Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g85 3/22 p. 5-8
  • Anim na Pakinabang sa Isang Bukás na Isip

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Anim na Pakinabang sa Isang Bukás na Isip
  • Gumising!—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • 1 Pinalalawak ang Buhay
  • 2 Nakatutulong Para sa Lalong Ikalulusog
  • 3 Nagpapasulong ng Kaisipan
  • 4 Isang Tulong sa Paglutas ng mga Problema
  • 5 Nagbubunga ng Mabuting Pagsasamahan
  • 6 Ang Pinakamahalagang Pakinabang
  • Isang Bukás o Isang Saradong Isip—Alin ang Mayroon Ka?
    Gumising!—1985
  • Pagsang-ayon ng Diyos ang Nakakamit ng Bukás na Isip
    Gumising!—1985
  • Pag-iisip
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Magpakatino ng Isip—Malapit Na ang Wakas
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
Iba Pa
Gumising!—1985
g85 3/22 p. 5-8

Anim na Pakinabang sa Isang Bukás na Isip

SA MARAMING pakinabang sa isang bukás na isip, ang tatalakayin natin ay anim. Pag-isipan kung baka kamtin mo ang lalong higit na pakinabang o kaligayahan sa buhay kung pauunlarin mo ang isang bukás na isip sa ganito o ganoong bagay.

1 Pinalalawak ang Buhay

Natatandaan mo ba nang isa kang bata? Anong laki ng pananabik mo sa buhay! Anong kapana-panabik na manggalugad ka sa anumang bago na mapaharap sa iyo. Ikaw noon​—gaya ng karamihan ng bata​—ay bukás-isip, madaling tumanggap ng mga bagong bagay. Hindi mo kilala kung ano ang pagtatangi.

Subali’t napanatili mo ba hangga ngayon ang ganitong pagkabukas-isip sa mga bagay na napapabago? O ikaw ba’y naging gaya ng banyagang manlalakbay na nagririklamong hindi siya makakita ngayon ng pagkaing nakahiratihan niyang kainin sa kanila? Kung sa bagay, ang pag-iingat sa pagkain at pag-inom pagka naglalakbay ka ay baka kailangan. Halimbawa, baka ang mabuti’y ang inumin mo lamang ay tubig na de-bote at, lalo na kung nasa tropiko ka, iwasan mo ang pagkain ng mga gulay na hilaw at ang mga insalada. Subali’t, maliban diyan, ano’t hindi ka tumikim man lamang ng ilang pagkain sa lugar na iyong kinaroroonan? Ang mga tagaroon ay matagal nang kumakain at nasasarapan doon. Baka malaki ang nawawala sa iyo!

At ano ang pakiwari mo sa mga kaugalian sa mga ibang bansa? Baka nga medyo kakatuwa kung sa ganang iyo. Nguni’t hindi como “kakatuwa” ay “inferior” o mas mababang uri iyon. Isang saradong isip ang maggigiit na “ang ating paraan ng pagsasagawa ng mga bagay-bagay ang mas mainam.” Kaya’t kahit na mas gusto mo ang isang kutsilyo at tinidor kaysa mga sipit, (chopsticks), palalawakin niyan ang buhay mo minsang matuto kang kumain sa pamamagitan niyan.

Bakit mo ipagkakait sa sarili ang pakikisama sa mga ibang lahi dahil sa naiiba sa iyong paraan ng pamumuhay ang sa kanila? Isang Aleman na nagtapos sa Watchtower Bible School of Gilead ang nagbibida na kaya lamang niya nakamit ang kasiyahan ng pakikihalubilo sa mga tagaibang bansa ay nang mag-aral siya sa nasabing paaralang misyonero noong 1962. “Ako’y nasa isang klase na binubuo ng mga mag-aarál buhat sa 50 iba’t-ibang bansa,” ang sabi pa niya, “galing sa malalayong lugar na gaya ng Hapon, Papua New Guinea, the Congo, Argentina at India. Sa primero ay hindi ako gaanong malapít sa kanila, nguni’t nang magtagal, pagkatapos na makilala ko na silang mabuti, natutuhan kong mahalin sila. Isang karanasan iyon na lubhang nagpalawak ng aking buhay pati aking punto-de-vista.” Ikaw man, ang iyong buhay ay magiging lalong makabuluhan kung bubuksan mo ang iyong isip at makikisalamuha sa sarisaring bahagi ng sangkatauhan.

2 Nakatutulong Para sa Lalong Ikalulusog

Ang lubusan at walang-hanggang paglunas sa sakit ay hindi inilaan na ang tao ang makasumpong, sa kasalukuyan man o sa hinaharap. Subali’t malapit na ang tulong na manggagaling sa kalangitan. Ang bagong sistema ng mga bagay ng Diyos ay malapit nang humalili sa kasalukuyang lipunan na may sakit sa pisikal at sa moral. At kung magkagayon “walang mananahan doon ang magsasabi: ‘Ako’y may sakit.’ ”​—Isaias 33:24.

Samantala ay gumagamit tayo ng pansamantalang lunas sa pisikal na sakit. Mayroong mga paraan ng paggamot na maaari nating pagpilian. Kung tayo’y may bukás na isip, hindi natin mamasamain ang alinman sa mga iyan nang dahil lamang sa di-karaniwan na mga paraang iyan. Tantuin din natin na ang isang panlunas na tumatalab sa isang tao ay baka hindi tumalab sa iba. Kaya, bagaman tayo’y nagpapakaingat, dahil sa taglay nating bukás na isip ay mas marami tayong mapagpipilian na panlunas kaysa kung isang saradong isip ang ating paiiralin.

Kung bukás ang ating isip ay nakapananatili tayong masaya. Ang saradong isip ay nilalason ng prejudice at pagkapoot. Ito’y salat sa pag-ibig at kung gayo’y nakasásamâ sa kalusugan. Gaya ng sabi ng isang sikayatrista: “Mas madali ang mapoot, nguni’t mas madaling magpalusog ang pag-ibig.” Oo, natuklasan ng modernong medisina ang katotohanang sinasabi ng Bibliya na “ang mapayapang isip ay nagbibigay ng buhay sa katawan” at “ang masayahing puso ay isang mabuting gamot.”​—Kawikaan 14:30; 17:22, Revised Standard Version.

3 Nagpapasulong ng Kaisipan

Tinataya na ang iyong utak ay maaaring makatanda ng 10,000 beses na dami ng impormasyon na nasa Encyclopædia Britannica! Bakit mo susugpuin ang ganiyang kapasidad sa pamamagitan ng saradong isip na limitado ang pumapasok na kaalaman?

Ang saradong isip ay pumipigil sa pagsulong ng kaisipan. Ito’y mapanganib sapagka’t ang saradong isip ay walang kaya na ituwid ang mga maling kaisipan at paniwala. Sa kabilang banda naman, ang bukás na isip ay umaakay tungo sa pagkamaygulang at higit na katinuan ng pag-iisip. Ito’y tumutulong sa atin na palawakin ang pundasyon na mapagsasaligan ng ating mga paniwala at batay doon ay makapagpapasiya tayo. Sa gayon, malamang na makapagpasiya tayo nang tama.

4 Isang Tulong sa Paglutas ng mga Problema

Upang malutas ang ating mga problema kailangang handa tayong tumanggap ng matalinong payo. Ang Kawikaan 15:22 ay nagsasabi: “Kung saan walang de-kumpiyansang mga pag-uusap ay nabibigo ang mga panukala, nguni’t sa karamihan ng mga tagapayo ay mayroong naisasagawa.” Ang bukás na isip ay tumutulong sa atin na tanggapin ang payo niyaong mga nakapalibot sa atin, ang ating mga kamanggagawa, kasambahay at mga kahalu-halubilo. Ang resulta nito ay na mayroon tayong naisasagawa na matagumpay.

Tutulungan tayo ng bukás na isip na tumanggap ng payo sa halimbawang ating nakikita, bagaman hindi namamalayan iyon ng taong kinukunang-halimbawa natin. Isang misyonerong Kristiyano ang pagka nasisiraan ng loob kapag nakita niya ang paraan ng mga tao ng pagsasagawa ng mga bagay ang pinagsasabihan ng kaniyang asawang babae, “Tandaan mo,” sasabihin ng babae, “may matututuhan ka rin sa lahat​—kahit na lamang yaong hindi mo dapat gawin.”

Oo, malaki ang mapapakinabang natin kung hindi natin isasarado ang ating mga isip sa kaisipan at ugali ng iba. Sa pamamagitan ng pagbubukas ng ating isip upang pag-isipan “ang kanilang inuugali,” ating matutularan o maiiwasan ang kanilang kilos, kung alinman dito ang kinakailangan.​—Ihambing ang Hebreo 13:7.

5 Nagbubunga ng Mabuting Pagsasamahan

Agad ka bang nanghinuha ng ganoo’t-ganiri na sa bandang huli’y napatunayan mong hindi pala totoo? Kahiya-hiya naman. Subali’t ang lalong masama, anong sakit kung sakaling ito’y nakasira ng inyong pagsasamahang mag-asawa o magkaibigan. Kung mayroon kang bukás na isip ay naiwasan mo sana ang dagling panghihinuha ng ganoo’t-ganiri hangga’t hindi mo natitipon ang lahat ng ebidensiya. Ito naman ang pipigil sa iyo sa agad-agad na pagsasabi ng ganoo’t-ganiri. May sinasabi ang Bibliya tungkol dito sa Kawikaan 18:13: “Ang sumasagot bago makinig ay kamangmangan at kahihiyan sa kaniya.”

Mahirap na talagang pakisamahan ang mga taong makitid-isip na may makitid na punto-de-vista at sa pamamagitan lamang nito nakikita nila ang lahat ng bagay, na hindi binibigyang-daan ang pagkakaiba-iba ng opinyon, panlasa at kagustuhan. At mayroon pa bang kikitid ang isip kaysa isang saradong isip?

Sabihin pa, ang isang bukás na isip ay hindi dapat sumobra na anupa’t kinaliligtaan na ang mga alituntunin ng kalinisang-asal at ang sinusunod na patakaran ay “kahit ano puede.” Subali’t sa bukás-isip na pagsisikap na maunawaan ang isang tao, hindi natin ipinagmamatuwid ang kaniyang mga kamalian. Sinisikap lamang nating matiyak kung bakit ganoon ang kaniyang iniisip o ikinikilos. Mayroon bang mga kalagayan na nagpapagaang ng kaniyang pagkakamali? Iyon kaya’y nasa kaniyang kinalakhan, sa kaniyang karanasan sa buhay o sa kaniyang kapaligiran? Baka naman dahil sa kakulangan ng kaalaman?

Ang pagkakaroon ng bukás na isip kung tungkol sa mga pagkakamali at mga kahinaan ng iba ay magpapadali sa atin ng pakikiramay sa kanilang damdamin. Hindi magiging mahirap na tulungan sila nang dahil sa pag-ibig Kristiyano, upang magbago sila sa kanilang nagawang kamalian at saloobin. Mapapasauli ang mabuting pagsasamahan.

6 Ang Pinakamahalagang Pakinabang

Ang ikaanim na pakinabang sa isang bukás na isip ay napakahalaga na anupa’t kailangan ang higit pang pagtalakay dito. Ito man ay may kinalaman din sa ating pakikitungo sa iba, ngayon ay sa ating Maylikha, si Jehovang Diyos, at sa kaniyang Anak at ating Manunubos, si Kristo Jesus.

Ang pakikitungo natin sa ating kapuwa tao, bagaman mahalaga, ay maaaring mangahulugan lamang ng aguwat na namamagitan sa kaligayahan at di-kaligayahan. Ang pakikitungo natin kay Jehovang Diyos at kay Kristo Jesus ay nangangahulugan ng aguwat na namamagitan sa buhay at kamatayan! Tingnan ang susunod na artikulo sa higit pang paliwanag.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share