Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo
© 2024 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
MAYO 6-12
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS AWIT 36-37
‘Huwag Magalit Dahil sa Masasamang Tao’
Ano ang Mawawala Kapag Dumating Na ang Kaharian ng Diyos?
4 Paano nakaaapekto sa atin ang masasamang tao sa ngayon? Matapos ihula na ang kasalukuyang panahon natin ay magiging “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan,” kinasihan si apostol Pablo na isulat: “Ang mga taong balakyot at mga impostor ay magpapatuloy mula sa masama tungo sa lalong masama.” (2 Tim. 3:1-5, 13) Nakikita mo bang natutupad ito? Marami sa atin ang nabiktima ng masasamang tao, gaya ng mararahas na bully, mga nagtataguyod ng diskriminasyon, at malulupit na kriminal. Lantaran ang kasamaan ng ilan sa kanila; ang iba naman ay mga impostor, na itinatago ang ginagawa nila at nagkukunwaring matuwid. Kahit hindi pa tayo nabiktima ng masasamang tao, nakaaapekto pa rin sila sa atin. Kinikilabutan tayo kapag nababalitaan natin ang kanilang kahindik-hindik na mga gawa. Nadudurog ang puso natin sa pagmamalupit nila sa mga bata, may-edad, at mga walang kalaban-laban. Parang hindi sila tao, kundi makahayop, at makademonyo pa nga. (Sant. 3:15) Mabuti na lang at may magandang balita ang Salita ni Jehova!
Pinagpapala ni Jehova ang mga Nagpapatawad
10 Nakakasamâ ang pagkikimkim ng sama ng loob. Ang pagkikimkim ng sama ng loob ay parang mabigat na pasanin. Gusto ni Jehova na alisin natin iyon para gumaan ang loob natin. (Basahin ang Efeso 4:31, 32.) Pinapayuhan niya tayo na ‘alisin ang galit at huwag nang magngalit.’ (Awit 37:8) Makakatulong sa atin ang pagsunod sa payong iyan. Kung magkikimkim tayo ng sama ng loob, makakaapekto iyan sa ating pisikal at mental na kalusugan. (Kaw. 14:30) Hindi ang nakasakit sa atin ang maaapektuhan. Para itong pag-inom ng lason. Kapag ikaw ang uminom nito, hindi siya ang mapapahamak. Pero kung magpapatawad tayo, binibigyan natin ang sarili natin ng regalo. (Kaw. 11:17) Nagkakaroon tayo ng kapayapaan ng isip at puso, at patuloy tayong makakapaglingkod kay Jehova.
‘Magkaroon Ka ng Masidhing Kaluguran kay Jehova’
20 Kung magkagayon, “ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa.” (Awit 37:11a) Ngunit sinu-sino ang “maaamo” na ito? Ang salitang isinaling “maaamo” ay galing sa salitang-ugat na nangangahulugang “pahirapan, ibaba, hamakin.” Oo, “ang maaamo” ay yaong mga mapagpakumbabang naghihintay kay Jehova upang ituwid ang lahat ng kawalang-katarungan na ipinaranas sa kanila. “Makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.” (Awit 37:11b) Maging sa ngayon ay nakasusumpong tayo ng saganang kapayapaan sa espirituwal na paraiso na kaugnay ng tunay na kongregasyong Kristiyano.
Espirituwal na Hiyas
Bundok
Pagiging matatag, permanente, o matayog. Kinikilalang matatag at permanente ang mga bundok. (Isa 54:10; Hab 3:6; ihambing ang Aw 46:2.) Kaya naman nang banggitin ng salmista na ang katuwiran ni Jehova ay tulad ng “mga bundok ng Diyos” (Aw 36:6), maaaring ang ibig niyang sabihin ay na di-makikilos ang katuwiran ni Jehova. O, yamang ang mga bundok ay matayog, maaaring ipinahihiwatig nito na ang katuwiran ng Diyos ay lalong higit na mataas kaysa sa katuwiran ng tao. (Ihambing ang Isa 55:8, 9.) May kaugnayan sa pagbubuhos ng ikapitong mangkok ng galit ng Diyos, sinasabi ng Apocalipsis 16:20: “Ang mga bundok ay hindi nasumpungan.” Ipinahihiwatig nito na maging ang mga bagay na kasintayog ng mga bundok ay hindi makatatakas sa pagbubuhos ng galit ng Diyos.—Ihambing ang Jer 4:23-26.
MAYO 13-19
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS AWIT 38-39
Labanan ang Sobrang Pagkakonsensiya
‘Itutok ang Paningin’ sa Hinaharap
12 Basahin ang 1 Juan 3:19, 20. Normal lang ang makonsensiya. Halimbawa, nakokonsensiya ang ilan sa mga nagawa nila bago nila malaman ang katotohanan. Nakokonsensiya naman ang iba sa mga pagkakamali nila pagkatapos ng bautismo. (Roma 3:23) Pero siyempre, gusto nating gawin ang tama. Kaya lang, “lahat tayo ay nagkakamali nang maraming ulit.” (Sant. 3:2; Roma 7:21-23) Hindi maganda sa pakiramdam ang nakokonsensiya, pero nakakabuti rin ito sa atin. Bakit? Dahil makakatulong ito sa atin na ituwid ang ating mga pagkakamali at maging determinadong huwag nang ulitin ang mga iyon.—Heb. 12:12, 13.
13 Pero posible ring makadama tayo ng sobrang pagkakonsensiya—ibig sabihin, nakokonsensiya pa rin tayo kahit nagsisi na tayo at pinatawad na ni Jehova. Nakakasamâ ang ganiyang pagkakonsensiya. (Awit 31:10; 38:3, 4) Bakit? Pag-usapan natin ang karanasan ng isang sister na sobrang nakonsensiya sa mga kasalanan niya noon. Sinabi niya: “Sa tingin ko, hindi ko na kailangang maging masigasig sa paglilingkod kay Jehova kasi baka mapuksa din naman ako.” Marami ang nakakaramdam nang ganiyan. Kaya dapat tayong mag-ingat. Isipin na lang kung gaano kasaya si Satanas kung susuko tayo—kahit na hindi naman tayo sinusukuan ni Jehova.—Ihambing ang 2 Corinto 2:5-7, 11.
Paano Natin Gagawing Makabuluhan ang Ating mga Araw sa Harap ni Jehova?
ANG mga araw ng ating buhay ay waring maikli at madaling lumipas. Binulay-bulay ng salmistang si David ang kaiklian ng buhay at naudyukan siyang manalangin: “Ipaalam mo sa akin, O Jehova, ang aking wakas, at ang sukat ng aking mga araw—kung ano ito, upang malaman ko kung paanong ako ay panandalian lamang. Narito! Ginawa mong kaunti lamang ang aking mga araw; at ang lawig ng aking buhay ay tila walang anuman sa harap mo.” Ang ikinababahala ni David ay kung paano mamumuhay sa paraang nakalulugod sa Diyos, kapuwa sa kaniyang salita at gawa. Sa pagpapahayag ng kaniyang pananalig sa Diyos, sinabi niya: “Ang aking paghihintay ay sa iyo.” (Awit 39:4, 5, 7) Nakinig si Jehova. Sinukat nga niya ang mga gawain ni David at ginantimpalaan siya kaayon nito.
Napakadaling maging abala sa bawat minuto ng maghapon at matangay sa isang buhay na mabilis ang takbo at punô ng gawain. Maaari itong makabalisa sa atin, lalo na’t maraming dapat gawin at dapat maranasan subalit kakaunti lamang ang panahon upang gawin iyon. Ang atin bang ikinababahala ay katulad niyaong kay David—ang mamuhay upang kamtin ang pagsang-ayon ng Diyos? Ang totoo, talagang pinagmamasdan at maingat na sinusuri ni Jehova ang bawat isa sa atin. Mga 3,600 taon na ang nakalilipas, kinilala ni Job, isang lalaking natatakot sa Diyos, na nakita ni Jehova ang kaniyang mga lakad at sinuri ang lahat ng kaniyang mga hakbang. Itinanong ni Job sa retorikal na paraan: “Kapag humihingi siya ng pagsusulit, ano ang maisasagot ko sa kaniya?” (Job 31:4-6, 14) Posible na gawing makabuluhan ang ating mga araw sa harap ng Diyos sa pamamagitan ng pagtatatag ng mga priyoridad sa espirituwal, pagsunod sa kaniyang mga utos, at matalinong paggamit sa ating panahon. Suriin nating mabuti ang mga bagay na ito.
Patibayin Mong Muli ang Pakikipagkaibigan Mo kay Jehova
Dalasan ang pakikipag-usap kay Jehova. Naiintindihan ng iyong Ama na nahihirapan kang manalangin sa kaniya kasi nakokonsensiya ka pa rin sa nagawa mo. (Roma 8:26) Pero kahit ganoon, “magmatiyaga [ka] sa pananalangin,” at sabihin mo kay Jehova na gustong-gusto mo siyang maging kaibigan. (Roma 12:12) Sinabi ni Andrej: “Hiyang-hiya ako at nakokonsensiya. Pero nababawasan iyon kapag nananalangin ako. Mas nagiging payapa ang isip ko.” Kung hindi mo alam ang sasabihin mo sa panalangin, puwede mong gayahin ang panalangin ni Haring David na nasa Awit 51 at 65.
Espirituwal na Hiyas
Patunayan Mong Mapagkakatiwalaan Ka
16 Napakahalaga rin ng pagpipigil sa sarili kung gusto nating pagtiwalaan tayo ng iba. Tutulong sa atin ang katangiang iyan na manatiling tahimik kapag natutukso tayong sabihin sa iba ang kompidensiyal na mga bagay. (Basahin ang Kawikaan 10:19.) Baka masubok ang ating pagpipigil sa sarili kapag gumagamit tayo ng social media. Kung hindi tayo maingat, baka hindi sinasadyang makapag-post tayo ng kompidensiyal na mga bagay na makikita ng maraming tao. At kapag kumalat na iyon sa social media, hindi na natin kontrolado kung paano ito gagamitin ng iba o kung gaano kalaki ang magiging pinsala nito. Tutulong din ang pagpipigil sa sarili na manatiling tahimik kapag sinusubukan tayo ng mga mananalansang na sabihin sa kanila ang ilang bagay na magsasapanganib sa mga kapatid. Puwede itong mangyari kapag pinagtatatanong tayo ng mga pulis sa isang bansa na ipinagbabawal ang gawain natin. Sa ganito at sa iba pang sitwasyon, puwede nating sundin ang prinsipyo na ‘lagyan ng busal ang bibig natin.’ (Awit 39:1) Kailangan nating ipakita na mapagkakatiwalaan tayo ng pamilya natin, mga kaibigan, mga kapatid, o ng ibang tao. Para magawa iyan, kailangan natin ang pagpipigil sa sarili.
MAYO 20-26
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS AWIT 40-41
Bakit Magandang Tumulong sa Iba?
Maligaya ang mga Bukas-Palad
16 Ang mga totoong bukas-palad ay hindi naghihintay ng kapalit kapag nagbibigay sila. Iyan ang nasa isip ni Jesus nang ituro niya: “Kapag naghanda ka ng piging, anyayahan mo ang mga taong dukha, ang mga lumpo, ang mga pilay, ang mga bulag; at magiging maligaya ka, sapagkat wala silang maigaganti sa iyo.” (Luc. 14:13, 14) “Siyang may mabait na mata [o, bukas-palad] ay pagpapalain,” ang sabi ng isang kinasihang manunulat. Sinabi naman ng isa pa: “Maligaya ang sinumang gumagawi nang may pakundangan sa maralita.” (Kaw. 22:9; Awit 41:1) Oo, dapat tayong magbigay dahil nagiging masaya tayo kapag tumutulong sa iba.
17 Nang sipiin ni Pablo ang sinabi ni Jesus na “may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap,” ang tinutukoy ni Pablo ay hindi lang pagbibigay ng materyal na mga bagay kundi pagbibigay rin ng pampatibay-loob, patnubay, at tulong sa mga nangangailangan nito. (Gawa 20:31-35) Sa salita at halimbawa, tinuruan tayo ng apostol na maging bukas-palad sa pagbibigay ng ating panahon, lakas, atensiyon, at pag-ibig.
18 Napansin din ng mga mananaliksik sa larangan ng siyensiyang panlipunan na ang pagbibigay ay nagpapasaya sa mga tao. Ayon sa isang lathalain, “sinasabi ng mga tao na masayang-masaya sila matapos silang magpakita ng kabaitan sa iba.” Ang pagtulong sa iba, ayon sa mga mananaliksik, ay mahalaga para magkaroon ng “higit na layunin at kabuluhan” ang buhay “dahil nasasapatan nito ang pangunahing pangangailangan ng tao.” Kaya naman madalas irekomenda ng mga eksperto na magboluntaryo ang mga tao sa serbisyo publiko para na rin sa kanilang kalusugan at kaligayahan. Hindi na ito bago sa mga tumatanggap sa Bibliya bilang ang Salita ng maibiging Disenyador ng tao, si Jehova.—2 Tim. 3:16, 17.
Aalalayan Ka ni Jehova
7 Pero kapag nagkasakit tayo, puwede tayong umasa sa Diyos para sa kaaliwan, karunungan, at tulong, gaya ng ginawa ng mga mananamba niya noong panahon ng Bibliya. Isinulat ni Haring David: “Maligaya ang sinumang gumagawi nang may pakundangan sa maralita; sa araw ng kapahamakan ay paglalaanan siya ni Jehova ng pagtakas. Babantayan siya ni Jehova at iingatan siyang buháy.” (Awit 41:1, 2) Hindi ibig sabihin ni David na hindi na mamamatay ang isang nagpapakita ng pakundangan sa maralita. Kaya sa anong diwa iingatang buháy ni Jehova ang mapagpakundangan? Ipinaliwanag ni David: “Aalalayan siya ni Jehova sa kama ng karamdaman; ang buong higaan niya ay papalitan mo nga sa panahon ng kaniyang pagkakasakit.” (Awit 41:3) Oo, ang isa na nagpapakita ng pakundangan sa maralita ay makatitiyak na alam ng Diyos ang kaniyang sitwasyon at pinahahalagahan Niya ang kaniyang tapat na landasin. Makatutulong din sa kaniya ang kaniyang bigay-Diyos na katawan, na may kakayahang pagalingin ang sarili, para bumuti ang kaniyang kalusugan.
Tularan ang Pagkamahabagin ni Jehova
17 Siyempre pa, nagpapakita ka ng habag hindi lang dahil makabubuti ito sa iyo. Sa halip, ang pangunahing dahilan mo ay para tularan at luwalhatiin ang Bukal ng pag-ibig at habag, ang Diyos na Jehova. (Kaw. 14:31) Siya ang nagpapakita ng sakdal na halimbawa sa atin. Kung gayon, gawin natin ang ating buong makakaya na tularan ang Diyos sa pagpapakita ng habag. Sa paggawa nito, magiging malapít tayo sa ating mga kapatid at magkakaroon ng mabuting kaugnayan sa ating kapuwa.—Gal. 6:10; 1 Juan 4:16.
Espirituwal na Hiyas
it-1 1158
Jehova
Ang buong ulat ng Bibliya ay nakasentro sa pagbabangong-puri sa soberanya ni Jehova, at dito ay nahahayag ang pangunahing layunin ng Diyos na Jehova: ang pagpapabanal sa kaniya mismong pangalan. Hinihiling ng gayong pagpapabanal na maalis sa pangalan ng Diyos ang lahat ng kadustaan. Ngunit, higit pa riyan, hinihiling nito na ang pangalang iyon ay parangalan ng lahat ng matatalinong nilalang sa langit at sa lupa bilang sagrado. Nangangahulugan naman ito na kikilalanin nila at igagalang ang posisyon ni Jehova bilang Soberano, na ginagawa iyon nang kusang-loob, anupat nagnanais na paglingkuran siya at nalulugod na gawin ang kaniyang banal na kalooban, dahil sa pag-ibig sa kaniya. Ang panalangin ni David kay Jehova sa Awit 40:5-10 ay malinaw na nagpapahayag ng gayong saloobin at ng tunay na pagpapabanal sa pangalan ni Jehova. (Pansinin kung paanong sa Heb 10:5-10 ay ikinapit ng apostol kay Kristo Jesus ang ilang bahagi ng awit na ito.)
MAYO 27–HUNYO 2
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS AWIT 42-44
Makinabang Nang Lubusan sa Edukasyong Mula sa Diyos
Mga Tampok na Bahagi sa Ikalawang Aklat ng mga Awit
42:4, 5, 11; 43:3-5. Kung pansamantalang mapahiwalay tayo sa kongregasyong Kristiyano dahil sa ilang bagay na wala tayong kontrol, mapalalakas tayo ng masasayang alaala ng pakikisama sa mga kapuwa Kristiyano noon. Bagaman sa pasimula ay maaaring magpasidhi ito ng ating kalungkutan, ipagugunita rin nito sa atin na ang Diyos ay ating kanlungan at na kailangan nating maghintay sa kaniya para sa kaginhawahan.
Gawing Mas Kasiya-siya at Kapaki-pakinabang ang Iyong Pag-aaral
1 PANANALANGIN: Ang unang hakbang ay pananalangin. (Awit 42:8) Bakit? Dapat nating ituring na bahagi ng ating pagsamba ang pag-aaral ng Salita ng Diyos. Kaya kailangan nating hilingin kay Jehova na bigyan tayo ng tamang kalagayan ng isip at ng kaniyang banal na espiritu. (Luc. 11:13) Ganito ang sinabi ni Barbara, isang matagal nang misyonera: “Lagi akong nananalangin bago magbasa o mag-aral ng Bibliya. Pagkatapos, nadarama kong kasama ko si Jehova at natutuwa siya sa ginagawa ko.” Inihahanda ng pananalangin ang ating isip at puso sa saganang espirituwal na pagkaing nasa harap natin.
“Huwag Nawang Lumaylay ang Iyong mga Kamay”
11 Napalalakas din tayo ng edukasyong mula sa Diyos sa ating mga Kristiyanong pagpupulong, asamblea, kombensiyon, at mga teokratikong paaralan. Makatutulong ang gayong pagsasanay para magkaroon tayo ng tamang motibo, espirituwal na mga tunguhin, at para magampanan natin ang ating mga pananagutan bilang Kristiyano. (Awit 119:32) Pinahahalagahan mo ba ang lakas na nakukuha mo sa gayong edukasyon?
12 Tinulungan ni Jehova ang mga Israelita na talunin ang mga Amalekita at ang mga Etiope, at binigyan niya ng lakas si Nehemias at ang mga kasama nito para matapos ang muling pagtatayo ng mga pader ng Jerusalem. Bibigyan din tayo ng Diyos ng lakas para maging matatag sa mga pagsalansang, kawalang-interes, at kabalisahan nang sa gayon, makapagpatuloy tayo sa gawaing pangangaral. (1 Ped. 5:10) Hindi tayo umaasang gagawa ng himala si Jehova para sa atin. Sa halip, dapat nating gawin ang ating bahagi. Kasama rito ang pagbabasa ng Salita ng Diyos araw-araw, paghahanda at pagdalo sa mga pulong linggo-linggo, regular na personal na pag-aaral at pampamilyang pagsamba, at palagiang pananalangin kay Jehova para sa tulong. Huwag nating hayaan ang anumang gawain na makasagabal sa mga paraang ginagamit ni Jehova para palakasin at patibayin tayo. Kung sa tingin mo ay lumaylay ang iyong mga kamay sa alinman sa mga bagay na ito, hilingin ang tulong ng Diyos. Makikita mo kung paano ka palalakasin ng espiritu niya para magkaroon ng pagnanais at kakayahang kumilos. (Fil. 2:13) Paano mo naman mapalalakas ang mga kamay ng iba?
Espirituwal na Hiyas
Chakal
Sa Kasulatan, paulit-ulit na tinutukoy ang chakal sa makatalinghagang tagpo. Bilang paglalarawan sa kaniyang kaawa-awang kalagayan, ibinulalas ni Job na siya’y naging “kapatid ng mga chakal.” (Job 30:29) Hinggil sa kahiya-hiyang pagkatalo ng bayan ng Diyos, ang salmista, na marahil ay tinutukoy ang lugar na pinangyarihan ng pagbabaka kung saan nagtitipon ang mga chakal upang kainin ang mga napatay (ihambing ang Aw 68:23), ay nagdalamhati: “Dinurog mo kami sa dako ng mga chakal.” (Aw 44:19) Dahil sa pagkubkob ng Babilonya sa Jerusalem noong 607 B.C.E. nagkaroon ng matinding taggutom, anupat may-kalupitang pinakitunguhan ng mga ina ang sarili nilang supling. Sa gayo’y ipinakita ni Jeremias ang kaibahan ng kalupitan “ng aking bayan” kung ihahambing sa pangangalaga ng mga inang chakal.—Pan 4:3, 10.
HUNYO 3-9
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS AWIT 45-47
Awit Tungkol sa Kasal ng Hari
Magsaya sa Kasal ng Kordero!
8 Basahin ang Awit 45:13, 14a. Ang nobya ay iniharap sa maharlikang kasalan bilang “lubos na maluwalhati.” Sa Apocalipsis 21:2, ang nobya ay inihahalintulad sa isang lunsod, ang Bagong Jerusalem, at “nagagayakan para sa kaniyang asawang lalaki.” Taglay ng makalangit na lunsod na ito ang “kaluwalhatian ng Diyos,” at nagniningning itong “tulad ng isang napakahalagang bato, gaya ng batong jaspe na kumikinang na sinlinaw ng kristal.” (Apoc. 21:10, 11) Ang karingalan ng Bagong Jerusalem ay inilalarawan sa aklat ng Apocalipsis. (Apoc. 21:18-21) Hindi nga kataka-takang inilarawan ng salmista ang nobya bilang “lubos na maluwalhati”! Angkop lang iyon dahil sa langit ang kasalan.
9 Ang pinagdalhan sa nobya ay ang Nobyo—ang Mesiyanikong Hari. Matagal na niyang inihahanda ang nobya, “na nililinis ito sa paghuhugas ng tubig sa pamamagitan ng salita.” Ang nobya ay “banal at walang dungis.” (Efe. 5:26, 27) Dapat ding angkop ang suot ng nobya para sa okasyon. At ganoon nga, dahil “ang kaniyang pananamit ay may mga palamuting ginto,” at ‘ihahatid siya sa hari nang may kasuutang hinabi.’ Para sa kasal ng Kordero, “ipinagkaloob sa [nobya] na magayakan ng maningning, malinis, mainam na lino, sapagkat ang mainam na lino ay kumakatawan sa matuwid na mga gawa ng mga banal.”—Apoc. 19:8.
Apocalipsis—Ang Kahulugan Nito Para sa Kinabukasan Mo
10 Ano ang magiging reaksiyon ni Jehova sa pagsalakay na ito? Sinabi niya: “Sisiklab ang matinding galit ko.” (Ezek. 38:18, 21-23) Inilalarawan ng Apocalipsis kabanata 19 ang susunod na mangyayari. Isusugo ni Jehova ang kaniyang Anak para ipagtanggol ang bayan Niya at talunin ang mga kaaway. Makakasama ni Jesus sa pakikipaglaban ang “mga hukbo sa langit”—ang tapat na mga anghel at ang 144,000. (Apoc. 17:14; 19:11-15) Ano ang magiging resulta ng digmaang ito? Lubusang pupuksain ang lahat ng tao at organisasyon na sumasalansang kay Jehova!—Basahin ang Apocalipsis 19:19-21.
11 Isip-isipin na lang ang mararamdaman ng mga tapat na makakaligtas kapag lubusan nang pinuksa ng Diyos ang mga kaaway niya! Siguradong napakasayang panahon iyon! Magiging napakasaya sa langit kapag napuksa na ang Babilonyang Dakila, pero may magbibigay pa ng higit na kagalakan. (Apoc. 19:1-3) Ang totoo, ito ang pinakamahalagang pangyayari sa aklat ng Apocalipsis—“ang kasal ng Kordero.”—Apoc. 19:6-9.
12 Kailan mangyayari ang kasalan? Bago ang digmaan ng Armagedon, nasa langit na ang lahat ng kabilang sa 144,000. Pero hindi pa iyan ang panahon ng kasal ng Kordero. (Basahin ang Apocalipsis 21:1, 2.) Mangyayari ito pagkatapos ng digmaan ng Armagedon kapag wala na ang lahat ng kaaway ng Diyos.—Awit 45:3, 4, 13-17.
Digmaan
Kapag tapos na ang digmaang ito, ang lupa ay magtatamasa ng kapayapaan sa loob ng isang libong taon. Ang awit na nagsasabing “Pinatitigil [ni Jehova] ang mga digmaan hanggang sa dulo ng lupa. Ang busog ay binabali niya at pinagpuputul-putol ang sibat; ang mga karwahe ay sinusunog niya sa apoy,” ay unang natupad noong magpasapit ang Diyos ng kapayapaan sa lupain ng Israel nang wasakin niya ang mga kasangkapang pandigma ng kaaway. Kapag natalo na ni Kristo sa Har–Magedon ang mga promotor ng digmaan, tatamasahin hanggang sa dulo ng makalupang globong ito ang lubos at kasiya-siyang kapayapaan. (Aw 46:8-10) Ang mga taong pagkakalooban ng walang-hanggang buhay ay yaong mga pumukpok na sa ‘kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at sa kanilang mga sibat upang maging mga karit na pampungos’ at hindi na ‘nag-aaral pa ng pakikipagdigma.’ “Sapagkat ang mismong bibig ni Jehova ng mga hukbo ang nagsalita nito.”—Isa 2:4; Mik 4:3, 4.
Espirituwal na Hiyas
Ano ang Mawawala Kapag Dumating Na ang Kaharian ng Diyos?
9 Ano ang papalit sa mga tiwaling organisasyon? Pagkatapos ng Armagedon, may iiral pa bang organisasyon sa lupa? Sinasabi ng Bibliya: “May mga bagong langit at isang bagong lupa na ating hinihintay ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.” (2 Ped. 3:13) Ang mga dating langit at lupa—ang mga tiwaling gobyerno at ang lipunan ng mga tao na nasa ilalim ng kanilang pamamahala—ay mawawala na. Ano ang papalit sa mga ito? Ang pananalitang “mga bagong langit at isang bagong lupa” ay nangangahulugan na magkakaroon ng bagong gobyerno at bagong lipunan ng mga tao sa ilalim ng pamamahala nito. Masasalamin sa pamamahala ng Kaharian sa ilalim ni Jesu-Kristo ang personalidad ng Diyos na Jehova, isang Diyos ng kaayusan. (1 Cor. 14:33) Kaya ang “bagong lupa” ay magiging organisado. Magkakaroon ng mahuhusay na lalaking mag-aasikaso sa mga bagay-bagay. (Awit 45:16) Papatnubayan sila ni Kristo at ng kaniyang 144,000 kasamang tagapamahala. Isip-isipin ang panahon kapag wala nang mga tiwaling organisasyon at napalitan na ang mga ito ng nag-iisa at nagkakaisang organisasyon na hindi kailanman magiging tiwali!
HUNYO 10-16
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS AWIT 48-50
Mga Magulang—Patibayin ang Tiwala ng Pamilya Ninyo sa Organisasyon ni Jehova
Mas Magiging Masaya Ka Dahil sa Tunay na Pagsamba
11 Sinasamba natin si Jehova kapag pinag-aaralan natin ang Salita niya at tinuturuan ang mga anak natin tungkol sa kaniya. May pagkakataon ang mga Israelita tuwing Sabbath na isaisantabi ang kanilang mga gawain sa araw-araw at magpokus sa kaugnayan nila kay Jehova. (Ex. 31:16, 17) Itinuturo ng tapat na mga Israelita sa mga anak nila ang tungkol kay Jehova at sa kabutihan niya. Sa ngayon, kailangan din nating gumawa ng iskedyul para sa pagbabasa at pag-aaral ng Salita ng Diyos. Bahagi ito ng pagsamba natin kay Jehova, at tutulong ito para mas mapalapít tayo sa kaniya. (Awit 73:28) At kapag nag-aaral tayo bilang isang pamilya, tinutulungan natin ang isang bagong henerasyon—ang mga anak natin—na magkaroon ng malapít na kaugnayan sa ating mapagmahal na Ama sa langit.—Basahin ang Awit 48:13.
May Dahilan Kayo Para Magsaya
“Libutin ninyo ang Sion, at ligirin ninyo ito, bilangin ninyo ang mga tore nito. Ituon ninyo ang inyong mga puso sa muralya nito. Suriin ninyo ang kaniyang mga tirahang tore, upang maisalaysay ninyo ito sa darating na salinlahi.” (Awit 48:12, 13) Dito, hinimok ng salmista ang mga Israelita na pumunta sa Jerusalem para aktuwal na makita ito. Isipin ang magagandang alaala ng mga pamilyang naglakbay patungo sa banal na lunsod para sa mga taunang kapistahan at nakakita sa maringal na templo. Tiyak na naantig silang ‘isalaysay ito sa darating na salinlahi.’
Kuning halimbawa ang reyna ng Sheba, na noong una’y hindi makapaniwala sa mga balita tungkol sa kamangha-manghang pamamahala at karunungan ni Solomon. Ano ang nakakumbinsi sa kaniya na totoo nga ang mga narinig niya? “Hindi ako nanampalataya sa kanilang mga salita,” ang sabi niya, “hanggang sa pumarito ako upang makita ng aking sariling mga mata.” (2 Cro. 9:6) Oo, may malaking epekto sa atin ang nakikita ng ating “sariling mga mata.”
Paano mo matutulungan ang iyong mga anak na makita ng kanilang “sariling mga mata” ang kahanga-hangang mga bagay sa organisasyon ni Jehova? Kung may malapit na tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova, sikaping makadalaw roon. Halimbawa, sina Mandy at Bethany ay lumaki sa isang lugar na mga 1,500 kilometro mula sa Bethel sa kanilang bansa. Gayunman, isinaayos ng kanilang mga magulang na laging makapasyal doon ang pamilya nila, lalo na noong lumalaki na sila. “Noong hindi pa kami nakakapunta sa Bethel, akala namin ay napakapormal ng lugar na iyon at para lang sa matatanda,” ang paliwanag nila. “Pero ang mga kabataang nakilala namin doon ay nagtatrabaho nang husto para kay Jehova at nag-e-enjoy! Nakita namin na ang organisasyon ni Jehova ay hindi lang pala sa maliit na bayan namin, at tuwing dadalaw kami sa Bethel, napapatibay kami.” Dahil aktuwal na nakita kung paano kumikilos ang organisasyon ni Jehova, sina Mandy at Bethany ay nagpayunir at naanyayahan pa ngang maglingkod sa Bethel bilang mga temporary volunteer.
Gumawi Bilang mga Mamamayan ng Kaharian!
5 Pag-aralan ang kasaysayan. Kung interesado ang isang tao na maging mamamayan ng isang bansa, baka kailangan niyang pag-aralan ang kasaysayan ng gobyerno nito. Sa katulad na paraan, kung gusto ng isang tao na maging mamamayan ng Kaharian, dapat niyang gawin ang kaniyang buong makakaya para pag-aralan ang tungkol sa Kaharian ng Diyos. Kuning halimbawa ang mga anak ni Kora, na naglingkod sa sinaunang Israel. Mahal nila ang Jerusalem at dako ng pagsamba nito, at nalulugod silang isalaysay ang kasaysayan ng lunsod, hindi dahil sa kagandahan nito, kundi dahil ito “ang bayan ng Dakilang Hari,” si Jehova. Ang dako ng pagsamba sa Jerusalem ang sentro ng dalisay na pagsamba at dito tinuturuan ang mga tao tungkol sa Kautusan ni Jehova. Ang mga sakop ng Hari ng Jerusalem ay mga taong sinasang-ayunan at minamahal ni Jehova. (Basahin ang Awit 48:1, 2, 9, 12, 13.) Gaya ng mga anak ni Kora, nalulugod ka bang pag-aralan at isalaysay ang kasaysayan ng makalupang bahagi ng organisasyon ni Jehova? Habang mas marami kang natututuhan tungkol sa organisasyon ng Diyos at kung paano Niya sinusuportahan ang kaniyang bayan, lalong nagiging totoo sa iyo ang Kaharian ng Diyos. At lalong sisidhi ang pagnanais mong ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian.—Jer. 9:24; Luc. 4:43.
Espirituwal na Hiyas
Kayamanan
Bilang isang masaganang bansa, ang mga Israelita ay nasiyahan sa pagkain at inumin (1Ha 4:20; Ec 5:18, 19), at ang kanilang kayamanan ay nagsilbing proteksiyon nila laban sa mga suliranin ng karalitaan. (Kaw 10:15; Ec 7:12) Gayunman, bagaman ang pagtatamasa ng mga Israelita ng kasaganaan mula sa kanilang pagpapagal ay kasuwato ng layunin ni Jehova (ihambing ang Kaw 6:6-11; 20:13; 24:33, 34), tiniyak din niya na nababalaan sila hinggil sa panganib na makalimutan nila na siya ang Pinagmumulan ng kanilang materyal na pag-aari at magsimula silang magtiwala sa kanilang kayamanan. (Deu 8:7-17; Aw 49:6-9; Kaw 11:4; 18:10, 11; Jer 9:23, 24) Ipinaalaala sa kanila na ang kayamanan ay pansamantala lamang (Kaw 23:4, 5), na hindi ito maaaring ibigay sa Diyos bilang pantubos upang mailigtas ang isa mula sa kamatayan (Aw 49:6, 7), at na wala itong kabuluhan para sa mga patay (Aw 49:16, 17; Ec 5:15). Ipinakita sa kanila na ang labis na pagpapahalaga sa kayamanan ay aakay sa mapandayang mga gawain at sa pagkawala ng pagsang-ayon ni Jehova. (Kaw 28:20; ihambing ang Jer 5:26-28; 17:9-11.) Pinasigla rin sila na ‘parangalan si Jehova ng kanilang mahahalagang pag-aari.’—Kaw 3:9.
HUNYO 17-23
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS AWIT 51-53
Ang Puwede Mong Gawin Para Maiwasan ang Seryosong Pagkakamali
Paano Mo Maiingatan ang Iyong Puso?
4 Sa Kawikaan 4:23, ang “puso” ay tumutukoy sa “lihim na pagkatao.” (Basahin ang Awit 51:6.) Sa ibang salita, ang “puso” ay tumutukoy sa ating mga iniisip, nararamdaman, motibo, at kagustuhan. Tumutukoy ito sa kung sino talaga tayo at hindi lang sa kung ano ang ipinakikita natin sa iba.
5 Gamitin nating halimbawa ang ating pisikal na kalusugan para maintindihan kung bakit mahalagang ingatan ang ating makasagisag na puso. Una, para maging malusog ang ating pangangatawan, dapat tayong kumain ng masustansiyang pagkain at regular na mag-ehersisyo. Para maging malusog sa espirituwal, dapat din tayong kumain ng masustansiyang espirituwal na pagkain at regular na mag-ehersisyo, wika nga. Kasama sa ehersisyong iyan ang pagsunod sa mga natututuhan natin at pagbabahagi sa iba ng ating pananampalataya. (Roma 10:8-10; Sant. 2:26) Ikalawa, baka sa panlabas na anyo, mukhang malusog tayo pero may sakit na pala. Sa katulad na paraan, baka may espirituwal na rutin nga tayo at mukhang matibay ang pananampalataya natin, pero may tumutubo na palang maling pagnanasa sa puso natin. (1 Cor. 10:12; Sant. 1:14, 15) Tandaan na gusto ni Satanas na magaya natin ang kaisipan niya. Paano niya iyan ginagawa? At paano natin mapoprotektahan ang ating sarili?
Makapananatili Tayong Malinis
5 Tutulungan tayo ni Jehova na labanan ang imoral na kaisipan kung patuloy natin itong ipananalangin sa kaniya. Kung lalapit tayo kay Jehova sa panalangin, lalapit siya sa atin. Nagbibigay siya ng banal na espiritu para maging determinado tayong labanan ang imoral na kaisipan at makapanatiling malinis. Kaya sabihin natin sa Diyos na gustong-gusto natin siyang paluguran sa mga iniisip natin. (Awit 19:14) Mapagpakumbaba ba nating hinihiling sa kaniya na suriin tayo para matukoy ang anumang “nakasasakit na lakad”—maling pagnanasa o hilig—na maaaring umakay sa atin na magkasala? (Awit 139:23, 24) Patuloy ba tayong nagsusumamo na tulungan tayong makapanatiling tapat kapag napapaharap sa tukso?—Mat. 6:13.
6 Dahil sa ating kinalakhan o kinagawian, baka mayroon tayong mga pagnanasa na hindi nakalulugod kay Jehova. Pero matutulungan niya tayong gumawa ng kinakailangang mga pagbabago para patuloy natin siyang mapaluguran. Alam iyan ni Haring David. Matapos mangalunya kay Bat-sheba, nagsumamo si David kay Jehova: “Likhain mo sa akin ang isang dalisay na puso, . . . at maglagay ka sa loob ko ng isang bagong espiritu, yaong matatag.” (Awit 51:10, 12) Kahit napakalakas ng ating imoral na pagnanasa, matutulungan tayo ni Jehova na maging determinado na sundin siya. Kung malalim ang pagkakaugat ng maling mga pagnanasa at nadaraig na nito ang ating malinis na kaisipan, mapapatnubayan tayo ni Jehova para masunod natin ang kaniyang mga utos at makapamuhay kaayon ng mga ito. Matutulungan niya tayong malabanan ang anumang nakapipinsalang pagnanasa.—Awit 119:133.
Espirituwal na Hiyas
it-1 614
Doeg
Isang Edomita na naglingkod bilang pangunahing pastol ni Haring Saul, isang mabigat na posisyon ng pangangasiwa. (1Sa 21:7; 22:9) Maliwanag na si Doeg ay isang proselita. Sa dahilang siya’y “pinigilan sa harap ni Jehova” sa Nob, posibleng dahil sa isang panata, isang uri ng karumihan, o kaya’y may ketong siya, nasaksihan ni Doeg na ibinigay ng mataas na saserdoteng si Ahimelec kay David ang tinapay na pantanghal at ang tabak ni Goliat. Sa kalaunan, nang sabihin ni Saul sa kaniyang mga lingkod na sa tingin niya’y nagsasabuwatan sila laban sa kaniya, isiniwalat ni Doeg kung ano ang nakita niya sa Nob. Nang maipatawag ni Saul ang mataas na saserdote at ang iba pang mga saserdote ng Nob at pagkatapos niyang tanungin si Ahimelec, inutusan niya ang mga mananakbo na patayin ang mga saserdote. Nang tumanggi ang mga ito, walang-pag-aatubiling pinatay ni Doeg sa utos ni Saul ang 85 saserdote. Pagkatapos ng napakasamang gawang ito, itinalaga ni Doeg ang Nob sa pagkapuksa, anupat pinatay ang lahat ng tumatahan doon, bata at matanda, pati ang mga alagang hayop.—1Sa 22:6-20.
Gaya ng ipinakikita ng superskripsiyon ng Awit 52, sumulat si David tungkol kay Doeg: “Mga kapighatian ang ipinapanukala ng iyong dila, na pinatalas na gaya ng labaha, na gumagawa nang may panlilinlang. Inibig mo ang kasamaan nang higit kaysa sa kabutihan, ang kabulaanan kaysa sa pagsasalita ng katuwiran. Inibig mo ang lahat ng salitang nananakmal, O ikaw na dilang mapanlinlang.”—Aw 52:2-4.
HUNYO 24-30
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS AWIT 54-56
Kakampi Mo ang Diyos
Magpakarunong—Matakot sa Diyos!
10 Sa isang pagkakataon, tumakas si David patungo kay Akis, ang hari ng Gat, isang lunsod ng mga Filisteo at tinubuang-bayan ni Goliat. (1 Samuel 21:10-15) Nagsumbong ang mga lingkod ng hari at nagsabing kaaway ng kanilang bansa si David. Ano ang ginawa ni David sa mapanganib na situwasyong iyon? Marubdob siyang nanalangin kay Jehova. (Awit 56:1-4, 11-13) Bagaman kinailangan niyang magkunwaring baliw para makatakas, alam ni David na si Jehova talaga ang nagligtas sa kaniya dahil pinagpala Niya ang kaniyang mga pagsisikap. Ipinakita ng buong-pusong pananalig at pagtitiwala ni David kay Jehova na talagang may takot sa Diyos si David.—Awit 34:4-6, 9-11.
11 Tulad ni David, maipakikita natin ang pagkatakot sa Diyos sa pamamagitan ng pagtitiwala sa kaniyang pangako na tutulungan niya tayong mapagtagumpayan ang ating mga problema. “Igulong mo kay Jehova ang iyong lakad, at manalig ka sa kaniya, at siya mismo ang kikilos,” ang sabi ni David. (Awit 37:5) Hindi ito nangangahulugan na wala na tayong gagawin at basta na lamang natin ipauubaya kay Jehova ang ating mga problema at aasang lulutasin niya ang mga ito. Hindi lamang basta nanalangin si David na tulungan siya ng Diyos at pagkatapos ay wala na siyang ginawa. Ginamit niya ang pisikal at intelektuwal na mga kakayahang ipinagkaloob sa kaniya ni Jehova at hinarap ang kaniyang problema. Gayunman, batid ni David na hindi sapat ang pagsisikap ng tao upang magtagumpay. Ganiyan din ang dapat na maging saloobin natin. Kapag nagawa na natin ang ating buong makakaya, ipaubaya na natin kay Jehova ang iba pang bagay. Sa katunayan, kadalasang wala na tayong ibang magagawa kundi manalig kay Jehova. Sa ganitong pagkakataon maipakikita natin bilang indibiduwal ang pagkatakot sa Diyos. Maaaliw tayo ng madamdaming pananalita ni David: “Ang matalik na kaugnayan kay Jehova ay nauukol sa mga natatakot sa kaniya.”—Awit 25:14.
Walang “Makapaghihiwalay sa Atin sa Pag-ibig ng Diyos”
9 Pinahahalagahan din ni Jehova ang ating pagtitiis. (Mateo 24:13) Tandaan, gusto ni Satanas na talikuran mo si Jehova. Kaya bawat araw na nananatili kang tapat ay panibagong araw na nakatutulong ka para may maisagot si Jehova sa mga panunuya ni Satanas. (Kawikaan 27:11) Hindi laging madali ang magtiis. Ang mga problema sa kalusugan, pinansiyal na kagipitan, emosyonal na kabagabagan, at iba pang balakid ay nagiging dahilan upang ang bawat araw na magdaan ay maging isang pagsubok. Ang inaasahan na hindi nangyayari ay nakapagpapahina rin ng loob. (Kawikaan 13:12) Ang pagtitiis sa harap ng gayong mga hamon ay lalong mahalaga kay Jehova. Iyan ang dahilan kung bakit hiniling ni Haring David kay Jehova na tipunin ang kaniyang mga luha sa isang “sisidlang balat,” na may pagtitiwalang idinagdag: “Hindi ba nakasulat ang mga iyon sa aklat mo?” (Awit 56:8) Oo, pinahahalagahan at inaalaala ni Jehova ang lahat ng luha at pagdurusang tinitiis natin habang pinananatili natin ang ating katapatan sa kaniya. Ang mga ito’y mahalaga rin sa kaniyang paningin.
Tinutulungan Tayo ng Pag-ibig na Madaig ang Takot
16 Alam ni Satanas na gusto nating mabuhay. Kaya ipinaparatang niya na isasakripisyo natin ang lahat—kahit ang kaugnayan natin kay Jehova—para manatili tayong buháy. (Job 2:4, 5) Hindi iyan totoo! Pero dahil si Satanas “ang nagdudulot ng kamatayan,” sinasamantala niya ang takot natin dito para iwan natin si Jehova. (Heb. 2:14, 15) Kung minsan, iniimpluwensiyahan ni Satanas ang ilang tao para pagbantaan ang mga lingkod ni Jehova kung hindi nila itatakwil ang pananampalataya nila. Kapag nasa peligro naman ang buhay natin, puwede itong samantalahin ni Satanas para makipagkompromiso tayo. Baka pilitin tayo ng mga doktor o ng mga di-Saksing kapamilya na magpasalin ng dugo, na labag sa utos ng Diyos. O baka sabihan tayo ng iba na tumanggap ng paraan ng paggamot na labag sa mga prinsipyo sa Bibliya.
17 Ayaw nating mamatay, pero alam natin na mahal pa rin tayo ni Jehova kahit mangyari iyon. (Basahin ang Roma 8:37-39.) Kapag namatay ang mga kaibigan ni Jehova, nasa alaala niya sila, na para bang buháy pa rin sila. (Luc. 20:37, 38) Sabik na sabik siyang buhayin silang muli. (Job 14:15) Malaki ang ibinayad ni Jehova para “magkaroon [tayo] ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Alam natin na mahal na mahal tayo ni Jehova at nagmamalasakit siya sa atin. Kaya hindi niya tayo pababayaan kapag may sakit tayo o nanganganib ang buhay natin. Papatibayin niya tayo at bibigyan ng karunungan at lakas. Iyan ang naranasan ni Valérie at ng asawa niya.—Awit 41:3.
Espirituwal na Hiyas
it-2 874-875
Patiunang Kaalaman, Patiunang Pagtatalaga
Ang traidor na landasin ni Hudas Iscariote ay tumupad sa hula ng Diyos at nagpatunay na may kakayahan si Jehova, gayundin ang kaniyang Anak, na patiunang alamin ang mangyayari sa hinaharap. (Aw 41:9; 55:12, 13; 109:8; Gaw 1:16-20) Gayunman, hindi masasabi na patiunang itinalaga o itinadhana ng Diyos si Hudas sa gayong landasin. Sinabi sa mga hula na isang matalik na kasamahan ni Jesus ang magkakanulo sa kaniya, ngunit hindi tinukoy sa mga hulang iyon kung sino sa gayong mga kasamahan ang gagawa nito. Gayundin, ipinakikita ng mga simulain ng Bibliya na imposibleng italaga ng Diyos nang patiuna ang mga pagkilos ni Hudas. Sinabi ng apostol ang pamantayan ng Diyos: “Huwag mong ipatong nang madalian ang iyong mga kamay sa sinumang tao; ni maging kabahagi man sa mga kasalanan ng iba; ingatan mong malinis ang iyong sarili.” (1Ti 5:22; ihambing ang 3:6.) Bilang katibayan na ninais ni Jesus na mapili niya nang wasto at may karunungan ang kaniyang 12 apostol, magdamag siyang nanalangin sa kaniyang Ama bago niya ipinabatid ang kaniyang pasiya. (Luc 6:12-16) Kung patiuna nang itinalaga ng Diyos na maging traidor si Hudas, magiging kasalungat ito ng kaniyang pag-akay at patnubay, at batay sa nabanggit na alituntunin, magiging kabahagi siya sa mga kasalanang ginawa ng isang iyon.
Sa gayon, lumilitaw na noong panahong piliin si Hudas bilang apostol, ang kaniyang puso ay hindi kakikitaan ng maliwanag na katibayan ng pagiging taksil. Pinahintulutan niya na isang “ugat na nakalalason ang sumibol” at magparungis sa kaniya, na naging dahilan ng kaniyang paglihis at ng pagsunod niya, hindi sa patnubay ng Diyos, kundi sa pag-akay ng Diyablo tungo sa isang landasin ng pagnanakaw at kataksilan. (Heb 12:14, 15; Ju 13:2; Gaw 1:24, 25; San 1:14, 15; tingnan ang HUDAS Blg. 4.) Nang ang gayong paglihis ay umabot na sa isang partikular na punto, nabasa ni Jesus mismo ang puso ni Hudas at naihula ang pagkakanulo nito sa kaniya.—Ju 13:10, 11.