Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • mwbr25 Setyembre p. 1-14
  • Mga Reperensiya Para sa “Workbook sa Buhay at Ministeryo”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Reperensiya Para sa “Workbook sa Buhay at Ministeryo”
  • Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo—2025
  • Subtitulo
  • SETYEMBRE 1-7
  • SETYEMBRE 8-14
  • SETYEMBRE 15-21
  • SETYEMBRE 22-28
  • SETYEMBRE 29–OKTUBRE 5
  • OKTUBRE 6-12
  • OKTUBRE 13-19
  • OKTUBRE 20-26
  • OKTUBRE 27–NOBYEMBRE 2
Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo—2025
mwbr25 Setyembre p. 1-14

Mga Reperensiya Para sa Workbook sa Buhay at Ministeryo

© 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania

SETYEMBRE 1-7

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS KAWIKAAN 29

Tanggihan ang mga Paniniwala at Tradisyon na Ayaw ni Jehova

wp16.06 6, kahon

Sulyap sa mga Nasa Langit

Milyon-milyong tao ang kontrolado ng mga pamahiin at natatakot sa masasamang espiritu. Umaasa silang poprotektahan sila ng mga anting-anting, agimat, at iba pa. Pero hindi mo kailangang gawin iyon dahil tinitiyak ng Bibliya: “Kung tungkol kay Jehova, ang kaniyang mga mata ay lumilibot sa buong lupa upang ipakita ang kaniyang lakas alang-alang sa mga may pusong sakdal sa kaniya.” (2 Cronica 16:9) Kung magtitiwala ka sa tunay na Diyos, si Jehova, na mas makapangyarihan kaysa kay Satanas, poprotektahan ka Niya.

Para protektahan ka ni Jehova, kailangan mong alamin at sundin kung ano ang kalugod-lugod sa kaniya. Halimbawa, noong unang siglo, tinipon ng mga Kristiyano sa lunsod ng Efeso ang lahat ng kanilang aklat sa mahika at sinunog ang mga iyon. (Gawa 19:19, 20) Para protektahan ka ng Diyos, dapat mo ring itapon ang mga anting-anting, agimat, aklat sa mahika, pising “pananggalang,” at anumang bagay na may kaugnayan sa mga demonyo.

w19.04 17 ¶13

Ipagtanggol ang Katotohanan Tungkol sa Kamatayan

13 Kung hindi ka nakakatiyak sa isang kaugalian, manalangin kay Jehova at humiling sa kaniya ng karunungan. (Basahin ang Santiago 1:5.) Pagkatapos, mag-research ka sa mga publikasyon natin. Kung kailangan, magtanong sa mga elder sa kongregasyon ninyo. Hindi nila sasabihin kung ano ang dapat mong gawin, pero makakapagbigay sila ng mga simulain sa Bibliya na makakatulong sa iyo, gaya ng mga tinatalakay rito. Habang ginagawa mo iyan, sinasanay mo ang iyong “mga kakayahan sa pang-unawa,” at tutulong ito sa iyo na “makilala kapuwa ang tama at ang mali.”—Heb. 5:14.

w18.11 11 ¶12

“Lalakad Ako sa Iyong Katotohanan”

12 Di-makakasulatang kaugalian at gawain. Baka yayain tayo ng ating kapamilya, katrabaho, at kaeskuwela sa kanilang mga selebrasyon. Paano natin mapaglalabanan ang panggigipit na makibahagi sa mga kaugalian at kapistahan na hindi nakalulugod kay Jehova? Magagawa natin ito kung lagi nating isasaisip ang pananaw ni Jehova sa gayong mga gawain. Makatutulong sa atin ang pagsusuri sa mga publikasyong tumatalakay sa pinagmulan ng popular na mga kapistahan. Kapag inaalaala natin ang mga dahilan sa Kasulatan kung bakit hindi tayo nakikibahagi sa gayong mga kapistahan, nakukumbinsi tayo na lumalakad tayo sa paraang “kaayaaya sa Panginoon.” (Efe. 5:10) Ang pagtitiwala kay Jehova at sa kaniyang Salita ng katotohanan ay tutulong sa atin na huwag “manginig sa harap ng mga tao.”—Kaw. 29:25.

Espirituwal na Hiyas

it “Labis na Pagpuri” ¶2

“Labis na Pagpuri”

Pagbibigay-lugod sa iba sa pamamagitan ng tusong komendasyon; pambobola; di-totoo, di-taimtim, o sobrang pagpuri. Kadalasan, ginagawa ito upang bigyang-kasiyahan ang pag-ibig sa sarili o ang kapalaluan ng taong labis na pinupuri at sa gayon ay nakapipinsala ito sa kaniya. Ang motibo nito ay upang magtamo ang isa ng pabor o materyal na mga pakinabang mula sa ibang tao, upang makadama ng obligasyon ang taong iyon sa isa na labis na pumupuri sa kaniya, o upang parangalan siya. Kadalasan na, ginagamit ito upang siluin ang taong iyon. (Kaw 29:5) Ang paggamit ng labis na papuri ay hindi nagpapamalas ng karunungan mula sa itaas, kundi nagmumula sa sanlibutang ito, anupat kakikitaan ng pagkamakasarili, pagtatangi, at pagpapaimbabaw. (San 3:17) Ang pagiging di-taimtim, pagsisinungaling, pambobola o pagluwalhati sa mga tao, at pagsasamantala sa kapalaluan ng iba ay pawang di-kalugud-lugod sa Diyos.—2Co 1:12; Gal 1:10; Efe 4:25; Col 3:9; Apo 21:8.

SETYEMBRE 8-14

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS KAWIKAAN 30

“Huwag Mo Akong Gawing Mahirap o Mayaman”

w18.01 24-25 ¶10-12

Anong Uri ng Pag-ibig ang Nagbibigay ng Tunay na Kaligayahan?

10 Siyempre pa, lahat tayo ay nangangailangan ng pera. Naglalaan ito ng proteksiyon. (Ecles. 7:12) Pero puwede bang maging tunay na maligaya ang isang tao kung pangunahing pangangailangan lang niya ang mayroon siya? Oo naman! (Basahin ang Eclesiastes 5:12.) Isinulat ni Agur na anak ni Jakeh: “Huwag mo akong bigyan ng karalitaan ni ng kayamanan man. Ipaubos mo sa akin ang pagkaing itinakda para sa akin.” Maiintindihan natin kung bakit ayaw niyang maging napakadukha. Ipinaliwanag niya na ayaw niyang matuksong magnakaw dahil ang pagnanakaw ay lalapastangan sa Diyos. Pero bakit ayaw rin niyang maging mayaman? Isinulat niya: “Upang hindi ako mabusog at ikaila nga kita at sabihin ko: ‘Sino si Jehova?’” (Kaw. 30:8, 9) Malamang na may kilala kang mga tao na nagtitiwala sa kanilang kayamanan sa halip na sa Diyos.

11 Ang mga maibigin sa salapi ay hindi makalulugod sa Diyos. Sinabi ni Jesus: “Walang sinuman ang maaaring magpaalipin sa dalawang panginoon; sapagkat alinman sa kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, o pipisan siya sa isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo maaaring magpaalipin sa Diyos at sa Kayamanan.” Bago iyan, sinabi niya: “Huwag na kayong mag-imbak para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa lupa, kung saan ang tangà at kalawang ay nang-uubos, at kung saan ang mga magnanakaw ay nanloloob at nagnanakaw. Sa halip, mag-imbak kayo para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa langit, kung saan kahit ang tangà o ang kalawang man ay hindi nang-uubos, at kung saan ang mga magnanakaw ay hindi nanloloob at nagnanakaw.”—Mat. 6:19, 20, 24.

12 Napatunayan ng marami na dahil sa pamumuhay nang simple, naging mas maligaya sila at nagkaroon ng mas maraming panahon para maglingkod kay Jehova. Halimbawa, ipinagbili ni Jack, na nakatira sa United States, ang kanilang malaking bahay at negosyo para makapagpayunir kasama ng kaniyang asawa. Sinabi niya: “Nahirapan akong bitiwan ang aming magandang tahanan at property sa lalawigan. Pero maraming taon na akong umuuwing konsumido dahil sa mga problema sa trabaho. Samantala, ang asawa ko, na isang regular pioneer, ay laging masaya. Sinasabi niya, ‘The best sa lahat ang boss ko!’ Ngayong nagpapayunir na rin ako, iisa na ang pinaglilingkuran namin, si Jehova.”

w87 5/15 30 ¶7

Matakot kay Jehova at Ikaw ay Liligaya

◆ 30:15, 16—Ano ba ang punto sa mga halimbawang ito?

Ipinaghahalimbawa nito na ang kasakiman ay walang kabusugan. Ang mga linta ay nagpapakabundat sa dugo, gaya rin ng mga taong sakim na laging nagnanasa ng higit pang salapi o kapangyarihan. Gayundin, ang Sheol ay hindi kailanman nasisiyahan kundi palaging bukás upang tumanggap ng higit pang mga biktima ng kamatayan. Ang isang baog na bahay-bata ay ‘humihiyaw’ ng paghingi ng mga anak. (Genesis 30:1) Ang lupa kung tagtuyot ay mabilis sumipsip ng tubig-ulan at hindi nagtatagal ito ay tuyot na naman kung pagmamasdan. At ang apoy na sumunog sa mga bagay na inihahagis doon ay naglalabas ng mga liyab na sumusunog sa anumang maabot nito. Ganiyan din ang mga taong masasakim. Subalit silang pinapatnubayan ng maka-Diyos na karunungan ay hindi roon lumalakad sa landas ng walang-hanggang kaimbutan.

w11 6/1 10 ¶3

Pamumuhay Ayon sa Iyong Kinikita—Paano?

Mag-ipon muna bago bumili. Itinuturing na makaluma ang pag-iipon muna bago bumili, pero sa katunayan, isa ito sa pinakamatalinong paraan para hindi magkaproblema sa pera. Dahil dito, marami ang nakaiiwas sa pangungutang at sa di-magandang epekto nito, gaya ng mataas na interes, na lalong nagpapabigat sa bayarin. Sa Bibliya, ang langgam ay inilalarawan na ‘marunong’ dahil nag-iipon ito ng “laang pagkain sa pag-aani” para sa hinaharap.—Kawikaan 6:6-8; 30:24, 25.

w24.06 13 ¶18

Maging Panauhin ni Jehova Magpakailanman!

18 Makakabuting pag-isipan kung ano ang tingin natin sa pera. Tanungin ang sarili: ‘Lagi ko bang iniisip ang pera at ang mga puwede kong mabili dito? Kapag nangutang ako, matagal ba akong magbayad kasi iniisip ko na hindi naman iyon kailangan ng inutangan ko? Pakiramdam ko ba, importante ako kasi may pera ako? Nahihirapan ba akong maging mapagbigay? Materyalistiko na ba agad ang tingin ko sa mga kapatid dahil lang mayaman sila? Sa mayayaman lang ba ako nakikipagkaibigan?’ Napakalaki ng pribilehiyo nating maging panauhin ni Jehova. Maiingatan natin ang pribilehiyong iyan kung hindi natin iibigin ang pera. Kung gagawin natin iyan, hinding-hindi tayo iiwan ni Jehova!—Basahin ang Hebreo 13:5.

Espirituwal na Hiyas

w09 4/15 17 ¶11-13

Nakikita sa mga Nilalang ang Karunungan ni Jehova

11 May matututuhan din tayong mahahalagang aral sa isa pang maliit na nilalang, ang kuneho sa batuhan. (Basahin ang Kawikaan 30:26.) Pabilog ang mga tainga nito at maiigsi ang binti. Matalas din ang mga mata nito. Ang lungga nito sa matatarik na batuhan ay nagsisilbing proteksiyon mula sa mga maninila. Likas sa mga kuneho sa batuhan na manirahan nang magkakasama at nagsisilbi itong proteksiyon para makatagal sila sa taglamig.

12 Ano ang matututuhan natin sa kuneho sa batuhan? Una, alisto ang hayop na ito. Nakikita ng matatalas nitong mata kung may maninila mula sa malayo. Hindi ito lumalayo sa kaniyang lungga sa batuhan na nagsisilbing kanlungan. Sa katulad na paraan, kailangan din tayong maging alisto sa mga panganib sa sanlibutan ni Satanas. Pinayuhan ni apostol Pedro ang mga Kristiyano: “Panatilihin ang inyong katinuan, maging mapagbantay. Ang inyong kalaban, ang Diyablo, ay gumagala-gala tulad ng isang leong umuungal, na naghahanap ng masisila.” (1 Ped. 5:8) Noong narito siya sa lupa, nanatiling mapagbantay si Jesus sa lahat ng pamamaraan ni Satanas na sirain ang Kaniyang katapatan. (Mat. 4:1-11) Napakagandang halimbawa si Jesus para sa lahat ng kaniyang tagasunod!

13 Ang espirituwal na proteksiyon na inilalaan ni Jehova ay makatutulong sa atin na maging mapagbantay. Hindi natin dapat pabayaan ang pag-aaral sa Salita ng Diyos at pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong. (Luc. 4:4; Heb. 10:24, 25) Bukod diyan, kung paanong nananatiling magkakasama ang mga kuneho sa batuhan, kailangan din nating manatiling malapít sa ating kapuwa Kristiyano upang ‘magpatibayang-loob’ sa isa’t isa. (Roma 1:12) Kapag ginagawa natin ang mga ito, ipinakikita natin na sumasang-ayon tayo sa salmistang si David, na sumulat: “Si Jehova ang aking malaking bato at aking moog at ang Tagapaglaan ko ng pagtakas. Ang aking Diyos ang aking bato. Manganganlong ako sa kaniya.”—Awit 18:2.

SETYEMBRE 15-21

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS KAWIKAAN 31

Mga Aral Mula sa Maibiging Payo ng Isang Ina

w11 2/1 19 ¶7-8

Ikintal sa Iyong mga Anak ang mga Pamantayang Moral

Ituro ang buong katotohanan tungkol sa sex. Mahalaga ang mga babala. (1 Corinto 6:18; Santiago 1:14, 15) Pero sa Bibliya, pangunahin nang inilalarawan ang sex bilang isang regalo mula sa Diyos, hindi bilang isang bitag ni Satanas. (Kawikaan 5:18, 19; Awit ni Solomon 1:2) Kung mga panganib lamang ang sasabihin mo sa iyong tin-edyer na mga anak, maaari silang magkaroon ng pilipit at maling pangmalas sa sex. “Lagi na lang binabanggit ng mga magulang ko ang seksuwal na imoralidad,” sabi ni Corrina, isang dalagang taga-Pransiya, “nagkaroon tuloy ako ng negatibong saloobin tungkol sa sex.”

Tiyakin na nalalaman ng iyong mga anak ang buong katotohanan tungkol sa sex. Si Nadia na isang ina mula sa Mexico ay nagsabi: “Sinisikap kong ituro sa aking tin-edyer na mga anak na maganda at normal lang ang sex. Ibinigay ito ng Diyos na Jehova sa mga tao upang masiyahan sila. Pero mga mag-asawa lamang ang dapat gumawa nito. Maaari itong magdulot sa atin ng kaligayahan o pagdurusa, depende sa kung paano natin ito ginagamit.”

ijwhf artikulo 4 ¶11-13

Ipakipag-usap sa Iyong Anak ang Tungkol sa Alak

Magkusang kausapin ang anak mo tungkol dito. “Puwedeng malito ang mga kabataan pagdating sa pag-inom ng alak,” ang sabi ni Mark, isang ama sa Britain. “Tinanong ko ang anak ko na walong taóng gulang kung tama o mali ang uminom ng alak. Kinausap ko siya na parang nagkukuwentuhan lang kami, at nakatulong ’yon para malaya niyang masabi ang iniisip niya.”

Mas tatatak sa isip ng iyong anak ang sinasabi mo kung maraming beses ninyo itong pag-uusapan. Depende sa edad ng anak mo, banggitin din ang tungkol sa alak kapag pinag-uusapan ninyo ang iba pang mahahalagang bagay, gaya ng pag-iingat sa lansangan at ang tungkol sa sex.

Magpakita ng magandang halimbawa. Ang mga bata ay parang sponge—“nasisipsip” nila, o nagagaya, ang nakikita nila sa paligid—at ipinapakita ng pananaliksik na mga magulang ang may pinakamalaking impluwensiya sa kanila. Ibig sabihin, kapag umiinom ka ng alak para kumalma o makayanan ang stress, iisipin ng anak mo na alak ang sagot sa mga problema. Kaya magpakita ka ng magandang halimbawa pagdating sa pag-inom ng alak.

g17.6 9 ¶5

Turuan ng Kapakumbabaan ang mga Anak

Pasiglahin siyang magbigay. Patunayan sa iyong anak na “may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Paano? Baka puwedeng magkasama ninyong ilista ang mga taong nangangailangan ng transportasyon, tulong sa pamimilí o pagkukumpuni. Isama mo ang iyong anak habang tumutulong ka sa kanila. Hayaan mong makita niyang masaya ka sa pag-aasikaso sa pangangailangan ng iba. Sa paggawa nito, natuturuan mo siya ng kapakumbabaan sa napakaepektibong paraan—ang pagpapakita ng halimbawa.—Simulain sa Bibliya: Lucas 6:38.

Espirituwal na Hiyas

w92 11/1 11 ¶7-8

Ang Edukasyon Noong mga Panahon ng Bibliya

7 Sa Israel, ang mga anak ay tinuturuan ng ama at ng ina sa pinakamaagang edad. (Deuteronomio 11:18, 19; Kawikaan 1:8; 31:26) Sa Pranses na Dictionnaire de la Bible, ang iskolar ng Bibliya na si E. Mangenot ay sumulat: “Sa sandaling siya’y nakapagsasalita na, ang bata ay natututo ng ilang talata buhat sa Kautusan. Uulitin ng kaniyang ina ang isang talata; pagka kaniyang alam na ito, siya’y bibigyan ng isa pa. Sa pagtagal, ang nasusulat na teksto ng mga talata na saulado na nila ay ilalagay sa kamay ng mga bata. Sa ganoon, sila’y tinuturuan ng pagbasa, at pagka sila’y lumalaki na, magpapatuloy sila sa kanilang pag-aaral ng relihiyon sa pamamagitan ng pagbabasa at pagbubulay-bulay sa kautusan ng Panginoon.”

8 Ito’y nagpapahiwatig na ang isang pangunahing paraan ng pagtuturo na ginamit ay ang pagkatuto ng mga bagay sa pamamagitan ng pagsasaulo. Ang mga bagay na natutuhan tungkol sa mga kautusan ni Jehova at sa kaniyang mga pakikitungo sa kaniyang bayan ay kailangang tumagos sa puso. (Deuteronomio 6:6, 7) Ang mga ito ay kailangang bulay-bulayin. (Awit 77:11, 12) Upang matulungan ang kabataan at matanda na magsaulo, gumamit ng sari-saring tulong sa pagsasaulo. Kasali na rito ang abakadang akrostiko, sunud-sunod na mga talata sa isang awit pasimula sa isang naiibang letra, inayos ayon sa abakada (gaya ng Kawikaan 31:10-31); ang alliteration (mga salitang nagsisimula sa parehong letra o tunog); at ang paggamit ng mga numero, tulad niyaong ginamit sa huling kalahati ng Kawikaan kabanata 30. Kapuna-puna, ang Gezer Calendar, isa sa pinakamatandang halimbawa ng sinaunang sulat Hebreo, ay inaakala ng ilang iskolar na isang pagsasanay ng pagsasaulo ng isang batang lalaking nag-aaral.

SETYEMBRE 22-28

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS ECLESIASTES 1-2

Patuloy na Sanayin ang Susunod na Henerasyon

w17.01 27-28 ¶3-4

“Ang mga Bagay na Ito ay Ipagkatiwala Mo sa mga Taong Tapat”

3 Mahal natin ang ating mga atas at gusto natin itong patuloy na gampanan habambuhay. Pero mula pa noong panahon ni Adan, tumatanda ang bawat henerasyon at napapalitan ng bago. (Ecles. 1:4) Nagiging hamon ito para sa mga tunay na Kristiyano sa ngayon. Naging mas malawak at komplikado ang gawain ng bayan ni Jehova. Kapag pinasisimulan ang mga bagong proyekto, gumagamit tayo ng bagong pamamaraan—kadalasan, sa tulong ng modernong teknolohiya. Nahihirapan ang ilang nakatatandang kapatid na makialinsabay dito. (Luc. 5:39) At kung nakaaalinsabay man sila, mas malakas at masigla pa rin ang mga nakababata. (Kaw. 20:29) Kaya maibigin at praktikal kung sasanayin ng mga nakatatanda ang mga nakababata na bumalikat ng higit pang pananagutan.—Basahin ang Awit 71:18.

4 Baka nahihirapan ang mga may pribilehiyo na ipagkatiwala ang kanilang mga atas sa mga nakababata. Natatakot ang ilan na mawala sa kanila ang atas na minamahal nila. Takót naman ang iba na mawalan ng kontrol, dahil kung ipauubaya nila sa mga nakababata ang gawain, iniisip nilang hindi ito magagawa nang mahusay. Ikinakatuwiran naman ng ilan na wala silang panahon para magsanay ng iba. Samantala, dapat mag-ingat ang mga nakababata na huwag mainip kung hindi sila nabibigyan ng karagdagang pananagutan.

Espirituwal na Hiyas

it “Eclesiastes” ¶1

Eclesiastes

Angkop na inilalarawan ng pangalang Hebreo na Qo·heʹleth (nangangahulugang “Tagapagtipon; Tagatawag ng Kapulungan; Tagapagpisan”) ang papel ng hari sa teokratikong pamahalaan ng Israel. (Ec 1:1, 12) Pananagutan ng tagapamahala na pagkaisahin ang nakaalay na bayan ng Diyos sa katapatan sa kanilang tunay na Hari at Diyos. (1Ha 8:1-5, 41-43, 66) Dahil dito, ang batayan kung naging mabuti o masama para sa bansa ang isang hari ay kung inakay niya ang bansa sa pagsamba kay Jehova o hindi. (2Ha 16:1-4; 18:1-6) Ang tagapagtipon, si Solomon, ay marami nang naisagawa upang matipon sa templo ang Israel at ang kanilang mga kasama, ang mga naninirahang dayuhan. Sa aklat na ito, sinikap niyang tipunin ang bayan ng Diyos mula sa walang-kabuluhang mga gawa ng sanlibutang ito tungo sa mga gawang karapat-dapat sa Diyos na sa kaniya ay nakaalay sila bilang isang bansa. Ang pangalang ginamit sa mga Bibliyang Tagalog ay kinuha sa salin ng Qo·heʹleth sa Griegong Septuagint, samakatuwid ay Ek·kle·si·a·stesʹ (Eclesiastes), nangangahulugang “miyembro ng ecclesia (kongregasyon; kapulungan).”

SETYEMBRE 29–OKTUBRE 5

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS ECLESIASTES 3-4

Kung Paano Papatibayin ang Pag-aasawa

ijwhf artikulo 10 ¶2-8

Ilagay sa Lugar ang Paggamit ng Gadyet—Paano?

● Ang balanseng paggamit ng gadyet ay puwedeng makatulong sa mag-asawa. Halimbawa, ginagamit ito ng ilang mag-asawa para makontak ang isa’t isa kapag hindi sila magkasama.

“Malaki ang magagawa ng simpleng text na gaya ng ‘I love you’ o ‘I miss you’ para maging malapít ang mag-asawa.”—Jonathan.

● Ang hindi balanseng paggamit ng gadyet ay makakasamâ sa mag-asawa. Halimbawa, hindi na mabitiwan ng ilan ang kanilang gadyet, kaya hindi na nila naibibigay ang atensiyon at panahong para sana sa kanilang asawa.

“Sigurado akong may mga pagkakataong gusto akong kausapin ng asawa ko kaso hawak ko ang gadyet ko.”—Julissa.

● May mga nagsasabing kaya nilang pagsabayin ang makabuluhang pakikipag-usap sa kanilang asawa at ang paggamit ng gadyet. Ayon sa isang sociologist na si Sherry Turkle, ang ideyang ito na kayang pagsabay-sabayin ang paggawa ng iba’t ibang trabaho ay isang maling akala. Ang totoo, hindi ito magandang kaugalian. Ayon pa sa kaniya, “bumababa ang kalidad ng trabaho natin kapag pinagsasabay-sabay natin ito.”

“Masarap makipag-usap sa asawa ko pero hindi, kapag may iba siyang ginagawa. Pakiramdam ko kapag hawak niya ang gadyet niya, parang okey lang na wala ako.”—Sarah.

Tandaan: Ang paggamit mo ng gadyet ay puwedeng makatulong o makasamâ sa inyong mag-asawa.

w23.05 23 ¶12-14

Patuloy na Paningasin ang “Liyab ni Jah”

12 Paano matutularan ng mga mag-asawa sina Aquila at Priscila? Imbes na magkaniya-kaniya, isipin ang mga bagay na puwede ninyong gawing magkasama. Halimbawa, magkasamang nangaral sina Aquila at Priscila. Regular din ba ninyong ginagawa iyan? Magkasama ring nagtrabaho sina Aquila at Priscila. Pero paano kung magkaiba kayo ng trabaho ng asawa mo? Baka puwede ninyong magkasamang gawin ang mga gawaing-bahay. (Ecles. 4:9) Kapag nagtutulungan kayo, para kayong isang team at siguradong makakapag-usap kayo. Mahigit 50 taon nang mag-asawa sina Robert at Linda. Sinabi ni Robert: “Wala kaming gaanong panahon para magkasamang maglibang. Pero napakasaya ko kapag naghuhugas ako ng plato, ’tapos, misis ko naman ang nagtutuyo, o kaya, kapag sinasamahan niya ako sa pagga-garden. Dahil doon, nagiging mas close kami at lalong tumatamis ang pag-ibig namin sa isa’t isa.”

13 Tandaan, hindi porke lagi kayong magkasama, malapít na kayo sa isa’t isa. Sinabi ng isang sister sa Brazil: “Dahil napaka-busy natin ngayon, baka isipin natin na may panahon na tayo sa asawa natin dahil lang sa nasa iisang bubong tayo. Hindi pala sapat iyon. Kailangan ko ring bigyan ng atensiyon ang asawa ko.” Ginawa rin iyan nina Bruno at Tays. Sinabi ni Bruno: “Kapag nagba-bonding kami, itinatabi muna namin ang mga cellphone namin.”

14 Pero paano kung hindi kayo nag-e-enjoy kapag magkasama kayo? Baka magkaiba kayo ng hilig o naiirita kayo sa isa’t isa. Ano ang puwede ninyong gawin? Isipin ulit ang bonfire. Nagsisimula ito sa maliit na apoy. Sa umpisa, maliliit na piraso lang ng kahoy ang ipinanggagatong natin dito. Pagkatapos, unti-unti nating nilalakihan ang panggatong para lumaki rin ang apoy. Kaya subukan muna ninyong maglaan ng kahit kaunting panahon sa isa’t isa araw-araw. Siguraduhing pareho kayong mag-e-enjoy para hindi kayo mag-away. (Sant. 3:18) Kahit sa simpleng paraan lang, maibabalik ninyo ang saya sa inyong pagsasama.

w23.05 21 ¶3

Patuloy na Paningasin ang “Liyab ni Jah”

3 Para manatiling nagniningas ang “liyab ni Jah,” dapat patibayin ng mag-asawa ang kaugnayan nila kay Jehova. Bakit? Kung mahalaga sa kanila ang kaugnayan nila sa kanilang Ama sa langit, handa silang sumunod sa mga payo niya. Tutulong iyan para maiwasan nila o masolusyunan ang mga problema na puwedeng maging dahilan para lumamig ang pag-ibig nila sa isa’t isa. (Basahin ang Eclesiastes 4:12.) Nagsisikap din ang mga taong espirituwal na tularan si Jehova at ang mga katangian niya, gaya ng kabaitan, pagtitiis, at pagiging mapagpatawad. (Efe. 4:32–5:1) Kapag ipinapakita ng mag-asawa ang mga katangiang ito, mas mamahalin nila ang isa’t isa. Sinabi ni Lena, isang sister na mahigit 25 taon nang may asawa, “Madaling mahalin at igalang ang isang taong espirituwal.”

Espirituwal na Hiyas

it “Pag-ibig” ¶39

Pag-ibig

“Panahon ng Pag-ibig.” Ang dapat lamang pagkaitan ng pag-ibig ay yaong mga ipinakikita ni Jehova bilang di-karapat-dapat tumanggap nito, o yaong mga namimihasa sa landasin ng kasamaan. Ang pag-ibig ay ipamamalas sa lahat ng tao hanggang sa ipakita nila na kinapopootan nila ang Diyos. Doon magwawakas ang panahon ng pagpapakita ng pag-ibig sa kanila. Kapuwa ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo ay umiibig sa katuwiran at napopoot sa katampalasanan. (Aw 45:7; Heb 1:9) Yaong mga masidhing napopoot sa tunay na Diyos ay hindi dapat pagpakitaan ng pag-ibig. Ang totoo, walang kabutihang idudulot kahit patuloy na magpamalas ng pag-ibig sa mga iyon, sapagkat ang mga napopoot sa Diyos ay hindi tutugon sa pag-ibig ng Diyos. (Aw 139:21, 22; Isa 26:10) Dahil dito, wasto lamang na mapoot ang Diyos sa kanila at mayroon siyang isang panahon upang kumilos laban sa kanila.—Aw 21:8, 9; Ec 3:1, 8.

OKTUBRE 6-12

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS ECLESIASTES 5-6

Kung Paano Maipapakita ang Matinding Paggalang sa Ating Diyos

w08 8/15 15-16 ¶17-18

Parangalan si Jehova sa Pamamagitan ng Pagpapakita ng Dangal

17 Lalo nang dapat tayong magpakita ng dangal kapag sumasamba tayo kay Jehova. “Bantayan mo ang iyong mga paa kailanma’t pumaparoon ka sa bahay ng tunay na Diyos,” ang sabi sa Eclesiastes 5:1. Sina Moises at Josue ay parehong inutusan na alisin ang kanilang sandalyas kapag nasa banal na dako. (Ex. 3:5; Jos. 5:15) Dapat nilang gawin ito bilang tanda ng paggalang o pagpipitagan. Ang mga saserdoteng Israelita ay dapat magsuot ng karsonsilyong lino “bilang pantakip sa hubad na laman.” (Ex. 28:42, 43) Ito’y para hindi mahantad ang maseselang bahagi ng kanilang katawan kapag naglilingkod sila sa altar. Ang lahat ng miyembro ng pamilya ng saserdote ay dapat sumunod sa makadiyos na pamantayan tungkol sa dangal.

18 Kung gayon, ang dangal sa pagsamba ay kaugnay ng karangalan at paggalang. Para maging karapat-dapat sa karangalan at paggalang, dapat tayong kumilos nang kagalang-galang. Hindi ito dapat na maging pakunwari o pakitang tao lamang. Dapat itong magmula hindi sa nakikita ng tao kundi sa nakikita ng Diyos—ang ating puso. (1 Sam. 16:7; Kaw. 21:2) Ang dangal ay dapat na maging bahagi ng ating buhay at dapat itong makaapekto sa ating paggawi, saloobin, pakikisama sa iba, at maging sa pangmalas natin sa ating sarili. Oo, dapat ipakita ang dangal sa lahat ng pagkakataon at sa lahat ng ating sinasabi at ginagawa. Pagdating sa ating paggawi, disposisyon, at pananamit at pag-aayos, isinasapuso natin ang mga salita ni apostol Pablo: “Sa anumang paraan ay hindi kami nagbibigay ng anumang dahilan na ikatitisod, upang ang aming ministeryo ay huwag makitaan ng pagkakamali; kundi sa bawat paraan ay inirerekomenda namin ang aming sarili bilang mga ministro ng Diyos.” (2 Cor. 6:3, 4) ‘Ginagayakan natin ang turo ng ating Tagapagligtas, ang Diyos, sa lahat ng bagay.’—Tito 2:10.

w09 11/15 11 ¶21

Pasulungin ang Iyong Panalangin sa Tulong ng Pag-aaral ng Bibliya

21 Nanalangin si Jesus nang may pagpipitagan at lubos na pananampalataya. Halimbawa, bago niya buhaying muli si Lazaro, “itiningin ni Jesus sa langit ang kaniyang mga mata at nagsabi: ‘Ama, nagpapasalamat ako sa iyo na dininig mo ako. Totoo, alam ko na lagi mo akong dinirinig.’” (Juan 11:41, 42) Makikita ba sa iyong panalangin ang ganitong pagpipitagan at pananampalataya? Kung pag-aaralan mo ang mapitagang modelong panalangin ni Jesus, makikita mong pangunahin dito ang pagpapabanal sa pangalan ni Jehova, pagdating ng kaniyang Kaharian, at ang pagsasagawa ng kaniyang kalooban. (Mat. 6:9, 10) Kumusta naman ang iyong panalangin? Makikita ba rito na napakahalaga sa iyo ng Kaharian ni Jehova, ng paggawa ng kaniyang kalooban, at ng pagpapabanal sa kaniyang pangalan? Dapat naman.

w17.04 6 ¶12

“Ang Ipinanata Mo ay Tuparin Mo”

12 Pero ang bautismo ay simula pa lang. Kailangan nating patuloy na mamuhay ayon sa pag-aalay natin sa pamamagitan ng tapat na paglilingkod sa Diyos. Kaya puwede nating itanong: ‘Kumusta ang pagsulong ng espirituwalidad ko mula nang mabautismuhan ako? Buong-puso pa rin ba akong naglilingkod kay Jehova? (Col. 3:23) Regular ba akong nananalangin, nagbabasa ng Bibliya, dumadalo sa mga pulong, at nakikibahagi sa ministeryo? O nabawasan na ang pakikibahagi ko sa espirituwal na mga gawaing ito?’ Ipinaliwanag ni apostol Pedro na maiiwasan nating maging di-aktibo sa paglilingkod kung idaragdag natin sa ating pananampalataya ang kaalaman, pagbabata, at makadiyos na debosyon.—Basahin ang 2 Pedro 1:5-8.   

Espirituwal na Hiyas

w20.09 31 ¶3-5

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Tumutukoy ang Eclesiastes 5:8 sa isang tagapamahala na nang-aapi ng dukha at hindi patas. Dapat tandaan ng tagapamahala na malamang na binabantayan siya ng isang opisyal na mas mataas sa kaniya o mas may awtoridad sa kaniya sa gobyerno. At baka nga may mas mataas pa sa kanila. Nakakalungkot, sa gobyerno ng tao, baka tiwali ang lahat ng tagapamahalang ito, kaya nagdurusa ang mga nasasakupan nila.

Pero sa kabila ng ganitong sitwasyon, mapapatibay tayo kung iisipin nating ‘binabantayan ni Jehova kahit ang matataas na opisyal’ sa gobyerno ng tao. Puwede tayong humingi ng tulong sa Diyos at ihagis sa kaniya ang pasanin natin. (Awit 55:22; Fil. 4:6, 7) Alam nating “ang mga mata ni Jehova ay nagmamasid nang mabuti sa buong lupa para ipakita niya ang kaniyang lakas alang-alang sa nagbibigay ng buong puso nila sa kaniya.”—2 Cro. 16:9.

Kaya ipinapaalala sa atin ng Eclesiastes 5:8 ang totoong sitwasyon ng mga nasa gobyerno—laging may nakatataas sa kanila. Pero higit sa lahat, ipinapaalala sa atin ng tekstong ito na si Jehova ang pinakamataas sa lahat—ang Kataas-taasang Awtoridad. Namamahala na siya ngayon sa pamamagitan ng kaniyang Anak na si Jesu-Kristo, ang Hari ng Kaharian. Talagang makatarungan ang Kataas-taasan, na nagbabantay sa lahat, at gayon din ang kaniyang Anak.

OKTUBRE 13-19

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS ECLESIASTES 7-8

“Pumunta sa Bahay ng Namatayan”

it “Pagdadalamhati” ¶9

Pagdadalamhati

Panahon ng Pagdadalamhati. Sinasabi ng Eclesiastes 3:1, 4 na may “panahon ng pagtangis at panahon ng pagtawa; panahon ng paghagulhol at panahon ng pagluksu-lukso.” Yamang ang lahat ng tao ay namamatay, ang puso ng marurunong ay sinasabing “nasa bahay ng pagdadalamhati” sa halip na sa bahay ng pigingan. (Ec 7:2, 4; ihambing ang Kaw 14:13.) Kaya naman, sinasamantala ng taong marunong ang pagkakataong magpahayag ng pakikiramay at magbigay ng kaaliwan, sa halip na palampasin ang gayong pagkakataon kapalit ng paghahanap ng kaluguran. Tinutulungan siya nitong maingatan sa kaniyang isipan ang kaniyang pagiging mortal at mapanatili ang isang tamang saloobin ng puso sa kaniyang Maylalang.

w19.06 23 ¶15

Tulungan ang Iba na Makayanan ang Stress

15 Si William, na namatayan ng asawa ilang taon na ang nakakalipas, ay nagsabi: “Natutuwa ako kapag ikinukuwento ng iba ang magagandang alaala ng misis ko; ibig sabihin kasi n’on, mahal nila siya at iginagalang. Malaking tulong ’yon sa akin. Gumagaan ang pakiramdam ko, kasi mahal na mahal ko ang aking asawa at naging mahalagang bahagi siya ng buhay ko.” Sinabi ng biyudang si Bianca: “Napapatibay ako kapag ang iba ay nananalanging kasama ako at kapag nagbabahagi sila sa akin ng isa o dalawang teksto. Nakakatulong sa akin kapag nagkukuwento sila tungkol sa asawa ko at kapag nakikinig sila sa mga kuwento ko tungkol sa kaniya.”

w17.07 16 ¶16

‘Makitangis sa mga Tumatangis’

16 Mahalaga ring ipanalangin ang kapananampalatayang namatayan at manalanging kasama niya. Mahirap mang gawin iyan dahil baka naiiyak ka at nanginginig ang boses mo, ang iyong taos-pusong pagsusumamo alang-alang sa kaniya ay makapagbibigay ng kaaliwan. “Minsan, kapag dinadalaw ako ng mga sister para makiramay,” ang naalaala ni Dalene, “hinihilingan ko sila kung puwede silang mag-pray. Madalas, hiráp silang magsimula, pero pagkatapos ng ilang pangungusap, lumalakas na ang boses nila at nakakapanalangin sila nang taos-puso. Talagang napapatibay ako sa kanilang matatag na pananampalataya, pag-ibig, at malasakit.”

w17.07 16 ¶17-19

‘Makitangis sa mga Tumatangis’

17 Magkakaiba ang pagdadalamhati ng bawat tao. Kaya maglaan ng panahon, hindi lang sa mga unang araw habang kasama ng namatayan ang kaniyang mga kaibigan at kapamilya, kundi pati sa susunod na mga buwan kapag bumalik na ang lahat sa kanilang normal na buhay. “Ang tunay na kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganganak kapag may kabagabagan.” (Kaw. 17:17) Maaari tayong maglaan ng kaaliwan sa namatayan hanggang sa makabangon siya.—Basahin ang 1 Tesalonica 3:7.

18 Tandaan na puwedeng biglang makaramdam ng pagdadalamhati ang mga namatayan dahil sa mga anibersaryo, ilang musika, litrato, gawain, o kahit sa isang espesipikong amoy, tunog, o panahon. Para sa namatayan ng asawa, may mga bagay na baka napakahirap gawin nang mag-isa sa unang pagkakataon—gaya ng pagdalo sa asamblea o Memoryal. “Alam kong magiging masakit ang unang anibersaryo namin ng misis ko pagkamatay niya,” ang sabi ng isang brother, “at hindi nga ito naging madali. Pero may mga kapatid na nagplano ng maliit na salusalo para sa akin at sa malalapít kong kaibigan para hindi ako mapag-isa.”

19 Tandaan din na kailangan ng mga namatayan ang pampatibay hindi lang sa espesyal na mga okasyon. “Kadalasan, malaki ang nagagawa ng pagtulong at pakikipagsamahan kahit walang espesyal na anibersaryo,” ang sabi ni Junia. “Pinahahalagahan ko ang mga iyon at talagang nakakagaan ng loob.” Totoo, hindi natin lubusang maaalis ang pagdadalamhati o mapupunan ang nawala dahil sa pagkamatay ng kanilang minamahal, pero makapaglalaan tayo ng kaaliwan sa pamamagitan ng praktikal na tulong. (1 Juan 3:18) Naalaala ni Gaby: “Talagang nagpapasalamat ako kay Jehova dahil sa maibiging mga elder na umalalay sa akin sa mahihirap na panahon. Ipinadama nila sa akin ang maibiging kalinga ni Jehova.”

Espirituwal na Hiyas

w23.03 31 ¶18

“Malalaman ng Lahat na Kayo ay mga Alagad Ko”

18 Baka minsan, gusto nating kausapin ang kapatid na nakasakit sa atin. Pero bago natin gawin iyan, tanungin ang sarili: ‘Alam ko ba talaga ang buong pangyayari?’ (Kaw. 18:13) ‘Posible kayang hindi naman niya sinasadyang gawin iyon?’ (Ecles. 7:20) ‘Nagawa ko na rin ba iyon sa iba?’ (Ecles. 7:21, 22) ‘Kapag kinausap ko siya, maaayos ba ang sitwasyon o lálaki lang ang isyu?’ (Basahin ang Kawikaan 26:20.) Kung pag-iisipan natin ang mga tanong na iyan, puwede tayong mapakilos ng pag-ibig na palampasin na lang ang pagkakamali ng kapatid.

OKTUBRE 20-26

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS ECLESIASTES 9-10

Ano ang Dapat na Maging Pananaw Ko sa mga Problema?

w13 8/15 14 ¶20-21

Huwag ‘Magngalit Laban kay Jehova’

20 Tandaan kung sino ang dahilan ng ating mga problema. Kung minsan, tayo mismo ang may kagagawan ng ating mga problema. Dapat nating aminin iyan. (Gal. 6:7) Huwag isisi kay Jehova ang mga problema mo. Bakit hindi iyan makatuwiran? Pag-isipan ito: Puwedeng tumakbo nang napakabilis ang isang kotse. Ipagpalagay nang pinatakbo ito ng drayber sa may kurbada nang lampas sa speed limit, at bumangga ito. Dapat bang sisihin sa aksidenteng ito ang gumawa ng kotse? Siyempre hindi! Sa katulad na paraan, nilalang tayo ni Jehova na may kalayaang magpasiya. Pero binigyan din niya tayo ng mga tagubilin kung paano gagawa ng matatalinong desisyon. Kaya bakit natin sisisihin ang ating Maylalang sa ating mga pagkakamali?

21 Siyempre hindi lahat ng problema natin ay resulta ng ating mga pagkakamali. Kung minsan, nagiging biktima tayo ng ‘panahon at ng di-inaasahang pangyayari.’ (Ecles. 9:11) Pero huwag nating kalilimutan na si Satanas na Diyablo ang pangunahing sanhi ng kabalakyutan. (1 Juan 5:19; Apoc. 12:9) Siya ang kaaway—hindi si Jehova!—1 Ped. 5:8.

w19.09 4 ¶10

Mahalaga kay Jehova ang mga Lingkod Niyang Mapagpakumbaba

10 Nababawasan din ang stress natin kapag mapagpakumbaba tayo. Sa totoo lang, baka may napapansin tayong mga bagay na parang hindi tama o hindi patas. Sabi nga ng marunong na si Haring Solomon: “May nakikita akong mga lingkod na nakakabayo samantalang naglalakad lang ang mga prinsipe na parang mga lingkod.” (Ecles. 10:7) Ang mga taong may kakayahan ay hindi laging nakakatanggap ng papuri. Kung minsan, kung sino pa ang walang gaanong kakayahan, sila ang napupuri. Pero sinabi rin ni Solomon na makakabuti para sa atin na harapin ang realidad ng buhay sa halip na madismaya sa mga negatibong bagay. (Ecles. 6:9) Kung mapagpakumbaba tayo, mas madali nating matatanggap ang mga nangyayari sa ating buhay kahit hindi natin ito gusto.

w11 10/15 8 ¶1-2

Kapaki-pakinabang ba ang Iyong Paglilibang?

IPINAKIKITA ng Bibliya na hindi lang gusto ni Jehova na mabuhay tayo kundi masiyahan din tayo sa buhay. Halimbawa, sinasabi ng Awit 104:14, 15 na si Jehova ay naglalabas ng “pagkain mula sa lupa, at ng alak na nagpapasaya sa puso ng taong mortal, upang paningningin ng langis ang mukha, at ng tinapay na nagpapalakas sa puso ng taong mortal.” Oo, pinasisibol ni Jehova ang mga pananim na naglalaan sa atin ng butil, langis, at alak bilang panustos. Pero ang alak ay “nagpapasaya [rin] sa puso.” Kahit hindi ito kailangan para mabuhay tayo, nakadaragdag ito sa ating kagalakan. (Ecles. 9:7; 10:19) Talagang gusto ni Jehova na mapuno ng “pagkagalak” ang ating puso.—Gawa 14:16, 17.

2 Kaya hindi tayo dapat makonsiyensiya kung paminsan-paminsan ay nag-iiskedyul tayo ng panahon para ‘masdang mabuti ang mga ibon sa langit’ at “mga liryo sa parang” o para masiyahan sa mga gawaing nakarerepresko sa atin at nagbibigay-kulay sa ating buhay. (Mat. 6:26, 28; Awit 8:3, 4) Ang kasiya-siyang buhay ay “kaloob ng Diyos.” (Ecles. 3:12, 13) Kung itinuturing nating kasama sa kaloob na iyon ang paglilibang, gagamitin natin ito sa paraang kalugud-lugod sa Isa na nagbigay nito.

Espirituwal na Hiyas

it “Tsismis, Paninirang-Puri” ¶4, 8

Tsismis, Paninirang-Puri

Ang tsismis ay maaaring humantong sa paninirang-puri, na ikinapapahamak naman ng naninirang-puri. Kitang-kita ang karunungan ng mga salita sa Eclesiastes 10:12-14: “Ang mga labi ng hangal ay lumalamon sa kaniya. Ang pasimula ng mga salita ng kaniyang bibig ay kamangmangan, at ang huling wakas ng kaniyang bibig ay kapaha-pahamak na kabaliwan. At ang mangmang ay nagsasabi ng maraming salita.”

Bagaman ang tsismis, sa ilang kaso, ay maaaring hindi naman nakasasakit (ngunit maaari itong maging paninirang-puri o mauwi rito), ang paninirang-puri naman ay laging nakapipinsala at laging nagiging sanhi ng sama ng loob at pagtatalo. Maaaring may kasama itong masamang motibo o wala. Sa alinmang kaso, pinasasamâ ng maninirang-puri ang kaniyang katayuan sa harap ng Diyos, sapagkat ang ‘paghahasik ng mga pagtatalo sa gitna ng magkakapatid’ ay kabilang sa mga bagay na kinapopootan ng Diyos. (Kaw 6:16-19) Ang salitang Griego para sa “maninirang-puri” o “tagapag-akusa” ay di·aʹbo·los. Ginagamit din sa Bibliya ang salitang ito bilang isang titulo ni Satanas “na Diyablo,” ang pusakal na maninirang-puri sa Diyos. (Ju 8:44; Apo 12:9, 10; Gen 3:2-5) Ipinakikita nito kung sino ang pinagmumulan ng gayong mapanirang-puring akusasyon.

OKTUBRE 27–NOBYEMBRE 2

KAYAMANAN MULA SA SALITA NG DIYOS ECLESIASTES 11-12

Ingatan ang Kalusugan at Maging Masaya sa Buhay

g 3/15 13 ¶6-7

Sariwang Hangin at Sikat ng Araw—Likas na mga “Antibiotic”?

Pumapatay rin ng mikrobyo ang sikat ng araw. Ayon sa Journal of Hospital Infection, “karamihan sa mikrobyong nagdudulot ng sakit na dala ng hangin ay hindi nakatatagal sa sikat ng araw.”

Ano ngayon ang gagawin mo? Baka gusto mong lumabas para magpaaraw sandali at lumanghap ng sariwang hangin. Makabubuti iyan sa iyo.

w23.02 21 ¶6-7

Pahalagahan ang Buhay na Regalo ng Diyos

6 Ang Bibliya ay hindi aklat tungkol sa kalusugan at pagkain, pero sinasabi nito ang pananaw ni Jehova tungkol dito. Halimbawa, sinabi niya: “Ilayo mo sa iyong katawan ang anumang nakapipinsala.” (Ecles. 11:10) Nakakamatay ang katakawan at paglalasing, at hinahatulan ito ng Bibliya. (Kaw. 23:20) Kaya kapag nagpapasiya tayo kung ano at gaano karami ang kakainin o iinumin natin, gusto ni Jehova na magkaroon tayo ng pagpipigil sa sarili.—1 Cor. 6:12; 9:25.

7 Maipapakita nating pinapahalagahan natin ang buhay na regalo ng Diyos kung gagamitin natin ang kakayahan nating mag-isip kapag nagdedesisyon. (Awit 119:99, 100; basahin ang Kawikaan 2:11.) Halimbawa, kahit gustong-gusto natin ang isang pagkain pero makakasamâ naman iyon sa atin, dapat nating iwasan iyon. Dapat din tayong magkaroon ng sapat na tulog at regular na ehersisyo, at dapat nating panatilihing malinis ang ating katawan at bahay.

w24.09 2 ¶2-3

“Maging Tagatupad Kayo ng Salita”

2 Bakit nga ba masaya ang mga naglilingkod kay Jehova? Napakarami nating maiisip na dahilan. Pero huwag nating kalimutan na ang isang mahalagang dahilan ay dahil regular nating binabasa ang Salita ng Diyos at sinisikap nating isabuhay ang mga natututuhan natin.—Basahin ang Santiago 1:22-25.

3 Maraming pakinabang kapag ‘nagiging tagatupad tayo ng salita.’ Halimbawa, kapag isinasabuhay natin ang mga nababasa natin, napapasaya natin si Jehova. Kaya nagiging masaya rin tayo. (Ecles. 12:13) May magandang epekto rin ito sa kaugnayan natin sa pamilya natin at sa mga kapatid sa kongregasyon. Malamang na totoo iyan sa iyo. Bukod diyan, naiiwasan natin ang mga problemang epekto ng hindi pagsunod sa mga utos ni Jehova. Kaya sang-ayon tayo sa sinabi ni Haring David. Matapos niyang banggitin sa isang awit ang tungkol sa kautusan, batas, at kahatulan ni Jehova, sinabi niya: “Sa pagsunod sa mga iyon ay may malaking gantimpala.”—Awit 19:7-11.

Espirituwal na Hiyas

it “Pagkasi” ¶10

Pagkasi

Ipinakikita ng katibayan na ang mga taong ginamit ng Diyos upang sumulat ng Kasulatan ay hindi parang mga robot lamang na basta nagtala ng anumang idinikta sa kanila. Tungkol sa apostol na si Juan, mababasa natin na ang Apocalipsis, na “hiningahan ng Diyos,” ay iniharap sa kaniya “sa mga tanda” sa pamamagitan ng isang anghel, at na pagkatapos nito, si Juan ay “nagpatotoo sa salita na ibinigay ng Diyos at sa patotoo na ibinigay ni Jesu-Kristo, maging sa lahat ng bagay na kaniyang nakita.” (Apo 1:1, 2) “Sa pamamagitan ng pagkasi [sa literal, “sa espiritu”],” si Juan ay ‘dumating sa araw ng Panginoon’ at sinabi sa kaniya: “Ang iyong nakikita ay isulat mo sa isang balumbon.” (Apo 1:10, 11) Samakatuwid, lumilitaw na minabuti ng Diyos na hayaan ang mga manunulat ng Bibliya na gamitin ang kanilang sariling kaisipan sa pagpili ng mga salita at mga ekspresyon upang ilarawan ang mga pangitaing nakita nila (Hab 2:2); kasabay nito, kinokontrol at pinapatnubayan pa rin niya sila upang ang maisulat nila ay hindi lamang tumpak at totoo kundi angkop din sa kaniyang layunin. (Kaw 30:5, 6) Ipinakikita ng pananalita sa Eclesiastes 12:9, 10 na kinailangan ng manunulat ang personal na pagsisikap, yamang kailangan ang pagmumuni-muni, pagsasaliksik, at pagsasaayos upang angkop na maiharap ang “nakalulugod na mga salita at makasulat ng wastong mga salita ng katotohanan.”—Ihambing ang Luc 1:1-4.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share