Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w25 Abril p. 2-7
  • “Pumili Kayo . . . Kung Sino ang Paglilingkuran Ninyo”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Pumili Kayo . . . Kung Sino ang Paglilingkuran Ninyo”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • KUNG BAKIT PINILI NI JESUS NA PAGLINGKURAN SI JEHOVA
  • KUNG BAKIT NARARAPAT LANG NA SAMBAHIN NATIN SI JEHOVA
  • KUNG BAKIT NATIN PINILING PAGLINGKURAN SI JEHOVA
  • PATULOY NA PAGLINGKURAN SI JEHOVA
  • Tanggapin na May mga Bagay na Hindi Natin Alam
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Magtiwala kay Jehova Kapag Gumagawa ng mga Desisyon
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2023
  • Tandaan na si Jehova ang “Diyos na Buháy”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
  • Pinapagaling ni Jehova ang mga May Pusong Nasasaktan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
w25 Abril p. 2-7

ARALING ARTIKULO 14

AWIT BLG. 8 Si Jehova ang Ating Kanlungan

“Pumili Kayo . . . Kung Sino ang Paglilingkuran Ninyo”

“Para sa akin at sa sambahayan ko, maglilingkod kami kay Jehova.”—JOS. 24:15.

MATUTUTUHAN

Alalahanin ang mga dahilan kung bakit natin piniling paglingkuran si Jehova.

1. Ano ang dapat nating gawin para maging tunay na masaya, at bakit? (Isaias 48:17, 18)

MAHAL na mahal tayo ng Ama natin sa langit, at gusto niya tayong maging masaya ngayon at sa hinaharap. (Ecles. 3:12, 13) Ginawa niya tayo na may maraming kakayahan. Pero hindi niya tayo binigyan ng kakayahang pamahalaan ang sarili natin o magtakda kung ano ang tama at mali. (Ecles. 8:9; Jer. 10:23) Alam niya na para maging tunay na masaya tayo, kailangan natin siyang paglingkuran at sundin ang mga pamantayan niya.—Basahin ang Isaias 48:17, 18.

2. Ano ang gusto ni Satanas na paniwalaan natin, at ano ang ginawa ni Jehova?

2 Gusto ni Satanas na maniwala tayong puwede tayong maging masaya kahit wala si Jehova at na kaya ng mga tao na pamahalaan ang sarili nila. (Gen. 3:4, 5) Para patunayang mali si Satanas, hinayaan ni Jehova na pansamantalang pamahalaan ng mga tao ang sarili nila. At kitang-kita natin ngayon ang masamang resulta niyan. Pero mababasa naman natin sa Bibliya na naging masaya ang mga tao na piniling paglingkuran si Jehova. Isa na diyan si Jesu-Kristo. Alamin muna natin kung bakit niya piniling paglingkuran si Jehova. Aalamin din natin kung bakit nararapat lang na sambahin natin si Jehova at ang ilang dahilan kung bakit natin siya piniling paglingkuran.

KUNG BAKIT PINILI NI JESUS NA PAGLINGKURAN SI JEHOVA

3. Ano ang inialok ni Satanas kay Jesus, at ano ang piniling gawin ni Jesus?

3 Noong nasa lupa si Jesus, kinailangan niyang pumili kung sino ang paglilingkuran niya. Pagkatapos niyang mabautismuhan, inialok sa kaniya ni Satanas ang lahat ng kaharian sa mundo. Ang kailangan lang gawin ni Jesus, sumamba nang kahit isang beses kay Satanas. Ano ang piniling gawin ni Jesus? Sinabi niya: “Lumayas ka, Satanas! Dahil nasusulat: ‘Si Jehova na iyong Diyos ang dapat mong sambahin, at siya lang ang dapat mong paglingkuran.’” (Mat. 4:8-10) Bakit pinili ni Jesus na paglingkuran si Jehova? Tingnan natin.

4-5. Ano ang ilang dahilan kung bakit pinili ni Jesus na paglingkuran si Jehova?

4 Pag-ibig ang pinakadahilan kung bakit pinili ni Jesus na paglingkuran si Jehova. Mahal na mahal niya ang kaniyang Ama. (Juan 14:31) Naglilingkod din si Jesus kay Jehova kasi alam niyang ito ang tamang gawin. (Juan 8:28, 29; Apoc. 4:11) Alam niyang kay Jehova nanggaling ang buhay, na mapagkakatiwalaan Siya at mapagbigay. (Awit 33:4; 36:9; Sant. 1:17) Laging sinasabi ni Jehova ang totoo kay Jesus. Nanggaling sa Kaniya ang lahat ng mayroon si Jesus. (Juan 1:14) Pero ibang-iba si Satanas. Dahil sa kaniya, namamatay ang mga tao. Sinungaling siya at makasarili. (Juan 8:44) Alam ni Jesus ang lahat ng iyan. Kaya hindi man lang niya naisip na tularan si Satanas at magrebelde kay Jehova.—Fil. 2:5-8.

5 May isa pang dahilan kung bakit pinili ni Jesus na paglingkuran si Jehova—alam niya ang magiging resulta ng pananatili niyang tapat. (Heb. 12:2) Mapapabanal niya ang pangalan ng Ama niya, at magiging posible na maalis ang kasalanan at kamatayan.

KUNG BAKIT NARARAPAT LANG NA SAMBAHIN NATIN SI JEHOVA

6-7. Bakit marami ngayon ang hindi sumasamba kay Jehova, pero bakit nararapat lang na sambahin natin siya?

6 Marami ngayon ang hindi naglilingkod kay Jehova kasi hindi pa nila alam ang magagandang katangian niya at ang lahat ng ginawa niya para sa kanila. Ganiyan ang mga taga-Atenas noon na pinangaralan ni apostol Pablo.—Gawa 17:19, 20, 30, 34.

7 Sinabi ni Pablo sa kanila: “[Ang tunay na Diyos] ang nagbibigay sa lahat ng tao ng buhay, hininga, at lahat ng bagay. At mula sa isang tao, ginawa niya ang lahat ng bansa.” Sinabi pa niya: “Dahil sa kaniya, tayo ay may buhay at kumikilos at umiiral.” Siya ang Maylalang kaya karapat-dapat siyang sambahin.—Gawa 17:25, 26, 28.

8. Ano ang hinding-hindi gagawin ni Jehova, at paano niya ipinapakitang mahal niya tayo?

8 Dahil si Jehova ang Maylalang at Kataas-taasan ng uniberso, puwede niyang pilitin ang mga tao na maglingkod sa kaniya. Pero hinding-hindi niya iyan gagawin. Imbes na pilitin tayo, tinutulungan niya tayong makita na totoo siya at na mahal na mahal niya ang bawat isa sa atin. Gusto niyang maging malapít sa kaniya ang lahat at mabuhay sila nang walang hanggan. (1 Tim. 2:3, 4) Dahil diyan, gusto niyang ituro natin sa iba ang layunin niya at ang magagandang gagawin niya para sa mga tao. (Mat. 10:11-13; 28:19, 20) Mahal niya tayo, kaya inorganisa niya tayo sa mga kongregasyon at binigyan ng mapagmahal na mga elder na tutulong sa atin.—Gawa 20:28.

9. Paano pa ipinakita ni Jehova ang pagmamahal niya?

9 Kitang-kita ang pagmamahal ni Jehova sa paraan ng pakikitungo niya sa mga hindi kumikilala sa kaniya. Pag-isipan ito: Mula pa noon, pinipili ng napakaraming tao na mamuhay ayon sa sarili nilang pamantayan imbes na sundin si Jehova. Pero kahit ganoon, ibinibigay pa rin ni Jehova ang lahat ng kailangan nila para mabuhay at maging masaya. (Mat. 5:44, 45; Gawa 14:16, 17) Nagkakaroon sila ng pamilya at mga kaibigan na nagmamahal sa kanila, at nag-e-enjoy sila sa resulta ng pinagpaguran nila. (Awit 127:3; Ecles. 2:24) Patunay iyan na mahal na mahal ni Jehova ang lahat ng tao. (Ex. 34:6) Tingnan naman natin ngayon ang ilang dahilan kung bakit natin piniling paglingkuran si Jehova at kung paano niya tayo pinagpapala.

KUNG BAKIT NATIN PINILING PAGLINGKURAN SI JEHOVA

10. (a) Ano ang pinakadahilan kung bakit tayo naglilingkod kay Jehova? (Mateo 22:37) (b) Paano ka nakikinabang sa pagtitiis ni Jehova? (Awit 103:13, 14)

10 Gaya ni Jesus, pag-ibig ang pinakadahilan kung bakit natin pinaglilingkuran si Jehova. (Basahin ang Mateo 22:37.) Mahal na mahal natin si Jehova dahil sa magagandang katangian niya. Halimbawa, napakamatiisin niya sa mga tao. Nang suwayin siya ng mga Israelita, nakiusap siya sa kanila: “Pakisuyo, talikuran ninyo ang masama ninyong landasin.” (Jer. 18:11) Nauunawaan niyang hindi tayo perpekto. (Basahin ang Awit 103:13, 14.) Kapag pinag-iisipan mo ang pagtitiis ni Jehova at ang iba pa niyang katangian, siguradong gugustuhin mong paglingkuran siya magpakailanman.

11. Ano pa ang ibang dahilan kung bakit tayo naglilingkod kay Jehova?

11 Naglilingkod din tayo kay Jehova dahil alam nating ito ang tamang gawin. (Mat. 4:10) Alam din natin ang mga magiging resulta kapag ginawa natin iyan. Kapag nanatili tayong tapat, makakatulong tayo sa pagpapabanal sa pangalan ni Jehova, mapapatunayan nating sinungaling ang Diyablo, at mapapasaya natin ang puso ng Diyos. At kung pipiliin nating paglingkuran si Jehova ngayon, posible nating magawa iyan nang walang hanggan!—Juan 17:3.

12-13. Ano ang natutuhan natin kina Jane at Pam?

12 Kahit bata pa ang isang tao, puwede na siyang magkaroon ng malalim na pag-ibig kay Jehova. At habang lumalaki siya, siguradong mas lalalim pa iyon. Ganiyan ang nangyari sa magkapatid na sina Jane at Pam.a Hindi Bible study ang mga magulang nila. Pero noong 11 si Jane at 10 si Pam, pinayagan silang makipag-aral sa mga Saksi basta magsisimba pa rin sila kasama ng pamilya. Ikinuwento ni Jane: “Naiwasan ko ang drugs at imoralidad dahil sa mga itinuro ng mga Saksi. Hindi ako nagpa-pressure sa mga kaibigan ko sa school.”

13 Pagkalipas ng ilang taon, nagpabautismo sila. Pagkatapos, nagpayunir sila habang inaalagaan ang mga may-edad nilang magulang. Ano ang naramdaman ni Jane sa lahat ng ginawa ni Jehova para sa kanila? Sinabi niya: “Nakita ko mismo na tapat si Jehova sa mga kaibigan niya at tinutulungan niya sila. Totoo talaga ang sinasabi sa 2 Timoteo 2:19, ‘Kilala ni Jehova kung sino ang sa kaniya.’” Siguradong hindi papabayaan ni Jehova ang mga pumipiling mahalin at paglingkuran siya!

14. Paano makakatulong ang mga sinasabi at ginagawa natin para maipagtanggol si Jehova? (Tingnan din ang mga larawan.)

14 Gusto nating malaman ng lahat na hindi totoo ang masasamang naririnig nila tungkol kay Jehova. Pag-isipan ito: May kaibigan kang mabait, mapagbigay, at mapagpatawad. Pero nalaman mo na may nagsasabing masama at sinungaling ang kaibigan mo. Ano ang gagawin mo? Ipagtatanggol mo siya. Sinisiraan din ni Satanas at ng mundong ito ang reputasyon ni Jehova. Kaya ipagtatanggol din natin si Jehova at sasabihin sa iba ang katotohanan. (Awit 34:1; Isa. 43:10) At kapag ipinagtatanggol natin siya sa mga sinasabi at ginagawa natin, naipapakita nating gusto nating paglingkuran siya nang buong kaluluwa.

Collage: 1. Isang babae na nakatingin sa mga apostatang nagpoprotesta sa labas ng isang kombensiyon. 2. Pagkatapos nito, kinausap niya ang isang mag-asawang nagka-cart.

Tutulong ka ba sa pagtatanggol sa pangalan ni Jehova? (Tingnan ang parapo 14)b


15. Ano ang mga pagpapalang natanggap ni apostol Pablo nang gumawa siya ng malalaking pagbabago sa buhay niya? (Filipos 3:7, 8)

15 Handa tayong gumawa ng malalaking pagbabago sa buhay natin para mapasaya si Jehova o mas mapaglingkuran pa siya. Halimbawa, iniwan ni apostol Pablo ang mataas na posisyon niya sa Judaismo para sundan si Kristo at paglingkuran si Jehova. (Gal. 1:14) Dahil diyan, naging masaya siya, at maghahari siya kasama ni Kristo sa langit. Hindi niya pinagsisihan ang desisyon niyang paglingkuran si Jehova, at siguradong ganiyan din tayo.—Basahin ang Filipos 3:7, 8.

16. Ano ang natutuhan natin kay Julia? (Tingnan din ang mga larawan.)

16 Kung gagawin nating priyoridad ang paglilingkod kay Jehova, magiging masaya ang buhay natin ngayon at sa hinaharap. Tingnan ang karanasan ni Julia. Bata pa lang siya, miyembro na siya ng choir ng simbahan. Napansin siya ng isang opera singer at sinanay pa sa pagkanta. Sumikat si Julia, at kumakanta na siya sa mga kilalang music hall. Habang nag-aaral siya sa isang kilalang music school, kinausap siya ng kaklase niya tungkol sa Diyos at sinabing Jehova ang pangalan ng Diyos. Di-nagtagal, nagpa-Bible study si Julia, dalawang beses sa isang linggo. Bandang huli, nagdesisyon siyang paglingkuran si Jehova imbes na ipagpatuloy ang career niya sa pagkanta. Hindi madali ang desisyong iyan. “Maraming nagsasabi sa akin na sinayang ko ang talent ko,” ang sabi niya, “pero gusto kong gamitin ang buhay ko para paglingkuran si Jehova.” Pagkalipas ng mahigit 30 taon, pinagsisihan ba niya ang naging desisyon niya? Sinabi niya, “Masayang-masaya ako na pinili kong paglingkuran si Jehova, at alam kong maibibigay niya ang lahat ng gusto ko sa hinaharap.”—Awit 145:16.

Collage: Pagsasadula ng desisyong ginawa ni Julia. 1. Kumakanta siya sa stage sa harap ng audience. 2. Kumakanta siya sa pulong kasama ang asawa niya.

Kung gagawin nating priyoridad ang paglilingkod kay Jehova, magiging masaya ang buhay natin (Tingnan ang parapo 16)c


PATULOY NA PAGLINGKURAN SI JEHOVA

17. Dahil napakalapit na ng wakas, ano ang kailangang gawin ng mga hindi pa pumipiling maglingkod kay Jehova at ng mga naglilingkod na sa kaniya?

17 Napakalapit na ng wakas. Isinulat ni apostol Pablo: “Dahil ‘sandaling-sandali’ na lang, at ‘ang paparating ay darating at hindi siya maaantala.’” (Heb. 10:37) Ano ang ibig sabihin nito? Para sa mga hindi pa pumipiling paglingkuran si Jehova, kailangan na nilang kumilos agad kasi maikli na lang ang panahon. (1 Cor. 7:29) At para naman sa mga pumiling maglingkod kay Jehova, alam nilang kailangan pa nilang magtiis, pero “sandaling-sandali” na lang iyon.

18. Ano ang gusto ni Jesus at ni Jehova na gawin natin?

18 Pinayuhan ni Jesus ang mga alagad niya na patuloy siyang sundan. (Mat. 16:24) Kaya kung matagal na nating pinaglilingkuran si Jehova, maging determinado tayong ipagpatuloy ito. Kailangan nating magsikap para magawa ito. Hindi ito laging madali. Pero siguradong magiging masaya tayo at pagpapalain ni Jehova kahit ngayon pa lang.—Awit 35:27.

19. Ano ang natutuhan natin kay Gene?

19 Iniisip ng ilan na kung maglilingkod sila kay Jehova, napakarami nilang dapat isakripisyo. Kung isa kang kabataan, pakiramdam mo ba na hindi ka mag-e-enjoy kapag naglingkod ka kay Jehova? Ganito ang sinabi ng kabataang brother na si Gene: “Feeling ko noon, napakahigpit ng mga Saksi ni Jehova. Nakikita ko y’ong mga kaedaran ko, nag-e-enjoy sa mga party at video game, at nakikipag-date. ’Tapos ako, nasa pulong o kaya nangangaral.” Ano ang naging epekto ng kaisipang ito kay Gene? “Ginaya ko y’ong ginagawa nila, pero ’di iyon alam ng iba.” Sinabi pa niya: “Naging masaya rin ako no’ng una. Pero ang totoo, nawala rin iyon. Noon ko pinag-isipan ang mangyayari kapag sinunod ko ang mga payo sa Bibliya. Kaya pinili kong paglingkuran si Jehova nang buong puso. At mula noon, pakiramdam ko, lagi nang sinasagot ni Jehova ang mga panalangin ko.”

20. Ano ang determinado mong gawin?

20 Sinabi ng salmista kay Jehova: “Maligaya ang pinipili at pinalalapit mo para tumira sa iyong mga looban.” (Awit 65:4) Tularan mo sana ang determinasyon ni Josue: “Para sa akin at sa sambahayan ko, maglilingkod kami kay Jehova.”—Jos. 24:15.

ANO ANG SAGOT MO?

  • Bakit pinili ni Jesus na paglingkuran si Jehova?

  • Bakit nararapat lang na sambahin natin si Jehova?

  • Bakit mo piniling paglingkuran si Jehova?

AWIT BLG. 28 Maging Kaibigan ni Jehova

a Binago ang ilang pangalan.

b LARAWAN: Narinig ng isang babae ang sinasabi ng mga mang-uusig sa labas ng kombensiyon. Pagkatapos, nilapitan niya ang isang cart at nakinig sa mga kapatid.

c LARAWAN: Pagsasadula ng ginawang pagbabago ni Julia para mapaglingkuran si Jehova.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share