Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 6/22 p. 10-13
  • Paghahanap sa Tubig ng Buhay

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paghahanap sa Tubig ng Buhay
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Lunas sa Pamamagitan ng Makalumang Teknolohiya
  • Kung Ano ang Kinakailangan Para Magtagumpay
  • Isang Nakatataas na Uri ng Tubig
  • Nauubusan na ba ng Tubig ang Daigdig?
    Gumising!—2001
  • Saan Napunta ang Lahat ng Tubig?
    Gumising!—2001
  • Kung Saan Mas Malala ang Krisis
    Gumising!—1997
  • Tubig na Bumabalong Upang Magbigay ng Buhay na Walang Hanggan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 6/22 p. 10-13

Paghahanap sa Tubig ng Buhay

MAHIGIT na dalawang libong taon na ang nakalilipas, isang maunlad na lunsod na may 30,000 katao ang napabantog sa Disyerto ng Arabia. Sa kabila ng mahirap na klima sa lugar na iyon, kung saan ang katamtamang ulan ay umaabot lamang ng 150 milimetro bawat taon, natutuhan ng mga mamamayan ng Petra na mamuhay nang may kakaunting tubig. At ang Petra ay yumaman at umunlad.

Ang mga mamamayang Nabateano ng Petra ay walang mga de-kuryenteng bomba ng tubig. Hindi sila nagtayo ng malalaking prinsa. Ngunit alam nila kung paano titipunin at titipirin ang kanilang tubig. Dahil sa mahabang kawing ng maliliit na tipunan, mga dike, mga lagusan, at mga imbakang-tubig ay napadaloy nila ang tubig na buong-ingat na tinipon patungo sa kanilang lunsod at sa kanilang maliliit na taniman. Halos walang patak na nasasayang. Napakatibay ng pagkakagawa ng kanilang mga balon at imbakang-tubig anupat ginagamit pa rin ang mga ito ng makabagong-panahong mga Bedouin.

“Ang hydrology ang di-nakikitang kagandahan ng Petra,” ang may-paghangang sinabi ng isang inhinyero sa paggamit ng tubig. “Talagang henyo ang mga taong iyon.” Kamakailan, sinikap ng mga ekspertong taga-Israel na matuto mula sa pantanging kasanayan ng mga Nabateano, na nagsasaka rin sa Negeb, kung saan bihirang lumampas ang pag-ulan ng 100 milimetro bawat taon. Sinuri ng mga agronomo ang mga labí ng libu-libong maliliit na bukirin ng mga Nabateano kung saan buong-kahusayang pinadaloy ng mga may-ari nito ang ulan sa taglamig patungo sa kanilang maliliit na hagdan-hagdang taniman.

Ang mga natutuhan mula sa mga Nabateano ay nakatutulong na sa mga magsasaka sa sinasalot-ng-tagtuyot na mga estado ng Sahel sa Aprika. Gayunman, ang makabagong mga pamamaraan sa pagtitipid ng tubig ay maaari ring maging kasimbisa. Sa Lanzarote, isa sa mga pulo ng Canary, na di-kalayuan sa baybayin ng Aprika, natutuhan ng mga magsasaka kung paano magtanim ng mga ubas at mga igos kung saan halos walang ulan. Itinatanim nila ang mga punong-ubas o mga puno ng igos sa pinakaibaba ng pabilog na mga hukay at pagkatapos ay tinatabunan ang lupa ng suson ng abo ng bulkan upang hadlangan ang pagsingaw ng halumigmig. Sa gayo’y maaaring umagos ang sapat na hamog sa mga ugat upang matiyak ang isang mabuting ani.

Mga Lunas sa Pamamagitan ng Makalumang Teknolohiya

Ang katulad na mga ulat ng pakikibagay sa tigang na mga klima ay masusumpungan sa buong daigdig​—gaya niyaong sa gitna ng mga taong Bishnoi, na naninirahan sa Disyerto ng Thar sa India; ng mga babaing Turkana sa Kenya; at ng mga Indian na Navajo sa Arizona, E.U.A. Ang kanilang mga pamamaraan ng pagtitipon ng tubig-ulan, na natutuhan sa loob ng maraming siglo, ay napatutunayang mas maaasahan upang malunasan ang mga pangangailangan sa agrikultura kaysa sa kahanga-hangang mga solusyon sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya.

Ang ika-20 siglo ay isang panahon ng pagtatayo ng prinsa. Malalaking ilog ang napakinabangan, at nakagawa ng pagkalalaking mga sistema ng irigasyon. Tinataya ng isang siyentipiko na 60 porsiyento ng mga batis at mga ilog sa daigdig ang kinokontrol na sa paanuman. Bagaman ang gayong mga proyekto ay nagdulot ng ilang kapakinabangan, itinatawag-pansin ng mga dalubhasa sa ekolohiya ang pinsalang idinulot sa kapaligiran, bukod pa ang epekto sa milyun-milyong tao na nawalan ng tahanan.

Karagdagan pa, sa kabila ng mabubuting intensiyon, ang mga kapakinabangan sa mga planong ito ay bihirang umabot sa mga magsasaka na siyang lubhang nangangailangan ng tubig. Sa pagtukoy sa mga proyekto ng irigasyon sa India, sinabi ng dating punong ministro na si Rajiv Gandhi: “Sa loob ng 16 na taon ay gumugol tayo ng napakaraming salapi. Ang mga tao ay walang natamong pakinabang, walang irigasyon, walang tubig, walang pagsulong sa produksiyon, walang tulong sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.”

Sa kabilang panig, ang mga solusyon sa pamamagitan ng makalumang teknolohiya ay napatunayang mas kapaki-pakinabang at di-gaanong nakapipinsala sa kapaligiran. Ang maliliit na lawa at prinsa na ginawa ng lokal na mga komunidad ay naging lubhang matagumpay sa Tsina, kung saan anim na milyon na ang nagawa. Sa Israel, natuklasan ng mga tao na sa tulong ng kaunting pagkamalikhain, ang tubig ding iyon ay magagamit muna sa paglalaba, pagkatapos ay sa sanitasyon, at panghuli ay para sa irigasyon.

Ang isa pang praktikal na solusyon ay drip irrigation (banayad na pagpapatubig na ginagamitan ng mga tubo), na nakapag-iingat sa lupa at gumagamit lamang ng 5 porsiyento ng tubig na kailangan sa tradisyonal na mga pamamaraan. Ang matalinong paggamit ng tubig ay nangangahulugan din ng pagpili ng mga pananim na angkop sa tuyong klima, gaya ng sorghum o mijo, sa halip na yaong nangangailangan ng maraming patubig, gaya ng tubó o mais.

Sa kaunting pagsisikap, ang mga gumagamit sa tahanan at ang industriya ay makapagtitipid din sa kanilang paggamit ng tubig. Halimbawa, maaaring makagawa ng isang kilo ng papel sa pamamagitan ng mga isang litro ng tubig kung ang tubig sa pabrika ay muling gagamitin​—katipirang mahigit sa 99 porsiyento. Pinalitan ng Mexico City ang karaniwang mga palikuran ng mga palikurang gumagamit lamang ng sangkatlo ng dami ng tubig. Itinaguyod din ng lunsod ang isang kampanya ng paghahatid ng impormasyon na naglalayong makapagtipid nang malaki sa paggamit ng tubig.

Kung Ano ang Kinakailangan Para Magtagumpay

Ang mga solusyon sa krisis sa tubig​—at sa karamihan ng mga problema sa kapaligiran​—ay nangangailangan ng pagbabago sa mga saloobin. Ang mga tao ay kailangang makipagtulungan sa halip na maging makasarili, gumawa ng makatuwirang pagsasakripisyo saanman kinakailangan, at maging determinadong pangalagaan ang lupa para sa mga mamamayan nito sa hinaharap. Hinggil dito, si Sandra Postel, sa kaniyang aklat na Last Oasis​—Facing Water Scarcity, ay nagpaliwanag: “Kailangan natin ang isang etika sa paggamit ng tubig​—isang giya sa tamang paggawi sa harap ng masalimuot na mga pagpapasiya tungkol sa likas na mga sistema na hindi natin nauunawaan ni mauunawaan nang lubusan.”

Sabihin pa, ang gayong “etika sa paggamit ng tubig” ay nangangailangan ng higit pa kaysa sa lokal na pagkilos lamang. Ang mga bansa at gayundin ang mga magkakalapit-lugar ay kailangang magtulungan, yamang ang mga ilog ay bumabagtas sa mga pambansang hangganan. “Ang mga pagkabahala hinggil sa dami at kalidad ng tubig​—na itinuturing na magkabukod noong nakalipas​—ay dapat nang malasin ngayon bilang isang pangglobong isyu,” sabi ni Ismail Serageldin sa kaniyang ulat na Beating the Water Crisis.

Ngunit hindi madaling ganyakin ang mga bansa upang asikasuhin ang pangglobong mga isyu, gaya ng inamin ng kalihim-panlahat ng UN na si Kofi Annan. “Sa globalisadong daigdig sa ngayon,” sabi niya, “ang mga mekanismong nakalaan para sa pangglobong pagkilos ay halos sinlaki pa lamang ng binhi. Panahon na para bigyan natin ng higit na espesipikong kahulugan ang ideya ng ‘internasyonal na komunidad.’”

Maliwanag, ang sapat na suplay ng malinis na tubig​—bagaman mahalaga​—ay hindi lamang siyang kailangan kung nais nating magtamasa ng isang malusog at maligayang buhay. Kailangan munang kilalanin ng mga tao ang pananagutan sa Isa na naglaan kapuwa ng tubig at ng buhay mismo. (Awit 36:9; 100:3) At sa halip na abusuhin ang lupa at mga yaman nito taglay ang makitid na pananaw, kailangan nilang ‘sakahin at ingatan ito,’ gaya ng itinagubilin ng ating Maylalang sa ating unang mga magulang.​—Genesis 2:8, 15; Awit 115:16.

Isang Nakatataas na Uri ng Tubig

Yamang ang tubig ay napakahalaga, hindi kataka-taka na sa Bibliya ay binibigyan ito ng simbolikong kahulugan. Sa katunayan, upang tamasahin ang buhay gaya ng nilayon para sa atin, kailangan nating kilalanin ang bukal ng simbolikong tubig na ito. Kailangan din nating matutuhang ipakita ang saloobin ng babae noong unang siglo na humiling kay Jesu-Kristo: “Ginoo, bigyan mo ako ng tubig na ito.” (Juan 4:15) Isaalang-alang ang naganap.

Tumigil si Jesus sa tabi ng isang malalim na balon malapit sa makabagong-panahong Nablus​—maliwanag na ang mismong balon na madalas dalawin ng mga tao mula sa palibot ng daigdig magpahanggang sa panahong ito. Nang pagkakataong iyon, isang babaing Samaritana ang pumaroon din sa balon. Gaya ng maraming babae noong unang siglo, walang alinlangan na palagi siyang pumupunta roon upang mapanatili niyang may suplay ng tubig ang kaniyang tahanan. Ngunit sinabi ni Jesus na maaari niyang paglaanan siya ng “tubig na buháy”​—isang bukal ng tubig na hindi kailanman matutuyo.​—Juan 4:10, 13, 14.

Kaya mauunawaan naman kung bakit napukaw ang interes ng babae. Ngunit sabihin pa, ang “tubig na buháy” na tinutukoy ni Jesus ay hindi literal na tubig. Ang nasa isipan ni Jesus ay ang mga espirituwal na paglalaan na maaaring magpangyari na ang mga tao’y mabuhay magpakailanman. Gayunman, magkaugnay ang simboliko at literal na tubig​—kailangan natin ang dalawang ito upang tamasahin nang lubusan ang buhay.

Hindi lamang miminsan, pinaglaanan ng Diyos ang kaniyang bayan ng solusyon sa isang aktuwal na kakapusan sa tubig. Makahimala niyang pinaglaanan ng tubig ang malaking pulutong ng mga nagsilikas na Israelita na tumawid sa disyerto ng Sinai patungo sa Lupang Pangako. (Exodo 17:1-6; Bilang 20:2-11) Nilinis ni Eliseo, isang propeta ng Diyos, ang balon ng Jerico na narumhan. (2 Hari 2:19-22) At nang ang nalabi ng nagsisising mga Israelita ay bumalik sa kanilang bayang tinubuan mula sa Babilonya, inakay sila ng Diyos patungo sa ‘tubig sa ilang.’​—Isaias 43:14, 19-21.

Isang di-mauubos na suplay ng tubig ang kailangang-kailangan ng ating planeta sa ngayon. Yamang ang ating Maylalang, ang Diyos na Jehova, ay naglaan ng solusyon sa mga problema sa tubig noong nakalipas, hindi ba niya ito muling gagawin sa hinaharap? Tinitiyak sa atin ng Bibliya na gagawin niya ito. Sa paglalarawan sa mga kalagayan sa ilalim ng kaniyang ipinangakong Kaharian, sinabi ng Diyos: “Sa mga hantad na burol ay magbubukas ako ng mga ilog, at sa gitna ng mga kapatagang libis, mga bukal. Ang ilang ay gagawin kong matambong lawa ng tubig, at ang lupaing walang tubig ay mga dakong binubukalan ng tubig, . . . upang ang mga tao ay makakita at makaalam at magbigay ng pansin at magkaroon ng kaunawaan nang magkakasabay, na ang mismong kamay ni Jehova ang gumawa nito.”​—Isaias 41:18, 20.

Nangangako ang Bibliya sa atin na kapag dumating ang panahong iyon, ang mga tao ay ‘hindi magugutom, ni mauuhaw man sila.’ (Isaias 49:10) Dahil sa isang bagong pangglobong administrasyon, 7magkakaroon ng tiyak na solusyon sa krisis sa tubig. Ang administrasyong ito​—ang Kaharian, na itinuro ni Jesus na ipanalangin natin​—ay kikilos “sa pamamagitan ng katarungan at sa pamamagitan ng katuwiran, mula ngayon at hanggang sa panahong walang takda.” (Isaias 9:6, 7; Mateo 6:9, 10) Bunga nito, ang mga tao saanman sa lupa ay magiging isang tunay na internasyonal na komunidad sa wakas.​—Awit 72:5, 7, 8.

Kung hahanapin natin ngayon ang tubig ng buhay, makaaasa tayo na makikita natin ang panahon kapag talagang magkakaroon na ng sapat na tubig para sa lahat.

[Mga larawan sa pahina 10]

Itaas: Alam ng sinaunang mga mamamayan ng Petra kung paano magtitipid ng tubig

Ibaba: Isang lagusan ng tubig ng mga Nabateano sa Petra

[Credit Line]

Garo Nalbandian

[Larawan sa pahina 10]

Ang mga magsasaka sa isa sa mga pulo ng Canary ay natuto kung paano magtanim ng mga halaman kung saan halos walang ulan

[Larawan sa pahina 13]

Ano ang ibig sabihin ni Jesus nang ipangako niya sa babaing ito ang “tubig na buháy”?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share