Pagmamasid sa Daigdig
Pag-abuso sa Droga sa Buong Mundo
Tinataya ng WHO (World Health Organization) na mayroong kasindami ng 48 milyong katao sa buong mundo ang umaabuso at maling gumagamit ng mga droga. Sa bilang na iyan, humigit-kumulang 1.7 milyon ang sugapa sa opyo, 30 milyon ang humihitit ng marijuana, at 700,000 ang gumagamit ng heroin. Tinataya na yaong mga nagumon sa cocaine, na ngayon ay ipinalalagay na siyang pinakanakasusugapang drogang makukuha, ay umaabot na sa mga ilang milyon. Sang-ayon sa mga opisyal ng WHO, ang mga bilang na ito ay ganggakalingkingan lamang, yamang ang makukuhang impormasyon sa maraming bansa ay limitado.
AIDS Bilang Isang Sandata?
Ang mga hukuman para sa mga kasong kriminal sa Estados Unidos ay sinasalakay ngayon ng mga kasong nauugnay-AIDS. Ang mga tagausig ay nagsasampa ng mga paratang ng pagsalakay laban sa “mga nasasakdal na inaakalang may AIDS na dumura o kumagat sa mga pulis,” ulat ng The National Law Journal. Sa tatlong magkahiwalay na mga kaso, binigyang-matuwid ng mga tagausig ang gayong mga paratang ng mabigat na kasalanan dahilan sa panganib na pagkakalat ng nakamamatay na sakit. Naniniwala sila na “ang AIDS ay maaaring ilipat sa pamamagitan ng laway kung ito ay mapunta sa isang bukas na sugat, sa mata o sa dugo.” Isang tagausig na abogado ay nagsabi: “Hindi kami humahanap ng mga taong uusigin. Subalit kapag ang isa ay ginagamit ang isang karamdaman bilang isang pansalakay na sandata, hindi namin kukunsintihin ito.”
Krisis ng mga Daga sa Gitnang Silangan
Isang suliranin sa populasyon ang umiiral sa kahabaan ng Israeli-Syrian cease-fire line. Hindi sa gitna ng mga tao—ang lugar ay hindi gaanong matao—kundi sa gitna ng mga dagang bukid. Tinatayang 250 milyong mga daga ang nakatira roon. Ang mga daga ay lansakang nagpapakamatay sa pamamagitan ng pagpapatihulog sa mga sapa at sa mga bangin sa Golan Heights. Sang-ayon sa mga siyentipiko na nakapansin sa mga ito, ang mga daga ay katutubong gumagawi upang lutasin ang kanilang suliranin ng labis na populasyon.
Lumikha ng Bagong Isla ang Bulkan
Noong Lunes, Enero 20, isang isla ang lumitaw 750 milya (1,200 km) timog ng Tokyo. Isang bulkan sa ilalim ng tubig ang sumabog sa gawing Kanluran ng Pasipiko at nag-anyo ng isang bagong gasuklay na isla. Noong Biyernes ang pulo ay “lumaki” ng mga 2,300 piye (700 m) ang haba mula silangan hanggang kanluran at 650 piye (200 m) sa ibayo sa pinakamalapad na bahagi nito, at ito ay “lumalaki” pa, sabi ng Maritime Safety Agency ng Hapón sa Awake! Gayunman ang bagong silang na pulo ay maaaring maglaho. “Mga bagong pulo ang lumitaw kasunod ng mga pagsabog ng bulkan sa dako ring iyon noong 1907-1908 at noong 1914, subalit ang mga ito ay naglaho kaagad,” sabi ng Mainichi Daily News.
Maunlad-Teknolohiyang Pagpupuslit
Ang kasakiman ang pangunahing pangganyak sa likuran ng pagpupuslit sa Estados Unidos ng mga Amerikano ng maunlad-teknolohiyang mga kagamitan, ulat ng The New York Times. Ang ilan sa mga ito ay gamit para sa pagsubok ng mga sandatang nuklear. Hindi na kinakailangang gamitin ng mga gobyerno sa ibang bansa ang kanilang sariling mga manggagawa sa sangay ng paniniktik upang ilegal na makuha ang mamahaling teknolohiya ng E.U., sabi ni Richard Roberts, isang U.S. Customs Service Agent. Ipinaaalam lamang nila na ang kanilang bansa ay nagnanais ng isang produkto at na sila ay handang magbayad ng malaking halagang dolyar para rito. “At nakukuha nila ito,” sabi niya, sapagkat “pumapasok ang kasakiman.” Sino ang nagpupuslit? “Karamihan ay lehitimong mga negosyante na sinusunggaban ang pagkakataong magkaroon ng napakaraming salapi,” sabi ng isang assistant U.S. attorney, at sinabi pa niya na sila ay “mabuting-ugali na mga tao na nagsisimba.”
Nasaan ang mga Hayop?
Ang mga turistang namamasyal sa mga Aprikanong game parks ay kung minsan bigo sa hindi pagkakita ng sapat na mga maiilap na hayop. “Isang lugar na hindi pinamumutiktikan ng sarisaring mga hayop,” sabi ng magasing Fauna & Flora sa Timog Aprika, “ay maaaring isang pahiwatig ng malusog na pagkakatimbang sa pagitan ng maiilap na hayop at ng veld [damuhan].” Ang sobrang daming mga hayop ay sumisira sa mga damuhan at nagpapangyari ng pagguho ng lupa. Noong minsan, ang maiilap na mga hayop ay may ganap na kalayaan ng pagkilos na isang proteksiyon sa mga hayop at sa damuhan. Ngayon, dahilan sa limitadong pagkilos, nasumpungan ng mga conservationist na kinakailangang piliin ang mga kawan upang ang mailap na mga hayop ay hindi namamatay nang masakit na kamatayan dahilan sa gutom at uhaw.
Mataas na Halagang mga Buto
Isang pagbabawal kamakailan sa pagluluwas ng mga kalansay ng tao mula sa India ay lubhang nakaapekto sa kanilang suplay sa Europa, Estados Unidos, at Hapón, ulat ng India Today. Ang gayong limitadong suplay ng mga kalansay ng tao ay nagbunga ng mas mataas na halaga para sa mga estudyante ng medisina, na ngayon ay kailangang magbayad ng kasingmahal ng $140 para sa isang bahaging kalansay na dati’y nagkakahalaga ng wala pang $100. Bagaman ang India ang tagatustos sa daigdig ng mga buto ng tao sa loob ng mahigit na 50 mga taon, ang pagbabawal ay ipinataw dahilan sa mga sinasabing “pag-aagaw ng mga bangkay” at iba pang kakila-kilabot na mga gawain na ginagawa niyaong mga naghahangad ng pakinabang mula sa mga patay.
Kredibilidad ng Pagsubok sa Alerdyi
Isang $350 na pagsuri sa dugo na iniaalok ng Bio Health Centers ay nangangakong susuriin ang pagtugon ng indibiduwal sa mahigit 187 iba’t ibang mga sustansiya. Ang magasing Omni ay nag-uulat na si Frank Golden, isang imbestigador ng FDA na hindi naniniwala tungkol sa tagumpay ng gayong alok, ay nagpadala ng isang sampol ng dugo ng baka sa center para suriin. Kapuna-puna, hindi nakilala ng kompaniya na ang dugo ay hindi sa tao at ipinaalam sa imbestigador na ang nagkaloob ay alerdyi sa kesong puti, yogurt, at gatas ng baka!