Mula sa Aming mga Mambabasa
Ang Homoseksuwal na Istilo ng Pamumuhay
Nais ko kayong pasalamatan sa paglalathala ninyo ng artikulong “Ang Homoseksuwal na Istilo ng Pamumuhay—Gaano nga ba Kasaya Ito?” (Agosto 22, 1986 sa Tagalog) Bilang isa na dati’y bahagi ng istilo ng pamumuhay na iyan, tapatang masasabi ko na hindi lamang ito malungkot kundi napakasakit din naman. Isang pagpupunyagi para sa akin na baguhin ang aking pag-iisip at paraan ng pamumuhay, subalit sa pagsunod sa payo na nasa Isaias 48:17, 18 at ang pampatibay-loob sa 1 Corinto 6:9-11, kasama ng pagnanais na paluguran ang Diyos na Jehova at kapootan kung ano ang masama (at hindi ang aking sarili), ay nakatulong mismo sa akin na makalaya. Sinumang nasasangkot sa kahawig na istilo ng pamumuhay ay maaaring “pagalingin” lamang kung siya ay nagtitiwala kay Jehova at nagnanais na gawin kung ano ang matuwid sa kaniyang mga paningin.
C. G., California
Mayroon akong mga damdaming homoseksuwal na hindi sinasang-ayunan ni Jehova. Marami na akong pinuntahang mga dalubhasa, mga Kristiyano at hindi Kristiyano. Hindi nila maunawaan kung bakit basta hindi ako napadadala sa aking mga nasa. Simple lang—iniibig ko si Jehova. Napakahirap makayanan ang mga pagnanasang ito—kung minsan halos imposible—subalit ito ay maaaring gawin. Ang katanungan na itinatanong ko sa aking sarili ay: “Sino ang iniibig ko nang higit, si Jehova o ang aking sarili?” Pinili ko si Jehova. (Mateo 22:37) Ako’y mas maligaya ngayon, dahil sa napanatili ko ang aking pag-ibig at katapatan kay Jehova, kaysa nang higit kong inibig ang aking sarili. Ganito ang masasabi ko roon sa mga nakikipagbaka sa mga damdaming iyon: Kung iniibig mo ang Diyos gaya ng sinasabi mo, matuto kang magtiwala sa kaniyang pag-ibig at lakas at hindi sa pag-ibig mo sa kalayawan.
C. J., Montana
Salamat sa inyong artikulo na “Ang Homoseksuwal na Istilo ng Pamumuhay—Gaano nga ba Kasaya Ito?” Naglilingkod kay Jehova, ako ngayon ay may malinis na budhi, at hindi na ako nag-aalala tungkol sa nakapipinsalang mga epekto at mga kawalang kasiguruhan na kinatatakutan ko mga ilang taon na ang nakalipas. Tiniyak sa akin ng inyong artikulo na ang homoseksuwal na istilo ng pamumuhay ay hindi nga masaya at na ang tunay na kaligayahan ay masusumpungan lamang sa paglilingkod sa Diyos na Jehova.
A. G., California
Kapag May Namatay
Kababasa ko lamang ng “Mula sa Aming mga Mambabasa” tungkol sa paksang “Kapag Namatay ang Mahal Mo sa Buhay.” (Mayo 22, 1986 sa Tagalog) Ang aking anak na lalaki ay nagpakamatay isang taon na ang nakalipas, at masasabi ko sa inyo na ang artikulo mismo (ng Oktubre 22, 1985 sa Tagalog) at gayundin ang mga pagtugon mula sa inyong mga mambabasa ay nakatulong nang malaki sa aking kalungkutan. Nang mabasa ko ang artikulo sa Oktubre 22, 1985 (sa Tagalog), gayon na lamang ang aking pag-iyak! Sinisikap kong huwag umiyak upang ipakita na ang pananampalataya ko sa ating Diyos ay malakas! Anong laking pagkakamali! Sa Kaniyang dakilang pag-ibig at awa, ipinakita Niya iyan sa akin, sa pamamagitan ng inyong mga artikulo. Natitiyak kong sinasabi Niya sa akin na ako ay umiyak. Maraming salamat!
H. T., Inglatera
Pagluluto ng Spaghetti
Nais kong ipahayag ang aking pagpapahalaga sa inyong artikulong “Cooking Spaghetti Giulia’s Way.” (Enero 8, 1986 sa Ingles) Ako ay namumuhay na mag-isa sa nakalipas na pitong taon, at ang mga lalaki ay likas na hindi napakahusay na mga kusinero. Ang pantanging mga resipe ng spaghetti at sarsa ng spaghetti ni Giulia ay nakaragdag ng dalawang resipe sa aking putahe. Kaya, sa halip na gumugol ng panahon sa pagbabasa ng mga aklat sa pagluluto, maaari kong ilaan ang aking panahon sa higit na kapaki-pakinabang na mga bagay. Sa tuwina’y isang kaluguran ang magbasa ng inyong mga magasin.
M. S., Australia