Ang Homoseksuwal na Istilo ng Pamumuhay—Gaano Nga Ba Kasaya Ito?
Mula sa lihim tungo sa mga paulong-balita. Iyan ang kasalukuyang kausuhan sa homoseksuwalidad. Inilalathala ito ng mga aklat, mga dula, mga pelikula, mga programa sa telebisyon, at mga balita, karaniwan na bilang isang tinatanggap na mapagpipiliang istilo ng pamumuhay. Subalit gaano nga ba ito kanais-nais? Ano ang nasasangkot dito? Ito ba’y namumuhay ayon sa pangalan nito na “gay” (masaya)? At kumusta naman yaong mga tumatanggi rito? Makitid ba ang kanilang isip? At kumusta naman ang Diyos, kanais-nais ba ito sa kaniya? Ano ang sinasabi ng kaniyang Salita, ang Bibliya, tungkol dito? Ito ay mahalagang mga tanong, dahilan sa mga propaganda sa pagtanggap nito.
SA Estados Unidos, ang mga aklat at mga dula tungkol sa homoseksuwal na buhay ay sinusuri o rinirebisyon sa pahayagan. Isang aklat tungkol sa mga madreng tomboy ang umabot ng milyong benta at rinirebisyon sa isang popular na palabas sa TV sa araw. Sinang-ayunan ng lupon ng edukasyon ng New York City ang isang high school para sa mga homoseksuwal. Ang kongregasyon ng Riverside Church (hindi denominasyonal, 3,000 membro) sa bayan ng Manhattan, New York City, ay bumoboto “na pabor sa isang patakaran na tumatanggap sa mga kaugnayang homoseksuwal na bahagi ng ideya ng Kristiyanong buhay pampamilya.”
“Ang Britaniya ay magkakaroon ng kauna-unahang Gay Olympics nito,” ulat ng Daily Mail ng London. Isang tatlo-bahaging dokumentaryong Britano “ay nagpapahiwatig na si Jesus ay maaaring isang homoseksuwal.” Sa Toronto, Canada, isang “kapistahang homoseksuwal ang nagsisimula sa pagparada ng 2,000 sa bayan,” at ito “ay naglalakip ng isang interdenominasyonal na serbisyo ng simbahan.” Mga parada ng homoseksuwal, mga simbahan para sa mga homoseksuwal, mga tindahan ng aklat ng mga homoseksuwal, bar ng mga homoskesuwal, paliguan ng mga homoseksuwal, pulitikal na mga aktibista na homoseksuwal pati na ang kanilang homoseksuwal na mga karapatan sa batas—patu-patuloy ang sariling-istilong kasayahang ito ay dumarami sa lipunan.
Dumaraming Propaganda sa Homoseksuwal na Istilo ng Pamumuhay
Yaong mga tumututol dito ang siyang sinisermunan. Sa New York City, isang kilalang homoseksuwal ang hinirang na hukom sa hukumang kriminal. Sa panahon ng kaniyang panunumpa, “pinuri niya ang kaniyang sarili dahilan sa kaniyang ‘katapangan’ sa pagiging kung ano siya,” saka niya “hinagkan ang kaniyang mangingibig na lalaki at tumanggap ng isang masigabong palakpakan at sigawan.” May ilang mga pagsalansang, subalit ang nangungunang pahayagan ng lunsod, ang Daily News, ay isinulat sa editoryal nito na ang sinuman na tumututol sa pagkahirang ng homoseksuwal na hukom “ay isang panatiko.”
Noong Nobyembre 1985 sa kanilang gabi-gabing pagbabalita, dalawang istasyon ng TV sa New York City, ang WNBC at WABC, ay nagpalabas ng pantanging mga programa o bahagi tungkol sa homoseksuwalidad—upang makisama sa karamihan, gaya ng ipinahiwatig ng isang reporter. Ang serye ng WNBC, na pinamagatang “If Your Kid Is Gay” (Kung ang Inyong Anak ay Homoseksuwal), ay nilayon lalo na para sa mga pagtugon ng mga magulang sa mga anak na homoseksuwal. Ipinahiwatig ng mga saykayatris sa programa na sa gayong mga bata ang hilig na ito sa homoseksuwalidad ay likas at nauugat nang malalim at na hindi ito dapat baguhin ng mga magulang. ‘Mas mabuting ang inyong anak ay maging masaya at homoseksuwal,’ sabi ng isa, ‘kaysa maging malungkot at heteroseksuwal.’
Ang labas noong Marso 1985 ng Seventeen ay nagmungkahi na kung ikaw ay naliligalig o napoproblema sa pagiging homoseksuwal ng sinuman, baka kailangan mong humingi ng payo “sa isang sentro ng paglilingkod sa pamayanan para sa mga homoseksuwal sa inyong lugar.” Ang artikulo nito ay nagtapos sa pananalita ni “Reberendo” Robert H. Iles: “Ang iniibig mo man ay lalaki o babae ay, sa pangwakas na pagsusuri, hindi kasinghalaga ng bagay na ikaw ay umiibig.” Inihalintulad niya ang pag-ibig sa sekso at ang sabi, Makipagtalik ka, homoseksuwal man o heteroseksuwal.
Isang tagapagturong Britano ay nanangis na sa mga paaralan “lahat ng mga programa sa edukasyon sa sekso ay ginawa para sa mga heteroseksuwal . . . walang isa man sa kanila ang gumawa ng isang programa para sa mga mag-aaral na homoseksuwal.” Nagreklamo rin siya na “karamihan ng mga aklatan ng paaralan ay nagsasalansan lamang ng mga aklat ng romansa . . . na may heteroseksuwal na mga bidang lalaki at bidang babae—sa kabila ng dumaraming kathang-isip ng mga homoseksuwal.” Binanggit niya ang sanhi ng di-matuwid na opinyon laban sa mga homoseksuwal: “Ang ideya na ang heteroseksuwalidad ay superyor o nakahihigit . . . ang saloobin na ugat ng di-matuwid na opinyon.”
Homoseksuwal na “Pag-ibig”
Subalit hindi ba nakahihigit ang heteroseksuwalidad? Hindi ba ginagawa itong malinaw ng disenyo at likas na gawain ng mga sangkap ng katawan? Hindi ba’t ang lalaki at babae ang maliwanag na pamantayan, at ang lalaki sa lalaki ang maliwanag na lihis? Kasangkot sa homoseksuwal na “pag-ibig” ang mga gawain na malamang ay nasa isip ni apostol Pablo nang kaniyang banggitin ang mga bagay na “huwag man lamang masambit sa gitna ninyo” at “mahalay na salitain man lamang.” (Efeso 5:3, 12) Gayumpaman, noong minsan inaakala niyang nararapat tukuyin ang mahalay na mga gawaing iyon sa Roma 1:24-27. Waring panahon din ngayon na banggitin ang gayon. Ang homoseksuwalidad ay hindi na itinatago. Handang magalit at makipag-away, ipinangangalandakan ito bilang isang kanais-nais na istilo ng pamumuhay. Subalit gayon nga ba? Ano ba ang nasasangkot dito?
Ang magasin ukol sa paggagamot na Practical Gastroenterology, sa labas nito ng Hulyo/Agosto 1985, ay inisa-isa sa mga doktor na gumagamot ng mga homoseksuwal ang ilan sa mga gawain ng homoseksuwal na istilo ng pamumuhay. Ipinakita nito na ang masturbasyon sa isa’t isa ay karaniwang isinasagawa, gayundin ang oral at anal sex. Ang iba pang hindi kapani-paniwalang nakagigitlang mga gawain ay detalyadong ipinaliwanag sa artikulo.
Ipinakikita nito na ang homoseksuwalidad ay maaaring mauwi sa sadomasochism (pagkakaroon ng kasiyahan sa pagpapahirap sa iba o sa sarili), ang katuwaan sa pagpápasamâ at pagpápakasamâ. Para sa tunay na mga Kristiyano ang istilong ito ng pamumuhay ay lubhang hindi kanais-nais. Ang tusong propaganda tungkol dito na ngayo’y bumabaha ay dapat na layuan na gaya ng salot.
Ang Ani ng Homoseksuwalidad
Ang gayong walang patumanggang mga pag-abuso ay hindi makaliligtas sa parusa. Kung ano ang inihahasik ng tao, inaani nila. Ang Practical Gastroenterology ay naglabas ng isang serye ng mga artikulo tungkol sa mga sakit na dala ng homoseksuwalidad. Hepatitis simplex, mga impeksiyon sa atay, gonorrhea, sipilis, parasitikong mga impeksiyon, small bowel lymphoma, Kaposi’s sarcoma, at, siempre pa, ang nakatatakot na AIDS—ang mga ito ay ilan lamang sa mga sakit na binanggit sa labas nito noong Hulyo/Agosto at Setyembre/Oktubre 1985.
Pinatutunayan ng bagong pananaliksik na pinipinsala ng AIDS ang utak at ang spinal cord. Ang pitak pang-agham ng The New York Times, ng Oktubre 15, 1985, ay nag-uulat: “Ang ilan sa mga pasyenteng ito ay nagpapakita ng malinaw na palatandaan ng pagkasira ng isip, pati na ang pagkawala ng alaala, kawalang kakayahang magplano o magpasiya, at hindi pag-iintindi sa anumang bagay. Ang iba ay bahagyang nalulumpo, nawawalan ng koordinasyon ang mga kalamnan o mas malala pang mga problema sa pagkontrol ng kanilang katawan . . . Ang mga utak ng ilan sa mga biktima ng AIDS ay umurong o lumiit. Ang kanilang panloob na espasyo na tinatawag na ventricles, ay lumaki at ang mga bahagi ng napakahalagang cerebral cortex ay para bang natuyot . . . Kahit na maisip pa ang mga paggamot upang sawatain ang impeksiyon ng virus at pahintulutan ang sistema sa imyunidad na maitayo-muli ang kaniyang sarili, ang pinsala sa utak ay malamang na maging permanente.”
Ang mga kaso ng AIDS, kasalukuyang walang lunas, ay lalo pang dumudoble sa bawat taon, sa tuwina’y nakamamatay, at kumakalat sa buong daigdig. Pangunahin nang apektado ang mga homoseksuwal, gayundin ang mga gumagamit ng droga na pinadaraan sa ugat at yaong mga tumatanggap ng mga pagsasalin sa dugo o mga produkto ng dugo. At ang mga sanggol din na ipinanganak sa mga inang nahawaan ng virus. Kumakalat sa pamamagitan ng mga likido sa katawan, ang virus ay masusumpungan sa dugo, sa binhi o sperm, sa ihi, sa laway, at sa mga luha. Mayroon itong mahabang panahon ng inkubasyon. Maaaring kumuha ng maraming taon mula sa pagkalantad sa virus bago lumitaw ang AIDS, ginagawang imposible ang maagang pagririkonosí. Ang virus ay nasa loob, parang isang bomba na naghihintay na sumabog—subalit sino ang nakakaalam kung kailan?
Ito ngayon ay sumasabog sa buong daigdig. Mahigit na isang milyon katao—ang iba ay nagsasabi na halos dalawang milyon—sa Estados Unidos ang tinatayang nalantad sa virus ng AIDS. Mahigit na 14,500 mga kaso mula noong 1981, na mahigit 7,000 sa mga ito ang namatay na. Ang bilang ng mga kaso ay mabilis na dumarami sa buong daigdig—sa Europa, Asia, Australia, mga bansa sa Caribbean, sa halos 20 mga bansang Aprikano, at sa 15 mga bansa sa Amerikas. Noong nakaraang taon ang bilang ng mga bansang nag-ulat ng mga kaso ng AIDS sa World Health Organization sa Geneva ay lumukso mula 40 noong Agosto tungo sa 71 noong Oktubre, na ang dami ng mga kaso nang panahong iyon ay halos 17,000.
Isang Istilo ng Pamumuhay na Hindi Kanais-nais kay Jehova
Ang homoseksuwalidad ay hindi isang mapagpipiliang istilo ng pamumuhay na kanais-nais sa Diyos na Jehova. Kadalasan, pinipilipit kapuwa ng mga homoseksuwal at liberal na mga mangangaral ang kasulatan sa walang saysay na pagsisikap na gawin itong waring gayon nga. (2 Pedro 3:16) Libu-libong taon na ang nakalipas nilipol ni Jehova ang Sodoma sapagkat isinasagawa ito ng karamihan ng mga lalaki sa lunsod na iyon. (Genesis 19:4-25) Paglipas ng mga dantaon itinulad ni apostol Pedro ang mga lalaking ginagaya yaong mga Sodomita sa “mga hayop na di nakapangangatuwiran at ipinanganak na talaga upang hulihin at lipulin.”—2 Pedro 2:6-13.
Sa tiyakang pangungusap, kapuwa ang mga bakla at mga tomboy ay hinahatulan ng kinasihang si apostol Pablo: “Ibinigay sila ng Diyos sa kahiya-hiyang mga pita ng sekso, sapagkat binago kapuwa ng kanilang mga babae ang likas na kagamitan nila tungo sa isa na laban sa kalikasan; at gayundin iniwan ng mga lalaki ang likas na paggamit sa mga babae at nagbigay-daan sa kanilang malalaswang pita sa isa’t isa, lalaki sa lalaki, na gumagawa niyaong mahalay at tumatanggap sa kanilang sarili ng lubos na kagantihan, na karapat-dapat sa kanilang kamalian.”—Roma 1:26, 27.
Isinulat din ni Pablo: “Huwag kayong padaya. Kahit ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa diyus-diyusan, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga lalaking ukol sa di-natural na layunin, ni ang mga lalaking sumisiping ng paghiga sa mga kapuwa lalaki, ni ang mga magnanakaw, ni ang masasakim, ni ang mga lasenggo, ni ang mga mapagmura, ni ang mga mangingikil ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.” (1 Corinto 6:9, 10) Isinasalin ng ibang mga salin ng Bibliya ang ekspresyong “mga lalaking sumisiping ng paghiga sa mga kapuwa lalaki” sa iba’t ibang paraan, gaya ng sumusunod: mga sodomita, mga taong lisya, mga taong lisya ang gamit sa sekso, mga lisyang homoseksuwal, masamang homoseksuwal, at basta mga homoseksuwal.
Isang Maligayang Istilo ng Pamumuhay na Walang Katapusan
Walang kaligayahan kung tungkol sa inaani ng homoseksuwal. Maaari itong iwasan sa pamamagitan ng pakikinig kay Jehova: “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang Isa na nagtuturo sa iyo ng mapapakinabangan, ang Isa na pumapatnubay sa iyo sa daan na iyong marapat na lakaran. Oh kung diringgin mo lamang ang aking mga utos! Kung gayon ang iyong kapayapaan ay magiging parang ilog, at ang iyong katuwiran ay parang mga alon sa dagat.”—Isaias 48:17, 18.
Gayunman, sinasabi ng mga saykayatris at ng iba pa na ang homoseksuwalidad ay hindi maaaring “gamutin,” kahit na ng relihiyosong pagbabago. Napakahirap, marahil, subalit hindi imposible. Ipinakita ito ni apostol Pablo nang kaniyang sabihin: “At ganiyan ang iba sa inyo dati. Ngunit kayo’y nahugasan nang malinis.” (1 Corinto 6:11) Kaya nagawa ito ng sinaunang mga Kristiyano. At ginagawa ito sa ngayon. Gagawin pa ito ng iba na humihingi ng tulong kay Jehova: “Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagpapalakas sa akin.” (Filipos 4:13) Kaya nga, “hubarin ang matandang pagkatao pati na ang gawain nito, at magbihis kayo ng bagong pagkatao, na sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman ay nagbabago ayon sa larawan ng Isa na lumalang nito.”—Colosas 3:9, 10.
Kinapopootan ni Jehova ang masama, subalit siya ay handang magpakita ng awa sa mga indibiduwal na nagsisisi sa kanilang mga kamalian. Kinapopootan din ng mga Saksi ni Jehova ang masama, pati na ang kanilang sariling mga di-kasakdalan sa laman, subalit hindi nila kinapopootan ang kanilang mga sarili o ang ibang mga indibiduwal na gumagawa ng kasamaan. Kapootan ang kasalanan subalit hindi ang makasalanan ang siyang panuntunan ni Jehova at gayundin ng kaniyang mga mananamba. Ang manunulat ng Bibliya na si Judas ay nagsabi: “Patuloy na kahabagan ninyo ang iba, na ginagawa ito na may takot, samantalang inyong kinapopootan kahit na rin ang panloob na kasuotang nadungisan ng laman.”—Judas 23; tingnan din ang Awit 97:10, Mateo 5:43-48, at Roma 7:15-25.
Gaya ng isinulat ni apostol Pablo sa Roma 3:23: “Sapagkat ang lahat ay nagkasala at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos.” Subalit ang lahat ng makasalanan, pati na ang mga homoseksuwal, na kumukuha ng tumpak na kaalaman mula sa Bibliya at ikinakapit ito ay aani ng mga pakinabang ngayon at magtatamo ng buhay na walang hanggan sa isang paraisong lupa.—Awit 37:10, 11, 29; Mateo 6:10; Juan 17:3; Apocalipsis 21:3-5.
[Blurb sa pahina 14]
Ang homoseksuwalidad ay hindi na itinatago. Yaong mga tumututol ang sinisermunan
[Blurb sa pahina 15]
“Ibinigay sila ng Diyos sa kahiya-hiyang mga pita ng sekso . . . lalaki sa lalaki, na gumagawa niyaong mahalay.”—Roma 1:26, 27