Isang Bukás o Isang Saradong Isip—Alin ang Mayroon Ka?
MAY suliranin ang mga tao sa pakikitungo sa isa’t-isa, di ba? At bagaman karamihan sa atin ay nag-aakalang tayo’y may bukás na pag-iisip, tanungin natin nang may kataimtiman ang ating sarili: Ang “ibang tao” ba ang talagang may makitid na isip at siyang panatiko?
Ang totoo, baka ang isip mo ay higit na sarado kaysa iyong inaakala. Sinasabi mo ba paminsan-minsan: “Ang relihiyon at politika ang dalawang bagay na hindi ko kailanman ipinakikipag-usap”? O kaya’y iniismiran mo lamang ang mga pagkaing hindi mo dati-dating nakakain? “Susô? Nunca!” O ano ang palagay mo tungkol sa di-popular na paraan ng paggamot? “Acupuncture? Gamot-albularyo!” O ang “pagkaalam” mo ba—gaya, halimbawa, ng pagkaalam ng “lahat” sa Alemanya—na ang mga Hitano ay mga magnanakaw, ang mga Hilagang Aleman ay matitigas ang ulo, lahat ng taga-Berlin ay mga bungangero, ang mga Swabians ay magaganit at ang mga banyaga ay mga tamad? Kung sa bagay, ang ganiyang mga idea ay matatagpuan saanman—oo, maging sa bansa mo man.
Ano ba ang Bukás na Isip?
Ang bukas na isip ay yaong hindi nagagapos ng prejudice o pagtatangi, at ganito ang katuturang ibinigay ng isang diksiyonaryo: “Isang paghatol o opinyon, kaayon man o hindi, na ginawa na antimano o nang walang kaukulang pagsusuri; isang pangkaisipang pasiya na salig sa mga iba pang batayan at hindi sa katuwiran o katarungan; lalo na, isang di-magulang o kakontrang opinyon na may pagtatangi.”
Isang mahalagang bahagi ng buhay ang pagpapasiya at paggawa ng mga kahatulan. Subali’t ang mga pagpapasiya na “walang kaukulang pagsusuri” o ang mga paghatol na ginawa salig “hindi sa katuwiran o katarungan” ay mga katunayan ng isang saradong isip.
Ang bukás na isip, sa kabilang banda, ay tumatanggap ng bagong impormasyon at mga idea. Ito’y handang magsuri at pag-isipan ang impormasyon nang walang itinatanging anuman. Kung ating tatanggapin ang karapat-dapat at tatanggihan ang di-nararapat, tayo’y sasapit sa katotohanan na may matatag na batayan at atin pa ring pananatilihing bukás ang ating mga isip para tumanggap ng pagbabago kung sakaling magkaroon ng karagdagan pang impormasyon sa hinaharap na panahon. Ang taong may palagay na alam na niya ang lahat ay makatitiyak na ang gayong saloobin ang hahadlang sa kaniya sa pagkaalam ng higit pang mga katotohanan.
Bakit May Saradong Isip ang mga Tao
Baka ang saradong isip ay tanda ng kakulangan ng kaalaman. Baka wala tayong gaanong alam tungkol sa isang bagay, o ang alam natin ay mali o kulang, kaya’t kulang tayo ng katibayan para makabuo ng talagang katotohanan. Halimbawa, kung doon ka nakatira sa Alemanya at talagang natitiyak mo na lahat ng taga-Berlin ay mga bungangero, tanungin ang iyong sarili kung mga ilang katao sa Berlin ang kilala mo. Sapat ba ang dami upang hatulan nang husto ang kung ilan-ilang milyong katao? Marahil kung maingat na pag-iisipan mo ay masasabi mong mas marami kang nakilalang mga bungangero na taga-Hamburg, Frankfurt o Munich kaysa nakilala mong taga-Berlin.
Ang saradong isip ay maaaring makita sa kawalan ng interes sa paksa o ang pagtangging suriin ang isang bagay. Sa katunayan, baka nagpapakilala iyon na hindi ka nakatitiyak o may duda ka sa isang bagay. Halimbawa, kung hindi natin maipagtanggol ang ating mga paniwala tungkol sa relihiyon, baka daanin natin iyon sa pagbatikos sa mga taong sumasalungat sa ating mga paniwala, at hindi ang ipagtanggol iyon sa pamamagitan ng matinong pangangatuwiran. Ito’y nagpapakita ng pagtatangi at ng saradong isip.
Ang saradong isip ay maaaring nagpapakita rin ng isang mapag-imbot na hangaring huwag nating maiwala ang ilang mga bentaha na maaaring mawala kung tayo’y may bukás na isip. Sa mga ilang bansa ay sinugpo ang mga ilang grupo ng lahi upang ang mga ibang grupo ay magkamit ng mga ilang pribilehiyo. Palibhasa’y ayaw nila na may mga makahati sila sa mga ito, ang gayong mga grupo ay umaatras samantalang taglay ang kaisipan na “mas magaling kami kaysa inyo,” at sinasarhan na ang kanilang mga isip laban sa katotohanan.
Ikaw ba’y may sapat na pagkabukas-isip upang isaalang-alang ang posibilidad na baka naman hindi ka gayon? Baka may mapakinabang ka kung gagawin mo iyan. Samantalang ang isang bukás na isip ay makabubuti sa iyo, ang saradong isip ay halos masisiguro mo na makasasama sa iyo.