Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo
© 2024 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
HULYO 1-7
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS AWIT 57-59
Binibigo ni Jehova ang mga Kaaway ng Bayan Niya
“Hanggang sa Pinakamalayong Bahagi ng Lupa”
14 Si Esteban ay lakas-loob na nagpatotoo bago namatay sa kamay ng kaniyang mga kaaway. (Gawa 6:5; 7:54-60) Dahil sa “matinding pag-uusig” noon, lahat ng alagad maliban sa mga apostol ay nangalat sa buong Judea at Samaria. Pero tuloy pa rin ang gawaing pagpapatotoo. Nagpunta si Felipe sa Samaria para ‘ipangaral ang Kristo’ at nagkaroon ito ng napakagandang resulta. (Gawa 8:1-8, 14, 15, 25) Bukod diyan, sinabi ng ulat: “Ang mga nangalat dahil sa pag-uusig na nagsimula nang patayin si Esteban ay nakarating hanggang sa Fenicia, Ciprus, at Antioquia, pero sa mga Judio lang nila ibinahagi ang mensahe. Pero ang ilan na mula sa Ciprus at Cirene ay pumunta sa Antioquia at inihayag sa mga taong nagsasalita ng Griego ang mabuting balita tungkol sa Panginoong Jesus.” (Gawa 11:19, 20) Noong panahong iyon, lumaganap ang mensahe ng Kaharian dahil sa pag-uusig.
15 Sa ating panahon, ganiyan din ang nangyari sa dating Soviet Union. Noong 1950’s, libo-libong Saksi ni Jehova ang ipinatapon sa Siberia. Dahil nangalat sila sa iba’t ibang pamayanan, patuloy na lumaganap ang mabuting balita sa malawak na lupaing iyon. Imposibleng makapaglakbay ang napakaraming Saksi noon nang 10,000 kilometro para maipangaral ang mabuting balita dahil sa laki ng pamasahe! Pero ang gobyerno mismo ang nagpadala sa kanila sa lugar na iyon. Sinabi ng isang brother, “Lumilitaw na ang mga awtoridad pa mismo ang nakatulong para malaman ng libo-libong tapat na mamamayan sa Siberia ang katotohanan.”
Espirituwal na Hiyas
“Maging Matatag Kayo, Di-natitinag”
16 Patatagin ang puso mo. Sa isang awit, sinabi ni Haring David na hinding-hindi magbabago ang pag-ibig niya kay Jehova: “Matatag ang puso ko, O Diyos.” (Awit 57:7) Magiging matatag ang puso natin kung buo ang tiwala natin kay Jehova. (Basahin ang Awit 112:7.) Nakatulong iyan kay Bob, na binanggit kanina. Nang sabihin sa kaniya na may nakahanda nang dugo sakaling kailanganin, sinabi niya agad na kung may kahit kaunting posibilidad na salinan siya ng dugo, aalis agad siya sa ospital. Nang maglaon, sinabi ni Bob, “Hindi ako nagdalawang-isip, at hindi ako natakot sa mga puwedeng mangyari.”
17 Matatag si Bob kasi desidido na siyang manindigan matagal na panahon pa bago siya maospital. Una, gusto niyang mapasaya si Jehova. Ikalawa, pinag-aralan niyang mabuti ang sinasabi ng Bibliya at mga publikasyon natin tungkol sa kabanalan ng buhay at dugo. Ikatlo, kumbinsido siya na pagpapalain siya kung susunod siya sa mga utos ni Jehova. Puwede ring maging matatag ang puso natin anumang problema ang maranasan natin.
HULYO 8-14
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS AWIT 60-62
Pinapanatag, Pinoprotektahan, at Pinapatatag Tayo ni Jehova
Tore
Makasagisag na Paggamit. Yaong umaasa nang may pananampalataya at pagkamasunurin kay Jehova ay may malaking katiwasayan, gaya ng inawit ni David: “Ikaw [Jehova] ay naging isang kanlungan para sa akin, isang matibay na tore sa harap ng kaaway.” (Aw 61:3) Yaong mga kumikilala sa kahulugan ng kaniyang pangalan, at nagtitiwala at may-katapatang kumakatawan sa pangalang iyon, ay walang dapat ikatakot, sapagkat: “Ang pangalan ni Jehova ay matibay na tore. Doon tumatakbo ang matuwid at ipinagsasanggalang.”—Kaw 18:10; ihambing ang 1Sa 17:45-47.
Tolda
Sa ilang pagkakataon, ginamit din ang “tolda” sa iba namang makasagisag na paraan. Ang tolda ng isang indibiduwal ay isang dako ng kapahingahan at proteksiyon laban sa masamang lagay ng panahon. (Gen 18:1) Dahil sa mga kaugalian may kinalaman sa pagkamapagpatuloy, may dahilang umasa ang mga bisita na pangangalagaan at igagalang sila kapag tinanggap sila sa tolda ng isang tao. Kaya naman nang sabihin sa Apocalipsis 7:15 tungkol sa malaking pulutong na ‘ilulukob ng Diyos sa kanila ang kaniyang tolda,’ nagpapahiwatig ito ng mapagsanggalang na pangangalaga at katiwasayan. (Aw 61:3, 4) Tinutukoy ni Isaias ang mga paghahandang gagawin ng asawa ng Diyos, ang Sion, para sa mga anak na lalaki na iluluwal nito. Sinabihan ang babae na “paluwangin mo pa ang dako ng iyong tolda.” (Isa 54:2) Dahil dito, palalawakin pa niya ang dako ng proteksiyon para sa kaniyang mga anak.
Ang mga Kautusan ng Diyos ay Para sa Ating Kapakinabangan
14 Ang kautusan ng Diyos ay tiyak na hindi nagbabago. Sa maligalig na mga panahong kinabubuhayan natin, si Jehova ay isang bato ng katatagan, na umiiral mula pa nang walang hanggan hanggang sa walang hanggan. (Awit 90:2) Sinabi niya tungkol sa kaniyang sarili: “Ako ay si Jehova; hindi ako nagbabago.” (Malakias 3:6) Ang mga pamantayan ng Diyos, gaya ng nakaulat sa Bibliya, ay lubusang maaasahan—di-tulad ng mga ideya ng tao na walang-tigil sa pagbabagu-bago. (Santiago 1:17) Halimbawa, sa loob ng maraming taon ay itinaguyod ng mga sikologo ang maluwag na pagpapalaki sa bata, ngunit nang maglaon ay nagbago ng isip ang ilan at inamin na mali ang kanilang ipinayo. Ang mga pamantayan at mga tuntunin ng sanlibutan hinggil sa bagay na ito ay pabagu-bago ng direksiyon na para bang hinahampas-hampas ng hangin. Gayunman, ang Salita ni Jehova ay hindi nagbabago. Sa loob ng maraming siglo, naglaan ng payo ang Bibliya kung paano palalakihin ang mga anak nang may pag-ibig. Sumulat si apostol Pablo: “Mga ama, huwag ninyong inisin ang inyong mga anak, kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.” (Efeso 6:4) Tunay ngang nakapagpapatibay-loob na malaman na maaari tayong magtiwala sa mga pamantayan ni Jehova; ang mga ito ay hindi magbabago!
Espirituwal na Hiyas
Mga Tampok na Bahagi sa Ikalawang Aklat ng mga Awit
62:11. Hindi na kailangang umasa ang Diyos sa iba pang pinagmumulan ng enerhiya. Siya mismo ang pinagmumulan ng lakas. ‘Ang kalakasan ay nauukol sa kaniya.’
HULYO 15-21
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS AWIT 63-65
“Ang Iyong Tapat na Pag-ibig ay Mas Mabuti Kaysa sa Buhay”
Sino ang Maghihiwalay sa Atin sa Pag-ibig ng Diyos?
17 Gaano kahalaga sa iyo ang pag-ibig ng Diyos? Nadarama mo ba ang nadama ni David, na sumulat: “Sapagkat ang iyong maibiging-kabaitan ay mas mabuti kaysa sa buhay, papupurihan ka ng aking mga labi. Sa gayon ay pagpapalain kita sa buong buhay ko; sa iyong pangalan ay itataas ko ang aking mga palad”? (Awit 63:3, 4) Ang totoo, mayroon bang maiaalok ang buhay sa sanlibutang ito na mas mabuti pa kaysa sa pagtatamasa ng pag-ibig at matapat na pakikipagkaibigan ng Diyos? Halimbawa, ang pagtataguyod ba sa isang sekular na karera na may malaking kita ay mas maigi kaysa sa pagkakaroon ng mapayapang kaisipan at kaligayahan na nagmumula sa isang malapít na kaugnayan sa Diyos? (Lucas 12:15) Ang ilang Kristiyano ay napaharap sa pagpapasiyang talikuran si Jehova o harapin ang kamatayan. Nangyari iyan sa maraming Saksi ni Jehova sa kampong piitan ng mga Nazi noong Digmaang Pandaigdig II. Maliban sa iilan, ang ating mga kapatid na Kristiyano ay nagpasiyang manatili sa pag-ibig ng Diyos, anupat handang harapin ang kamatayan kung kinakailangan. Yaong matapat na nananatili sa kaniyang pag-ibig ay makapagtitiwala na tatanggap sila mula sa Diyos ng walang-hanggang kinabukasan, isang bagay na hindi maibibigay sa atin ng sanlibutan. (Marcos 8:34-36) Ngunit higit pa kaysa sa buhay na walang hanggan ang nasasangkot.
18 Bagaman imposibleng mabuhay magpakailanman nang wala si Jehova, subuking gunigunihin kung ano ang mangyayari sa isang napakahabang buhay kung wala ang ating Maylalang. Iyon ay magiging hungkag, walang tunay na layunin. Binigyan ni Jehova ang kaniyang bayan ng kasiya-siyang gawain sa mga huling araw na ito. Kaya makapagtitiwala tayo na kapag nagbigay si Jehova, ang Dakilang Tagapaglayon, ng buhay na walang hanggan, ito ay malilipos ng kawili-wili at kapaki-pakinabang na mga bagay na mapag-aaralan at mapagkakaabalahan natin. (Eclesiastes 3:11) Gaano man ang gawin nating pag-aaral sa darating na mga milenyo, hindi natin kailanman ganap na maaarok “ang lalim ng kayamanan at karunungan at kaalaman ng Diyos.”—Roma 11:33.
‘Magpasalamat sa Lahat ng Bagay’
Lalo na tayong dapat maging mapagpasalamat sa Diyos. Tiyak na naiisip mo rin ang maraming espirituwal at materyal na regalong ibinigay niya at patuloy pang ibinibigay. (Deut. 8:17, 18; Gawa 14:17) Pero sa halip na basta isipin lang ang kabaitan ng Diyos, bakit hindi gumugol ng panahon para isiping mabuti ang maraming pagpapala na ibinibigay ng Diyos sa iyo at sa mga mahal mo. Kapag binubulay-bulay natin ang pagkabukas-palad ng ating Maylalang, lalo natin siyang pahahalagahan at mas madarama natin kung gaano niya tayo kamahal.—1 Juan 4:9.
Patuloy na Bulay-bulayin ang Espirituwal na mga Bagay
7 Bagaman maaaring madali ang pagbabasa, kailangan naman ang pagsisikap para makapagbulay-bulay. Likas sa di-sakdal na utak ng tao na piliin ang mga bagay na mas madaling gawin. Kaya ang pinakamagandang panahon para magbulay-bulay ay kapag relaks ka at walang gaanong pang-abala. Para sa salmista, magandang magbulay-bulay sa gabi habang gising at nakahiga. (Awit 63:6) Maging si Jesus, na may sakdal na isip, ay nakaaalam na magandang magbulay-bulay at manalangin sa tahimik na lugar.—Luc. 6:12.
Tularan si Jesus—Magturo Nang May Pag-ibig
6 Gusto nating pinag-uusapan ang mga bagay na mahalaga sa atin. Kapag ginagawa natin ito, kitang-kita ang saya at sigla sa atin. Totoong-totoo ito kapag ang taong mahal natin ang pinag-uusapan. Karaniwan na, gustung-gusto nating sabihin sa iba kung ano ang alam natin sa taong iyon. Pinupuri, pinararangalan, at ipinagtatanggol natin siya. Ginagawa natin ito dahil nais nating magustuhan din siya ng iba.
Espirituwal na Hiyas
Nakapagdudulot Ka ba ng Kaginhawahan sa Iba?
Mas madaling gibain ang isang gusali kaysa magtayo nito. Totoo rin ang simulaing ito pagdating sa ating pananalita. Bilang mga di-sakdal, lahat tayo ay may mga pagkukulang. Binanggit ni Haring Solomon: “Walang taong matuwid sa lupa na patuloy na gumagawa ng mabuti at hindi nagkakasala.” (Eclesiastes 7:20) Madali para sa atin na makita ang kapintasan ng isa at sirain ang kaniyang pagkatao sa pamamagitan ng masasakit na salita. (Awit 64:2-4) Sa kabilang dako naman, kailangan ang pagsisikap para maging nakapagpapatibay ang ating pananalita.
HULYO 22-28
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS AWIT 66-68
Si Jehova ang Nagdadala ng Pasan Natin Araw-araw
Paano Sinasagot ni Jehova ang mga Panalangin Natin?
15 Hindi laging sinasagot ni Jehova ang mga panalangin natin sa pambihirang paraan. Pero ang mga sagot niya ang kailangan natin para makapanatiling tapat sa kaniya. Kaya sikaping makita ang sagot niya sa mga panalangin mo. Pakiramdam ng sister na si Yoko, hindi sinasagot ni Jehova ang mga panalangin niya. Kaya inilista niya ang mga hiniling niya kay Jehova. Paglipas ng panahon, tiningnan niya ang notebook niya at nakita niyang sinagot ni Jehova ang karamihan sa mga panalangin niya. Ang ilan pa nga sa mga iyon, nakalimutan na niya. Kaya paminsan-minsan, kailangan nating huminto at pag-isipan kung paano sinasagot ni Jehova ang mga panalangin natin.—Awit 66:19, 20.
Tulungan ang mga Nagsosolong Magulang
Ginabayan ng espiritu ni Jehova ang pagsulat ng sagradong mga awit, o salmo, na ginagamit ng mga Israelita sa pagsamba. Isip-isipin kung paano napatitibay ang mga babaing balo at batang lalaking walang ama sa Israel kapag inaawit ang mga ito at naipaaalaala sa kanila na si Jehova ay isang “ama” at “hukom” na magpapaginhawa sa kanila. (Awit 68:5; 146:9) Tayo rin ay makapagbibigay ng pampatibay-loob na hindi malilimutan ng nagsosolong magulang. Bagaman 20 taon na ang nakalipas, naaalaala pa rin ni Ruth, isang nagsosolong ina, ang sinabi sa kaniya ng isang makaranasang ama: “Mahusay ang pagpapalaki mo sa dalawa mong anak. Ipagpatuloy mo iyan.” Sinabi ni Ruth: “Talagang naantig ako sa sinabi niya.” Oo, “ang magiliw na pananalita ay nakapagpapagaling” at talagang nakapagpapatibay sa nagsosolong magulang. (Kawikaan 15:4, Contemporary English Version) May naiisip ka bang espesipiko at taimtim na komendasyon para sa kanila?
Ang Ama ng mga Batang Lalaking Walang Ama
ANG “ama ng mga batang lalaking walang ama [ay] ang Diyos sa kaniyang banal na tahanan.” (Awit 68:5) Ang kinasihang mga salitang ito ay nagtuturo ng isang aral tungkol sa Diyos na Jehova na nakaaantig sa ating puso. Alam na alam niya ang mga pangangailangan ng mahihirap. Malinaw na makikita sa Kautusang ibinigay niya sa Israel ang pagmamalasakit niya sa mga batang namatayan ng magulang. Suriin natin ang unang pagbanggit ng Bibliya tungkol sa “batang lalaking walang ama,” na nasa Exodo 22:22-24.
Pagtatagumpayin Ka ni Jehova
17 Basahin ang Awit 40:5. Tunguhin ng isang mountain climber na makarating sa pinakatuktok ng bundok. Pero sa pag-akyat niya, may mga lugar na puwede siyang huminto muna at pagmasdan ang magagandang tanawin. Sa katulad na paraan, mahalagang huminto muna at bulay-bulayin kung paano ka pinagtatagumpay ni Jehova kahit sa panahong may pinagdaraanan ka. Sa pagtatapos ng bawat araw, tanungin ang sarili: ‘Sa anong pagkakataon ko nakitang pinagpala ako ni Jehova sa araw na ito? Kahit na may problema pa rin ako, paano ako tinutulungan ni Jehova na makapagtiis?’ Puwede kang mag-isip ng kahit isang pagpapala mula kay Jehova na nakatulong para magtagumpay ka.
Espirituwal na Hiyas
Mga Tampok na Bahagi sa Ikalawang Aklat ng mga Awit
68:18—Sino ang “mga kaloob sa anyong mga tao”? Sila ang mga lalaking nabihag noong panahon ng pananakop sa Lupang Pangako. Ang mga lalaking ito nang maglaon ay inatasang tumulong sa mga Levita sa kanilang gawain.—Ezra 8:20.
HULYO 29–AGOSTO 4
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS AWIT 69
Inihula sa Awit 69 ang mga Pangyayari sa Buhay ni Jesus
Hinintay Nila ang Mesiyas
17 Ang Mesiyas ay kapopootan nang walang dahilan. (Awit 69:4) Sinabi ni Jesus: “Kung hindi ko ginawa sa gitna [ng mga tao] ang mga gawang hindi pa nagawa ng sinuman, wala sana silang kasalanan; ngunit ngayon ay kapuwa nila nakita at kinapootan ako at gayundin ang aking Ama. Ngunit ito ay upang matupad ang salita na nakasulat sa kanilang Kautusan, ‘Kinapootan nila ako nang walang dahilan.’” (Juan 15:24, 25) Kadalasan, ang “Kautusan” ay tumutukoy sa buong kalipunan ng Kasulatan. (Juan 10:34; 12:34) Ipinakikita ng mga ulat ng Ebanghelyo na kinapootan si Jesus, lalo na ng mga Judiong lider ng relihiyon. Sinabi rin ni Kristo: “Ang sanlibutan ay walang dahilan upang mapoot sa inyo, ngunit napopoot ito sa akin, sapagkat ako ay nagpapatotoo may kinalaman dito na ang mga gawa nito ay balakyot.”—Juan 7:7.
Maging Masigasig sa Tunay na Pagsamba
7 Kitang-kita sa isang pangyayari sa buhay ni Jesus ang kaniyang sigasig. Nangyari ito sa pasimula ng kaniyang ministeryo, noong Paskuwa ng 30 C.E. Si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay dumating sa Jerusalem at nakita nila sa templo “yaong mga nagtitinda ng mga baka at mga tupa at mga kalapati at ang mga mangangalakal ng salapi sa kanilang mga upuan.” Ano ang reaksiyon ni Jesus, at ano naman ang naalaala ng mga alagad?—Basahin ang Juan 2:13-17.
8 Dahil sa ginawa at sinabi ni Jesus, naalaala ng mga alagad ang makahulang pananalita ng isang awit ni David: “Inuubos ako ng sigasig para sa iyong bahay.” (Awit 69:9) Bakit? Dahil talagang mapanganib ang ginawa ni Jesus. Aba, ang mga awtoridad ng templo—mga saserdote, eskriba, at iba pa—ang nasa likod ng lantarang pangangalakal doon. Kaya nang ilantad at patigilin ni Jesus ang pagsasamantalang iyon, sila mismo ang kinalaban niya. Gaya ng obserbasyon ng mga alagad, kitang-kita noon ang ‘sigasig para sa bahay ng Diyos,’ o sigasig para sa tunay na pagsamba. Pero ano nga ba ang sigasig? Iba pa ba ito sa pagkaapurahan?
Maaari Ka Bang Mamatay Dahil sa Isang Pusong Wasak?
Ang ilan ay nagsasabi na ang isang pusong wasak ay isang sanhi ng kamatayan ni Jesu-Kristo, na tungkol sa kaniya ay inihula: “Ang kahihiyan mismo ay nagwasak sa aking puso, at ang sugat ay wala nang lunas.” (Awit 69:20) Ang mga salitang ito ba ay dapat unawain sa literal na paraan? Marahil, sapagkat ang mga oras bago ang kamatayan ni Jesus ay sakbibi ng sakit—hindi lamang sa pisikal kundi sa emosyonal na paraan din naman. (Mateo 27:46; Lucas 22:44; Hebreo 5:7) Isa pa, maaaring ang isang pusong wasak ang dahilan kung bakit ang “dugo at tubig” ay umagos mula sa sugat na likha ng pagkakaulos kay Jesus pagkamatay niya. Ang pagputok ng puso o ng isang malaking ugat ay maaaring maglabas ng dugo alin sa chest cavity o sa pericardium—isang lamad na naglalaman ng likido na bumabalot sa puso. Ang isang butas alinman dito ay maaaring pagmulan ng pagdaloy ng kung ano sa wari’y “dugo at tubig.”—Juan 19:34.
it-2 444
Nakalalasong Halaman
Tungkol sa Mesiyas, inihula na bibigyan siya ng “nakalalasong halaman” bilang pagkain. (Aw 69:21) Naganap ito nang si Jesu-Kristo, bago siya ibayubay, ay alukin ng alak na hinaluan ng apdo ngunit, nang matikman niya ito, tinanggihan niya ang nakahihilong inumin na malamang na nilayong makabawas sa kaniyang mga paghihirap. Sa pag-uulat sa katuparan ng hulang ito, ginamit ni Mateo (27:34) ang salitang Griego na kho·leʹ (apdo), ang termino na matatagpuan din sa Griegong Septuagint sa Awit 69:21. Gayunman, mira ang binabanggit sa ulat ng Ebanghelyo ni Marcos (Mar 15:23), at dahil dito ay bumangon ang pangmalas na sa kasong ito, ang “nakalalasong halaman” o “apdo” ay “mira.” Ang isa pang posibilidad ay na ang inuming iyon ay hinaluan kapuwa ng apdo at mira.
Espirituwal na Hiyas
Itaas ang Matapat na mga Kamay sa Panalangin
11 Nananalangin lamang ang maraming tao kapag may hinihiling na isang bagay, ngunit ang pag-ibig natin sa Diyos na Jehova ay dapat magpakilos sa atin na magpasalamat sa kaniya at purihin siya kapuwa sa pangmadla at pribadong panalangin. “Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, kundi sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pagpapasalamat ay ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso at sa inyong mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Filipos 4:6, 7) Oo, bukod sa mga pagsusumamo at pakiusap, dapat tayong magpasalamat kay Jehova para sa espirituwal at materyal na mga pagpapala. (Kawikaan 10:22) Umawit ang salmista: “Maghandog ng pasasalamat bilang iyong hain sa Diyos, at tuparin mo ang iyong mga panata sa Kataas-taasan.” (Awit 50:14) At sa isang himig ng panalangin ni David ay kalakip ang nakaaantig na mga salitang ito: “Pupurihin ko ang pangalan ng Diyos sa pamamagitan ng awit, at aking dadakilain siya sa pamamagitan ng pasasalamat.” (Awit 69:30) Hindi ba dapat na gayundin ang gawin natin sa pangmadla at pribadong panalangin?
AGOSTO 5-11
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS AWIT 70-72
‘Sabihin sa Susunod na Henerasyon’ ang Tungkol sa Kapangyarihan ng Diyos
Mga Kabataan—Sanayin ang Inyong mga Kakayahan sa Pang-unawa!
17 Ang pag-iwas sa mga silo ni Satanas ay mangangailangan ng palaging pagbabantay sa inyong bahagi—at kung minsan, matinding lakas ng loob. Aba, kung minsa’y madarama ninyong laban sa inyo, hindi lamang ang inyong mga kaedad, kundi pati ang buong mundo. Nanalangin ang salmistang si David: “Ikaw ang aking pag-asa, O Soberanong Panginoong Jehova, ang aking pinagtitiwalaan mula pa sa aking pagkabata. O Diyos, tinuruan mo ako mula pa sa aking pagkabata, at hanggang ngayon ay inihahayag ko ang tungkol sa iyong mga kamangha-manghang gawa.” (Awit 71:5, 17) Kilala si David dahil sa kaniyang lakas ng loob. Ngunit kailan ba niya nalinang ito? Noong kaniyang kabataan! Bago pa man ang kaniyang bantog na pakikipaglaban kay Goliat, nagpakita na si David ng pambihirang lakas ng loob sa pagsasanggalang sa mga kawan ng kaniyang ama—anupat pumatay kapuwa ng isang leon at isang oso. (1 Samuel 17:34-37) Gayunman, iniukol ni David kay Jehova ang ganap na kapurihan sa anumang kabayanihan na ipinamalas niya, anupat tinawag Siyang “aking pinagtitiwalaan mula pa sa aking pagkabata.” Ang kakayahan ni David na manalig kay Jehova ay nagpangyari sa kaniya na makayanan ang anumang pagsubok na nakaharap niya. Masusumpungan din naman ninyo na kung mananalig kayo kay Jehova, bibigyan niya kayo ng tibay ng loob at lakas upang ‘daigin ang sanlibutan.’—1 Juan 5:4.
Paano Natin Dapat Pakitunguhan ang mga May-edad Na?
Nanalangin ang salmista: “Huwag mo akong itakwil sa panahon ng katandaan; kapag nanghihina na ang aking kalakasan ay huwag mo akong iwan.” (Awit 71:9) Hindi ‘itinatakwil’ ng Diyos ang kaniyang tapat na mga lingkod kahit madama nila mismo na wala na silang pakinabang. Hindi nadama ng salmista na pinabayaan siya ni Jehova; sa halip, kinilala niya ang kaniya mismong pangangailangan na lalo pang umasa sa kaniyang Maylikha habang tumatanda siya. Tumutugon si Jehova sa gayong pagkamatapat sa pamamagitan ng paglalaan ng suporta sa buong buhay ng isang indibiduwal. (Awit 18:25) Kadalasan, ang gayong suporta ay inilalaan sa pamamagitan ng mga kapuwa Kristiyano.
Maglingkod kay Jehova Bago ang Kapaha-pahamak na mga Araw
4 Kung isa kang adulto na marami nang karanasan sa buhay, tanungin ang sarili, ‘Ano ang puwede kong gawin habang malakas pa ako at masigla?’ Bilang makaranasang Kristiyano, may mga oportunidad ka na wala sa iba. Maibabahagi mo sa mga nakababata ang mga natutuhan mo kay Jehova. Mapatitibay mo ang iba kung ikukuwento mo ang iyong mga karanasan sa paglilingkod sa Diyos. Nanalangin si Haring David para sa gayong mga oportunidad. Sumulat siya: “O Diyos, tinuruan mo ako mula pa sa aking pagkabata . . . Maging hanggang sa katandaan at pagiging may-uban, O Diyos, huwag mo akong iwan, hanggang sa masabi ko sa salinlahi ang tungkol sa iyong bisig, sa kanilang lahat na darating, ang tungkol sa iyong kalakasan.”—Awit 71:17, 18.
5 Paano mo maibabahagi sa iba ang karunungang naipon mo sa mahabang panahon? Puwede mo bang imbitahan sa bahay ang mga nakababatang lingkod ng Diyos para sa nakapagpapatibay na kuwentuhan? Maaari mo ba silang yayain na samahan ka sa ministeryo para maipakita sa kanila ang kagalakang nararanasan mo sa paglilingkod? Sinabi ni Elihu na nabuhay noong sinaunang panahon: “Ang mga araw ang dapat magsalita, at ang karamihan ng mga taon ang dapat maghayag ng karunungan.” (Job 32:7) Hinimok ni apostol Pablo ang makaranasang mga babaing Kristiyano na patibayin ang iba sa pamamagitan ng salita at halimbawa. Isinulat niya: “Ang matatandang babae ay maging . . . mga guro ng kabutihan.”—Tito 2:3.
Espirituwal na Hiyas
it-1 734
Eufrates
Hangganan ng Teritoryong Iniatas sa Israel. Nakipagtipan ang Diyos kay Abraham na ibibigay niya sa binhi ni Abraham ang lupaing “mula sa ilog ng Ehipto hanggang sa malaking ilog, na ilog ng Eufrates.” (Gen 15:18) Ang pangakong ito’y inulit sa bansang Israel. (Exo 23:31; Deu 1:7, 8; 11:24; Jos 1:4) Sinasabi ng 1 Cronica 5:9 na noong panahon bago maghari si David, may mga inapo si Ruben na nanirahan “hanggang sa pasukan patungo sa ilang sa ilog ng Eufrates.” Gayunman, ang Eufrates ay may layo na mga 800 km (500 mi), kung ang isa’y naglalakbay sa “silangan ng Gilead.” (1Cr 5:10) Kaya, maaaring ang pananalitang ito’y nangangahulugan lamang na pinalawak ng mga Rubenita ang kanilang teritoryo sa S ng Gilead hanggang sa bukana ng Disyerto ng Sirya, at ang disyertong ito naman ay umaabot hanggang sa Eufrates. (Ang RS ay nagsasabing “hanggang sa pasukan ng disyerto sa panig na ito ng Eufrates”; ang JB naman ay “hanggang sa pasimula ng disyerto na nagwawakas sa ilog ng Eufrates.”) Samakatuwid, lumilitaw na ang pangako ni Jehova ay unang natupad nang lubusan noong panahon ng mga paghahari nina David at Solomon. Nang panahong iyon, lumawak ang teritoryo ng Israel at nasakop nito ang Arameanong kaharian ng Zoba at sa gayo’y umabot ito sa mga pampang ng Eufrates, maliwanag na sa bahaging bumabagtas sa hilagang Sirya. (2Sa 8:3; 1Ha 4:21; 1Cr 18:3-8; 2Cr 9:26) Dahil sa pagiging prominente ng Eufrates, kadalasa’y tinutukoy lamang ito bilang “Ilog.”—Jos 24:2, 15; Aw 72:8.
AGOSTO 12-18
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS AWIT 73-74
Paano Kung Naiinggit Tayo sa mga Hindi Lingkod ng Diyos?
‘Inililigtas ni Jehova ang mga Nasisiraan ng Loob’
14 Isang Levita ang manunulat ng Awit 73, kaya may pribilehiyo siyang maglingkod sa lugar ng pagsamba kay Jehova. Pero minsan, sobra siyang nasiraan ng loob. Bakit? Nainggit kasi siya sa masasama at mayayabang, hindi dahil sa gusto niya ring gumawa ng masama kundi dahil mas maganda ang buhay nila. (Awit 73:2-9, 11-14) Parang nasa kanila na ang lahat—kayamanan, maalwang buhay, at walang problema. Nang makita ito ng Levita, sobra siyang nasiraan ng loob kaya nasabi niya: “Talagang walang saysay na pinanatili kong malinis ang puso ko at hinugasan ko ang mga kamay ko para ipakitang wala akong kasalanan.” Malinaw na nalagay sa alanganin ang kaugnayan niya kay Jehova.
‘Inililigtas ni Jehova ang mga Nasisiraan ng Loob’
15 Basahin ang Awit 73:16-19, 22-25. “Pumasok [ang Levita] sa maringal na santuwaryo ng Diyos.” Doon, kasama ang kaniyang mga kapuwa mananamba, naging kalmado siya, nakapag-isip nang mabuti, at naipanalangin ang sitwasyon niya. Dahil dito, nakita niya na mali ang iniisip niya at na unti-unti na siyang napapalayo kay Jehova. Nakita rin niya na ang masasama ay nasa “madulas na lugar” at magkakaroon sila ng “kakila-kilabot na wakas.” Para maalis ang inggit at pagkasira ng loob ng salmistang Levita, dapat niyang tularan ang pananaw ni Jehova. Nang gawin niya iyon, napanatag na siya at naging masaya. Sinabi niya: “Bukod [kay Jehova] ay wala na akong iba pang kailangan sa lupa.”
16 Mga aral para sa atin. Hinding-hindi natin dapat kainggitan ang masasama na mukhang nag-e-enjoy sa buhay. Pansamantala lang ang sayáng nararanasan nila at wala silang pag-asang buhay na walang hanggan. (Ecles. 8:12, 13) Kung maiinggit tayo sa kanila, masisiraan lang tayo ng loob at baka masira pa nga ang kaugnayan natin kay Jehova. Kaya kung nakikita mong mukhang nagtatagumpay ang masasama at naiinggit ka, gayahin ang Levita. Sundin ang payo ng Diyos at makipagsamahan sa iba pang gumagawa ng kalooban ni Jehova. Kapag si Jehova ang pinakamahalaga sa iyo, magiging tunay na maligaya ka. At mananatili ka sa landas na papunta sa “tunay na buhay.”—1 Tim. 6:19.
Tularan ang Pananampalataya ni Moises
5 Paano mo matatanggihan ang “pansamantalang kasiyahan sa kasalanan”? Tandaan na pansamantala lang ang kalugurang dulot ng kasalanan. Sa tulong ng mga mata ng pananampalataya, makikita mong “ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito.” (1 Juan 2:15-17) Pag-isipan ang kahihinatnan ng mga makasalanang di-nagsisisi. Sila ay nasa ‘madulas na dako at sasapit sa kanilang katapusan!’ (Awit 73:18, 19) Kapag natutuksong gumawa ng kasalanan, tanungin ang sarili, ‘Ano bang kinabukasan ang gusto ko?’
Huwag Magpahadlang sa Pagtangan sa Kaluwalhatian
3 Nagtiwala ang salmista na tatanganan ni Jehova ang kaniyang kanang kamay at aakayin siya sa tunay na kaluwalhatian. (Basahin ang Awit 73:23, 24.) Paano ito ginagawa ni Jehova? Binibigyan niya ng karangalan ang kaniyang mapagpakumbabang mga lingkod sa iba’t ibang paraan. Halimbawa, tinutulungan niya sila na maunawaan ang kaniyang kalooban. (1 Cor. 2:7) Pinahihintulutan niyang magkaroon ng malapít na kaugnayan sa kaniya ang mga nakikinig at sumusunod sa kaniyang salita.—Sant. 4:8.
4 Ipinagkatiwala rin niya sa kaniyang mga lingkod ang isang maluwalhating kayamanan, ang ministeryong Kristiyano. (2 Cor. 4:1, 7) Ang ministeryong ito ay umaakay sa kaluwalhatian. Sa mga nakikibahagi sa ministeryong ito para purihin si Jehova at tulungan ang iba, ipinangako niya: “Yaong mga nagpaparangal sa akin ay pararangalan ko.” (1 Sam. 2:30) Napararangalan sila dahil nagkakaroon sila ng mabuting pangalan sa harap ni Jehova at ng iba pang lingkod ng Diyos.—Kaw. 11:16; 22:1.
5 Anong kinabukasan ang naghihintay sa mga ‘umaasa kay Jehova at nag-iingat ng kaniyang daan’? Pinangakuan sila: “Itataas ka [ni Jehova] upang magmay-ari ng lupa. Kapag nilipol ang mga balakyot, makikita mo iyon.” (Awit 37:34) Inaasam-asam nila ang karangalang tumanggap ng buhay na walang hanggan.—Awit 37:29.
Espirituwal na Hiyas
it-2 203
Leviatan
Inilalarawan ng Awit 74 ang pagliligtas ng Diyos sa kaniyang bayan, at sa makasagisag na paraan ay tinutukoy ng mga talata 13 at 14 ang pagliligtas niya sa Israel mula sa Ehipto. Dito, ang terminong “mga dambuhalang hayop-dagat [sa Heb., than·ni·nimʹ, pangmaramihan ng tan·ninʹ]” ay ginamit na katumbas ng pananalitang “Leviatan,” at maaaring ang pagdurog sa mga ulo ng Leviatan ay tumutukoy sa masaklap na pagkatalo ni Paraon at ng kaniyang hukbo noong panahon ng Pag-alis. Sa Aramaikong mga Targum, “ang malalakas ni Paraon” ang mababasa sa halip na “mga ulo ng Leviatan.” (Ihambing ang Eze 29:3-5, kung saan inihalintulad si Paraon sa isang “dambuhalang hayop-dagat” sa gitna ng mga kanal ng Nilo; gayundin ang Eze 32:2.) Lumilitaw na ginamit ng Isaias 27:1 ang Leviatan (LXX, “ang dragon”) bilang sagisag ng isang imperyo, isang internasyonal na organisasyong pinamumunuan ng isa na tinutukoy bilang “serpiyente” at “dragon.” (Apo 12:9) Ang hulang ito ay tungkol sa pagsasauli ng Israel, kaya naman tiyak na kasama ang Babilonya sa ‘pagbabaling ni Jehova ng pansin’ sa Leviatan. Gayunman, binanggit din ng mga talata 12 at 13 ang Asirya at ang Ehipto. Kaya naman, maliwanag na ang Leviatan dito ay tumutukoy sa isang internasyonal na organisasyon o imperyo na sumasalansang kay Jehova at sa kaniyang mga mananamba.
AGOSTO 19-25
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS AWIT 75-77
Huwag Magyabang—Bakit?
Tingnan ang Pagkakaiba ng mga Tao
4 Matapos sabihing marami ang magiging maibigin sa kanilang sarili at sa salapi, sinabi rin ni Pablo na ang mga tao ay magiging mapagmapuri sa sarili, palalo, at mapagmalaki. Kadalasan, ipinahihiwatig ng mga katangiang ito na nadarama ng isa na nakahihigit siya sa iba dahil sa kaniyang mga abilidad, hitsura, yaman, o katayuan sa buhay. Gustong-gusto ng mga taong ito na sila ay hangaan at mahalin. Ganito ang isinulat ng isang iskolar tungkol sa taong nilamon na ng pride: “Sa kaniyang puso, mayroon siyang maliit na altar kung saan yumuyukod siya sa kaniyang sarili.” May mga nagsasabi pa nga na talagang kasuklam-suklam ang sobrang pride kung kaya kinaiinisan ito kahit ng mayayabang kapag nakikita nila ito sa iba.
5 Talagang nasusuklam si Jehova sa pagmamapuri. Napopoot siya sa “matayog na mga mata.” (Kaw. 6:16, 17) Ang kapalaluan ay makahahadlang sa paglapit natin sa Diyos. (Awit 10:4) Ang katangiang ito ay pagkakakilanlan ng Diyablo. (1 Tim. 3:6) Nakalulungkot na kahit ang ilang tapat na lingkod ni Jehova ay nahawahan ng pagmamapuri. Halimbawa, si Uzias, isang hari ng Juda, ay naging tapat sa loob ng maraming taon. “Gayunman,” ang sabi ng Bibliya, “nang siya ay malakas na, ang kaniyang puso ay nagpalalo hanggang sa naging sanhi pa nga ng kapahamakan, anupat gumawi siya nang di-tapat laban kay Jehova na kaniyang Diyos at pumasok sa templo ni Jehova upang magsunog ng insenso sa ibabaw ng altar ng insenso.” Nang maglaon, kahit si Haring Hezekias ay naging palalo nang sandaling panahon.—2 Cro. 26:16; 32:25, 26.
Mga Tampok na Bahagi sa Ikatlo at Ikaapat na Aklat ng mga Awit
75:4, 5, 10—Ano ang kahulugan ng terminong “sungay”? Ang mga sungay ng isang hayop ay matibay na sandata. Samakatuwid, ang terminong “sungay” ay sumasagisag sa kapangyarihan, o lakas. Itinaas ni Jehova ang mga sungay ng kaniyang bayan, na nagpadakila sa kanila, samantalang ‘pinutol naman niya ang mga sungay ng mga balakyot.’ Binabalaan tayo na huwag ‘itaas sa kaitaasan ang ating sungay’ sa diwa na hindi tayo dapat maging mapagmapuri o arogante. Yamang si Jehova ang nagtataas, ang mga atas ng pananagutan sa kongregasyon ay dapat nating ituring na nagmumula sa kaniya.—Awit 75:7.
Espirituwal na Hiyas
Mga Tampok na Bahagi sa Ikatlo at Ikaapat na Aklat ng mga Awit
76:10—Paano pupurihin si Jehova ng “pagngangalit ng tao”? Kapag pinahihintulutan ng Diyos na ibuhos ng mga tao ang kanilang galit sa atin dahil sa mga lingkod Niya tayo, maaaring magkaroon ito ng magandang resulta. Anumang paghihirap na dinaranas natin ay nagiging disiplina para sa atin sa paanuman. Ipinahihintulot ni Jehova ang pagdurusa hanggang sa punto lamang na ito ay nagsisilbing pagsasanay para sa atin. (1 Pedro 5:10) ‘Ang nalalabing pagngangalit ng tao, ibibigkis ng Diyos sa kaniya.’ Paano kung magdusa tayo hanggang mamatay? Magdudulot din ito ng kapurihan kay Jehova dahil posibleng luwalhatiin din ang Diyos ng mga nakakakita ng ating tapat na pagbabata.
AGOSTO 26–SETYEMBRE 1
KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS AWIT 78
Di-katapatan ng Israel—Babalang Halimbawa
“Alalahanin Ninyo ang mga Araw na Lumipas”—Bakit?
Nakalulungkot, ang mga Israelita ay malimit na nahulog sa pagkakasala ng paglimot. Ano ang resulta? “Paulit-ulit nilang inilalagay ang Diyos sa pagsubok, at pinasakitan nila maging ang Banal na Isa ng Israel. Hindi nila naalaala ang kaniyang kamay, ang araw na tinubos niya sila mula sa kaaway.” (Awit 78:41, 42) Sa wakas, ang paglimot nila sa mga utos ni Jehova ay humantong sa pagtatakwil niya sa kanila.—Mateo 21:42, 43.
Isang mainam na halimbawa ang ipinakita ng salmista na sumulat: “Aalalahanin ko ang mga gawa ni Jah; sapagkat aking aalalahanin ang iyong kagila-gilalas na gawa noong una. At aking tiyak na bubulay-bulayin ang lahat ng iyong aktibidad, at pagkakaabalahan ko ang iyong mga pakikitungo.” (Awit 77:11, 12) Ang gayong may pagbubulay-bulay na paggunita sa nakaraang matapat na paglilingkuran at maibiging mga gawa ni Jehova ay maglalaan sa atin ng kinakailangang pangganyak, pampatibay-loob, at pagpapahalaga. Gayundin, ang ‘pag-alaala sa mga araw noong una’ ay makapapawi sa pagkapagod at pupukaw sa atin na gawin ang buong makakaya natin at panatilihin ang tapat na pagbabata.
‘Magpatuloy Nang Walang mga Bulung-bulungan’
16 Ibinabaling ng pagbubulung-bulungan ang ating pansin sa ating sarili at sa ating mga suliranin sa halip na sa mga pagpapalang tinatanggap natin bilang mga Saksi ni Jehova. Upang masupil ang tendensiyang magreklamo, kailangan nating palaging alalahanin ang mga pagpapalang ito. Halimbawa, napakalaking pribilehiyo ng bawat isa sa atin na dalhin ang personal na pangalan ni Jehova. (Isaias 43:10) Makabubuo tayo ng malapit na kaugnayan sa kaniya at makakausap natin ang “Dumirinig ng panalangin” anumang oras. (Awit 65:2; Santiago 4:8) Nagiging makabuluhan ang ating buhay sapagkat nauunawaan natin ang isyu ng pansansinukob na soberanya at tinatandaan natin na isang pribilehiyo na panatilihin ang ating katapatan sa Diyos. (Kawikaan 27:11) Regular tayong nakapangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. (Mateo 24:14) Nagkakaroon tayo ng malinis na budhi dahil sa pananampalataya sa haing pantubos ni Jesu-Kristo. (Juan 3:16) Ito ang mga pagpapalang tinatanggap natin anuman ang kailangan nating batahin.
May Damdamin ba si Jehova?
Sinasabi ng salmista: “Kay dalas nilang maghimagsik laban sa kaniya sa ilang!” (Talata 40) Idinagdag pa ng sumunod na talata: “Paulit-ulit nilang inilalagay ang Diyos sa pagsubok.” (Talata 41) Pansinin na sinabi ng manunulat na paulit-ulit na nagrebelde ang bayan. Nagsimula ang masamang ugaling ito noong nasa ilang sila, hindi pa natatagalan matapos silang palayain mula sa Ehipto. Nagbulung-bulungan ang bayan, anupat kinuwestiyon nila kung may kakayahan ang Diyos na pangalagaan sila at kung handa siyang gawin ito. (Bilang 14:1-4) Sinasabi ng isang reperensiya para sa mga tagapagsalin ng Bibliya na ang mga salitang “maghimagsik laban sa kaniya” ay puwedeng “isalin bilang ‘pinatigas nila ang kanilang puso laban sa Diyos’ o ‘sinabi nila sa Diyos na “Hindi.”’” Pero dahil maawain si Jehova, pinatatawad niya ang kaniyang bayan sa tuwing magsisisi sila. Ngunit paulit-ulit pa rin silang nagrerebelde.—Awit 78:10-19, 38.
Ano ang nadarama ni Jehova sa tuwing magrerebelde ang kaniyang bayan? “Pinagdaramdam nila siya,” ang sabi sa talata 40. Sinasabi ng isa pang salin na “pinalulungkot [nila] siya.” Ganito ang paliwanag ng isang reperensiya sa Bibliya: “Nangangahulugan ito na ang paggawi ng mga Hebreo ay nakasasakit,—gaya ng paggawi ng isang masuwayin at rebeldeng anak.” Kung paanong pinasasakitan ng isang anak na matigas ang ulo ang kaniyang mga magulang, “pinasakitan [ng mga rebeldeng Israelita] maging ang Banal ng Israel.”—Talata 41.
Espirituwal na Hiyas
Mga Tampok na Bahagi sa Ikatlo at Ikaapat na Aklat ng mga Awit
78:24, 25; talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures—With References—Bakit tinawag na “butil ng langit” at “mismong tinapay ng mga anghel” ang manna? Alinman sa dalawang pananalitang ito ay hindi nangangahulugang pagkain ng mga anghel ang manna. Ito ay “butil ng langit” dahil galing ito sa langit. (Awit 105:40) Yamang nasa langit ang mga anghel, o ang “mga makapangyarihan,” ang pariralang “mismong tinapay ng mga anghel” ay maaaring mangahulugang bigay ito ng Diyos, na nananahanan sa langit. (Awit 11:4) Posible ring ginamit ni Jehova ang mga anghel upang bigyan ng manna ang mga Israelita.