Mula sa Aming mga Mambabasa
Ang Homoseksuwal na Istilo ng Pamumuhay
Ako’y interesado sa inyong artikulong “Ang Homoseksuwal na Istilo ng Pamumuhay—Gaano nga ba Kasaya Ito?” (Agosto 22, 1986 sa Tagalog) Gayunman, ipinakahulugan ninyo na ang AIDS ay hatol ni Jehova sa mga homoseksuwal. Naniniwala ba kayo na ang sickle-cell anemia, na pangunahin nang nakakaapekto sa mga itim, ay hatol ni Jehova sa mga itim? Isa pa, hindi naaapektuhan ng AIDS ang mga tomboy. Nangangahulugan ba ito na kinapopootan ni Jehova ang mga homoseksuwal na lalaki subalit sinasang-ayunan ang homoseksuwal na mga babae? Napakadali para sa mga napopoot sa mga homoseksuwal na iugnay ang homoseksuwalidad sa AIDS, subalit lubha itong walang kinalaman.
M. D., Estados Unidos
Hindi namin binanggit ni ipinagpakahulugan na ang AIDS ang hatol ng Diyos sa mga homoseksuwal. Ang karamdaman ay bahagi ng kasalanan at di-kasakdalan na minana nating lahat mula kay Adan. (Roma 5:12) Subalit hindi maikakaila na ang ilang pagkilos ay nagdadala ng hindi maiiwasang mga resulta. Inilalantad ng maninigarilyo ng tabako ang kaniyang sarili sa mas malaking panganib ng kanser sa baga. Inilalantad ng gumagamit ng alkohol sa maling paraan ang kaniyang sarili sa mas malaking panganib ng sakit sa atay. Inilalantad ng matakaw ang kaniyang sarili sa mga panganib na nauugnay sa pagtaba. Ang kaugnayan sa pagitan ng homoseksuwalidad at AIDS ay hindi mula sa amin kundi isang katotohanan na binanggit ng siyensiya ng medisina. Bagaman hindi kapahayagan ng hatol ng Diyos, ang espisipikong mga resulta ay nauugnay sa paglabag sa mga kautusan ng Diyos. Sa Galacia 6:7 ay ganito ang sinasabi: “Huwag kayong padaya: Ang Diyos ay hindi napabibiro. Sapagkat anuman ang inihahasik ng tao, ito rin ang aanihin niya.”—ED.
Paglaban sa Panggagahasa
Maraming salamat sa artikulo ninyong “Ngayon Ikaw ay Mamamatay!” (Setyembre 22, 1986 sa Tagalog) Gayunman, may napansin akong ilang mga bagay tungkol sa payong ibinigay. Ang ilang mga manggagahasa ay galit na galit at sadistiko sa kanilang paglapit at nasasandatahan at may tangkang gamitin ang mga ito kapag sila ay bahagyang pinagalit. Iminumungkahi ng ating Metropolitan Organization to Counter Sexual Assault ang panlalaban, subalit kung ang babae ay hindi makakilos dahil sa takot o ang kaniyang katutubong hilig ay nagsasabi sa kaniya na huwag manlaban, kinikilala namin ito na angkop. Gugustuhin pa namin ang isa na makaranas nito at mabuhay kaysa ang isa ay patayin o malubhang putulin ang bahagi ng katawan.
P. R., Estados Unidos
Itinataguyod ng Bibliya ang kaisipan na ang isang babaing sinasalakay ng isang manggagahasa ay dapat sumigaw at manlaban. Totoo, ang babae ay kailangang tumugon ayon sa inaakala niyang panganib sa kaniyang buhay, at kami ay naniniwala na iyan ay sinasaklaw ng payong ibinigay sa kahon sa pahina 16 (Setyembre 22, 1986 sa Tagalog). Dapat ingatan sa isipan na ang hindi panlalaban sa panggagahasa ay hindi nagbibigay ng garantiya na ang biktima ay hindi bubugbugin o papatayin pagkatapos. Tingnan ang artikulong “They Resisted Rapists” sa aming labas ng Pebrero 22, 1984.—ED.
Ang Bomba at ang Kinabukasan ng Tao
Nasiyahan akong lubha sa pagbabasa ng inyong artikulo tungkol sa “Ang Bomba at ang Kinabukasan ng Tao.” (Setyembre 22, 1986 sa Tagalog) Gayunman, sa palagay ko ay hindi gaanong pinalawak ang paksa, gaya ng paghimok sa mga mambabasa (na mga Kristiyano) na salansangin ang mga sandatang nuklear sa pamamagitan ng pagboto at pagsulat sa mga mambabatas. Aloha.
J. G. B., Hawaii
Ang pagboto at pagsulat sa mga mambabatas ay nagpapahiwatig na may lunas ang tao sa suliranin. Napakalinaw ng sinasabi ng aming mga artikulo na tanging ang Kaharian lamang ng Diyos ang magdadala ng walang hanggang kapayapaan at katiwasayan sa mga umiibig ng kapayapaan saanman. Ipinananalangin ng mga Saksi ni Jehova ang Kahariang iyan, sila ay namumuhay na kasuwato ng mga simulain ng kapayapaan, at ginugugol nila ang kanilang panahon sa pagsasabi sa iba tungkol dito.—ED.