Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • ijwhf artikulo 32
  • Kapag Gusto Nang Magpakamatay ng Anak Mo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kapag Gusto Nang Magpakamatay ng Anak Mo
  • Tulong Para sa Pamilya
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga kabataang nagpapakamatay—bakit dapat mag-alala ang mga magulang?
  • Paano mo malalaman kung gustong magpakamatay ng anak mo?
  • Paano kung naiisip ng anak mo na magpakamatay?
  • Kapag Nagtanong ang Anak Mo Tungkol sa Kamatayan
    Gumising!—2015
  • Paano Mapoprotektahan ang Inyong mga Anak?
    Gumising!—2007
  • Tulungan ang Iyong Anak na Makayanan ang Pamimighati
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
  • Sanayin ang Inyong Anak na Pagyamanin ang Maka-Diyos na Debosyon
    Gumising!—1986
Iba Pa
Tulong Para sa Pamilya
ijwhf artikulo 32
Isang teenager na babae na nakatitig lang sa sahig.

TULONG PARA SA PAMILYA | PAGPAPALAKI NG MGA ANAK

Kapag Gusto Nang Magpakamatay ng Anak Mo

Sa nakalipas na mga taon, biglang dumami ang mga kabataang nagpapakamatay sa ilang bansa. Bakit kaya? Puwede rin kayang mangyari iyan sa anak mo?

Sa artikulong ito

  • Mga kabataang nagpapakamatay—bakit dapat mag-alala ang mga magulang?

  • Paano mo malalaman kung gustong magpakamatay ng anak mo?

  • Paano kung naiisip ng anak mo na magpakamatay?

Mga kabataang nagpapakamatay—bakit dapat mag-alala ang mga magulang?

Mula 2009 hanggang 2019, tumaas nang 40 percent ang dami ng mga high school student sa United States na may mga sintomas ng depresyon. Tumaas din noon ang bilang ng mga nagpakamatay.a

“Kakaiba ang mga problemang nararanasan ng mga kabataan ngayon . . . Napakalaki ng epekto ng mga ito sa mental health nila.”—Vivek H. Murthy, U.S. Surgeon General.

Prinsipyo sa Bibliya: “Ang pagkasira ng loob ay nakauubos ng lakas.”—Kawikaan 17:22.

Paano mo malalaman kung gustong magpakamatay ng anak mo?

Pag-isipan ang mga ito:

  • Mga nangyari. May malungkot bang nangyari sa anak mo—inayawan ba siya ng iba, nakaranas ng breakup, hindi nagtagumpay sa isang bagay, o namatayan? Kung oo, baka mas malala ang naging epekto nito sa kaniya kaysa sa akala mo.

  • Ugali at ikinikilos. Nilalayuan ba ng anak mo ang mga kaibigan o kapamilya niya? Nawalan ba siya ng ganang gawin ang mga dati niyang gustong gawin? Ipinamimigay ba niya ang mga bagay na mahalaga sa kaniya?

  • Mga sinasabi. Minsan ba, tungkol sa kamatayan ang sinasabi ng anak mo? Nasabi na ba niyang, “Mas okey siguro kapag patay na ako”? Sinasabi ba niya na ayaw na niyang maging pabigat sa inyo?

    Totoo, baka padalos-dalos lang ang anak mo kaya nasabi niya iyon. (Job 6:3) Pero baka kailangan niya talaga ng tulong. Kaya huwag bale-walain ang anumang sinasabi ng anak mo tungkol sa pagpapakamatay.

Subukan ito: Kausapin ang anak mo. Diretsahin mo siya, “Minsan ba, naisip mo nang magpakamatay?” Kapag tinanong mo ito, hindi mo binibigyan ng ideya ang anak mo na magpakamatay.

Kapag sinabi ng anak mo na naisip na niya iyon, tanungin mo siya, “Naisip mo rin ba kung kailan o paano mo ’yon gagawin?” Makikita sa sagot niya kung gaano na kalala ang sitwasyon.

“Ayaw nating mga magulang na magtanong sa mga anak natin kasi takot tayong marinig y’ong sasabihin nila. Pero kung y’ong sinasabi nila ang talagang nararamdaman nila, ’di ba mas magandang malaman natin ’to?”—Sandra.

Prinsipyo sa Bibliya: “Ang laman ng puso ng tao ay gaya ng malalim na tubig, pero nasasalok ito ng taong may kaunawaan.”—Kawikaan 20:5.

Paano kung naiisip ng anak mo na magpakamatay?

  • Matiyagang alamin ang iniisip at nararamdaman ng anak mo. Una, pasalamatan siya sa pagsasabi ng totoo. Pagkatapos, puwede mong sabihin: “Gusto kong maintindihan ang pinagdaraanan mo. Puwede ko bang malaman ang mga nangyayari sa ’yo o kung bakit ka nagkakaganiyan?” o “Puwede mo bang sabihin sa akin kung ano’ng nararamdaman mo?”

    Isang nanay na dinadamayan ang nalulungkot na anak niya.

    Matiyagang makinig sa sasabihin ng anak mo. Huwag maliitin ang nararamdaman niya o magbigay agad ng “mga solusyon” sa problema niya.

    Prinsipyo sa Bibliya: “Maging mabilis sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita, mabagal magalit.”—Santiago 1:19.

  • Gumawa ng safety plan. Tulungan ang anak mo na makita ang mga sumusunod at ipasulat sa kaniya:

    Mga warning sign. Kapag nararamdaman niya na gusto niyang magpakamatay, ano muna ang madalas na ginagawa o iniisip niya?

    Mga gawaing makakatulong. Anong mga activity ang nakakabawas ng stress niya at nakakapagpabago ng iniisip niya?

    Mga taong makakatulong. May mga malalapitan ba siya kapag kailangan niya ng tulong? Puwedeng ikaw iyon, ibang pinagkakatiwalaang adulto, mental-health professional, o isang organisasyon na tumutulong sa mga taong gustong magpakamatay.

    Mga magulang na nakikinig nang mabuti sa sinasabi ng anak nilang babae.

    Gumawa ng safety plan

    Isang bombilya.

    Tip: Alisin o itago ang mga bagay sa bahay ninyo na puwedeng magamit sa pagpapakamatay, pati na ang mga gamot.

    Prinsipyo sa Bibliya: “Ang mga plano ng masipag ay tiyak na magtatagumpay.”—Kawikaan 21:5.

  • Patuloy na obserbahan ang anak mo. Bantayan pa rin ang nangyayari sa anak mo kahit parang nagiging okey na siya.

    “Nang sabihin ng anak kong lalaki na hindi na niya naiisip magpakamatay, akala ko tapos na ang problema niya. Mali pala ako. Puwede kasing magkaproblema ulit ang isa at maisip ulit na magpakamatay. At minsan, biglaan iyon.”—Daniel.

    Isang nanay sa sasakyan na nakatingin sa malungkot niyang anak na babae sa rearview mirror.

    Tulungan ang teenager mo na malaman ang isang mahalagang katotohanan tungkol sa mga nararamdaman niya: Pansamantala lang ang mga ito. “Para iyang panahon,” ang sabi ng aklat na The Whole-Brain Child. “Totoo ang ulan. At hindi katalinuhan na habang bumubuhos ito sa atin, kikilos tayo na parang hindi umuulan. Pero hindi rin katalinuhan na isiping hindi na ulit aaraw.”

  • Tiyakin sa anak mo na tutulungan mo siya: Sabihin mo sa kaniya na mahal mo siya at na malalapitan ka niya kapag kailangan niya ng tulong. Puwede mong sabihin, “Gagawin ko ang lahat para malampasan natin iyan.”

    Prinsipyo sa Bibliya: “Ang tunay na kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon at isang kapatid na maaasahan kapag may problema.”—Kawikaan 17:17.

a Karamihan ng mga taong nadedepres ay hindi nagpapakamatay. Pero marami sa mga nagpakamatay ay depres noong gawin nila iyon.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share