ni Ezra mga 460 B.C.E., mga 100 taon bago ginawa ang baryang ito. May mga tao na marahil mag-aakala na ang titulong iyon sa isang sinaunang pinunò ay isang maliit na detalye. Subalit kung makapagtitiwala ka sa mga manunulat ng Bibliya kahit na sa ganiyang kaliit na detalye, hindi ba palalakihin niyan ang iyong pagtitiwala sa mga iba pa nilang isinulat?

HULYO 10-16

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | EZRA 7-8

“Naparangalan ni Ezra si Jehova Dahil sa Paggawi Niya”

w00 10/1 14 ¶8

Pag-aaral—Kapaki-pakinabang at Kasiya-siya

8 Oo, ang ating pag-ibig sa Salita ni Jehova ay dapat magmula sa ating puso, ang sentro ng emosyon. Dapat tayong malugod habang matagal na pinag-iisipan ang ilang talata na kababasa pa lamang natin. Dapat nating nilay-nilayin ang malalim na espirituwal na mga ideya, pagbuhusan ng pansin ang mga ito, at bulay-bulayin ang mga ito. Kailangan dito ang tahimik na pagbubulay-bulay at pananalangin. Gaya ni Ezra, kailangan nating ihanda ang ating puso para sa pagbabasa at pag-aaral ng Salita ng Diyos. Tungkol sa kaniya ay nasusulat: “Inihanda ni Ezra ang kaniyang puso upang sumangguni sa kautusan ni Jehova at upang magsagawa niyaon at upang magturo sa Israel ng tuntunin at katarungan.” (Ezra 7:10) Pansinin ang tatlong layunin ng paghahanda ni Ezra ng kaniyang puso: upang mag-aral, upang magkapit sa sarili, at upang magturo. Dapat nating sundin ang kaniyang halimbawa.

si 75 ¶5

Aklat ng Bibliya Bilang 13—1 Cronica

5 Walang kapantay ang kakayahan ni Ezra sa pagtitipon ng totoo at wastong kasaysayan. “Inilagak ni Ezra ang kaniyang puso sa pagsangguni sa kautusan ni Jehova upang ganapin at ituro sa Israel ang tuntunin at katarungan.” (Ezra 7:10) Tinulungan siya ng banal na espiritu ni Jehova. Nakilala ng pandaigdig na tagapamahala ng Persya ang karunungan ng Diyos na nasa kay Ezra kaya binigyan siya ng malawak ng kapangyarihang sibil sa distrito ng Juda. (Ezra 7:12-26) Autorisado ng Diyos at ng emperador, matagumpay na natipon ni Ezra ang ulat mula sa pinakamahuhusay na dokumentong umiiral noon.

it-1 1405

Kapakumbabaan

Naglalaan ng Tamang Patnubay. Ang isa na nagpapakumbaba sa harap ng Diyos ay makaaasa sa patnubay ng Diyos. Si Ezra ay nagkaroon ng mabigat na pananagutang manguna sa mahigit na 1,500 lalaki, bukod pa sa mga saserdote, mga Netineo, at mga babae at mga bata mula sa Babilonya pabalik sa Jerusalem. Karagdagan pa, dala nila ang napakaraming ginto at pilak para sa pagpapaganda ng templo sa Jerusalem. Kinailangan nila ng proteksiyon para sa paglalakbay, ngunit ayaw humingi ni Ezra sa hari ng Persia ng isang pangkat ng militar na sasama sa kanila, dahil magpapakita iyon ng pananalig sa lakas ng tao. Gayundin, bago pa nito ay sinabi niya sa hari: “Ang kamay ng aming Diyos ay sumasalahat niyaong mga humahanap sa kaniya sa ikabubuti.” Kaya naman naghayag siya ng isang pag-aayuno, upang ang bayan ay makapagpakumbaba sa harap ni Jehova. Humiling sila sa Diyos, at siya’y nakinig at naglaan sa kanila ng proteksiyon mula sa mga pagtambang ng mga kaaway sa daan anupat matagumpay nilang natapos ang mapanganib na paglalakbay. (Ezr 8:1-14, 21-32) Ang propetang si Daniel naman, na nasa pagkatapon sa Babilonya, ay lubhang pinagpala nang isugo sa kaniya ng Diyos ang isang anghel at bigyan siya ng isang pangitain, sa dahilang nagpakumbaba si Daniel sa harap ng Diyos sa paghahanap niya ng patnubay at pagkaunawa.​—Dan 10:12.

Espirituwal na Hiyas

w06 1/15 19 ¶10

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Ezra

7:28–8:20—Bakit atubiling sumama kay Ezra papuntang Jerusalem ang maraming Judio sa Babilonya? Bagaman mahigit 60 taon na ang nakalipas mula nang bumalik sa kanilang sariling lupain ang unang grupo ng mga Judio, hindi pa rin gaanong maayos ang pamumuhay sa Jerusalem. Kung babalik sila sa Jerusalem, magsisimula sila ng panibagong buhay sa mahirap at mapanganib na kalagayan. Ang Jerusalem noon ay walang maiaalok na magandang buhay para sa mga Judio na malamang ay umuunlad na sa Babilonya. Nariyan din ang mapanganib na paglalakbay. Ang mga nagsibalik ay kailangang may matibay na pananampalataya kay Jehova, sigasig sa tunay na pagsamba, at lakas ng loob upang bumalik sa Jerusalem. Pinatibay ni Ezra maging ang kaniyang sarili anupat isinasaisip na sumasakaniya ang kamay ni Jehova. Dahil sa pampatibay ni Ezra, 1,500 pamilya—malamang na umabot ng 6,000 katao—ang tumugon. Nang gumawa pa ng karagdagang hakbang si Ezra, 38 Levita at 220 Netineo ang tumugon.

HULYO 17-23

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | EZRA 9-10

“Ang Masaklap na Resulta ng Pagsuway”

w06 1/15 20 ¶1

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Ezra

9:1, 2—Gaano kapanganib ang pakikipag-asawa sa mga tao ng lupain? Dapat panatilihing dalisay ng isinauling bansa ang pagsamba kay Jehova hanggang sa dumating ang Mesiyas. Ang pakikipag-asawa sa mga tumatahan sa ibang lupain ay nagdudulot ng malaking panganib sa tunay na pagsamba. Yamang ang ilan ay nakipag-asawa sa mga mananamba ng idolo, maaaring lubusang maimpluwensiyahan ng mga pagano ang buong bansa sa kalaunan. Tuluyan nang maglalaho ang dalisay na pagsamba. Kapag nangyari iyon, saan magmumula ang Mesiyas? Hindi nga kataka-takang magitla si Ezra sa nangyari!

w09 10/1 10 ¶6

Ano ang Hinihiling sa Atin ni Jehova?

Magdudulot ng pagpapala ang ating kusang pagsunod. Isinulat ni Moises: “Tuparin ang mga utos . . . na iniuutos ko sa iyo ngayon, para sa iyong ikabubuti.” (Talata 13) Oo, lahat ng utos ni Jehova—ang lahat ng hinihiling niya—ay para sa ating ikabubuti. Bakit natin nasabi iyan? Kasi, sinasabi ng Bibliya: “Ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Kaya, ang kaniyang mga utos ay para sa ating walang-hanggang kapakanan. (Isaias 48:17) Kung susundin natin si Jehova, maiiwasan natin ang maraming kabiguan ngayon at aakay ito sa walang-hanggang mga pagpapala sa hinaharap sa ilalim ng pamamahala ng kaniyang Kaharian.

Espirituwal na Hiyas

w06 1/15 20 ¶2

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Ezra

10:3, 44—Bakit pinaalis ang mga anak kasama ng mga asawang babae? Kapag pinaiwan ang mga bata, mas malaki ang posibilidad na bumalik ang mga pinaalis na asawa dahil sa kanila. Isa pa, karaniwan nang kailangan ng maliliit na anak ang pangangalaga ng kanilang ina.

HULYO 24-30

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | NEHEMIAS 1-2

“Nanalangin Agad Ako”

w08 2/15 3 ¶5

Panatilihin si Jehova sa Harap Mo

5 Kung minsan, baka kailangan nating manalangin agad para sa tulong ng Diyos. Sa isang pagkakataon, napansin ng hari ng Persia na si Artajerjes na malungkot ang kaniyang katiwala ng kopa na si Nehemias. “Ano itong hinahangad mong matamo?” ang tanong ng hari. “Kaagad [na] nanalangin [si Nehemias] sa Diyos ng langit.” Maliwanag na kinailangan ni Nehemias na saglit na manalangin nang tahimik. Pero sinagot ng Diyos ang kaniyang panalangin dahil tinulungan siya ng hari na itayo ang mga pader ng Jerusalem. (Basahin ang Nehemias 2:1-8.) Oo, maaaring maging mabisa kahit ang saglit at tahimik na pananalangin.

be 177 ¶4

Ekstemporanyong Pagpapahayag

Kapag tinawag ka para sa isang biglaang pagpapaliwanag hinggil sa iyong mga paniniwala, ano ang makatutulong sa iyo upang ang iyong mga komento ay maging mabisa? Tularan si Nehemias na tahimik na nanalangin bago niya sinagot ang tanong ni Haring Artajerjes. (Neh. 2:4) Pagkatapos, karaka-rakang bumuo ng isang balangkas sa isip. Ang mga pangunahing hakbangin ay maaaring itala sa ganitong paraan: (1) Pumili ng isa o dalawang punto na dapat ilakip sa paliwanag (maaari mong gamitin ang mga puntong masusumpungan sa Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan). (2) Pagpasiyahan kung aling mga kasulatan ang gagamitin mo upang suportahan ang mga puntong iyon. (3) Planuhin kung paano sisimulan ang iyong paliwanag nang mataktika upang ang nagtatanong ay maging handang makinig. Pagkatapos ay magsimulang magsalita.

Espirituwal na Hiyas

w86 2/15 25

Nagtagumpay ang Tunay na Pagsamba

Hindi, sapagkat ang gibang kalagayan ng Jerusalem ang sa tuwina’y diwa ng mga panalangin ni Nehemias “araw at gabi” sa loob ng mga ilang panahon. (1:4, 6) Nang magkaroon ng pagkakataon sa sabihin kay Haring Artajerjes ang tungkol sa kaniyang hangarin na muling itayo ang mga pader ng Jerusalem, si Nehemias ay muling nanalangin, sa gayo’y ginagawa ang sa tuwina’y paulit-ulit niyang ginagawa. Ang resulta ng pagdinig ni Jehova sa kaniyang panalangin ay ang komisyon na muling itayo ang mga pader ng lunsod.

Aral Para sa Atin: Si Nehemias ay kay Jehova umasa ng patnubay. Pagka napaharap sa mabibigat na pagpapasiya, tayo man ay dapat “magtiyaga sa panalangin” at kumilos na kasuwato ng patnubay ni Jehova.​—Roma 12:12.

HULYO 31–AGOSTO 6

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | NEHEMIAS 3-4

“Mababa Ba ang Tingin Mo sa Mano-manong Trabaho?”

w06 2/1 10 ¶2

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Nehemias

3:5, 27. Hindi natin dapat ituring na nagpapababa ng ating dignidad ang manu-manong trabaho na ginagawa sa kapakanan ng tunay na pagsamba, gaya ng pananaw ng “mga taong mariringal” ng Tekoa. Sa halip, matutularan natin ang karaniwang mga Tekoita na kusang nagpagal ng kanilang sarili.

w19.10 23 ¶11

Ano ang Pangyayarihin ni Jehova na Magawa Mo?

11 Pagkalipas ng daan-daang taon, ang mga anak na babae ni Salum ay kabilang sa mga ginamit ni Jehova sa pagkukumpuni ng mga pader ng Jerusalem. (Neh. 2:20; 3:12) Kahit tagapamahala ang ama nila, handa silang makibahagi sa mahirap at mapanganib na gawaing iyon. (Neh. 4:15-18) Ibang-iba nga sila sa mga prominenteng tao sa Tekoa, na “hindi nagpakumbaba para makibahagi sa gawain”! (Neh. 3:5) Isipin na lang kung gaano kasaya ang mga anak ni Salum nang matapos ang proyekto sa loob lang ng 52 araw! (Neh. 6:15) Sa ngayon, handa ring tumulong ang mga sister sa isang pantanging uri ng sagradong paglilingkod—ang pagtatayo at pagmamantini ng mga gusaling inialay kay Jehova. Ang kanilang kakayahan, sigla, at katapatan ay mahalaga para magtagumpay ang gawaing ito.

w04 8/1 18 ¶16

Paglilinang ng Tulad-Kristong Pangmalas sa Kadakilaan

16 Dapat sikapin ng lahat ng Kristiyano, bata at matanda, na linangin ang tulad-Kristong pangmalas sa kadakilaan. Sa kongregasyon, iba’t ibang atas ang dapat gampanan. Huwag kailanman maghinanakit kung hilingan kang gawin ang mga bagay na waring hamak. (1 Samuel 25:41; 2 Hari 3:11) Mga magulang, pinasisigla ba ninyo ang inyong mga anak at mga tin-edyer na masayang gampanan ang anumang atas na ipinagagawa sa kanila, ito man ay sa Kingdom Hall, sa isang asamblea, o sa lugar ng kombensiyon? Nakikita ba nila kayong gumaganap ng hamak na mga atas? Isang kapatid na lalaki, na naglilingkod ngayon sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova, ang malinaw na nakaaalaala sa halimbawa ng kaniyang mga magulang. Sinabi niya: “Ang turing nila sa trabahong paglilinis sa Kingdom Hall o sa lugar ng kombensiyon ay nagpapahiwatig sa akin na itinuturing nila itong mahalaga. Madalas silang magboluntaryo upang gampanan ang mga atas na kapaki-pakinabang sa kongregasyon o sa kapatiran, gaano man kababa ang waring tingin sa mga atas na iyon. Nakatulong sa akin ang saloobing ito na maging handang tumanggap ng anumang atas na trabaho dito sa Bethel.”

Espirituwal na Hiyas

w06 2/1 9 ¶1

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Nehemias

4:17, 18—Paano muling makapagtatayo ang isang tao gamit ang iisang kamay lamang? Hindi problema ito para sa mga tagapagdala ng pasan. Minsang maipatong ang pasan sa kanilang ulo o balikat, madali nilang mababalanse ito ng isang kamay “habang ang kabilang kamay ay may hawak na suligi.” Ang mga tagapagtayo na kailangang gumamit ng dalawang kamay sa kanilang gawain “ay nabibigkisan, ang bawat isa ay may tabak sa kaniyang balakang, habang nagtatayo.” Handa nilang ipagtanggol ang kanilang sarili sakaling sumalakay ang mga kaaway.

AGOSTO 7-13

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | NEHEMIAS 5-7

“Mas Gusto Niyang Maglingkod Kaysa Paglingkuran”

w02 11/1 27 ¶3

Mga Tagasuporta ng Tunay na Pagsamba—Noon at Ngayon

Hindi lamang ang panahon at mga kakayahan sa pag-oorganisa ang inilaan ni Nehemias. Ginamit din niya ang kaniyang materyal na pag-aari upang suportahan ang tunay na pagsamba. Ginamit niya ang kaniyang sariling salapi upang tubusin mula sa pagkaalipin ang kaniyang mga kapatid na Judio. Nagpahiram siya ng salapi nang walang patubo. Hindi niya kailanman “pinabigatan” ang mga Judio sa pamamagitan ng paghiling sa kanila ng panustos para sa isang gobernador, isang bagay na nauukol sa kaniya. Sa halip, ang kaniyang bahay ay laging bukás upang pakanin ang “isang daan at limampung lalaki, at yaong mga pumaparoon sa amin mula sa mga bansang nasa palibot namin.” Bawat araw ay naglalaan siya ng “isang toro, anim na piling tupa at mga ibon” para sa kaniyang mga panauhin. Bukod dito, minsan sa bawat sampung araw ay binibigyan niya sila ng “bawat uri ng alak na sagana”—ang lahat ay sarili niyang gastos.​—Nehemias 5:8, 10, 14-18.

w16.09 6 ¶16

“Huwag Nawang Lumaylay ang Iyong mga Kamay”

16 Sa tulong ni Jehova, pinalakas ni Nehemias at ng mga kasama niya ang kanilang mga kamay para sa gawain. Kaya naman natapos nila ang mga pader ng Jerusalem sa loob lang ng 52 araw! (Neh. 2:18; 6:15, 16) Hindi lang pinangasiwaan ni Nehemias ang gawain; aktuwal siyang tumulong sa pagtatayo. (Neh. 5:16) Sa ngayon, tinutularan ng maibiging mga elder si Nehemias. Tumutulong sila sa teokratikong mga proyekto ng pagtatayo o sa paglilinis at pagmamantini ng Kingdom Hall. Kapag sinasamahan nila sa ministeryo ang kanilang mga kapatid o nagsasagawa sila ng shepherding visit, napalalakas din nila ang mahihinang kamay ng mga may pusong nababalisa.​—Basahin ang Isaias 35:3, 4.

w00 2/1 32

Paano Ka Aalalahanin ni Jehova?

Kadalasan, ipinakikita ng Bibliya na para sa Diyos, “ang pag-alaala” ay nangangahulugan ng paggawa ng positibong pagkilos. Halimbawa, pagkatapos na ang lupa ay apawan ng tubig-baha sa loob ng 150 araw, “naalaala ng Diyos si Noe . . . , at pinaraan ng Diyos ang isang hangin sa ibabaw ng lupa, at ang tubig ay nagsimulang humupa.” (Genesis 8:1) Pagkalipas ng mga siglo, si Samson na binulag at itinanikala ng mga Filisteo, ay nanalangin: “Jehova, alalahanin mo ako, pakisuyo, at palakasin mo ako, pakisuyo, nitong minsan na lamang.” Inalaala ni Jehova si Samson sa pamamagitan ng pagbibigay sa kaniya ng lakas na nakahihigit-sa-tao upang maipaghiganti niya ang kaniyang sarili laban sa mga kaaway ng Diyos. (Hukom 16:28-30) At kung tungkol kay Nehemias, pinagpala ni Jehova ang kaniyang mga pagsisikap, at ang tunay na pagsamba ay naisauli sa Jerusalem.

Espirituwal na Hiyas

w07 7/1 30 ¶15

“Patuloy na Daigin ng Mabuti ang Masama”

15 Ikatlo, ginamit ng mga kaaway ni Nehemias ang isang traidor, ang Israelitang si Semaias, upang udyukan si Nehemias na labagin ang Kautusan ng Diyos. Sinabi ni Semaias kay Nehemias: “Magtagpo tayo ayon sa pagkakasunduan sa bahay ng tunay na Diyos, sa loob ng templo, at isara natin ang mga pinto ng templo; sapagkat papasok sila upang patayin ka.” Sinabi ni Semaias na papatayin si Nehemias pero maililigtas ni Nehemias ang kaniyang buhay kung magtatago siya sa templo. Ngunit si Nehemias ay hindi saserdote. Magkakasala siya kung magtatago siya sa bahay ng Diyos. Lalabagin ba niya ang Kautusan ng Diyos para lamang iligtas ang kaniyang buhay? Tumugon si Nehemias: “Sinong gaya ko ang makapapasok sa templo at mabubuhay? Hindi ako papasok!” Bakit hindi nahulog si Nehemias sa bitag na iniumang sa kaniya? Sapagkat nalaman niyang bagaman kapuwa niya Israelita si Semaias, “hindi ang Diyos ang nagsugo sa kaniya.” Kung tutuusin, ang isang tunay na propeta ay hinding-hindi magpapayo sa kaniya na labagin ang Kautusan ng Diyos. Muli, hindi nagpadaig si Nehemias sa masasamang mananalansang. Di-nagtagal pagkatapos nito, iniulat niya: “Sa kalaunan ay natapos ang pader nang ikadalawampu’t limang araw ng Elul, sa loob ng limampu’t dalawang araw.”​—Nehemias 6:10-15; Bilang 1:51; 18:7.

AGOSTO 14-20

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | NEHEMIAS 8-9

“Ang Kagalakang Nagmumula kay Jehova ang Inyong Moog”

w13 10/15 21 ¶2

Mga Aral Mula sa Isang Panalanging Pinaghandaang Mabuti

2 Isang buwan bago ang pagtitipon, natapos ng mga Judio ang muling pagtatayo ng mga pader ng Jerusalem. (Neh. 6:15) Nagawa nila ito sa loob lang ng 52 araw. Pagkatapos, mas pinagtuunan nila ng pansin ang kanilang espirituwalidad. Noong unang araw ng sumunod na buwan, ang Tisri, nagtipon sila sa liwasang-bayan para makinig kay Ezra, at sa iba pang mga Levita, habang binabasa at ipinaliliwanag ang Kautusan ng Diyos. (Larawan 1) Ang mga pamilya, kasama ang “lahat ng may sapat na unawa upang makinig,” ay nakatayo habang nakikinig “mula sa pagbubukang-liwayway hanggang sa katanghaliang tapat.” Napakaganda ngang halimbawa para sa atin na nagpupulong sa komportableng mga Kingdom Hall! Pero kapag nasa pulong, gumagala ba ang isip mo kung minsan at kung anu-ano ang naiisip mo? Kung oo, isaalang-alang ang halimbawa ng sinaunang mga Israelita na hindi lang basta nakinig kundi isinapuso rin ang mga napakinggan nila; tumangis pa nga sila dahil hindi nila nasusunod bilang bayan ang Kautusan ng Diyos.​—Neh. 8:1-9.

w07 7/15 22 ¶9-10

‘Patuloy Ka Bang Lalakad Ayon sa Espiritu’?

9 Ang kagalakan ay masidhing kaligayahan. Si Jehova ang “maligayang Diyos.” (1 Timoteo 1:11; Awit 104:31) Nalulugod ang Anak na gawin ang kalooban ng Ama. (Awit 40:8; Hebreo 10:7-9) At “ang kagalakan kay Jehova ang [ating] moog.”​—Nehemias 8:10.

10 Ang kagalakang nagmumula sa Diyos ay nagdudulot sa atin ng matinding kasiyahan kapag ginagawa natin ang kalooban Niya sa kabila ng kahirapan, pighati, o pag-uusig. Masidhing kaligayahan nga ang idinudulot sa atin ng “mismong kaalaman sa Diyos”! (Kawikaan 2:1-5) Ang ating kaugnayan sa Diyos ay nagdudulot ng kagalakan at nakasalig sa tumpak na kaalaman at pananampalataya sa kaniya at sa haing pantubos ni Jesus. (1 Juan 2:1, 2) Ang pagiging bahagi ng nag-iisang tunay na internasyonal na kapatiran ay pinagmumulan din ng kagalakan. (Zefanias 3:9; Hagai 2:7) Ang pag-asa natin hinggil sa Kaharian at ang dakilang pribilehiyo na ihayag ang mabuting balita ay nagpapagalak sa atin. (Mateo 6:9, 10; 24:14) Gayon din ang pag-asang buhay na walang hanggan. (Juan 17:3) Yamang mayroon tayong gayong kamangha-manghang pag-asa, dapat na ‘lubusan tayong magalak.’—Deuteronomio 16:15.

Espirituwal na Hiyas

it-1 173 ¶3

Aramaiko

Maraming taon pagkabalik ng mga Judio mula sa pagkatapon sa Babilonya, binasa ng saserdoteng si Ezra ang aklat ng Kautusan sa mga Judiong nagkakatipon sa Jerusalem, at ipinaliwanag ito ng iba’t ibang Levita sa taong-bayan, anupat sinasabi sa Nehemias 8:8: “Patuloy silang bumabasa nang malakas mula sa aklat, mula sa kautusan ng tunay na Diyos, na ipinaliliwanag iyon, at binibigyan iyon ng kahulugan; at patuloy silang nagbibigay ng unawa sa pagbasa.” Maaaring kasama sa gayong pagpapaliwanag o pagpapakahulugan ang pagsasalin ng tekstong Hebreo tungo sa Aramaiko, yamang posibleng Aramaiko ang ginamit ng mga Hebreo noong sila’y nasa Babilonya. Walang alinlangang detalyado ang isinagawang pagpapaliwanag upang kahit naiintindihan ng mga Judio ang Hebreo, mauunawaan din nila ang malalim na kahulugan ng binabasa.

AGOSTO 21-27

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | NEHEMIAS 10-11

“Nagsakripisyo Sila Para kay Jehova”

w98 10/15 22 ¶13

Isang Jerusalem na Totoo Ayon sa Pangalan Nito

13 Ang “mapagkakatiwalaang kaayusan” na tinatakan noong panahon ni Nehemias ay naghanda sa bayan ng Diyos para sa araw ng pagpapasinaya sa pader ng Jerusalem. Ngunit isa pang apurahang bagay ang nangangailangan din ng atensiyon. Palibhasa’y napalilibutan na ngayon ng isang malaking pader na may 12 pintuang-bayan, kailangan ng Jerusalem ang isang mas malaking populasyon. Bagaman may ilang Israelita na naninirahan doon, “ang lunsod ay maluwang at malaki, at kakaunti ang mga tao sa loob niyaon.” (Nehemias 7:4) Upang lutasin ang suliraning ito, ang bayan ay “nagpalabunutan upang magdala ng isa mula sa bawat sampu upang manahanan sa Jerusalem na banal na lunsod.” Ang kusang-loob na pagtugon sa kaayusang ito ay nagpakilos sa bayan na pagpalain “ang lahat ng lalaking nagboluntaryo na manahanan sa Jerusalem.” (Nehemias 11:1, 2) Tunay na isang mainam na halimbawa para sa tunay na mga mananamba ngayon na ang kalagayan ay nagpapahintulot sa kanila na lumipat kung saan may mas malaking pangangailangan para sa tulong ng maygulang na Kristiyano!

w86 2/15 26

Nagtagumpay ang Tunay na Pagsamba

Ang pag-iiwan ng mga minanang ari-arian at paglipat sa Jerusalem ay mangangailangan ng mga ilang gastos at mga kalugihan. Ang mga naninirahan sa siyudad na iyan ay maaari rin naman na nakabilad sa iba’t-ibang panganib. Sa ilalim ng mga ganiyang kalagayan, ituturing ng iba na ang mga boluntaryo ay karapatdapat purihin at nanalangin na pagpalain sila ni Jehova.

w16.04 8 ¶15

Sinasang-ayunan ng Diyos ang mga May Pananampalataya

15 Nang ialay natin ang ating buhay kay Jehova, nangako tayo na lubusan nating gagawin ang kaniyang kalooban. Alam natin na ang pagtupad sa pangakong ito ay nangangailangan ng pagsasakripisyo. Gayunman, nasusubok ang ating pagnanais na magsakripisyo kapag hindi natin gusto ang hinihiling sa atin. Kapag ginagawa natin ang gayong pagsasakripisyo at paglilingkod sa Diyos kahit mahirap ito sa atin, napatutunayan nating may pananampalataya tayo. Ang mga pagpapalang dulot nito ay laging mas marami kaysa sa isinasakripisyo natin. (Mal. 3:10) Ngunit kumusta naman ang anak ni Jepte?

Espirituwal na Hiyas

w06 2/1 11 ¶1

Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Nehemias

10:34—Bakit hinilingan ang bayan na magtustos ng kahoy? Hindi ipinag-utos ng Kautusang Mosaiko ang handog na kahoy. Hiniling lamang ito dahil sa pangangailangan. Pagkarami-raming kahoy ang kailangan upang sunugin ang mga hain sa altar. Lumilitaw na iilan lamang ang mga Netineo na naglilingkod bilang di-Israelitang mga alipin sa templo. Kaya nagpalabunutan upang matiyak na hindi mauubos ang panustos na kahoy.

AGOSTO 28–SETYEMBRE 3

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | NEHEMIAS 12-13

“Maging Tapat kay Jehova sa Pagpili ng mga Kaibigan”

it-1 114 ¶7

Ammonita, Mga

Matapos patalsikin si Tobia mula sa bakuran ng templo, ang kautusan ng Diyos sa Deuteronomio 23:3-6 na nagbabawal sa pagpasok ng mga Ammonita at mga Moabita sa kongregasyon ng Israel ay binasa at ikinapit. (Ne 13:1-3) Ang pagbabawal na ito, na ibinigay mga 1,000 taon na ang nakararaan dahil sa pagtanggi ng mga Ammonita at mga Moabita na tulungan ang mga Israelita noong malapit na ang mga ito sa Lupang Pangako, ay karaniwang ipinapalagay na nangangahulugang hindi sila maaaring maging legal na mga miyembro ng bansang Israel taglay ang lahat ng karapatan at pribilehiyo ng isang tunay na miyembro. Hindi naman ito nangangahulugan na ang mga indibiduwal na Ammonita o Moabita ay hindi maaaring makihalubilo o manirahang kasama ng mga Israelita at sa gayo’y makinabang mula sa mga pagpapala ng Diyos sa kaniyang bayan, anupat makikita ito sa bagay na kabilang si Zelek, na nabanggit na, sa pangunahing mga mandirigma ni David, at gayundin sa rekord may kinalaman kay Ruth na babaing Moabita.​—Ru 1:4, 16-18.

w13 8/15 4 ¶5-6

Pinabanal Na Kayo

5 Basahin ang Nehemias 13:4-9. Napalilibutan tayo ng maruruming impluwensiya kaya mahirap makapanatiling banal. Kuning halimbawa sina Eliasib at Tobia. Si Eliasib ang mataas na saserdote, at si Tobia naman ay isang Ammonita at malamang na isang mababang opisyal ng pamahalaang Persiano sa Judea. Hinadlangan ni Tobia at ng kaniyang mga kasamahan ang pagsisikap ni Nehemias na itayong muli ang pader ng Jerusalem. (Neh. 2:10) Bawal pumasok sa bakuran ng templo ang mga Ammonita. (Deut. 23:3) Kaya bakit naglaan ang mataas na saserdote ng dako sa isang bulwagang kainan sa templo para sa isang taong gaya ni Tobia?

6 Malapít na kasamahan ni Eliasib si Tobia. Nakapag-asawa si Tobia at ang kaniyang anak na si Jehohanan ng mga babaing Judio, at mataas ang tingin ng maraming Judio kay Tobia. (Neh. 6:17-19) Napangasawa naman ng apo ni Eliasib ang anak na babae ni Sanbalat, na gobernador ng Samaria at isa sa malalapít na kaibigan ni Tobia. (Neh. 13:28) Malamang na dahil sa mga ugnayang iyan kung kaya hinayaan ng mataas na saserdoteng si Eliasib na maimpluwensiyahan siya ng isang mananalansang at di-sumasampalataya. Pero nagpakita ng katapatan si Nehemias kay Jehova nang ihagis niya ang lahat ng muwebles ni Tobia sa labas ng bulwagang kainan.

w96 3/15 16 ¶6

Pagharap sa Hamon ng Pagkamatapat

6 Kung tayo’y matapat sa Diyos na Jehova, iiwasan natin ang pakikipagkaibigan sa lahat ng kaniyang kaaway. Iyan ang dahilan kung kaya sumulat ang alagad na si Santiago: “Mga mangangalunya, hindi ba ninyo alam na ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-away sa Diyos? Samakatuwid, ang sinumang naghahangad na maging kaibigan ng sanlibutan ay ibinibilang ang kaniyang sarili na kaaway ng Diyos.” (Santiago 4:4) Ibig nating maging matapat na kagaya ng ipinamalas ni Haring David nang sabihin niya: “Hindi ko ba kinapopootan yaong matinding napopoot sa iyo, O Jehova, at hindi ba ako nakadarama ng pagkasuklam para sa mga naghihimagsik laban sa iyo? Kinapopootan ko sila taglay ang lubusang pagkapoot. Sila ay naging tunay na mga kaaway sa akin.” (Awit 139:21, 22) Hindi natin ibig na makisalamuha sa sinumang sinasadyang magkasala, sapagkat wala tayong kaugnayan sa kanila. Hindi ba ang pagkamatapat sa Diyos ang siyang hahadlang sa atin na makisalamuha sa gayong mga kaaway ni Jehova, nang tuwiran man o sa pamamagitan ng telebisyon?

Espirituwal na Hiyas

it-2 430 ¶1

Musika

Itinuring na napakahalaga ang pag-awit sa templo. Makikita ito sa maraming pagtukoy ng Kasulatan sa mga mang-aawit at sa ‘pagpapalaya sa kanila mula sa tungkulin’ na karaniwan sa ibang mga Levita upang lubusan nilang maiukol ang kanilang sarili sa kanilang paglilingkod. (1Cr 9:33) Ang pagtatala sa kanila nang bukod sa gitna niyaong mga bumalik mula sa Babilonya ay nagdiriin sa kahalagahan ng pagpapatuloy nila bilang isang pantanging pangkat ng mga Levita. (Ezr 2:40, 41) Maging ang awtoridad ng Persianong hari na si Artajerjes (Longimanus) ay ginamit para sa kanilang kapakanan, anupat pinalibre sila, kasama ng iba pang mga pantanging pangkat, mula sa ‘buwis, tributo, at singil.’ (Ezr 7:24) Nang maglaon, iniutos ng hari na dapat magkaroon ng “takdang paglalaan para sa mga mang-aawit ayon sa pangangailangan sa bawat araw.” Bagaman si Artajerjes ang kinikilalang nagbigay ng utos na ito, malamang na si Ezra ang nagpalabas niyaon salig sa kapangyarihang ipinagkaloob sa kaniya ni Artajerjes. (Ne 11:23; Ezr 7:18-26) Sa gayon, mauunawaan natin kung bakit tinutukoy ng Bibliya ang mga mang-aawit bilang isang pantanging kalipunan, anupat binabanggit “ang mga mang-aawit at ang mga Levita,” bagaman mga Levita rin sila.​—Ne 7:1; 13:10.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share