Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g85 3/22 p. 9-12
  • Pagsang-ayon ng Diyos ang Nakakamit ng Bukás na Isip

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagsang-ayon ng Diyos ang Nakakamit ng Bukás na Isip
  • Gumising!—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Iwasan ang Panatikong Pagtatangi Nang Dahil sa Relihiyon
  • Kung Paano Masusumpungan ang Tunay na Relihiyon
  • “Magpakatino Nga Kayo ng Isip”
  • Anim na Pakinabang sa Isang Bukás na Isip
    Gumising!—1985
  • Isang Bukás o Isang Saradong Isip—Alin ang Mayroon Ka?
    Gumising!—1985
  • Sapat na ba ang Anumang Relihiyon?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Bakit Pa Magiging Interesado sa Ibang Relihiyon?
    Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos
Iba Pa
Gumising!—1985
g85 3/22 p. 9-12

Pagsang-ayon ng Diyos ang Nakakamit ng Bukás na Isip

ANG kahalagahan ng pagkakaroon ng isang bukás na isip upang makamit ang pagsang-ayon ng Diyos ay nasusulat sa Efeso 5:10, 17. Doon ay mababasa natin: “Patuloy na tiyakin ninyo kung ano ang kalugud-lugod sa Panginoon. Kaya nga iwanan na ninyo ang pagka walang katuwiran, kundi patuloy na unawain kung ano ang kalooban ni Jehova.”

Subali’t hindi ba totoo na maraming tao ang sarado ang isip pagdating na sa relihiyon? Mayroong mga tao na tumatanggi kahit na sa paniniwala sa isang Kataas-taasang Diyos at ayaw nilang makinig sa ebidensiya na inihaharap ng mga sumasampalataya. Para sa kanila ay di-dapat pag-usapan ang relihiyon.

Maging ang mga ibang taong relihiyoso man ay may saradong mga isip. Sila’y interesado lamang sa “kanilang” relihiyon, at ayaw man lamang nilang makinig sa mga paniwala ng iba. At kahit na marahil hindi sila ang pumili sa kanilang relihiyon kundi namana lamang nila iyon sa kanilang mga magulang, gayunman ay naniniwala sila na ang kanilang relihiyon ang tunay. Subali’t hindi como namana ay mabuti. Ang pagkabarumbado, ang pagkamapag-imbot o ang pagkamandaraya ay maaaring namana rin sa mga magulang, subali’t mga ugali na hindi kanais-nais.

Ang isang relihiyon ay tunay kung iyon ay sa Salita ng Diyos lubusang sumusunod. Kung nakasusunod baga o hindi ang ating relihiyon sa katangiang ito, iyan ay matitiyak tanging sa pamamagitan ng pagbubukas ng ating isip at paghahambing ng ating relihiyon sa sinasabi ng Bibliya. Hindi sa kung saan tayo ipinanganak dapat ibatay ang isang napakahalagang bagay na gaya na nga ng ating pagsamba sa Diyos. Halimbawa, ang batang anak ng mga magulang na Katoliko ay walang kapangyarihan sa bagay na ito gaya rin ng isang batang Muslim ang mga magulang.

Iwasan ang Panatikong Pagtatangi Nang Dahil sa Relihiyon

Pagka ang mga tao’y nilapitan mo na taglay mo ang isang balita tungkol sa relihiyon, marahil ay iba-iba ang epekto nito sa kanila. May mga magsasabing: “Ang lubos na katotohanan ay imposibleng matagpuan”; “lahat ng relihiyon ay walang hangad kundi kuwarta mo lamang”; “ang siyensiya ay hindi naniniwala sa relihiyon”; “ang relihiyon ay isa lamang saklay para sa mga taong mahihina.” Ang ganitong mga kuru-kuro, at ang iba pang katulad nito, ay isang tagapagsarado ng isip at humahadlang sa pagsusuri bago man lamang pasimulan iyon. Ito’y panatikong pagtatangi nang dahil sa relihiyon.

Aba, mayroong mga tao na nagdududa sa pagiging totoo ng isang balita nang dahil lamang sa lugar na pinanggalingan ng may dala ng balita. Halimbawa, tungkol sa isang pangyayari noong unang siglo C.E. ang Juan 1:45, 46 ay nagsasabi: “Nasumpungan ni Felipe si Nathanael at sinabi sa kaniya: ‘Nasumpungan namin yaong tungkol sa kaniya’y sumulat si Moises sa Kautusan, at pati ang mga Propeta, si Jesus, na anak ni Jose, taga-Nazaret.’ Subali’t sinabi sa kaniya ng Nathanael: ‘Mangyayari kayang may manggaling na mabuti sa Nazaret?’ Sinabi sa kaniya ni Felipe: ‘Halika at tingnan mo.’ ” Maliwanag na pinapayuhan ni Felipe si Nathanael na ito’y magkaroon sana ng bukás na isip. Ganiyan din ang nangyayari ngayon. Pagka ang mga misyonero ng mga Saksi ni Jehova ay nangangaral sa mga ibang bansa, baka sila’y tinatanggihan, bagaman ang kanilang balitang dinadala ay salig sa Bibliya, dahil lamang sa tagaibang bansa sila. Tulad ni Nathanael noong una, baka itanong ng iba: “Mangyayari kayang may manggaling na mabuti sa Amerika?”

Marahil ang iba’y tumatanggi sa isang balita dahil sa sinasabi iyon sa simpleng paraan ng isang karaniwang tao. Subali’t ito kaya’y isang katalinuhan? Tungkol sa mga taong nasa sinaunang kongregasyong Kristiyano, ating mababasa: “Nang makita ng Kapulungan [Sanhedrin ng mga Judio] ang katapangan nina Pedro at Juan, at pagkabatid nila na ang mga ito ay mga taong walang pinag-aralan at hindi mga propesyonal, sila’y takang-taka at natalos nila ang nagawa sa mga ito ng pakikisama kay Jesus!”​—Gawa 4:13, The Living Bible.

Oo, ang “mga taong walang pinag-aralan at hindi mga propesyonal” ay makagagawa ng kamangha-manghang mga bagay kapag sinanay sa salita ng Diyos. Kaya’t hindi dahil sa hindi sila nagtapos sa seminaryo o hindi sila mga propesyonal ay isasarado mo sa kanila ang iyong isip; hayaan mong nakabukas upang magsuri ng balita na dinadala nila.

Kung Paano Masusumpungan ang Tunay na Relihiyon

Ang bukás na isip ay handa na gawin ang ipinapayo ng 1 Juan 4:1: “Mga minamahal, huwag kayong maniniwala sa bawa’t kinasihang pananalita, kundi subukin ninyo ang mga kinasihang pananalita upang mapatunayan kung ang mga ito’y nanggagaling sa Diyos, sapagka’t maraming bulaang propeta na naglipana sa sanlibutan.” Subali’t dahilan sa libu-libong iba’t-ibang grupo ng relihiyon at mga sekta na umiiral ngayon, maaari bang gumawa ng pagsubok upang mapatunayan kung ano ang totoo? Oo, hindi lamang posibleng gawin ito kundi ito’y hindi rin naman kasinghirap na gaya ng marahil inaakala mo. Halimbawa:

May mga relihiyon na nagtuturo na balang araw ang literal na lupang ito ay susunugin. Baka bilang suporta ay sipiin nila ang 2 Pedro 3:7: “Nguni’t sa pamamagitan ng gayunding salita ang mga langit at ang lupa ngayon ay iningatan para sa apoy at inilalaan para sa araw ng paghuhukom at paglipol sa mga taong masasama.”

Nguni’t ang talaga bang sinasabi ng tekstong ito’y na susunugin nga ang literal na lupa? Ang totoo, ang tinutukoy lamang nito ay “paglipol sa mga taong masasama.” Sa nauunang mga talata, 2Ped 3:5 at 6, ito’y inihahalintulad nito sa panahon ng baha ni Noe nang “ang sanlibutan noon ay napahamak nang apawan ng tubig.”

Bueno ano ba ang pumanaw sa Baha? Ang Genesis 7:23 ang sumasagot: “Kaya’t kaniyang nilipol ang bawa’t bagay na umiiral sa ibabaw ng lupa, ang tao at gayundin ang mga hayop, . . . at sila’y nalipol sa lupa.” Kung gayon, “nalipol sa lupa” ang mga taong balakyot, tiyak na nanatiling nakatayo ang literal na lupa.

Ito’y kasuwato ng Eclesiastes 1:4, na nagsasabing “isang salin ng lahi ang yumayaon, at ibang salin ng lahi ang dumarating; nguni’t ang lupa ay nananatili hanggang sa magpakailanman.” Ang Awit 104:5 ay lalong mariin ang sinasabi: “Kaniyang inilagay ang mga patibayan ng lupa; ito’y magiging matatag hanggang sa panahong walang takda, o magpakailanman.”

Pagkatapos paghambing-hambingin ang mga talatang ito, ang taong may bukás na isip ay magpapasiya na ano mang relihiyong nagtuturo ng literal na pagkapuksa ng lupa ay hindi totoo ang itinuturo. Kung gayon ay iyon kaya ang magiging tunay na relihiyon, na kumakatawan sa Diyos na Jehova, ang Diyos ng katotohanan? O ano kaya kung nagtuturo iyon ng mga iba pang aral na pawang walang katotohanan?a Sa pamamagitan ng ganiyang pamamaraan, dagling mapatutunayan natin kung alin ang mga di-tunay na relihiyon.

“Magpakatino Nga Kayo ng Isip”

Saklaw ng payo ni apostol Pedro na “magpakatino nga kayo ng isip” ang pagkakaroon ng bukás na isip, sapagka’t tanging ang bukás na isip lamang ang makapanghihinuha nang matinuan at makagagawa ng matinong pagpapasiya. Ang iba sa mga taga-Beroea ay mayroong gayong bukás na isip, sapagka’t tungkol sa kanila ay mababasa natin na “kanilang tinanggap ang salita na may lubos na kasabikan ng isip, at maingat na sinisiyasat araw-araw ang Kasulatan kung tunay baga ang mga bagay na ito.”​—1 Pedro 4:7; Gawa 17:11.

Ang bukás na isip, na handang tumanggap, ang mag-uudyok sa atin na ‘maingat na siyasatin araw-araw ang Kasulatan’ at pagkatapos ay kumilos batay sa ating natututuhan. Kasuwato ito ng payo ng Bibliya na “maging mga tagapagsagawa ng salita, at hindi mga tagapakinig lamang.” Ang mga taga-Beroea ay hindi lamang mga tagapakinig, sapagka’t sa atin ay sinasabi ng Gawa 17:12 na “marami sa kanila ang naging mga mananampalataya.”​—Santiago 1:22; tingnan din ang Mateo 7:21.​—Tingnan ang Marcos 10:29, 30.

Oo, ang pagkakaroon ng bukás na isip ay nagdudulot ng maraming pakinabang. Matutulungan tayo nito na matagpuan ang tunay na relihiyon na magpapalawak sa ating kasalukuyang buhay, magpapasulong ng ating espirituwal na kalusugan at tutulong sa atin sa paglutas sa ating mga problema sa buhay. Nguni’t, pinakamahalaga sa lahat, tutulungan din tayo nito na kamtin ang pagsang-ayon ng Diyos, sa gayo’y inihahanay tayo sa mga tatanggap ng buhay na walang hanggan sa kaniyang bagong sistema.​—Tingnan ang Marcos 10:29, 30.

Literal na daan-daang libong mga tao sa buong mundo ang nangatutuwa na sila’y naging bukás-isip upang magsuri sa itinuturo ng Bibliya. Sa pagbubukas ng kanilang isip sa relihiyon nakilala nilang bukás pala sa kanila ang pag-asa na magtamo ng buhay na walang hanggan sa isang lupang paraiso. Gusto mo ba na tamasahin ang ganiyang pag-asa para sa iyong kinabukasan?

Ikaw ba’y may bukás na kaisipan upang gumawa ng pagsusuri? Ito’y sa iyong walang hanggang kapakinabangan kung gayon.

[Talababa]

a Para sa karagdagang mga halimbawa, tingnan ang mga kabanata 8 at 9 ng aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, lathala noong 1982 ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Larawan sa pahina 10]

Tinatanggihan mo ba ang isang pabalita dahil sa nagiging balakid ang dati mo nang alam? O ikaw ba’y nagsusuri?

[Mga larawan sa pahina 11]

Ang bukás na isip ay makapaglalagay sa atin sa daan ng buhay na walang hanggan sa Paraiso

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share