Mula sa Aming mga Mambabasa
Tulong Para sa Panlulumo
Upang lunasan ang malubhang panlulumo ng aking asawa at ang resultang hindi pagkakaunawaan sa pamilya, kaming mag-asawa ay nagtungo sa isang sikologo para sa pantanging terapi. Sa loob ng anim na buwan na paggagamot, inihambing namin ang payo na ibinigay sa amin doon sa nasusumpungan sa Setyembre 8 at Oktubre 22, 1981, na mga labas ng “Awake!” Nasumpugan namin na ang karamihan sa mga payo na binabayaran namin ay naroon na sa mga magasing ito na walang bayad, subalit tiniyak nito na ang propesyonal na payo na aming nakukuha ay mabuti. Pagkatapos ay nabasa ko ang Hunyo 8, 1986 (sa Tagalog) na labas tungkol sa “Kapayapaan sa Pamilya.” Naisip ko sa aking sarili, ‘Mayroong $2,000 na halaga ng pagpapayo sa mga pahina ng magasing ito.’ Ang magasing iyon ay dapat na ipabasa sa lahat ng mga mag-asawa at doon sa mga nagbabalak mag-asawa.
C. S., Missouri
Pagtatrabaho sa Bakasyon
Nais ko kayong pasalamatan sa artikulong “Would You Take a Working Vacation?” (Pebrero 8, 1986 sa Ingles) Nagbibigay-inspirasyong mabasa ang pananampalataya at espiritu ng pagsasakripisyo-sa-sarili niyaong mga boluntaryo sa paligid ng bansa. Gayunman, nalungkot ako at hindi ninyo binanggit ang espiritu ng pagsasakripisyo-sa-sarili ng kanilang mga asawang babae at mga anak. Walang alinlangan na itinaguyod nila ang disisyon ng kanilang asawa at ama na magtrabaho roon sa panahon ng kanilang bakasyon, bagaman ito ay nangahulugan na sila ay malalayo sa kanilang pamilya.
C. T., Massachusetts
Pinaaabot namin ang aming taos-pusong pasasalamat sa lahat ng mga asawang babae at mga anak niyaong boluntaryong mga manggagawa. Kung wala ang kanilang buong-pusong pagtangkilik, ang sakripisyo ay hindi sana naging posible.—ED.
Pasulungin ang Iyong Pagbabasa
Ako’y 15-taóng-gulang, at hinding-hindi ko naibigan ang pagbabasa. Pagkatapos ay nabasa ko ang inyong artikulong “Pasulungin ang Iyong Pagbabasa—Magagawa Mo Ito!” (Pebrero 8, 1986 sa Tagalog) Talagang tamad akong magbasa, subalit ngayon pinahahalagahan ko na maaari ngang pagyamanin ng pagbabasa ang ating buhay.
G. A., Brazil
Malamig na Tubig para sa mga Pasò
Nais namin kayong pasalamatan sa impormasyon na inilaan ninyo sa inyong artikulong “What You Should Know About Burns.” (Abril 22, 1980 sa Ingles) Napasò ang braso ng aking anak na babae mula sa mainit na mantika at naginhawahan nang lagyan ng dinurog na yelo ang kaniyang braso. Ang aking asawang babae ay nabantuan naman sa kaniyang braso at kamay ng kumukulong tubig ng bacon, at kaagad niyang ginamot ng malamig na tubig. Binabanggit ng report ni Dr. Stephen R. Lewis na sa paggagamot ng malamig na tubig ang kirot ay unti-unting naglalaho sa loob ng mga tatlong oras. Sa kaso ng aming anak na babae, ito ay nangailangan ng mga 10 oras, at ipinagpatuloy ng aking asawa ang paggagamot hanggang 15 oras. Ang sinuman na gumagamit ng panggagamot na ito ay hindi dapat kaagad na huminto. Sa kapuwa mga kaso, walang mga paltos at walang mga problema sa paggaling.
M. at J. D., Wales
Kapag Nambulyaw ang mga Magulang
Maraming salamat sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Ano ang Maaari Kong Gawin Kapag Binulyawan Ako ng Aking mga Magulang?” (Marso 22, 1986 sa Tagalog) Isa itong kahanga-hanga artikulo upang tulungan kami na makibagay sa aming mga magulang, mga asawang lalaki, at iba pa. Lahat ng mga artikulong nabasa ko ay nagbigay sa akin ng lakas-loob upang mapagtagumpayan ang masama sa paligid natin. Kung babasahin lamang ng bawat isa ang mga ito at isasagawa kung ano ang sinasabi, ang daigdig nga ay talagang magiging isang paraiso.
M. S., Portugal