Sinupil Ako ng mga Demonyo
AKO ay isang spirit medium, isang manggagaway, isang lalaking mangkukulam. Nagsasagawa ako ng panghuhula. Tumitingin ako ng mga pangitain. Ako ay nanggagaway. Nagsasagawa ako ng black magic at voodoo. Karamihan sa espiritistikong mga gawain na hinahatulan sa Bibliya sa Deuteronomio 18:10-12, ay aking ginagawa.
Ang kasama ni Pablo sa paglalakbay na si Lucas ay sumulat: “Isang alilang babae na inaalihan ng espiritu, ng isang demonyo sa huwad na panghuhula, ang sumalubong sa amin. Pinagkakakitaan siya ng malaki ng kaniyang mga panginoon dahil sa sining ng panghuhula.” (Gawa 16:16) Gaya ng kalagayan ng babaing iyon, pinagkalooban din ako ng isang demonyo ng kaalaman sa mga bagay na hindi maaaring malaman sa pamamagitan ng karaniwang mga paraan.
Halimbawa, bago mamatay ang aking lola, alam ko na ang kaniyang kamatayan ay napipinto na. At kapag isang kamag-anak ang magdadalang-tao, nalalaman ko ito bago malaman ng iba. Ang mga ito ay hindi basta mga sapantaha na nagkatotoo; ang kaalaman ko tungkol sa mga bagay na ito sa tuwina ay laging tama. Pagka ginusto kong magkasakit ang isang kapuwa estudyante, guro, o kamag-anak, walang pagsalang magkakasakit sila.
Minsan ay nagalit ako sa aking lola at nais kong siya’y masaktan. Nanawagan ako sa mga demonyo, espisipikong hiniling ko na mahiwa niya sana ang kaniyang sarili—nang hapong iyon nahiwa niya ang kaniyang sarili ng isang kutsilyo.
Nagsasagawa ng voodoo, ginamit ko ang mga pananamit at gumawa ako ng isang larawan ng aking kapatid na lalaki. Ayaw kong istorbuhin niya ako. Pagkatapos, tuwing lalapit siya ng mga sampung piye (3 m) sa akin, makakaramdam siya ng matinding kirot sa kaniyang dibdib at nahihirapang huminga. Kaya natuto siyang lumayo sa akin.
Nang malaunan, isang kakilala ang kumutya sa aking kakayahan na tumawag sa mga demonyo. Alam kong siya’y nagdodroga. Kaya sinabi ko sa kaniya na siya ay aarestuhin at pagkatapos ay palalayain. Ginawa nga ng mga demonyo ang kung ano ang hiniling ko. Sa loob ng dalawang buwan ang lalaking ito ay inaresto. Pagkatapos ang mga paratang ay ibinaba o inalis, at siya ay pinalaya. Hindi na muling pinag-alinlanganan ng lalaki ang aking mga kakayahan.
Pagkasangkot sa Okultismo
Ang aking pamilya ay babad na sa relihiyosong ritwal at paganismo ng Bundok Ozark sa Estados Unidos, kung saan ang mga tao ay gumagamit ng mga gayuma, at katulad nito. Ako ay isinilang pagkatapos lumipat ng aking mga magulang sa San Francisco. Talagang ayaw nila ng mga anak; ito ay humadlang sa kanilang malayang istilo ng pamumuhay. Kaya ako ay pinabayaan, hindi pinagpakitaan ng pag-ibig, hinampas sa emosyonal na paraan. Lagi akong nag-iisa, napopoot sa mga tao.
Ako ay naakit sa okultismo sa maagang gulang. Panonoorin ko ang lahat ng mga pelikula at mga programa sa TV na nagtatampok nito. Nang ako ay mga anim na taon, ako ay isang regular na gumagamit ng Ouija board. Sa katunayan, ako ay hayagan at sabik na nakipagtalastasan sa daigdig ng espiritu. Alam ko na umiiral ang mga demonyo at maginhawang-maginhawa akong nakikipag-usap sa kanila. At pinagkalooban nila ako ng pantanging mga kapangyarihan at kaalaman.
Sinimulan kong basahin ang lahat ng mga aklat tungkol sa okultismo na maaari kong makuha, kinukuha ang mga ito sa mga aklatang pampubliko at, lalo na, sa mga tindahan ng aklat. Isang tindahan, na pinangangasiwaan ng isang spirit medium, ay nagbibili lalo na sa mga nagsasagawa ng pangkukulam, o black magic. Sa pagbabasa ng matandang mga aklat tungkol sa okultismo, natutuhan ko ang mga pangalan ng mga demonyo na pinakipag-ugnayan ng mga taong nagsagawa ng espiritismo noong nakalipas na mga panahon.
At, sa aking mga pakikipagtalastasan sa mga demonyo, sinimulan kong gamitin ang mga pangalang ito kapag ako ay nakikipag-usap sa kanila. At wari bang kailanma’t nakikitungo ako sa isang partikular na demonyo, ang pagkatao ng isang iyon at ang paraan ng paggawa niya ay kakaiba sa iba pang mga demonyo na tinatawag ko. Sa gayon marami akong nakilalang mga demonyo sa pangalan.
Sa pagbabasa ko tungkol sa okultismo, nalaman ko na ang mga demonyo ay mga anghel na nawalan ng pabor o pagsang-ayon ng Diyos at hindi mga espiritu, o mga kaluluwa, ng mga taong namatay. Naawa ako sa mga anghel na ito, at lalo na kay Satanas. Ako’y naging isang mananamba ni Satanas, gayunman, salungat dito, nananalangin pa rin ako sa Diyos. At kapag sinasagot ang aking mga panalangin, naniniwala ako na sinagot ito ng Diyos. Talagang lubusan akong dinaya ni Satanas.—2 Corinto 11:14.
Bagaman binibigyan ako ng pantanging mga kapangyarihan, hindi ako tinulungan ng mga demonyo na maging isang mabuting tao. Sa kabaligtaran, pinilipit nila ang aking pag-iisip na mapoot sa halip na umibig. Di-nagtagal, ako’y naging isang mapakiapid, magnanakaw, lasenggo, mang-aabuso sa droga, at homoseksuwal.
Noong Enero 1974 namatay ang aking lola. Labis itong nakapanlumo sa akin, yamang siya lamang ang taong minahal ko. Nang ako ay bata pa binabasahan niya ako mula sa Bibliya at binanggit niya ang tungkol sa pagkabuhay-muli. Ngayon nais kong matuto nang higit pa tungkol sa pagkabuhay-muli. Mula sa pagkabata nais kong mabuhay magpakailanman, at ipinangako ng mga demonyo na ako ay mabubuhay magpakailanman. Subalit hindi maliwanag kung paano ito mangyayari.
Isang Mahalagang Pagkakilala
Pagkaraan ng ilang panahon pagkalibing ng aking lola, nabanggit ko sa isang babaing nagngangalang Gwen, na kasama ko sa trabaho, na ang wakas ng daigdig ay malapit na subalit walang isa man ang naniniwala rito. Sinabi ni Gwen na naniniwala siya rito at nagtaka siya na alam ko. Nalaman ko ang tungkol dito mula sa mga demonyo, subalit ipinakita sa akin ni Gwen ang mga bagay na ito mula sa Bibliya.
Laging binabanggit ni Gwen ang tungkol kay Jehova at sinasabi na Siya ang magwawakas sa sistemang ito. Sinabi ko sa kaniya na kinapopootan ko ang tunog ng pangalang iyon, Jehova, at hiniling ko sa kaniya na huwag nang gamitin ito. Siya ay nasaktan at sinabi niya na kung hindi niya maaaring gamitin ang pangalan ng isa na pinakamamahal niya, hindi na siya makikipag-usap sa akin, sapagkat Jehova ang pangalan ng Diyos.
Ako ay nabigla. Kaya nang gabing iyon umuwi ako ng bahay at kinukuha ang King James Version, ang Bibliya ng aking yumaong lola, binuksan ko ang mga pahina nito, hinahanap ang pangalang Jehova. Alam ko na kung masusumpungan ko ito sa Bibliyang ito, tama si Gwen, na Jehova ang pangalan ng Diyos. Subalit natitiyak ko na wala ito roon. Nabigla ako pagdating ko sa Exodo 6:3, na kababasahan: “At ako’y napakita kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob, na Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, ngunit sa pamamagitan ng aking pangalang JEHOVA, noon ay hindi ako napakilala sa kanila.”
Natalos ko na si Jehova nga ang Diyos at na kung ihahambing sa kaniya si Satanas ay walang kapangyarihan! Ang pagkakita roon sa Bibliya ng pangalang kinapopootan ko gayundin ang pagkarinig tungkol sa pag-asa ng pagkabuhay-muli, ang nagpangyari sa akin na makipag-aral sa mga Saksi.
Pag-alpas sa Pagsupil ng Demonyo
Hindi nagtagal isinama ako ni Gwen sa isang pulong ng mga Saksi ni Jehova. Ang pahayag ay tungkol sa mabangis na hayop na binabanggit sa aklat ng Bibliya na Apocalipsis, yaong may bilang na 666. Natutuhan ko ang ilang pilipit na impormasyon tungkol dito mula sa mga demonyo, at ngayon talagang namangha ako na ang mga bagay na ito ay nakasulat sa Bibliya. Ako ay interesado, kaya nang sumunod na linggo sinimulan ko ang isang regular na pag-aaral sa Bibliya na kasama ng mga Saksi.
Mangyari pa, ayaw ng mga demonyo na ako ay mag-aral. Subalit alam ko na ang natututuhan ko ay katotohanan, at hindi ko ito isusuko kahit na sikapin ng mga demonyo na pahintuin ako. Hinahampas nila ako samantalang ako ay nasa kama. Minsan napakatindi ng paghampas sa ulo ko anupa’t nangailangan ng mga ilang oras bago napawi ang kirot. Humingi ako ng tulong kay Jehova sa pamamagitan ng panalangin, at pagkatapos noon pinaalis sila ni Jehova sa aking silid.
Gayunman, hindi tumigil ang mga demonyo. Sa labas ng aking kuwarto, kinakalampag nila ang mga bintana. Ginagawa nila ito sa buong magdamag, anupa’t nakakatulog lamang ako ng mga ilang oras. Sinisikap nilang pagurin ako. Subalit patuloy akong nanalangin kay Jehova at nagtungo sa lahat ng mga pulong ng mga Saksi, at tinulungan ako ni Jehova.
Totoo, ang mga demonyo ay may malaking kapangyarihan. Maaari pa nga nilang patayin ang mga tao, gaya ng ginawa nila sa sampung anak ni Job. (Job 1:18, 19) At natitiyak kong nais nila akong patayin, yamang ako’y naging alipin nila na pinagkalooban nila ng pantanging kapangyarihan subalit ngayon ay tinatalikdan sila upang paglingkuran ang kanilang kaaway, ang Diyos na Jehova. Kaya ang kakayahan ni Jehova na pangalagaan ako ay isang patotoo na hindi natin dapat katakutan ang mga demonyo.
Noong tag-araw ng 1974 dumalo ako sa pandistritong kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Oakland-Alameda County Stadium. Doon ay nagpasiya ako na sa susunod na kombensiyon ako ay magpapabautismo. Kaya, sa istadyum ring iyon, noong Hulyo 18, 1975, ako’y nabautismuhan, at nag-asawa ng isang kapuwa Saksi ng Oktubre ng taóng iyon.
Kahit na pagkaraan na kami ni Mari ay makasal, ginugulo kami ng mga demonyo, kung minsan ay tinatakot ang aking asawa. Si Mari ay membro ng kongregasyon kung saan ako dumadalo ng mga pulong. Alam niya ang lahat tungkol sa aking pinagmulan bago kami nagpakasal. Sabi pa nga niya na may suspetsa siya na ako ay isang lalaking mangkukulam nang una akong dumalo sa Kingdom Hall. Talagang kakatwa ako. Itim na itim ang suot ko at hindi ako nakikipag-usap kaninuman, basta dumadalo ako sa mga pulong at nauupo roon.
Noong minsan inakala namin na mapapalaya lamang kami sa panliligalig ng mga demonyo kapag sila at si Satanas ay ibulid na sa kalaliman. (Apocalipsis 20:1-3) Dahilan sa paglapit namin kay Jehova sa panalangin at pagsasamantala sa lahat ng espirituwal na paglalaan na ginagawa niya sa pamamagitan ng kaniyang organisasyon, matagal nang hindi kami nililigalig ng mga demonyo na gaya ng ginagawa nila noong una.
Kami ay pinagpala na magkaroon ng tatlong magagandang anak na babae, at sa nakalipas na apat na taon, si Mari ay naglilingkod sa ministeryo bilang isang regular payunir. Kami ay tunay na tumitingin sa hinaharap kapag si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay mawawala na magpakailanman! Pansamantala, bagaman hindi na kami dumaranas ng tuwirang panggugulo mula sa mga demonyo, hinding-hindi namin nakakalimutan na tayo ay may pakikipagbaka laban sa kanila, gaya ng isinulat ni apostol Pablo: “Tayo ay may pakikipagbaka, hindi laban sa dugo at laman, kundi . . . laban sa pansanlibutang mga tagapamahala ng kadilimang ito, laban sa mga hukbo ng balakyot na mga espiritu sa dakong kalangitan.” (Efeso 6:12)—Gaya ng isinaysay ni Ralph Anderson.
[Blurb sa pahina 12]
Kailanma’t nakikitungo ako sa isang partikular na demonyo, ang pagkatao nito ay naiiba sa iba pang demonyo