Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • lfs artikulo 18
  • Nakumbinsi Ko ang Asawa Ko “Nang Walang Salita”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nakumbinsi Ko ang Asawa Ko “Nang Walang Salita”
  • Kuwento ng Buhay ng mga Saksi ni Jehova
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Alok na Hindi Ko Matanggihan
  • Mas Tumindi ang Pagsalansang
  • Nagkaroon ng Pagbabago
  • Ang Paglapit sa Diyos ang Tumulong sa Akin na Magbata
    Gumising!—1993
  • Napasasalamat sa Laging Pag-alalay ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Ang Aking Masidhing Pagnanais na Maglingkod sa Diyos
    Gumising!—1992
  • Pagtatamo ng Tunguhin Ko Mula sa Pagkabata
    Gumising!—1985
Iba Pa
Kuwento ng Buhay ng mga Saksi ni Jehova
lfs artikulo 18
Si Ibolya Bartha.

IBOLYA BARTHA | KUWENTO NG BUHAY

Nakumbinsi Ko ang Asawa Ko “Nang Walang Salita”

Napakaraming magagandang bagay na nagpalapít sa akin kay Jehova. Naramdaman ko ang pag-ibig ng mga lingkod niya at humanga ako sa paraan nila ng pagtuturo ng katotohanan mula sa Bibliya. Tuwang-tuwa akong malaman na talagang nagmamalasakit ang Diyos sa mga tao at may pangako siyang magandang buhay sa kanila sa hinaharap. Pero hindi ganiyan ang naramdaman ng mister ko, kaya nahirapan ako.

Sina Ibolya at István noong araw ng kasal nila.

Araw ng kasal namin

Ipinanganak ako sa Romania noong 1952. Bautisadong Saksi ang nanay ko pero hindi siya aktibo. Kaya hindi ako nakadalo sa mga pulong ng mga Saksi. Mga Komunista rin ang namamahala sa Romania noon. At ipinagbabawal ang gawain ng mga Saksi ni Jehova, gaya ng pag-iimprenta at pangangaral. Kaya kahit noong 36 na taóng gulang na ako, wala pa rin akong alam tungkol kay Jehova o sa mga turo ng Bibliya. Pero noong 1988, habang nakatira kami ng asawa kong si István sa siyudad ng Satu-Mare, may nangyaring bumago sa buhay ko.

Alok na Hindi Ko Matanggihan

Isang araw, binisita ako ng nanay ko. Sabi niya: “Papasyal ako sa tita mo. Gusto mo ’kong samahan? Pagkatapos, mamilí tayo.” Wala naman akong gagawin kaya pumayag ako.

Pagdating namin sa bahay ni Tita, may nagkakatipong mga Saksi ni Jehova, mga siyam na katao. Nalaman ko na aktibo at masigasig na Saksi na pala ulit si Nanay. Talagang humanga ako sa mga narinig ko noong umagang iyon.

Nang matapos ang pulong, nilapitan ako ng nangunguna sa kanila. “Ako si János,” sabi niya. “Napansin ko na talagang nakikinig ka. Nagustuhan mo ba ang mga napakinggan mo?” Sinabi ko sa kaniya na ngayon lang ako nakadalo sa ganoong pulong at gusto kong dumalo ulit. Tinanong niya ako, “Gusto mo bang mag-aral ng Bibliya?” Hindi ko matanggihan ang alok na iyan. Naramdaman ko na inilapit ako ng Diyos sa mga taong ito.

Kinabukasan, ipinakilala ako ni János kay Ida, na siyang magtuturo ng Bibliya sa akin. Pero natatakot ako sa magiging reaksiyon ni István kapag nalaman niyang nag-aaral ako ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Ilang beses kong ipinakipag-usap ito sa kaniya, pero hindi siya interesado sa mga sinasabi ko. Alam kong hindi niya gusto ang ginagawa ko.

Pero patuloy pa rin akong nag-aral ng Bibliya at nabautismuhan noong Agosto 1989. Pagkalipas ng apat na buwan, bumagsak ang Komunistang gobyerno sa Romania at pinatay ang lider nito.

Mas Tumindi ang Pagsalansang

Nang magkaroon ng pagbabago sa gobyerno, naging mas malaya ang mga Saksi ni Jehova. Malaya na kaming magtipon at mangaral. Pero mas tumindi ang pagsalansang sa akin. Sinabi ni István sa akin, “Wala akong pakialam kung ano ang paniniwala mo. Ayaw ko lang na magbahay-bahay ka.”

Siyempre, hindi ako huminto sa pangangaral. (Gawa 4:20) Kaya lalo akong nag-ingat. Pero isang araw, nakita ako ng mga kaibigan ni István na nagbabahay-bahay at ikinuwento nila iyon sa kaniya. Pagkauwi ko, sinigawan ako ng mister ko, “Kahihiyan sa akin at sa pamilya natin ang pinaggagagawa mo!” Tinutukan niya ako ng kutsilyo sa leeg at nagbanta na papatayin niya ako kung hindi ako titigil sa pangangaral.

Sinubukan kong magpaliwanag kay István, at sinigurado ko sa kaniya na mahal ko siya. Napakalma ko naman siya kahit paano. Pero noong tumanggi akong dumalo sa kasal ng isang kamag-anak na iba ang relihiyon, nagalit ulit siya sa akin. At pinagsalitaan na naman niya ako ng mas masasakit na salita.

Nakakalungkot, 13 taon kong tiniis ang galit ni István. May mga panahon na pinagbantaan niya ako na makikipagdiborsiyo siya sa akin. Minsan, hindi ako makapasok sa bahay kasi ikinakandado niya ang pinto. May pagkakataon naman na pinapalayas niya ako ng bahay.

Ano ang nakatulong sa akin na matiis ang mga sitwasyong iyon? Nanalangin ako kay Jehova at hiniling ang tulong niya para manatili akong kalmado. At talagang nadama ko ang tulong niya. (Awit 55:22) Malaking tulong din sa akin ang kongregasyon. Pinatibay ako ng mga elder at ng ilang makaranasang sister na magpatuloy sa paglilingkod. Ipinaalala nila sa akin ang sinasabi ng Bibliya na makukumbinsi ng asawang babae ang asawa nila “nang walang salita” kung maninindigan sila at mananatiling tapat kay Jehova. (1 Pedro 3:1) At nagkatotoo iyan sa akin.

Nagkaroon ng Pagbabago

Noong 2001, na-stroke si István at hindi na siya makalakad. Isang buwan siyang naospital at mga ilang linggo sa rehabilitation. Noong mga panahong iyon, lagi akong nasa tabi niya. Pinapakain ko siya, kinakausap, at lagi kong sinisigurado na nasa kaniya ang lahat ng kailangan niya.

Binisita rin siya ng mga kapatid sa kongregasyon. Damang-dama ni István ang pag-ibig at pagmamalasakit nila. Marami ang tumulong sa mga gawaing-bahay namin. At ang mga elder, lagi silang handang tumulong at magpatibay sa amin.

Dahil sa mga pagdalaw na ito, napakilos si István. Nahiya siya sa naging pagtrato niya sa akin. Napansin din niya na wala kahit isang kaibigan niya ang dumalaw sa kaniya. Kaya nang lumabas si István ng ospital, sinabi niya, “Gusto ko nang mag-aral ng Bibliya at maging isang Saksi ni Jehova.” Hindi ko mapigilang maiyak sa tuwa!

Noong Mayo 2005, nabautismuhan si István. Dahil hindi siya makalakad, inilapit ng mga kapatid ang wheelchair niya sa gilid ng pool na pinagbabautismuhan. Pagkatapos, dahan-dahan nila siyang binuhat papunta sa tubig, at binautismuhan siya. Naging masigasig na mángangarál ng Kaharian si István. Nagkaroon ako ng magagandang alaala kasama siya sa ministeryo. Hindi ako makapaniwala! Akalain mo! Isang dating salansang sa pangangaral ko ng katotohanan mula sa Salita ng Diyos, pero ngayon, nasa tabi ko na at masayang ibinabahagi sa iba ang mabuting balita!

Talagang minahal ni István si Jehova at ginamit ang panahon niya sa pag-aaral at pagmememorya ng mga teksto sa Bibliya. Gustong-gusto niyang ikuwento ang mga tekstong iyon sa mga kakongregasyon namin. Naging pagkakataon iyon sa kaniya para patibayin ang mga kapatid.

Si Ibolya at si István, na nakaupo sa wheelchair, habang nagpapakuha ng larawan kasama ang mga kaibigan nila.

Sa isang panrehiyong kombensiyon kasama ang mga kaibigan namin

Patuloy na lumala ang kalagayan ni István. Pagkatapos ng sunod-sunod na minor stroke, hindi na siya makapagsalita at naging bedridden. Nanghina ba siya sa espirituwal dahil dito? Hinding-hindi! Hangga’t kaya niya, lagi siyang nagbabasa at nag-aaral. Kapag binibisita siya ng mga kaibigan namin, gumagamit siya ng gadyet na may maliit na screen para makausap at mapatibay sila. Sinabi ng isang brother: “Gustong-gusto kong makita si István. Sa tuwing galing ako sa kanila, napapatibay ako at napapalakas.”

Nakakalungkot, namatay si István noong Disyembre 2015. Sobrang lungkot ko talaga noon. Pero nagkaroon din ako ng tunay na kapayapaan ng isip kasi bago mamatay si István, naging kaibigan siya ni Jehova. Isa ito sa talagang nagpasaya sa akin. Alam ko na si István at ang nanay ko ay nasa alaala na ni Jehova. Inaasam-asam kong mayakap silang muli at makasama sa bagong sanlibutang ipinangako ni Jehova.

Mahigit 35 taon na ang nakakalipas mula nang pumunta kami ni Nanay sa tita ko. At hinding-hindi ko makakalimutan ang araw na iyon. Mahigit 70 taóng gulang na ako ngayon at naglilingkod bilang regular pioneer. Wala na akong maisip na iba pang paraan para pasalamatan si Jehova sa lahat ng ginawa niya para sa akin. (Awit 116:12) Tinulungan niya akong manatiling tapat at kalmado kahit may mga pagsalansang. Nakita ko rin na puwedeng magbago ang mga sitwasyon. At kahit parang imposible, nakumbinsi ko ang asawa ko nang walang salita.

Si Ibolya at isa pang sister na nakatayo malapit sa cart. Ginagamit ni Ibolya ang brosyur na “Masayang Buhay Magpakailanman” para mangaral sa isang babae.
    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share