Petra—Kabiserang Lunsod ng mga Nabateano
Makikita sa mga larawan ang mga guho ng lunsod ng Petra, na nasa timog ng Dagat na Patay sa Jordan ngayon. Ito ang kabisera ng Nabateanong kaharian ni Aretas IV, na binabanggit sa 2Co 11:32 (tingnan ang study note) at namahala mula noong mga 9 B.C.E. hanggang 40 C.E. (Tingnan ang Ap. B10, B13.) Noong unang siglo C.E., ang Petra ay daan-daang taon nang kabisera ng mga Nabateano—isang tribong Arabe. Kahit na malayo ang Petra sa ibang lunsod at nasa disyerto, makikita sa mga guho nito na mayamang lunsod ito at malaki ang naging impluwensiya dito ng mga Griego at Romano. Mahirap sakupin ang Petra dahil napapalibutan ito ng matatarik na bundok. Umuka ang mga Nabateano sa malalaking bato para gawing bahay, libingan, templo, at pati pa nga teatro. Angkop sa lugar nila ang kahanga-hangang istilo nila ng konstruksiyon dahil napapalibutan sila ng mga bundok, na batong-buhangin at kulay-rosas. May komplikadong disenyo sa labas ang ilan sa mga inukang istraktura nila. Nakagawa din sila ng sistema ng mga kanal at imbakan na nakakasaló ng tubig mula sa pana-panahong pag-ulan. Noong unang siglo C.E., gumagamit pa rin ng olibano at mira ang mga tagaroon sa pakikipagkalakalan. Dahil nadadaanan ng maraming manlalakbay ang Petra, nakatulong ito sa komersiyo at lalo pang yumaman ang lunsod.
Credit Lines:
Manfred Thürig/Alamy Stock Photo; Norimages/Alamy Stock Photo; Gábor Kovács/Alamy Stock Photo
Kaugnay na (mga) Teksto: