Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo
© 2023 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
SETYEMBRE 4-10
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | ESTHER 1-2
“Sikaping Maging Mapagpakumbaba Gaya ni Esther”
Makapananatili Kang Mahinhin Kahit May Pagsubok
11 Ang labis na papuri ay puwede ring sumubok sa ating kahinhinan. Tingnan kung paano hinarap ni Esther ang malalaking pagbabago sa buhay niya. Napakaganda niya at lalo pa siyang pinaganda sa loob ng isang taon gamit ang mamahaling mga langis na pangmasahe. Araw-araw niyang kasama ang maraming kabataang babae mula sa buong Imperyo ng Persia, na nagpapaligsahan para makuha ang atensiyon ng hari. Pero nanatiling magalang at mahinhin si Esther. Hindi siya naging mayabang o pangahas kahit noong maging reyna siya.—Es. 2:9, 12, 15, 17.
Nanindigan Siya Para sa Bayan ng Diyos
15 Nang panahon na para iharap si Esther sa hari, hinayaan siyang pumili ng mga gamit na sa tingin niya ay kailangan niya, marahil para lalong gumanda. Pero hindi siya humiling ng anuman maliban sa mga bagay na binanggit ni Hegai. (Es. 2:15) Malamang na naisip ni Esther na hindi lang kagandahan ang makabibihag sa puso ng hari; di-hamak na mas mahalaga ang kahinhinan at kapakumbabaan. Tama ba siya?
Makapananatili Kang Mahinhin Kahit May Pagsubok
12 Ang kahinhinan ay tumutulong sa atin na manamit, mag-ayos, at gumawi nang disente at kagalang-galang. Sa halip na magyabang o magpapansin, nagpapakita tayo ng “tahimik at mahinahong espiritu.” (Basahin ang 1 Pedro 3:3, 4; Jer. 9:23, 24) Kung mataas ang tingin natin sa ating sarili, lalabas at lalabas ito sa ating paggawi. Halimbawa, baka nagpapahiwatig tayo na may espesyal tayong pribilehiyo, na may alam tayong hindi alam ng iba, o na may koneksiyon tayo sa mga kapatid na nangangasiwa. O baka ang paraan natin ng pagpapaliwanag ay para sa atin mapunta ang papuri sa mga ideyang may kontribusyon din naman ang iba. Muli, nagpakita si Jesus ng magandang halimbawa. Marami sa mga sinabi niya ay sinipi niya sa Hebreong Kasulatan o ibinatay niya rito. May-kahinhinan siyang nagsalita nang gayon para malaman ng mga tagapakinig niya na hindi sa kaniya galing ang sinasabi niya kundi kay Jehova.—Juan 8:28.
Espirituwal na Hiyas
Alam Mo Ba?
May mga mananaliksik na nakatuklas ng tekstong cuneiform mula sa Persia na bumanggit sa isang lalaking nagngangalang Marduka (Mardokeo sa Tagalog). Naglingkod siya bilang administrador, o posibleng bilang accountant, sa Susan. Sinabi ng isang eksperto sa kasaysayan ng Silangan na si Arthur Ungnad na “maliban sa Bibliya, [ang cuneiform na ito] ang tanging bumanggit kay Mardokeo” noong panahong iyon.
Mula nang sabihin ito ni Ungnad, libo-libo nang iba pang cuneiform mula sa Persia ang naisalin ng mga iskolar. Kasama sa mga ito ang mga tablet ng Persepolis, na nakuha sa mga guho ng Treasury, malapit sa mga pader ng lunsod. Ang mga tablet na ito ay mula pa noong namamahala si Jerjes I. Ito ay nasa wikang Elamita at nakasulat dito ang ilang pangalang makikita sa aklat ng Esther.
Nabanggit sa ilang tablet ng Persepolis ang pangalang Marduka, na naglingkod bilang kalihim ng hari sa palasyo ng Susan noong namamahala si Jerjes I. Makikita naman sa isang tablet na si Marduka ay isang tagapagsalin. Tamang-tama iyan sa paglalarawan ng Bibliya kay Mardokeo. Isa siyang opisyal na naglingkod sa korte ni Haring Ahasuero (Jerjes I) at nakakapagsalita siya nang di-bababa sa dalawang wika. Laging nakaupo si Mardokeo sa pintuang-daan ng hari sa palasyo sa Susan. (Es. 2:19, 21; 3:3) Ang pintuang-daan na ito ay isang malaking gusali kung saan nagtatrabaho ang mga opisyal sa palasyo.
Kapansin-pansin ang mga pagkakatulad ng Marduka na binabanggit sa mga tablet at ng Mardokeo na binabanggit sa Bibliya. Nabuhay sila sa iisang panahon at iisang lugar at pareho silang naging opisyal sa palasyo. Ipinapahiwatig ng lahat ng pagkakatulad na ito na ang mga natuklasan ng arkeologo ay tumutukoy kay Mardokeo na binabanggit sa aklat ng Esther.
SETYEMBRE 11-17
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | ESTHER 3-5
“Tulungan ang Iba na Maabot ang Buong Potensiyal Nila”
Mardokeo
Tumangging Yumukod kay Haman. Kasunod nito, si Haman na Agagita ay ginawang punong ministro ni Ahasuero, na nag-utos na ang lahat ng nasa pintuang-daan ng hari ay magpatirapa kay Haman sa kaniyang itinaas na posisyon. Matatag na tumanggi si Mardokeo at idinahilan na isa siyang Judio. (Es 3:1-4) Ipinakikita ng pagkilos ni Mardokeo salig sa kadahilanang ito na may kinalaman iyon sa kaniyang kaugnayan, bilang isang nakaalay na Judio, sa kaniyang Diyos na si Jehova. Natanto niya na ang pagpapatirapa sa harap ni Haman ay hindi lamang basta pagsubsob sa lupa sa isang taong dinakila, gaya ng ginawa ng mga Israelita noong nakalipas na mga panahon, bilang simpleng pagkilala sa nakatataas na posisyon ng isa bilang tagapamahala. (2Sa 14:4; 18:28; 1Ha 1:16) Sa kaso ni Haman, may mabuting dahilan si Mardokeo para hindi yumukod sa kaniya. Malamang na si Haman ay isang Amalekita, at ipinahayag ni Jehova na makikipagdigma siya sa Amalek “sa sali’t salinlahi.” (Exo 17:16; tingnan ang HAMAN.) Hindi iyon isang usaping pampulitika, kundi nasasangkot doon ang katapatan ni Mardokeo sa Diyos.
Mardokeo
Ginamit Upang Iligtas ang Israel. Sa harap ng utos na puksain ang lahat ng Judio sa imperyo, naniniwala si Mardokeo na si Esther ay binigyan ng maharlikang dangal nito noong mismong panahong iyon para sa katubusan ng mga Judio. Ipinakita niya kay Esther ang mabigat na pananagutan nito at inutusan ito na mamanhik at humingi ng tulong sa hari. Bagaman manganganib ang kaniyang buhay sa paggawa nito, sumang-ayong sumunod si Esther.—Es 4:7–5:2.
Nanindigan Siya Para sa Bayan ng Diyos
22 Tiyak na nanlumo si Esther nang makarating sa kaniya ang mensaheng iyon. Ito ang pinakamalaking pagsubok sa kaniyang pananampalataya. Natatakot siya, gaya ng inamin niya sa kaniyang sagot kay Mardokeo. Ipinaalaala niya rito ang batas ng hari. Ang pagpunta sa hari nang hindi ipinatatawag ay nangangahulugan ng kamatayan. At maliligtas lang ang nagkasala kung iuunat sa kaniya ng hari ang ginintuang setro. May dahilan ba si Esther na umasang kaaawaan siya ng hari, lalo na kung iisipin ang nangyari kay Vasti nang tumanggi itong humarap sa hari noong ipatawag ito? Sinabi ni Esther kay Mardokeo na 30 araw na siyang hindi ipinatatawag ng hari! Kaya iniisip niyang baka wala na sa kaniya ang pabor ng hari na mabilis magbago ang isip.—Es. 4:9-11.
23 Sa kaniyang sagot, pinalakas ni Mardokeo ang pananampalataya ni Esther. Tiniyak niya kay Esther na kung hindi ito kikilos, may ibang pagmumulan ng kaligtasan para sa mga Judio. At aasahan ba ni Esther na makaliligtas siya kapag tumindi na ang pag-uusig? Ipinakita rito ni Mardokeo ang kaniyang matibay na pananampalataya kay Jehova, na hinding-hindi papayag na malipol ang Kaniyang bayan at mabigo ang Kaniyang mga pangako. (Jos. 23:14) Pagkatapos ay tinanong ni Mardokeo si Esther: “Sino ang nakaaalam kung dahil nga sa pagkakataong katulad nito kaya nagkamit ka ng maharlikang dangal?” (Es. 4:12-14) Hindi ba’t napakagandang tularan si Mardokeo? Buo ang tiwala niya sa kaniyang Diyos na si Jehova. Ganiyan din ba tayo?—Kaw. 3:5, 6.
Espirituwal na Hiyas
Pakikipaglaban Para sa Malayang Pagsamba
14 Tulad nina Esther at Mardokeo, ang bayan ni Jehova sa ngayon ay nakikipaglaban din para sa kalayaang sambahin si Jehova sa paraang iniutos niya. (Es. 4:13-16) Puwede ka bang magkaroon ng bahagi rito? Oo. Puwede mong ipanalangin nang regular ang iyong mga kapatid sa espirituwal na dumaranas ng kawalang-katarungan. Ang gayong mga panalangin ay malaking tulong sa mga kapatid na napapaharap sa mga problema at pag-uusig. (Basahin ang Santiago 5:16.) Sinasagot ba ni Jehova ang gayong mga panalangin? Ang mga tagumpay natin sa korte ang nagpapatunay riyan!—Heb. 13:18, 19.
SETYEMBRE 18-24
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | ESTHER 6-8
“Aral Tungkol sa Tamang Pakikipag-usap”
Siya ay Matalino, Matapang, at Di-makasarili
15 Dahil sa pagkamatiisin ni Esther, anupat naghintay ng isa pang araw bago humiling sa hari, nagbigay-daan ito para mahulog si Haman sa sarili niyang bitag. At hindi kaya ang Diyos na Jehova ang nagpangyaring hindi makatulog ang hari? (Kaw. 21:1) Hindi kataka-takang hinihimok tayo ng Salita ng Diyos na magpakita ng “mapaghintay na saloobin”! (Basahin ang Mikas 7:7.) Kapag naghihintay tayo sa Diyos, makikita natin na ang solusyon niya sa ating mga problema ang pinakamahusay.
Nagsalita Siya Nang May Katapangan
16 Hindi tatangkain ni Esther na subukin ang pagtitiis ng hari; kailangan na niyang sabihin ang lahat sa ikalawang piging. Pero paano? Mabuti na lang, tinanong siyang muli ng hari kung ano ang kahilingan niya. (Es. 7:2) Ito na ang “panahon ng pagsasalita” ni Esther.
Siya ay Matalino, Matapang, at Di-makasarili
17 Maguguniguni natin na tahimik na nanalangin si Esther sa kaniyang Diyos bago niya sinabi ang mga salitang ito: “Kung nakasumpong ako ng lingap sa iyong paningin, O hari, at kung sa hari ay wari ngang mabuti, ibigay nawa sa akin ang aking kaluluwa ayon sa aking pakiusap at ang aking bayan ayon sa aking kahilingan.” (Es. 7:3) Pansinin na tiniyak niya sa hari na igagalang niya anuman ang mabuti sa tingin nito. Ibang-iba nga si Esther sa dating asawa ng hari na si Vasti, na sadyang humiya sa kaniyang asawa! (Es. 1:10-12) Bukod diyan, hindi sinabi ni Esther na nagkamali ang hari sa pagtitiwala kay Haman. Sa halip, nagsumamo siya sa hari na protektahan siya dahil nanganganib ang buhay niya.
Siya ay Matalino, Matapang, at Di-makasarili
18 Tiyak na nagulat at nabahala ang hari sa kahilingang iyon. Sino ang maglalakas-loob na pagtangkaan ang buhay ng kaniyang reyna? Nagpatuloy si Esther: “Ipinagbili kami, ako at ang aking bayan, upang lipulin, patayin at puksain. Kung ipinagbili kami bilang mga aliping lalaki at bilang mga alilang babae, nanatili na lamang sana akong tahimik. Ngunit ang kabagabagan ay hindi angkop kung ikapipinsala ng hari.” (Es. 7:4) Pansinin na tuwirang ibinunyag ni Esther ang problema, pero sinabi rin niya na mananahimik na lang sana siya kung tungkol lang ito sa pang-aalipin. Pero ang bantang ito ng paglipol ay magdudulot ng malaking pinsala sa hari kaya nagsalita siya.
19 Marami tayong matututuhan kay Esther tungkol sa tamang paraan ng panghihikayat. Kung kailangan mong sabihin sa isang minamahal o kahit sa isang taong may awtoridad ang isang mabigat na problema, makatutulong nang malaki ang pagiging matiisin, magalang, at prangka.—Kaw. 16:21, 23.
Espirituwal na Hiyas
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Esther
7:4—Bakit magdudulot ng ‘pinsala sa hari’ ang pagkalipol ng mga Judio? Sa mataktikang paraan, sinabi ni Esther ang posibilidad na ipagbili ang mga Judio bilang mga alipin at ang pinsalang maidudulot sa hari kapag nilipol ang mga ito. Di-hamak na maliit na halaga ang 10,000 piraso ng pilak na ipinangakong ihuhulog ni Haman sa ingatang-yaman ng hari kung ihahambing sa salaping makukuha kung naisip ni Haman na ipagbili ang mga Judio bilang mga alipin. Kapag isinagawa ang pakana, mangangahulugan din ito ng kamatayan ng reyna.
SETYEMBRE 25–OKTUBRE 1
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | ESTHER 9-10
“Ginamit Niya ang Awtoridad Niya Para sa Iba”
Mardokeo
Si Mardokeo ang inihalili kay Haman bilang punong ministro at tinanggap niya ang singsing na panlagda ng hari na pantatak sa mga dokumento ng estado. Inatasan ni Esther si Mardokeo upang mamahala sa sambahayan ni Haman, na ibinigay ng hari kay Esther. Nang magkagayon ay ginamit ni Mardokeo ang awtorisasyon ng hari upang maglabas ng isang kontra-batas na nagbibigay sa mga Judio ng legal na karapatang ipagtanggol ang kanilang sarili. Para sa mga Judio, iyon ay nangahulugan ng katubusan at kagalakan. Marami sa mga nasa Imperyo ng Persia ang kumampi sa mga Judio, at pagsapit ng Adar 13, ang araw kung kailan magkakabisa ang mga kautusan, nakahanda na ang mga Judio. Sinuportahan sila ng lahat ng mga opisyal dahil sa mataas na posisyon ni Mardokeo. Sa Susan ay lumawig pa ng isang araw ang labanan. Mahigit 75,000 kaaway ng mga Judio sa Imperyo ng Persia ang napuksa, kabilang na ang sampung anak ni Haman. (Es 8:1–9:18) Taglay ang pagpapatibay ni Esther, ipinag-utos ni Mardokeo ang taunang pagdiriwang ng kapistahan ng ika-14 at ika-15 araw ng Adar, ang ‘mga araw ng Purim,’ para sa kasayahan at pagpipiging at pagbibigayan ng mga kaloob sa isa’t isa at sa mga dukha. Tinanggap ng mga Judio ang kapistahan at ipinatupad nila iyon sa kanilang mga supling at sa lahat ng mga pumipisan sa kanila. Bilang ikalawa sa imperyo, si Mardokeo ay iginalang ng nakaalay na bayan ng Diyos, ang mga Judio, at patuloy siyang gumawa para sa kanilang kapakanan.—Es 9:19-22, 27-32; 10:2, 3.
Purim
Layunin. Bagaman sinasabi ng ilang komentarista na ang Kapistahan ng Purim na ipinagdiriwang ng mga Judio sa ngayon ay isa nang sekular na okasyon at hindi na relihiyoso anupat kung minsan ay may kasamang mga pagpapakalabis, hindi ganito ang kalagayan noong itatag ito at noong una itong ipagdiwang. Sina Mardokeo at Esther ay kapuwa lingkod ng tunay na Diyos na si Jehova, at itinatag ang kapistahan upang parangalan Siya. Maituturing na ang Diyos na Jehova ang nagligtas sa mga Judio noong panahong iyon, sapagkat bumangon noon ang isyu dahil sa katapatan ni Mardokeo sa pag-uukol ng bukod-tanging pagsamba kay Jehova. Malamang na si Haman ay isang Amalekita, na ang bansa ay espesipikong isinumpa ni Jehova at hinatulan ng pagkapuksa. Iginalang ni Mardokeo ang kapahayagan ng Diyos at tumanggi siyang yumukod kay Haman. (Es 3:2, 5; Exo 17:14-16) Gayundin, ang pananalita ni Mardokeo kay Esther (Es 4:14) ay nagpapakitang umasa si Mardokeo na may isang nakatataas na kapangyarihan na makapagliligtas sa mga Judio, at ang pag-aayuno ni Esther bago siya pumaroon sa hari upang iharap ang kaniyang unang pakiusap, na isang paanyaya sa isang piging, ay nagpapakitang namanhik siya sa Diyos na tulungan siya.—Es 4:16.
“Tularan Ninyo ang Diyos” sa Paggamit ng Kapangyarihan
12 Si Jehova ay naglalaan ng mga tagapangasiwa upang manguna sa kongregasyong Kristiyano. (Hebreo 13:17) Dapat gamitin ng kuwalipikadong mga lalaking ito ang kanilang bigay-Diyos na awtoridad upang maglaan ng kinakailangang alalay at upang makatulong sa kapakanan ng kawan. Ang kanila bang posisyon ay nagbibigay-karapatan sa mga elder na mag-astang panginoon sa kanilang mga kapananampalataya? Hinding-hindi! Ang mga elder ay kailangang magkaroon ng timbang at mapagpakumbabang pananaw sa kanilang papel sa kongregasyon. (1 Pedro 5:2, 3) Sinasabi ng Bibliya sa mga tagapangasiwa: “Magpastol [kayo] sa kongregasyon ng Diyos, na binili niya ng dugo ng sarili niyang Anak.” (Gawa 20:28) Isa itong matinding dahilan upang pakitunguhan nang may paggiliw ang bawat isa sa kongregasyon.
13 Maaari natin itong ipaghalimbawa sa ganitong paraan. Pinaiingatan sa iyo ng isang matalik na kaibigan ang isang pinakamamahal na pag-aari. Alam mong napakamahal ng pagkakabili ng iyong kaibigan sa pag-aaring iyon. Hindi mo ba ito pakaiingatan? Sa katulad na paraan, ipinagkatiwala ng Diyos sa mga elder ang pananagutang alagaan ang pinakamamahal na pag-aari: ang mga kapatid sa kongregasyon, na itinulad ng Bibliya sa mga tupa. (Juan 21:16, 17) Ang mga tupa ni Jehova ay mahal sa kaniya—sa katunayan, gayon na lamang kamahal anupat binili niya ang mga ito sa pamamagitan ng mahalagang dugo ng kaniyang kaisa-isang Anak, si Jesu-Kristo. Wala nang hihigit pa sa halagang ibinayad ni Jehova para sa kaniyang mga tupa. Tinatandaan iyan ng mapagpakumbabang mga elder at pinakikitunguhan ang mga tupa ni Jehova sa paraang kaayon nito.
Espirituwal na Hiyas
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Esther
9:10, 15, 16—Bagaman ipinahihintulot ng batas na kumuha sila ng samsam, bakit tumanggi ang mga Judio na gawin ito? Maliwanag na ipinakikita ng kanilang pagtanggi na ang layunin nila ay maingatan ang kanilang buhay, hindi ang magpayaman.
OKTUBRE 2-8
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | JOB 1-3
“Patuloy na Ipakita Kung Gaano Mo Kamahal si Jehova”
Tularan ang Pananampalataya at Pagkamasunurin Nina Noe, Daniel, at Job
16 Mga hamong napaharap kay Job. Dumanas si Job ng malalaking pagbabago sa kaniyang buhay. Noong una, siya ang “pinakadakila sa lahat ng mga taga-Silangan.” (Job 1:3) Mayaman siya, kilalá, at talagang iginagalang. (Job 29:7-16) Pero hindi inisip ni Job na nakahihigit siya sa iba o na hindi na niya kailangan ang Diyos. Tinawag pa nga siya ni Jehova na “aking lingkod,” at sinabing isa siyang “lalaking walang kapintasan at matuwid, na natatakot sa Diyos at lumilihis sa kasamaan.”—Job 1:8.
17 Pero sa maikling panahon, biglang nagbago ang mundo ni Job. Nawala sa kaniya ang lahat kung kaya nanlumo siya at gusto nang mamatay. Alam natin na kagagawan ito ng maninirang-puri na si Satanas. Pinagbintangan niya si Job at sinabing naglilingkod lang ito sa Diyos dahil sa sariling pakinabang. (Basahin ang Job 1:9, 10.) Hindi binale-wala ni Jehova ang masamang bintang na iyon. Kaya naman binigyan Niya si Job ng pagkakataong patunayan na tapat siya at naglilingkod udyok ng pag-ibig.
Manatiling Tapat!
10 Pinagbibintangan din ni Satanas ang bawat isa sa atin. Paano? Para bang sinasabi niya na hindi mo talaga mahal ang Diyos na Jehova, na hihinto ka sa paglilingkod sa kaniya para mailigtas ang sarili mo, at na hindi totoong tapat ka sa kaniya! (Job 2:4, 5; Apoc. 12:10) Masakit, hindi ba? Pero isipin mo ito: Ganoon kalaki ang tiwala sa iyo ni Jehova kaya binigyan ka niya ng isang espesyal na oportunidad. Hinahayaan ni Jehova si Satanas na subukin ang katapatan mo. Nagtitiwala si Jehova na mananatili kang tapat at tutulungan mo siyang patunayan na sinungaling si Satanas. Nangangako rin siyang tutulungan ka niya. (Heb. 13:6) Napakalaking karangalan ang pagtiwalaan ng Soberano ng uniberso! Nakikita mo na ba kung bakit napakahalaga ng katapatan? Mapapatunayan mong sinungaling si Satanas, maitataguyod mo ang malinis na pangalan ng ating Ama, at masusuportahan mo ang pamamahala niya. Ano ang puwede nating gawin para makapanatili tayong tapat?
Espirituwal na Hiyas
Matuto sa mga Huling Sinabi ni Jesus
9 Ano ang sinabi ni Jesus? Bago mamatay si Jesus, sumigaw siya: “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” (Mat. 27:46) Hindi ipinapaliwanag ng Bibliya kung bakit sinabi iyan ni Jesus. Pero ano ang matututuhan natin dito? Nang sabihin iyan ni Jesus, tinutupad niya ang hula sa Awit 22:1. Ipinapakita rin nito na si Jehova ay hindi naglagay ng “bakod sa palibot” ng kaniyang Anak. (Job 1:10) Naintindihan ni Jesus na tuluyan na siyang ibinigay ng kaniyang Ama sa mga kaaway niya para lubusan siyang masubok—isang pagsubok na hindi naranasan ng sinumang tao. Pinapatunayan din nito na si Jesus ay walang nagawang anumang krimen na nararapat sa parusang kamatayan.
OKTUBRE 9-15
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | JOB 4-5
“Mag-ingat sa Maling Impormasyon”
it-1 680
Elipaz
2. Isa sa tatlong kasamahan ni Job. (Job 2:11) Yamang isang Temanita, malamang na isa siyang inapo ng Blg. 1, samakatuwid ay isang inapo ni Abraham at malayong kamag-anak ni Job. Ipinaghambog niya at ng kaniyang mga kaapu-apuhan ang kanilang karunungan. (Jer 49:7) Sa tatlong “mang-aaliw,” si Elipaz ang namumukod-tangi bilang ang pinakamahalaga at pinakamaimpluwensiya, na nagpapahiwatig na maaaring siya rin ang pinakamatanda. Siya ang unang nagsasalita sa tatlong yugto ng debate, at mas mahahaba ang kaniyang mga pahayag.
Labanan ang Maling Kaisipan!
Sa paggunita sa isang kakaibang karanasan niya, sinabi ni Elipaz: “Isang espiritu ang dumaan sa aking mukha; ang balahibo ng aking laman ay nagsimulang mangalisag. Ito ay tumayong nakatigil, ngunit hindi ko nakilala ang kaanyuan nito; isang anyo ang nasa harap ng aking mga mata; nagkaroon ng katahimikan, at narinig ko ngayon ang isang tinig.” (Job 4:15, 16) Anong uri ng espiritu ang nakaimpluwensiya sa pag-iisip ni Elipaz? Ipinakikita ng mapanghatol na himig ng sumunod na mga salita na ang espiritung iyon ay tiyak na hindi isa sa matuwid na mga anghel ng Diyos. (Job 4:17, 18) Ito ay isang balakyot na espiritung nilalang. Kung hindi gayon, bakit sinaway ni Jehova si Elipaz at ang kaniyang dalawang kasamahan dahil sa pagsasabi ng kasinungalingan? (Job 42:7) Oo, si Elipaz ay naimpluwensiyahan ng demonyo. Ipinaaaninag ng kaniyang mga sinabi ang di-makadiyos na kaisipan.
Labanan ang Propaganda ni Satanas
Ginamit ni Satanas si Elipaz, isa sa tatlong dumalaw kay Job, para igiit na walang kalaban-laban ang mga tao kay Satanas. Matapos tukuyin ang mga tao bilang “mga tumatahan sa mga bahay na luwad,” sinabi ni Elipaz kay Job: “Ang [kanilang] pundasyon ay nasa alabok! Sila ay mas madaling durugin ng isa kaysa sa isang tangà. Mula umaga hanggang gabi ay pinagdudurug-durog sila; kahit walang sinumang nagsasapuso niyaon ay nalilipol sila magpakailanman.”—Job 4:19, 20.
Sa isa pang talata sa Kasulatan, inihalintulad naman tayo sa marurupok na “sisidlang luwad.” (2 Cor. 4:7) Marupok tayo dahil sa minana nating kasalanan at di-kasakdalan. (Roma 5:12) Kung tayo lang, wala tayong laban kay Satanas. Pero bilang mga Kristiyano, makakaasa tayo sa tulong ni Jehova. Sa kabila ng ating mga kahinaan, mahalaga pa rin tayo sa paningin ng Diyos. (Isa. 43:4) Hindi lang iyan, nagbibigay rin si Jehova ng banal na espiritu doon sa mga humihingi sa kaniya. (Luc. 11:13) Dahil sa kaniyang espiritu, nagkakaroon tayo ng “lakas na higit sa karaniwan” anupat nakakayanan ang anumang pagsubok ni Satanas. (2 Cor. 4:7; Fil. 4:13) Kung maninindigan tayo laban sa Diyablo at magiging “matatag sa pananampalataya,” palalakasin tayo ng Diyos. (1 Ped. 5:8-10) Kaya hindi tayo dapat matakot kay Satanas na Diyablo.
Mag-ingat sa Maling Impormasyon
● Suriin ang pinagmulan ng impormasyon at ang nilalaman nito
Ang sabi ng Bibliya: “Tiyakin ninyo ang lahat ng bagay.”—1 Tesalonica 5:21.
Bago maniwala o ipasa sa iba ang nabasa mo o napanood, siguraduhin mo muna kung totoo ito kahit kalat na kalat na ito o paulit-ulit nang ibinabalita. Paano?
Suriin ang pinagmulan ng balita. Minsan, posibleng ibahin ng mga news media company at ng iba pang organisasyon ang pagbabalita nila dahil sa pakinabang o depende sa pananaw nila sa politika. Kaya ikumpara ang napanood mo sa iba pang nagbalita nito. Kung minsan, di-sinasadyang nakakapag-e-mail o nakakapag-post ng maling impormasyon ang mga kaibigan natin. Kaya huwag mong basta paniwalaan ang isang bagay hangga’t hindi mo natitiyak ang talagang pinagmulan nito.
Siguraduhing tama at updated ang nilalaman ng balita. I-check ang petsa at iba pang detalye, pati na ang mga ebidensiya na magpapatunay dito. Lalo nang mag-ingat kapag parang masyadong pinasimple ang komplikadong impormasyon o kapag ang intensiyon ng balita ay para maapektuhan ang emosyon mo.
Espirituwal na Hiyas
Manatiling Matatag, at Magwagi sa Takbuhan Ukol sa Buhay
Ang pagiging bahagi ng pandaigdig na organisasyon ng tunay na mga mananamba ay maaaring magkaroon ng mapuwersang epekto sa ating katatagan. Kaylaking pagpapala sa atin na mapabilang sa gayong maibigin at pandaigdig na kapatiran! (1 Pedro 2:17) At maaari tayong magdulot ng gayunding nagpapatatag na epekto sa ating mga kapananampalataya.
Isaalang-alang ang matulunging pagkilos ng matuwid na taong si Job. Kahit na ang huwad na mang-aaliw na si Elipaz ay napilitang umamin: “Ang sinumang natitisod ay ibinabangon ng iyong mga salita; at ang mga tuhod na nanlalambot ay iyong pinatatatag.” (Job 4:4) Kumusta naman tayo sa bagay na ito? Tayo bilang mga indibiduwal ay may pananagutang tumulong sa ating espirituwal na mga kapatid upang makapagbata sa paglilingkod sa Diyos. Sa ating pakikitungo sa kanila, tayo ay maaaring kumilos batay sa espiritu ng mga salitang: “Palakasin ninyo ang mahihinang kamay, at patatagin ninyo ang mga tuhod na nangangatog.” (Isaias 35:3) Kaya bakit hindi mo gawing iyong tunguhin na palakasin at patibayin ang loob ng isa o dalawang kapuwa Kristiyano sa bawat pagkakataong makita mo sila? (Hebreo 10:24, 25) Ang nakapagpapatibay na mga salita ng komendasyon at pasasalamat sa kanilang patuloy na pagsisikap na palugdan si Jehova ay tunay na makatutulong sa kanila upang manatiling matatag na umaasang mananalo sa takbuhan ukol sa buhay.
OKTUBRE 16-22
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | JOB 6-7
“Kapag Parang Hindi Mo Na Kaya”
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Job
7:1; 14:14—Ano ang kahulugan ng “sapilitang pagpapagal” o “sapilitang paglilingkod”? Napakatindi ng paghihirap ni Job anupat inisip niyang ang buhay ay gaya ng napakabigat at nakapapagod na sapilitang pagpapagal. (Job 10:17, talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures—With References) Yamang ang panahong ilalagi ng isa sa Sheol ay sapilitan—mula sa panahon ng kaniyang kamatayan hanggang sa pagkabuhay-muli—inihalintulad ni Job ang panahong iyon sa sapilitang paglilingkod.
‘Inililigtas ni Jehova ang mga Nasisiraan ng Loob’
KUNG minsan, baka naiisip natin kung gaano kaikli ang buhay at na ito ay “punô ng problema.” (Job 14:1) Kaya normal lang na masiraan tayo ng loob paminsan-minsan. Ganiyan din ang naramdaman ng ilang lingkod ni Jehova noon. Gusto pa ngang mamatay ng ilan. (1 Hari 19:2-4; Job 3:1-3, 11; 7:15, 16) Pero lagi silang pinapatibay at pinapalakas ni Jehova—ang Diyos na pinagtitiwalaan nila. Ang mga ulat tungkol sa kanila ay inirekord para mapatibay tayo at matuto.—Roma 15:4.
Kapag Parang Ayaw Mo Nang Mabuhay
Kahit parang wala nang kapag-a-pag-asa ang sitwasyon mo, tandaan na hindi ka nag-iisa at nakalulungkot na halos lahat ng tao sa ngayon ay nakakaranas ng problema. Sinasabi ng Bibliya: “Ang buong sangnilalang ay patuloy na dumaraing na magkakasama at nasasaktang magkakasama.” (Roma 8:22) Maaaring sa ngayon, parang walang kalutasan ang problema mo; pero sa paglipas ng panahon, kadalasan nang bumubuti ang sitwasyon. Samantala, ano ang makatutulong sa iyo?
Sabihin ang iyong nadarama sa isang may-gulang at pinagkakatiwalaang kaibigan. Ang sabi ng Bibliya: “Ang tunay na kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganganak kapag may kabagabagan.” (Kawikaan 17:17) Halimbawa, ang matuwid na taong si Job ay nagsabi sa iba tungkol sa kaniyang ikinababahala. Nang makadama siya ng ‘pagkarimarim sa kaniyang buhay,’ sinabi niya: “Ako ay magbubulalas ng aking pagkabahala tungkol sa aking sarili. Ako ay magsasalita sa kapaitan ng aking kaluluwa!” (Job 10:1) Ang pagsasabi sa iba ng iyong nadarama ay makapagpapagaan ng kalooban mo, at maaaring mabago ang pananaw mo tungkol sa iyong problema.
Sabihin sa Diyos sa panalangin ang nilalaman ng iyong puso. Ayon sa ilan, ang tulong na nagagawa ng panalangin ay nasa isip lang. Pero iba naman ang sinasabi ng Bibliya. Sa Awit 65:2, tinutukoy ang Diyos na Jehova bilang ang “Dumirinig ng panalangin,” at sinasabi ng 1 Pedro 5:7: “Siya ay nagmamalasakit sa inyo.” Idiniriin ng Bibliya na mahalagang magtiwala sa Diyos. Halimbawa:
“Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa. Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.”—KAWIKAAN 3:5, 6.
“Ang nasa ng mga may takot [kay Jehova] ay kaniyang isasagawa, at ang kanilang paghingi ng tulong ay kaniyang diringgin, at ililigtas niya sila.”—AWIT 145:19.
“Ito ang pagtitiwala na taglay natin sa kaniya, na, anumang bagay ang hingin natin ayon sa kaniyang kalooban, tayo ay pinakikinggan niya.”—1 JUAN 5:14.
“Si Jehova ay malayo sa mga balakyot, ngunit ang panalangin ng mga matuwid ay dinirinig niya.”—KAWIKAAN 15:29.
Kung sasabihin mo sa Diyos ang hirap na nadarama mo, tutulungan ka niya. Hinihimok ka ng Bibliya na ‘magtiwala sa kaniya sa lahat ng panahon. Sa harap niya ay ibuhos mo ang iyong puso.’—Awit 62:8.
Espirituwal na Hiyas
Makinig, Maging Maunawain, at Magpakita ng Habag
10 Matutularan natin si Jehova kung sisikapin nating unawain ang isa’t isa. Kilalanin ang mga kapatid. Makipagkuwentuhan sa kanila bago at pagkatapos ng pulong, samahan sila sa ministeryo, at kung posible, imbitahan silang kumain. Kapag ginawa mo ito, baka makita mong ang sister na inaakala mong suplada ay mahiyain lang pala, ang brother na inaakala mong materyalistiko ay bukas-palad naman pala, o ang isang pamilyang madalas ma-late sa mga pulong ay inuusig pala. (Job 6:29) Siyempre, hindi naman tayo dapat maging “mapanghimasok sa buhay ng iba.” (1 Tim. 5:13) Pero magandang mas makilala ang mga kapatid at malaman ang pinagmulan at pinagdaanan nila para maintindihan natin sila.
OKTUBRE 23-29
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | JOB 8-10
“Proteksiyon Laban sa mga Kasinungalingan ni Satanas ang Tapat na Pag-ibig ng Diyos”
Talaga Bang Mapalulugdan Natin ang Diyos?
Dumanas si Job nang sunod-sunod na paghihirap na waring di-makatarungan. Inakala niyang walang pakialam ang Diyos kung mananatili siyang tapat o hindi. (Job 9:20-22) Gayon na lang katiwala si Job na siya ay matuwid anupat sa tingin ng iba, para bang sinasabi niyang mas matuwid siya kaysa sa Diyos.—Job 32:1, 2; 35:1, 2.
Ano ang Ibig Sabihin sa Iyo ng Tapat na Pag-ibig ni Jehova?
14 Pinoprotektahan tayo sa espirituwal ng tapat na pag-ibig ng Diyos. Sinabi ni David sa panalangin niya kay Jehova: “Ikaw ay isang lugar na mapagtataguan ko; poprotektahan mo ako sa kagipitan. Papalibutan mo ako ng mga hiyaw ng kagalakan dahil sa iyong pagliligtas. . . . Ang nagtitiwala kay Jehova ay napapalibutan ng Kaniyang tapat na pag-ibig.” (Awit 32:7, 10) Noon, napapalibutan ng mga pader ang isang lunsod at napoprotektahan nito ang mga nakatira doon. Ganiyan din ang tapat na pag-ibig ni Jehova. Pinoprotektahan tayo nito mula sa mga panganib na puwedeng sumubok sa ating katapatan. Dahil din sa tapat na pag-ibig ni Jehova, inilalapit niya tayo sa kaniya.—Jer. 31:3.
Espirituwal na Hiyas
“Sino ang Nakaaalam ng Pag-iisip ni Jehova?”
19 Ano ang natutuhan natin tungkol sa “pag-iisip ni Jehova”? Dapat nating gawing gabay ang Salita ng Diyos para maunawaan ang kaniyang pag-iisip. Hindi natin dapat hatulan si Jehova ayon sa ating limitadong pananaw at sariling pamantayan. Sinabi ni Job: “[Ang Diyos] ay hindi taong tulad ko anupat masasagot ko siya, anupat makaparoroon kaming magkasama sa kahatulan.” (Job 9:32) Tulad ni Job, kapag naunawaan natin ang pag-iisip ni Jehova, tiyak na sasabihin natin: “Narito! Ito ang mga gilid ng kaniyang mga daan, at bulong lamang ng isang bagay ang narinig tungkol sa kaniya! Ngunit tungkol sa kaniyang malakas na kulog ay sino ang makapagpapakita ng unawa?”—Job 26:14.
20 Ano ang dapat gawin kapag may nabasa tayong teksto sa Bibliya na mahirap maunawaan, lalo na kung tungkol sa pag-iisip ni Jehova? Kung nagsaliksik na tayo at hindi pa rin natin iyon maunawaan, ituring natin itong pagsubok sa ating pagtitiwala kay Jehova. Tandaan, may mga pananalita sa Bibliya na nagbibigay sa atin ng pagkakataong maipakita na nagtitiwala tayo sa mga katangian ni Jehova. Mapagpakumbaba nating kilalanin na hindi lahat ng ginagawa ni Jehova ay nauunawaan natin. (Ecles. 11:5) Kaya naman sang-ayon tayo sa sinabi ni Pablo: “O ang lalim ng kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos! Totoong di-masaliksik ang kaniyang mga hatol at di-matalunton ang kaniyang mga daan! Sapagkat ‘sino ang nakaaalam ng pag-iisip ni Jehova, o sino ang naging kaniyang tagapayo?’ O, ‘Sino ang unang nagbigay sa kaniya, anupat dapat itong gantihan sa kaniya?’ Sapagkat mula sa kaniya at sa pamamagitan niya at para sa kaniya ang lahat ng bagay. Sumakaniya nawa ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.”—Roma 11:33-36.
OKTUBRE 30–NOBYEMBRE 5
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS | JOB 11-12
“Tatlong Paraan Para Magkaroon ng Karunungan at Makinabang Dito”
Pinarangalan ni Job ang Pangalan ni Jehova
17 Ano ang nakatulong kay Job na manatiling tapat sa Diyos? Maliwanag na bago pa niya maranasan ang mga trahedya sa buhay niya, mayroon na siyang malapít na kaugnayan kay Jehova. Hindi tayo tiyak kung alam ni Job ang isyung ibinangon ni Satanas kay Jehova. Gayunpaman, determinado siyang manatiling tapat. Sinabi niya: “Hanggang sa pumanaw ako ay hindi ko aalisin sa akin ang aking katapatan!” (Job 27:5) Paano nagkaroon ng malapít na kaugnayan si Job kay Jehova? Tiyak na binulay-bulay niya ang narinig niya tungkol sa mga pakikitungo ng Diyos kina Abraham, Isaac, at Jacob, na malayo niyang mga kamag-anak. At sa pagmamasid sa mga nilalang, naunawaan ni Job ang maraming katangian ni Jehova.—Basahin ang Job 12:7-9, 13, 16.
Hindi Ka Nag-iisa, Kasama Mo si Jehova
10 Makipagkaibigan sa tapat na mga Kristiyano. Makipagkaibigan sa mga kakongregasyon mo na alam mong marami kang matututuhan, kahit pa malayo ang agwat ng edad ninyo o magkaiba kayo ng pinagmulan. Sinasabi ng Bibliya na “taglay ng matatanda ang karunungan.” (Job 12:12) May matututuhan din ang mga may-edad sa mga tapat na kabataan. Malaki ang tanda ni Jonatan kay David, pero naging malapít na magkaibigan pa rin sila. (1 Sam. 18:1) Nagtulungan sila para mapaglingkuran si Jehova sa kabila ng mahihirap na hamon. (1 Sam. 23:16-18) “Mararamdaman talaga natin na parang mga magulang at mga kapatid natin ang mga nasa kongregasyon,” ang sabi ni Irina, isang sister na nag-iisang Saksi sa pamilya. “Ginagamit sila ni Jehova para hindi natin maramdamang nag-iisa tayo.”
11 Hindi madaling makipagkaibigan, lalo na kung mahiyain ka. Sinabi ni Ratna, isang mahiyaing sister na naging Saksi kahit hinadlangan siya ng iba, “Alam ko na kailangan ko ang tulong at suporta ng espirituwal na pamilya ko.” Hindi madaling sabihin sa iba ang nararamdaman mo, pero doon nagsisimula ang malapít na pagkakaibigan. Siguradong gusto kang tulungan at patibayin ng mga kaibigan mo, pero kailangan mong sabihin sa kanila kung paano ka nila matutulungan.
12 Ang pagsama sa ministeryo ang isa sa pinakamagandang paraan para magkaroon ng mga kaibigan. Sinabi ni Carol, na binanggit kanina: “Marami akong sister na nakasama sa ministeryo at sa iba pang espirituwal na gawain at naging mabubuting kaibigan ko sila. Ginamit sila ni Jehova para suportahan ako sa nakalipas na mga taon.” Sulit na makipagkaibigan sa tapat na mga Kristiyano. Ginagamit ni Jehova ang mga kaibigan natin para tulungan tayo kapag may problema tayo at nalulungkot.—Kaw. 17:17.
Karunungan
Karunungan Mula sa Diyos. Ang karunungan sa ganap na diwa nito ay matatagpuan sa Diyos na Jehova, na “tanging marunong.” (Ro 16:27; Apo 7:12) Ang kaalaman ay ang kabatiran sa mga bagay-bagay, at yamang si Jehova ang Maylalang, na “mula pa sa panahong walang takda hanggang sa panahong walang takda” (Aw 90:1, 2), alam niya ang lahat ng bagay tungkol sa uniberso, ang kayarian at ang lahat ng naririto, pati ang kasaysayan nito magpahanggang sa ngayon. Siya ang gumawa ng lahat ng pisikal na batas, siklo, at mga pamantayan na pinagbabatayan ng mga tao sa kanilang pananaliksik at pag-iimbento, anupat kung wala ang mga pamantayang ito ay mahihirapan sila at wala silang magagamit na matatag na saligan. (Job 38:34-38; Aw 104:24; Kaw 3:19; Jer 10:12, 13) Makatuwiran lamang na ang kaniyang moral na mga pamantayan ay lalong mahalaga para sa katatagan, matinong pagpapasiya, at matagumpay na pamumuhay ng mga tao. (Deu 32:4-6; tingnan ang JEHOVA [Isang Diyos ng moral na mga pamantayan].) Lahat ng bagay ay kaya niyang maunawaan. (Isa 40:13, 14) Bagaman maaaring pahintulutan niyang mangyari, at umunlad pa nga pansamantala, ang mga bagay na salungat sa kaniyang matuwid na mga pamantayan, ang kinabukasan ay nakasalalay pa rin sa kaniya at tiyak na magiging kaayon iyon ng kaniyang kalooban, at “tiyak na magtatagumpay” ang mga bagay na sinalita niya.—Isa 55:8-11; 46:9-11.
Espirituwal na Hiyas
Pakikipag-usap sa mga Tin-edyer
▪ ‘Nauunawaan ko ba ang talagang ibig niyang sabihin?’ Sinasabi sa Job 12:11: “Hindi ba sinusubok ng tainga ang mga salita kung paanong nilalasahan ng ngalangala ang pagkain?” Higit kailanman, ngayon mo kailangang ‘subukin’ kung ano ang sinasabi ng iyong anak. Kadalasan nang deretsahan kung magsalita ang mga tin-edyer. Halimbawa, baka sabihin ng anak mo, “Palagi na lang parang bata ang tingin n’yo sa akin!” o “Ni minsan, hindi n’yo ako pinakinggan!” Sa halip na pagtalunan ang mga salitang “palagi” at “ni minsan,” unawain mo na posibleng hindi naman talaga iyon ang ibig sabihin ng iyong anak. Halimbawa, maaaring ang ibig sabihin ng “Palagi na lang parang bata ang tingin n’yo sa akin” ay “Wala po kasi kayong tiwala sa akin,” at ang “Ni minsan, hindi n’yo ako pinakinggan” ay baka “Gusto ko lang po sanang masabi sa inyo ang talagang nararamdaman ko.” Sikapin mong unawain ang talagang ibig niyang sabihin.