Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g87 4/8 p. 4-8
  • Aborsiyon—Isang Nababahaging Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Aborsiyon—Isang Nababahaging Daigdig
  • Gumising!—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Pangunahing mga Isyu
  • Kailan Nagsisimula ang Buhay?
  • Salungatan sa Palagay
  • Ang Problema ng Romano Katoliko
  • Mga Panganib ng Ilegal na mga Aborsiyon
  • Taglay ba ng mga Relihiyong Ito ang Kasagutan?
    Gumising!—1993
  • Aborsiyon—Hindi Talaga Solusyon
    Gumising!—2009
  • Ang Kalunus-lunos na Kamatayan Dahil sa Aborsiyon
    Gumising!—1993
  • Ang Problema sa Aborsiyon—Ang Pagpatay ba sa 60 Milyon ang Lunas?
    Gumising!—1993
Iba Pa
Gumising!—1987
g87 4/8 p. 4-8

Aborsiyon​—Isang Nababahaging Daigdig

GAANO karaming aborsiyon​—legal at ilegal​—ang isinasagawa sa buong daigdig taun-taon? Ang aklat na Abortion ay nagsasabi na ang bilang ay malamang na “halos katumbas ng bilang ng kamatayan ng mga adulto”​—mga 45 milyon. Subalit tinataya ng International Planned Parent Federation na ang bilang ay kasintaas ng 55 milyon!

Ang U.S.S.R. ang unang bansa na ginawang legal ang aborsiyon, noong taóng 1920. Itinala ng isang di-tiyak na ulat kamakailan ang halos limang milyon sa isang taon. Sang-ayon sa mga opisyal ng ministri ng kalusugan sa Tsina, ang mga aborsiyon doon ay umaabot ng siyam na milyon​—sangkatlo ng bilang ng mga pagdadalang-tao. Ang Hapón ay may mahigit na dalawang milyon, at ang Estados Unidos ay nag-uulat ng mahigit isa at kalahating milyon. Ang Britaniya ay mayroong halos isang-ikaapat ng isang milyon.

Sa Romano Katolikong Espanya at Ireland, ang aborsiyon ay hindi legal. Gayunman sampu-sampung libo pa ring mga babae ang nagpapalaglag taun-taon. Papaano? Mangyari pa, may mga klinika na ilegal na umaandar. Subalit ang pamamaraan na ginagamit ng maraming mga babae ay basta magtungo sa isang bansa kung saan ang aborsiyon ay legal, ang Britaniya ang paboritong napipili.

Maliwanag, hindi lahat ng mga aborsiyong ito ay isinasagawa dahilan sa ang mga sanggol ay maaaring ipanganak na may depekto, alin sa pisikal o mental, o dahilan man sa ang pagdadalang-tao ay bunga ng panggagahasa o insesto. Ipinakikita ng mga bilang sa Britaniya na wala pang 2 porsiyento ng mga aborsiyon ay sa mga kadahilanang ito. Bakit, kung gayon, napakaraming aborsiyon? May dalawang pangunahing dahilan.

Ang Pangunahing mga Isyu

Ang pagkontrol sa populasyon noong sinaunang panahon ay hindi isang suliranin. Malugod na tinatanggap ng mga tribo at mga bansa ang pagdami ng bilang, at ang mga babae ay bihirang may dahilan upang takdaan ang laki ang kanilang mga pamilya. Anumang aborsiyon ay karaniwang ilegal at bunga ng pangangalunya o pakikiapid.

Sa kabaligtaran, ngayon ang isang patakaran ng aborsiyon ay maaaring taguyod ng gobyerno. Sa pamamaraang ito ang dami ng isinisilang ay maaaring mapigil sa mga bansa kung saan may panganib tungkol sa pagsabog ng populasyon.

Bagaman ang gayong panganib ay hindi umiiral sa maraming bansang Kanluranin, ang bilang ng kanilang mga aborsiyon ay tumataas pa rin. Bakit? “Kung naniniwala tayo sa kalayaan ng mga babae,” idiniriin ng isang babaing tagapagsalita ng Religious Coalition for Abortion Rights sa New York City, “dapat tayong maniwala na ang mga babae ay may karapatan na gumawa ng kanilang sariling moral na mga pagpili o pasiya.”

Subalit minsang ang isang babae ay maglihi, mayroon ba siyang hindi matututulang karapatang magpasiyang tanggihan ang papel ng ina, at ipalaglag ang sanggol? Kanais-nais ba ang gayong landasin? Ito ang pinaka-pokus ng debate ngayon pabor at laban sa aborsiyon. Ano ang kasagutan?

Malaki ang nakasalalay sa mga katuturan o kahulugan. Ano ba ang buhay? Kailan ito nagsisimula? Mayroon bang legal na karapatan ang hindi pa isinisilang na sanggol?

Kailan Nagsisimula ang Buhay?

Kapag pinagsama ng binhi ng lalaki ang 23 kromosomo nito sa katulad na dami na itlog ng babae, isang bagong buhay na tao ang ipinaglilihi. Mula sa panahong ito ng paglilihi, ang sekso at iba pang personal na mga detalye ay walang pagbabagong naitatag. Ang tanging pagbabago ay sa paglaki sa loob ng siyam na buwan na panahon ng pagdadalang-tao. “Isang biyolohikong katotohahan na sabihing ikaw ay minsan isang solong selula,” sulat ni Dr. John C. Willke. Kaya ang buhay ba ay nagsisimula sa sandali ng paglilihi? Ang marami ay basta sumasagot ng oo. Para roon sa mga may ganitong pag-iisip, ang aborsiyon sa anumang panahon ay katumbas ng kusang pagpatay.

Sinasabi ng iba na ‘ang buhay ay nagsisimula mga 20 linggo pagkatapos ng simulang paglilihi.’ Bakit ganito nila minamalas ang bagay na ito? Sapagkat sa panahong ito halos nararamdaman ng ina ang pagkilos ng sanggol na ipinagbubuntis. Ang yugtong ito ay tinatawag kung minsan na “mabilis na paglaki.” Ang buháy na mga panganganak ay maaaring maganap mula sa ika-20 linggo ng pagdadalang-tao, at ang mga aborsiyon ay karaniwang isinasagawa anumang panahon hanggang sa ika-24 na linggo ng pagdadalang-tao, isang salik na panahon na karaniwang tinatanggap. Kung gayon, ito ba ang panahon kung kailan ang isang sanggol ay legal na itinuturing na buháy?

Sa Britaniya hindi kinikilala ng batas ang isang hindi pa isinisilang na sanggol bilang isang tao. Sa ilalim ng gayong mga kalagayan ang aborsiyon ay hindi legal na matatawag na sadyang pagpatay. Subalit minsang makalabas ang bata sa katawan ng ina, kahit na kung ang tali ng pusod ay nakakabit pa, ang pagpatay sa batang iyon ay isang kasalanang kriminal. Sa panahong iyon ang bata ay may legal na mga karapatan. Kaya sa legal na paraan, mula sa paninindigang ito, ang buhay ay nagsisimula sa pagsilang.

Ang Judiong palagay, gaya ng pahiwatig ng Punong Rabbi ng Britaniya, ay sumasang-ayon. Ang buhay ay hindi “nagsisimula hanggang sa sandali ng pagsilang,” sabi niya, susog pa niya: “Hindi namin itinuturing na pagpatay ang pagsira o pagpatay sa hindi pa isinisilang na sanggol.” Kumusta naman ang sanggol na ipinagbubuntis, ang sanggol na lumalaki sa bahay-bata? Sa Marital Relations, Birth Control and Abortion in Jewish Law, ganito ang sabi ni Rabbi David M. Feldman ng New York: “Ang sanggol na ipinagbubuntis ay hindi nakikilala, hinaharap, potensiyal, bahagi ng ‘mga lihim ng Diyos.’”

Salungatan sa Palagay

Mula rito madaling ikatuwiran na ang aborsiyon ay tinatanggap sa relihiyosong paraan. Subalit hindi gayon ang palagay ng lahat ng mga relihiyon. Isaalang-alang ang opisyal na pangmalas ng Romano Katoliko.

Ipinagpatuloy ni Papa Pius IX noong 1869 ang parusang ekskomunikasyon para sa aborsiyon ng isang binhi sa anumang gulang. Noong 1951, muling binanggit ni Pius XII ang simulain, na sinasabi: “Lahat ng kinapal na tao, kahit na ang bata na nasa bahay-bata ng ina, ay tumatanggap ng karapatan nito sa buhay nang tuwiran mula sa Diyos, hindi mula sa mga magulang nito.” Nagsasalita sa Kenya noong 1985, tahasang ipinahayag ni John Paul II: “Ang mga pagkilos na gaya ng kontrasepsiyon at aborsiyon ay masama.”

Gayunman, maraming Katoliko ngayon ang naninindigan na ang gayong saloobin ay lipás na at dapat na baguhin. Bunga nito, ang mga Romano Katoliko ay nababahagi sa isyung ito. Narito ang ilang mga katotohanan.

Ang Problema ng Romano Katoliko

Iginigiit ni Kardinal Bernardin, tagapangulo ng Committee for Pro-Life Activities ng mga obispong Amerikano, na ang aborsiyon ay moral na masama at na ang opisyal na katayuan ng simbahan ay sumasaklaw sa lahat ng mga Romano Katoliko. Muli, ang Romano Katolikong propesor ng teolohiyang moral sa Notre Dame University sa Estados Unidos, si James T. Burtchaell, ay sumulat noong 1982: “Ang aking argumento ay prangka. Ang aborsiyon ay omisidyo: ang pagpatay sa isang bata.” Gayunman, pagkaraan ng apat na taon, ang paring si Richard P. McBrien, tagapangulo ng departamento ng teolohiya sa pamantasan ding iyon, ay nagsikap na ipaliwanag na ang aborsiyon ay hindi isang malinaw na doktrina ng kaniyang simbahan.a Sang-ayon sa palagay na ito, ang mga Katolikong sumusuporta sa aborsiyon ay hindi maaaring itiwalag sa simbahan, bagaman sila ay maaaring ituring na di-tapat.

Dahilan sa di-katiyakan ng awtoridad ng simbahan, maraming prominenteng mga Katoliko ang tahasang nagsasalita na pabor sa aborsiyon. Kabilang sa mga ito sa Estados Unidos ang ilang mga pari. Gayundin ang maraming madre, na ang ilan ay nagpadala ng isang kontrobersiyal na anunsiyo sa pahayagan tungkol sa aborsiyon kung saan sila ay nanganib na paalisin sa kanilang mga orden.

Karagdagan pa, ang karaniwang mga Katoliko ngayon ay bumubuo ng isang aktibong pangkat na umiimpluwensiya sa pagsasabatas na pabor sa aborsiyon. “Ako ay nasa impluwensiya ng kaisipan ng karaniwang Katoliko,” giit ni Mrs. Eleanor C. Smeal, pangulo ng NOW, ang National Organization for Women, sa isang rally tungkol sa aborsiyon sa Washington, D.C., E.U.A. Kasabay nito, sang-ayon sa The New York Times, hinamak niya ang mungkahi na ang kaniyang pagtaguyod sa karapatan sa aborsiyon ay maaaring humantong sa kaniyang ekskomunikasyon mula sa Iglesya Katolika Romana.

Nasusumpungan ng Iglesya sa Roma na pahirap nang pahirap na lutasin ang gayong nagkakasalungatang mga palagay sa loob ng mga membro nito.

Mga Panganib ng Ilegal na mga Aborsiyon

Ang pagpapasa ng mga batas at mga utos ay isang bagay. Gayunman, kahit na taglay ang pinakamabuting mga motibo, lubhang kakaibang bagay naman para sa sinumang awtoridad na sikaping ipatupad ang isang kapasiyahan tungkol sa aborsiyon. Matalik at personal na nasasangkot ang mga tao. Sa ilalim ng kaigtingan, ang mga tao ay maaaring maging hindi mahulaan.

Kung magtagumpay ang pagsasabatas na laban sa aborsiyon, alin sa paghadlang sa pamahalaan na gawing legal ang aborsiyon o sa pagpapawalang-bisa sa umiiral na pagbabatas, ano kung gayon? Nilulutas ba niyan ang anumang problema? “Hahanap at hahanap ng paraan ang isang babae [upang magpalaglag], kung minsan sa kasawian ng kaniya mismong buhay,” sabi ni Marilyn Waring, isang Membro ng Parlamento sa New Zealand na pabor sa aborsiyon, “at walang magagawa ang mga pulitiko, o mga batas, upang pigilin siya.” At nariyan ang malakas na argumento. ‘Alin ang mas mabuti?’ tanong niyaong mga nagtataguyod sa aborsiyon.

Kung saan ang aborsiyon ay legal, kahit na mayroon pa ring ilang mga kamatayan, ang aborsiyon ay isinasagawa sa ilalim ng mahigpit na medikal na superbisyon. Sa kabilang panig, maraming namamatay sa ilegal, “tabi-tabi lamang” na mga aborsiyon, yamang ang mga ito ay kadalasang isinasagawa ng hindi kuwalipikadong tauhan sa hindi malinis na mga kalagayan. Sa Bangladesh, halimbawa, tinatayang 12,000 mga babae ang namamatay taun-taon bunga ng gayong mga aborsiyon.

Subalit sa lahat ng ito, mayroon pang ibang salik ng tao na dapat isaalang-alang. Ano ang nadarama ng mga doktor at mga narses na nagsasagawa ng aborsiyon? Anong uri ng pisikal, mental, at emosyonal na kabayaran ang ibinabayad ng magiging ina​—at ama na nagpapalaglag? Ang mga katanungang ito ang susunod nating isasaalang-alang.

[Talababa]

a Ang isang “malinaw na doktrina” ay isa na ipinalalagay bilang walang pagkakamali na ipinalalaganap ng Iglesya Katolika Romana sa ilalim ng awtoridad ng papa.

[Kahon sa pahina 5]

Mapagpipiliang mga Katawagan

Kadalasang pinipili ng mga tagapagtaguyod ng aborsiyon na tawagin bilang mga tagapagkampaniya pabor-sa-pagpili, kung paanong yaong mga salungat sa aborsiyon ay kadalasang tinatawag ang kanilang mga sarili na mga manggagawang pabor-sa-buhay. Sa mga artikulong ito, alang-alang sa kaliwanagan, ang mga katagang pabor-sa-aborsiyon at laban-sa-aborsiyon ay laging ginagamit.

[Larawan sa pahina 5]

“Kailangan nating maniwala na ang mga babae ay may karapatang gumawa ng kanilang sariling moral na mga pagpapasiya,” sabi ng marami

[Credit Line]

H. Armstrong Roberts

[Larawan sa pahina 7]

Maraming babae ang tahasang nagsasalita laban sa aborsiyon

[Credit Line]

H. Armstrong Roberts

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share